Motif IV, ni Subagio Sastrowardoyo

Salin ng “Motif IV,” ni Subagio Sastrowardoyo ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Motif IV

Ibig kong bumili ng Walkman
o munting radyo na malakas
ang tunog. Kailanman naisin
ay madadala ko iyon saanman.
Kailangan ko ang ingay sa bawat
sandali, kumpas man ng musika
o satsat ng mga tao. Mabuting
magkaroon ng nakabubulahaw
na talumpati o rakrakang nakatutulig.
Nalalasing ako sa ingay.
Hayaang magwala ang daigdig
dahil takot ako sa katahimikan.
Natatakot ako sa tinig ng kalooban.
Tuhan, kailan ka ba papanaw?

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Mick Haupt @ unsplash.com

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ala-una ng Umaga, ni Charles Baudelaire

Salin ng “A une heure du matin,” ni Charles Baudelaire ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ala-una ng Umaga

. . . . . . . Sa wakas! Mag-isa! Wala nang maririnig kundi ang kalantog ng ilang atrasado at pagód na sasakyan. Sa ilang oras, matatahimik na tayo, kung hindi man matutulog nang mahimbing. Sa wakas! Naglaho ang tiranya ng mukha ng tao, at hindi na ako magdurusa maliban sa pag-iisa.

. . . . . . .Sa wakas! Pinahintulutan akong mamahinga at maglunoy sa paliguan ng karimlan! Kailangan munang ikandado ang pinto. Wari bang ang pagpihit ng susi sa seradura ay makapagpapatindi sa aking pag-iisa at makapagpapalakas ng mga barikada na magbubukod sa akin sa daigdig.

. . . . . . .Kasuklam-suklam na búhay! Kasuklam-suklam na búhay! Lagumin natin ang naganap sa buong araw: ang makatagpo ang ilang panitikero, na nagtanong ang isa kung posible bang magtungo sa Rusya kung magbibiyahe sa lupa (iniisip siguro niya na isang isla ang Rusya); ang masayang makipagtalo sa direktor ng isang repaso, na sa bawat pagsalungat ay sinagot ng , “Nasa panig tayo ng mga disenteng tao!” na nagpapahiwatig na ang iba pang peryodiko ay inedit ng mga gago; ang pagpugayan ang may dalawampung tao, na ang labinlima ay hindi ko kilala; ang makipagkamay sa gayong kasingdaming tao, at walang habas na gawin yaon nang ni hindi nagsusuot man lamang ng guwantes; ang dumalaw, at maglustay ng oras, sa maliit na mananayaw na nagmakaawa sa aking idisenyo ko siya ng isang kasuotan; ang dumalaw sa direktor ng teatro, na makaraang isantabi ako ay nagsabing, “Ikaw sana ang kumausap kay Z—; siya ang pinakabobo, ang pinakatanga, at ang pinakabantog sa lahat ng aking awtor; sa piling niya’y baká kung saan ka pa makarating. Kausapin mo siya at tingnan natin kung ano ang mangyayari”; ang ipagyabang (bakit nga ba hindi?) ang ilang hamak na katarantaduhang ginawa nang kasiya-siya: ang kasalanan ng pagyayabang, ang krimen ng paggalang sa mga tao; ang tanggihan ang isang kaibigan para sa serbisyong madaling gawin, at sa halip ay binigyan siya ng pasulat na rekomendasyon sa tunay na utusan. Ay! Tapós na ba ang lahat?

. . . . . . .Nabuwisit sa lahat at nabuwisit sa sarili, ibig ko namang bumawi at buoin muli ang pagmamalaki ng loob sa katahimikan at pag-iisa ng gabi. Mga kaluluwang minahal ko, mga kaluluwang inawitan ko, palakasin ako, itaguyod ako, ilayo ako sa anumang pagbabalatkayo at sa nakabubulok na ulop ng daigdig! At ikaw, Panginoon kong Diyos, biyayaan akong makalikha ng maririkit na tula, na makapagpapatunay sa aking sarili na hindi ako ang kahuli-hulihan sa mga tao, na hindi ako hamak na mababa kung ihahambing sa aking mga nililibak!

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity.

Muli, ni Richard Bausch

Salin ng “Again,” ni Richard Bausch ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Muli

Sa Monte Cassino,
. . . . sa timog ng Roma,
Noong halos bago
. . . . magwakas ang ikalawang
Digmaan, ang pila ng beteranong
. . . . subók sa bakbakan
Ay nalusaw sa silid
. . . . ng ospital, umiiyak.

***
Noong taon
. . . . na isinilang ako,
Binaril ng mga Aleman
. . . . ang libo-libong Pólako
Na sibilyan habang
. . . . ang hukbong Ruso’y
Nakatayo at nagmamasid.

***
Sa mga trintsera sa kahabaan ng Rin,
. . . . nagkasakit ang mga kawal
At nangatal, at naghari ang sindak
. . . . sa naligalig na lupain
nang may usok.

***
Humayo ang mga táong ito nang nananalig sa pag-ibig.
At umuwi sila sa tahanan nang wala nang kakayahan
. . . . pang maniwala sa pagmamahal.

***
Noong taglamig ng nakapapasong
. . . . niyebe, ang taon na isinilang ako,
Sinusunog ang mga lungsod.
. . . . Ang asin ng kati’t taog,
ang asin ng duguang dagat,
. . . . ay pinawalan sa daigdig.

***
Pagkawasak sa kisapmata,
. . . . ang tibok ng isang puso,
Isang tibok. Nangagliyab
. . . . ang mga uniberso ng mga murang pangarap.
Mga mahal na binálot sa abo.

***
At narito muli ang lahat
. . . . Para sa dugo ng mga kalabuan,
Mga obheto ng isip, mga témpano ng pag-iisip.
. . . . Mga diwaing nagpapawalang-bisa,
Mga pilosopiya.
. . . . Mga kredo. Mga paniniwala.

***
Iwinaksi ko ang lahat, ang bawat isa.
. . . . Iwinaksi natin ang lahat, hindi ba,
Ang lahat, ngunit nananatili pa rin.

***
Wala nang gagaang sabihin
. . . . kaysa pagsisihan ito. Nagluluksa tayong
Makita ang kabuuang pinatutugtog
. . . . muli, at ang ating pighati ay parang
Okasyon ng paggunita, isang ritwal,
. . . . habang sa buong daigdig
Ang mga tribu at kanilang salarin
. . . . ay pinupugto ang kariktan.

***
Ang dilim ng dagat sa gabing
. . . . may putong ng lawak na walang buwan,
At ang pagtaog ng humihilang alon
. . . . at ang kislap sa panganorin
Ay maganda. Ngunit yaon ay bálang
. . . . sumabog, sumupling na apoy.

***
Sa ngalan ng Diyos! Sa ngalan ng Diyos.
. . . . Oo. Oo. Iyan. Sa ngalan Niya,
O sa ngalan ng Allah o Partido o Bansa
. . . . o salapi o kabaliwan o ito’y
labis na karaniwan para italumpati pa.

***
. . . . Ang pagpatay sa gayong kalawak,
at ang sigaw na ito, itong hinagpis,
ay walang natatamo ni isang elemento
ng anuman para wikain nang sariwa.
Sinasabi natin ito at sinasabi at sinasabi—at
walang nang bago, wala ni bago.

***
Humayo ang mga táong ito na nananalig sa pag-ibig.
Sa ngalan ng Diyos!

Pangunungkán, ni Roberto T. Añonuevo

Pangunungkán

Roberto T. Añonuevo

I. Paghahanap
Nagugutom marahil ang mga diyos.
Nabubulabog ang ginintuang bukirin
sa laksang balang at sasambang tumatakip
sa buong liwanag ng araw.
Tinutugis ng mga gansa, itik, at bibe
ang pugad ng susô, kuhól, at linta.
Sinusundan ng anakonda ang mga bakás
at anino ng ligáw na manok at kambing.
At sa palumpong, tinitipon ng hantik
ang inugit na lamán ng isang kalabaw.
Dinadagit ng banog, banoy, at kasay-kasay
ang naglulundagang hito’t bangus sa lawa.
Humahalik sa lupa ang butiki’t nakikinig
sa pintig ng gumagalang gamugamo’t ipis.
Ilang ardilya ang manunulay sa tarundon
bago puksain ng nakaabang na bayawak?
Hinahawan ng antutubig ang kanlungan
ng biya’t langáray, at bumubuka ang bibig
ng buwaya sa nangangalisag na ilog.
Sinisinghot ng kaayaman ang mga sukal
upang mabatid ang nanlilisik na alamid.
Sinisibasib ng ilahas na putakti’t bubuyog
ang mahalimuyak na duklay at bulaklak,
at itinataboy ng anuwang ang mga kidang.
Nag-aalimpuyo ang hangin at lupa,
at nagtatagisan ang apoy at tubig.
Alumpihit sa gutom ang mga diyos ng daigdig.

II. Pagluluto
Kusina ang buong lawak ng daigdig:
Pinugot ang ulo ng munting tariktik
Ng punglo’t kutsilyo ng mga limatik.
Lumukso ang daga sa masel at dibdib.

Kinulob ng palad itong atang-atang
Bago pa ilatag sa mesa’t sangkalan;
Pigtal ang galamay ng pitong bangkalang
Upang ipanggisa sa sulak ng kalan.

Natuyo ang katas ng bayag ng baka
Paghalo sa lasa ng pigi ng usa.
Upang maiprito tulad ng gagamba,
Biniyak ang dibdib ng tulirong maya.

Nang durug-durugin ang musmos na kiti,
Nasunog ang pakpak ng mga paniki.
Dumapo ang bangaw sa pinggang napipi’t
Nabali ang buto’t kabang sa kawali.

Tinuhog ang ipis ng isang tenedor
At hinimay-himay ang igat at kuhol.
Uwak at palaka’y pinurga ng kastor
Binása ang atay ng pugateng baboy.

Nawindang yena’t binigti ang asno
Ng mga daliring mula eroplano.
Tinipon ang tungaw at sanlaksang kuto
Sa pusyaw ng mangkok at init-kaldero.

Matapos timbangin ang pugo at itlog,
Piniga’t niyugyog ang reyna ng pukyot.
Nang umaasó na ang tumpok ng uod,
Tumulo ang laway sa bibig ng diyos.

III. Pagkain
Maraming buntot ang iwinawasiwas
. . . . . . . . . .at nababahag ang mga titi o uri,
Maraming pangil ang binubunot
. . . . . . . . . .kapalit ng makamandag na dila,
Maraming balahibo’t matalim na kaliskis
. . . . . . . . . .ang naghuhunos na damit at alpombra,
Maraming bagwis ang itinitiklop ng punglo
. . . . . . . . . .upang bigyang katwiran ang baril,
Maraming hasang ang nalilinis o napipinid
. . . . . . . . . .kapalit ng akwaryum at de-lata,
Maraming insekto’t dinosawro ang tinitipon
. . . . . . . . . .upang maigayak sa diorama’t museo,
Maraming tao ang ipinaglilihi sa mga hayop
. . . . . . . . . .dahil asal-hayop ang may korona’t setro,
Maraming kabayo’t tandang ang ipinupusta,
. . . . . . . . . .at lumilipad ang salapi ng sugarol,
Maraming unggoy, daga’t pusa ang tinitistis
. . . . . . . . . .upang iangat ang siyentista’t mangmang,
Maraming diyos at alipin ang kumakain
. . . . . . . . . .at napupuno ang bituka ng likido’t lamán.

IV. Pagpipiging
Nagugutom pa ang mga diyos at maladiyos
at lumalabo ang mga mata ng di-kumakain.
Namimilipit ang mga talangka’t hinahablot
ang kamag-anak na alimangong gumagapang.
Nililingkis ng kobra ang pugad ng katipaw
at walang sisiw na bibilangin ang inahin.
Wala mang gadya’t halimaw na umuungol,
may tagak na umiitim kapag naghahanap
ng kalabaw, at may balaw-balaw na balisa
sa lahar at nuklear. Kumukupas ang bahaghari
at balát-hunyango, kayâ waring tumatawa
ang mga hayina sa mahabang magdamag.

Bumubulusok ang bulalakaw sa dagat
at nalulusaw ang pugita’t bituindagat.
Nagsasaliksik sa malalayong peninsula
ang mga pawikan, pating, at tambakol.
Paglundag ng lumba-lumba’t butanding,
may talipuso’t lambat na magtatagumpay.

Ano ang ikukumpisal ng libong kilyawan
sa humahaginit na bato’t mga punglo?
Nagpapahabaan ng dila ang tuko’t palaka,
at lumilisan ang kuliglig at mandadangkal.
Walang mahapunan ang mga balangkawitan.
Sino, sino ang inaawitan ng mga kutigpaw?

V. Pagtapik sa Tiyan
Kailangang dumighay, umutot nang malakas
ang mga diyos upang lubos na marinig
at madama ng lahat kiming nagugutom.
Kailangang tingalain ng mga kinakabagan
ang pagtinga sa ngipin at kabusugan.
Kailangang papintugin ang isip at tiyan.
Kailangang ibantayog ang isip at tiyan
at hayaang bumulag ng inggiterong paningin.
Hanggang sa pagninilay sa muling pagkain. . . .

Ngunit umaatungal ang bulkan at bundok
kapag hinahalukay ang atay ng mga lupain.
Dumadaluyong ang ilog, danaw, at laot
kapag sinusuyod ang pusod ng tubigan.
Lumalatay, pumapatay ang apat na hangin
kapag nagluluwal ng asido’t polusyon
ang mga abala-aburidong pabrika’t makina.
Pinaliliyab ng apoy ang balát at hininga
kapag nabubutas ang balabal ng kalawakan.

Kaya’t kapag marami na ang kumukulong tiyan,
kapag nagrerebelde na ang mga dila’t bituka
o nagpapakana ng digmaan ang puso’t utak,
kumakapit sa patalim ang mapuputlang labì
kahit pa managinip ng mga lagas na ngipin.
Aagawan muna ng hapag at ulam ang mga diyos,
ngunit dahil naubos, pineste’t pinagpistahan
ang lahat ng dapat makain—kinakailangang
itakda ang napakalawak, maringal na handaan
upang masimulang katayin, iluto’t lamunin
ang matataba, masesebong diyos ng daigdig.

1992

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Ang Kahungkagan, ni G.M. Muktibodh

Salin ng tula sa wikang Hindi ni G.M. Muktibodh                                                    (Gajanan Madhav Muktibodh) ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                          batay sa bersiyon ni Vinay Dharwadker

Ang Kahungkagan

May mga pangá ang kahungkagan sa kalooban,
mga pangáng taglay ang karniborong mga ngipin;
mga ngiping ngangasab, ngangata sa iyo,
mga ngiping ngangata sa iba pang tao. Kalikasan
ng tao na danasin ang taggutom sa kalooban,
na malimit na nagngangalít,
at ang karimlang papasók sa lalamunan nito
ay may sanaw na umaapaw sa dugo.
Anung sukdol itim ng kahungkagan,
barbariko, lastag, isinumpa, binusabos,
at lubos na magbuhos ng isip sa ginagawa.
Ipinakalat ko iyon, ipinamigay sa ibang tao,
nang taglay ang mga nag-aapoy na salita at gawa.
Ang mga tao na masasalubong ko saanmang dako
ay matatagpuan ang kahungkagang ito
mula sa mga sugat na inilatay ko sa kanila.
Palalaguin nila iyon, palalaganapin kung saan-saan
para sa iba pang tao,
at magpapalaki ng mga sanggol ng kahungkagan.
Napakatibay ang kahungkagan
at napakayamang bukirin. Kung saan-saan ito
nagpapasupling ng mga lagari, patalim, at karit
at nanganganak ng mga karniborong pangil.
Ito ang dahilan kung bakit saan ka man pumaling
ay may nagsasayawan, naghihiyawan sa galak—
Ang kamatayan ay nagsisilang ngayon ng bagong
mga anak.
Saanmang panig ay may mga talibang lagari wari
ang mga ngipin, at armado ng labis na pagkakamali:
Mariin, matiim silang tinititigan ng daigdig
na maglalakad habang pinagkikiskís ang mga palad.

Sa Tiendesitas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Tiendesitas

Roberto T. Añonuevo

Kung ako ang ama ng daigdig na ito, ikaw pa rin ba ang anak ko sakali’t magunaw ang kinatatayuan mo? Sasagutin mo ako ng ngiti, na waring ang ngiti ay pagsasabi na hindi kailanman magaganap iyon, na katumbalik ng alak na nasa hapag.

“Iba ang planeta ko,” isisingit mo, at tayo’y malalasing sa espiritu at salita. “Bakit mo inakalang ikaw ama ng daigdig na ito kung ang realidad na ito ay nasa loob lámang ng iyong guniguni? Paano kung ang daigdig na ito ay sirang plaka na paulit-ulit umiikot, at nagsasabing ang Ama ay hindi ang lumikha ng lahat, bagkus ang laláng ng Salita para lapatan ng katwiran ang adelantado at alibugha?”

“Anak ka talaga ng putang ama!” sambit ko sabay yugyog sa balikat mo, habang isa-isang humihiga ang mga bote ng wiski.

Stop weaponizing the law. Yes to humanity. Yes to human rights!