Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Mga Bunganga, ni Aimé Césaire

Salin ng “Cratères,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bunganga

Ang diwa ng mabilis na kalutasan ay pinawalang saysay ng kawalan ng lava, sa kahabaan ng mga ilog na labis na mabato upang hindi maarok ng úhaw ng mga ulupong.

Sabik pumatay na Ewmenides ang walang habas na sumusuyod sa mga dawag hanggang kusang maupos sa ulop ng taglagas.

Hindi ako malilinlang.

Ang hapis ay hindi mapapagod na lumundag-lundag sa malalalim na bunganga, bagaman maililipat yaon nang matagal-tagal para sa kaliwanagan ng nagpapatiwakal na bulkang bumubuga.

Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Simply sophisticated. Photo by Silas Baisch @ unsplash.com

Ang Alamat, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Alamat

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . .Nabuo sa wakas ang intramuros ng kaisipan, mula sa kalkuladong petsa at pagbabagong klima noong asul ang buwan, at sinipat ng Kabataang Kapitan ang labas ng kaniyang nasasakupan. Tumatayog ang mga sopistikadong tore sa ibang isla mula sa Karagatan ng mga Bituin, at ayon sa nasagap ng kaniyang matatapat na tiktik na waring mga modelong rumarampa sa Fek Magasin, kinakailangang bumalangkas ng pambihirang hakbang ang elektronikong nasyon, upang mapanatili ang kasarinlan, ang kapangyarihan, at ang kayamanan sa pitong lupalop ng Planeta Z laban sa walong imperyo ng uniberso.
. . . . . . .Ang Kapitan, na hinubog ang isip sa galaktikong kodigo ng mga numero at titik, ay nakaisip ng isang payak ngunit disimuladong plano. Iniutos niyang ipasok ang kaniyang dalawang kabayo sa yungib ng guniguni, at nang lumabas ang mga ito sa bunganga ng Itim na Wawa ay nasa anyong kiyapo at kalapati sa bisa ng aghamistikang mutasyon. Tatangayin ng agos ang kiyapo at magiging agahan ng mga hito at plapla; at ang naturang mga isda ay isasakay sa mga banyera, at magpapakain sa libo-libong nagugutom mula sa kongregasyon ng mga panatiko. Samantala, ang kalapati ay mangingibang-bayan, at pagkaraang makatagpo ng pugad na yari sa aparato ng mga komplikadong koreo, ay lalapag na liham na bumabati ng “Magandang balita!” sa mesa ng isang antukin ngunit pakíng na kawani sa Palasyo ng Malabanan.
. . . . . . .Sasagapin ng mga panatiko ang mga isda ng kaligtasan, waring libóg na libóg o sabóg na sabóg, at hindi maglalaon ay talosaling na tawagin pang panatiko ang panatiko bagkus tanikala ng kalansay at barumbarong, na habang tumatagal ay maghuhunos na kuwintas na isusuot ng reyna kolehiyala, na kapag ginaya ng kaniyang mga tagasunod sa InstaBrat, ay magiging ginintuang lubid, at ang lubid ay magiging extraterestriyal na taytay na magdurugtong sa malalayong bundok ng mga kapitnasyon at magpapantay sa signal ng mga kulay ng mga ideolohiya at kasarian. Isang selebrasyon ng sining, wiwikain ng mga pahayagang olográfiko, kaya hindi kataka-takang magpalipad ng mga guryon na hugis isda at butanding ang mga dukhang uri, na pagkaraan ay magiging ipersónikong jet o drone, na magpapasabog ng mga bomba na gumagagad sa pinakamaingay na Bagong Taon sa Planeta X, habang napupulbos ang mga sinaunang aklatan at palengke ng mga opinyon.
. . . . . . .Samantala, ang isang kawani, na ibig magpasiklab sa kaniyang administrador, ay naging masigla sa kaniyang opisina nang makatanggap ng “Magandang Balita.” Ipinakalat niya ang Magandang Balita, sa pamamagitan ng pin at twit, na pagkaraan ay naging arkitektura ng mga larawan, at ang mga larawan ay kumislot at naging atletang sumasalpok sa komputer at selfon, na kasisiyahan ng sinumang makaengkuwentro nito, na magiging katwiran upang iluwal ang henetikong kusing, at ang henetikong kusing ay darami nang darami at ikayayanig ng Bangko Sentral, na magiging kural ng mga siraulong negosyante na mahilig magpalamig sa mga elektromagnetikong pasugalan at pornograpikong akademya.
. . . . . . .Isang araw, magugulat na lámang ang walong imperyo na nasusunog ang kanilang mga kastilyo na ikinayanig ng konstelasyon ng mga sinaunang gahum. Nagwelga ang mga tao, saka naghuramentado ang mga salita laban sa namamayaning sistema. “Anong salot ito,” koro ng walong imperyo, “at tayo’y nababasag sa kalabang may kung anong tagabulag?”
. . . . . . .Napahalakhak ang Kabataang Kapitan. Pakiwari niya’y naroon siya sa ipodromo na siksikan ang mga parokyano at isinisigaw ang kaniyang pangalan. Kumakain ng alikabok ang kaniyang katunggaling walong imperyo, talak ng mga brodkaster, at naisipan niyang magpaluto ng sinigang na paniki’t pagong. . . .
. . . . . . .Habang tumatagal, ang dalawang kabayo ng Kabataang Kapitan ay nawalan ng anumang bakás, suriin man ang urutan ng asido nukleíko nito, sanhi ng intersiyentipikong makinasyon ng hukbong partisanong eksperto mula sa laboratoryo ng lason at bakuna. Ngunit sa utak ng Kapitan ay hindi kailanman mabubura ang pasikot-sikot na paglalakbay ng kaniyang matatapat na alaga na nakalikha ng pambihira’t maligoy na mapa ng atake at depensa, na kung tawagin ay  Magnum AlfaZero, na tumatangging maiugnay sa digmaan o ahedres ngunit malayang hakain bilang diyabolikong aliwan ng tropa, habang inuuyam si Homer o kaya’y nilalapastangan si Vyasa. Magbabalik ang dalawang kabayo sa Planeta Z, ngunit malayo na sa anyo ng mga orihinal na kabayo bagkus koleksiyon ng minahan at kagubatan, bukod pa sa bagong laot at kapuluan. Maiimbento ang omoheneong populasyon, na magdaraan sa Ruta Plastika para patatagin ang robotikong kulturang ala-Sun Tzu at palawakin ang intramuros ng kaisipan. At sa muling paglitaw ng asul na buwan, ayon sa matematikong hula ng  henyong si Vito Corleone, magtatangka ang trilyong hukbong panghimpapawid na salakayin at sakupin ang Planeta Y—ituring man yaong susunod na kabanata mula sa di-matighaw na lunggati ng Kabataang Kapitan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Usapan, ni Vladimir Burich

Salin ng “The Dialogue” (Диалог) ni Vladimir Burich ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Usapan

“Saan ninyo nakuha ang mga bangkay?”
“Natagpuan namin sila sa tubigan.”

“Ano ang ginagawa ninyo rito?”
“Nagtatanim kami ng mga minang buto.”

“Ano ang itinatago ninyo sa bunganga?”
“Mga salita.”

“Paalis na ba kayó?”
“Hinihintay kami ng lihim na hukbó.”