Wika ng Bantay-Gubat sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Bantáy-Gúbat sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Magsásawà ka sa mahabàng páliwánag isáng áraw, panínindigán ang semántika ng punòngbáyan, at ang mga katótohánan ng bundók, gáya ng topógrapíya at paraán ng pagbagtas nito, ay isasálin mo sa wikà at dískurso ng nunò sa punsó. Séryoso ka man o nagbíbirô, kung gaáno katatás ang wikà (at kung gaáno kabúlas ang dískurso) sa pagítan ng mga tagaytáy at lambák na pinagdúrugtóng ng sopístikádong taytáy o túnel ay káyang punggukín ng pagkálagót ng pásensíya at pagmámadalî. Ang punsó ang úbod ng páliwánag sa mabúbuông túmbasang alamát at aghám mulâ sa dambúhalàng hulagwáy ng gúbat, na ang kalíwanágan at ang pagkáhinóg ay sukát na sukát. Maráhil nakíta mo rin na ang pananáw pápasók at pálabás sa bundók—mulâng itaás hanggang ibabâ, o kayâ’y páikót sa ápat na pánig nitó—ay hinangò kung hindî man hinálaw lámang sa isáng umbók ng lúad na ang nilálamán ay malíliksíng ánay at hantík. Lahát ng tinátanáw mo’t sinúsubáybayán hinggíl sa bundók ay inákalà mong kasímpayák kung paáno búbungkalín o pápatágin ang punsó, kung ipagpápalagáy na walâ nang hiníhingîng páliwánag pa sa húsay ng minímalístang pagdulóg. Mag-íimbénto ka ng mga tagurî, halímbawà, “plántita de cásino,” o kaya’y “heodésikong intérbensiyón,” pára higít na magíng kapaní-paníwalà ang lénte ng pangángapâ.  Maráhil, ang túlin ng paglágom ay likás sa iyó nang maílahók ang lahát sa réseta o téksbuk ng pagsákop. Hiníhingî ng daigdíg mo ang madalî at payák; at dáhil sawâng-sawâ ka na sa kílométrikong talákay, o sa mahabâng pórmula sa matématíka at ebólusyón, ng iyóng mga tagapáyo ay nanaísin mong manahímik sa hindík at mágtiwalà ang públiko sa iyó,  kapág may kung sínong dinádampót, binúbugbóg, tinótokháng sa ngálan ng séguridád at kapáyapàán—walâ man siyáng kamuwáng-muwáng sa iyó.

Alimbúkad: Epic subterranean poetry beyond borders. Photo by Ian Beckley on Pexels.com

Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com

Búhay, Kamatayan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Búhay, Kamatayan
  
 Palubog na araw ang búhay, ang dagat ng dugo,
 at napakalakas na humihiyaw na kalangitan.
 Madaling araw ang kamatayan, maputlang ulop,
 dalisay na hininga na suot ang puting panluksa.
  
 Ang búhay ay kumukutitap na kandila.
 Ang kamatayan ay kumikislap na diyamante.
 Ang búhay ay isang komedya ng pighati.
 Ang kamatayan ay nakapakarikit na trahedya.
  
 Kapag nilalamon ng daluyong ang bundok,
 at ang taghoy ng simoy ay dumaraing sa pálo,
 umaapaw sa gabi ang niyebeng wala ni kaluskos,
 at humahalakhak ang ga-pakpak na sinag-buwan.
  
 Padahilig na daan ang búhay tungo sa hukay.
 Ang kamatayan ay liwayway ng bagong búhay.
 Ay, ang masinop na pagkakahabi ng Kamatayan——
 ang sagradong sinag na kaloob sa delubyo ng búhay. 
Alimbúkad: Mapping the world through translation. Photo by Taryn Elliott on Pexels.com

Pagkaraan sa tahanan ng Baba Yaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ang taytay na nag-uugnay sa bundok
at kastilyo
. . . . . . . . . ang tinatahak ng guniguni mo
na lumilingon para sa hinaharap,
at humaharap para muling sumulyap
sa anino at relo.

Wala ito sa aklat; nakatatak itong pilat.

Hindi nag-aaral ang simoy kung saan
iikot upang mag-iwan ng mga alabok.
Parang sirang plaka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lipad ng mga ibon.

Nagtatanong ba ang hangin sa ugat?
na retorika ng palusot sa palaisipan.

Samantala, nauubos ang kilay ng unggoy
upang maging hari
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . at upang maisuot
ang kamalayan ng imperyo,
. . . . . . . . . . . .o nang makahiga sa mga hiyas
kapiling ang tropeo ng mga kabalyero.

Ang taytay, gaano man kahaba, ay ulap
na iyong niyayapakan.
. . . . . . . . . .  .Maglalakad kang may bagwis
ang ulirat,
. . . . . . . . . . .  .at matatagpuan sa mga palad
ang mapa ng mga balak at tadhana,
gaya ng halimaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa kristal na tasa
o lason mula sa pinilakang tenedor.

Kung ang sibilisasyon ay naipupundar
sa mga salita,
ang mga salita mo’y kalansay at dugo,
na kusang nagtatatwa at nagtataksil
sa sarili,
lumilikha ng arkitektura ng mga elipsis,
at nasa diksiyonaryo ng mga tahimik.

Isang hakbang pa, at bubulaga sa iyo
ang walang pangalang pangarap,
ang walang pangalang kumukurap—
. . . . . . . . . . .tawagin man itong katubusan
ng payasong umiiyak.

Malalagot na ang mga lubid ng taytay.

Ngunit hindi ka lilingon, bagkus lalakad
nang lalakad,
lumulutang—wala ni kimera sa batok,
walang kausap na Baudelaire o Borges
ngunit tahimik at buo
ang loob, gaya ng simoy na sumasalpok
sa moog na bumabakod sa kalawakan:

isang librong nagwiwiski sa Bagong Taon.

Awit ng Bulaklak, ni Paavo Haavikko

Salin ng “A Flower Song” ni Paavo Haavikko ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni Anselm Hollo

Awit ng Bulaklak

Naglalaro wari ang mga agoho;
walang humpay ang ulan
ng mga bungang alimusód;
O ikaw, anak ng mangangahoy,
na kasingtarik ng mga bundok,
na kasinggaspang nito’t kasingrilag,
makinig,
kung hindi ka pa napapaibig, kung hindi
ko labis na minahal (ang pinakamapapait
mong salita
noong naghiwalay tayo), ay! makinig—
ang mga bungang alimusód ay umuulan
sa iyo nang masagana, walang patid,
walang awa.

Parang, ni Antonio Machado

Salin ng “Campo,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Párang

Agaw-buhay ang takipsilim
gaya ng munting apoy na nauupos sa bahay.

Doon, sa tuktok ng mga bundok,
iilang gatong na lámang ang natitira.

At ang bakling punongkahoy sa puting daan
ay paluluhain ka dahil sa pagmamahal.

Dalawang sanga sa warát na bungéd, at isang
dahong itim at kuluntoy sa bawat sanga!

Umiiyak ka? Sa mga gintong álamo sa malayo
ay naghihintay sa iyo ang anino ng pag-ibig.

Babel, ni Roberto T. Añonuevo

Babel

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naaakyat ko ang bundok sa mababangong magasin, ngunit hindi ako ni minsan nakarating sa gubat na ikinukuwento mo. Wala bang bagyo diyan, iho? Mahigit animnapung palapag ang taas na káya kong akyatin, at ehersisyo ang pagpindot sa buton sa nais abuting langit. Mamimilì ka sa silbi ng elebeytor at hagdan, at matutuklasan mo, gaya ko, kapag ika’y naparito, ang nakaiinip na siklo ng pagbibilang ng baitang. Ano ang ikinaiba ng gusali sa iyong bundok? Hindi ka ba nababato? Kung nakakikita ka araw-araw ng ulap, sinasalubong naman ng ilong ko ang malulungkot na usok ng lungsod.

Takot ako sa maiilap na hayop, hindi tulad mo, at huwag akong biruing ang higit na katatakutan ay ang kamandag sa dila ng mga tao na naririto para sa kanilang negosyo at plano sa mundo. Tatamaan ka ng lintik sa labis na pagkaabenturero, habang ako’y kukuya-kuyakoy sa upuan ng amo ko kung wala siya’t des-oras ng gabi. Magpalit tayo minsan ng tungkulin, at dito ka dumako sa matayog kong opisina! Ang andamyo sa labas ng bintana kung minsan ay para na ring upuang umuugoy sa hangin, at tiyak kong maiibigan mong maglinis ng libag ng kabihasnang hindi ko maunawaan.

Higit sa pitong bundok ang naabot mong tuktok, ‘ika mo? Ngunit nakakikita ka ba araw-araw ng mga bituing nasa lupa imbes nasa langit? Anak ng Huwé, sunduin mo ako, at ibig kong masilayan ang iniinstagram mong Paraiso. Masarap sigurong tumoma diyan sa gabing malamig pa sa yelo. Kahit sabihing ako ang may-ari ng dambuhalang estrukturang ito, at tumama sa lotto, ipapalit ko ito, kahit saglit, para samyuin ang simoy diyan, at damhin ang putik sa kinalalagyan mo. Natanggap mo ba ang tex ko? Sa isang linggo, magreretiro na ako. Sabik na akong mayakap si Nanay mo! At matagal na rin akong di nakikipagsabong sa tropa ni San Pedro!

Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Alagad ng Sining, ni Seamus Heaney

Salin ng “An Artist,” ni Seamus Heaney ng Ireland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alagad ng Sining

Naiibigan ko ang diwa ng kaniyang gálit.
Ang pagmamatigas laban sa bato, ang paggigiit
ng sustansiya mula sa mga lungting mansanas.

Ang paraang siya ay waring ásong tumatahol
sa hulagway ng sariling siya rin ang tumatahol.
At ang pagkapoot sa sariling pagyapos
sa umaandar na tila iyon lang ang gumagana—
ang kagaspangan ng paghihintay na patuloy
ang utang na loob o paghanga, na katumbas
ng pagnanakaw sa anumang pag-aari niya.

Ang paraang namuo’t nanatili ang tibay ng loob
dahil isinagawa niya kung ano ang nasa utak.
Tila bolang bakal na ipinukol ang kaniyang noo
na naglalakbay sa di-nakukulayang espasyo
sa likod ng mansanas at sa likod ng bundok.

Mittelbergheim, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mittelbergheim

Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.

Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.

Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.