Pag-ibig at Habilin, ni Saigyō

Salin ng dalawang tula mula sa Shinkokinshū ni Saigyō [Saigyō Hōshi] ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Noong nananahan ako sa malayong pook, ipinadala ko sa isang tao 
doon sa kabisera ang mga tulang ito noong kabilugan ng buwan.
  
 Pag-ibig [Blg. 1267]
  
 Tanging ang buwan
 Doon sa kalawakan
 Ang alaala:
 Gunitain mo ako’t
 Puso ko’y nasa iyo.
  
 Habilin [Blg. 1535]
  
 Kung iwan man ang mundo
 Na hitik sa pighati’y
 Dapat batid ang sanhi—
 Ibalabal, o buwan,
 Sa akin ang taglagas.  
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Ang Alamat, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Alamat

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . .Nabuo sa wakas ang intramuros ng kaisipan, mula sa kalkuladong petsa at pagbabagong klima noong asul ang buwan, at sinipat ng Kabataang Kapitan ang labas ng kaniyang nasasakupan. Tumatayog ang mga sopistikadong tore sa ibang isla mula sa Karagatan ng mga Bituin, at ayon sa nasagap ng kaniyang matatapat na tiktik na waring mga modelong rumarampa sa Fek Magasin, kinakailangang bumalangkas ng pambihirang hakbang ang elektronikong nasyon, upang mapanatili ang kasarinlan, ang kapangyarihan, at ang kayamanan sa pitong lupalop ng Planeta Z laban sa walong imperyo ng uniberso.
. . . . . . .Ang Kapitan, na hinubog ang isip sa galaktikong kodigo ng mga numero at titik, ay nakaisip ng isang payak ngunit disimuladong plano. Iniutos niyang ipasok ang kaniyang dalawang kabayo sa yungib ng guniguni, at nang lumabas ang mga ito sa bunganga ng Itim na Wawa ay nasa anyong kiyapo at kalapati sa bisa ng aghamistikang mutasyon. Tatangayin ng agos ang kiyapo at magiging agahan ng mga hito at plapla; at ang naturang mga isda ay isasakay sa mga banyera, at magpapakain sa libo-libong nagugutom mula sa kongregasyon ng mga panatiko. Samantala, ang kalapati ay mangingibang-bayan, at pagkaraang makatagpo ng pugad na yari sa aparato ng mga komplikadong koreo, ay lalapag na liham na bumabati ng “Magandang balita!” sa mesa ng isang antukin ngunit pakíng na kawani sa Palasyo ng Malabanan.
. . . . . . .Sasagapin ng mga panatiko ang mga isda ng kaligtasan, waring libóg na libóg o sabóg na sabóg, at hindi maglalaon ay talosaling na tawagin pang panatiko ang panatiko bagkus tanikala ng kalansay at barumbarong, na habang tumatagal ay maghuhunos na kuwintas na isusuot ng reyna kolehiyala, na kapag ginaya ng kaniyang mga tagasunod sa InstaBrat, ay magiging ginintuang lubid, at ang lubid ay magiging extraterestriyal na taytay na magdurugtong sa malalayong bundok ng mga kapitnasyon at magpapantay sa signal ng mga kulay ng mga ideolohiya at kasarian. Isang selebrasyon ng sining, wiwikain ng mga pahayagang olográfiko, kaya hindi kataka-takang magpalipad ng mga guryon na hugis isda at butanding ang mga dukhang uri, na pagkaraan ay magiging ipersónikong jet o drone, na magpapasabog ng mga bomba na gumagagad sa pinakamaingay na Bagong Taon sa Planeta X, habang napupulbos ang mga sinaunang aklatan at palengke ng mga opinyon.
. . . . . . .Samantala, ang isang kawani, na ibig magpasiklab sa kaniyang administrador, ay naging masigla sa kaniyang opisina nang makatanggap ng “Magandang Balita.” Ipinakalat niya ang Magandang Balita, sa pamamagitan ng pin at twit, na pagkaraan ay naging arkitektura ng mga larawan, at ang mga larawan ay kumislot at naging atletang sumasalpok sa komputer at selfon, na kasisiyahan ng sinumang makaengkuwentro nito, na magiging katwiran upang iluwal ang henetikong kusing, at ang henetikong kusing ay darami nang darami at ikayayanig ng Bangko Sentral, na magiging kural ng mga siraulong negosyante na mahilig magpalamig sa mga elektromagnetikong pasugalan at pornograpikong akademya.
. . . . . . .Isang araw, magugulat na lámang ang walong imperyo na nasusunog ang kanilang mga kastilyo na ikinayanig ng konstelasyon ng mga sinaunang gahum. Nagwelga ang mga tao, saka naghuramentado ang mga salita laban sa namamayaning sistema. “Anong salot ito,” koro ng walong imperyo, “at tayo’y nababasag sa kalabang may kung anong tagabulag?”
. . . . . . .Napahalakhak ang Kabataang Kapitan. Pakiwari niya’y naroon siya sa ipodromo na siksikan ang mga parokyano at isinisigaw ang kaniyang pangalan. Kumakain ng alikabok ang kaniyang katunggaling walong imperyo, talak ng mga brodkaster, at naisipan niyang magpaluto ng sinigang na paniki’t pagong. . . .
. . . . . . .Habang tumatagal, ang dalawang kabayo ng Kabataang Kapitan ay nawalan ng anumang bakás, suriin man ang urutan ng asido nukleíko nito, sanhi ng intersiyentipikong makinasyon ng hukbong partisanong eksperto mula sa laboratoryo ng lason at bakuna. Ngunit sa utak ng Kapitan ay hindi kailanman mabubura ang pasikot-sikot na paglalakbay ng kaniyang matatapat na alaga na nakalikha ng pambihira’t maligoy na mapa ng atake at depensa, na kung tawagin ay  Magnum AlfaZero, na tumatangging maiugnay sa digmaan o ahedres ngunit malayang hakain bilang diyabolikong aliwan ng tropa, habang inuuyam si Homer o kaya’y nilalapastangan si Vyasa. Magbabalik ang dalawang kabayo sa Planeta Z, ngunit malayo na sa anyo ng mga orihinal na kabayo bagkus koleksiyon ng minahan at kagubatan, bukod pa sa bagong laot at kapuluan. Maiimbento ang omoheneong populasyon, na magdaraan sa Ruta Plastika para patatagin ang robotikong kulturang ala-Sun Tzu at palawakin ang intramuros ng kaisipan. At sa muling paglitaw ng asul na buwan, ayon sa matematikong hula ng  henyong si Vito Corleone, magtatangka ang trilyong hukbong panghimpapawid na salakayin at sakupin ang Planeta Y—ituring man yaong susunod na kabanata mula sa di-matighaw na lunggati ng Kabataang Kapitan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Bugsók, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bugsók

Ipagpapalit ko ang lahat sa isang bugsók
na bumabangon tuwing gabi nang taglay
ang kaniyang kudyapi at plawta,
at nang makita ang tangan kong kopa
ay biglang nagwikang,
“Inumin ang duguang bignáy sa bibig ko!”
At ang buwan, na nabiyak na pakwan
sa balabal na itim, ay iginuhit sa bulawan.

Bugsók

Wakas ng 1968, ni Eugenio Montale

Salin ng “Fine del ’68,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng 1968

Pinagnilayan ko mula sa buwan o kawangis
nito ang munting planetang nagtataglay
ng pilosopiya, teolohiya, politika,
pornograpiya, literatura, siyensiya,
lantad man o lingid. Nasa loob niyon
ang tao, na kasama ko, at kakatwa ang lahat.

Ilang oras pa’y hatinggabi na at ang taon
ay magwawakas sa pagsabog ng tapón ng alak
at ng mga paputok. O kaya’y bomba o higit pa,
ngunit hindi rito sa kinaroroonan ko. Hindi
mahalaga kung may mamatay, hangga’t walang
nakakikilala sa kaniya, hangga’t napakalayo niya.

Kinausap ng Babae ang Kaniyang Irog, ni Ksẹtrayya

Salin ng klasikong tulang Tamil ni Ksẹtrayya ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kinausap ng Babae ang Kaniyang Irog

Totoo, may buwanang dalaw ako ngayon,
ngunit huwag hayaang pigilin ka nito.
Walang bawal-bawal
sa ibang asawa ng isang lalaki.
Nagsusumamo akong lumapit ka sa akin,
ngunit malimit magdalawang-isip ka.
Lahat ng batas ay isinulat
ng mga lalaking hindi marunong umibig.
Kapag lumapit ako sa iyo’t inaasam ka,
bakit ka lumalayo?
Hindi kailangang hipuin ang katawan ko.
Yumuko ka at hagkan ako.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.
Ano kung hubarin ko ang aking sari
at dumagan ang dibdib ko sa dibdib mo?
Maingat ako, maliban sa aking mga labi.
Heto ang ilang ngangà, kagatin kung ibig
kunin. Walang sinumang naririto.
Tanaw ko ang lahat.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.
Tila hindi mo kilala ang iyong sarili.
Bakit susundin ang huwad na pagbabawal?
Hindi ba narinig na gusto ito ng mga babae
ngayon? Hindi nagaganap iyan araw-araw.
Hinding-hindi mo malilimot ang matatamong
kasiyahan ngayong sandali.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

Salin ng tula ni Chu Yohan ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tunog ng Ulan

Umuulan.
Marahang ibinukad ng gabi ang pakpak nito,
At bumulong ang ulan sa bakuran
Gaya ng mga sisiw na lihim na sumisiyap.

Gahibla na ang buwang patunaw,
At bumuga-buga ang maligamgam na simoy
Na tila aagos ang bukál mula sa mga bituin.
Ngunit umuulan ngayon sa gabing madilim.

Umuulan.
Gaya ng mabait na panauhin ang pag-ulan.
Binuksan ko ang bintana upang batiin ito
Ngunit palihim na bulong ang natak na ulan.

Umuulan
Sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubóng.
Itinatanim sa aking puso ang masayang
Balitang nalilingid sa lahat: umuulan-ulan!

Ang Buwan at ang Tagsibol, ni Teresa Colom

Salin ng “La lluna i la primavera,” ni Teresa Colom ng Andorra
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buwan at ang Tagsibol

hindi tayo sumusulat hinggil sa kamatayan
bagkus tungkol lamang sa búhay
ang mga bangkay ay hindi nagsusulat
gaya ng manok na ngayon ay nasa kaldero
hindi nila alam ang resipi
sa bawat linyang isinusulat ko ukol sa búhay
magagawa ko ang gayon hinggil sa buwan
o mga ibon o tagsibol na langit ang salalayan
at may laan akong kahon
sa bawat araw na daratal
at kapag ang mga ibon, tagsibol o kaluguran
ay magtagumpay na bisuhin ako
ang mga ito man ang musa ng mga makata
ay pipiliin ko pa ring tumangging magsulat.

Ang Ilahas na Lupain, ni T.S. Eliot

Salin ng The Burial of the Dead na unang bahagi ng “The Waste Land,” ni T.S. Eliot
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paglilibing ng Patay

. . . . . .Abril ang pinakamalupit na buwan, pinasusupling
Ang lila sa patay na lupain, pinaghahalo
Ang gunita at lunggati, pinupukaw
Sa ulan ng tagsibol ang marurupok na ugat.
Pinapag-alab tayo ng taglamig, tinatabunan
Ng ulyaning niyebe ang lupa, pinakakain
Ng mga tuyot na lamang-ugat ang búhay.
Ginulat tayo ng tag-araw, pagkagaling sa Starnbergersee,
Sa anyo ng tikatik ng ulan; huminto tayo sa balkonahe,
At naglandas sa sinag-araw, papaloob sa Hofgarten,
At uminom ng kape, at nag-usap nang isang oras.
Hindi ako Ruso, nagmula sa Litwanya, at tunay na Aleman.
Nang mga bata pa kami, habang naninirahan sa Artsiduke,
Sa aking pinsan, hinatak niya akong sumakay ng trineo,
At natakot ako. Aniya, Maria,
Maria, kumapit nang mahigpit! At dumausdos kami pababâ.
Sa mga bundok, doon mo madarama ang pagkamalayà.
Nagbasá ako, halos magdamag, at nagpatimog nang taglamig.

. . . . . .Anong ugat ang kumakapit, anong tangkay ang nupling
Mula sa walang silbing batuhang  ito? Anak ng tao,
Hindi mo masasabi ni mahuhulaan, dahil ang alam mo lámang
Ay talaksan ng baság na hulagway, na tinitibukan ng araw,
At ang tuod ay ni walang lilim, walang humpay ang kuliglig,
At ang tuyong bato ay walang himig ng tubig. Tanging naririto
Ang anino sa ilalim ng pulang bato,
(Halika sa lilim ng anino ng pulang bato),
At ipamamalas sa iyo ang kaibhan ng alinman
Sa iyong anino sa umaga na bumubuntot sa iyo
O ang anino mo sa gabi na bumabangon para salubungin ka;
Ipakikita ko sa iyo sa kuyom na alabok ang hilakbot.

…….. . . . . .Sariwa ang hihip
…….. . . . . .Ng simoy sa baláy,
…….. . . . . .Anak na Irlandes,
…….. . . . . .Saan mananahan?

‘Binigyan mo ako ng mga Tukál noong nakaraang taon;
‘Tinawag nila akong ang babaeng tukál.’
—Ngunit nang umuwi tayo, gabi na, mula sa harding tukál,
Kilik mo ang dalá, at basâ ang buhok, at nabigo akong
Umusal, at nanlabo ang aking paningin, hindi ako
Buháy o patáy, at wala akong alam,
Pagtitig tungo sa puso ng liwanag, ang katahimikan.
Tigang at hungkag ang dagat.

. . . . . .Si Ginang Sosostris, ang bantog na pithô,
Ay dinapuan ng matinding sipon, gayunman
Ay kilala na pinakamarunong na babae sa Ewropa,
Na hayop ang manghal ng baraha. Narito, aniya,
Ang baraha mo, ang nalunod na Fenisyong Marinero,
(Mga perlas ang kaniyang mga mata. Tingnan mo!)
Narito si Belladonna, ang Babae ng Batuhan,
Ang babae ng mga sitwasyon.
Heto ang táong may tungkong tungkod, heto ang Gulong,
At heto ang tinderong isa ang mata, at ang barahang ito,
Na blangko, ay ang bagay na kaniyang pinapasan,
Na ipinagbabawal sa aking masilayan. Hindi ko makita
Ang Binitay na Tao. Mangilag sa kamatayan sa tubig.
Nakikita ko ang lipon ng mga tao, naglalakad paikot.
Salamat sa iyo. Kapag nakita mo si Gng. Equitone,
Sabihin sa kaniyang dala-dala ko ang oroskopo:
Kailangang mag-ingat nang lubos sa panahong ito.

. . . . Guniguning Lungsod,
Sa lilim ng kalawanging ulop ng imbiyernong liwayway,
Umagos ang madla sa Tulay ng London, napakarami,
Hindi ko naisip na kinalag ng kamatayan ang napakarami.
Buntong-hiningang maiikli’t may patlang ang iniluwal,
At bawat tao’y ipinako ang mga mata sa mga paa niya.
Umapaw hanggang buról at pababa sa Kalye Haring William,
At doon si Santa Maria Woolnoth ay nakabantay sa oras
Na impit ang tunog pagsapit ng wakas na alas-nuwebe.
Nakita roon ang kilala ko, pinigil siya’t sumigaw: ‘Stetson!
‘Ikaw na kasama ko sa mga barko sa Mylae!
‘Ang bangkay bang itinanim mo noong nakaraang taon
Sa hardin mo’y sumibol na? Aalimbukad ba ngayong taon?
‘O ang biglaang pagyeyelo ang umistorbo sa kama nito?
‘Ilayo mo ang Aso, dahil kaibigan iyan ng mga tao,
‘O kakalaykayin muli ng mga kuko nito ang tábon!
‘Ikaw! Ipokritong propesor!—kasama ko,aking kapatid!’

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to Chinese occupation. No to Chinese aggression.