Salin ng “From Exile to Exile,” ni Abdullah Al-Baradouni ng Yemen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoDestiyero sa Destiyero
Isinasalin ang bansa ko mulang isang tirano
tungong ibang tiranong masahol pa kaysa dati;
mulang isang bilangguan hanggang iba pa,
mulang isang destiyero hanggang iba pa.
Sinakop ito ng mga nagmamasid na banyaga
at ng isa pang nakakubli, nagkukunwa;
ipinasa ng isang halimaw sa dalawang halimaw
gaya ng buto’t balát na kamelyo.
Sa mga yungib ng kamatayan
ay hindi namamatay ang bansa ko, ni hindi
gumagaling, ni makuhang makabangon.
Hinuhukay nito ang mga píping libingan
para hanapin ang mga dalisay nitong ugat,
para sa tagsibol nitong pangakong natutulog
sa likod ng sariling mga mata;
para sa panaginip na darating,
para sa multo na nagtatago kung saan.
Lumilikas ito mula sa isang nakalulunod
na gabi tungo sa napakapusikit na gabi.
Nagdadalamhati ang aking bansa
sa mga hanggahan nito
at sa iba pang lupain ng iba pang tao;
at kahit na nasa sariling lupain nito’y
nagdurusa sa pagkatiwalag ng destiyero.
Alimbúkad: Poetry solidarity for exiled voices. Photo by Yasin Gu00fcndogdu on Pexels.com
Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoBaybay Dover
Panatag ang dagat ngayong gabi.
Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
Ng eternal na nota ng kalungkutan.
Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
Ang labusaw ng táog at káti
Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin
Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
Ang Dagat ng Pananampalataya’y
Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
At lastag na bulutong ng daigdig.
Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi.
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com
Salin ng “Los bosques de mármol,” ni María Negroni ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Kagubatan ng Marmol
Nakatadhana ako para kay Napoléon. Nasa digmaan ang bansa, at ang mga lansangan ay nag-aalab sa mga gusgusing babae, umiingit na karo, at di-maunawang hiyaw. May pahiwatig ng naunsiyaming kadakilaan, ang mamula-mulang aninag sa mga tigang na mukha. May taksing dapat maghatid sa akin sa kampo, at maikli ang oras. Tinawid namin ang mga nakalululang abenida at pagdaka, ang walang tinag, simetrikong kagubatan, ang kagubatan ng linlang at katahimikan, ang mga bunged na naliligo sa mapusyaw na sinag, ang mga bisig at ugat na balisang umaabot paitaas, nakatindig gaya ng mga estatwa, o mga ugat sa ilalim ng marmol na balát. Naroon ako sa malawak na parke ng mga punongkahoy na tao. Doon sa dambuhalang puting libingan. At ang mga ngiwi’y tila binabalikan ang nakaririmarim na gunita, at nilalamon ng pagnanasa ang kanilang mga mukha. Nanginginig (nang hindi umiiwas ng tingin), ako’y sumulyap sa pangwakas na punongkahoy, ang higanteng fetus, ang ulo ng tao sa katawan ng bulate.
“Maghreb,” sambit ng tsuper ng taksi, “ang eskultor ay nagngangalang Maghreb.”
Sinabi ko sa kaniya, sa umaalagwang tinig, na ibig ko nang umuwi, at ibalik ako sa aking bahay. Nagmakaawa ako sa kaniya. Ang tsuper, na hindi natigatig, ay ni hindi man lang umimik.
Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through translation. Photo by carol wd on Pexels.com
Fischer Random Thoughts
ni Roberto T. Añonuevo
1
Ang daigdig ay hindi tatsulok o bilog
bagkus animnapu’t apat na parisukat
sa loob ng daigdig na parisukat.
At sa loob nito ay umiiral ang mga prinsipyo
at batas na hindi dapat mabali
gaya ng utos ng hari.
2
Lumilipas ang panahon, at kung nagninilay
kang gaya ng nasa loob ng kahon
ay dapat magsimulang magtanong,
halimbawa,
kung bakit karaniwan ang henosidyo
o pagpapatiwakal.
3
Ang daigdig ay dalawang kaharian
ngunit magwawakas sa isang
kahungkagan
kapag nagkaubusan ng mga hukbo.
Sino ang nag-isip ng henyo ng budóng?
4
Nakababato at parang sirang plaka
ang kaayusan
ng kaharian,
at marahil, ito ang sandali
para sa guló na hindi inaasahan.
5
Nakahanay ang mga kawal
para isubo na gatong.
Inuutusan ang mga kabalyero
na lumundag
sa bangin, o kaya’y sagasaan
ang nakaharang.
Susugod o aatras ang mga obispo
nang pahilis,
gaya ng linyado nilang doktrina’t
pag-iisip.
Sintigas ng mga tore
ang babanggain o gigibain
para magtindig ng bagong tore.
Abala ang reyna sa salamangka.
At ang hari, asahan mo,
ay tutugisin ng mga palaso, maso,
at patalim
upang dakpin o patumbahin.
6
Ang isang hakbang ay tungo sa ibang kaharian
upang sakupin ito
o kaya’y burahin ang bakás nito sa mundo.
Maniwala, kahit wala ang mahal na reyna.
7
Sukulin ang hari.
Ngunit bago ito maganap, matutong sumalakay
makaraang mabatid ang puwersa
ng armas, mapa, at simoy ng panahon.
8
Sumusugod ang peon,
at isinasakripisyo para sa espasyo at bentaha
ng paglusob.
Sumusugod ang peon,
at ang pagdakip sa kaniya, kung minsan,
ay matamis na lason o pugad ng mga sibat.
9
Ilang bilyong kombinasyon ng mga hakbang
ay higit sa dami ng newtron—
tanungin si Hemachandra o Fibunacci
ngunit aantukin lamang ang inyong kamahalan
bago maabot ang sagot.
10
Nagsisimula sa hapag ang ehersisyo ng digma.
Pumapayat ang magkalaban
gayong nakaupo, gaya ng yogi,
at walang tinag nang napakatagal.
11
Sa larangang ito,
walang dapat pagtiwalaan kundi sarili.
Ang oras ang kalaban mo
kung hindi nakatitiyak
sa mga tira mo.
12
Mga kabisote, bakit pa mag-iisip?
Mga maya, manggaya gaya ng putomaya!
Sabihin ito
at sasampalin ka ng uyam at pambubuska.
13
May visa ang espiya.
May bisà ang espinghe.
14
Ang arogansiya ng piling lahi
ay bakit hindi tutumbasan
ng sukdulang pag-aglahi
kung pinalalaki tayo
sa katwiran ng ubusan ng lahi
at pataasan ng ihi
para sa parisukat na pamanang lupain?
Nadama ko ito
habang ang isang paa ay nasa hukay
at mariing nakatitig sa Tore ni David.
15
Masikip na bilangguan ang kaharian
sa hari na nagtatalumpati sa ilang.
Naisip ko ito habang nakabartolina
at nangangatal.
16
Naghahapunan ng yelo ang destiyero
ngunit humahabol ang mga kabalyero.
At ako sa aking trono
ay aawit ng “Bayan ko!”
Alimbúkad: Quality poetry isolation under pandemic. Photo by Francesco Sgura on Pexels.com
Salin ng “Camouflaging the Chimera,” ni Yusef Komunyakaa ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pagbabalatkayo ng Kimera
Itinali namin sa mga helmet ang mga sanga.
Pinintahan ng putik na hango sa pasigan
ang aming mga mukha at riple, sumungaw
ang mga dahon ng damo sa mga bulsa
ng aming tigreng kasuotan. Hinabi namin
ang mga sarili sa hubog ng lupain,
panatag na maging target ng kulagu.
Niyapos namin ang kawayan at sumandig
sa dayaray na nagmumula sa ilog,
marahang hinihila ang mga multo
mulang Saigon hanggang Bangkok,
sa mga babaeng naiwan sa mga pintuan
at nakikipag-ugnayan mula sa America.
Inasinta namin ang mga panagoto.
Sa aming itinayong himpilan ng mga anino,
tinangkang pasabugin ng mga batong unggoy
ang taguan namin, binabato ang takipsilim.
Gumapang ang hunyango sa aming gulugod,
at nagpalit-kulay mulang araw tungong gabi:
Lungti paginto, ginto paitim. Naghintay
kami hanggang hipuin ng buwan ang metal,
hanggang sa tila may kung anong nabakli
sa aming kalooban. Nakihamok ang VC
doon sa dalisdis, gaya ng itim na sutlang
nakikipagbuno sa bakal doon sa damuhan.
Wala kami roon. Umagos baga ang ilog
sa aming mga buto. Nagkubli ang mumunting
hayop sa aming katawan: pinigil namin
ang paghinga, handang lumundag sa pa-L
na pagtambang, habang umiinog ang mundo
sa ilalim ng bawat talukap ng tao.
Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through translation. Photo by K. Mitch Hodge @ unsplash.com
Salin ng tula ni Yosef Ibn Sahl ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mga Pulgas
Mga pulgas ay kabayong laksa-laksa kung lumusob—
Mga ibong dumadagit nang balát ko ay lapain;
Tila kambing kung lumundag at sumirit sa bukirin
At sa gabi’y malulupit at ni ayaw magpatulog.
Maliit man o malaki’y ni hindi ko mautakan,
At lipulin yaong peste’y ano’t lalong lumalakas—
Matatapang na sundalong sa digmaan sumasabak,
Umaalab nang mabilis kung ang tropa’y malagasan.
At bagaman tamad sila pag umaga’y hinding-hindi
Tuwing gabi’t magnanakaw kung umasta’t handang-handa;
Malimit kong kasuklaman ang kanilang ginagawa. . .
Napapagod sa pagtiris ang kamay ko at daliri.
Namumulá ang balát ko at dumami yaong galis
Ngunit hindi na mapigil ang pagsipsip na kaykati;
O Diyos ko, pawiin mo ang hirap kong tumitindi:
Pumapayat ang lawas ko’t tuwang-tuwa silang lintik!
William Blake. The Ghost of a Flea. Height: 21.5 cm (8.4″); Width: 16 cm (6.2″). Tempera on panel. 1819-1820
Salin ng “El momento más grave de la vida,” ni César Vallejo ng Peru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang pinakamatinding sandali sa búhay
Winika ng lalaki:
“Naganap ang pinakamatinding sandali sa aking búhay sa digmaan sa Marne, nang masugatan nila ako sa dibdib.”
Ani isa pang lalaki:
“Naganap naman ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang dumaluyong sa Yokohama sanhi ng lindol, at mahimalang nakaligtas ako, at sumukob pagkaraan sa tindahan ng barnis.”
Sabat ng isa pang lalaki:
“Tuwing naiidlip ako kapag maaliwalas ang araw ang pinakamatinding sandali sa aking búhay.”
At ani isa pang lalaki:
“Nangyari ang pinakamatinding sandali sa aking búhay nang madama noon ang labis na kalungkutan.”
At singit ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali sa búhay ko ang pagkakabilanggo sa kulungan sa Peru!”
At sabi ng isa pang lalaki:
“Pinakamatinding sandali naman sa búhay ko nang gulatin ang aking ama sa pamamagitan ng retrato.”
At winika ng hulíng lalaki:
“Ang pinakamatinding sandali sa aking búhay ay paparating pa lámang.”