Awit ng Siraulo, ni Émile Verhaeren

salin ng “Chanson de Fou,” ni Émile Verhaeren ng Belgium
salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Siraulo

Ang mga daga sa kanugnog na libingan,
noong tanghaling-tapat,
ay hayok na kampanang humihiging.

Nginangasab nila ang mga puso ng patay,
at nagsitaba sa pagsisisi.

Nilamon nila ang uod na kumakain ng lahat
at walang hangga ang kanilang gutom.

Heto ang mga daga
na ngumangatngat sa daigdig
mula itaas hanggang ibabang panig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Mohammad Fahim @ unsplash.com

 

Ang Limang Daliri ng Kamay, ni Aloysius Bertrand

Salin ng “Les doigts de la main,” ni Aloysius Bertrand ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Limang Daliri ng Kamay

Ang kagalang-galang na pamilya, na hindi nabangkarote ang ni isang kasapi, at ni isa’y hindi binitay.
—Ang Angkan ni Jean De Niville

Ang hinlalakí ay Flamenco na may-ari ng kabaret—mataba, malibog, at magaspang magbiro, naninigarilyo sa tabi ng kaniyang pintuan at sa ilalim ng paskil na naghahayag ng mga serbesa ng Marso na doble kung sumipà.

Ang hintuturò ay ang kaniyang asawang mukhang daga na sintigas ng lumang tuyô, na tuwing umaga’y sinasampal ang kaniyang katulong na pinagseselosan niya, at mahilig humimas sa bote ng alak.

Ang hinlalatò ay ang kanilang anak, ang mapusók na binatang naging sundalo sana kung hindi naging tagatimpla ng alak, at naging kabayo sana kung hindi naging tao.

Ang palasingsingan ay ang kanilang anak na babae, ang maanyubog ngunit tusong si Zerbina, na naglalakô ng kaniyang engkahe sa mga dalaga, ngunit umiiwas ngumiti sa mga kabalyero.

At ang hinliliít, at sakít ng kalingkingan, ang bunso sa pamilya at sutil bukod sa iyaking paslit, na palaging nakabuntot sa kaniyang ina, at waring sinagpang ng mga pangil ng manananggal.

Kapag pinagsama-sama, ang limang daliri at ang kamay ay makapagbibigay ng lumalagapak na sampal sa dangal doon sa mga hardin ng kagalang-galang na lungsod ng Haarlem.

Ang Paniki, ni Theodore Roethke

Salin ng “The Bat,” ni Theodore Roethke
Salin sa pandaigdigang Filipno ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paniki

Ang paniki kapag umaga’y pinsan ng daga,
Sa átiko ng matandang bahay nagkukuta.

Mga daliri niya ay panakip sa ulo.
Mabagal ang pulso niya’t animo’y yumao.

Paikot kung gumuhit ng pigura sa gabi
Sa mga punongkahoy na may sinag sa tabi.

Ngunit kapag siya’y bumangga sa ating iskrin,
Takót tayo sakali’t mabatid ng paningin:

Dahil may kung anong mali o wala sa puwesto,
Kapag ang daga na may pakpak ay mukhang tao.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Simula ng Indictus, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Simula ng Indictus

Alam nating lahat kung sino si Pnytagoras
o kahit paano’y sisikaping mabatid siya
(sabi nila’y siya ang hari ng Salamis).
Ngunit ang Kalye Pnytagoras, ang mahal na Pnytagoras
sa pagitan ng Timios Stavros at ng Hagia Zoni,
ay marahil ako lamang ang makaaalam. Abá ako:
Kinaiinggitan ko ang mga daga ng kalyeng ito,
ang mga palaboy na askal, ang mga pusang mailap,
na nagmumula sa Kalye Acropolis at lumulusong
sa Pentelis, at pagdaka’y isinusuka ng Hilarion
tungo sa aking Kalye Pnytagoras—mapapalad na bata!

Hiling ko’y maging daga sana ako ng aking bahay,
maging askal na pumapasok sa aking hardin,
at pusang mailap na nakapagbubukas ng pridyider
upang makatikim ng nakaligtaang piraso ng manok.

Ako na lang sana ang naging ahas, ang kulitis,
ang punongkahoy na tuod, ang wasak na pinto,
ang amaranto na nangangarap mapigtal
upang humimbing sa mga sapot ng gagamba.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to vicious war in whatever form.

Pugad, ni Seamus Heaney

salin ng tulang “Nesting-Ground” ni Seamus Heaney.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PUGAD

Ang mga pugad ng mga balinsasayaw ay mga bútas ng karimlan sa gilid ng ilog. Naguguniguni niya ang kaniyang kamay na pumapasok doon hanggang kilikili, may mahabang manggas at tuwid na tuwid, ngunit minsan niyang nadama ang malamig na tusok ng kuko ng patay na layang-layang at tinitigan na lamang niya ang nakagugulat na densidad ng maliit nitong tuka.

Narinig niya ang siyap sa malayo dahil ipinakita sa kaniya minsan ng mga lalaki ang dimón ng daga sa puwitan ng mandala na ang mga dayami at balát ng mais ay pawang nakadikit sa mamasa-masa, mamula-mulang leeg at likod.

Nang tumindig siyang gaya ng talibang tumatanaw, naghihintay, naisip niyang idikit ang kaniyang tainga sa isa sa mga abandonadong bútas at pakinggan ang hugong ng katahimikan sa pusod ng lupa.

Daga at Dalawang Pirasong Prosa, ni Georg Trakl

Mga tula ng makatang Austríyako na si  Georg Trakl.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA DAGA

Sa bukirin, kumikislap ang puting buwan ng taglagas.
Bumabagsak ang mga kagila-gilalas na anino sa bubungan.
Umiiral ang katahimikan sa mga hungkag na bintana;
at mula roon, lumalabas nang marahan ang mga daga
na pawang kung saan-saan sumusuot, umiik-ik,
at sinusundan ang mga ito ng abuhing halumigmig
mula sa umaalingasaw na kubeta, at sumisinghot-singhot:
Sa halumigmig, nanginginig ang gamultong sinag-buwan.
Masiglang umiingit ang mga daga na parang nababaliw
at pinupuno saka ginagambala ang mga bahay at kamalig
na umaapaw sa mga prutas at butil.
Nakikipag-away ang malamig na simoy sa katahimikan.

DALAWANG PIRASONG PROSA

I
Gabi ng Taglamig

Umuulan ng niyebe. Lampas ng hatinggabi, ikaw na lango sa biyoletang alak ay iniwan ang madilim na silungan ng mga lalaki at ang mapulang apoy ng kanilang mga siga. Ay, ang dilim ng gabi.

Itim na yelo. Matigas ang sahig, at ang hangin ay mapakla ang lasa. Lumilikha ng malas na hulagway ang iyong mga bituin. Sa matigas na paglakad, tinahak mo ang gilid ng riles nang malalaki ang mata, gaya ng kawal na sumusugod sa maitim na pugad ng masinggan. Sugod!

Mapait na niyebe at buwan.

Isang pulang lobo ang sinasakal ng anghel. Kumikiskis ang mga hitang bahagi ng pantalon mo habang lumalakad ka, gaya ng asul na yelo; at ang ngiting nababalot ng pagdurusa at pagmamalaki ang nagpatigas ng iyong mukha; at namumuti ang iyong noo bago ang lubos na pagtigas ng helada, o kung hindi’y tahimik itong tutungó sa natutulog na panggabing taliba, na nakasalampak sa kaniyang kahoy na kanlungan.

Yelo at usok.

Lumiliyab ang puting damit ng mga bituin sa iyong may saplot na balikat, at ang lawin ng Diyos ay pinipilas ang himaymay ng matigas mong puso.

Ay, ang mabatong buról. Natutunaw ang malamig, nalimutan, at tahimik na lawas sa pinilakang niyebe. Itim ang pagtulog. Sa matagal na panahon, sinusundan ng tainga ang daloy ng mga bituin pababa sa yelo. Nang magising ka, kumakalembang ang mga batingaw ng simbahan. Sa labas ng pinto sa gawing silangan, ang kulay rosas na araw ay lumalakad sa pinilakang liwanag.

II
Mula sa Pagbubunyag at Kabiguan

Bumaba ako sa matinik hagdan nang pinilakan ang talampakan, at lumakad papasok sa puting silid. Tahimik na tumanglaw ang lampara, at binalutan ko ng biyoletang tela ang aking ulo nang walang imik; at ang lupa’y isinuka ang katawang tila mula sa bata, ang nilalang ng buwan, na marahang lumakad papalabas ng karimlan ng aking anino, na may mga baling braso. Lumubog palayo ang mabatong talón, ang makukulot na yelo.

Mga bilanggo ng digmaan

Mga bilanggo ng digmaan, guhit ng di-kilalang tao na natagpuan sa kuwartel ng mga kawal sa Cabanatuan.