Ang Láwas ng Ibá, ni Roland Barthes

Hango sa Fragments d’un discours amoureux (1977) ni Roland Barthes
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Láwas ng Ibá

corps / láwas

Anumang diwain, anumang pakiramdam, anumang interes na napukaw sa mapagmahal na simuno ng minahal na lawas.

1. Hatî ang láwas ng iba: sa isang panig, ang angkop  na katawan—balát, mga mata—malambot, mainit; at sa kabilang panig, ang tinig—mabilis, tahimik, at nakapailalim sa pagpapamaktol ng kalayuan, ang tinig na hindi nagbigay ng kung ano. O kung palalawigin: sa isang panig, ang malambot, mainit, magaan, marikit na katawan, at sa kabilang panig, ang umaalunignig, buo, at makamundong tinig—ang malimit na tinig.

2. Minsan ay pumukaw sa akin ang isang diwain: Nahuli ko ang sariling maingat na sinisiyasat ang minahal na katawan (gaya ng tagapagsalaysay na minamasdan ang natutulog na si Albertine). Ang magsiyasat ay nangangahulugang maghanap: Hinahanap ko ang lawas ng iba, na waring nais kong masilayan kung ano ang nasa loob niyon, na tila ang sanhing mekanikal ng aking pagnanasa ay nasa kasalungat na lawas (Ako ay tulad ng mga bata na binabaklas ang orasan upang matuklasan kung anong oras na).  Isinasagawa ang operasyong ito sa anyong malamig at gulantang; Ako ay panatag, alerto, na parang hinaharap ang isang kakatwang kulisap na sa kisapmata’y hindi ko na kinatatakutan. Ilang bahagi ng katawan ay angkop sa ganitong pagmamasid: pilik, kuko, buhok sa anit, ang mga di-ganap na bagay. Malinaw na ako ngayon ay nasa proseso ng pagnanasa sa bangkay. Gaya ng pinatunayan ng katotohanang kung ang lawas na aking sinusuri ay nagkataong lumitaw mula sa kawalang-tinag nito, kung nagsimula iyon sa paggawa ng kung anong bagay, magbabago ang aking pagnanasa; kung halimbawa’y nakita ko ang iba na nag-iisip, nagwawakas ang aking pagnanasa na maging baluktot, magsisimula ulit yaon na maging guniguni, at magbabalik ako sa isang Hulagway, sa isang Kabuuan: muli, ako’y umibig.

(Ako’y nakamasid sa lahat ng bagay sa mukha ng iba, at nakatitig nang malamig sa ibang katawan: mga pilik, kuko sa paa, manipis na kilay, manipis na labi, kislap ng mga mata, nunal, paraan ng paghawak ng sigarilyo; napahanga ako—ang paghanga, na bukod sa lahat, ang tanging sukdulang pagkakahiwalay—sa uri ng kinulayang sineramiko, kristalinang piguriya na kaya kong basahin, nang walang pag-unawa sa anumang bagay hinggil doon, ang sanhi ng aking pagnanasa.)

 

 

 

 

Advertisements

2K Mall

Salamangka ng dila, pasukin ang laberinto ng pahiwatig na ang kanan ay kaliwa, at ang kaliwa ay mananatiling kaliwa. Ilabas ang mga salita mula sa bulsa, pagtagni-tagniin, ilatag sa sahig, at hayaang ang tanikala ng mga pakahulugan ay kusang magpundar ng mga batas at pamantayan. Masdan ang bahaghari ng mga damit, ulam, at laruan. Maglaro sa katauhan at ikubli ang hulagway sa kurtina ng mga anino. Lumakad upang tumuklas; lumakad upang maligaw. Tagpuan ng inaapi, ito rin ang tambayan ng tarantado’t sungyaw. Anuman ang piliin, lumakad kahit nakapikit at lumayo sa ekosistema ng panaginip. Banatin ang mga buto at litid habang umaandar ang elektronikong salawal, umulinig sa mga tinig na nasa eskaparate at tindahan, tumugon sa mga tanong, umiling o tumango ayon sa itinitibok ng layaw o libog, humandang matalisod at madapa, at kung sakali’t mapangudngod ay ingatan ang dila. Sapagkat ang dila ang magliligtas sa iyo, at magsasabi: Ako ang Simula at Ako ang Wakas! Ikaw na nagtataglay ng katotohanan ay malayang maghain ng kasinungalingan, gaya ng itinatadhana ng demokrasya at posmodernong sining, upang kahit paano, kahit sandali, ay maunawaan ko mula sa magagarang pasilyo at pader, ang diskurso ng tuwid, dalisay, at apoy.

“2K Mall,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 13 Pebrero 2012.

Wika ng Kabagsikan

Ngayong sumisiklab ang digmaan sa Gaza, makabubuting pagbulayan ng mga Filipino ang wika ng kabagsikan. Wika ang humuhubog sa kamalayan ng tao, at ang wikang ito ay maaaring magtaglay ng mga ewfemismo, tayutay, at pakahulugang nagkukubli sa tunay na pinsala, paglipol, at pagwasak sa malaking populasyon at pamayanan. Sa panig ng hukbong Israeli, ang ginagawa nila’y “precise, surgical bombing” na para bang tumitistis ng kanser ngunit ang resulta’y pagkawasak ng mga bahayan at pamayanang Palestino at pagkalipol ng daan-daang tao. May balitang ginagamit ng Israel ang “cluster bombs” o “bomblets” na kung pakikinggan ay tila di-nakapipinsala ngunit kabaligtaran ang epekto sa mga Palestino. Mapanganib ang mga cluster bomb dahil bagaman hindi ito nakawawasak ng malalaking gusali, nag-iiwan naman ito ng panganib at pinsala sa malaking populasyon ng tao at hayop dahil ang sinumang makatapak niyon ay tiyak na malalagasan ng paa, ang makapulot ay mapuputulan ng kamay o mababalian ng tadyang. Sa ibang pagkakataon, ang mga batang makatisod niyon ay maaaring mamatay sa matinding pagsabog.

Sa aklat ni Glenn D. Paige na pinamagatang Nonkilling Global Political Science (2002), idinetalye niya ang lumalaganap na kabagsikan sa wikang Ingles. Ang mga salitang karaniwang ginagamit sa isports ay nasasalin sa digmaan, at ang mga terminong pandigma ay inilalangkap sa palakasan. Mulang negosyo hanggang pamamahayag, ang wika ng kabagsikan ay matatagpuan sa Ingles na taliwas na taliwas sa wikang Filipino.

Sumasalamin at nagpapatingkad ng kabagsikan ang wika, habang nag-aambag ng diwa ng pagkalikás at di-maiiwasan. Ang ekonomiyang Amerikano ay batay sa malayang kalakalan ng kapitalismo. Sinasambit ng mga Amerikano ang “making a killing on the stock market” [pagtabo sa merkado ng sapi]. May kasabihan sa Wall Street na, “You buy when there’s blood in the streets” [Bumili ka ng sapi kapag mainit ang merkado]. At nakikipagtagisan ang mga negosyo sa “price wars” [pababaan ng presyo]. Nakabatay ang politikang Amerikano sa malaya, demokratikong halalan. Ang mga tagapagkampanya ay tinatawag na “troops” [tropa] o “foot soldiers” [kawal]. Ang mga panukalang batas ay “pinapatay”[pinawawalang-saysay] sa batasan. At ang bansa ay “naghahasik ng digmaan” laban sa kahirapan, krimen, droga, at iba pang problema. Pambansang isports ng Amerika ang beysbol. Kapag nayamot, ang mga galít na tagahanga ay nakagawiang sumigaw na, “Kill the umpire!” [Patayin ang reperi!]. Ang mga komentarista ay tinatawag ang mga tigasing koponan sa futbol na “killers” [mamamatay-tao]. Ang mga manlalaro ay tinatawag na “weapons” [armas]. Tinaguriang “long bombs” [pangmalayuang bomba] ang humahaginit na pasa. At ang mga natalong koponan ay tinatawag na walang “killer instinct” [pamatáy na bigwas]. Ipinagmamalaki ang kalayaan sa relihiyon, habang sinasamba ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang mga Amerikano ay umaawit ng “Onward, Christian Soldiers” [Sulong, Mga Kawal na Kristiyano!] at nagbubulay sa diwa ng mga Kristiyanong Krusada at Repormasyong ang koro ay umakyat sa “hagdan ni Jacob” bilang mga kawal ng Krus.” Habang lumilipas ang panahon, ang mga libreng oras ay tinataguriang “killing time” [paglustay o pagpatay sa oras].

Bagaman nagiging maláy sa masamang epekto ng wikang mapang-aglahi at makalalaki, ang mga Amerikano ay patuloy na nagsasalita sa wika ng kabagsikan nang walang pakundangan. Ang lingguwistikong “armory” [imbakan] ng Amerikanong Ingles ay nagtataglay ng mga salitang nagpapahiwatig ng mga sandata na batid ng kasaysayan, ng mga paraan kung paano gamitin iyon, at ang mga bunga nito. Ang pagtataksil ay
”a stab in the back” [pagsakyod sa likod]; ang mga badyet ay “axed” [pinalakol; tinanggal]; ang pagtatangka ay “take a shot at it” [sumubok tumira]; ang mga diwain ay “torpedoed” [tinorpedo; winasak]; ang “oposisyon” ay tinaguriang “flak” [sandatang panlaban sa sasakyang panghimpapawid]; at ang mga bunga ng pagkilos ay tinawag na “fall-out” [radyoaktibong partikulo na mula sa bombang nuklear]. Ang mga abogado ay tinatawag na “hired guns” [asesino]. At ang magandang bituin sa pelikula ay tinaguriang “blonde bombshell” [bomba; nakagugulantang].

Samantala, ang mga bulaklak ng dila ay ikinukubli ang tunay na pagpatay. “Little Boy” ang kauna-unahang bomba atomika na inihulog ng eroplanong B–29 sa Hiroshima. Ang taguri sa eroplano ay “Enola Gay” na hango sa pangalan ng ina ng piloto. Ang bombang plutonium na “Fat Man” ay ibinagsak ng “Bock’s car” sa Nagasaki. Ang mga interkontinental na nuklear na misil na kayang lumipol ng mga populasyon sa kalungsuran ay tinawag na “Peacemakers” [Tagapamayapa]. Binaligtad ang wika ng digmaan na inilalapat sa isports, ang mga pagsasanay-militar para sa paghahandang pumatay ay tinawag na “games” [mga laro]. Ang pagpatay sa mga sibilyan o sa ating tropa habang nakikidigma ay tinatawag na “collateral damage” [pinsalang di-sinasadya]. Gaya ng ipinahayag ni dating Pangulong Ronald Reagan, “Ang Amerika ang pinakamalayong maging mapandigma, ang pinakamapayapang bansa sa modernong kasaysayan” [PBS: 1993].

Sinipi ko ito dahil ang wika ng kabagsikan ay muling nauulit mulang Wall Street hanggang Gaza. Hindi na dapat pang pag-usapan ang una, ngunit ang ikalawa ay dapat pansinin. Ipinahahayag ng Israel na “wala itong hangad na saktan ang mga Palestino, bagkus tanging Hamas lamang” subalit binobomba nito nang labis-labis ang Gaza. Biniyak nito sa dalawang panig ang Gaza, at pinasalakay ang libo-libong sundalong Israeli na tumutugis sa Hamas samantalang kinukubkob ang buong Gaza na tila dambuhalang bilangguan ng mga hayop. Kung ang pagsalakay ng Israel ay hindi henosidyo at holocaust, maaaring tawagin ito ng mga propagandista na pagsupil sa kasamaan at terorismo, na parang ang mga Palestino lamang ang may karapatang magtaglay.

May alternatibo sa wika ng kabagsikan, ani Paige, at ito ang dapat nating tuklasin. Ang wika ng kapayapaan at kawalang-dahas ay maaaring subukin, at siyang maisasaalang-alang ng mga mamamahayag at kasalukuyang henerasyon. Hindi tayo kinakailangang sumunod palagi sa wika ng Amerikano at Israeli—na malimit nakasandig sa sandata at angas—dahil ang wikang alternatibo sa wika ng kabagsikan ay maaaring makapagbuklod sa milyon-milyong tao, anuman ang lahi, kasarian, paniniwala, at kulturang pinag-uugatan nila.

Tampok na tula at video
Tula ni Um Salah Din, at kung bakit dapat pahalagahan ang mga Palestino.