Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taingá, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Ang Hinagpis ng Hukluban, ni Charles Baudelaire

Salin ng “Le Désespoir de la vieille,” ni Charles Baudelaire
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hinagpis ng Hukluban

Natuwa ang maliit na huklubang babae nang makita ang magandang batang kinagigiliwan ng lahat at sinisikap amuin—ang kaakit-akit na nilalang na sinrupok ng maliit na matandang babae, na bungal at kalbo. At lumapit siya sa bata, upang masilayan ng bata ang tuwa sa kaniyang mukha, at makisaya sa piling nito. Ngunit ang nahintakutang paslit ay pumiglas palayo sa mga haplos ng maliit na huklubang babae, at nagngangawa na lumukob sa bahay. Pagdaka’y napaurong ang matandang babae at nagpasiyang mag-isa, at napagibik sa sulok, saka winika: “Ay, lumipas na ang panahon, para sa aming matatanda, na mapaligaya kahit ang isang musmos; at ngayon, sinisindak namin ang mga paslit na batang ibig naming mahalin.”

No to military junta. No to coup d’état. No to dictatorship. Yes to humanity. Yes to poetry!

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa inyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng inyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa inyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili ninyong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay ninyo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson

“Talaksan ng mga Salita,” ni Muhammad Haji Salleh

Salin ng “selonggok kata-kata,” ni Muhammad Haji Salleh ng Malaysia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Talaksan ng mga salita

isang araw
na tulad ng mahabang panata,
sa edad na pasan ko ang pagkamaramdamin,
ay natagpuan ko ang talaksan ng mga salita.
at mula sa mga kumpol nito’y
tinipon ko ang mga titik at bumuo ng daigdig.
kusa kong iniangkop ang tinig sa tunog,
nalungkot kapag natukso,
at tumawa kapag may pighati.

ito ang sangkalawakan
na kinulayan sa supot ng pakahulugan
may mukha ng usapan at puso ng salita
na kinalap lahat mula sa mga batis ng panahon
tigmak sa mga awit ng mga makata
o nasadlak sa buhanginan ng kasaysayan.

upang makalikha ng mga wika ng daigdig
ay isinasaayos ko ang mga ito
at pinalalaya ang pahiwatig ng karanasan.
gaya ng lambat na inihagis ng mangingisda
ay sinasaklaw ko ang malawak na puwang
at ang isdang may laksang pakahulugan.

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.