Paghuhukay, ni Edward Thomas

Salin ng “Digging,” ni Edward Thomas ng United Kingdom
Salin sa pandagdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paghuhukay

Tanging sa halimuyak
Ako ngayon nag-iisip—mga samyo ng tuyong dahon,
At dawag ng pakô, at ilahas na buto ng karot,
At pitak ng mustasa sa bukid;

Ang mga amoy na umaahon
Kapag nasugatan ng pála ang ugat ng punongkahoy,
Rosas, groseya, sampinit, o gota,
Ruybarbo o kintsay;

Gayundin sa amoy ng usok
Na dumadaloy mula sa pinagsisigâan
Ng patay, ng basura, ng mapanganib
At lahat ng pinagbabanyuhay na katamisan.

Sapat nang
Sumamyô, durugin ang itim na lupa,
Habang inaawit muli ng robin
Ang malulungkot na himig sa natutuwang Taglagas.

Alimbúkad: World poetry translation project in celebration of global Filipino. Photo by Autumn Mott Rodeheaver @ unsplash.com

Tatlong Tula ni Federico García Lorca

Salin ng tatlong tula ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawing Walang Awit

[Paisaje sin cancion]

Bughaw na langit.
Dilaw na bukid.

Bughaw na bundok.
Dilaw na bukid.

Sa sunóg na kapatagan
ay bumagtas ang olibo.

Ang solong
olibo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Paolo Chiabrando @ unsplash.com

Panganorin

[Horisonte]

Ang araw na walang sinag
ay nápon sa lungting hipák.

Nasa lilim niyong pampang
ang bangkang nanánagínip,
at ang tapat na kuliling
ay sinusukat ang lungkot.

Sa dati kong kaluluwa
ay tumunog ang maliit
na pinilakang kalatong.

Panganorin [Horizon].

Mangingisda

[Pescadores]

Ang mga gugò
ng dambuhalang punòngkahoy
ay namimingwit ng bibihirang
mga tópo sa lupa.

Ang alosay sa likuran ng sanaw
ay namimingwit ng mga ruwisenyor.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Kal Visuals @ unsplash.com

Parang, ni Antonio Machado

Salin ng “Campo,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Párang

Agaw-buhay ang takipsilim
gaya ng munting apoy na nauupos sa bahay.

Doon, sa tuktok ng mga bundok,
iilang gatong na lámang ang natitira.

At ang bakling punongkahoy sa puting daan
ay paluluhain ka dahil sa pagmamahal.

Dalawang sanga sa warát na bungéd, at isang
dahong itim at kuluntoy sa bawat sanga!

Umiiyak ka? Sa mga gintong álamo sa malayo
ay naghihintay sa iyo ang anino ng pag-ibig.

Ang mga Ikon, ni James K. Baxter

Salin ng “The Ikons,” ni James K. Baxter ng New Zealand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Ikon

Matigas, mabigat, mabagal, madilim
O yaon ang nabatid ko, ang mga kamay ni Te Whaea

Na tinuturuan akong yumao. Sasapit pagkaraan ang gaan
Kapag ang puso’y nilusaw ang di-makatarungang pag-asa

Para sa natatanging trato. Ngayon, bitbit ko ang balde
Sa binakurang bukirin ng mga musmos na damo,

Na maselan gaya ng malalapad na dahon ng pakô,
at naghahanap ng mga kabute. Sandosena ang nakita ko,

mumunti ang karamihan at kinain ng mga uod ang iba,
Ngunit isasahog ko pa rin sa sopas. Napakatagal na

Mula nang bumagsak ang mga dakilang ikon,
Diyos, Maria, bahay, sex, panulaan,

Alinman ang ginagamit ng ibang tao bilang tulay,
Para tawirin ang ilog na iisa ang pampang,

Kahit ang ngalan mo’y paraan ng pagsasabing—
‘Ang puwang sa loob ng abrigo’— ang dilim na tinawag

Kong diyos, ang dilim na tinatawag kong Te Whaea,
Paanong isasalin ang bughaw, payapang langit ng gabi

Na nilalagusan ng eroplano, gaya ng putakti o baldeng
Tangan, tungo sa kung saan? Naghanap ako ng kabute

Sa mga parang, at bumigwas ang kamao ng pananabik
Sa aking puso, hanggang walang maaninag sa dilim.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs! The train of change is coming.

Tanawin at Daan Pauwi, ni Ryuichi Tamura

salin ng mga tula sa Hapones ni Ryuichi Tamura.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TANAWIN 1

Bumulusok sa langit ang ibon
Naroon ang bukid
para sa isang ibong binaril noong walang katao-tao

Lumabas ng bintana ang palahaw
Naroon ang daigdig
para sa palahaw na binoga noong walang katao-tao

Naroon ang langit para sa maya. Bumagsak ang munting maya sa langit
Naroon ang bintana para sa sigaw. Narinig ang sigaw sa bintana lamang

Hindi ko alam kung bakit gayon
Nadarama ko lamang kung bakit gayon

Para sa ibon, kailangan ang kung anong taas
Kailangang may bagay na ipinid nang mahigpit
upang marinig ang siyap

Habang may patay na ibon sa bukid, sakmal ng kamatayan ang aking isip
Habang sakmal ng kamatayan ang isip, walang tao sa bintana ng daigdig

DAAN PAUWI

Hindi na dapat ako nag-aral ng mga salita
higit na makagagaan sa akin
kung mamumuhay ako sa daigdig
na walang saysay ang mga pakahulugan,
ang daigdig na walang mga salita

Kung maghiganti sa iyo ang maririkit na salita
ay wala akong pakialam
Kung paduguin ka ng mga impit na pahiwatig
ay hindi ko na iyan dapat alalahanin

Ang mga luha sa iyong matimtimang mata
ang kirot na tumutulo mula sa tahimik na dila—
Susulyapan ko lamang iyon at tatalikdan palayo
kung ang ating daigdig ay walang mga kataga

May kubli bang pakahulugan
ang mga luha mong gaya ng ubod ng prutas?
May kumikinig bang alunignig ng kislap ng gabi
ang takipsilim ng daigdig sa patak ng dugo mo?

Hindi na dapat ako natuto ng mga salita
kahit alam ko ang Hapones at katiting na banyagang wika
Tuwid akong nakatindig sa loob ng iyong mga luha
at mag-isang nagbabalik padaloy sa iyong dugo

Mula sa Kailaliman ni Georg Trakl

salin ng tulang “De Profundis” ni Georg Trakl mula sa orihinal na Austríyako
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mula sa Kailaliman

Pumapatak ang itim na ulan sa bukid na hitik sa dayami.
Malungkot na nakatirik ang nag-iisang kayumangging puno.
Sumisipol ang hangin na nagpapangalisag sa mga kubol.
Ay, anung lungkot ang bumabalot sa magdamag.

Sa kabila ng sanaw ng nayon,
banayad na tinitipon ng mayuming ulila ang natitirang mais.
Nakapako sa takipsilim ang namimilog, bulawan niyang mata.
Naghihintay ng mapapangasawa ang kaniyang kandungan.

Nang umuwi ng bahay ang mga pastol,
natagpuan nila ang maalindog, malantik na lawas
na inaagnas sa palumpong ng matitinik na rosal.

Anino akong malayo  sa liblib na nayong makulimlim.
Nilalagok ko ang katahimikan
ng Bathala mula sa matang-tubig ng mga kahuyan.

Naglalandas  sa aking noo ang hubog ng malamig na metal.
Ginagalugad ng mga gagamba ang aking puso.
At may liwanag na mabibigong mamutawi sa aking bibig.

Natagpuan ko ang sarili isang gabi sa rabaw ng pastulan
na hitik sa basura at layak at alabok ng mga bituin.
Doon sa kulumpon ng mayayabong na abelyana,
ano’t biglang nagpaalunignig ang mga kristal na anghel.

Pintura ni Felix Resurrecion Hidalgo

"Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho," pintura ni Felix Resurrecion Hidalgo