Maikling Pelikula, ni Ted Hughes

Salin ng “A Short Film,” ni Ted Hughes ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maikling Pelikula

Hindi ito sinadyang ginawa upang makasakit.
Nilikha ito para sa masasayang paggunita
Ng mga tao na napakamusmos pa noon
Upang matuto ng kung ano hinggil sa alaala.

Delikado ito ngayong armas, de-orasang bomba.
Na isang uri ng lawas-bomba, at pangmatagalan.
Sa palabas, ilang tagpong nilaktawan mo nang mabilis.
Tumanda ka nang sampu, at patuloy na lumalaktaw.

Mapusyaw na abo, na yari sa halumigmig at mantsa.
May pino itong mitsa, na hindi ganap na mitsa
Kaysa nakatonong habang-alon, ang elektronikong
Magpapasabog na nasa libingan ng ating loob.

At kung paanong ang pagsabog ay makasasakit
Ay hindi guniguning lagim bagkus pawis na kumislap
Sa rabaw ng balát, ang nagpapaalab sa himaymay
Para sa kung anong bagay na dati nang naganap.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Jakob Owens @ unsplash.com

Pila, ni Roberto T. Añonuevo

Pila

Roberto T. Añonuevo

Sumunod sa awtoridad ang wika ng kaayusan
ng siyudad. Gaya ng langgam, bumubuntot
ako sa iba pang benepisyadong nasa listahan,
at kung langgam ay magsisilbi sa kamahalan.

Wala akong reyna, ngunit marunong pumila.

Alam ba ng langgam ang diwa ng kawanggawa?
Sinusundan ko ang linya, at kung ito ang saklolo
na kung tawagin ay patakaran, hayaan akong
huminga na parang munting sardinas sa de-lata.

“Kailangang makaraos ang bayan sa pandemya!”

Ang awtoridad ang bumabalangkas ng ospital,
kahit ang paligid ay kambal na talyer at palengke.
Hindi iniisip ng langgam ang tarheta o edad;
nababahala naman ako  sa agahan ng mag-ina.

Ano kung magpatiwakal sa trabaho ang langgam?

Para sa lungsod, para sa bansa, para sa mundo,
at kung ano man ang iba pang pampalubag-loob,
sinisikap ng awtoridad na mabiyayaan ang lahat.
Ibig ko nang maniwala, kahit ang pilipisan ko’y

parang hindi mauubusan ng makukupad na luha.

Habang lumalaon, dumarami ang mga langgam
na gaya ko, na marahil ang iba pa’y natutong
mabuwisit sa paghihintay, mayamot sa mabagal
na pagdating ng isang supot ng bigas at tinapay.

Nagwawakas ang pila sa mesa pirma pagkilala.

Maglalakad ako pauwi, mananaginip ng pulut
ng pag-asa, banayad na kakausapin ang mga paa,
habang bitbit ang bunga ng aking buwis-pawis
at kumukutob ang kalam ng titig ng madlang

sinusundan ng awtoridad sa wika ng kaligtasan.

Pagsagap, ni Günter Eich

Salin ng “Einsicht,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsagap

Alam ng lahat
na kathang-isip ang gaya ng Mexico.

Nang buksan ko ang alasena sa kusina,
natuklasan ko ang katotohanan
na pinalalabò
sa mga tatak ng mga de-lata.

Namamahinga ang mga butil ng bigas
makaraan ang mga siglo.
Sa labas
ang hangin ay patungo sa nais tahakin.