Dalawang hiwaga, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Paisaje” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin

Tuwing gabi
ang parehong punò
ay naghihintay sa landas
ng parehong kawan ng mga pipit.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Patrick Hendry @ unsplash.com

Salin ng “Tuwin Malen,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tuwin Malen*

Bumaba ako mula sa madaling-araw,
ako ang instinto at deliryo,
ang silakbo ng mga panaginip
na naglaho sa pagkabagay,
ang nahihimbing na katahimikan
sa dagat ng pagsisimula,
ang liwanag ng gabing
lumulunod sa iyong dugo.

Halika, tawirin
ang mga siglo ng liwanag,
ilapit sa akin ang tamis ng iyong dila,
ang mga talutot at apoy na sumisiklab,
ang mga mariposang tumatakas sa ulop
at alingawngaw,
ang karimlan ng kagubatang
naghihintay sa nagbubunyag na talà.

Lumapit
ngunit huwag maging lapastangan
umiwas kahit bumulong
mahihipo mo ang kailaliman sa loob ko,
at naroon sa pusod ang mga pangamba ko.
Bawat panganorin ay nagtataglay ng liwayway.
Bawat hiwaga ay mga ugat ng pinagmulan.

Ako ang hangin at bato
ang malamig, puting álong umaagnas sa katiyakan,
ang halimuyak ng pulut at mansanas,
ang namumukadkad at malusog na langit ng buwan
at ang kalat-kalat na mga bituin
sa lupain ng mga pangarap.

Halika, masdan ang karimlan
sa aking mga mata
at marahang lagukin
ang hiwaga sa aking buhok,
ang hubad na dunong ng aking labì,
titigan ang hubog ng aking katawan
ngunit huwag hawiin ang lambong
ng aking pag-iisa nang walang alaala.

________
*Ayon sa katutubong Mapuche ng Chile, ang Tuwin Malen ay maalamat na diwata na naninirahan sa mga lawa at nang-aakit sa mga lalaki na pagkaraan ay tatangayin nang bigla upang mamuhay sa nasasakupan nito.

Alimbúkad: Imagining poetry across borders. Photo by Roberto Nickson @ unsplash.com

Renobasyon, ni Edwin Thumboo

Salin ng “Renovation,” ni Edwin Thumboo ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Renobasyon

Ibig kong damhin ang dalisay na hanging
pinakislap ng mga aninong nagsasalaysay
sa piling ng mga aguhong kumunat sa asin.

Ibig kong makita ang kalawanging banug
na matatag, marikit, nakamamatay
at binubuksan ang walang-malay na langit.

Ibig kong marinig ang nagsasangang dila
mula sa lumalargang ikid ng katawang
hanap ang malilibog na kuliglig sa luad.

Ibig kong hipuin ang bughaw na ulop
na nagpapadilim sa Karimon, at abutin
ang kalág na tagaytay na tila mahiwaga.

Ibig kong lasahan ang askad ng patani
mula sa bumaluktot na balát ng buto
upang itago ang nayon sa aking bibig.

Ibig ko ang ganitong limang pagsisimula.

Tula ng Pag-ibig 8, ni Darío Jaramillo Agudelo

salin ng “Poema de amor 8,” ni  Darío Jaramillo Agudelo  mula sa Republic of Colombia.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Tula ng Pag-ibig 8

Ang dila, ang dila mong matalino na umimbento ng aking balát,
ang dila mong apoy na nagpaliyab sa akin,
ang dila mong lumikha ng kagyat na pagkabaliw, ng deliryo
ng katawang umiibig,
ang dila mo, sagradong latigo, matamis na bága,
panambitan ng apoy para mawala ako sa sarili, at magbanyuhay,
ang dila mong malaswa ang lamán,
ang dila mong sumusukò at naghahangad ng lahat ng sa akin,
ang dila mong akin lamang,
ang marikit mong dila na kumokoryente ng aking labì, at humuhubog
sa iyong katawan para dumalisay,
ang dila mong naglalagalag at tumutuklas sa akin,
ang napakaganda mong dila na nagwiwika kung paano ako iibigin.

2K Mall

Salamangka ng dila, pasukin ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa, at ang kaliwa ay mananatiling kaliwa. Ilabas ang mga salita mula sa bulsa, pagtagni-tagniin, ilatag sa sahig, at hayaang ang tanikala ng mga pakahulugan ay kusang magpundar ng mga batas at pamantayan. Masdan ang bahaghari ng mga damit, ulam, at laruan. Maglaro sa katauhan at ikubli ang hulagway sa kurtina ng mga anino. Lumakad upang tumuklas; lumakad upang maligaw. Tagpuan ng inaapi, ito rin ang tambayan ng tarantado’t sungyaw. Anuman ang piliin, lumakad kahit nakapikit at lumayo sa ekosistema ng panaginip. Banatin ang mga buto at litid habang umaandar ang elektronikong salawal, umulinig sa mga tinig na nasa eskaparate at tindahan, tumugon sa mga tanong, umiling o tumango ayon sa itinitibok ng layaw o libog, humandang matalisod at madapa, at kung sakali’t mapangudngod ay ingatan ang dila. Sapagkat ang dila ang magliligtas sa iyo, at magsasabi: Ako ang Simula at Ako ang Wakas! Ikaw na nagtataglay ng katotohanan ay malayang maghain ng kasinungalingan, gaya ng itinatadhana ng demokrasya at posmodernong sining, upang kahit paano, kahit sandali, ay maunawaan ko mula sa magagarang pasilyo at pader, ang diskurso ng tuwid, dalisay, at apoy.

“2K Mall,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 13 Pebrero 2012.

Dila

DILA

Ituturing kang pitho na makasisilip sa pinto ng sasapit na kabutihan o kapahamakan sa buong daigdig. Lalabas ka sa iyong yungib para tikman ang simoy, at lasahan ang pagkain, patalim,  o lason sa atas ng kaluguran o kalooban. Magluluwal ka ng mga salita, mga salitang gagapang, lalangoy, lalakad, lilipad upang maghasik ng salot, digma, hirap, gutom nang maitampok ang nanlilimahid na pag-asa. Alam mo ang wika ng Maykapal at ang wika ng Ulupong. Batid mo rin ang wika ng kabiyak, at kung siya’y sisigaw, ihahaka mong isinisigaw niya ang iyong kariktan kung hindi man ang sinaunang kasinungalingan, habang nakakumot kayo ng makapal na ulop at nagtatalik sa kutson ng mga dahon.

Ahas, retrato mula sa pdphoto.org