Ang Sayaw, ni Humberto Ak’abal

 
Salin ng “El Baile,” ni Humberto Ak’abal ng Guatemala
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Sayaw
  
 Lahat tayo’y sumasasayaw
 sa gilid ng isang sentimo.
  
 Ang dukha——dahil dukha siya——
 ay mawawalan ng panimbang
 at mabubuwal
  
 at ang iba pang tao
 ay magsisidagan sa kaniya. 
Alimbúkad: Poetry rhythm at its best. Photo by Marko Zirdum on Pexels.com

Mga Pating ng Greenland, ni Torkilk Morch

Salin ng “Greenland Sharks,” ni Torkilk Mørch ng Greenland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pating ng Greenland

Mababagal ang mga ito, at sumisisid nang napakalalim,
saka inaabatan nang mahúli nang lubos ang ibig. Ang karne
ng pating na ito ay lason. Oo, lason. Ngunit ano ang nagtulak
sa desperadong mangingisda o sa kaniyang kabiyak, na kahit
nasaksihang masawi ang mga kapitbahay, ay nagpatuloy,
at naisip na kung inilaga lámang ang lamán nang ilang ulit,
o marahil kung idinaing yaon at iniluto pagkaraan para kainin
ay makaiiwas sa peligro? Totoo: naisasagawa ang kapuwa
metodo, ngunit ano-ano ang matitinding pangangailangan
para mapilitang gawin ang mapanganib na eksperimento,
tulad ng pagkakamit ng kung anong pambihirang talino?

Mga Pangarap at Patatas, ni Abbas Beydoun

Salin ng tula ni Abbas Beydoun ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pangarap at Patatas

Abbas Beydoun

Ipinasok nila ang isda sa hurnó at niluto.
Binunot nila ang mga pangarap mula sa lupa.
Dito na ang mga tao ng balón ay nangaglaho,
naglaho rin ang iba pang sinundan ang bakás ng ibon.
Naghukay kami para sa mga panaginip at patatas
at dumaklot ng mga pumupusag na isda.
Kumain kami ng maraming lihim at libong bukál.
Hangga’t gapiin kami ng labis na pagod o pagtanda,
hindi kami mababahala kung maglaho man ang lupain
sa aming paningin.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Upholding human rights is beneficial to all Filipinos!

Mga Kawikaang Tamil

Mga Kawikaang Tamil

Roberto T. Añonuevo

Kahanga-hangang pumipintig pa rin magpahangga ngayon ang kabuluhan ng mga kawikaan. Ang kawikaan, na hinango sa kaligiran, ay maaaring gamitin ninuman alinsunod sa kaniyang pagbasa. Ngunit ang kawikaang ito, sa di-sinasadyang pagkakataon, ay nakahuhubog din sa kaisipan ng taumbayan, at nagsisilbing patnubay kung paano dapat mabuhay at makiharap ang isang tao sa kaniyang kapuwa.

“Kung ang utusan mo ang may hawak ng sandok,” saad ng isang Kawikaang Tamil, “mahalaga ba kung ikaw ay nakaupo sa dulo o kaya’y sa harap ng handaan ng isang pista?” Sa ganitong pahayag, ang kumpigurasyon ng trabaho sa kusina ay mailalabas hanggang sa pagdiriwang ng isang pista, at ang mga lingid ngunit dinamikong ugnayan ng mga tauhan ay mahahalata. Hindi kinakailangang magsalita ng maykapangyarihan; ang kaniyang mga alalay ang bahala sa kaniyang kaligtasan.

Ang isang kawikaan ay hindi basta nanggagaya o kumakatawan o kaya’y nagsisilang ng realidad na nasagap ng awtor, kung hihiramin baga ang dila ni Darío Villanueva, bagkus lumilikha rin ng sinasadyang pagkilala sa angking realidad nito sa pamamagitan ng tekstuwal na pagtukoy sa isang ipinahihiwatig at di-nakikitang mambabasa. Mahalagang sipatin ang mga kawikaan, hindi lamang sa pagiging labis na matapat nito sa teksto na sinasandigan ng awtor, bagkus sa realistang pagsagap ng mambabasa sa mga anyo nito.

Narito ang ilang kawikaang Tamil na aking isinalin sa Filipino, at mula sa bersiyong Ingles ni Reb. P. Percival. Pinili ko ito ay inihanay, at ang ilan dito ay sumasapol kahit sa realidad ng mambabasang Filipino.

1. Nababasag ang liwanag sa ulo ng dukha.
2. Ang kariktan ng isip ay nababanaag sa mukha.
3. Magtatangka ba ang magnanakaw kung inaasahang huhulihin siya?
4. Habang nagmumura ang bigas, ang kasiyahan ay tumataas.
5. Ang paghihiwalay ay makapagpapamalas ng pagkakaibigan.
6. Siya na walang alam sa halaga ng butil ay hindi batid ang pighati.
7. Mauunawaan ba ng aso ang mga veda, kahit pa isinilang ito sa nayon ng Brahman?
8. Maghubad man siya’t maligo sa ilog ay walang maling matatagpuan.
9. Mangingibang bayan ka ba kung ang kapitbahay ay sumagana?
10. Ang kabayong binili nang napakamahal ay dapat makalundag sa kabilang pampang.
11. Ang kababaang-loob ang palamuti ng babae.
12. Ang kawayang tungkod ang hari ng mabagsik na ahas.
13. Ang humahagupit bang hangin ay kinasisindakan ang sinag ng araw?
14. Kahit ang gilingang-bato ay mauusog sa paulit-ulit na pagpapaikot.
15. Kapag walang apoy sa dapugan, wala ring sinaing na kakainin.
16. Manunuklaw ang ahas kapag binaklas mo ang bakod.
17. Ang atomo ay magiging bundok; at magiging atomo ang bundok.
18. Ang itlog na kinuha mula sa bahay ng pinuno ay makabibiyak ng gilingan ng magsasaka.
19. Saksi ang langit sa ari-arian ng hari.
20. Ang hari at ang ahas ay magkatulad.

May ibang kawikaang Tamil na kapag hinalaw sa Filipino ay pumipitlag. “Humuli man ng bubuli’t ipatong yaon sa kutson,” saad ng isang kawikaan, “ay hahanap-hanapin pa rin nito ang tumpok ng mga dahon.” Sa ganitong pangyayari, hindi lamang nakabubuo ng representasyon ng isang realidad, bagkus inuusisa nito kung ano ang magiging realistang tugon ng mambabasa kapag nakaengkuwentro ang mga hulagway ng “bubuli,” “kutson,” at “dahon,” at iniugnay yaon sa malupit na tadhana ng talinghaga ng pagbihag. Isang ehersisyo lamang ito sa pagsasalin mula sa libo-libong kawikaang Tamil, na kapupulutan ng aral ng mga Filipino.

“Ang Pamilihan sa California,” ni Allen Ginsberg

Salin ng “A Supermarket ni California,” in Allen Ginsberg ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Ang Pamilihan sa California

Ano ang iisipin ko ngayong gabi sa iyo, Walt Whitman, pag tinahak ang mga eskinita sa lilim ng mga punongkahoy nang hilo sa maláy na maláy na pagtanaw sa bilog na buwan?
. . . . . . . Sa gutóm kong kapaguran, at paghahanap ng mga hulagwáy, pumasok ako sa pamilihang neon ng prutas, habang nangangarap ng iyong listahan!
. . . . . . . Anung peras at anung malaanino! Mga pamilyang namimili sa gabí! Mga pasilyong hitik sa mga bána! Mga misis sa mga abokado, mga sanggol sa mga kamatis!—at ikaw, García Lorca, ano ang ginagawa mo sa mga pakwan?

. . . . . . . Nakita kita, Walt Whitman, walang anak, malungkuting huklubang pagpag, nanunundot ng mga karne sa pridyider at nakamasid sa mga batà ng tindahan.
. . . . . . . Nakita kitang nagtatanong sa bawat isa: Sino ang pumatay sa karneng baboy? Magkano ang mga saging? Ikaw ba ang aking Anghel?
. . . . . . . Naglabas-masok ako sa makikinang na salansan ng mga delatang bumubuntot sa iyo, at sa aking haraya’y sinusundan ng mga tiktik sa pamilihan.
. . . . . . . Tinahak natin ang mga bukás na pasilyo sa ating nakagiliwang pag-iisa at tinikman ang mga alkatsopas, inaari ang bawat nagyeyelong linamnam, at umiiwas sa kahera.

. . . . . . . Saan ka pupunta, Walt Whitman? Ipipinid ang mga pinto sa loob ng isang oras. Saan nakaturò ang balbas mo ngayong gabi?
. . . . . . . (Hinipò ko ang iyong aklat at nangarap ng ating pakikipagsapalaran sa palengke at nadama’y pagkaabsurdo.)
. . . . . . . Maglalakad ba tayo nang buong gabi sa mga hungkag na kalye? Nagdaragdag ng lilim sa dilim ang mga punongkahoy, pinapatáy ang mga ilaw sa mga bahay, at kapuwa táyo malulungkot.
. . . . . . . Maglalagalag ba tayong nangangarap ng naglahong America ng pag-ibig nang lampas sa mga bughaw na kotse sa mga lansangan, na tahanan ng ating tahimik na dampâ?
. . . . . . . Ay, mahal kong ama, pithô, malamlám na huklubang gurò, anong uri ng America ang taglay mo nang sumuko si Kharón sa paggaod at dumaong ka sa maulop na pasigan, at nakatindig na tinititigan ang bangkâ na nilalamon ng maitim na tubigan ng Leteo?

*Hindi nasunod ang pagkakahanay ng mga taludtod, sapagkat hindi ko alam ang disenyo ng WordPress para sa indensiyon ng mga salita.

Hustisya at Kahirapan sa Nobela ni Valeriano Hernandez Peña

Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Peña na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Peña ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Peña ang konsepto ng “hustisya” sa iba’t ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas.

Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munda’y naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan.

Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunwa’y maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit,  ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan.

Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobela’y susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huli’y makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso.

Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Peña at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Peña, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng “ina,” si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na “ina” sa pisikal na antas ay maituturing pa ring “ina” sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan.

Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda.

Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Peña.

Erap versus Manny versus Noynoy

Umiinit ang bakbakan sa kampanya, ngunit nananatiling ligtas sa pangunang puwesto si Noynoy Aquino alinsunod sa sarbey ng pambansang halalan. Sinisikap ng kampo ni Manny Villar na alisin sa ekwasyon si Gibo Teodoro, upang ang bakbakan ay maging Aquino vs. Villar. Ang pagkalas ni Prospero Nograles sa koalisyong Lakas-Kampi-CMD ay hindi na bago. Matagal na itong inaasahan, dahil si Teodoro (at si Edu Manzano) ay halatang isinangkalan lamang upang pagkaraan ay isulong ng mga kakampi ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang kandidatura ni Villar.

Kung mawala man si Gibo sa karera, ang higit na makikinabang ay si Noynoy at hindi si Manny, dahil lumilitaw na sadyang totoo ang paratang na “Villarroyo” na ang ibig sabihin ay tuta, kung hindi man manok, ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo si Villar. Gayunman, hindi magwawagi si Villar hangga’t bigo siyang makopo ang baseng maralitang tagalungsod at taganayon na pawang tumatangkilik magpahangga ngayon kay Erap Estrada. Ang laban ay hindi Aquino vs. Villar, dahil ilalampaso ni Aquino si Villar kung walang komputerisadong dayaan sa halalan. Ang laban na inaabangan, lalo sa mga pook maralita, ay Villar vs. Estrada.

Dehado, ‘ika nga, sa sabong si Erap, samantalang liyamado si Manny. Kumbaga sa mga manok, taglay ni Manny ang siyentipikong pagkondisyon bukod sa mahuhusay ang tagapag-alaga sa propaganda. Si Erap naman ay tahimik lamang, ngunit masipag na kumakahig sa mga estratehikong pook ng maralitang tagalungsod at taganayon upang muling magpapakilala sa madla. Sa pagtakbo ni Erap, nabibiyak ang hanay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon na nagdadalawang-isip kung susuporta ba o tatalikod kay Manny. Sa panig naman ni Noynoy, nakamit niya ang tangkilik ng pambansang Alyansa ng mga Maralitang Tagalungsod, at ang linyadong boto ng mga kasapi nito ang inaasahang maghahatid ng tagumpay sa kaniya sa Mayo.

Kailangan ni Villar na magpaulan ng salapi sa mga pook maralita upang magwagi sa halalan. Ito ang tanging paraan niya kung nais magwagi. Nagaganap tuwing halalan noon pa mang panahon ng kopong-kopong ang pamimili ng boto, at sa darating na halalan sa Mayo, ang tanging makapamimili ng boto ay ang kandidatong masalapi, gaya ni Villar. Ngunit ngayon pa lamang ay lumilikha na si Erap ng ibang taktika sa pangangampanya, na lihis sa magagastos na anunsiyo sa radyo, diyaryo, at telebisyon, o kaya’y pamimili ng boto. Ang taktika ni Erap ay sumuong sa mga lungsod at munisipalidad at metropolis na laksa ang mga maralita; at sa pamamagitan ng personal na pag-iikot ay inilalapit ang sarili sa taumbayan.

Isang taktika ito na personal, subalit epektibo. At ang paglapit ni Erap sa taumbayan ay hindi matutumbasan ng mga komersiyal o jingle sa radyo at telebisyon. Ginagamit ni Erap ang matalik na komunikasyon sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila. At paghingi ng suporta habang nagsasalita sa wika ng karaniwang tao.

Hindi ito kayang gawin ni Villar kung hindi magsasama ng mga artista, modelo, mang-aawit, at atleta. Lalangawin ang kampanya ni Villar, at kailangan ang hakot mula sa mga lokal na opisyal para mapuno ang kaniyang rali. Kahit sa mismong Tondo ay pagdududahan si Villar, dahil sa aking palagay ay hindi talaga siya nakapag-iikot sa mga pook maralita at umaasa lamang sa mga sinasabi ng kaniyang mga kapanalig na opisyal. Mahirap iboto ang isang kandidato kung hindi nakikita na umiikot sa iba’t ibang pook, liblib man o malapit. Ito ang natutuhan ni Erap noon, at muli niyang isinasagawa kahit ngayon.

Wala nang pagtatalo na ang uring panlipunang nasa A at B ay pumapanig kay Noynoy. Ang mga blokeng C, D, at E ang may malalaking populasyon. Dito magaganap ang bakbakan, dahil kayang tabunan ng mga botanteng nasa D at E ang bilang ng mga botanteng nasa hanay ng uring A, B, C. Ang taktika ni Erap na kumbinsihin ang mga nasa hanay ng uring D at E ay hindi lamang pagpapakilala na siya’y para sa masa. Ito ay matalisik na estratehiya, at estratehiyang subok ng panahong ginawa noon ni Ramon Magsaysay.

Sabihin nang dehado si Erap ngunit ginampanan na niya ang gayong papel kahit sa kaniyang mga pelikula, at sa tunay na buhay ay nabilanggo, inalisan ng dangal, at hiniya sa sukdulang pakahulugan. Mas matagal ang pagdurusa ng pamilya Aquino noong panahon ng Batas Militar, at animo’y mahabang pelikula ang sakripisyo ng mga kalahok.

Samantala, si Manny ay amoy salapi na mapaghihinalaang tusong negosyante, na alanganing mula sa dating dukhang uri. Si Manny ang dating politikong kakutsaba ni Arroyo at uring masalapi para patalsikin sa poder si Erap noong nanunungkulan itong pangulo. Pahamig nang pahamig si Villar, lalo kung sa usapin ng pabahay at sari-saring negosyo, at kung ito ay pagpapamalas ng sipag at tiyaga, sipag at tiyaga ito na may lihim na pakana at nakabalatkayong kasakiman. Sa paghaharap nina Erap at Manny, ang labanan nila ay uungkat ng mga dating tunggaliang pampolitika, at pag-angkin sa teritoryo ng Tondo.

Kaya dapat mangamba si Manny kay Erap. At kung mananatiling banta si Erap sa pagwawagi ni Manny, inaasahan kong dudungisan muli si Erap sa pamamagitan ng maiitim na propaganda, na ang sukdulan marahil ay pagpatay sa kaniya sa malikhaing paraan, upang ganap na mawala sa ekwasyon. Sa oras na sumadsad sa sarbey si Erap, at usigin ng masang mamboboto, doon lamang makokopo ni Manny ang botong dating tinamo ni Erap. Ngunit imbes na bumagsak sa sarbey ay lalong tumataas ang rating ni Erap sa mga sarbey. Nangangahulugan ito na maraming tao ang hindi pa ganap na nakapagpapasiya kung sino ang iboboto nila sa halalan. At buháy ang pag-asa ni Erap.

Makupad man ang kampanya ni Erap ay nagpapamalas ng sipag at tatag. At sa dakong huli, posibleng mailaglag niya si Manny, at ang bakbakan ay mauwi sa Noynoy vs. Erap. Ang magpapabagsak kay Erap ay hindi si Noynoy; ang magpapabagsak kay Erap ay ang dating makulay na rekord niya sa serbisyo publiko. At sa wakas, gustuhin man o hindi ng mga kalaban, hinuhulaan kong magwawagi si Noynoy sa halalan dahil sa katiwalian o kaya’y kapabayaan ng kaniyang mahihigpit na kalaban sa politika. At matatalo lamang si Noynoy kung mapawawalang-bisa ang eleksiyon, sa ngalan man ng elektronikong hokus-pokus o masinop na dagdag-bawas na lampas sa apat na panig ng presinto.

Bagong yugto ito na dapat abangan. At hindi na lamang simpleng tunggalian ng mga uri, bagkus pagharap nang personal at tapat sa buong sambayanan.

“Ang mga Dukha” ni Roberto Sosa

salin ng “Los Pobres” ni Roberto Sosa mula sa orihinal na Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MGA DUKHA

Napakarami ng dukha
kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Matitiyak
na tinatanaw nila
sa bawat liwayway
ang laksang gusali
na ibig nilang panahanan
ng kanilang mga anak.

Maaari nilang
pasanin sa balikat
ang kabaong ng bituin.
Kaya nilang wasakin
ang himpapawid
sa anyo ng nabuburyong
na kawan ng mga ibon,
at takpan ang buong
sinag ng araw.

Ngunit dahil di-malay
sa taglay na kayamanan,
labas-masok sila
sa mga salamin ng dugo,
at lumalakad nang marahan
at marahang namamatay.

Kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Kawan ng mga Ibon

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration. Mula sa artsibo ng gimp-savvy.com.

Ang Panunuluyan

Tubong Bulakan, Bulakan si Emilio A. Bunag na isinilang noong 5 Pebrero 1902 at sumikat na makata noong dekada 1920-1930 sa paghalaw ng mga tula ni William Shakespeare at iba pang banyagang makata. Mapaglaro ang mga taludturan ni Bunag, na pinaghahalo ang maiikli at mahahabang taludtod bukod sa sumubok kahit sa tigdadalawampung pantig bawat taludtod na napakahirap gawin sa Tagalog at mahirap malathala dahil sa kahingian ng mga publikasyon noon. Kabilang si Bunag sa mga sumunod kina Iñigo Ed. Regalado, Pedro Gatmaitan, at Benigno Ramos na nag-eksperimento sa sukat ng mga saknong, bagaman masasabing naanggihan ng banyagang impluwensiya ang kaniyang pananalinghaga at paraan ng paglalatag ng hulagway at dalumat. Nalathala ang mga tula ni Bunag sa gaya ng Alitaptap, Ningning, at Pagkakaisa at pagkaraan ay ibinilang sa antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo. Nangingibabaw sa kaniyang mga tula, ani Agoncillo, “ang yaman ng diwa sa rikit ng pagkatula.”

Maihahalimbawa ang tulang “Ang Panunuluyan” ni Bunag, na nalathala noong 19 Disyembre 1929 sa Alitaptap.

Ang Panunuluyan

1 Akay-akay ng asawa, gabing-gabi’y naglalakad
nanlalamig, nalulungkot, nagdarasal, umiiyak;
tumatawag sa balana’y walang pintong nagbubukas,
dumaraing sa lahat na’y walang pusong nahahabag,
gayong ito ang babaing pinili sa madlang dilag
upang siya maging ina ng mananakop ng lahat.

7 Samantalang sa tahanan ng mayama’t malalaki,
madlang mga panauhin sa ligaya’y wiling-wili,
munting silid na hiningi, sa kahit na isang tabi,
sa abang nanunuluya’y walang awang itinanggi;
hindi nila nalalamang ang kanilang inaapi
ay babaing may himala na sa puso’y nakukubli.

13 Dulo tuloy, ang babaing kinakasihan ng Diyos
at dakila sa lahat na ng sumikat na alindog,
sa labangang nanrurumi’t sa dayaming gusot-gusot,
ay doon na napanganak at doon na napalugmok;
samantala’y buong langit ang naluluha sa gulod,
at ang tanang mga anghel, sa pitaga’y naluluhod.

19 Ayan ngayon ang larawan ng masungit na daigdig
na sa abang pagkatao ay palaging umiismid;
walang laging tinitingnan kundi tanghal at marikit,
at ni hindi tumutunghay sa palad ng maliliit;
dulo tuloy, kahit kanyang guro’t Diyos sa matuwid,
hindi niya nalalama’y minamata’t tinitiis.

25 Ang sa kanya’y nagsasakit magbigay ng pagkaligtas,
ang lagi pang ayaw bigyan ng tulong at pagkahabag;
patuloy sa paglalasing sa lumalasing na galak,
at ang aral na mabuti’y nilulunod sa halakhak;
Diyos na ang lumalapit ay hindi pa tinatanggap,
at patuloy sa ligayang sa hinagpis nagwawakas.

31 Mano nawang ang nangyari sa palad ng birheng mahal,
magbawas na nang bahagya sa atin ding kataasan;
magunita sana nating sa banig ng karukhaan,
ang Diyos ng sandaigdig ay minsan ding mapaluwal;
matutuhan sana nating sa gitna ng paglilibang,
ang palad ng mga dukha’y magunitang minsan-minsan.

37 Araw-gabi’y naririnig ang malungkot na pagdaing
ng maraming mga dukha na di natin pinapansin;
nar’yan ang batang limahid na sa Paskong dumarating,
wala man lang ni laruang sa dalita’y ipang-aliw;
hindi natin malalamang baka diyan magsusupling
ang isa pang bagong Kristo upang tayo ay tubusin.

43 Nar’yan ang maraming isip na sa dilim nakakulong,
na hindi man inaabot ng ilaw ng isang tinghoy;
mga sawing kaluluwang tumaghoy man nang tumaghoy,
ay lalo pang nilulusak sa dalitang suson-suson;
gayong iya’y mga taong pag ginising ng panahon,
batong uling, na kung minsa’y may ningas na nag-aapoy.

49 Naririyan ang pag-ibig na animo’y isang mutya,
singlinis ng isang birhe’t simputi ng isang bula;
sumasamo sa daigdig na ang buong sangnilikha
ay maanong pabigkis na sa magandang tanikala;
ngunit itong mga tao’y patuloy na nagbabangga
at sa tambol ng digmaan ay lasing na natutuwa.

55 Mga bagong birhen itong sa sangkatauhang haling,
ang tulong na hinihingi ay ating ikagagaling:
hinihinging ang dalita ay tanglawan at kupkupin,
saka ang kapayapaa’y paglingkuran at mahalin;
hanggang hindi’y may birhen pang lating aapihin,
at isa pang bagong Kristong hindi kusa’y makikitil.

Ginamit ni Bunag sa tula ang lalabing-animing pantig bawat talutod na sukat, na nilapatan ng hati [caesura] na 8/8. Bagaman may pagtatangka na gawing 4/4/4/4 ang putol ng mga salita ay hindi naging matagumpay, at maihahalimbawa ang mga taludtod 6, 8, 10, 13, 31, 43, 50, 56, at 58 na pawang sablay. Isahan ang tugmaang ginamit sa mga saknong, gaya ng tugma na ginamit ni Francisco Baltazar Balagtas.

May tatlong yugto ang nasabing tula. Una, isinalaysay ang naging kapalaran nina Maria at Jose na naghahanap noon ng tahanang maaaring maging panandaliang himpilan dahil kagampan si Maria at malapit nang manganak. Ngunit tinanggihan ang mag-asawa, kahit sa mga tahanan ng mayayamang may kakayahang tumulong. Napilitang sumilong sa sabsaban ang mag-asawa, at doon isinilang si Hesus habang naluluha sa tuwa ang mga anghel. Ikalawa, ibinunyag sa sumunod na tagpo na ang tagapagligtas [Hesus na magiging Kristo balang araw] ay handang magpakababa para sa mga tao, subalit ang mga tao na ito ay nabubulag sa panandaliang layaw at pagsasaya. Isinermon ng tula ang pangangailangang maging mapagkumbaba, at alalahanin ang mga dukha. Ikatlo, inilahad ang malulungkot na kapalaran ng mga dukha: ang mga batang palaboy, ang mga mangmang, ang mga nagdurusa, at ang mga biktima ng digmaan. Ang naturang problema ang dapat umanong lutasin. At kung hindi magaganap ito, mauulit muli gaya ng karma ang tadhana ni Maria at mamamatay nang wala sa panahon ang inaasahang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang tradisyon ng panunuluyan ng banal na mag-anak, ayon sa paniniwala ng Kristiyanismo, ay binihisan ni Bunag ng bagong damit at hiniyasan pa ng pampolitikang kulay. Ang panunuluyan ay hindi lamang pagsasadula ng masaklap na karanasan nina Maria, Jose, at Hesus doon sa sabsaban, at panimulang yugto ng pagliligtas sa sangkatauhang may bahid ng orihinal na kasalanan. Ang panunuluyan ay pagpapagunita sa atin na kahit sa dukhang kalagayan ay naroon ang kaligtasan at pag-asa. Sa gayong pananaw, ang kaligtasan ay hindi lamang ekonomikong produkto at puwersang magmumula sa hanay ng mayayaman, bagkus kaligtasan sa ngalan ng katwiran at kabutihang-asal ng lahat ng tao. Ang pagdamay sa kapuwa tao ang dapat umanong pahalagahan, dahil ang pamilyang dukha ngayon ay maaaring maging tagapagsalba ng daigdig—hindi lamang sa lárang ng relihiyon, kundi sa iba pang lárang na gaya ng edukasyon, kalusugan, politika, sining, at ugnayang-panlabas.

May iba pang paraan kung paano susuriin ang tula. Halimbawa, maaaring timbangin ang konsepto ng “kaligtasan” at “tagapagligtas” sa punto de bista ng mga karaniwang tao at hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Sa gayong paraan, mababago kahit ang pagpapahalaga sa “kaligtasan” dahil imposibleng magawa iyon ng isa o dalawang tao lamang. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga tao, gaya ng isinasaad sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang “bayani” ay mahihinuhang hindi lamang si Hesus, kundi ang lahat ng tao na nagkakaisa ng pananaw na lumikha ng kabutihan upang ituwid ang pagkakamali ng nakaraang panahon o henerasyon. Mahalagang matuklasan ng mga tao na may kakayahan din silang maging tagapagligtas, gaya ng pangangahas ni Hesus na tatawaging “Kristo” balang araw.

Ang pagsilang ng tagapagligtas ay maaaring hindi na matagpuan sa materyal na sabsaban balang araw. Matatagpuan marahil ito sa matalinghagang sabsaban ng ating mga kalooban, at ang tanging maiiwan na lamang ay hulagway ng gaya nina Hesus, Maria, at Jose na mag-anak na kumakatawan sa kapayapaan, liwanag, at kaginhawahan.

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.