Rikit, ni Kabir

Salin ng klasikong tula ni Kabir ng India, batay sa bersiyong Ingles nina Rabindranath Tagore at Evelyn Underhill
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo 

  
 Rikít
  
 Kabir [1440—1518] 
  
 Huwag dumako sa hardin ng bulaklak!
 Kaibigan, huwag kang dumako roon!
 Nása láwas mo ang hardin ng bulaklak;
 Umupô sa sanlaksang talulot ng lotus,
 At tumitig sa kariktang walang wakas. 
Alimbúkad: Poetry silence as meditation. Photo by Caroline Anderson on Pexels.com

Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Sa pagsasauli ng orihinal na tulang hindi sa akin, ni Roberto Fernández Retamar

Salin ng “Al devolver el original de un poema que apenas es mío,” ni Roberto Fernández Retamar ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa pagsasauli ng orihinal na tulang hindi sa akin

Siya ang sumulat ng mga bersong sinipi ko.
Ito ay mula sa mga imbentor at nagpapanariwa ng mga salita.
Ito ay mula sa tao na masigasig na itinago yaon at sakim
magpamigay.
Ito ay mula sa kung sinong nagpasiyang ipamahagi yaon.
Ito ay isa pang anyo ng pagkakataon.
Ito ay binagong ilusyon na pagganap sa papel ng mga bulaklak.
Ito ay himpilan ng pag-asa.
Ito ay hinggil sa mga mata.
Ito ay maaaring kabulaanan.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Eternal at Ennui, ni Giuseppe Ungaretti

Salin ng dalawang tula ni Giuseppe Ungaretti ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Eternal

Sa pagitan ng bulaklak na pinitas at ng isa pang ibinigay
ay ang di-maihayag-hayag na kawalan.

Ennui

Makararaos kahit ang gabing ito

sa gumagalang pag-iisa
ng patayon-tayong anino ng mga kawad-tren
sa mahalumigmig na aspalto.

Pinanood ko ang mga ulo ng mga tsuper
na lupaypay
at himbing na himbing.

Guru, ni Roberto T. Añonuevo

Guru

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Ang sentro ang bulkan at ang bulkan ay umáhon sa palad ko noong isang araw. Hipan ito at lalong uusok at mapopoot. Takpan ito at mabilis sasabog. Ipinaloob ko sa bulsa ang aking kamao, at sa loob ng limang minuto’y wala na ang bulkang pinipigil umatungal. Maya-maya’y naramdaman ko ang apoy sa aking bayag, at ang bulkan ay pitong kilometro ang naratibo hinggil sa pag-iral ng paruparo. Ang paruparo? Kisapmata ang isang siglo, at marahil kayâ minamahal ng mundo. Isang taon ang lumipas, at ang gunita ng bulkan ay nagpasigla ng ekta-ektaryang rosas—na kakatwang pinakinabangan ng ibang lupalop. Maraming katwiran ang bulaklak, ngunit hindi nito kapalaran ang kapana-panabik na silakbo ng paikid na apoy. Hinahanap ko ngayon ang bulkan; at nang basahin muli ang palad, ang bulkan ay hindi na bulkan bagkus lumalargang kawan ng mga ibon. Kagila-gilalas na iginuguhit nito sa himpapawid ang ngalan ko habang lumilipad papalayo, at waring sumisigaw, nang hindi umuusal, na hindi ako, hindi ako ang sentro ng uniberso.

Awit ng Bulaklak, ni Paavo Haavikko

Salin ng “A Flower Song” ni Paavo Haavikko ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni Anselm Hollo

Awit ng Bulaklak

Naglalaro wari ang mga agoho;
walang humpay ang ulan
ng mga bungang alimusód;
O ikaw, anak ng mangangahoy,
na kasingtarik ng mga bundok,
na kasinggaspang nito’t kasingrilag,
makinig,
kung hindi ka pa napapaibig, kung hindi
ko labis na minahal (ang pinakamapapait
mong salita
noong naghiwalay tayo), ay! makinig—
ang mga bungang alimusód ay umuulan
sa iyo nang masagana, walang patid,
walang awa.

Awit ng Bihag na Uwak, ni Georg Trakl

Salin ng “Gesang einer gefangenen Amsel,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Bíhag na Uwak

Para kay Ludwig von Ficker

May hiningang itim sa mga lungting sanga.
Binálot ng munting bughaw na bulaklak
Ang mukha ng nag-iisang tao, at naupos
Ang gintong hakbang sa lilim ng punong olibo.
Pumapagaspas ang gabi sa lasing na pakpak.
Marahang dumugo ang pagpapakumbaba,
At tumulò ang hamog sa sumupling na tinik.
Ang malasakit ng nangagniningning na bisig
Ay yumayapos doon sa nabibiyak na puso.

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas, ni Edith Södergran

Salin ng “Höstens sista blomma,” ni Edith Södergran ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Inihele ako sa duyan ng tag-araw,
Itinadhana akong magbantay sa simoy Nórdiko;
sumiklab ang mapulang apoy
sa aking maputing pisngi.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Ako ang pinakabatàng butó ng patay na tagsibol,
At napakadalȋng mamatay bilang pangwakas.
Nakita ko ang lawàng kahanga-hanga’t bughaw,
Narinig ko ang pitlag ng puso ng patay na tag-araw,
Walang ibang butil ang kalis ko kundi kamatayan.

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Nakita ko ang mabituing rurok ng taglagas;
Kimkim ko ang liwanag sa malalayong dapugan,
At napakadaling sundan ang parehong daan.
Ipipinid ko ang mga lagusan hanggang kamatayan.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.

Stop weaponizing the law. Anti-drugs campaign should not be used to trample human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing.