Sabihin nating. . . , ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Let Us Say. . .” ni Nikos Engonopoulos ng Greece

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sabihin nating. . .

Hinila ng mga mangingisda tungo sa dalampasigan ang malaking lamandagat. Nangisay-ngisay ito sa buhanginan, at ang mga puting mata sa tiyan nito’y tumitig sa araw. Umalingasaw ang hangin na wari’y burak, na nagpatindi sa desperadong sikad ng hayop na may malalapad, malalapot na paa. Nagkulumpon ang mga tao upang usisain ang nakaririmarim na mukha ng halimaw. Ginusto ko ring lumapit at magmasid, ngunit dahil siksikan ang mga tao’y nabigo akong makasilip. Isang babae na suot ang kaniyang tanging sombrero, na pinalamutian ng mga balahibo, ang bumulong nang banayad sa akin: “Bulag iyan.” Ay, bulag nga ang hayop. At kung bulag iyon, ano ang ibig sabihin ni Seurat nang wikain niya ang pulang awreola na pumapalibot sa lungtiang halamanan, sa mga maningning na abenida ng Paris? Ano nga ba ang tunog ng mga tinig ng mga bata na hinahadlangan ng trambiya upang hindi natin marinig nang malinaw? Ano ang mga tersiyopelong guwantes na suot ng iyong mga kamay? Huwag mong hubarin ang sapatos, mahal, hintayin mong sumapit ang gabi. At sumapit ang gabi. Nalimutan ang halimaw, nagsiuwi ang mga mangingisda, at nagsilisan ang mga miron. Namumuti ang buwan at inilipad ng bagting sa kalawakan. Marahang ibinaba ang tabing.

Alimbúkad: Empowering Filipino language through world-class translation. Photo by JESSICA TICOZZELLI on Pexels.com

Baybay Dover, ni Matthew Arnold

 Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Baybay Dover
  
 Panatag ang dagat ngayong gabi.
 Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
 Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
 Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
 Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
 Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
 Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
 Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
 Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
 Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
 Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
 Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
 Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
 Ng eternal na nota ng kalungkutan.
  
 Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
 Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
 Ang labusaw ng táog at káti
 Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin 
 Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
 At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
  
 Ang Dagat ng Pananampalataya’y
 Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
 Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
 Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
 Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
 Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
 Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
 At lastag na bulutong ng daigdig.
  
 Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
 Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
 Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
 Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
 Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
 Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
 At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
 Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
 Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi. 
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com

Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Larawan ng Panahon, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Weather Picture,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ng Panahon

Kumikinang nang malamig ang dagat Oktubre
Nang taglay ang palikpik ng mga espehismo.

Walang anumang natitira ang nakagugunita
Sa mga puting pagkahilo ng karera ng mga yate.

Kumukuti-kutitap sa nayon ang mainit na bága.
At lahat ng tunog ay napakabagal ang lipad.

Ang tahol ng aso ay isang anyo ng heroglifiko
Na ipininta sa hangin sa ibabaw ng hardin

Na ang dilaw na bunga ay ano’t nauutakan
Ang punongkahoy, at nalalaglag nang kusa.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Wabi Jayme @ unsplash.com

Siyempre, ni Pablo Neruda

Salin ng “Siempre,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Siyempre

Kapag kaharap ka’y
hindi ako nagseselos.

Lumapit nang may lalaki
sa iyong likod,
lumapit nang may sandaang lalaki sa buhok,
lumapit nang may libong lalaki sa pagitan ng dibdib at paa,
lumapit tulad ng ilog
na umapaw
sa mga nangalunod na lalaki
nang salubungin ang dagat na napopoot,
ang eternal na bulâ, ang panahon.

Dalhin lahat sila
sa pook na hinihintay kita:
Palagi tayong mag-isa lámang,
tayo’y palagi, tanging ikaw at ako,
na magkapiling sa rabáw ng lupa,
upang magpasimula ng búhay.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Balada ng Tubig-alat, ni Federico García Lorca

Salin ng “La balada del agua del mar,” ni Federico García Lorca (Federico del Sagrado Corazón de Jesús García) ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Balada ng Tubig-alat

Para kay Emilio Prados (kasador ng mga ulap)

Ngumiti sa malayo
ang dagat:
Mga ngipin ng bulâ,
mga labì ng ulap.

“Ano ang tinda mo, dalagang
balisa’t lantad ang suso?”

“Ginoo, ang tubig-alat!”

“Ano iyang humalò, binatang
negro, sa iyong dugo?”

“Ginoo, ang tubig-alat!”

“Saan nagmula ang maalat
na luha, inang?”

“Iniluha ko, Ginoo, ang tubig-alat!”

“Puso, ano ang bukál
ng labis na kapaitan?”

“Naglatag ng mapaít
na balabal ang tubig-alat!”

Ngumiti sa malayo
ang dagat:
Mga ngipin ng bulâ,
mga labì ng ulap.

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.

Mga Pating ng Greenland, ni Torkilk Morch

Salin ng “Greenland Sharks,” ni Torkilk Mørch ng Greenland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pating ng Greenland

Mababagal ang mga ito, at sumisisid nang napakalalim,
saka inaabatan nang mahúli nang lubos ang ibig. Ang karne
ng pating na ito ay lason. Oo, lason. Ngunit ano ang nagtulak
sa desperadong mangingisda o sa kaniyang kabiyak, na kahit
nasaksihang masawi ang mga kapitbahay, ay nagpatuloy,
at naisip na kung inilaga lámang ang lamán nang ilang ulit,
o marahil kung idinaing yaon at iniluto pagkaraan para kainin
ay makaiiwas sa peligro? Totoo: naisasagawa ang kapuwa
metodo, ngunit ano-ano ang matitinding pangangailangan
para mapilitang gawin ang mapanganib na eksperimento,
tulad ng pagkakamit ng kung anong pambihirang talino?