Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Advertisements

Mithing Magpinta, ni Charles Baudelaire

salin ng tulang tuluyan sa Pranses ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mithing Magpinta

Malungkot marahil ang tao, ngunit masaya ang alagad ng sining na sakbibi ng mithi.

Nagliliyab ang mithing ipinta ko siya, ang enigmatikong babae na nasilayan ko minsan at naglaho nang mabilis, gaya ng isang bagay na pinanghinayangang maiwan ng isang manlalakbay na hinigop ng gabi. Ay, anung tagal na nang mawala siya!

Marikit siya, at higit sa marikit: siya’y nakayayanig. Lukob siya ng dilim, at siya’y inspirado ng anumang malalim at panggabi. Ang kaniyang paningin ay dalawang yungib na may misteryosang liyab, at ang kaniyang sulyap ay nagpapaningning gaya ng kidlat—isang pagsabog sa karimlan ng magdamag.

Maihahambing ko siya sa itim ng araw, kung maiisip ang isang bituing nagbubuhos ng liwanag at ligaya. Ngunit mabilis na maihahalintulad siya sa buwan; ang buwan na nagmarka nang malalim ang impluwensiya; hindi ang matingkad, malamig na pinilakang buwan ng romantikong katha, bagkus ang mapanganib at langong buwan na nakalutang sa maunos na gabi at hinagod ng nag-uunahang ulap; hindi ang payapa at tahimik na buwan na dumadalaw sa mga walang konsensiyang tao, bagkus ang buwan na hinaltak mula sa kalangitan, bigo at mapanlaban, at nagtutulak sa mga mangkukulam na taga-Tesalya upang magsisayaw sa nahihindik na damuhan.

Sa kaniyang maliit na bungo ay nananahan ang matatag na kusà at ang pag-ibig ng maninila. Gayunman mula sa ibabang bahagi ng nakagigitlang mukha, sa ilalim ng balisang ilong na sabik na singhutin ang anumang lingid at imposible, biglang sumasambulat ang halakhak, at taglay ang di-mabigkas na ringal, ang kaniyang bibig na malapad, na may kapulahan at kaputian—at katakam-takam—ay makapagdudulot ng panaginip ng pambihirang pamumukadkad ng bulaklak sa bulkanikong lupain.

May mga babaeng nagdudulot ng pagnanasa sa mga lalaki na sakupin silang mga babae, at gawin ang anumang nais nila sa kapiling; ngunit ang babaeng ito ay naglalagda ng mithing yumao nang marahan habang ikaw ay tinititigan.

Ang Politika ng Kariktan

Tulang tuluyan ni Doreen Stock
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG POLITIKA NG KARIKTAN

Tumayo ang paboreal sa hardin at ibinukad ang kaniyang pag-ibig sa mga pamaypay ng liwanag. Sinundan ng mga balahibo nito ang landas ng nasabing pag-ibig sa pabi-pabilog na nakagugulat na ningning na taliwas sa kulay ng apoy.

Sumagi sa kaniya, habang nakatindig sa ilalim ng bukang-liwayway, na waring may kung anong nagdurusa sa kaniyang sakop. Nabatid niya ito sa alimbukay ng mga alikabok doon sa kinatatayuan niya.

Isang lalaki ang ibinilanggo sa kubo ng puting sinag.

Maraming kamay ang nakahawak sa kaniya. Ang ilan ay mula sa kaniyang mga kaibigan. At ang ilan ay mahaba, malamig, di-pantao, at abstrakto.

Nagtagumpay sila.

Nagawa ng mga kamay na hilahin siya mula sa selda at pawalan nang hubad, kayumanggi, at nagsusumamo sa paanan ng Madonna.

Nagkulay alabok ang mukha ng babae at siya’y napaiyak.

Ang kaniyang kinayas na mga galang-galang at kamay, at mga daliring nakaunat na tila pandama sa simoy, ay nangalaglag. Napahiga ang lalaki sa lupa sa gitna ng mga basag na handog. Lumuha siya. Napoot. Lubos na nanahimik ang kaniyang kaluluwa sa anyo ng mga bagabag na awit.

Tatawagin natin ang tunog na ito na mga luha, silakbo, at awitan.

Tinawag niya iyong mga panalangin.

Hinuli nila ang paboreal habang ito’y nakatayo, at tahimik, sa hardin. Alam nito ang dapat gawin, at sa walang hanggang lambot at kirot na dumaloy sa kaniyang katawan sa anyo ng apoy, hinayaan niya ang bawat maningning na balahibo na malaglag sa alabok.

Dahil hindi niya nadanas ito noon, nagulat siya kung gaano katagal iyon.

At sa wakas, naging lastag ang kaniyang buntot.

Nadama niya ang pagkapahiya.

Wala nang magagawa pa kundi pumihit sa kanan ng landas ng hardin at lumungayngay hanggang ang kaniyang mga koronang balahibo ay magkulay alabok din. At wala nang magagawa kundi matutong lumakad at mabuhay sa ganitong bagong kalagayan.

“Ay, maaari bang malaman,” sambit niya, “kung ano ang aking nabili.”

Umalimpuyo ang hangin sa ilalim ng handog at tinangay ito. Habang nakikipaghabulan ang mga balahibo sa tadhana nito, dalawa sa mga kaibigan ng lalaki ay lumapit sa kinahihimlayan niya sa pagitan ng mga biyak na kamay ng madonna.

Tinitigan nila ang mukha ng dilag.

Itinayo nila siya sa lupa, at gaya ng mga binatang nasa baybay-dagat ng kasiyahan na amoy-uling at dagat ang mukha ay idinuyan nila siya nang isa, dalawa, tatlong ulit sa hangin, at ibinagsak sa alabok na kinahihimlayan ng kanilang kaibigan.

Nabasag ang madonna at humiwa sa laman ng lalaki ang mga basag na piraso.

Kinuha niya sa ganitong paraan ang babae, mula sa alabok, at ang katawan nitong durog at basag ay pumaloob sa kaniyang dumurugong laman.

Gumulong sila pababa sa libis tungo sa malambot na prado ng bagong sibol na damuhan.

At nang biyayaan ng paningin ang paboreal, nakita nito ang lalaki at babae na nagtatalik sa lawas ng talahibang lumalawiswis sa ibabaw nila na may bughaw at lungti, lila at itim, at kumikislap sa sinag ang paningin.

At malugod itong lumakad sa hardin. At nagsimulang tumuka sa lupa. At kumain.

"Ang Paboreal at ang mga Kalapati sa Hardin"

"Ang Paboreal at ang mga Kalapati sa Hardin" (1888) pintura ni Eugene Bidau.