Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.

Kinausap ng Babae ang Kaniyang Irog, ni Ksẹtrayya

Salin ng klasikong tulang Tamil ni Ksẹtrayya ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kinausap ng Babae ang Kaniyang Irog

Totoo, may buwanang dalaw ako ngayon,
ngunit huwag hayaang pigilin ka nito.
Walang bawal-bawal
sa ibang asawa ng isang lalaki.
Nagsusumamo akong lumapit ka sa akin,
ngunit malimit magdalawang-isip ka.
Lahat ng batas ay isinulat
ng mga lalaking hindi marunong umibig.
Kapag lumapit ako sa iyo’t inaasam ka,
bakit ka lumalayo?
Hindi kailangang hipuin ang katawan ko.
Yumuko ka at hagkan ako.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.
Ano kung hubarin ko ang aking sari
at dumagan ang dibdib ko sa dibdib mo?
Maingat ako, maliban sa aking mga labi.
Heto ang ilang ngangà, kagatin kung ibig
kunin. Walang sinumang naririto.
Tanaw ko ang lahat.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.
Tila hindi mo kilala ang iyong sarili.
Bakit susundin ang huwad na pagbabawal?
Hindi ba narinig na gusto ito ng mga babae
ngayon? Hindi nagaganap iyan araw-araw.
Hinding-hindi mo malilimot ang matatamong
kasiyahan ngayong sandali.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Walang bawal-bawal dito.

Tuwing dinadalaw kita, ni Roberto T. Añonuevo

Tuwing Dinadalaw Kita

Roberto T. Añonuevo

Tuwing dinadalaw kita, ang espasyo sa pagitan natin ay katahimikan. Nangungusap ang iyong mga mata sa aking mga mata, at ang pananabik ay nagbibihis ng mga papel na bulaklak na taglay ang kalungkutang walang kilalang ama at anak. Sa isang kisap, ang katahimikan ay atin na lámang ipagkikibit-balikat, at ngingitian. Salamat, ‘ika mo, ngunit ano ang dapat ipagpasalamat?

Ang anino mo at ang anino ko ba’y may bilis ng bagong anyo ng kalayaan? Paano susukatin ang panahon sa velocidad ng ating paghihiwalay? Marami pa akong tanong, at kung wala marahil ang iyong bantay, magpupukulan tayo ng mga tanong, maghahagikgikan, kahit wala, wala tayong masaló o masagót.

Kung kailan ka nagpapahinog sa selda ay sakâ mo unti-unting nauwaaan na ang lakas ay wala sa kamao o baril o salapi, bagkus nasa isipan at puso—na ang naratibo ay hindi madadampot at maililigpit ng mga tiwaling pulis. Natutuwa ako kung paano mo ipinapaliwanag ang bawat kaso ng ilang kakosa mo, na ang iba’y ni hindi makabása o makasulat, at kilalanin ka nilang Mayór (sa napakaikling panahon) at piliin nilang kahaliling abogado.

Ang iyong mga salita ay awit din na ang himig ay tumatawag ng pagtuklas ng sarili. Ang sariling iyan ay ako ring nagbabalatkayo sa ulam, damit, tubig, ilaw, at yakap na pinipigil ng rehas at batas. Ang sariling iyan ay hindi karaniwang nilalang, bagkus karaniwang Maykapal—na ni hindi nangangamba kung ano ang mabubuksang kapalaran ng iyong mga hakbang sa loob at labas ng kulungan.

Hindi kami magsasawà na dalawin ka. Pigilin man ng sakit ang ina mo’t kapatid, dadalawin ka nila sa iyong gunita’t guniguni. Dadalawin ka ng iyong mga tita at tito gaano man sila kaabalá sa trabaho. Dadalawin kita, at hindi mangangamba sa panganib. Habang tumatagal, ang katatagan mo ay tumatapang pagsapit sa akin, humakbang man ito sa hukay, at ang hukay ay kapuwa natin espasyo na tumitibok, at may enerhiya, na para lámang naghahabulang mga bola.

Ang paghihintay ay tinanggap mong bahagi ng katotohanan, na marahil ay nakutuban kahit ng iyong mga kalaban. Gaano man kahusay magsinungaling ang mga pulis, itatatwa sila ng mga hulagway at salita at pagkakataon. At ang kanilang superyor ay waring bumubulong sa pangulo doon sa Palasyo ng Malabanan, na parang dinadalaw ng mga multo mula sa umuúsok-úsok na damó.

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”