Salin ng “Было тело моё без входа,” ni Maria Shkapskaya ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Walang lagusan ang aking katawan
Walang lagusan ang aking katawan, ngunit
nakalapnos sa akin ang itim na usok:
Yumukod siya’t lumukob sa katawan ko—
ang sungayang kaaway ng sangkatauhan.
Pumikit ako’t nilimot ang angking dangal.
Ibinukás sa kaniya’y buong loob ko
upang ang pusón ko’y magkabinhi’t umumbok
at isilang ang anak kong kaibig-ibig.
Salin ng tulang tuluyang “Verginità” ni Ribka Sibhatu mula sa Eritrea.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.
Napakahalaga sa paningin ng magiging esposa ang kaniyang birhinidad. Sa aming tradisyon, kapag ang ikakasal na babae’y hindi na birhen, isang araw pagkalipas ng kaniyang kasal ay ibinabalik namin siya sa tahanan ng kaniyang magulang, habang nakasuot ng woncio, at nakasakay sa likod ng buriko. Itinuturing iyon na pagkayurak ng dangal ng buong pamilya. Noong panahon ng digma, tumatakas ang mga tao mulang kalungsuran tungong kanayunan. Kailangan mong magsakripisyo upang makaangkop, gaya ng pagpapasan ng dalawampung litro ng tubig, kahit na ang balón ay dalawampung kilometro ang layo ng pinag-iigiban. Noong 1981, naging bakwet ako sa Adi Hamuscté, may dalawampung kilometro ang layo mula sa Asmara. Dumating isang hápon ang makisig na kabataan at apat na matandang lalaki at nagtungo sa bahay na aking tinutuluyan, at ipinaliwanag na ang binatang ngayon ko lamang nakita ay nais akong pakasalan. Kamakalawa, ani binata, ay minalas siyang matuklasan na hindi na básal ang kaniyang esposa. Kung papayag ang aking ama, at tatanggihan ko ang kanilang panukala, itataya ko ang sarili na magpakasal, o kung hindi’y isusumpa ng aking ama. Ang sumpa ng magulang ang kinasisindakan ng sinumang anak. Biglang sumilang sa aking diwa ang ganito: ihayag na ako mismo’y nakaranas mayurakan ang puri! Hahayaan ko na kayong isaharaya ang reaksiyon ng aking ama, na sa paningin ng pamayanan, ay nadungisan ang dangal. Tumalikod at tahimik na lumakad palayo sa aming bahay ang binata upang ipagpatuloy ang paghahanap ng isang birhen.
salin ng tula ni Angela Manalang Gloria.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
SOLEDAD
Isang sakrilehiyo, sigaw ng mga kapitbahay,
Kung paano niya binasag ang bawat liníb
Upang papasukin ang suwail. Hindi nila maarok
Kung paanong ang babaeng hinubog ng dangal
At nakasilid sa kristal na pangarap ay iwinaksi
Ang kapita-pitagang panahon, o kung bakit
Tinalikdan ang buhay na hitik sa alak at tinapay
Para sa sandaling kabaliwan sa piling ng lalaki.
Hindi naupos ang alingawngaw ng eskandalo.
Ngunit walang nakakutob sa kariktang matatamo
Ng katedral ng kaniyang kaluluwa na pinaliliyab
Ng pagnanasa ng binata, o iniwan siya ng lalaking
Nakasilid sa awreola ng apoy . . .
Nang walang makita kundi ang mga aguhang sunog,
Isinumpa ng bayan ang dalagang umibig nang lubos
At nabatid ang kaniyang langit sa pusod ng dilim.
La Source or Die Quelle (1868), oleo sa kambas ni Gustave Courbet
May leksiyong mahuhugot sa nakaraang alingasngas na kinasangkutan ng bilyonaryong si Manuel V. Pangilinan, na may kaugnayan sa plahiyo. At ito ang pagiging matapat sa sinasabi, at ang pagsipi nang maayos sa diwain ng iba, at ang pagtataglay ng mukha na inihaharap sa madla. Ang kakatwa, may bahagi ng talumpati si MVP hinggil sa kaniyang karanasan sa pangongopya sa pagsusulit doon sa San Beda, na pinilit siya ng awtoridad na banggitin ang kaniyang mga kakutsaba ngunit tumanggi, at binawi sa kaniya ang karangalang dapat tamuhin ng estudyanteng masikap sa pag-aaral. Parang napanood ko na ito sa pelikula, bagaman naiba nang kaunti sa tunay na buhay.
Kahanga-hanga ang pagpapakumbaba ni MVP, na umako ng kasalanan at hindi na idinamay pa ang dalawang estudyanteng katuwang niya sa pagsulat ng talumpati. “Wala talaga akong ihaharap na mukha pagkatapos,” ang nawika niya sa sulat kay Fr. Bienvenido Nebres.
Mahalaga ang “mukha” para sa mga Filipino. Ang “mukha” ay kaugnay ng dangal, tiwala, at kalooban. May “mukha” na inihaharap sa matatalik na kaanak o kaibigan, at iba ang “mukha” na inihaharap sa publiko. Kapag ang mukha ay nadungisan, para nang winasak ang pagkatao at puri ng sinumang tao. Sa ibang pagkakataon, ang pagkawala ng mukha ay katumbas ng pagpapatiwakal; at sa iba, maihahalintulad sa habambuhay na batik na malilinis lamang sa paggawa ng pambihirang kabutihan sa bayan. Samantala, may ibang “makakapal” ang mukha, na ang ibig sabihin ay gagawin ang lahat makaungos lamang sa kapuwa.
Kung babalikan ang talumpati ni MVP, maiikling sipi lamang naman ang hinugot sa mga talumpati nina Barack Obama, Oprah Winfrey, Conan O’Brien, at J.K. Rowling. Maiikli ngunit sapat na ang mga ito para maibunyag ang pagmamalabis at katamaran, at pag-angkin ng mga diwain at salita ng iba. Kung napaghandaan ang talumpati, higit na makulay ang sariling karanasan ni MVP bilang negosyante at pilantropo na kinakailangan lamang lapatan ng katumbas na mga salitang kaugnay ng katapatan. De-kahon ang pag-uulit hinggil sa kabiguang pinaghunos na tagumpay; higit na magiging kapana-panabik, halimbawa, kung paano maaabot ang tagumpay sa pagtapak sa balikat ng iba o pagsuot sa shortcut para makaharurot nang mabilis.
Natural na malungkot si MVP dahil nagkataong binigyan siya ng doktorado ng Pamantasang Ateneo de Manila na maituturing na kagalang-galang na institusyon sa larangan ng edukasyon. At ang masaklap, ang dalawang estudyanteng naging katuwang niya ang pataksil na gumawa ng pangongopya para mapadali ang asignatura. Mapalulusot na bata pa sila; ngunit kung gayong kabata’y palulusutin na, ano pa ang magiging kinabukasan ng bansang pinababayaan ang katiwalian?
Sa aking palagay ay hindi madali ang paghahanap ng mga manunulat na bumubuo ng talumpati at nasa likod ng isang personalidad. Hindi lamang talino at kadalubhasaan ang kailangan, bagkus tiwala at malasakit para sa tao na kanilang pinagsisilbihan. Ang pangulo, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng anim o sampung manunulat, bukod sa mga mananaliksik, at ang mga sinulat nila ay masinop na paglalangkapin ng isa o dalawang editor. Mapapansin ito tuwing magtatalumpati ang pangulo sa pagbubukas ng batasan, at ang kaniyang wika ay nabubudburan ng elegante at balbal, ng Ingles at Filipino, at kung minsan ay mga siping sinadya para hingin ang palakpak ng taumbayan. Maiiba nang kaunti si Pang. Ferdinand Marcos, dahil kahit mahuhusay ang kaniyang lihim na manunulat ay iginigiit niya ang pananaw na parang isa ring propesyonal na manunulat.
Panahon ngayon ng mga makinang panghanap [seach engines], kaya napakabilis mapasakamay ang samot-saring impormasyon. Gayunman, kaugnay niyon ang pagmamadali, at maraming manunulat ang pinalalampas ang tumpak na pagsipi para makaraos agad sa dedlayn, at magmukhang kahanga-hanga sa madlang haharapin nila. Ang ginawang pagsipi ng mga manunulat ni MVP ay kalakaran ng maraming estudyante at di-iilang guro, at masakit mang sabihin ay umiiral magpahangga ngayon. Bumuklat ng teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, at mapapansin ang mga kinopyang bahagi ng akda.
Kung nais ni MVP na maibalik ang kaniyang mukha, maimumungkahi kong magbigay siya ng pondo na laan sa pagpapahusay sa pagsusulat, pananaliksik, panitikan, at paglinang ng mga wika. Hindi lamang pagkakamal ng salapi ang ikabubuhay ng tao, bagkus pagkakamal din ng karunungang may dangal at may kaugnayan sa pagsasatitik ng isip at kalooban. Kailangang maturuan muli ang mga kabataan ng tamang pagkatha, at paglikha ng mga orihinal na diwaing maipagmamalaki hindi lamang ng Ateneo bagkus ng lahat ng mamamayang Filipino.
Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.
Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo
Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.
Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.
Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.
Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.
Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda, at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid, dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”
Kayamanan at Kapangyarihan Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.
Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.
Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.
Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.
Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog. Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.
Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.
Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.
Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.
Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.
Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.
Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.
May kaibahan ba ang awit at korido? Wala, ani Damiana L. Eugenio, maliban sa wawaluhing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang korido, samantalang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong ang awit. Nasabi ito ni Eugenio matapos niyang suyurin ang mga pag-aaral sa dalawang anyo ng tula, at alamin ang pinakaatay ng bawat isa. Magkahawig ang mga paksa ng awit at korido, at tatlong elementong nangingibabaw ang napansin ng kritiko: una, ang romantiko (o pag-ibig); ikalawa, ang relihiyoso at pangangaral; at ikatlo, ang kahima-himala at kagila-gilalas.
Ngunit nakaligtaan ni Eugenio na banggitin ang anyo ng dalít na isang katutubong tulang hawig na hawig sa anyo ng pananaludtod ng korido. Wawaluhin din ang sukat ng bawat taludtod nito at bawat saknong ay binubuo ng apat na taludtod. Maaaring pinalitan lamang ng Espanyol ang pangalan ng tulang Tagalog noon, at ang nasabing pagpapalit ay ituturing ngayong panahon ng pag-angkin, kung hindi man pagbura sa tulang katutubo, upang panaigin ang dayuhang anyo. Ang ganitong obserbasyon ay mahuhugot sa ilang palagay ni Virgilio S. Almario. Hindi rin hinipo ni Eugenio ang kaugnayan ng korido sa dula, na mahihinuhang malaki ang impluwensiya sa pagbubuo ng banghay, at siyang itinatanghal sa korales (i.e., parisukat na bakurang bahayan) noong panahong midyibal sa Espanya.
Magandang ihalimbawa ang koridong Prinsesa Florentina na sinulat ng di-kilalang awtor at walang tiyak na petsa kung kailan ang unang pagkakalathala. Muling inilathala ito noong 1950 ng Aklatang Lunas, at pagkaraan ay inilahok ni Eugenio sa kaniyang antolohiya. Ang nasabing korido, na ang buong pamagat ay Buhay ng kawawa at mapalad na Prinsesa Florentina sa kahariang Alemanya,ay maaaring nakasagap ng alimuom sa tinaguriang Ginintuang Panahon ng Teatro sa Espanya (1492-1700), na ang isa sa mga pangunahing manunulat ay si Lope de Vega. Taliwas sa paniniwala ng iba, ang korido ay hindi lamang nakalaan para awitin nang mabilis na siyang napansin ni Gabriel Bernardo at pinalaganap ng mga awtor ng teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo. Kung gagawing batayan ang banghay, ang korido ay masasabing angkop na isadula, at matatawag na “matulaing dula” o “madulaing tula” alinsunod sa ibig itampok na uri ng panitikan.
Malagim ang Prinsesa Florentina dahil tinatalakay nito ang usaping may kaugnayan sa insesto, kidnaping, pagpapatapon, gahasa, panlilinlang, himala, diskriminasyon, pagtataksil, pagpatay, gantimpala, kaharian, digmaan, at iba pang ikayayanig ng makaririnig o makababasa ng kuwento. Si Florentina ay pinagnasahan at ibig mapangasawa ng kaniyang ama. Ngunit dahil tutol ang dalaga’y pinutol niya ang kamay at iyon ang patuyang ibinigay sa kaniyang ama. Ipinatapon ng emperador si Florentina sa dagat, ngunit ililigtas siya ng anghel na sugo ni Birheng Maria, at ibabalik ang putol na kamay. Mapapadpad si Florentina sa isang pook, at aalagaan ng isang mangingisdang papapel na parang tunay na ama. Ngunit hindi magtatagal ay makikilala siya ni Don Pavio, na isang pribado ng hari, at marahas na itatanan palayo sa mangingisdang nilasing ng mga kasama niya.
Makikilala ni Haring Enrico si Florentina sa isang pagdiriwang sa palasyo, at mapapaibig, saka yayaing pakasalan ang dalaga. Walang makababali sa utos ng hari. Gayunman, gagawa ng mga paraan ang ina ni Enrico upang magkahiwalay ang mag-asawa. Nang magtungo sa ibang bayan si Enrico para makidigma sa hukbong Moro, kung ano-anong kabulaanan ang ginawa ng ina ni Enrico at binago ang sulat na ipinadadala ng hari kay Florentina. Nang lumaon, nanganak ang buntis na si Florentina, at kasama ang kaniyang sanggol, ay ipinatapon sa dagat sa utos ng balakyot na biyenan. Matutuklasan pagkaraan ni Enrico ang lahat, at parurusahan ng pagkakabilanggo ang sariling ina.
Makaliligtas sa ikalawang pagkakataon si Florentina, na kasama ang anak, dahil sa himala mula sa kalangitan. Hindi rin sila pinatay ni Don Pascacio na inutusan ng ina ni Enrico. Samantala, ipapasa ni Haring Enrico ang kaniyang trono kay Don Pascacio at hahanapin ang kaniyang asawa’t anak. Tutulungan ng isang Kastelyano si Florentina, hanggang magbinata ang kaniyang anak na si Federico. Ilang taon ang lilipas, maghahanap ng mapapangasawa si Enrico, at nang mabalitaan ni Florentina na ibang prinsesa ang pakakasalan nito, isinugo niya ang kaniyang anak na si Federico na magpakilala sa ama. Magugulat si Enrico at hahanapin ang asawa. Matutuklasan din na si Haring Fernando ang ama ni Florentina at humingi ito ng tawad sa anak.
Ganap na gagantipalaan ni Enrico si Don Pascasio at ipapasa rito ang korona. Sa kabilang dako’y magiging hari naman si Federico, ayon sa utos ng ama ni Florentina. Magwawakas ang korido sa pangangaral: “Pag masama ang pananim/ masama ang aanihin,/ kung mabuti ay gayundin/ aanihin ay magaling.”//
Ang Prinsesa Florentina ay hindi tandisang salin ng metriko romanse mulang Europa, bagkus maituturing na malikhaing halaw. Ang nasabing halaw ay hitik sa panghihimasok ng makatang Tagalog, na humihipo sa damdamin ng mga kapuwa niya Tagalog. Paano babasahin ang naturang korido? Mahirap itong gawin, ngunit maipapanukala ang sumusunod na paraan.
Maaaring isaalang-alang na ang pagkakabuo ng Prinsesa Florentina ay mula sa kamay ng makatang Tagalog. Ang diskurso ay maaaring M (Makata) + T (Tagalog) o pabalik. Ngunit hindi magiging gayon kapayak dahil ang tula ay nilahukan ng mga alusyon, kaisipan, at hulagway na pawang hinugot sa ibang bansa, kaya ang ekwasyon ay maaaring maging M + T + IB (Ibang Bansa, i.e., Alemanya, Italya, Etopia, at iba pa).
Ang Makata ay humuhugot ng alusyon sa kapuwa kaligirang Tagalog at Ibang Bansa. Ngunit sa korido, ang kaligiran ng Ibang Bansa ay napakalabo (i.e., vague), at kaya maiisip na ang Ibang Bansa ay hinango lamang sa pangalan at ang higit pinahalagahan sa salaysay ay ang relasyong namamagitan sa mga pangunahing tauhan. Maiisip na sinadya ito ng Makata dahil kung basta siya magpapasok ng mga detalyeng may kaugnayan sa mga kaharian ay maaaring mahirapan sa pag-arok ang madlang Tagalog dahil ang diskurso ng ibang bansa ay iba sa diskursong Tagalog. Malayo rin ang wikang Tagalog sa wikang banyaga, at ang paglalahok ng mga banyagang salita o konsepto sa loob ng korido ay magiging balakid upang maunawaan nang mabilis ng madla ang ibig ipahiwatig ng Makata. Yamang ang korido ay angkop sa pagtatanghal, ang nasabing pagtatanghal ay dapat popular at magaan sa paraang gaya ng pagpapalaganap noon ng mga sagradong akda at pista ng mga santo.
Nabuo ang saligang sistema ng komunikasyon dahil sa malikhaing paggamit ng Tagalog. Tumaas din ang diskurso ng Tagalog dahil sa matalinong pag-akda ng Makata. Nagsisilbing kritiko rin ng Makata ang mga mambabasa bilang konsumidor, kaya nakikinabang din ang Makata sa anumang puna at mungkahing magmumula sa madla. Ang wikang Tagalog na ginamit ng makatang Tagalog na posibleng nakaaalam din ng wika at konseptong Espanyol ay yumaman sa pagbubuo ng tula; at ang nasabing tula ay masasabing hindi basta hiram sa banyaga, bagkus malikhaing pag-angkin sa panig ng Tagalog na mataas ang pagpapahalaga sa mga konseptong gaya ng “puri,” “dangal,” “pag-ibig,” “utang na loob,” “pag-aanito,” at iba pa na pawang matatagpuan sa mga sinaunang salawikain, bugtong, tanaga, diona, dalit, alim, hudhud, at iba pa.
Lalawak pa ang diskurso kung iuugnay ang Prinsesa Florentina sa pagbubuo ng kabansaan ng Espanya at ng kabansaan ng Katagalugan. Ang nasabing Katagalugan, ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, ay hindi lamang tumutukoy sa mga lalawigang sakop ng Tagalog, bagkus sa buong bansa. Kung isasaalang-alang ang ganitong hatag, ang nabanggit na korido ay dapat ding sipatin sa kasaysayan ng panitikang Tagalog at sa kasaysayan ng pagbubuo ng Katagalugan. Bagaman magkahiwalay ang agos ng Kasaysayan sa agos ng Kasaysayang Pampanitikan, maaari pa ring magkasabay o magsalikop ang dalawa sa iisang agusan dahil sa pambihirang pangyayari sa Katagalugan, gaya ng pagpapalaganap ng Kristiyanismo, paglaganap ng edukasyong maka-Tagalog o maka-Europeo, at pag-iral ng kolonisasyon, kontra-kolonisasyon, at deskolonisasyon sa loob ng Katagalugan.
Ang Prinsesa Florentina ay maipapanukalang basahin hindi lamang bilang akdang hinalaw sa tekstong Europeo bagkus bilang tekstong inangkin ng Tagalog. Sa ganitong kalagayan, masisipat ang diyalohikong agos sa akda. Halimbawa, nagtagumpay ang banyaga na maipasok sa korido ang mga salitang may kaugnayan sa kaharian, relihiyon, pananalig, at pananaw. Ngunit nagtagumpay pa rin ang Tagalog dahil ginamit ang Tagalog sa malikhaing paraan, at ang karaniwang diskurso ng Tagalog ay umangat sa dating kalagayan, at sinipat ang kaligirang metriko romanse sa pananaw ng Tagalog, gaya ng pakikipagsapalaran ng mga Tagalog na ang anumang lihim ay nabubunyag, naparurusahan ang maysala, at nagagantimpalaan ng mabuting kapalaran ang nakikibaka. Sa ganitong kalagayan, ang bahid ng impluwensiyang Espanyol ay masisipat na salimpusa lamang sa konstelasyon ng panulaang Tagalog.
Kung ihahambing naman ang Prinsesa Florentina sa gaya ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas, mapapansin ang paglago ng pagtula ni Balagtas hindi lamang sa paggamit ng wika kundi maging sa pagbuo ng mga saknungan, tugma at sukat, pananalinghaga, balangkas, at iba pang panloob na katangian ng tula. Halimbawa, kung sa Prinsesa Florentina ay walong ulit lumitaw ang dalawang magkasunod na saknong na may isahang tugma (na kasumpa-sumpa sa kapuwa Balagtasista at modernistang makata), walang ganitong makikita sa obra ni Balagtas na napakapulido ang gawa. Mahihinuhang nakinabang nang malaki si Balagtas sa naunang mga akda, at ito ang kaniyang hinigtan sa malikhaing pagsasatula.
Hindi rin simpleng tula hinggil sa krusada ng Kristiyanismo laban sa Islam ang Prinsesa Florentina. Ang pakikidigma ni Haring Enrico laban sa mga Moro ay sanhi ng pagkakataong pagsalakay ng Moro sa pook na saklaw ng hari, at kailangang ipagtanggol ng hari ang pook nito. Mahihinuhang pahapyaw na kinasangkapan lamang ang digmaan, bagaman ang tunay na digmaan ay nasa katauhan ni Florentina—na pinagtangkaang gahasain, ipinatapon sa ibang pook, at ibig ipapatay ng kaniyang biyenan. Ang pagiging tagamapagitan ng puwersang sobrenatural (i.e., anghel, Birheng Maria, at Kristo) ay mula sa pananalig ng tauhan, at ginawang tulay lamang upang makatawid ang tauhan sa mga pambihirang balakid na lampas sa kayang igpawan ng mortal. Walang bagahe noon ang mga Tagalog hinggil sa bakbakan ng mga relihiyon, at kung mayroon man, ito ay upang ipagtanggol lamang ang kinamulatang pananalig sa bathala, anito, diwata, at iba pang kaugnay na puwersang sobrenatural na gaya sa Tagalog.
Mahihinuhang ang sinaunang pananaw sa Prinsesa Florentina bilang maharlika, deboto, anak, asawa, at ina ay hindi lamang unibersal na pagtanaw sa Constance Saga hango sa akdang Europeo bagkus masisipat ding bahagi ng pagbubuo ng konsepto ng “Ina, Anak, Kapatid, at Inang Bayan” sa buong Katagalugan. Bagaman hindi maitatatwang nakalagos sa malig ng Tagalog ang ilang kaisipang Europeo, naitampok din ng awtor ng korido ang kaisipan at wikang Tagalog alinsunod sa diskurso ng Tagalog. Ang hamon sa mambabasa ay alamin ang pag-akda ng makata na nabahiran ng kaisipan o ideolohiya ng banyaga, sa isang panig; at sa kabilang panig naman ay kung paano pinalalakas ang kaisipang Tagalog kahit pa gumamit ng mga palamuting banyaga. Sa ganitong paraan, hindi lamang basta napag-aaralan ang konteksto ng akda, o nalilingon ang kasaysayan at ang kasaysayan ng panitikan. Nasisipat ang Prinsesa Florentina hindi lamang bilang relikya ng nakalipas, bagkus bilang buháy na patunay ng ebolusyon ng wika at panitikang Tagalog na malaki ang ambag sa panitikan at wikang Filipino na ginagamit ngayon ng bagong henerasyon.
Mahirap ipaliwanag ang halina ng sugal. Nakaaaliw ito kung paminsan-minsan; ngunit habang tumatagal ay nakakawilihan, gaya ng sex at droga, hanggang mamalayan mo na lamang na lulong ka na’t lustay na ang salapi, dangal, at panahon. Walang makapagpapaliwanag ng sugal kundi ang mismong sugarol o sikologo, ngunit ang sugarol at sikologo ay kinakailangan muna ang malawak na guniguni at kadalubhasaan sa wika at panitikan, bago mapantayan ang pambihirang tulang “Ang Pangginggera” (1912) ni Lope K. Santos.
Isinalaysay sa “Ang Pangginggera” ang buhay ng babaeng napariwara dahil sa pagkakalulong sa sugal na “panggingge.” Ang panggingge ang ninuno ngayon ng tong-its, sakla, at poker, at siyang paboritong laro sa mga pasugalan, gaya sa Santo Cristo sa Binondo noong siglo 1900. Noong una’y mabuting maybahay ang nasabing babae, maayos ang pamumuhay, at kaakit-akit ang anyo’t ugali. Ngunit nang mamatay ang kaniyang unang anak, nagdalamhati ang babae at upang maibsan ang kaniyang lungkot ay niyaya ng kaniyang hipag na maglaro ng ripa. Nang tumagal, nahatak ang babae na sumubok maglaro ng panggingge, makiumpok sa pasugalan, at malulong sa bisyo nang di-inaasahan.
Ang transpormasyon ng babae ay magsisimula sa bahay hanggang sa pasugalan. Sa bahay, magiging pabaya siya sa kaniyang bana at ang kaniyang bana ay magiging sugapa rin sa sabong. Sa pasugalan, ang babae ay maghuhunos sa pagiging bagitang pinagkakaisahan ng mga kalaban tungo sa pagiging bihasang balasador at sugarol. Ang sugal (panggingge at sabong) ang balakid na maghihiwalay sa mag-asawa upang sa tuwing gabi na lamang sila magkita sa bahay. Nang mabuntis muli ang babae at nahirapang dumayo ng panggingge sa ibang pook, hinatak niya ang mga kalaro at doon na sa bahay niya mismo nagpasugal. Nang maging pasugalan ang bahay ng babae at ng kaniyang bana, nabura ang hanggahang nagbubukod sa pamilya at sa madlang sabik sa aliwan. Dito nagsimula ang pagguho ng ugnayang mag-asawa.
Kahit buntis ay hindi napigil ang pangginggera sa kaniyang bisyo. Nahinto lamang sandali nang siya’y manganak, ngunit pagkaraan ay itinuloy ang pagsusugal. Ang ikalawa niyang anak ay sumuso sa pasugalan, at ang dating mahiyaing babae ay naging burara at kumapal ang mukha. Ang masaklap, higit na malaki ang panahong ginugol ng babae sa panggingge kaysa sa pag-aalaga ng anak o pakikiharap sa asawa. Bukod dito, ayaw makinig ng babae kahit sa payo ng kaniyang biyenan, at ang biyenan pa ang binulyawan na parang nakaligtaan ang paggalang sa sinaunang kaugalian.
Dahil maganda’t bata pa, ang pangginggera ay naging titis din upang pag-awayan ni Pulis at ni Lalaki (na isa ring sugarol). Si Pulis ang magiging kabit ng pangginggera, at magiging protektor ng pasugalan, at sa bandang huli’y matatanggal sa serbisyo dahil sa mga kasalanan. Si Pulis din ang magiging dahilan upang maging laman ng tsismis ang pangginggera sa buong baryo, at masira ang puri. Darating ang sandali na mabubuntis muli si pangginggera, at ang pinaghihinalaang maysala’y si Pulis. Magkakahiwalay ang pangginggera at ang kaniyang mister nang magkunwa itong kalaguyo at mahuli ang misis na ang kinababaliwan ay si Pulis. Napilitan ang babaeng umuwi sa bahay ng magulang, at isama ang kaniyang anak.
Ngunit hindi rito nagwawakas ang salaysay. Tinanggap si pangginggera ng kaniyang ama, nanganak sa ikatlong pagkakataon, at nabingit sa alanganin ang buhay. Tutulong naman ang kaniyang ama at biyenan upang magkabalikan ang mag-asawa. Naganap nga iyon, at nagpanibagong buhay ang mag-asawa. Si babae’y pananahi ang ikinabuhay, samantalang ang kaniyang bana’y naging katiwala sa pagawaan hanggang umangat ang posisyon. Nakaipon ang mag-asawa, nakabili ng mga gamit, nakapagpundar ng tahanan, nakabili ng lupa, at umupa pa ng katulong. Samantala, nagbago rin ang buhay ng hipag ni pangginggera. Iniwan ng hipag ang pagsusugal, at nakapangasawa pa ng lalaking mayaman kahit sabihin pang pangit ang anyo ng naturang hipag.
Maganda na sana kung dito magwawakas ang tula. Subalit muling malululong sa panggingge ang babae, samantalang sabong ang pag-iigihan ng kaniyang asawa. Guguho ang anumang kabuhayang kanilang naipundar, at ang masaklap, magkakaroon ng kabit ang bana, samantalang ang pangginggera ay mahuhulog sa pang-aakit ng mirong si Lalaki. Si Lalaki ang mahihiwatigang bubuntis kay Pangginggera, at magnanakaw ng itinatago nitong alahas. Habang lumalaon, mapapabayaan ni Pangginggera ang kaniyang tahanan, at magiging balasubas kahit sa pagpapalaki ng mga anak.
May iba pang sanga ang banghay ng tula. Mabubuntis ang katulong dahil kinakalantari ng kaniyang kasintahan. Pababayaan ni Lalaki ang sariling pamilya, halos ibugaw ang anak na dalaga para magkasalapi, at mananakit ng asawang babae kapag wala itong maibigay na pambisyo. Masasangkot din sa kaso si Lalaki dahil sa paglulustay ng salapi, pagnanakaw ng mga alahas ni Pangginggera, at hahanapin ng mga alagad ng batas. Sasampahan din ng kaso ang mister ni Pangginggera, dahil nilustay nito ang mga salapi at benepisyong laan sa mga manggagawa. Binulutong ang dalawang anak ni Pangginggera. Isinumpa naman siya ng kaniyang hipag, magulang, at kapitbahay, dahil sa pagpapabaya sa mga anak. Pinakasukdulan ang pagkamatay ng kaniyang anak na lalaking umakyat ng punongkahoy, pagdaka’y nahulog, at natuhog ang tiyan ng urang na naging sanhi upang ikamatay ng bata.
Maraming binabago ang “Ang Pangginggera.” Lumihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na ang dulong tugma’y isahan (aaaa, bbbb, etc) gaya ng kay Francisco Balagtas. Ginamit sa tula ang sukat na 12/12/6/12/612, at ang tugmaan ay aababa na masasabing kombinasyon ng isahan at salitang tugma. Hindi uso noon ang ganitong eksperimento, at napakahirap gawin lalo sa mahabang tulang pasalaysay na halos doble ng haba ng Florante at Laura. Bukod sa tugma at sukat ay pinayaman ng “Ang Panginggera” ang wikang Tagalog noon, dahil ipinakita ni Santos na lumalago ang Tagalog at nalalahukan kahit ng mga balbal na salitang hindi matatagpuan sa mga awit at korido. Ang realistang pagdulog sa paksa ay isa ring positibong punto at winawakasan ang mga awit at koridong pulos hari at reynang hinalaw kung saan-saang bansang malayo sa kalagayan ng Filipinas.
Nanghihinayang ako at hindi napag-aaralan nang mabuti ang “Ang Pangginggera” ni Santos. Marami roong mapupulot, gaya ng pagbubuo ng banghay, paglilinang ng tauhan, pagkakatalogo ng mga pangyayari, paglalarawan ng kaligiran, paglalatag ng mga tunggalian sa isip o kalooban, pagdidisenyo ng tugma at sukat na pawang aangkop sa yugto ng pagsasalaysay, paggamit ng punto de bista, at pagtitimpla ng mga salita at talinghaga. Magiging kapana-panabik ang pagtuturo ng naturang tula kung iigpaw ang guro at estudyante sa paghalungkat ng “aral” o “liksiyon” ng nasabing tula, at pag-aralan iyon sa pamamagitan ng mga kasangkapan sa panunuring pampanitikan.
Tiyak kong maraming matutuklasan ang sinuman sa “Ang Pangginggera” ni Santos. Ang pagkaadik sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagkawala ng puri at dangal dahil sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagbangon mula sa pagkabalaho sa sugal ay dati nang nagaganap. Ngunit ang mahalaga’y dapat tayong matutong talikdan ang masasamang bisyo’t gawi; at gaya ng itinuturo ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, makita nawa natin ang tunay na “liwanag” ng pagpapagal at pagkayod sa mabuting paraan, kaysa umasa sa ginhawang ipinangangako ng kapalarang hindi natin batid kung kailan mapasasakamay.
Kung may isang konsepto mang paulit-ulit nagbabalik sa gunita ng taumbayan, iyon ay walang iba kundi ang “puri.” Ang “puri” ay maaaring sintayog ng pagdakila sa diyos, gaya ng masisilayan sa mga awit at korido. Ang “puri” ay maaaring ang “dangal” (i.e., honor) mismo ng tao, na minamahalaga ang paggalang at ang pagsang-ayon ng ibang tao. Ang “puri” ay maaaring kaugnay ng panlabas na katangian ng tao na ipinakakahulugan o ipinapataw ng isang pangkat o lipunan, batay sa itinuturing na katanggap-tanggap, malinis, maringal, at mataas. Ngunit habang lumalaon, ang “puri” ay nahanggahan ang pakahulugan, at kinasangkapan ng relihiyon at awtoridad upang itumbas sa manipis na lamad o kalamnang matatagpuan sa pagitan ng mga hita ng kababaihan.
Minamahalaga ni Florante—na mula sa akda ni Francisco Balagtas—ang “puri” habang nagpapalahaw at lungayngay sa kagubatan (“Dusa sa puri cong cúsang siniphayo,/ palasong may lasong natiric sa puso;/ habág sa Ama co,i, tunod na tumimo;/ aco,i, sinusunog niring panibugho.”//) , at ginugunita ang pag-agaw ni Adolfo sa poder doon sa kahariang Albanya. Samantala, si Laura, na ibig gahasain o ilugso ni Adolfo ang “puri” o “kabirhinan” (“Capagdating dito aco,i, dinadahas/ at ibig ilugso ang puri cong ingat,/. . .) ay ipinagtanggol ni Flerida, tumakas patungo sa kagubatan, huwag lamang madungisan ang loob para sa kaniyang minamahal. Kay Florante, ang “puri” ay nasa antas ng paghawak ng kapangyarihan; samantalang ang kay Laura ay nasa antas ng personal na nagsisikap umabot sa antas ng malawak na lipunan, yamang isa siyang prinsesa at bahagi ng buhay ni Floranteng magiging hari balang araw. Ang ganitong mga konsepto ng puri ay gagawing makapangyarihang mito ni Iñigo Ed. Regalado sa kaniyang mga kuwento, lalagyan ng gulugod, at ipaaalingawngaw na tila alagad ng Katipunang pinalago ng kaisipan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.
Sa kuwentong “Ang Dalaginding” (1922), ang puri ay magsisimula sa ina na nagpapása ng gayong katimyas na halagahan sa kaniyang anak na nagdadalaga. Si Irene, ang anak, ay ilalarawang simbusilak ng mga sampagitang bibilhin ni Eduardo. Mangangamba ang ina ni Irene, dahil hindi nakatitiyak kung sino ang lalaking manliligaw, lalo na’t sumusulak ang di-maipaliwanag na hormone ni Irene. May ugat ang pangangamba ng ina, at sa wakas ng kuwento ay ibubunyag nito ang naging karanasan nang ligawan sa unang pagkakataon, at mapaibig sa isang binata, at pagbawalan ng sariling ina. Ngunit hindi napigil ang babae at nagpakasal, na ang supling ay magiging si Irene.
Maiiba naman ang konsepto ng “puri” sa kuwentong “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” (1917) ni Regalado. Sa naturang kuwento, ang puri ay matatagpuan hindi sa panlabas na katauhan bagkus sa kalooban ng tao. Si Milagros Manalang, na anak-mayaman at sumusunod sa makabagong panahon, ay mapapaibig sa binatang si Arturo na dating nagpaparamdam ng pagmamahal sa kaniya. Ngunit habang rumirikit si Milagros, napapalayo naman ang loob ni Arturo. Iyon ay dahil nanaisin ng binata ang pagpapahalaga sa sariling kagandahan imbes na manghiram ng pamantayan ng kagandahang mula sa ibang bansa. Nakapaloob ang hangad ni Arturo sa liham para kay Milagros: “. . . alalahanin mong may sarili kang katangian na lalo kang napapatangi kung ang kadakilaan ng iyong damdamin ay hindi mo ipaloloob sa isan kasuutang hindi iyo at sa mga kagandahang hinihiram mo sa kagandahan ng iba, at sa iyo’y hindi nababagay.”
Ang konsepto ng puri na ipinamalay ni Arturo kay Milagros ay isasapuso ng dalaga, at magkukulong sa silid, upang sa muling paglabas at pagkikita nila ni Arturo ay makikita ng binata ang pambihirang gandang walang halong artipisyalidad. Alinsunod na rin sa pagtatasa nina Clodualdo del Mundo at Alejandro G. Abadilla, ang “Pusong Uhaw sa Pag-ibig” ni Regalado ay “makulay ang paglalarawan ngunit hindi maligoy.” Totoo ito, bagaman ituturing na ngayon na mapagpahiwatig ang testura ng prosa ni Regalado na parang tumutula sa paraang maindayog at nakatutulala.
Mataas ang pagpapahalaga ni Regalado sa mga babae, lalo kung babalikan ang kaniyang mga kuwento. Dukha man o mayaman, matalino o mangmang, ang babae ay laging kaugnay ng “puri” na naging mito para sa susunod na henerasyon ng mga manunulat.
Sa kuwentong “Ang Makasalanan” (1917), ang pagiging sentimental ni Anisia ay magiging hadlang sa paglago ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawa at anak. Nang una’y maayos ang pagsasama nina Anisia at Amando, hanggang magkaanak sila’t ang anak ang maging sanhi upang managhili ang babae. Mababato si Anisia sa napakatahimik na buhay, at magliliwaliw sa piling ng mga kaibigan, hanggang isang araw ay halos matukso sa panliligaw ng ibang lalaki. Ngunit tatanggi si Anisia, lalo nang mabasa ang isang aklat hinggil sa pagtataksil ng babae sa asawa nito, at ipinangako sa sariling hindi magaganap sa kaniya ang malagim na sinapit ng babaeng makasalanan sa nobela. Iyon pala’y sinadya talaga ni Amando na bilhin ang aklat upang mabasa ng kabiyak, at nang mapanatili nito ang puri.
Naghunos ang “puri” sa nasabing kuwento dahil ang puri ay hindi lamang para kay Anisia bagkus maging para sa kabiyak nitong si Amando at sa kanilang anak. Bagaman nabasa ni Anisia ang aklat, ang pagpapasiya ay nagmula sa loob ng babae at hindi basta inudyukan lamang siya ni Amando. Ang pagsubok kay Anisia ay pagsubok din sa taglay niyang puri, at sa bandang huli’y ang puring ito ay tataas lalo nang mabatid ni Amando. Sabihin nang dramatiko ang wakas ng kuwentong ito, ngunit ang gayong wakas ay hindi pagsandig sa isang yugtong marupok ang batayan bagkus sa halagahang magpapatibay sa pagsasama ng buong pamilya.
Maiiba ang rendisyon ni Regalado sa puri pagsapit sa kuwentong “Nagbago ang Landas” (1916). Isang magandang dalagang nagngangalang Alisya ay napadpad sa nayon ng Malinay. Kumalat sa buong nayon ang kariktan ng babae, at ito ang nagbunsod upang manligaw ang maraming lalaki sa kaniya. Isa si Pirmin sa mapapaibig kay Alisya, at ito ang ipagyayabang niya sa kaibigang si Sidro. Ngunit nang makita ni Sidro si Alisya, nagbalik sa gunita niya ang “madilim” na nakaraan ng babae, na dati niyang kasintahan, at ito ang isinalaysay ng binata kay Pirmin. Ipinaalaala ni Sidro sa kaibigan na hindi dapat tumingin sa panlabas na anyo lamang ng tao, dahil ang gayong katangian, ay gaya lamang ng “ningning” na makabubulag ng paningin. Nagwakas ang kuwento sa hitik sa pagpapahiwatig ng pag-asa, at sa pagbabagong-buhay ni Alisya, na nakatingin sa lumiliwayway na araw mula sa likod ng kabundukan. Sa kuwentong ito, ang konsepto ng “ningning” at “liwanag” nina Bonifacio at Jacinto ay hiniram ni Regalado at siyang ikinuwadro sa ugnayang Pirmin, Sidro, at Alisya doon sa nayon ng Malinay.
Kung babalikan ang akda ni Jacinto, ang “puri” ay kaugnay ng konsepto ng “kalayaan” (“Kung ang tao’y wala ang Kalayaan ay dili mangyayaring makatalastas ng puri, ng katwiran, ng kagalingan, at ang pangalang tao’y di rin mababagay sa kaniya.”) Bukod dito, ipinaalaala ni Jacinto ang pagtatangi sa “ningning” na nakasisilaw at nasisira ng paningin, at sa “liwanag” na naglalantad ng mga tunay na bagay. Magdaraya ang “ningning,” at ito ang dapat pag-ingatan ninuman.
Titingkad ang konsepto ng puri, na kaugnay ng “ningning” at “liwanag,” kapag binalikan ang kuwentong “Ang Babae sa Katapat na Bahay (1954). Si Leonarda ay asawa ng isang abogadong si Lutgardo Sendres, at maituturing na kabilang sa uring maykaya sa lipunan. Bagaman na kay Leonarda na ang lahat ng katangian, tulad ng maganda, mayaman, at mabuti ang pamilya, ay nakadama pa rin siya ng panibugho o inggit nang may isang magandang babaeng tumira sa tapat ng kanilang bahay. Ang babaeng ito’y maganda rin, at laging dinadalaw ng kung sino-sinong lalaki. Aabot sa sukdulan ang selos ni Leonarda nang ibig nitong gayahin ang marangyang pamumuhay ng babae at yayaing lumipat ng tirahan silang mag-asawa. Ngunit ipababatid ni Lutgardo na ang babaeng kinaiinggitan ni Leonarda ay isang babaeng nagbibili ng aliw upang mabuhay. Magbabago ang loob ni Leonarda, at hindi na muli siyang magpapaalipin sa mga baluktot na damdaming sisira ng kaniyang katauhan at pagmamahal sa asawa’t anak.
Sa nasabing kuwento, ang puri ay tinitimbang sa dalawang panig, at muli sangkot ang dalawang babae. Gayunman, lumalampas sa ordinaryong hambingan ang lahat, dahil walang dapat ihambing yamang magkaiba ang polong pinagmumulan ng dalawang babae. Ipinamamalas lamang sa kuwento na hindi kayang palamutian ng ginto ang puri, at ang puring ito ay hindi nabibili bagkus pinagsisikapan, at nasa sa tao na kung paano titingnan ang kaniyang pagkatao.
Marami pang dapat tuklasin sa mga kuwento, nobela, tula, dula, at sanaysay ni Regalado. Isa si Regalado sa mga dakilang manunulat na kinaliligtaan sa mga teksbuk o antolohiya, at ito ay isang mabigat na pagkakamali na dapat ituwid ng kasalukuyang henerasyon. Si Regalado ay hindi karaniwang mangangatha o makata, at ito ang tadhanang dapat nating harapin, ngayon at sa susunod na pagbasa ng kaniyang mga akda. Kailangang mapag-aralan si Regalado, upang makalikha tayo ng sariwang mga mito ng ating henerasyon—na maaaring lihis sa mga mito at konseptong binuo ng henerasyon ni Iñigo Ed. Regalado— at mapalago natin nang lubos ang ating panitikan at pagkabansa.