Pag-ibig at Lagnat, ni Miyazawa Kenji

 Salin ng tula ni Miyazawa Kenji ng Japan
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pag-ibig at Lagnat
  
 Napakaitim ng noo ko ngayon;
 hindi ako makatingin nang tuwid sa mga uwak.
 Ang aking kapatid, na sa sandaling ito’y
 nasa malamig, malamlam, malatansong silid,
 ay tinutupok ng malinaw, malarosas na apoy.
 Totoo, kapatid, 
 randam na ramdam ko ang panlulumo, pasakit,
 kayâ hindi na ako pipitas ng mga bulaklak 
 ng lumanay, at pupunta pa riyan.  
Alimbúkad: World poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Maria Orlova on Pexels.com

Diwata, ni Arthur Rimbaud

Diwata

Salin ng “Fairy” ni Arthur Rimbaud.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Para kay Helen, ang mga dagtang ornamental ay nakipagkutsaba sa mga birheng lilim at ang walang tinag na liwanag ay umayon sa katahimikan ng mga bituin. Ang init ng tag-araw ay inihabilin sa mga píping ibon at ang mga ipinapataw na katamaran ay ipinaanod sa bangka ng dalamhati nang higit sa katumbas ng mga baybay ng mga patay na pag-ibig at naglahong pabango.

—Matapos ang oras ng mangangaso, ang mga himig ng babae ay inawit sa tunog ng ragasa sa ilalim ng guho ng punò, ng mga kuliling ng baka sa alingawngaw ng lambak, at sa mga sigaw mula sa mga dalisdis.—

Dahil noong kabataan ni Helen, pinangatal niya ang mga balahibong balabal at anino—at ang dibdib ng dukha, at ang mga alamat ng langit.

At ang kaniyang mga mata at ang pagsayaw niya ay higit pa ring nangingibabaw sa mahahalagang sambulat ng liwanag, sa mga epekto ng lamig, sa kaluguran sa natatanging tagpo at sandali.

“Pa-Urania,” ni Joseph Brodsky

Salin ng “To Urania,” ni Joseph Brodsky ng Russia at United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pa-Urania

Para kay I.A.

May hanggahan ang lahat, kabilang na ang dalamhati.
Maipapakò ng bintanang salamin ang titig, o kaya’y maiiwan
ng mga rehas ang dahon. Mapakakalansing ang mga susi,
at makapapalatak kang gaya ng langay-langayan.
Naikukubikong ng kalungkutan ang masumpungang tao.
Inaamóy ng kamelyo ang bakod na kahoy
sa pamamagitan ng mapaghinanakit na ilong;
hinihiwa ng perspektiba ang kahungkagan nang malalim
at pantay na pantay.
At ano ang espasyo kung hindi ang pagkawala ng láwas
sa bawat hatag na punto?
Kayâ higit na matanda si Urania sa kapatid na si Clio!
Sa tanglaw ng sinag-araw o ulingang lampara’y
makikita ang tuktok ng globo na wala ni anumang búhay,
makikita na wala itong itinatago, di tulad ng huling binanggit.
Hayun ang mga kagubatang hitik sa arandano,
ang mga ilog na ang mga tao’y nakapandadakma ng esturyon,
ang mga nayon na ang mga tigmak sa tubig na fonbuk
ay hindi mo na minamarkahan; lampas pasilangan
ay dumadaluyong ang kalawanging tagaytay; naglalasing
ang mga ilahás na mola sa matataas na damuhan;
lalong naninilaw ang mga butó sa pisngi
habang dumarami ang mga ito. At palampas pa sa silangan,
naroon ang mga bapor na akorasado o krusero’t
ang kalawakan ay tumitingkad na asul, gaya ng engkaheng salawal.

“Tula ng Kamatayan,” ni Jumah al Dossari

Salin ng tulang “Death Poem” ni Jumah al Dossari ng Bahrain.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tula ng Kamatayan

Kunin mo ang aking dugo.
Kunin mo ang aking mortaha
at ang mga labî ng aking katawan.
Retratohan ang bangkay ko sa libingan
nang nagdadalamhati.

Ipabatid sa mundo ang mga larawan,
sa mga hukom at sa mga tao na may konsiyensiya,
ipadala yaon sa mga may prinsipyo’t makatarungan.

At hayaan silang pasanin ang kasalanan sa harap
ng daigdig, dulot ng inosenteng kaluluwang ito.
Hayaan silang magdusa sa harap ng mga bata
at sa harap ng kasaysayan,
ukol sa nawasak at dalisay na kaluluwa,
ukol sa kaluluwang ito na nagdusa sa mga palad
ng “mga taliba ng kapayapaan.”

 

Pakinggan ang tulasa bersiyong Ingles sa https://www.uipress.uiowa.edu/sites/uipress/files/pfg-03-death-poem.mp3

“Talaksan ng mga Salita,” ni Muhammad Haji Salleh

Salin ng “selonggok kata-kata,” ni Muhammad Haji Salleh ng Malaysia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Talaksan ng mga salita

isang araw
na tulad ng mahabang panata,
sa edad na pasan ko ang pagkamaramdamin,
ay natagpuan ko ang talaksan ng mga salita.
at mula sa mga kumpol nito’y
tinipon ko ang mga titik at bumuo ng daigdig.
kusa kong iniangkop ang tinig sa tunog,
nalungkot kapag natukso,
at tumawa kapag may pighati.

ito ang sangkalawakan
na kinulayan sa supot ng pakahulugan
may mukha ng usapan at puso ng salita
na kinalap lahat mula sa mga batis ng panahon
tigmak sa mga awit ng mga makata
o nasadlak sa buhanginan ng kasaysayan.

upang makalikha ng mga wika ng daigdig
ay isinasaayos ko ang mga ito
at pinalalaya ang pahiwatig ng karanasan.
gaya ng lambat na inihagis ng mangingisda
ay sinasaklaw ko ang malawak na puwang
at ang isdang may laksang pakahulugan.

Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso
hagurin nang lubos
upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo
Maingat na haguring muli
upang kumintab ang dingding ng pagkalimot
o
gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang
kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)
Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?
Paano kung lumipad ang kalapati?
o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?
Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog
hanggang maglaho ang mga bakas nito
at lagyan ng namumukadkad na babae
imbes na kalapati
upang makapaghiganti
sa napakainit mong paupahang bahay
na lumalamon sa iyong bibig.

Mga Katwiran

1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos
tayong magniig kahapon
nang hindi maglaho ang tamis
mo sa aking bibig.

2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,
na sapat na dahilan upang mayanig
ang ibon.

3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,
nadama niya ang kakaibang lambot
hindi niya batid na siya’y nakaluklok
sa sariwang kandungan

4. Kaganapan

May tatlong lalaking
iginuguhit sa loob ng silid
ang hulagway ng babae.
Nang matapos ang larawan,
ang silid ay natigalgal.

5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan
piraso ng tinapay
plastik
at mayroon ding hapunan
para sa impormanteng nagbabalatkayong
baliw.

6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y
natanaw niyon ang nagngangalit na suso.
Kinausap ng kamay ang dibdib,
sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.
Tumindig ang aking kamay upang ituro
ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib
ang damit, saka lumabas upang kagatin
ang panginorin ng aking kamay
Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,
tumindig ang kamay upang hagkan
ang kamao ng dibdib.

Gunita

GUNITA

Iniipon niya ang nakalipas, at pumapaloob sa supot na kung hindi yari sa manipis na katsa ay plastik o balát na hindi tatagasan ng buhangin o tubig. Hindi niya maisasalaysay ang sarili, dahil kung gayon, mistulang ahas siya na lumulunok sa angking buntot. Mauunawaan lamang niya ang kaakuhan kung ipaliliwanag ng Kasalukuyan at babalangkasin ng Hinaharap. Kapuwa pagtitiwalaan at pagdududahan siya, alinsunod sa pakahulugan at pahiwatig ng mga awtoridad. Pawiin siya, at parang sanggol ang kabihasnang mag-iimbento ng kakatwang anino at planeta. Kaligtaan siya, at ang lipi’y magsisimula sa lawas ng wala, at sa matinding bahâng bumubura sa pulo at tagaytay. Gaano man katiwasay ang ngayon, gaano man kakulay ang búkas, magbabalik siya upang maging titis ng sigasig, balak, panibugho, o poot. Mahahalungkat ang dalamhati, at ang maaliwalas na umaga’y biglang magwawakas sa pagluha ni Tungkung Langit. Panghihimasukan niya ang magiging anyo ng mapa, gusali, o gubat. Magtatakda siya ng pamantayan at kumbensiyon sa damit, gamot, at batas; kahit ang pera, aliw, at wika’y pagtatalunan kung para sa henyo at mangmang o maykaya at hampaslupa. Habang tumatagal, ang supot ay maaaring umapaw sa samot-saring nilalang o sapalaran o tadhana. Gayunman, hindi sa habang panahon. Maaaring kumawala sa himaymay ng katsa ang buhangin ng pagkakataon o likidong pangyayari; at siya ay magwawakas na hungkag gaya ng walang silbi’t may lamat na garapon. Iniipon niya ang nakaraan; at kung siya man ay tawarang pansamantala o pangmatagalan, ay ikaw lamang, kaibigan, ang makapagsasadula, habang nagtitinikling ka sa palaisipan ng takipsilim at liwayway.

“Gunita,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Mayo 2010.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

Hinagpis ng Taglagas ni Stéphane Mallarmé

Salin ng tulang “Plainte d’automne” (1864) ni Stéphane Mallarmé.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINAGPIS NG TAGLAGAS

Nang iwan ako ni Maria para dumako sa ibang bituin—sa Orion man o Altaír o lungting Venus—inibig ko nang madalas ang pag-iisa. Kapiling ko ang aking pusa sa paglulustay ng mga araw. Katumbas ang pag-iisa ng kasalatan sa materyal na pag-iral, at ang pusa ang aking mistikong kaibigan, isang espiritu. Masasabi kong nakaraos ako sa mahahabang araw nang mag-isa kapiling ang pusa, na isa sa mga pangwakas na awtor ng dingal ng Romano; at yamang wala na akong minahal nang kakatwa at natatangi kundi ang puting nilalang, lahat ay malalagom sa isang salita: taglagas. Kaya, sa buong taon, ang paborito kong panahon ay pinakamabagal na yugto ng tag-araw bago ang taglagas; at sa isang araw, ang sandaling naglalakad ako’t magbabantulot ang araw bago maglaho, na may mga bronseng sinag sa abuhing pader, at liwanag na mamula-mulang tanso na bumabalatay sa mga tisa. Ang panitikan—na pinaghuhugutan ko ng malayaw na libog ng kaluluwa—ang magiging pahirap na panulaan ng dulong yugto ng Roma, hangga’t hindi ito bumubuga ng hininga ng masisiglang tindig ng Barbaro o mautal sa paslit na Latin gaya ng sa prosang Kristiyano. Binabása ko ang isa sa matatalik na tula (na kaakit-akit ang tiklap na pula kaysa sariwang lamán), at ipinaloob ang kamay sa purong balahibo ng hayop, samantalang pagod at malungkot na tumutugtog ang organo sa ilalim ng aking bintana. Sumasaliw iyon sa malawak na landas ng mga álamo na ang mga dahon, kahit sa tagsibol, ay waring nagdadalamhati nang daanan ni Maria, na tinatanglawan ng mga kandila ang paglalakbay. Instrumento ng kalungkutan iyon at walang pasubali: kumikislap ang piyano, nagluluwal ng liwanag ang biyolin mula sa mga wasak nitong himaymay, ngunit ang organong pangkalye sa munting sinag ng gunita ay nagiging sanhi ng aking balisang pananaginip. Humuhuni ito ngayon ng de-kahong awiting kasiya-siya at lumulukob sa mga karatig-nayon nang may himig na karaniwan at sinauna: Bakit tumatagos sa kaluluwa ang mga titik na iyon, at nagpapaluha sa akin, gaya ng romantikong balada? Marahan kong ninamnam ito, at hindi naghagis ng kusing sa bintana sa pangambang magulo ang diwa ko’t matuklasan, na hindi lamang instrumento ang siyang tumutugtog.

Musika

Musika, mula sa artsibo ng Project Gutenberg. Dominyo ng publiko.