Sila na Sumagad sa Akin, ni Bert Meyers

Salin ng “They Who Waste Me,” ni Bert Meyers ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Silá na Sumagad sa Akin

Nang humingi ako ng katuwang,
binigyan nila ako ng pála.
Kapag nagreklamo ako, uusalin nila,
masisipag na karayom ang mga uod
na binibihisan ang bangkay sa tagsibol.
Bumuntong-hininga ako.
Sinumang humihinga
ay nasisinghot ang kapitbahay.

Alimbúkad World Poetry Translation Project for Humanity. Photo by Boglárka Mázsi @ unsplash.com

Takipsilim sa Ilog, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Atardecer en el río,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim sa Ilog

Sinasalungat ng puting
tagak ang dapithapon.
Umaapaw sa panganorin
ang walang tinag nitong hubog.
Tumakas nang palihim sa ilog
ang pangwakas na sinag ng araw.
Bumuntong-hininga ang mundo
at patuloy na namuhay.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Eugene Chystiakov @ unsplash.com

Tahanan ng mga Bituin, ni Toshio Nakae

salin ng tulang tuluyan ni Toshio Nakae.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Tahanan ng mga Bituin

Naitatag sa kung saang sulok ng himpapawid ang bahay nang walang tulong ng sinumang klasikong disenyador o abanggardistang arkitekto.

Naitindig ang bahay nang walang tunog ng palo ng martilyo ni garalgal ng makinang tagapaghalo ng kongkreto.

Ni walang bakod ni pader o lupain, ang mga bagay at gastusin ay maringal na nilulustay sa malayo.

Tigang, di-maliparang uwak na hardin ng gabi. Munti, hungkag, walang lupaing baláy. Wala kundi ang mala-kristal na bunga ng mga buntong-hininga, ipinagbabawal, walang bubong, walang haligi, walang bakal na balangkas. Malamig, malamig na walang saysay.

Mga kristal na hugis-bahay ng di-mabilang na katal ng buntong-hininga. Ibinukod sa iba at walang landas, bumubuo ng lungsod ang mga ito.

Hindi mamuhay sa gayong bahay sa naturang lungsod, huwag mamahinga sa gayong bahay, bagkus magngalit sa gayong tirahan, mapoot lamang, ang buhay ay kailangan sa Hiroshima at Nagasaki. Kailangan ang buhay sa Auschwitz at Stalingrad.

Ngunit iyon ang lungsod na walang panauhin. Ang bahay na iyon. Ang bahay na tanging ang mga bituin ang umiiral, ang tahanan ng mga buntong-hininga ng mga tao.

Tila singaw iyong maglalaho sa ngitngit. Ang tahanang maringal na umaantig ng ilusyon, gaya ng ginagawa ng mapusyaw, mapusyaw na panaginip sa sukdol ng nauupos na pag-asa.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.

"Elehiya" (1899) oleo sa kambas ni William Adolphe Bouguereau.