Tayutay ng Katangahan

Adelantado at salát sa locus standi ang petisyon nina Abogado Oliver Lozano at Evangeline J. Lozano-Endriano at Louis C. Biraogo hinggil sa pagpapawalang-bisa ng Resolusyon ng Mababang Kapulungan Bilang 1109 na nananawagan ng pagbubuo ng Constituent Assembly (Con-Ass). Hindi dapat repasuhin ang kaso ng mga naghabla dahil kulang ang kaganapan o kaangkupan ng kaso. Ito ang pasiya ng buong Korte Suprema, at isinulat ni Punong Mahistrado Reynato S. Puno.

Mabulaklak ang wika ng hukuman ngunit mapagagaan ito sa ganitong paraan. Hindi puwedeng magpasiya ang Korte Suprema sa mga kaso o kontrobersiyang “malabo, di-tiyak, at hinuhang mga tanong.” Hilaw pa umano ang panahon para makialam ang hukuman sa kasong isinampa ni Abogado Lozano atbp. dahil walang pang nagaganap na “pinsala o hirap na bunga ng inirereklamo.” Idinagdag ng hukuman na “wala pang nabubuong kumbensiyon o kaya’y panuntunan ng pamamaraan” na pinagtibay ng Kongreso. Kaya ano ang dapat pagpasiyahan kung wala pang pagmamalabis ng kapangyarihan o kapasiyahan ang Mababang Kapulungan? Wala. Sinasabi lamang ng Korte Suprema na kailangan munang gumawa ng kasalanan ang Kongreso bago ito makikialam sa kaso. Kumbaga’y walang dapat bigyan ng absolusyon kung hindi naman nagkakasala pa ang nangungumpisal.

Wala ring karapatan ang mga petisyonaryo na maghabla dahil bagaman sila’y namumuwisan at mamamayan ng Filipinas ay wala silang pansariling itinataya sa kaso, gaya ng kanilang propesyon. Dapat munang lustayin ng Mababang Kapulungan ang pera ng taumbayan sa pamamagitan ng asambleang konstitusyonal bago masabing nanganganib ang lagay ng mga petisyonaryo.

Pinakamabigat na binitawang salita ng Korte Suprema ang hinggil sa kakulangan ng locus standi ng petisyon. Tumutukoy ang “locus standi” sa karapatan ng tao na dinggin ang kaso nito sa hukuman, at tawagin ang nasabing hukuman para pagpasiyahan ang kasong pinagtatalunan ng magkatunggaling panig. Ngunit sa kaso ni Lozano atbp., walang malinaw na patunay na nalalagay sa panganib ang kanilang interes sa isang tiyak na usapin. Bagaman minamarapat ng Konstitusyon ang naturang prinsipyo, “hinihingi sa hukuman na litisin lamang nito ang mga kasong mahihiling at maipatutupad nang legal.” Maluwag ang hukuman hinggil sa locus standi, ngunit hindi umano iyon “malayang imbitasyon para sa mangmang at imbî na walang pinatutunayan kundi ang kanilang katangahan.” Aruy!

Pinatatamaan ng gayong tayutay ang panig nina Lozano, Endriano, at Biraogo. Walang maibubunga ang pagiging adelantado at bobo. At tumututol ang hukuman na pumaloob sa bitag na pakana ng mga petisyonaryo.

Nakapanghihinayang na ang wika ng Korte Suprema ay nasa wikang Ingles imbes na nasa Filipino na maaaring maunawaan ng karaniwang tao. Kung Filipino ang wika ng Punong Mahistrado, tiyak kong pagtatawanan ang gaya ni Oliver Lozano, na nagiging malimit ang pagiging adelantado para sa isang kagalang-galang na abogado.

Advertisements

Buhawi ng Con-Ass Holes

Lumilikha ng buhawi ang Mababang Kapulungan nang pagtibayin nito ang Resolusyon Bilang 1109 na nag-aatas ng pagbubuo ng asambleang pangkonstitusyon nang walang pakikilahok ng Senado. Bagaman binibigyan ng awtoridad ng Konstitusyon ang batasan na susugan o baguhin ito, ang naturang awtoridad ay nakasalalay pa rin sa kapasiyahan ng taumbayang pinag-uugatan ng gayong kapangyarihan.

Tumutukoy ang pagsusog [amendment] sa pagpapalit ng isa o ilang tiyak at bukod na probisyon sa batas. Ayon sa pag-aaral ni Joaquin G. Bernas, S.J., ang orihinal na layon ng pagsusog ay “upang pahusayin ang ilang tiyak na bahagi o magdagdag ng bagong probisyong kinakailangan para matugunan ang mga bagong kalagayan o supili ang ilang bahaging laos na at sinisipat na mapanganib.” Sa kabilang dako, ang rebisyon ay may orihinal na layong “suriin muli ang buong dokumento, o ang mga probisyong may pangkalahatang implikasyon sa buong dokumento, upang matukoy kung paano at kung hanggang saan ang papalitan.”

Inihalimbawa ni Bernas na ang pagpapalit ng sistemang pampanguluhan tungo sa sistemang parlamento ay isang rebisyon dahil sa kabuuang epekto nito sa balangkas ng konstitusyon. Gayundin ang paglipat mulang sistemang dalawang batasan tungong sistemang isang batasan lamang. Ang panukalang federalismo, kung susundan ang halimbawa ni Bernas, ay isang rebisyon kung itutuloy ito ng mga kapanalig ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo doon sa Mababang Kapulungan.

Susugan man o baguhin nang ganap ang Konstitusyon, ito ay dapat ginagawa lamang ng mga awtorisadong ahensiya ng pagbabago alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon, at hindi magbubunga ng bagong batayang batas. Ayon sa Artikulo XVII  ng Konstitusyon ng 1987, ang anumang susog o pagbabago sa Konstitusyon ay maaaring ipanukala ng sumusunod: una, ng Kongreso sa pamamagitan ng tatlong-kapat (3/4) na boto ng lahat ng Kagawad nito; ikalawa, sa pamamagitan ng Kumbensiyong Konstitusyonal; at ikatlo, sa pamamagitan ng petisyon ng taumbayang binubuo ng 12 bahagdan man lamang ng kabuuang bilang ng mga rehistradong manghahalal.

Ginamit ng Mababang Kapulungan ang kalabuan ng Seksiyon 1.1 ng Artikulo XVII kung ang pagboto ba ay tumutukoy lamang sa Mababang Kapulungan o kaya’y sa pinagsanib na kapulungan ngunit bumoboto nang bukod sa isa’t isa. Ayon kay Bernas, yamang ang probisyon ay walang isinasaad sa pinagsanib na sesyon, “sinasang-ayunan na ang bawat Kapulungan ay makapagbabalangkas ng susog batay sa tatlong-kapat na boto ng lahat ng kasapi nito, at ipapasa ang gayong susog sa katuwang na Kapulungan para sa kahawig na proseso. Maisasaayos ang mga pagtatalo sa pamamagitan ng kumperensiya ng lupon.”

Sinasang-ayunan din na “ang Kongreso ay makapagpapasiya na magpulong nang magkasanib at bumoto nang magkabukod sa anumang panukalang susog at rebisyon.” Dahil walang isinasaad ang Konstitusyon hinggil sa pamamaraan at yamang ang proseso ng pagsusog ay nasa Kongreso, “malayang makapamimili ang Kongreso kung anong metodo ang nais nitong isakatuparan.”

Bakit ganito ang pagkakasulat ng Konstitusyon? Matatagpuan ang sagot, ani Bernas, kapag binalikan ang Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Tinalakay ng nasabing Komisyon noon ang gayong probisyon habang inaasahan ang pag-iral ng isahang batasan o lawas unikameral. Kaya ang modelo na ginamit ay sipi ng probisyon ng pagsusog para sa Batasang Pambansa, na lawas unikameral, sa bisa ng Konstitusyon ng 1973.

Sa bilis ng mga pangyayari at pagmamadali ng Mababang Kapulungan, inihayag nito ang tangkang “lapastanganin ang Konstitusyon,” sambit nga ng mga kritiko nito. Ang paglabag sa Konstitusyon ay isang mabigat na kasalanang maaaring tumbasan ng pagpapatalsik sa poder, gaya sa impeachment ni Pang. Joseph Ejercito Estrada. Ngunit kung magkakagayon, mauubos ang mga mambabatas, masisibak sa puwesto nang wala sa panahon si Pangulong Arroyo, maaaring maghari ang mga Heneral kapag nagwagi ang kudeta at itakda ang Batas Militar, o kaya’y maitatatag ang rebolusyonaryong pamahalaang pinayagan ng taumbayan dahil sa pagmamalabis ng mga makapangyarihang opisyal at mambabatas. Ang taumbayan, sa dakong huli, ang magpapasiya pa rin ng lahat.

Mahahangin ang mga alipuris na mambabatas ni Pang. Arroyo nang pagtibayin ang Resolusyon 1109, at ang hangin nilang itinanim ay nagbabadya ngayong maging bagyong kanila ring aanihin sa lalong madaling panahon.