Salmo I, ni Georg Trakl

Salin ng “Psalm I,” ni Georg Trakl ng Austria.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Salmo I

Ikalawang Bersiyon

Para kay Karl Kraus

May liwanag na pinawi nang lubos ng hihip ng hangin.
May poso ng bayan na iniwan ng lasengggo noong hapon.
May ubasan, na sunog at itim, na sinapot ng mga gagamba.
May silid na pinaputi nila sa pamamagitan ng gatas.
Yumao ang siraulo. May pulô doon sa Timog Dagat
na tumatanggap sa Diyos ng Araw. Hinataw ang mga tambol.
Isinasayaw ng mga lalaki ang isinasadulang digma.
Kumekembot ang mga babaeng may palamuti ng mga dahon
at bulaklak, kapag umaawit ang dagat. O naglahong paraiso!

Iniwan ng mga diwata ang mga bulawang kahuyan.
Inilibing ang estranghero. Pumatak ang nangangatal na ulan.
Ang anak ni Pan ay lumitaw sa anyo ng manggagawa
na umiidlip kapag tanghali sa mainit na aspaltadong daan.
Ang mga dalaginding ay nakabihis sa lubos na karalitaan!
May mga silid na hitik sa mga kuwerdas at sonata.
May mga nagyayakap na anino sa malabong salamin.
Sa mga bintana ng ospital nagpapainit ang mga pasyente.
Hatid ng puting bapor ang nakahahawang duguang sakit.

Lumitaw ang kakatwang kapatid sa masamang bangungot
ng ibang tao. Nilarô ng kaniyang kapatid ang mga bituin
sa sukal ng mga abelyana. Ang estudyante, na tila kapares,
ay tinitigan siya mula sa bintana.
Sa likod niya’y nakatayô ang kaniyang patay na kapatid,
o di kaya’y naglalakad sa paikot-ikot na hagdan.
Sa lilim ng kayumangging kantanyas namumutla ang nobisyo.
Tumakipsilim sa hardin. Kumampay ang mga paniki sa klawstro.

Huminto maglaro ang mga bata ng mayordomo’t naghanap
ng mga ginto sa kalangitan.
Pangwakas na kuwerdas ng kuwarteto. Tumakbo ang bulag
na batang babae na nangangatog sa kahabaan ng abenida,
at pagdaka’y nangapâ ang anino niya sa malalamig na pader,
na pinalilibutan ng mga kuwentong-ada at sagradong alamat.

May hungkag na bangka na tuwing gabi’y tinatangay ng alon
sa maitim na estero.
Sa malamlam na sinaunang asilo, naaagnas ang mga bangkay.
Ang mga patay na ulila ay nakahiga sa gilid ng pader ng hardin.
Lumabas sa abuhing silid ang mga anghel na putikan ang bagwis.
Sumungaw sa kanilang nanganinilaw na pilik ang mga uod.
Madilim at pípi ang plasa sa harap ng simbahan, gaya noong dati.
Sa pinilakang talampakan nagpadulas ang dating mga búhay,
at ang lilim ng kondenado ay lumusong sa humihikbing tubigan.
Pinaglaruan ng salamangkero sa kaniyang hukay ang mga ahas.

Sa rabaw ng talaksan ng mga bungô, umalimbukad ang gintong
paningin ng Maykapal.

Dictatorship is no joke. Respect human rights. No to illegal arrest. Stop illegal detention.

Advertisements

Ang Karahasan ng mga Oras, ni César Vallejo

Ang Karahasan ng mga Oras

Salin ng “La violencia de las horas,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . .Yumao ang lahat.
. . . . . . . .Namatay si Ginang Antonia, na namaos, na naghurno ng mga murang tinapay sa nayon.
. . . . . . . .Namatay ang kurang si Padre Santiago, na ibig batiin ng mga kabataan, at binabatì ang kung sino-sino: Magandang umaga, José! Magandang umaga, Maria!
. . . . . . . .Namatay si Carlota, ang may bulawang buhok, at iniwan ang isang sanggol, na pagkaraan ay mamamatay din, walong araw pagkalipas mamatay ang ina.
. . . . . . . .Namatay ang aking Tiya Albina, na malimit awitin ang mga minanang tiyempo at modo, habang nananahi sa mga loob ng koredor, para kay Isidora, na pagiging katulong ang trabaho, at labis na kagalang-galang na tao.
. . . . . . . .Namatay ang matandang bulag ang isang mata, hindi ko matandaan ang kaniyang ngalan, ngunit natutulog siya kahit sa sinag ng umaga, at nakaupo sa sulok ng pintuan ng ohalatero.
. . . . . . . .Si Rayo ay namatay, ang asong kasintangkad ko, at binaril ng kung sinong tao.
. . . . . . . .Namatay si Lucas, ang aking bayaw, na namayapa ang mga baywang, at natatandaan ko tuwing umuulan, at walang sinuman ang may gayong karanasan.
. . . . . . . .Namatay si Nanay nang dahil sa aking rebolber, ang aking ate sa aking kamao, at ang aking kuya sa aking duguang lamanloob, ang tatlong binigkis ng kung anong pighati, sa buwan ng Agosto noong mga sumunod na taon.
. . . . . . . .Namatay ang musikong si Méndez, ang matangkad at lasenggo, na humihimig ng malungkuting tokata sa kaniyang klarinete, na ang pagpapalawig ay nakapagpapahimbing ng mga inahing manok ng aming kapitbahay, bago pa man sumapit ang takipsilim.
. . . . . . . .Namatay ang aking eternidad, at pinupukaw ko ito ngayon.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Minahan ng Ginto sa Masbate

Napakalapit lamang ng Isla Masbate sa Maynila ngunit nakatago rito ang lihim na likas yaman. Nagluluwal ng 200 libong onsa ng bulawan ang Masbate kada taon, at katunayan, sang-anim [1/6] na ginto na matatagpuan sa buong bansa ay angkin ng nasabing isla, ayon sa websayt ng Leighton Asia. Binubutas, inuukit, at tinatabas ng Leighton Asia/Leighton Philippines ang kabundukan sa Masbate, upang pagkaraan ay tanggalin ang mahigit 14 bilyong tonelada ng basurang materyales at mahigit 14 bilyong tonelada ng mina [ore] sa loob ng walong taon.

Ibinunyag kamakailan ng Wikileaks na lumabag sa mga batas at reglamento ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc.  sa pagmimina sa Masbate, batay sa awdit report ng Bureau Veritas noong 2008. Ang Leighton Asia/Leighton Philippines ay pag-aari ng Leighton Holdings ng Australia, at pangunahing kontratista sa P2323 Masbate Gold Project.

Kabilang sa mga pagkukulang ng Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. ay ang sumusunod: una, lumabag ito sa OHSAS 18001 Occupational Health and Safety Series nang hindi nito isinaalang-alang ang buhay at kalagayan ng tao sa pagtukoy ng peligro at pagtatasa ng panganib; ikalawa, hindi sumunod ang kompanya sa mga reglamento kung katanggap-tanggap o hindi ang pagtatasa sa peligro.

Ayon pa sa natuklasan na pinangunahan ni Adarne Crispo, kasama sina Gayle Russel Capulong at Venson Ramos, at may petsang 20 Pebrero 2008, hindi sumunod ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. sa mga internasyonal na reglamento nang upahan nito ang mga di-awtorisadong tauhan sa paghawak at pagtesting ng radyoaktibong materyales. Hindi rin nasubok at walang sertipikasyon ang malalaking aparato sa mga kilalang organisasyon bago gamitin ang nasabing ekwipment. Nabigo pang iulat ng kompanya sa mga awtoridad ang isang aksidente nang ang IHI excavator ay mahulog sa malalim na hukay. Ang nasabing pagkukulang ay paglabag sa OSH Standard Rule, bukod sa inilingid sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at opisyal ng gusali. Nabatid ng pangkat na nag-inspeksiyon na dalawang tauhan ang nagpinta sa pook idrokarbon [hydrocarbon] nang walang permiso na magtrabaho.

Walang akreditadong praktisyoner sa kaligtasan ang kompanya, at walang natagpuan sa loob ng laboratoryo kung paano ang tumpak ng paghawak sa radyoaktibong materyales. May iba pang pagkukulang umano ang Leighton Contractors Asia Limited/Leighton Contractors Philippines, Inc. na may kaugnayan sa pagsasapanahon ng aparato; pagkuha ng mga sertipiko sa kaligtasan ng pagsasakay sa barko at seguro sa mga pasahero; pagrepaso ng mga gamot at medisinang umaayon sa pamantayan sa kalusugan; at iba pang may kaugnayan sa kahusayan ng mga tauhan.