Landas S, ni Roberto T. Añonuevo

Landas S

Roberto T. Añonuevo

Kung hindî pa nasísirâan ng baít pagsápit sa hanggáhan ng nasisípat, sumúlat ng títik /s/ ay katumbás ng buról, kumekéndeng ang bagnós, na áakyatín pára magnílay kung hindî magpátiwakál, magháhanáp ng talâsalitâan, gayunmán ay mabíbigô dáhil salát sa kahúlugán, malulúnod sa kábalighûan ng singháp sa símoy, at ikáw na kumáhig ay magtátanóng kung itó ay kabílang sa álpabéto.  Ang /s/, tíla sawáng gumagápang sa loób ng kanál, ay sasagì sa iyóng pandamá. Aákalàin mong itó ang sukdúlang álab, ang sex sa sax, ang six sa sox, ang sap sa sup, ísip mo’y sumásagitsít, ang síntaks ng silakbó, lalawáyan, hihimásin, kákadyutín, ngúnit dáhil itó ang sarádong síglo, ang /s/ ang sayáw ng sintá, ang santó uyamín mang sinusunód ng laksá-laksáng sintô-sintô, ang súlat sa sahíg, ang súlat sa túbig, malantík, madulás, kay rikít kung mag-íwan ng bakás sa buhángin, sumásaiyó, sumásalángit subálit suwaíl, pumapások nang magkároón ng katwírang lumabás, isáng palabás na kung tawágin ay salúpungán ng panagínip, kumákatás kung hindî sumisírit, na sa gitnâ’y may démonyo, tumótomà pagkáraáng tumugtóg, humíhishís ang hímig, at ang gitára’y lipón ng mga dukhâng sumisigáw ng démokrásya, sumusúkat ng katarúngan, sumasaló ng émpleo, umaása sa lúgaw o ayúda ngúnit tútol sa lutòng makáw, nagkakáisáng mághimagsík gayong sinísindák ng diktadór, binabákunáhan pára pagkákitáhan ng négosyo, na ang loób ay wángis pándesál, sangkurót, singgaán ng panónoód ng síne nang líbre, o dáhil ikáw ay kabílang sa sékyuríti. Ang /s/ ang sumúsuwág, ang sumúsundót, ang sumúsuwáy sa itinátakdâ ng tuwíd o baluktót, hindî sentímentál sa W o X, magíting párang putikáng amá, magayón párang pilîng iná, maláyaw párang paláboy na pangánay, ngúnit sumásambá sa sariwàng sandígan ng santínakpán. Ang títik na ágos ng sapà, ikáw ang lintík na áking bíbigkasín nang ságrado káhit hálos pínid ang bibíg, úpang akó káhit sandalî ay magíng síning, samyông kay saráp singhutín, matatág ang loób, matapát maglingkód, isumpâ mang sawimpálad at róbredo, samantálang nagdiríwang ang mga sinungáling na kapatíd ng mga mandárambóng at salarín, umuúngol sa lábis na tamís, at wikà nga, itó ang yugtô pára sa iyó na áking sásalatín, sísipsipín, súsuotín, nang maniwalà kang itó ay hindî guníguní—ang totoó, ang marikít, ang mabúti.

Alimbúkad: Epic poetry marathon beyond Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com

Huwag matakot mamatay sa daan, ni Alexander Blok

Salin ng bahagi ng “Mga Berso ukol sa Babaeng Marikit,” ni Alexander Blok ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag kang matakot mamatay sa daan

Huwag kang matakot mamatay sa daan.
Katoto’t kaaway ay hindi sagabal.
Makinig sa wika nitong paglilingkod
Upang mahigtan mo ang saklaw ng takot.

Siya ay bababa patungo sa iyo.
Kung alipin ka man o bulok ang mundo’y
Hindi ka na muling luluhod sa ningning
Sa kakawang anyo at dukhang imahen.

Dahil siya’t ikaw ay iisang batas,
Ang dakilang utos ng Nakatataas.
Hindi ka bilanggo sa sukdulang hapdi’t
Kawalang pag-asang eternal ang gawi.

5 Hulyo 1902

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Parang, ni Antonio Machado

Salin ng “Campo,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Párang

Agaw-buhay ang takipsilim
gaya ng munting apoy na nauupos sa bahay.

Doon, sa tuktok ng mga bundok,
iilang gatong na lámang ang natitira.

At ang bakling punongkahoy sa puting daan
ay paluluhain ka dahil sa pagmamahal.

Dalawang sanga sa warát na bungéd, at isang
dahong itim at kuluntoy sa bawat sanga!

Umiiyak ka? Sa mga gintong álamo sa malayo
ay naghihintay sa iyo ang anino ng pag-ibig.

Sonámbulo at Panggabing Ritwal, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sonámbulo at ang Ibang Tao

Hindi siya makatulog sa buong magdamag. Sinundan
niya ang mga yabag ng sonámbulong nasa ibabaw ng bubóng.
Umaalingawngaw ang bawat hakbang nang eternal
sa angkin nitong kahungkagan, mabigat at ibinalot wari
sa kung anong saplot. Tumindig siya sa gilid ng bintana,
naghintay para saluhin sakali’t mahulog ang tinitingala.
Ngunit paano kung mahila siya pababâ sa pagbagsak?
Isang anino ng ibon sa pader? Bituin? Siya? Mga kamay niya?

Narinig ang lagabog sa sementadong daan. Madaling-araw.
Nagbukás ang mga bintana. Kumaripas ang magkakapitbahay.
Ang sonámbulo ay tumakbo pababa sa ligtasan kung may sunog,
upang silipin kung sino kayâ ang nahulog mula sa bintana.

Panggabing Ritwal

Kinitil nila ang tandang, ang púnay, ang kambing. Ipinahid
nila ang sumirit na dugo sa kanilang balikat, leeg, mukha.
Humarap ang isa sa dingding at pinahiran ng dugo ang uten.
Pagdaka’y tatlong babaeng nasa sulok at may puting lambong
ang gumibik na waring pinapaslang. Ang mga lalaki—
na nagtaingang-kawali—ay iginuhit sa sahig sa pamamagitan
ng yeso ang mahahabang sawá at sinaunang mga palaso.
Sa labas, lumagabog ang mga tambol na yumanig sa buong
pamayanan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Yes to Filipino. Yes to human rights. Yes to humanity!

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas, ni Edith Södergran

Salin ng “Höstens sista blomma,” ni Edith Södergran ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Inihele ako sa duyan ng tag-araw,
Itinadhana akong magbantay sa simoy Nórdiko;
sumiklab ang mapulang apoy
sa aking maputing pisngi.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Ako ang pinakabatàng butó ng patay na tagsibol,
At napakadalȋng mamatay bilang pangwakas.
Nakita ko ang lawàng kahanga-hanga’t bughaw,
Narinig ko ang pitlag ng puso ng patay na tag-araw,
Walang ibang butil ang kalis ko kundi kamatayan.

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Nakita ko ang mabituing rurok ng taglagas;
Kimkim ko ang liwanag sa malalayong dapugan,
At napakadaling sundan ang parehong daan.
Ipipinid ko ang mga lagusan hanggang kamatayan.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.

Stop weaponizing the law. Anti-drugs campaign should not be used to trample human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing.

Mga Amarilyong Ibon, ni Haring Yoori

salin ng tula ni Haring Yoori [Yuri] ng Sinaunang Korea
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Amarilyong Ibon

Mag-isa akong nakatayo
sa gitna ng dilawang sinag sa ginintuang landas.
Lahat, lahat ay akin—mga palayan at bulawang daan,
ngunit iisa lámang ang aking minimithi.
Sa sanga ng punongkahoy na nasa gilid ng daan,
dalawang ibon ang nagtatalik.
Bakit sila umaawit nang napakasayá?

Yes to human rights. No to illegal arrests. No to bogus operation.

Romblon Blues, ni Roberto T. Añonuevo

Romblon Blues

Roberto T. Añonuevo

Itinuring niyang pinakamahabang daan sa buong daigdig ang makitid na lansangan mulang pantalan tungong Ginbirayan. Maliit pa siya’y lubak-lubak, putik-putik ang landas, at abot-kamay ang bangin. Limampung taon ang lumipas, ngunit nananatiling lubak-lubak, putik-putik pa rin ang lumang lansangan lalo’t tag-ulan, o kung hindi’y pulbos ang alikabok kapag tag-araw. Maraming sasakyan ang sinaló ng kailaliman sa paglipas ng mga taon, at ang pumalit ay ilang habal-habal. Sinisemento naman ng gobyerno ang lansangan, sabi sa balita, gaano man kalaki o kaliit ang pondo, at ang ipinagtataka niya’y hindi matapos-tapos ang proyekto. Minsan, naisip niyang bilangin ang mga hakbang bago sumapit sa paroroonan: Kung hindi ito ang pinakamahabang daan, malikmata lámang ang panganib, at ang pagbulusok sa mga alon, kung hindi man sa káma ng mga tinik.  .  .  .

“Kanino man ang landas,” ni Tsegaye Gabre-Medhin

Salin ng “Who is on whose way” ni Tsegaye Gabre-Medhin ng Ethiopia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kanino man ang landas

Hindi ko alam, ginoo, na humalang ako sa iyong daan,
At naganap ang lahat nang di-inaasahan. Makipagtalo
Sa iyo ay wala sa lugar, at kung tayo’y mag-aaway,
Ang iba ang tiyak na magtatagumpay;
At yamang ang landas na ito ang kinabukasan ko rin,
Ang tadhana ang pumipilit sa aking sumagot ng “Hindi.”
Sikaping makapagtimpi, o kung hindi’y magagawa mong
Itaya ang bunga ng gawang pagsisisihan sa anyo ng biro;
Dahil kung may krimen, ang maysala ay sadyang karaniwan.
Ako rin ay katulad mo, kung lulugar ka sa kinatatayuan ko.
Kayâ magpalít tayo ng puwesto, at magpalit ng papel.
Gaano man maging kapait ang lahat ay dapat maganap.
Batid nating wala namang mawawala nang gaano,
Na kahit naririto tayo’y napakalawak ng pagitang espasyo.
At sa kabila ng lahat, sasapit ang araw na kapuwa tayo yayao.