Ikalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang pagpások sa gúbat ay pag-ágaw ng kapángyaríhan. Ngúnit ang kapángyaríhan ay matátamó lámang sa pamámagítan ng taínga imbés na kamáy o bibíg o sandáta, at itó ang dápat mong tuklasín. Ang taínga ang makápag-úurì ng tínig, halímbawà, sa mónofoníya ng nanunúgis na ríple, o kayâ’y pólifoníya ng mga ilahás na sitsít at sigáw na nagpúpulásan hábang naghíhingaló ang tinudlâng usá. Nakápagsásalitâ ng líbong wikà ang kiyáw sapagkát marúnong makiníg sa palígid at mabilís makátandâ ng katagâ. Nakáaáwit ng oyayì ang gádangkál na kulasisì sapagkát nakatútunóg kung bákit hindî makábuntís ang harì. “Ang hángi’y tumitilîng pápalayô./ Ang sangáng nalagása’y warìng dî na nakáyukô.” Pámbihiràng buntót ng Únang Sigwá, ngúnit hindî áangkinín ni Rogelio G. Mangahas bagkús iháhandóg sa mga démostradór na nangahás lában sa díktadúra at tiwalîng sístema. Sa túlong ng taínga, naibábalangkás ang pólifoníkong téstura ng mga tínig mulâ man sa diyaléktikong hímig ng lungsód at náyon, o kayâ’y sa salpúkan ng mga páhiwátig búhat sa mga épiko at nóbela, na tumátagós mulâng materyál hanggáng éspiritwál na antás. Ibinúbunyág ng taínga kung paáno napag-úugnáy ang taúhan at ang tínig at ang hímig; kung hanggáng saán ang répreséntasyón ng mga bágay o kailán angkóp ang rítmikong repetisyón ng pag-íral; at kung paánong nagíng mátagumpáy ang malikhâing pagsísinúngalíng o bentrílokwóng paghúhuwád na kapaní-paniwalà o makátotohánan, gayóng kagilá-gilalás, sa loób ng guníguníng daigdíg. Makapánggagáya ng mga tunóg ang isáng uwák, ngúnit mabúbunyág ang panghúhuwád nitó dáhil “May pakpák ang balità, may taínga ang lupà.” Sapagkát ang túnay na nakíkiníg ay bukás ang pusò at bukás ang ísip, hindî lámang áktibong tagaságap bagkús maliksíng tagápukól, gáya sa mga tínig ng “Mga Duguang Plakard,” at kung gayón, nagíging matalísik ang kamalayán at malálim ang pagninílay sa anumáng agawán ng kapángyaríhan pagsápit sa mga salitâ, ibulálas man itó ng prínsipeng mukhâng gáling sa Ímperyong Ottoman ngúnit hindî maikákailâ na lakí sa Katagalúgan.

Alimbúkad: Epic rage poetry storming the gates of dictatorship and betrayal. Photo by Lan Yao on Pexels.com

“Ang Panginoon ang aking Pastol,” ni T.S. Farisani

Salin ng mga tulang “The Lord is my Shepherd” ni T.S. Farisani (Tshenuwani Simon Farisani) ng Timog Africa.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 sa Pietermaritzburg at Howick
Marso 13–Hunyo 4, 1977

Ang Panginoon ang aking pastol
Hindi ako malulupig.
Inihihimlay niya ako sa lupain ng kalayaan,
Umiinom ako sa baso ng kasarinlan.
Kahit na maglandas ako sa lambak ng tortyur,
Hindi ako matatakot sa mga hayop na tao,
Ipaglalaban niya ang aking pakikibaka.
Ang kaniyang mga anghel at bisyon
Ay patnubay ko sa mga brutal na interogasyon.
Binibigyan niya ako ng buhay mula sa palad ng pumapatay,
At binibigyan ng korona ng tagumpay na kaniya.
Mamumuhay ako sa piling ng mga santo sa bahay ng ama ko,
At walang hanggang di maaabot ng mga hayop na tao!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 Ikalawang Pagkakakulong
Oktubre 21, 1977 hanggang Enero 21, 1978

Ang Panginoon ang aking Diyos,
Hindi ako magsisilbi sa mga idolo.
Itinataguyod niya ako sa lupain ng pandarahas,
Pinatatatag  ang kaluluwa ko sa pag-inom ng tubig sa kubeta.
Kapag ako’y inilipat mulang Sibasa hanggang Louis Trichardt,
Hindi ako matatakot sa mga tagapagbantay,
Sa Bilangguan ng Pietersburg ay babaliin niya ang pangil ng leon.
Ang Kaniyang salita at ang Kaniyang espiritu
Ay pag-aalabin ako kapag dumaranas ng panlulumo.
Binibigyan niya ako ng pag-asa mula sa kaharian ng pagsuko,
At binubughan ng búhay sa lupain ng kamatayan.
Napananatili ang aking kaluluwa para sa malayang Timog Africa,
Habambuhay na malaya mula sa epidemyang lahi!

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa kaibuturan ng impiyerno
Nobyembre 18, 1981 hanggang Hunyo 1, 1982

Ang Panginoon ang aking gobyerno,
Hindi ako magpupugay sa apartheid.
Sasagipin niya ang aking kaluluwa mula sa Masisi,
At gaya ni Lazaro, ako ay babangon sa libingan.
Kapag binugbog at iniwang hubad,
Hindi ako mangangatal sa mga sugat.
Kapag winakasan ng tao ang kapalaran ko sa likod ng kurtina,
Sa tinta ng dugo ng kaniyang anak na nasa kaniyang palad,
Binubuksan niya ang bagong pahina ng aking buhay.
Ilalapít niya ako sa aking mga kaibigan mula sa malayo at malapit,
At sa mga liham ng mabubuting Samaritano doon at saanman.
Lalakad akong matikas at malaya,
Walang hangga sa ngalan ni Hesus.

* * *

Ang Panginoon ang aking pastol
Salmo 23 mula sa lupain ng manna at pugò
Nobyembre 21, 1986–Enero 30, 1987

Ang Panginoon ang aking abogado,
Hindi ako ang maysala.
Wawasakin niya ang bawat kutsabahan.
Tatanggalin niya ang mga bitag sa aking paanan.
Sinukol at tinugis sa magdamag,
Hindi ako susuko nang hindi lumalaban.
Kapag ang Kapitan na Nangingibabaw sa Batas ay  bantaan
Akong ipinid ang aking bibig ngayon nang ganap,
Malaladlad ang pulang alpombra ng masaganang buhay.
Ilalantad niya ang mga butas sa utos ng pag-aresto,
At ipapapasok ang pagkain at ipapalabas ang mga liham.
Magwagi man sila sa maraming bakbakan ngayon,
Ang pangwakas ay para sa Diyos at sa ating lahat.

Pagpapanumbalik ng Demokrasya sa Pamamaraan ng Demokrasya

[Talumpati sa Ingles ni Pang. Corazón C. Aquino sa Pinagsanib na Sesyon ng Kapulungan ng Estados Unidos, Washington, D.C. Setyembre 18, 1986. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.]

TATLONG TAON NA ang nakararaan, nagdadalamhati akong lumisan sa Amerika upang ilibing ang aking kabiyak, si Ninoy Aquino. Akala ko’y umalis ako doon upang ilibing din nang ganap ang kaniyang di-makaling pangarap na kalayaan ng Filipinas. Ngayon, nagbabalik ako bilang pangulo ng malayang sambayanan.

Sa paglilibing kay Ninoy, dinarakila siya ng buong bansa. Sa magiting at mapagpaubayang pakikibakang magbigay ng karangalan, ang buong bansa ay nakabangon nang mag-isa. Ang bansang nawalan ng pananalig sa kinabukasan ay natagpuan yaon sa marahas at lantarang pagpaslang. Kaya sa pagbibigay ay nakatatanggap tayo; sa pagkawala ay nakatatagpo tayo; at mula sa pagkabigo ay nahablot natin ang tagumpay.

Para sa bansa, si Ninoy ang kaaya-ayang sakripisyo na tumugon sa mga panalangin nito hinggil sa kalayaan. Para sa akin at sa aking mga anak, si Ninoy ang mapagmahal na esposo at ama. Ang kaniyang pagkawala, nang tatlong ulit sa aming buhay, ay palaging malalim at makirot.

Ikalabing-apat na apat na taon ngayong buwan ang unang pagkakataon na nawala siya sa amin. Ang pangulong naghunos diktador, at nagtaksil sa kaniyang sinumpaang tungkulin, ay sinuspinde ang Saligang Batas at isinara ang Konggreso na parang gaya nito na isang karangalan ang magsalita. Ibinilanggo niya ang aking asawa kapiling ang ilang libo pang tao—mga senador, pabliser, at sinumang nagsalita para sa demokrasya—habang papalapit na ang wakas ng kaniyang pamamahala. Ngunit nakalaan para kay Ninoy ang mahaba at malupit na pagsubok. Batid ng diktador na si Ninoy ay hindi lamang katawan na makukulong bagkus diwaing dapat wasakin. Dahil kahit gibain nang isa-isa ng diktadura ang mga institusyon ng demokrasya—gaya ng press, Konggreso, independensiya ng hukuman, ang proteksiyon ng Talaan ng Karapatan—pinanatiling buháy ni Ninoy ang alab ng diwain nito.

Sinikap ng gobyerno na durugin si Ninoy sa pamamagitan ng panghihiya at paninindak. Ibinilibid siya sa maliit, halos walang hanging selda sa kampo militar sa hilaga. Hinubdan siya at binantaang ipabibitay pagsapit ng kalagitnaan ng gabi.  Pinanindigan lahat iyon ni Ninoy. At gayon din halos ang ginawa ko. Inilihim sa akin ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng apatnapu’t tatlong araw. Ito ang unang pagkakataon na nadama ko at ng aking mga anak na naglaho na siya.

Nang hindi nagtagumpay ang gayong paraan, nilitis siya sa salang subersiyon, pagpatay, at iba pang krimen sa harap ng komisyong militar. Hinamon ni Ninoy ang awtoridad nito at siya’y nag-ayuno. Kung makaliligtas siya doon, pakiwari niya, ang Diyos ay may nakalaang ibang tadhana sa kaniya. Muling nawala si Ninoy sa amin. Dahil walang makapipigil sa kaniyang sigasig na mag-ayuno hanggang wakas, huminto lamang siya nang mabatid na pananatilihin ng gobyerno ang kaniyang katawan makalipas na sirain ng pag-aayuno ang utak. Lupaypay ang katawan na halos walang búhay, winakasan ni Ninoy ang kaniyang pag-aayuno sa ikaapatnapung araw. May inilaan ang Diyos sa kaniya na ibang bagay, ramdam ni Ninoy. Hindi niya alam na ang maagang kamatayan ay siya ring magiging tadhana niya, dangan lamang at hindi pa panahon.

Sa alinmang sandali ng kaniyang mahabang pagsubok, maaari na sanang makipagkasundo si Ninoy sa diktadura, gaya ng ginawa ng marami niyang kababayan. Ngunit ang diwa ng demokrasya na nananalaytay sa aming lahi at nagpapasigla ng kamarang ito ay hindi mahahayaang maupos. Pinanindigan niya, sa kabila ng galimgím ng kaniyang selda at kabiguan ng destiyero, ang demokratikong alternatibo sa hindi mapigil na kasakiman at salát-sa-katwirang kalupitan ng kanan at sa mala-holokawstong pagpupurga ng kaliwa.

Pagkaraan, naglaho siya sa amin nang ganap at higit na masakit kaysa noon. Sumapit sa amin sa Boston ang balita. Iyon ay pagkaraan ng tatlong masasayang taon ng aming pagsasama. Ngunit ang kaniyang kamatayan ay resureksiyon ng tapang at pananampalatayang magpapalaya sa aming bayan. Itinuring na walang kuwenta ng diktador si Ninoy. Dalawang milyong tao ang bumasag ng kanilang pananahimik at nagmartsa tungo sa libingan niya. At doon nagsimula ang rebolusyon na naghatid sa akin sa pinakatanyag na tahanan ng demokrasya, ang Konggreso ng Estados Unidos.

Nakasalalay sa aking mga balikat ngayon ang tungkuling ipagpatuloy ang paghahain ng demokratikong alternatibo sa aming sambayanan.

Winika ni Archibald Macleish na dapat ipagtanggol ang demokrasya sa pamamagitan ng sandata kapag tinapatan ng sandata, at sa pamamagitan ng katotohanan kapag  tinapatan ng kasinungalingan. Nabigo niyang banggitin kung paano iyon ipapanalo.

Naniniwala ako sa ipinaglalaban ni Ninoy na dapat ipanalo iyon sa mga pamamaraan ng demokrasya. Naghintay akong makalahok noong halalan 1984 na inihayag ng diktadura, kahit alam kong dadayain iyon. Nagbabala sa akin ang mga abogado ng oposisyon sa panganib na maging lehitimo ang resulta ng halalang malinaw na dadayain. Ngunit hindi ako nakikipaglaban para sa mga abogado bagkus para sa mga mamamayang ang talino’y pinanaligan ko. Sa pagsasagawa ng demokrasya kahit nasa ilalim ng diktadura’y maihahanda sila sa demokrasya kapag sumapit ito. Ito rin ang tanging paraan na alam kong masusukat namin ang kapangyarihan kahit sa mga bagay na idinidikta ng diktadura.

Itinaguyod ako ng mga tao sa halalang hitik sa karahasan at pandaraya ng gobyerno. Nagwagi ang oposisyon sa mga halalan, lumikom ng malinaw na mayorya ng mga boto, bagaman ang natamo nila—salamat na lamang sa tiwaling Komisyon sa Halalan—ay halos sangkatlo lamang ng mga puwesto sa batasan. Ngayon, alam ko na ang aming kapangyarihan.

Noong nakaraang taon, nanawagan ng biglaang halalan ang diktadura bilang pagpapamalas ng labis na kapaluan. Tumangô ang bayan. Sa bisa ng mahigit isang milyong lagda, iniluklok nila ako na hamunin ang diktadura. At sinunod ko ang mithi nila. Ang sumunod ay kasaysayang nabuksan nang dramatiko sa inyong telebisyon at sa mga pambungad na pahina ng inyong mga pahayagan.

Nakita ninyo ang bansa, na armado ng giting at integridad, na mariing nanindigan sa demokrasya laban sa mga bantâ at korupsiyon. Nasaksihan ninyo ang mga babaeng tagapagbantay ng halalan na nagsitangis nang manloob ang mga armadong maton upang hablutin ang mga balota, ngunit itinali ng mga babae ang kanilang mga kamay sa mga kahon ng balota. Namalas ninyo ang mga tao na nagtaya sa mga pamamaraan ng demokrasya at handa nilang ihandog ang buhay para sa mababa nitong katumbas. Sa pagwawakas ng araw, bago pa sumapit ang bagong agos ng pandaraya na makapagpapabaligtad ng mga resulta, inihayag ko ang tagumpay ng bayan.

Inilarawan ng iginagalang na kawaksing pinuno ng pangkat tagapagsubaybay ng Estados Unidos sa kaniyang ulat sa inyong Pangulo ang nasabing tagumpay:

“Saksi ako sa pambihirang pagpapamalas ng demokrasya sa panig ng sambayanang Filipino. Ang ultimong resulta ay ang pagkakahalal kay Gng. Corazon C. Aquino bilang Pangulo at kay G. Salvador Laurel bilang Ikalawang Pangulo ng Republika ng Filipinas.”

Marami sa inyo na narito ngayon ang gumanap ng papel sa pagpapanibago ng patakaran ng inyong bansa hinggil sa aming bansa. Kami, ang mga Filipino, ay nagpapasalamat sa inyo sa ginawa ninyo: na sa pagtitimbang ng estratehikong interes ng Amerika laban sa mga usaping pantao ay maliliwanagan ang Amerikanong bisyon sa daigdig.

Nang ihayag ng sunod-sunurang batasan ang tagumpay ng aking kalaban, nagsilabasan sa mga kalye ang mga tao at inihayag na ako ang Pangulo nila. At tapat sa kanilang winika, nang ang iilang pinuno ng militar ay naghayag ng pagsalungat sa diktadura, ang mga tao’y nagbayanihan upang pangalagaan sila. Totoong kinakalinga ng mga tao ang kaisa nila. Sa gayong pananalig at pananagutang taglay nito nanungkulan ako bilang pangulo.

Isinantabi ng nauna sa akin ang demokrasya upang iligtas umano ito sa komunistang pag-aaklas na hindi lalabis sa 500 tao. Masigasig niyang nilabag ang mga karapatang pantao at ni hindi inalintana ang paggalang dito. Nang tumakas ang diktador palayo, ang armadong pakikibaka ay lumago sa 16,000. Wari ko’y may leksiyon dito na dapat matutuhan hinggil sa pagsisikap na supilin ang isang bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraang magpapalago rito.

Walang tao sa aking palagay, sa loob man o labas ng bansa, na may malasakit sa demokratiko at bukás na Filipinas, ang magdududa sa mga dapat isagawa. Sa pamamagitan ng mga pagkukusang pampolitika at lokal na programang pagtanggap ng mga tao mula sa armadong pakikibaka, kailangan nating pababain ang mga maghihimagsik pababa sa mga buról at, sa bisa ng pangkabuhayang progreso at katarungan, ay maipakita sa kanila ang lantay na layuning ipinaglalaban nila.

Bilang Pangulo, hindi ako magtataksil sa simulain ng kapayapaang nagluklok sa akin sa kapangyarihan. Gayundin, at walang sinumang kapanalig ng demokrasyang Filipino ang mapasusubalian ito, hindi ko palalampasin at pababayaan ang pamunuan ng maghihimagsik na talikdan ang aming handog na kapayapaan at paslangin ang aming kabataang kawal, at magbanta sa aming bagong kalayaan.

Kailangan ko pa ring maghanap ng landas ng kapayapaan sa sukdulang paraan dahil ang wakas nito, anuman ang kabiguang masalubong, ang magiging batayang moral para sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagsusulong ng digmaan. At kung sumapit sa gayong yugto, hindi ako matatakot sa landas na iginiit ng inyong dakilang tagapagpalaya: “Walang malisya sa sinuman, may pagkalinga para sa lahat, at may katatagan sa mga karapatan, gaya ng mga ibinigay na karapatan ng Maykapal, tapusin natin ang trabahong nasa atin, bendahan ang mga sugat ng bansa, kalingain ang sinumang sumabak sa digmaan, at para sa kaniyang balo at mga ulila, ay gawin ang lahat ng matatamo at pahalagahan ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa atin at sa lahat ng bansa.”

Gaya ni Lincoln, nauunawaan kong kinakailangan ang puwersa bago ang kapatawaran. Gaya ni Lincoln, hindi ko iyon gusto. Gayunman ay gagawin ko ang dapat gawin upang ipagtanggol ang integridad at kalayaan ng aking bansa.

At pangwakas, hayaang dumako ako sa iba pang kaalipnan: ang aming $26 bilyong utang panlabas. Sinabi ko noon na kikilalanin namin ito. Ngunit ang mga pamamaraan ba para magawa iyon ay ipagkakait sa amin? Maraming kondisyon na ipinataw sa nakaraang gobyerno na nagnakaw ng inutang ang patuloy na ipinapataw sa aming hindi nakinabang dito. At walang tulong o liberalidad na katumbas ng kalamidad na ibinigay sa amin ang pinalawig. Gayunman, ang amin ang pinakamatipid na rebolusyon marahil.  Kaming mga Filipino, na kakaunti ang tulong na nasagap sa ibang bansa, ang tumupad ng una at pinakamahirap na kondisyon  sa negosasyon ng utang: ang pagpapanumbalik ng demokrasya at responsableng gobyerno. Sa ibang pook, at sa ibang panahon na higit na mahigpit ang mga pandaigdigang ekonomikong kondisyon, ang mga planong Marshall at kauri nito ang naisip na mahalagang kasama sa pagpapanumbalik ng demokrasya.

Nang makaharap ko si Pang. Reagan kahapon, nagsimula kami ng mahalagang diyalogo hinggil sa kooperasyon at pagpapalakas ng pagkakaibigan sa panig ng dalawang bansa. Ang naturang pulong ang kapuwa kumpirmasyon at bagong simula, at dapat mauwi sa mga positibong resulta sa lahat ng panig ng pangkalahatang usapin.

Hinaharap namin ngayon ang mithi ng sambayanang dumanas ng labis na kahirapan at matinding kawalan ng trabaho sa loob ng labing-apat na taon, ngunit inialay pa rin ang kani-kanilang buhay para sa malabong demokrasya. Tuwing nangangampanya ako sa mga pook maralita o liblib na nayon, lumalapit ang mga tao sa akin at sumisigaw ng demokrasya. Hindi trabaho, bagaman tiyak na nais nila iyon, bagkus demokrasya. Hindi salapi, dahil ibinigay nila sa akin ang anumang munti nilang naipon para sa kampanya. Hindi nila ako inasahang magbibigay ng himala na magpapalitaw ng pagkain, damit, edukasyon sa kanilang mga anak, at trabahong maglalaan ng dignidad sa kanilang buhay. Subalit nararamdaman ko ang pananagutang kumilos nang mabilis bilang pinuno ng mga tao na karapat-dapat matamo ang mga bagay na ito.

Hinaharap namin ang armadong pakikibaka ng komunista na lumulusog sa pagguho ng kabuhayan, kahit nakikibahagi kami sa mga tanggulan ng malalayang daigdig sa Pasipiko. Ito ang tanging dalawang pasaning dinadala ng aking mga kababayan habang sinisikap nilang magtatag ng karapat-dapat at matibay na tahanan para sa kanilang bagong demokrasya, na makapagsisilbi ring tanggulan para sa kalayaan ng Asya. Gayunman, hindi pa natatapos maglatag ng bato ay dalawa naman ang tinatangay palayo. Kalahati ng aming kita sa pagluluwas, na tinatayang $2 sa $4 bilyong dolyar, ang tanging naiipon namin sa labis na mahigpit na merkado ng daigdig, at ibinabalik pa upang bayaran ang interes ng utang na ang benepisyo ay hindi natatanggap ng mga tao.

Lumaban kami nang matamo ang dangal, at kahit man lang sa dangal, handa kaming magbayad. Ngunit dapat pa ba nating pigain ang pambayad mula sa pawis sa mukha ng aming kababayan at ilubog ang lahat ng kayamanang natipon ng tagapanagot na dalawang daan at limampung taon kumayod nang dibdiban?

Sa lahat ng Amerikano, bilang pinuno ng marangal at malayang bansa, ipinupukol ko ang tanong na ito: Mayroon bang hihigit sa pagsubok ng pambansang pagtataya sa mga mithi na inyong pinahahalagahan kaysa sa dinanas ng aking mga kababayan? Gumugol kayo ng maraming buhay at maraming yaman upang maghatid ng kalayaan sa maraming lupain na pawang bantulot tanggapin yaon. At dito ay may sambayanang nagwagi nang mag-isa at kailangan lamang ang tulong upang mapanatili ang natamo.

Tatlong taon na ang nakalilipas ay sinabi kong Salamat, Amerika, para sa kanlungan ng inaapi, at sa tahanang ibinigay mo kay Ninoy, sa akin at sa aking mga anak, at para sa tatlong masayang taon naming pinagsamahan. Ngayon, sinasabi kong, samahan ninyo kami, Amerika, habang itinitindig namin ang bagong tahanan para sa demokrasya, ang bagong kanlungan para sa inaapi, upang makatindig ito bilang kumikinang na testamento ng ating dalawang bansang nagtataya sa kalayaan.

Si Ferdinand E. Marcos at ang Panitikang Filipinas

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

Mananatili ang bangungot sa Filipinas hangga’t hindi naisusulat nang ganap ang panahon ng diktadura ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Si Marcos ang ultimong politiko na bihasa sa paghawak ng kapangyarihan, ang kapangyarihang tatagos sa negosyo, militar, simbahan, edukasyon, mass media, barangay, sining, isports, turismo, ugnayang panlabas, timpalak pangkagandahan, imperyalismong US, rebolusyon, at ang pinakasukdulan ay ang Aklasang Bayan sa EDSA. Ngunit hindi basta diktador si Marcos. Isa siyang intelektuwal na diktador, de-kalibre at pandaigdigang uri, na kaiinggitan nina Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo.  Maalam sa mga batas mulang pamahalaang lokal hanggang United Nations si Marcos, at magiging alamat ang kaniyang husay bilang abogado, mambabatas, at kung minsan, hukom, sa kinabukasan ng kaniyang mga alagad at kalaban. Upang mapanatili ang kapangyarihan, ipakikilala ni Marcos sa buong sambayanan ang Batas Militar.

Pangunahing tesis ng pagtataguyod ng Batas Militar ang pagsugpo sa armadong pag-aaklas mulang dulong kaliwa hanggang dulong kanang puwersa; ang pagsupil sa mga armadong Morong ibig magtaguyod ng bukod na nasyon; ang pagkontrol sa mga pribadong hukbo, oligarkikong ekonomiya, at sindikatong kriminal. At higit sa lahat, ang paglutas sa piyudal na ekonomikong sistema. Hindi ko nakita ang ganitong kasinop na malikhaing pakana sa kasalukuyang administrasyon, na handang lumagda sa tratado na parang ang “tratado” ay isang banyagang lahok sa diksiyonaryo; na handang mag-alaga ng mga niresiklong politiko o negosyanteng animo’y galing sa kung saang pasugalan; na handang makipagsayaw sa simbahan na para bang umiiral pa ang panahong piyudal.

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Maghahain si Marcos ng bagong pilosopiya at ideolohiya, at itatatag ang “Bagong Lipunan.” Ngunit gaya ng dapat asahan, magbabago lamang ang mga pangalan ng maykapangyarihan, at ang “bago” ay mananatili hanggang ngalan lamang. Kakainin si Marcos ng sarili niyang mga tuta, mga tuta na higit na mabalasik sa bulldog at handang lamunin ang kaniyang anino, kayamanan, at alaala. Isusumpa si Marcos hanggang langit, patatalsikin ng libo-libong Filipino na sawa na sa dahas at korupsiyon, itatakas nang palihim ng kasapakat ngunit taksil na hukbong Amerikano tungong Hawai’i, lilitisin sa hukuman ng Amerikang nais sakupin ang hurisdiksiyon ng Filipinas, mamamatay nang malayo sa Tinubuang Bayan, at maglalaho nang tahimik sa gunita ng kaniyang mga loyalista. Subalit ang kataka-taka’y hindi pa nalilitis nang lubos ang pamanang iniwan niya sa sambayanan magpahangga ngayon.

Si Imelda na kabiyak ni Marcos ang magpapagunita sa atin ng nakaraan. Ididikdik niya sa ating utak ang ringal sa gitna ng kagutuman, ang halimuyak sa gitna ng mga langaw at alingasaw ng kamatayan, ang halina sa gitna ng panggigipit at di-maipaliwanag na balasik ng militar. Ipagugunita ni Imelda ang pangingibang-bayan ng mga Filipino para magtrabaho. Ibabalik niya sa atin ang mga impraestruktura mulang ospital hanggang plantang nuklear, ang patakarang kolonyal sa bisa ng pakikipag-alyadong militar sa Amerika, at ang pagbabantay ng mga isla laban sa mga kapit-bansa sa atas ng kalayaan o kasarinlan. Libakin siya, at kabitan ng mga pangalan, gaya ng “Imeldipiko” o “Imeldious,” ngunit isang ngiti lamang niya ay sapat na upang maging sampal sa nanlilibak. Hihiyain tayo ni Imelda dahil sa ating uri ng katarungang usad-pagong, sa ating uri ng makitid, panlabas na kasaysayan, sa ating ekonomiyang walang malinaw na bisyon, at sa ating uri ng panitikang-bayang hindi makaigpaw sa pagsipi sa mga pahayagan.

Marahil kailangan nating lumikha ng higit na makabuluhang panitikan. Ang panitikang makaiiral nang bukod sa kasaysayan, at mababaligtad ang mga bayani at ang mga salarin, at mapaghuhunos ang bayang nanggigitata sa hirap at pandurusta. Na masasabing ambisyosong proyekto. Naisip ko lamang ito habang tumotoma at kapiling si Teo, at kapuwa namin nadama ang paghahanap ng mga istoryador at panitikero, na handang magsulat sa Filipino para sa mga Filipino, may bagyo ma’t may rilim sa ating mga puso’t paningin.