Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

Ang Balón, ni Padma Sachdev

Salin ng tulang nasa wikang Dogri ni Padma Sachdev ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at batay sa bersiyong Ingles ni Iqbal Masud

Ang Balón

Sa kanang panig
ng aming buról ay may kumikislap na balón
na sagana sa tubig. Noong nakaraang taon,
ang tag-araw ay nagpayungyong
ng mga lungting mangga.
Inakit ng mga lungting sibol
ang guya,
na minalas mahulog sa balón at nalunod.
Mula noon, huminto na ang mga tao
na uminom mula sa balón. Ngayon, katulad ko
ang magnanakaw na naliligo doon sa gabi.
Isinasalok ko sa tubig ang aking mga palad
at umiinom sa hatinggabi.
Ngunit ang tubig
ay hindi nakatighaw ng aking uhaw,
ng aking pagnanasa. Sa madilim na púsod
ng balón ay may mga aninong
naghihintay pa rin sa mga babae
na ibinababâ ng lubid na may kawil
ngunit hindi nagbalik para sumalok ng tubig.
Ang karimlan ng balón
ay naghihintay
para sa tamang pagkakataon,
na magkaroon ako ng lakas ng loob
na ilahad ang aking mga kamay
at uminom sa tubig nito
kahit pa sa gitna ng napakaliwanag na araw.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Alvis Taurēns @ unsplash.com

Ako, ni Imadeddin Nasimi

Salin ng ghazal ni Imadeddin Nasimi ng Azerbaijan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Nagkahugis ako na maging Maykapal, ako ang Maykapal,
Ang sukdulang diwa, salita ng Diyos, at sagradong Koran.

Ako ang nagwika ng lihim ng buról na lukob ng apoy,
Apoy ni Abraham. Ako rin si Moses, at ako ang Imran.

At ako si Hesus, at ang Alejandro, at ang matang-tubig.
Kung taglay ko itong walang hanggang búhay, ako itong búhay,

Ang dagat ay ako, ako ang baybayin. Ako rin ang perlas,
Ako ang takupis, ang mutya ng dagat at ng karagatan.

Ako ang isipan at ang kagandahan, katangian, mithi.
Mangingibig ako, ako ang larawang kinahumalingan.

Ako ang karimlan. Kamatayan ako. Supling. Pagkawasak.
Baha ng suwail. At ako si Nóah na pinánalígan.

Ako ang balsamo at ako ang doktor, ang kirot, ang gamot.
Ako ang maydusa, ako ang ginhawa sa nararamdaman!

Dalawang Tula ni Dennis Brutus

Salin ng mga tula ni Dennis Brutus ng South Africa
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagtanda

Umiikli’t nalulumà rin kahit ang lansangan.
Magiging kakaunti ang isa kung susubukin:
Iyan ang isinasaad ng pagtanda—
Kung paglalaanan ng pagbubulay:
Sa pangkalahatan, kontento ang isang tao
Na ipako ang paningin sa daan
Kontento na makita ang maaaring makita
Ni hindi nababahala na ipagpalagay
Ang ukol sa posibleng maging lansangan—
Ang umiikli, nalulumang lansangan

Awit ni Akhenaton

Liwanag na luningning sa mga punongkahoy
liwanag sa takipsilim sa mga buról
liwanag na ginintuang kumikinang
pulang Rhodesian-Zimbabwe
abuhing pink sa disyertong basura ng Africa
liwanag sa mga hangong salmo sa pagsamba
mga salmo na lumilipad sa pasasalamat
ang tinatanggap na liwanag sa pagpapahalaga.

liwanag, ang bukál ng pag-iral
liwanag na lagablab sa lahat ng dako’t eternal
liwanag na lagablab na paulit-ulit sa lahat.

liwanag na sentro ng mga bagay
liwanag na pinagmulan ng mga bagay
liwanag na nakaaabot sa malalayong kosmos
liwanag na kung wala’y wala rin ang lahat.

liwanag na butil ng ating pag-iral
liwanag na nagpapások, naggigigiit, nagtatatag
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng pag-iral
liwanag na nagpapakahulugan ng dibinidad
liwanag na nagbibigkis sa atin sa dibinidad

Yes to human rights. Yes to humanity. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Sa Pantalan ng Santa Lucía, ni Julián Malatesta

Salin ng “En el Puerto de Santa Lucía,” ni Julián Malatesta ng Colombia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Pantalan ng Santa Lucía

Baliw ang barkong ito.
Kahapon, nakita namin ito patungong timog
Pagdaka’y nasilayang naglalayag sa búrol ng araw
At nililikom ang magdamag sa kilya nito.
Ngayon naman ay pahapay-hapay sa daungan.

Baliw ang barkong ito.

Hatid nito ang isang bangkay na isinakay,
Ngunit ayaw ng kapitang itapon iyon sa dagat.
Lumaklak ng bote ng alak ang nasabing lalaki,
At pinasok ng pagkaburyong ang utak.
Ang patay na lalaki’y nagsayaw sa kubyerta,
Niliglig ang gunita ng barko’t nilito ang kompas.

Baliw ang barkong ito.

Sa pantalan ng Santa Lucía—ang patron ng bulag—
Ang mga tripulante’y lumalaboy at walang magawa,
Dahil kahit batikan na sila’t mahusay kumayod
Ay walang kumukuha sa kanila para magtrabaho.
Hindi sila mapatawad ng mga kompanya ng barko,
Nang iwan nang mag-isa ang sasakyang-dagat.

No to illegal arrest. No to illegal detention. Respect human rights.

Pagkahilig sa mga Gulod, ni Rachel Wetzsteon

salin ng “Taking to the Hills” ni Rachel Wetzsteon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGKAHILIG SA MGA GULOD

Kung ang paglalakad, gaya ng alak, ay nagpapasulak ng lungkot,
subukin natin ito, sabi ko, at ginawa ko nga:
sa likod ng mga buról na ito na hindi nakababatid ng pighati
ay walang mapagmuning buwan ang dumaan. Humukay hanggang
magpantay ang gulód, at hukayin lamang ang lupa. Ipagmalaki
na alam mo ang kemikal na anyo ng ulan, ang suma-total
ng lahat ng mabagsik  na singaw ng anumang takipsilim.
Dahil kung kailangan mong hilahin sa mga gasgas na linya
ang mga mapagpatiwakal na wilo, panig man o salungat ang bituin
sa iyo, ikakalat mo sa matataas, di-maliparang uwak na tanawin
ang sarili mong mga bagahe. Gabi ng pag-ibig, araw ng babala
ng gabi, matatangkad na bundok ng mga pag-asang nakamit,
lambak na ang mapapait na hangin ay binubughan
ang mga pinagkaitan tungo sa pagiging nangapopoot na baliw—
sila ay walang iba kundi makukulimlim na pagsasahinagap
ng nagdaraang hilig, labis na pinapayak na mga bersiyon
ng anumang walang hangga ang laki? Ang pangitain sa harap mo
ay walang iba kundi tatluhang pilas na punongkahoy, dalisdis, ilog,
matatag at eternal. Ngunit sa sandaling magsimula kang mabalisa,
at kapag, habang inihahandang kunin ang rolyo ng mga retrato’y
napansin mo ang nakaliligalig na paglalaho ng landas,
gumuguho ang iyong kapinuhan: tutuligin mo ang himpapawid,
at haharanahin ang buwan, susubsob ka sa harap ng mga pino,
sasabihing, ay, bumalik ka, kaluluwa ng pook, na walang buhay
kung wala ka,  ay namumukadkad sa kung anong dingal
na higit sa namamagitang kabaliwan;
bumalik ka, malalaking ensina na naghihintay sa ating pagdating;
ang ukitin ang mga titik ay ganap na katuparan ng pagiging tao;
ang mga araw ay nababatikan ng ating mga sukdulang libog,
ang mga bundok ay tatayog at guguho sa ating kadakilaan at kahangalan.

Mga Tulang Tuluyan ni Ridvan Dibra

salin ng mga tulang tuluyan ni Ridvan Dibra mula sa wikang Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAG-IBIG NG MGA ALAKDAN

Taliwas sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na pawang nagtataglay ng lason sa kanilang bibig, ang mga alakdan ay nagtatago ng kamandag sa dulo ng buntot, na nagpapahiwatig na hindi yaon maituturing na lubos na responsable sa mga maibubunga ng lason, gaya ng hindi ganap na responsable ang mga tsuper sa mga aksidenteng sanhi ng likurang gulong ng kanilang sasakyan.

Hindi ba ito magandang dahilan para igalang ang mga alakdan kung ihahambing sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na nagtataglay ng lason sa kanilang mga bibig?

TAKIPSILIM

Taliwas sa gawi ng mga hayop na malamyang tumutugon sa mga takipsilim, mga reaksiyon na samot-sari ang anyo at paraan, halimbawa na ang pagsulak ng silakbo sa pakikipagtalik o pagkiling sa pagpapaamo ng kanilang ilahas na kalikasan, na pawang salungat sa mga hayop na nakararanas ng mahihiwagang sandali gaya sa pasibong paglubog ng araw, ang sangkatauhan ay unti-unting nagiging walang pakialam sa gayon, nang hindi ganap na kumbinsido kung ang pagkawalang pakialam ay nadidiktahan o pakunwari lamang, bagaman nakatitiyak ito na ang mga takipsilim ay magpapatuloy sa regular na pagsapit kahit walang pakialam ang tao.

MGA TALUKTOK

Kinakailangan ang matinding buhos ng niyebe at ang pagkalupig ng lahat ng bagay sa makinis na unipormidad para mapansin ng mga tao ang mga taluktok ng bundok.

GRABA

Malungkot na kumikiskis ang mga graba sa aking talampakan: maputi, makinis, wari bang mga diwain ng utak ng kung sinong mababaw na nilalang, at pagdaka, ang buról ay mananatiling nakabukod sa tabi nito, na natitilamsikan ng tubig mula sa ilog.

Naaawa ako sa buról.

Naaawa ang buról sa mga graba.

Ano naman ang tingin mo?

BALÁT NG AHAS

Naghunos ng balát ang ahas, at isinampay ang balát sa sanga ng punong mansanas, saka gumapang nang malaya kung saan.

Napagawi ang tumánggong sa punongkahoy, inamoy ang balát, at nabatid na walang halaga ang balát ng ulupong.

Narinig ng lobo ang pagaspas ng balát ng ahas na nakasampay, ngunit tinalikdan yaon dahil wala iyong dugo.

Kinuha ng tao ang pinaghunusang balát ng ahas at itinahi iyon sa pares na glab para kaniyang kulay-liryo at inosenteng mga kamay.

Alakdan

Alakdan, larawan mula sa artsibo ng Project Gutenberg

Tanawin at Balag ni Mario Azzopardi

salin ng “Kannizzata” ni Mario Azzopardi, batay sa saling Ingles ni Grazio Falzon
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Balag

Sa tuktok ng sumilang na batuhan,
isang patse ng dugo ang tanda
ng pagpanaw ng tao na kinain ng dagat.

Sa pagitan ng mga balag na sinilip ko’y
may isang babaeng lastag gaya ng tubig,
at ang kaniyang kaluluwa’y
itinakwil sa paraiso.

Pinili ng aking mahal
ang panglaw ng pag-iisa.

Maipagkakamali ng ibang tao ang kama
ng munting dugo doon sa laot.

Sa sala-salang balag
ng hubad na babae’y gumapang paakyat
ang baging ng ubas na taglay
ang nanginginig na mga hantik. . . .

Tanawin 2

salin ng “Paesagg 2” ni Mario Azzopardi, batay sa saling Ingles ni Grazio Falzon.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

lumatag ang gabi sa buong bukirin
at sumabit ang mga pakpak
ng mga ibon sa alambreng bitag
habang tumatagos sa dilim ang tili

mula sa punong peras na mabalahibo’y
tatlong nakayapak na babae
ang lumakad, patahak sa magdamag

inasam ng mga ibon na maging mga babae
inasam ng mga babae na magkabagwis

sa lilim ng punong kaktus
pitong batang mongol
ang humipo sa mga balahibo sa pagitan ng mga hita
at sumigaw sa kani-kanilang ina na hugasan sila

tanging ang mga ibon ang tila ibig na tumutol