Arioso, ni Fiona Sze-Lorrain

Salin ng “Arioso,” ni Fiona Sze-Lorrain ng France

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Arioso

Nag-iisip ang mga daliri—waring Reyna ng Peranakan—

. . . . .Na naglalakad sa umaga nang may mga baging na balabal.

Alimbúkad: Poetry beautiful, poetry without cosmetics. Photo by Mikhail Nilov on Pexels.com

Mga Pulgas, ni Yosef Ibn Sahl

Salin ng tula ni Yosef Ibn Sahl ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pulgas

Mga pulgas ay kabayong laksa-laksa kung lumusob—
Mga ibong dumadagit nang balát ko ay lapain;
Tila kambing kung lumundag at sumirit sa bukirin
At sa gabi’y malulupit at ni ayaw magpatulog.
Maliit man o malaki’y ni hindi ko mautakan,
At lipulin yaong peste’y ano’t lalong lumalakas—
Matatapang na sundalong sa digmaan sumasabak,
Umaalab nang mabilis kung ang tropa’y malagasan.

At bagaman tamad sila pag umaga’y hinding-hindi
Tuwing gabi’t magnanakaw kung umasta’t handang-handa;
Malimit kong kasuklaman ang kanilang ginagawa. . .
Napapagod sa pagtiris ang kamay ko at daliri.
Namumulá ang balát ko at dumami yaong galis
Ngunit hindi na mapigil ang pagsipsip na kaykati;
O Diyos ko, pawiin mo ang hirap kong tumitindi:
Pumapayat ang lawas ko’t tuwang-tuwa silang lintik!

William Blake. The Ghost of a Flea. Height: 21.5 cm (8.4″); Width: 16 cm (6.2″). Tempera on panel. 1819-1820

 

Paruparo, ni Frances Brent

Salin ng “Butterfly,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paruparo

Nabubuo ang paruparo sa parehong kawalan
tulad ng punongkahoy o gusgusing kabayo.
Mga bátik nito’y alipato ng tansong pinakintab.
Nagsasalikop ang mga ugat nito sa pinulbuhang
rabaw gaya ng mga dahon ng pamaypay.
Ngayon, tent itong naninimbang sa dulo ng daliri,
na ang pinakaibabang gilid ay higit na mapusyaw
kaysa gula-gulanit na payong na Haponés.

 

Kapag dumupok ang gunita, ni Ismail Kadare

Salin ng “Edhe kur kujtesa,” ni Ismail Kadare ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag dumupok ang gunita

At kapag ang aking dumurupok na gunita,
Na tulad ng pangmagdamagang trambiya,
ay huminto sa mga pangunahing estasyon,
asahan mong hindi kita malilimot.

Matatandaan ko
Ang tahimik na gabi, na eternal sa iyong mata,
Ang mga sikil na hikbi sa aking balikat,
Gaya ng niyebeng hindi mapalis nang ganap.

Sumapit noon ang paghihiwalay
At lumisan ako palayo sa piling mo.
Wala namang kakatwa, ngunit may ilang gabing
Sinusuklay ng mga daliri ang iyong buhok—
Ang mga daliri kong nagmula pa sa ibayo’t
humahaba nang milya-milya tungo sa iyo.

Ang Limang Daliri ng Kamay, ni Aloysius Bertrand

Salin ng “Les doigts de la main,” ni Aloysius Bertrand ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Limang Daliri ng Kamay

Ang kagalang-galang na pamilya, na hindi nabangkarote ang ni isang kasapi, at ni isa’y hindi binitay.
—Ang Angkan ni Jean De Niville

Ang hinlalakí ay Flamenco na may-ari ng kabaret—mataba, malibog, at magaspang magbiro, naninigarilyo sa tabi ng kaniyang pintuan at sa ilalim ng paskil na naghahayag ng mga serbesa ng Marso na doble kung sumipà.

Ang hintuturò ay ang kaniyang asawang mukhang daga na sintigas ng lumang tuyô, na tuwing umaga’y sinasampal ang kaniyang katulong na pinagseselosan niya, at mahilig humimas sa bote ng alak.

Ang hinlalatò ay ang kanilang anak, ang mapusók na binatang naging sundalo sana kung hindi naging tagatimpla ng alak, at naging kabayo sana kung hindi naging tao.

Ang palasingsingan ay ang kanilang anak na babae, ang maanyubog ngunit tusong si Zerbina, na naglalakô ng kaniyang engkahe sa mga dalaga, ngunit umiiwas ngumiti sa mga kabalyero.

At ang hinliliít, at sakít ng kalingkingan, ang bunso sa pamilya at sutil bukod sa iyaking paslit, na palaging nakabuntot sa kaniyang ina, at waring sinagpang ng mga pangil ng manananggal.

Kapag pinagsama-sama, ang limang daliri at ang kamay ay makapagbibigay ng lumalagapak na sampal sa dangal doon sa mga hardin ng kagalang-galang na lungsod ng Haarlem.