Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon, ni Etheridge Knight

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon

Salin ng “No moon floods the memory of that night,” ni Etheridge Knight
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
sa aming mga mukha at humahalo sa iyong mga luha
tanging ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at ang iyong bibig na malambot at anung ligamgam
walang buwan walang bituin walang nanunusok na kirot
ng kidlat tanging ang aking impotenteng dila
at ang pulang poot sa loob ng aking utak na batid
na ang nakapanginginig na ulan ang ating eternidad
kahit na sinisikap kong ipaliwanag:

“Ang rebolusyonaryo ay isang kondenadong tao
na hindi tiyak ang búkas bagkus pag-ibig at kasaysayan.”
“Ngunit ang ating mga anak ay dapat lumaki nang tiyak
ang búkas sapagkat sila ang lilikha ng rebolusyon.”
“Dapat ipamalas nating halimbawa sa payak na paraan
na ang ating mga anak ay hindi liliko sa kanan o kaliwa
bagkus diretso sa ating minimithing kalayaan.”
“Hindi,” tugon mo. At ikaw ay lumisan.

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at umaasang gaya ng ulan
na nagbabalik sa langit ay magbabalik ka sa aking piling.

light, black and white, woman, white, street, night

Advertisements

KASUGUFIL at ang Adyenda sa Filipino

Lubhang mabilis ang mga pangyayari, at ipatutupad na ngayong Hunyo 2012 ang bagong patakaran sa sistema ng edukasyon na tinaguriang K-12. Ang nasabing patakaran ay may kaugnayan sa 12 pangunahing wika sa Filipinas; at kaugnay nito ang pagbubuo ng ortograpiya at diksiyonaryo sa kani-kaniyang wika. Ang modernisasyon ng edukasyon ay bahagi ng mithing mapaglangkap na kaunlaran ng gobyerno; at upang makarating sa mahihirap ay kinakailangang maisagawa muna ang pamumuhunan sa edukasyon, pagtataguyod ng malawakang impraestruktura ng komunikasyon, pagsasanay sa mga guro at kawani, reoryentasyon ng mga pabliser ng teksbuk, at pagpupundar ng mga kagamitan sa pagtuturo.

Ang bagong batch ng mga estudyante ay inaasahang sasailalim sa laboratoryo ng eksperimentasyon—una, sa paggamit ng sariling wika sa mga unang bahagdan ng pag-aaral at pagsusulit; at ikalawa, sa pagtanggap ng kurikulum na dapat na higit na malawak at malalim kompara noon at inaasahang makatutulong sa paghubog ng kasanayan ng mga kabataan upang magkaroon ng hanapbuhay. Ngunit higit pa rito, ito ang panahon na masusubok ang Filipino sa iba’t ibang lárang [field], lalo kung iisiping ang Filipino ay kaagapay sa multi-lengguwaheng patakaran sa pagtuturo. Mababanat ang tatag at pasensiya ng mga guro sa paghawak ng sabjek sa Filipino, sapagkat ang nilalaman nito ay hindi na puwedeng hinggil sa wika lamang, bagkus sumasaklaw sa iba’t ibang disiplina o paksang dating nasa poder ng Ingles. Maaaring ang pagtatasa ng resulta ng bagong pagdulog sa pagtuturo ay hindi agad mababatid; at kung mabatid man agad ito ay hindi masasabing positibo ang kahihinatnan ng lahat.

Ikinalulungkot kong sabihin na walang malinaw na pambansang programa magpahangga ngayon kung paano palalakasin ang Filipino sa kabila ng mala-patakarang multilingguwal ng pamahalaan. Sinabi kong “mala-patakaran” sapagkat kahit ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang multilingguwal na pagdulog sa pagtuturo, hindi pa rin ito nasusuhayan ng katapat na batas na pinagtibay sa konggreso saka nilagdaan ng Pangulo at siyang bumabago sa bilingguwal na patakaran ng edukasyong itinadhana ng Konstitusyon. Maipapalagay, kung gayon, na ang mala-patakarang multilingguwal na pagdulog ay extra-legal, na handang lundagan ang Konstitusyon maisunod lamang sa programa ng gaya ng UNESCO at UNICEF at siyang itinataguyod ng Summer Institute of Linguistics. Ang pagtatakda ng pambansang programa ay inaasahang tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang masaklap, matatapos na ang termino ng butihing Punong Kom. Jose Laderas (Jolad)  Santos ay wala pang malinaw na direksiyon ang naipapanukala para palakasin ang Filipino lalo sa hay-iskul at kolehiyo. Kaya hindi ko kayo mapipigil kung ihaka ninyo na inutil ang KWF sa panahon ni Jolad Santos.

Binanggit ko ito hindi upang siraan ang KWF o ang ilang komisyoner nito. Sinasabi ko ito upang mabatid ninyo na ang problemang kinakaharap ng Filipino ay hindi lamang panandalian at teritoryo ng mga guro, manunulat, editor, peryodista, at brodkaster, bagkus pangmatagalan at saklaw ang bawat mamamayan. Ito ay sapagkat ang pagtutuon sa wikang pambansa ay isang usaping inter-salinlahi [intergenerational]: ang anumang produktong pangwika at pandiskurso ng kasalukuyang henerasyon ay posibleng makaapekto sa susunod na henerasyon. Kung gayon, kapag pinag-uusapan ang wikang Filipino, kinakailangang isangkot ang pinakamalawak na populasyon at kung maaari’y kahit ang diyasporang Filipino, sapagkat dito nakasalalay ang paglilinang ng wika at panitikan, ang pagpaparami ng kawan ng mga manunulat, at ang pagpupundar ng mga impraestrukturang sumusuporta sa edukasyon, negosyo, hanapbuhay, komunikasyon, atbp.  Ang pakikisangkot ng organisasyong pangguro, gaya ng KASUGUFIL, sa mga isyung panlipunan ay pagsasabuhay lamang ng itinatadhana ng Artikulo 13.6 ng Konstitusyong 1987: ang paggalang sa mga organisasyon ng sambayanan, at ang pagkilala sa pakikilahok ng mga ito sa mga pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.

Ang kawalan ng direksiyon at programa sa Filipino ay nagiging puwang para sa iba na gawing bara-bara, halimbawa, ang paggawa ng teksbuk at kathang popular; o kaya’y isantabi palayo sa dominyo ng kapangyarihan ang paghubog sa Filipino bilang wikang intelektuwal at panlahat.  Dapat tumbasan ng bisyon ang Filipino bilang pambansang wika, tasahin nang malaliman ang mga natamo nitong tagumpay o kabiguan sa mga nakalipas na panahon, at pagdaka’y magtakda ng malinaw na estratehiya kung paano isasakatuparan ang mga pagbabago ngayon at sa darating na mga taon.

Kung walang malinaw na patakaran ang pamahalaan, ano ang dapat gawin ng mga organisasyong gaya ng KASUGUFIL? Ilan sa maipapanukala sa nasabing organisasyon ang sumusunod:

Una, magmungkahi ng pambansang adyenda na magpapalakas sa Filipino sa kabila ng multilingguwal na pagdulog sa edukasyon. Makapangyarihan ang tinig ng KASUGUFIL sapagkat ang kasapian nito’y nagmumula sa iba’t ibang rehiyon at kinakatawan ng mga guro at superbisor. Ang panukalang adyenda ay dapat isinasangguni sa kasapian, nang sa gayon ay nalalaman ng pamunuan kung ano ang pulso ng mga guro mula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Ang mungkahi ay maaaring ihain sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF, sa representante ng mga guro sa Konggreso, at dapat bigyang sipi kahit ang DepEd, CHED, at Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas.

Ikalawa, magsagawa ng mga konsultasyong panrehiyon mula sa mga kasaping guro at superbisor kung paano palalakasin pa ang Filipino sa iba’t ibang disiplina o pag-aaral; at ang resulta mula sa konsultasyon ay maaaring idulog sa sangay ehekutibo o lehislatibo upang matumbasan ng batas o regulasyon. Ang nasabing konsultasyon ay maaaring sa iba’t ibang paraan, gaya ng telekumperensiya kung hindi man personal na pagharap sa mga tao sa katulad ng ganitong pambansang konggreso. Kung matutupad ito, ang KASUGUFIL ay hindi na lamang makukulong sa tradisyonal na seminar,  palihan, at pagsasanay, bagkus magkakasanga sa pampolitikang tunguhin.

Ikatlo, makilahok sa mga konsultasyong isinasagawa ng DepEd at CHED saka lumiham sa mga kinauukulan kung kinakailangang ipaabot ang mga mungkahing may kaugnayan sa pagbubuo ng mga patakaran, pagtatalaga ng mga tauhan, at pagpupundar ng mga pasilidad at impraestrukturang may kaugnayan sa pagpapalaganap ng Filipino. Makabubuti kung laging may representante ang KASUGUFIL sa ganitong mga pagtitipon, nang sa gayon ay naipararating nang mabilis sa buong kasapian ang mga bagong pangyayari kahit sa pamamagitan ng opisyal na websayt, blog, o network.

At ikaapat, maaaring makapagmungkahi rin ang KASUGUFIL sa pamahalaan kung paano lilinisin ang burukrasya, kung bakit dapat palitan ang ilang bulok na opisyal, at kung bakit dapat magtaguyod ng impraestrukturang pangwika at pangkomunikasyon para buklurin ang tinatayang 80 milyong Filipino sa kung saan-saang pook.

Hindi ako tutol sa patakarang turuan ang bata alinsunod sa kinalakhan niyang wika. Ngunit ang maipapayo ko ay ang pagtataglay ng sinop at hinay sa mga hakbang. Ang aking pagbabantulot ay kaugnay ng mga pangyayaring hindi pa ganap na tapos ang 12 ortograpiyang inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral. Bagaman noong Pebrero ay nakipag-ugnayan ang DepEd sa Komisyon sa Wikang Filipino para sa pagbubuo ng mga babasahing materyales sa elementarya ay hindi masasabing ganap na itong abanse para sa mga batang nangangailangang paunlarin ang kanilang bokabularyo at pag-unawa hinggil sa mga konsepto at wikang umiiral sa paligid nila. Sa panig ng KWF, sa aking pagkakaalam, ay may dalawa o tatlong ortograpiya pa lamang ang nabubuo—Pangasinan, Bikol, at Máranaw, bagaman may binuong burador din sa Ilokano at Chavacano. Ang Máranaw at Ilokano ay kinakailangang sumailalim pa sa balidasyon sa harap ng mga eksperto, samantalang ang Sebwano ay ginamit ang dati nang ortograpiya ngunit dapat pa muling repasuhin ng KWF.

Bayanihan.

Kailangan ng KASUGUFIL ang modernong bayanihan tungo sa pagpapalakas ng Filipino sa bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Larawan mula sa paskil ni M. Izabel.

Sa panig ng nasa hay-iskul at kolehiyo, kinakailangan naman ang listahan ng babasahing higit sa maitatakda ng DepEd. Halimbawa, ang listahan ng mga kanonigong nobela, kuwento, dula, at tula na pawang isinulat sa orihinal sa Filipino o kaya’y salin mula sa internasyonal na wika o wikang panrehiyon, at inaasahang dapat mabatid ng bawat mag-aaral ay makabubuting maitakda sa lalong madaling panahon. Ang mismong salitang “kanonigo” ay problematiko dahil hindi basta ito maitatakda ng tatlo o higit pang tao, bagkus ng isang kawanihan na ang pangunahing tungkulin ay magbasa, magsuri, at maglabas ng rekomendasyon hinggil sa mga nabasa nito.

Kung ang isang estudyante sa hay-iskul ay inaasahang dapat makapagbasa ng 250 nobela o antolohiya ng mga kuwento, 50 aklat ng tula o antolohiya ng mga tula, 50 aklat ng sanaysay, at 20 aklat ng dula sa loob ng limang taon, aling aklat ang dapat mapabilang sa listahan? Ang ganitong konserbatibong bilang ay inaasahang tutumbasan ng pagtuturo ng angkop na pagsusulat at pagsasalita, nang sa gayon ay higit na mahasa ang mga bata na aktibong magsulat at magpahayag para sa higit na epektibong komunikasyon.

Sa unang malas ay napakarami nitong bilang sa loob ng isang takdang panahon. Ngunit kung isasaalang-alang ang limang taon, ang suma-total ay napakababa kung iisiping limitado pa ang produksiyon ng mga lokal na aklat na nasusulat sa Filipino o kaya’y sa mga wikang panrehiyon. Kung seryoso ang pamahalaan na magsulong ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, kinakailangang magbuhos din ito ng pondo sa produksiyon ng mga aklat at magbenta ng aklat sa abot-kayang halaga.

Ang sinasabi kong mga aklat ay hindi basta teksbuk lamang. Ang tinutukoy kong aklat ay may kaugnayan sa panitikan.

Kaya kinakailangang magtipon-tipon ang mga lokal na pabliser gaya ng Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, UP Press, De La Salle Press, Anvil Publishing Inc., atbp upang punuan ang mga pagkukulang. Ang inaasahang halos 400 aklat na maibibilang sa dapat basahin [required reading] sa loob ng limang taon ay dapat kolektibong pagtulungan ng mga pabliser at siyang dapat gabayan ng National Book Development Board at Book Development Association of the Philippines kung ipagpapalagay na aabot sa 80 milyon ang populasyon ng Filipinas. Ngunit hindi magaganap ito kung kulang na kulang ang tangkilik sa paglalathala ng mga lokal na akda, at priyoridad ng ilang pabliser ang mag-angkat na lamang ng aklat mula sa ibayong dagat.

Kung ipagpapalagay na malaking balakid ang pagtatamo ng mga aklat na nasa wikang Filipino na dapat ipagamit sa mga estudyante, ano ang mga alternatibong paraan?

Isang paraan ang elektronikong aklat, at ang mga bata ay dapat magkaroon ng akses sa mga komputer at gadyet na maaaring matunghayan ang elektronikang aklat o akda. May sinimulan ang Google, ngunit ang nasabing kompanya ay malimit lumalabag sa karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino at ito ang naglulugar sa mga Filipinong manunulat para umangal. Kinakailangan ng pamahalaan na gumawa ng batas, sa pakikipagtulungan sa gaya ng FILCOLS (Filipinas Copyright Licensing Society) upang ang karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino ay mapangalagaan, at mabayaran sila ng karampatang halaga sa lahat ng inilathala nila sa elektronikong paraan.

Ngunit hindi madali ang elektronikong edukasyon. Ayon sa NEDA, may 29 porsiyento pa lamang ng kabuuang bilang ng publikong paaralan noong 2009 ang may internet koneksiyon. Ilan sa mababagal ang internet koneksiyon ay matatagpuan sa Cordillera (CAR), Cagayan Valley (Rehiyon II) at Bikol (Rehiyon IV). Ilan sa inilistang sagabal ang magastos na pagpupundar ng impraestruktura sa matataas o liblib na lugar, at ang mga pook na ito ay hindi karaniwang sineserbisyuhan ng mga pribadong telekomunikasyon. Ang iba pang alternatibong edukasyon, halimbawa na ang paggamit ng telebisyon, ay maaasahang limitado rin kung mabibigong maabot ng signal ang mga liblib na pook.

Sa ganitong kalagayan, makabubuti kung ang KASUGUFIL ay lalabas sa dati nitong komportableng puwesto, wika nga. Kinakailangang mangampanya ang KASUGUFIL sa pagpapabuti ng mga impraestruktura mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang pambansang pamahalaan, dahil ang problema ng mga guro sa isang lugar ay problema rin ng mga guro sa buong kapuluan. Lalong lalawak ang puwang na nagbubukod sa mga uring panlipunan kung ang simpleng impraestruktura sa komunikasyon ay maihahalintulad sa pagpapasemento ng kalsadang may isa o dalawang dekada nang ginagawa ay hindi pa rin matapos-tapos sa kung anong dahilan, at kung makumponi man ay tuwing malapit na ang halalan. Walang magagawa ang mga guro, samakatwid, kundi magbuklod nang mahigpit.

Kailangang magsimulang mag-ingay ang KASUGUFIL hindi sa mga lansangan o sa loob ng silid-aralan, bagkus sa pamamagitan ng elektronikong himpapawid. Maaaring walang oras ang isang guro na lumiban sa klase upang magprotesta. Ngunit kahit sandali, sa pamamagitan ng Twitter o Facebook, ay maipahahatid nito sa kinauukulan ang mga problemang binabalikat ng mga guro sa iba’t ibang lugar, gaya ng kakulangan ng silid-aralan, mabagal na pasahod at kulang na benepisyo, kawalan ng seguridad, atbp. Ang blog ay isa pang kasangkapang magagamit ng mga guro hindi lamang sa pagbubulalas ng mga hinaing kundi sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano sumulat nang makabuluhan at matino. Ang mungkahi ko’y gamitin ang lahat ng modernong kasangkapan para sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon, at sa popularisasyon hindi lamang ng mga wikang panrehiyon bagkus ng wikang Filipino sa kabuuan.

Iminumungkahi ko rin na gamitin ng KASUGUFIL ang elektronikong plataporma sa pagpapalitan ng mga saliksik. Maaaring ang isang guro o ang kaniyang estudyante ay may nasulat na saliksik, at ang saliksik na ito ay makatutulong sa iba pang guro o mag-aaral upang gumawa ng iba pang saliksik na pawang makatutulong sa Filipinas. Laos na ang panahon na ang isang matinong saliksik ay itatago na lamang sa baul; ang saliksik ay kinakailangang ilantad sa madla, nang sa gayon ay higit pa itong matitigan, maituwid ang mga mali o pagkukulang, mapalakas lalo ang mga positibong katangian, at makapagbigay ng inspirasyon sa iba para baguhin ang kanilang abang kalagayan.

Ang pagpapalitan ng saliksik [research exchange] ay matutupad ang kaganapan kung makabubuo ng elektronikong plataporma na makapag-aambag ang bawat guro kung paano pahuhusayin ang mga leksiyon; kung paano mapabibilis ang paggagrado sa mga pagsusulit ng estudyante; at kung paano makaaakses sa mga impormasyong dating esklusibo lamang sa mayayamang nakabibili ng mga aklat. Alam kong hindi ito magagawa ng mga guro kaagad, kung kulang sa kagamitan at mahina ang tulong mula sa administrador, kaya nariyan muli ang internet upang maghanap ng mga posibilidad na paunlarin batay sa pangangailangan ng mga Filipino at konteksto sa isang lugar.

Magagawa ang lahat ng ito kung magkakaroon ng modernong bayanihan sa hanay ng KASUGUFIL. Sa aking palagay ay hindi kinakailangang pahirapan ng guro ang kaniyang sarili sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante, dahil kung ganito ang sukatan, makabubuting parangalan ang nasabing guro bilang bantog na masokista at banal. Dapat maging madali gaya ng agos ng tubig ang pagtuturo nang hindi minemenos ang mga paksa o nilalaman ng pag-aaral. Upang magawa ito, kinakailangan ang inter-aktibong pagtutulungan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan kahit kulang sa pag-aatas ang ating butihing Kalihim sa DepEd at kulang sa ayudang legal at pinansiyal ang representante ng mga guro sa konggreso na mula sa ACT Partylist. Ang ipinapanukala kong bayanihan sa panig ng KASUGUFIL ay magsisimula sa pagbabantay ng sariling hanay, pag-aalaga ng lakas-tao at pondo, pagbabahaginan ng mga saliksik, tuklas, kasangkapan, o network, at aktibong pakikilahok kahit sa pamamagitan ng kani-kaniyang klase sa mga gawaing makaaapekto sa kabuhayan ng guro at sa hinaharap ng Filipino bilang wika.

Labis na mapangarapin ang ganitong mga mungkahi. Ngunit naniniwala ako, na kung kikilos ang bawat guro, at makikilahok sa gaya ng mga proyekto ng KASUGUFIL, ang wikang Filipino ay hindi na muling mailulugar sa abang kalagayan, at sa halip, ay mailuluklok sa karapat-dapat nitong pedestal.

Isang karangalan ang magsalita sa hanay ng mga guro. Magandang araw sa inyo, at mabuhay kayo sampu ng inyong mga mag-aaral.

[Binasa ni Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikatlong Pambansang Konggreso ng Wikang Filipino sa mga Paaralang Publiko at Pribado sa Antas Elementarya at Sekundarya na itinaguyod ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino), na ginanap sa Lungsod Baguio, 7 Mayo 2012]

Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan

Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.

Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.

May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.

Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.

Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.

Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.

Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.

Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.

Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.

Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo,  at ang mga  importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan.  Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.

Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.

Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.

Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino.  Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark  A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.

Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24  sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]

Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.

Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]

Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.

Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.

Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.

Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon.  Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.

Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.

May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.

Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.

Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:

  1. Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
  1. Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili  ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
  1. Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
  1. Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
  1. Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
  1. Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
  1. Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
  1. Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.

Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.

Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.

Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.

Mga Tala

[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.

[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.

[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.

[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[**] Hango sa National Statistics Office sarbey at matatagpuan sa http://www.census.gov.ph/data/ pressrelease/2010/pr10162tx.html na hinango noong 9 Setyembre 2011.

[††] Kumpidensiyal na ulat ni Emb. Kristie Kenney sa Kalihim ng Estado ng Amerika. Sinulat noong 15 Marso 2007, at inilabas noong 30 Agosto 2011.

[‡‡] Basahin ang “Alienated Intellectuals,” sinulat ni Blas F. Ople at nalathala sa Manila Bulletin, 3 Pebrero 2002.

[§§] Basahin ang “The Roadmap to Philippine Multi-literacy” na sinulat ni Dr. Dina Ocampo, Leonor Diaz, Portia Padilla, atbp. 2009. Tingnan ang http://www.slideshare.net/dina.ocampo/the-roadmap-to-philippine-multiliteracy, hinango noong 2 Setyembre 2011.

Pananaliksik at Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino

Maitutumbas sa nakasisindak na nilalang ang salitang “saliksik” [research] dahil hindi ito maihuhugis sa guniguni nang napakadali, at maraming pagdulog ang maisasagawa upang maunawaan ito alinsunod sa pangangailangan at hinihingi ng panahon. Nag-iiwan ng pangamba sa mananaliksik ang anyo ng saliksik hindi lamang dahil masalimuot ang daan tungo rito, bagkus kinakailangan ng mananaliksik ang sapat na karanasan, karunungan, lakas, at pasensiya upang matuklas at maunawaan ang hinahanap. Para mapawi ang pangamba sa pananaliksik, kinakailangang alamin kung anong uri ng hayop ito, wika nga. Kinakailangang matutuhan ninuman ang paraan kung paano mag-isip at kung paano tatanawin ang kaligiran kung hindi man daigdig, nang sa gayon ay mabatid kung paano makapaghahawan ng landas at makapaglalagay ng muhon para pagsumundan ng mga darating pang mananaliksik.

Isang katangian ng saliksik ang pagdaan sa proseso, at maaaring simulan sa pagtatanong at pag-uusisa. Ngunit ano ang itatanong, lalo kung may kaugnayan sa wika at panitikang Filipino? Makabubuting simulan ang pambungad na pagbabasa hinggil sa mga akda ng isang manunulat, halimbawa, at mula rito ay matatantiya kung dapat ipagpatuloy ang pananaliksik. Kinakailangang pag-isipan ang tanong—na batay sa umiiral na datos—at kung paano ito isasakataga, nang sa gayon ay maitakda ang saklaw at lalim ng saliksik, at haba ng panahong ilalaan doon. Sa pagbuo ng tanong, kinakailangan ng mananaliksik na timbangin ang pagiging patas [obhetibo] at ang pagtanaw sa kung saang panig [subhetibo], ayon sa kayang mailahad ng datos. Dapat ding magpasiya siya kung kalitatibo (mapaglarawan) o kantitatibo (mapagbilang) ang pag-aaral, bagaman sa ilang pagkakataon ay pinagsasanib ang dalawa nang matimbang ang isang anyo kaysa isa pa. Hahaba pa ang pagsisiyasat kung idurugtong dito ang papel ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino—na mahalagang sangay ng Komisyon sa Wikang Filipino—upang matupad ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987 na gawing makatotohanan ang Filipino bilang wikang pambansa at Batas Republika 7104 na lumilikha sa KWF para sa gayong layunin.

Dapat taglayin ng mananaliksik ang iba pang katangian, gaya ng kasanayan sa pagtatala o pagsusulat at matalas na pang-unawa sa bagay na binabása o pangyayaring pinag-aaralan. Ang ganitong mga katangian ay hindi likás, bagkus napag-aaralan sa paglipas ng panahon, hanggang ang mananaliksik ay makadiskarte alinsunod sa pangangailangan ng saliksik. Yamang kalitatibo ang karaniwang uri ng pananaliksik na ginagamit sa panitikan, kinakailangang lisâin ang listahan ng mga literatura. Makabubuti kung gayon na sa talaksan ng mga aklat ay makabuo ng mga haliging pagsisimulan, at maaaring ito’y aklat hinggil sa kasaysayang pampanitikan, antolohiya ng tula o katha, mga teorya o pagdulog sa pagbasa, salungatang kritika ng mga dalubhasa, at katalogo ng mga pangalan at akda sa isang larang. Sa panig ng mga wika, ginagamit ang paraang kantitatibo, halimbawa na ang pag-eeksperimento sa isang buong klase na binubuo ng 50 katao, na bibigyan ng kaalaman at kasanayan upang pagkaraan ng takdang panahon ay tasahin ang resulta ng kanilang mga pagsusulit batay sa kanilang dinaanang leksiyon. Sa ganitong kalagayan, makabubuting mag-aral ang mananaliksik hinggil sa estadistika, paglikom ng datos sa paraang patas at walang manipulasyon, pagtitiyak na ang kinuhang bilang ng kalahok ay representante sa buong populasyon, at iba pa. Higit sa lahat, kinakailangan ang konsultant sa interpretasyon ng resulta ng pananaliksik nang sa gayon ay magabayan ang mananaliksik sa kaniyang ginagawa.

Mangangapa ang sinuman sa pagtatanong kung hindi niya alam ang teritoryo na kaniyang hinahanap. Sa panig ng panitikan, kinakailangang balikan ang mahabang kasaysayan ng panitikang palimbag, halimbawa sa Tagalog o Iluko, at mula rito ay maaaring pag-aralan ang kasaysayan ng katutubong panitikan sa isang takdang panahon, na lumikha ng angking kumbensiyon at pamantayan, at nakapag-ambag sa pagpapalago ng wika, guniguni, at pagkatha, na hindi maitutulad noong panahong nasa dahon, buho, palayok, at batuhan ang mga titik at larawang nagtatala ng kasaysayan. May mga deskriptibong pag-aaral naman, halimbawa sa mga epikong bayan, na inuugat ang mga dalumat at pananaw sa daigdig ng mga tauhan, at pinag-aaralan kung paanong ang mga penomenon o pangyayari ay humuhubog sa katauhan ng persona at sa kaniyang pagpapasiya. Hinuhugot din sa mga epikong bayan ang mga arketipong hulagway, halimbawa, na ang “bayani,” “asawa,” “anak,” “bayan,” “tubig,” “lupa,” “hangin,” “simoy,” “bathala,” “gamot,” at “kamatayan,” at sa pamamagitan nito’y naipapaliwanag ang mga sagisag at pahiwatig na pawang nabuo ng lipi na may kolektibong kubling-malay, kung hihiramin ang dila ni Carl Jung. Sa pag-aaral ng arketipo’y hindi kinakailangang limitado sa sinabi lamang ni Sir James Frazer, bagkus magagamit kahit ang mga akda nina Isabelo de los Reyes, Honorio Lopez, at E. Arsenio Manuel, at ang pagdalumat ng gaya nina Ernesto Cubar, Reynaldo Ileto, at Florentino Hornedo. Samantala, ang pag-aaral sa panig ng wika ay nakasalalay sa mga pagbabalik sa mga limbag na panitikan, diksiyonaryo, tesawro, sanaysay, kasaysayan, at iba pa. Ang paglago ng korpus ng wika ay maisasailalim sa pag-aaral na purong lingguwistika (papaloob), o kaya’y sosyolingguwistika (papalabas).

Ang mahirap sa panitikan ay hindi maitutumbas ito nang isa-sa-isa sa mga pangyayari sa kasaysayan, dahil may bukod itong kasaysayan sa kanonigong kasaysayan ng bansa. Bagaman ang panitikan ay posibleng maapektuhan ng ilang matingkad na pangyayari sa lipunan, gaya ng digmaan, salot, kalamidad, at tagsalat, at mula rito’y gagamit ng mga hulagway o tauhang nagmula sa naturang pangyayari ang mangangatha o makata, ang panitikan ay hindi direktang salamin ng realidad. Dahil kung gayon, inuulit lamang nito na parang sirang plaka ang realidad at hindi na pinanghihimasukan pa ng guniguni. Lumilikha ng sariling realidad ang panitikan; at ang pagtatakda ng panahon ng pagkauso ng isang estilo o paksa o teorya ay hindi maikakahon sa isang takdang panahon; at mahirap masukat kung gaano kadominante ito maliban kung maisasagawa ang malawakang imbentaryo ng panitikang nailimbag sa nasabing panahon. Maaaring magpabalik-balik ang uso o estilo alinsunod sa nais ng mangangatha o makata, at sa hinihingi ng madlang mambabasa. Ang maisasaad lamang ay ang paglitaw ng ilang matingkad na akdang maaaring sumasalungat sa kumbensiyon, at nagtatakda ng muhon ng pagbabago, at ito ang pagsisimulan ng modernisasyon na pinalalawig ng mahuhusay na manunulat.

Habang pinag-aaralan ang peryodisasyon ng panitikan, mapapansin na lumilikha ang mga teoriko ng mga haka-haka, pagdulog, at teorya kung paano babasahin ang gayong panitikan. Ang peryodisasyon ay posibleng kumiling sa kanonigong kasaysayan ng lipunan na bukod sa kasaysayang pampanitikan; o kaya’y bumatay sa binuong kasaysayang pampanitikang tumanyag ang mga manunulat o akda sa isang takdang panahon. Makabubuting maláy ang mananaliksik hinggil sa ganitong pangyayari, at nang sa gayon ay magawa niya ang nararapat para makamit ang layunin ng pananaliksik.

Mahaba ang panahon ng pananaliksik na iniuukol sa pag-alam ng kasaysayan ng panitikan sa lokal o pambansang antas, at karaniwang nagpapasiya na lamang huminto ang mananaliksik kapag napiga na niya ang halos lahat ng posibleng literatura na maaaring balikan, at mistulang kumbensiyon na lamang ang natitira. Ang pag-aaral ng panitikan ay hindi kronika ng mga pangyayari; bagkus pag-aaral sa mga importanteng sibol na lumikha ng kilapsaw na pagkaraan ay naging daluyong sa pana-panahon at siyang magtatakda ng pagkabukod ng isang anyo ng panitikan sa iba pang anyo ng panitikan. Sa madali’t salita, lumilikha ang teoriko ng isang lente, at ang lenteng ito ay hindi pangwakas, dahil maaaring lumabo o mabasag o baguhin o ipawalang-bisa, at palitan ng higit na modernong lente ng pag-arok at pagpapaliwanag ng panitikan. Dapat banggitin na sa pag-aaral ng kasaysayan ng panitikan ay hindi nangangahulugan ng paglikha ng teorya o pagdulog ang laging pangwakas na resulta. Pinag-aaralan ang kasaysayan ng panitikan, at ang peryodisasyon nito, para mailugar nang tumpak ang mga akdang pampanitikan at hindi basta mabansagan o matatakan ng mga taguring inangkat sa kung saang lugar.

Panitikang palimbag

Kapag sinabing panitikang palimbag, tinutukoy dito ang lahat ng posibleng teksto na matatagpuan sa loob at labas ng aklatan, at dito maaaring magsimula. Makagagamit ng mga elektronikong aklatan, ngunit ang pinakamahalaga ay matukoy ang lahat ng publiko at pribadong aklatan at puntahan iyon at doon magsaliksik. Kaya maisasaalang-alang sa puntong ito ang mga pangunahin at sekundaryong sanggunian, at sa panitikan, ang pangunahing sanggunian ay ang orihinal na teksto at ang awtor (kung buháy pa siya) na maaaring pagbunsuran ng multi-disiplinaryong pag-aaral kung ituturing na ang panitikan ay kaugnay ng lipunan kahit pa sabihing may sariling realidad ang panitikan na bukod sa realidad ng lipunan. Mahirap pag-aralan ang isang kalipunan ng mga tula ng isang makatang Tagalog, halimbawa, at upang magkaroon ng idea kung ano ang testura niyon ay kinakailangang balikan ang ilang opinyon ng mga kritiko at istoryador na sumuri sa mga tulang naroroon, at pag-aralan ang konteksto ng mga dalumat [konsepto] na inilahok ng makata sa kaniyang tula.

Masasabing limitado pa ang pag-aaral sa panitikang Filipinas, partikular sa tula at katha, kung isasaalang-alang ang mga kasaysayang pampanitikang sinulat halimbawa nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Clodualdo del Mundo, Teodoro A. Agoncillo, Ildefonso I. Santos, Bienvenido Lumbera, Resil Mojares, Virgilio S. Almario, Damiana I. Eugenio, Gemino H. Abad, Soledad S. Reyes, Isagani R. Cruz, Andres Cristobal Cruz, Rolando B. Tolentino, at Galileo S. Zafra. Sa pag-aaral ng panitikan at wikang Tagalog, magiging bunsuran ang mga sinaunang tula, gaya ng salawikain at bugtong, at maaaring idugtong sa pagbabalik sa mga sinaunang alamat at mito na nakapahiyas sa mga epikong bayang pahimig na isinasalaysay ng isang makata. Kailangang pag-aralan din ang mga sinaunang salin sa Tagalog, ang mga katon (na panimulang pagsasabatas ng ortograpiyang Tagalog batay sa panuto ng Espanyol), at ang mga sinaunang diksiyonaryo at tesawrong nalathala na pawang may mga lahok na patungkol sa tula at katha. Maibibilang dito ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Jose de Noceda at Pedro Sanlucar. Pagsapit ng siglo 20, hindi matatakasan ang paglaganap ng Ingles, ang paghina ng Espanyol, at ang paglakas ng Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumalago o nabubura ang wika habang lumalaon, at mababatid ito sa mga publikasyong nalalathala sa pana-panahon.

Ang ganap na paglisa sa mga panitikan, halimbawa sa Tagalog, ay makatutulong sa pagbuo ng isang teorya ng pagbasa. Halimbawa, nabuo lamang ni Almario ang konsepto ng “balagtasismo” at “modernismo” matapos pag-aralan ang mga bokabularyo at diksiyonaryong gawa ng mga Espanyol, at ang antolohiya at indibidwal na koleksiyon ng mga tula ng mga makatang Tagalog bago at pagsapit ng siglo 20. Sa panig naman ni Zeus Salazar, nabuo niya ang teorya ng Pantayong Pananaw matapos pag-aralan ang iba’t ibang daloy ng kasaysayan sa loob at labas ng Filipinas, at tuklasin sa pambihirang interpresyon ang kasaysayan alinsunod sa punto de bista ng Filipino. Sa pananaw nina Anselm L. Strauss at Juliet M. Corbin, ito ang grounded theory, ang teoryang nakatindig sa pundasyon ng datos at impormasyon. Sa kasalukuyang panahon, maaaring balikan ang mga konsepto at konklusyon ni Almario kung ang pag-uuri niya ay dapat ngang tanggapin o palawigin pa; o kung makabubuting lumikha ng isa pang teorya na batay sa ugat ni Balagtas kung hindi man mga epikong bayan. Maaari namang kilatisin ang mga akda ni Salazar gaya ng pagkilatis na ginawa ni Ramon Guillermo hinggil sa paggamit ng wika at katutubong dalumat, at pag-iwas sa napakahigpit na kahingian ng pampolitikang linya.

Kaugnay ng paglusog ng pagpapalathala noong bungad ng siglo 20 ang pagdami ng mga imprenta at publikasyon, at nakatulong ito nang malaki sa paglalabas ng mga diyaryo, magasin, at iba pang maninipis na lathalain—may bahid mang relihiyoso o komersiyal—na pawang nilahukan din ng mga tula, kuwento, nobela, dula, sanaysay, at salin. (Sa Bulakan pa lamang, kung hindi ako nagkakamali’y may mga sinaunang imprenta rito na nagsara na at ngayon ay nasa indibidwal na koleksiyon ng ilang pamilya ang mga lumang teksto at libro na puwedeng hanapin at siyasatin. Maimumungkahing trabaho ng PSWF ang pagbabalik sa mga nagsarang imprenta, at hanapin ang mga sinaunang koleksiyong itinatago ng matatandang pamilya.) Sa mga magasin, ang mga paningit na artikulo ay karaniwang dagli o pasingaw, at sa ilang pagkakataon ay tula o epigrapeng salin mula sa mga akdang banyaga, gaya ng matutunghayan sa Liwayway, Mabuhay Extra, at Sampaguita. Kung isasaalang-alang ang pagbubukas ng Kanal Suez, papansinin ni Almario na nakapag-ambag din ang gayong pangyayari sa malayang kalakalan at mabilis na paglalayag patungo at pabalik sa Ewropa para lalong sumigla ang panloob na paglalathala sa Filipinas.

Dahil sa dami ng mga lathalain, lumitaw ang isyu ng estandarisasyon ng mga ispeling, bantas, paggigitling, pag-uulit ng salita, pagtitipil, kambal-patinig, tumbasan, pagpapakahulugan, palaugnayan, at iba pa na kung susumahin ay mauuwi sa ortograpiya at retorika sa Tagalog. (Malaki ang papel ng mga organisasyong pampanitikan o pangwika, gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan, at ang mga samahang ito ang magbabakbakan kung sino ang dapat tanghaling awtoridad.) Ang usapin ng kasinupan sa ispeling at gamit ng salita ang pupuwingin ni Dionisio San Agustin para baguhin ang namamayaning kalakaran o komersiyalismo sa mga lathalain. Si San Agustin ang dating pangulo ng Aklatang Bayan, at isinaad ang kaniyang banat sa introduksiyon sa saling nobela ni Gerardo Chanco, at siyang tinalakay din nang pana-panahon sa kani-kaniyang kolum nina Lope K. Santos, Iñigo Ed. Regalado, Severino Reyes, Jose Corazon de Jesus, Florentino T. Collantes, at Amado V. Hernandez. Ang mga editor ng isang lathalain ay karaniwang may estilo ng pagsulat at ispeling, at maaaring taliwas sa ipinalalaganap ng mga dalubwikang gaya nina Balmaseda, Regalado at Santos. Ang tatlong batikang manunulat ay magtatakda ng muhon sa ortograpiya sa Tagalog nang mahirang silang mamuno sa Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na higit na kilala ngayon bilang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Pambansang patakaran sa panitikan at wika

Binanggit ko ang mga pangyayaring ito dahil kaugnay ang mga ito ng pagsilang ng SWP na isinabatas noong 1937 ngunit naging epektibo lamang noong 1939. Alinsunod sa Batas Komonwelt Blg. 184 na magpapatibay ng isang pambansang wikang batay sa umiiral sa isa sa mga wika ng Filipinas, binuo ang SWP na pinamumunuan ni Jaime C. de Veyra. Ipinroklama ang “pambansang wika” batay sa Tagalog sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937. Naging makapangyarihan pa ang SWP nang pagtibayin ang Batas Komonwelt Blg. 333, na inemyendahan ang Batas Komonwelt 184, dahil sa sumusunod: una, lahat ng pasiya ng SWP na pagtitibayin ng Pangulo ng Filipinas “ay magiging pamantayang pampanitikan sa lahat ng opisyal na publikasyon at teksto sa mga paaralan”; at ikalawa, ang SWP ay “may kapangyarihang ituwid, o baguhin ang lingguwistikong anyo at pahayag sa alinmang teksbuk na nasusulat sa pambansang wika na layong pagtibayin bilang opisyal na teksto sa mga paaralan,” alinsunod sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kung papansinin ay sadyang mabigat ang tungkulin ng SWP na maging taliba ng wika. Magpupulong ang mga manunulat, editor, at edukador noon pa mang 1937, at isa si Regalado na masisipag na kritikong maglalabas ng listahan ng mga salitang ginagamit sa panunuring pampanitikan. Magiging haligi sa mga gawain nito ang paglalathala ng A Tagalog-English Vocabulary at Ang Balarila ng Wikang Pambansa noong 1940. Masusundan pa ito ng pagbubuo ng ortograpiyang Tagalog [i.e., Filipino] na babaguhin nang pitong ulit: 1938, 1946, 1960, 1976, 1987, 2001, at 2009. Problematiko noon kahit ang pag-aaral ng ortograpiya sa Tagalog dahil ang mismong wika ng pag-aaral ay nasa Espanyol kung hindi man Ingles. Halimbawa nito ang Las Particularidades de la Pronunciacion Tagala y su signalizacion Ortografica (1938) ni Jose R.A. Reyes; Preliminary Studies on the Lexicography of the Philippine Languages (1938;1940), nina Jaime C. de Veyra, Cecilio Lopez, at Felix S. Salas Rodriguez, atbp.; at Tagalog Phonetics and Ortography (1940) nina Trinidad Tarrosa Subido at Virginia Gamboa-Mendoza.

Hindi purong lingguwistika nag-ugat ang SWP. Pundasyon noon ng SWP ang mga panitikan, partikular ang panitikang Tagalog,  kaya masigla ang paglalabas noon ng mga aklat, polyeto, chapbook, at iba pang lathalain para maitanghal ang kasaysayang pampanitikan, tula, nobela, dula, sanaysay, at panunuring pampanitikan mulang 1937 hanggang dekada 1970. Ilan sa mababanggit ang maituturing nang klasiko, gaya ng Ang Maikling Kathang Tagalog (1938) ni Fausto J. Galauran; Ang Panulaang Tagalog (1937;1947) at Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog (1938) ni Iñigo Ed. Regalado; Ang Dulang Tagalog (1938) ni Severino Reyes (alyas Lola Basyang); Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog (1938;1947) ni Julian Cruz Balmaseda; Duplo’t Balagtasan (1948) ni Teodoro E. Gener; Ang Pelikulang Tagalog (1938) ni Teodoro Virrey; Ang Dulang Pilipino (1947) ni Julian Cruz Balmaseda, Ang Kundiman ng Himagsikan (1940) ni Antonio J. Molina, at iba pa. Nang mahirang si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP noong 1970, at pagkaraan ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) noong 1987, bago naging Punong Komisyoner nang taong din iyon, itinuring niya na “mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika” para yumabong ang Filipino at nang makabuo “ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at eksperesyon.”

Mapapansin na kahit sa dating balangkas ng organisasyon ng LWP ay bumubuo sa isang dibisyon ang Pagsasalin at Panitikan, na pawang bukod sa Pananaliksik at Pagpapaunlad, Leksikograpiya, Preserbasyon at Promosyon, at Pangasiwaan. Gayunman ang Panitikan ay unti-unting mabubura kahit sa balangkas, at nang maging KWF ang LWP, ang Panitikan ay isinama sa Ibang mga wika (ewfemismo sa mga panrehiyong wika), kaya naging Dibisyon ng Ibang mga Wika at Panitikan. Nagsimulang humina ang poder ng panitikan sa KWF nang manungkulang Punong Komisyoner si Nita Buenaobra noong 1999-2006, at nabigong mapunan ang mga bakanteng posisyon, bukod sa walang malinaw na programa hinggil sa panitikan. Noong 2006-2008, nang manungkulan si Punong Komisyoner Ricardo Nolasco sa KWF, isinagawa ang plano ng reorganisasyon batay sa hinihingi ng Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan. Tinanggal ni Punong Komisyoner Nolasco ang panitikan, at pinanatili lamang ang Pagsasaling-wika. Lumitaw na naging makiling ang KWF sa lingguwistika, at dumupok ang pundasyon nito sa pagkawala ng panitikan. Ang panitikan ang sinisikap ngayong ibalik sa administrasyon ni Jose Laderas Santos, bagaman wala pang malinaw na resolusyong inilalabas ang Lupon ng mga Komisyoner.

Makabubuting malaman ng PSWF kahit ang kasalukuyang balangkas ng KWF upang maikawing ito sa hakbanging pananaliksik na may kaugnayan sa wika at panitikan. Pananaliksik ang gulugod ng KWF, kung babalikan ang Batas Republika 7104, at kung gayon nga, ang pananaliksik ay dapat tumagos sa lahat ng sangay ng KWF sa mga rehiyon. Ang wika ay magiging limitado ang saklaw kung labis na espesyalisado ang pagdulog—na ikayayamot ng madla—at naipagkakait ang mapambuklod na diwain ng panitikan. Sa pag-aaral ng panitikan at pagsasalin, ang pag-aaral ng wika ay lumalawak, at naiuugnay sa iba pang disiplina. Napag-aaralan din ang wika hindi lamang sa simpleng hinihingi ng gramatika, retorika, at palaugnayan, bagkus maging sa iba’t ibang uri ng pagsusulat na maikakabit sa panitikan.

Mga Nabuong Saliksik

            Kinakailangang gampanan ng KWF ang tungkulin nitong magsagawa ng mga pananaliksik, dahil ang mga ito ang gagamitin ng tanggapan ng Pangulo ng Filipinas o ng kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan sa pagbuo ng mga pambansang patakaran at batas hinggil sa wika. Tanging KWF lamang, sa lahat ng ahensiya o komisyon, ang may mandato hinggil sa pagpapalaganap, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng wikang Filipino at iba pang wikang panrehiyon. Kung walang pananaliksik, hindi makalilikha ng matitibay na rekomendasyon ang KWF sa Pangulo, at kahit sa mga ahensiyang gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA). Nang buuin ang SWP noong 1937, walang inatupag ang mga kasapi nito kundi magsagawa ng mga pagdinig, sarbey, konsultasyon, at pag-aaral kung aling wika ang karapat-dapat maging batayan ng wikang pambansa. Nang manungkulan si Ponciano BP. Pineda bilang direktor ng SWP at LWP noong 1970-1999, ipinagpatuloy niya ang pagsasagawa ng mga pambansang sarbey at saliksik pangwika. Ang resulta ng mga saliksik ay ginawang batayan sa rekomendasyon sa Pangulo, at ginawang patakarang pambansa, gaya ng Patakarang Bilingguwal sa edukasyon, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1973 at 1987.

Sa 71 taon ng pag-iral ng KWF, nakapagsagawa ito ng mga pag-aaral sa wika at panitikan at iba pang larang, at pawang isinaaklat. Kabilang sa mga bokabularyo nitong nalathala ang Akean (Aklanon), Bikol, Cuyunon, Hiligaynon, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Magindanawon, Maranaw, Tausug,  Waray, at Yakan. Bukod pa rito ang mga diksiyonaryong binuo sa mga wikang gaya ng Chavacano, Filipino, Ibanag, Ingles, Kapampangan, Magindanawon, at Samar (Leyte), at sa mga larang na gaya ng batas, hanapbuhay, kalusugan at medisina, kasarian, komunikasyong pangmadla, militar, at iba pa. Kung hindi man bilingguwal ay trilingguwal ang diksiyonaryo. May diksiyonaryo nang natapos sa Pangasinan ngunit hindi pa inilalathala. Lumikha rin ang KWF ng mga manwal, gaya sa Korespondensiya Opisyal, Pagsasalin, at Pormularyong Pambatas, na maaaring paunlarin pa ngayon at sa darating na panahon. Bagaman mapupuwing ang pag-edit ng diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan, makatutulong pa rin ang mga ito sa pangkalahatan sa pagtatala ng mga salita.

Pakikinabangan din ng DepEd at CHED ang mga antolohiya ng KWF, dahil sumasaklaw iyon sa mga epiko, kuwento, alamat, tula, at dula. Kabilang dito ang mga alamat ng Bagobo, Manobo, Molbog, Palawan, at Tarlakenyo; ang mga awiting-bayan ng Panay at Pangasinan; ang mga modernong literatura ng Hiligaynon at Sugbuanon; at ang mga antolohiya ng tula at sanaysay mula sa Timpalak sa Tula at Sanaysay na Talaang Ginto. Sa ngayon ay inihahanda na ang paglalabas ng mga alamat at kuwentong Meranaw, na nasa orihinal na wikang Meranaw at tinumbasan ng modernong salin sa Filipino. Ang mga nasabing koleksiyon ay mayamang malig ng pag-aaral, at kung gagamitin lamang ng bawat PSWF ay maaaring mapaunlad pa ang paraan ng pananaliksik, ang pagdulog sa muling pagsasalaysay, at ang pagsasaayos ng mga ilalahok sa antolohiya, at iba pa.

Mapapansin sa mga gawaing ito na ang tungkulin ng KWF hinggil sa pananaliksik ay hindi lamang para makabuo ng patakarang pangwika. Sangkot din ang KWF sa aktibong produksiyon, pagsasalin, at pagpapalaganap ng panitikang mula sa rehiyon at sa tulong ng PSWF, at ang mga panitikang ito na iniangat sa antas na pambansa ay hinubad ang dating katauhang panrehiyon para matanggap ng buong Filipinas. Kung isasaalang-alang ang penomena na hatid ng komputer, internet, at networking, halos walang hanggahan na ang magtatakda sa kayang ihatid ng wika at panitikang Filipino. Sa mga pook na gaya ng WordPress, ang Tagalog at Filipino ay halos walang ikinatangi sa isa’t isa, maliban sa pangyayaring mas marami ang mga blogistang nasa Tagalog imbes na sa Filipino. Sa ibang social networking site, gaya ng Facebook, Filipino ang taguri sa wika bagaman may tumatawag pa ring Tagalog ito. Upang ganap na mapag-aralan ang wikang Filipino sa internet, isang pag-aaral ng mga kabataang eksperto sa komputer sa UP-Diliman ang lumikha ng Web Crawler para suyurin ang buong cyberspace sa mga salitang Filipino at Tagalog sa loob ng limang taon, at siyang makatutulong sa pagpaplanong pangwika ng kasalukuyang administrasyon.

Sa panig ng PSWF ng Bulakan, makabuting isaalang-alang ang mga pag-aaral na ito. Maaaring lumahok ang PSWF sa mga proyektong pagsasalin, at ang pagsasalin ay mulang mga klasikong banyagang akda tungo sa Filipino. Ngunit bago gawin ito ay kailangang balikan ang mga dating salin, nang maiwasan ang repetisyon at pagsasayang ng pondo. Sa mga eksperto sa komputer ay puwedeng mag-eksperimento ng mga programa para sa pagsasalin at pagbubuo ng database ng mga akdang sinulat ng mga Bulakenyo at hinggil sa Bulakan. Malawak ang posibilidad, at kinakailangan lamang na hanapin ang mga puwang na dapat pag-aralan.

Paraan ng pagdulog

May apat na paraan na maaaring gawin ang PSWF, halimbawa sa Bulakan, hinggil sa mga puwedeng maging tunguhin ng pananaliksik nito. Una, pagtuonan ang Bulakan bilang pook na pagdudukalan ng mga saliksik at maaaring magsimula sa bukal ng impormasyong taglay ng Bulacan State University. Ikalawa, pag-aralan ang mga panitikang isinulat hinggil sa Bulakan, at pawang isinulat ng mga taal na Bulakenyo, ng mga dayong residente at iba pang tao. At ikatlo, pag-aralan ang natatanging anyo ng wika (at diyalekto kung mayroon man) ng buong Bulakan, at itambis o ihambing ito sa iba pang anyo ng Tagalog na lumalaganap sa mga lalawigang Bataan,  Batangas, Laguna, Metro Manila, Nueva Ecija,  Palawan, Quezon, at Rizal. Sa kabilang dako, ang pag-aaral ng Tagalog ay maaaring iugnay sa lumalaganap na Filipino—na nahahaluan ng Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Zambal, at iba pang wika— at dapat alamin kung ano ang linyang humahati sa dalawa kung mayroon man sa konteksto ng Bulakan. At ikaapat, magsikap na maging imbakan ng datos hinggil sa panitikan at wikang Tagalog.

Mahalaga ang mga nalathalang panitikan hinggil sa Bulakan, at maihahalimbawa ang mayamang paggamit ng alusyon dito ni Florentino T. Collantes sa kaniyang mga nobelang gaya ng Barasoain: Baras ng Suwail (1929) at Ang Lumang Simbahan (1928), at mala-epikong Ang Tulisan (1936). Mapag-aaralan din ang mga arketipong ginamit ni Jose Rey Munsayac, halimbawa sa kaniyang nobelang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai, at ang Kolorum (2000); at sa mga tula nina Teo T. Antonio, Lamberto E. Antonio, Rogelio G. Mangahas, Ariel Dim. Borlongan, at higit sa lahat, Rio Alma na gumamit ng mayamang malig ng Bulakan upang itanghal sa pambansa at pandaigdigang panulaan at nagpayaman sa wikang Filipino sa kabuuan. Kahit ang mga akda ni Francisco Balagtas, na taal sa Bulakan, ay mapag-aaralan sa pamamagitan ng makabagong programang pangkomputer, alinsunod sa testura ng Tagalog nito.

Hindi ko sinasabing sa panitikan lamang mahuhugot ang pag-aaral ng wika ng Tagalog-Bulakan. Bawat lárang sa Bulakan ay bukál ng kaalaman, at maibibilang dito ang mga termino sa pagsasaka, pag-aalahas, pamimista, paglalala, pagbuburo, pagmimina, pangingisda, pagluluto, paghahabi at pagdidisenyo ng damit. Ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, at itala ng mga mananaliksik. Sa pagtatanong sa mga impormante, kinakailangang maturuan ang mga estudyante kung paano pumukol ng tanong, nang hindi nawawala ang pagiging obhetibo sa paksa. Kinakailangang mapag-aralan nang maigi ang pagtiyak sa katumpakan ng mga impormasyong nagmumula sa mga impormanteng galing sa ibaba, at taliwas sa awtoridad na nagmumula lamang sa mga edukado’t maykayang uri. Malaki ang maitutulong sa pag-aaral ng lokal na kasaysayan, gaya ng pinauuso ni Jaime Veneracion, na sumulat ng kasaysayan ng Bulakan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa datos mula sa iba’t ibang larang, at hindi lamang bumatay sa mga tala ng frayleng Espanyol.

Dahil limitado sa pondo ang PSWF, maaaring ipokus nito ang lakas sa dalawa o tatlong programa lamang, na maaaring kaugnay ng panitikan, leksikograpiya, lingguwistika, at pagsasalin. Halimbawa, puwedeng magtuon sa deskriptibong pananaliksik sa mga nobela ni Bienvenido A. Ramos, at maaari siyang dalawin sa Santo Cristo at doon siya kapanayamin. Sa pag-aaral kay Ramos, maaaring biyakin ang pag-aaral sa pagiging nobelista at kuwentista niya, sa isang panig; at sa pagiging makata, sa kabilang panig. Ang pag-aaral ay maaaring magtuon sa pagiging kawani niya sa Liwayway magasin, hanggang sa pagiging editor nito sa mahabang panahon noong dekada 1980. Magiging madali ang pag-aaral kung susuriin ang kumbensiyon ng mga nobela at kuwentong nalathala sa Liwayway—na ngayon ay nakaimbak sa UP Main Library at donasyon ni Liwayway A. Arceo—at kung paano naglalaro sa parametro nito si Ramos. Maaaring mapansin ang paulit-ulit na hulagway sa kaniyang mga tauhan, ang dahas at ang sex, ang puri at paghihiganti, at ang pagbawi ng dangal. Mapapansin din ang haba ng kaniyang akda ay umaayon sa kayang ibigay ng publikasyon; at ang akda ay maaaring humaba lalo kung iyon ay ituturing na pantimpalak na gaya ng isinasagawa noon ng Sagisag, Talaang Ginto, at Palanca Memorial Awards for Literature. Sa kabilang dako, ang kantitatibong pag-aaral ay maaaring lumitaw sa paggamit ng programang Simple Concordance at Web crawler at mula rito ay masasala ang mga importanteng salitang lumitaw sa kaniyang mga akda.

Maraming mahuhusay na Bulakenyong manunulat, kaya upang magamit nang mahusay ang yaman ay kinakailangang bumuo ng listahan ng priyoridad. Maaaring magsimula sa krokis ng mga pangalan, nang mabatid ang lakas at impluwensiya ng mga makata, nobelista at kuwentista. Sa paggawa ng krokis ay puwedeng lumitaw ang mga nakakaligtaang manunulat, o ang mga di-kanonigong manunulat, at maaaring sumulat ng mga pag-aaral hinggil sa kanila. Mula sa simpleng deskriptibong pananaliksik ay maaaring kumiling sa pagtuklas ng mga di-gaanong kilalang manunulat na nagtataglay ng pambihirang galing at imahinasyon. Isang magandang halimbawa ang ginawang pag-aaral ni Delfin Tolentino na sumulat ng disertasyon sa buhay at akda ni Benigno Ramos, at naglinaw sa ambag nito sa larangan ng panulaang Tagalog.  Makabubuting maipakilala muli ang mga sinaunang akda sa panibagong lente ng pagsusuri; at sa paggamit ng naiibang teorya o pagdulog ay masisiyasat nang maigi ang kasiningan ng kalipunan ng tula o katha.  Upang magawa ito, kinakailangang sumangguni sa mga umiiral na kasaysayang pampanitikan, at pag-aralang maigi ang mga puwang, singit, at lilignan nito, at mula roon ay makabubunsod sa iba pang pag-aaral na maaaring malikhaing rekonstruksiyon ng guniguni ng manunulat.

Kinakailangan kung gayon na maturuan ang mga estudyanteng kawani ng PSWF, kung mayroon man, kung paano maghahanap ng aspili sa tumpok ng mga dayami. Dahil mahirap ito, kinakailangang matuto ang mga estudyanteng magbasa nang may pag-unawa, tuklasin ang anumang pangangailangan, at maglagom ng mga akda sa pinakamaikli ngunit pinakamahusay na paraan. Hindi makatutulong kung gagawa ng shortcut ang isang kawani. Maimumungkahing basahin talaga ang mga aklat, dahil kung hindi’y paano malalaman, halimbawa, ang testura ng Tagalog ng nobela at katha ni Valeriano Hernandez Peña kung ang babasahin lamang ay ang munting lagom na kinuha mula sa isang websayt o blog? Makabubuting mabatid ang mga tumpak na prinsipyo sa mabilis at epektibong pagbabasa, nang sa gayon ay hindi lamang lumalim ang bokabularyo ng mananaliksik bagkus lumawak din ang kaniyang pananaw at imahinasyon hinggil sa buhay. Kulang na kulang sa mga propesyonal na tagalagom [professional synthesizer] ang Filipinas, lalo pagdating sa panitikang Tagalog o Filipino, at maaaring makatulong ang PSWF sa paghubog ng mga kabataang handa sa gayong trabaho.

Isang malaking problemang kinakaharap ngayon ng mga mananaliksik ang tungkol sa pagsasakatuparan ng pag-aaring intelektuwal. Hindi na basta-basta makapagpapaseroks ang isang estudyante nang hindi nagbabayad ng butaw sa Filcols (Filipinas Copyright Licensing Society) para sa reprograpikong karapatan sa isang sipi. Sa mga tekstong hindi na sakop ng karapatang-intelektuwal, dahil sa maaaring paso na ang pag-aari sa isang akda pagkaraan ng pagkamatay ng manunulat at haba ng panahon ng pagkakalimbag, makabubuting ma-scan o maiseroks ang mga ito nang maging tumpak kapag sinipi na. Maraming pagkakamali ang nagaganap sa pagsipi nang pasulat, at sa mga ordinaryong estudyante ay lumulusot ang mga tipograpikong mali. Kaya kahit ang simpleng pagseseroks at pagtatala sa mga ito ay dapat itinuturo nang tumpak.

Tunguhin sa hinaharap

Panimulang pagdulog pa lamang sa pananaliksik ang binanggit ko rito at siyang kaugnay ng pagpapaunlad ng PSWF-Bulakan. Kung seseryohin ng KWF ang balak nitong desentralisasyon ng mga tungkulin nito tungo sa PSWF, ang PSWF ay dapat maihanda tungo sa pagkakaroon ng sariling mga kawaning may taglay na kasanayan at kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng pananaliksik. Ngunit masaklap mang aminin, may pagkukulang ang KWF para sa pagbubuo ng patakaran tungo sa pagpapalakas ng PSWF. Ang PSWF ay kontrolado ng isang tao mula sa KWF; at hindi ko alam kung bakit hangga ngayon ay umiiral ang ganitong kalakaran kahit na paulit-ulit kong puwingin sa mga pulong ng Komisyoner.

Maaaring mahirap makapagrekomenda sa pambansang antas ang PSWF, ngunit kung makagagawa ito ng pangmatagalang pananaliksik na may datíng at makatutulong sa pagbabalangkas ng mga panukalang patakarang maisusumite sa Pangulo ng Filipinas, ay mabuti. Makatutulong ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang akademikong institusyon sa loob ng Bulakan, ang paghingi ng tulong-pananalapi sa pamahalaang panlalawigan at pambayan, at ang paglapit sa mga pambansang ahensiya sa gaya ng NCCA, DepEd, at CHED. Samantala, bago tumanaw sa malayo ay makabubuting tingnan ang PSWF alinsunod sa partikular na bisyon nito at kaugnay ng bisyon ng KWF. Paano gagawing makatotohanan ang itinatadhana ng Saligang Batas 1987? Paano makagagawa ng panuhay na batas hinggil dito? Mga simpleng tanong ito na masasagot lamang kung magsisimulang magsaliksik ang gaya ng PSWF alinsunod sa hinihingi ng panahon.        

[Binasa ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Bulacan State University, bilang bahagi ng patuluyang seminar ng Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino-BSU para sa mga estudyante at guro sa Filipino.]   

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino

Papel ng Komisyon sa Wikang Filipino sa Pagpapaunlad ng Kurikulum sa Filipino: Ugat, Posibilidad, at Panukalang Hakbang

Roberto T. Añonuevo
KWF Direktor Heneral

Umalingawngaw muli ang pangalan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) dahil ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag nito, bukod sa kumalat sa merkado ang bagong dalawampung pisong papel na gumugunita sa wikang pambansa. Pagkaraan nito ay parang walang nangyari, at nagpatuloy ang lahat sa kani-kanilang tungkulin o gawain. Kung iisipin nang maigi, mapanganib ang gayong katahimikan. Ang katahimikan ay maaaring senyales ng paghina ng KWF, at lantarang pagpapamalas ng di-pagpansin ng publiko o panlalamig ng Tanggapan ng Pangulo sa mahalagang papel ng KWF sa pagbubuo ng patakarang pambansa hinggil sa usaping pangwikang may kaugnayan, halimbawa, sa multilingguwalismo o pagbubuo ng Filipinong kurikulum.

Makabubuting ipakilala muli ang KWF, at itampok ang tungkulin at pananagutan nito sa sambayanan.

Noong 27 Oktubre 1936, inihayag ni Pang. Manuel L. Quezon sa Unang Pambansang Asamblea ang pangangailangan “sa isang pangkalahatang wikang katutubo na sinasalita ng sambayanang Filipino.”[1] Bagaman maraming wika at diyalekto sa Filipinas, nanatiling Espanyol at Ingles ang opisyal na wika sa komunikasyon at transaksiyon sa gobyerno, negosyo, hukuman, at edukasyon, na pawang nagbunga ng pagkatiwalag ng mga mamamayan sa sariling bansa. Kinakailangang gawin ito ng gobyernong kolonyal at ng mga kabalikat nilang opisyales na lokal upang manatili sa poder sa mahabang panahon.

Payak ngunit mabigat ang pangangailangan sa pambansang wika. Ang wika, ani Quezon, “ang pinakamatibay na ugnayang magbibigkis sa mga tao at magtataguyod ng pagkakaisa ng pambansang lunggati, pangarap, at sentimyento.”[2] Mahihinuhang may pagkilala si Quezon sa lipunang multilingguwal, ngunit napakahalaga ng pambansang wikang inaasahang magiging tulay pagsapit sa mga lalawigan, at kakawing sa pag-uugnayan ng mga tao na nagmula sa kung saan-saang panig ng Filipinas.

Sinubok na noon na gamitin ang Espanyol at Ingles sa edukasyon at gobyerno, ngunit may hinuha ang pangulo na imposibleng maging lingua franca ang naturang dalawang wika pagsapit sa mga lalawigan. Dumating ang sandali na pinili ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa, matapos ang mahabang saliksik, konsultasyon, at pag-aaral ng mga eksperto. Lumusog ang bokabularyo ng Tagalog nang maging bukás sa iba pang wika sa rehiyon at mga wikang internasyonal sa usapin ng panghihiram, pag-angkop, pagsasalin, at pag-angkin ng salita’t kaugnay nitong konsepto. Ipinamalas din sa mga pag-aaral, gaya ng The Family of Philippine Languages and Dialects [1957] ni Jose Villa Panganiban, at Tagalog-Hiligaynon [1973], Tagalog-Iloko [1972],  at Tagalog-Sebwano [1972] Cognate Words ng Surian ng Wikang Pambansa [Institute of National Language] ang matalik na pagkakahawig ng mga termino mulang ugat na salita, ispeling, pahiwatig, pakahulugan, at bigkas, na pawang hindi masasabi sa panig ng Ingles na tradisyong Anglo-Saxon ang pinagmulan. Sa maninipis na lathalain ng SWP, ilalathala ang Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Samar-Leyte (1970) ni Alfonsa E. Tizon; Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Hiligaynon (1970) ni Epifania M. Militar; at Hambingang Pag-aaral ng mga Panlapi sa Tagalog at Sebuwano (1970) nina Priscilla Dingcong at Epifania M. Militar. Ilan lamang ang mga ito na patunay kung gaano katalik ang ugnayan ng Tagalog na pinagbatayan ng wikang pambansa sa iba pang wika sa rehiyon.

Marahang nakapagpundar ng mga diksiyonaryo, bokabularyo, at antolohiya ang KWF sa paglipas ng panahon. Habang sinusulat ito, nakapagpalathala na ito ng 13 diksiyonaryo, 19 bokabularyo, at 10 antolohiya ng panitikan na pawang naglahok ng mga panrehiyong wikang bukod pa sa Filipino.[3] Kung sisinupin lamang ang mga ito ay malaki ang maitutulong nito sa pagpapalago ng wikang Filipino at ng mga wika sa rehiyon, bukod sa mailalahok sa Filipinong kurikulum. Kapag binalikan ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Bilang 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” kabilang sa mga sangay nito ang sumusunod: 1) Pananaliksik at Ebalwasyon; 2) Leksikograpiya at Terminolohiya; 3) Pagsasalin; 4) Literatura 5) Iba pang mga Wika ng Pilipinas; 6) Pagpapalaganap, Kabatiran at Pagpapalathala; 7) Panlarangang Sentro ng Wika;  at 8)  Pangkalahatang Lingkuran.[4] Hindi kataka-taka kung bakit maraming diksiyonaryo, bokabularyo, at tumbasan ang KWF.

Magbabago noong 2006-2008 ang balangkas ng KWF, alinsunod na rin sa mungkahing pagbabago noong administrasyon ni dating Punong Komisyoner Ricardo Nolasco at siyang isinumite sa Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM). Maglalaho ang Literatura at iba pang mga wika ng Pilipinas, at higit na maitatampok ang Lingguwistika, Leksikograpiya, Pagsasalin, at Impormasyon at Paglalathala.[5] Magbabago rin ang pangalan ng Panlarangang Sentro ng Wika at magiging Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), na binubuhay ngayon para maging sangay ng pananaliksik sa mga lalawigan. Nalagas ang mga tauhan ng KWF, at ang mga posisyong nabakante ay hindi na napunuan at nailipat sa ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang totoo’y salungat sa plano noong administrasyon ni Ponciano Pineda ang plano ng administrasyong Nolasco na alisin ang Sangay ng Panitikan at iba pang mga wika ng Pilipinas sa balangkas ng KWF. Saad nga sa isang lathalain ng KWF, “Sa plano ni Direktor Pineda sa pagpapabulas ng Filipino, mahalaga ang papel ng panitikan at pagsasaling-wika. Ang mga ito ay saklaw ng mga katangiang angkin ng wika na kailangang paunlarin upang yumabong ang Filipino sapagkat sa pamamagitan ng panitikan at pagsasaling-wika ay nakabubuo tayo ng mga bagong salita at kahulugan, parirala at ekspresyon.”[6]

Kung babalikan ang pagsisimula ng SWP, nakasalig ito sa pagpapalathala ng mga kritika at sanaysay hinggil sa katha, tula, at dula na ang ultimong layon ay pataasin ang uri ng panitikang Filipinas sa kabuuan. Pagkalipas ng ilang taon, magbabago ang lupon ng mga direktor o komisyoner ang SWP, at ang dating kiling nito sa panitikan ay malilihis sa lingguwistika.

Patakaran at Programa

Malaki ang kinalaman ng KWF sa pagpapaunlad ng Filipino, lalo sa pagbabalangkas ng mga polisiya mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa mga naging pangulo ng Filipinas, si Manuel Quezon ang primerang nakinabang dahil hinihingi ng panahon, yamang nakapagpapalabas siya ng patakaran sa pamamagitan ng Kawanihan ng Edukasyon alinsunod sa payo ng SWP. Ang dating SWP, sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134, “ay inaatasang maglathala ng diksiyonaryo at balarila sa Filipino [na batay sa Tagalog].” Nagkasanga ang dalawang aklat na ito, at noong 1946 ay inilabas ang pangunang gabay sa ortograpiya na likha ng SWP, at nilagdaan ni Esteban Abada na noon ay Direktor ng Edukasyon.[7] Sa puntong ito, nagsisimula na ang mahigpit na ugnayan ng SWP at Kawanihan ng Edukasyon. Apat na ulit pang mababago ang ortograpiya sa Filipino (1960, 1976, 1987, at 2009). Maglalathala rin ng katipunan ng mga idyoma, kuwento, tula, at dula ang SWP samantalang iminungkahing simulang gamitin noong 1940 ang (F)ilipino sa mga piling pitak sa pampaaralang pahayagan alinsunod sa panuto ng lingguwistikang itinadhana ng SWP.[8] Sisimulan din noong 1946 ang pag-eeksperimento na pagbuklurin sa estudyanteng nakauunawa ng Tagalog at hindi taal na Tagalog.[9]

Hindi basta maipapantay lamang ang Filipino sa Tagalog, kahit pa sabihing malaki ang pagkakahawig ng dalawang wika alinsunod sa gramatika, palaugnayan [sintaks], at paglalapi, at siyang idinidikdik ng ilang lingguwista. Dumaan ang Filipino sa pagpapanday, mulang estandarisasyon ng ortograpiya hanggang eksperimentasyon sa retorika hanggang usapin ng politikang pangkultura, partikular sa sosyolingguwistika. Ngunit higit pa rito, ang Filipino ay malinaw na lumago nang ganap ang korpus. May kaugnayan dito ang aktibong pagbubuo ng mga diksiyonaryo at tesawro; paglaganap ng tradisyonal na midya, internet, at telekomunikasyon; pagsusulong ng sari-saring pambansang kumperensiya, seminar, at palihan hinggil sa wika at panitikan; pagtatatag ng mga samahang pangwika sa loob at labas ng akademya; pagpapalimbag ng mga lathalain at panitikan hinggil sa Filipino, bukod pa ang elektronikong pagpapalathala; pagdami ng mga publikasyong naglalathala ng panitikang Filipino at iba pang wika; pagsasalin sa Filipino ng mga akda mula sa banyagang wika o kaya’y lalawiganing wika; at paggamit at pagpasok ng Filipino sa iba pang lárang o disiplinang dating sakop lamang ng Ingles.

Sumapit na ang Filipino sa abanseng yugto. Yumabong ito at yumaman, dahil sa paglalahok sa korpus nito ng mga wikang lalawiganin at iba pang wikang internasyonal, at maihahalimbawa ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009). Malaki na ang mga pagbabago sa pagbubuo ng pangungusap simula nang ipakilala ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa, salamat sa mga manunulat at editor na sa paglipas ng panahon ay nag-ambag ng kani-kaniyang halimbawang akdang pampanitikang mapagsusumundan. Naglathala ng mga teksbuk sa mga espesyalisadong larang ang UP Sentro ng Wikang Filipino, gaya ng siyensiya at teknolohiya hanggang paggugubat at arkitektura hanggang matematika at musika. Hindi ba ito ang mithi ng Seksiyon 6, Artikulo XIV, ng Konstitusyong 1987?

SEK. 6. Ang wikang pambansa ng Filipinas ay Filipino. Samantalang nililinang ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itayugod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.[10]

Kung tititigan nang maigi ang siniping probisyon, mababatid na tinupad na ng kasalukuyang henerasyon ang pagsasagawa ng unang talata ng Seksiyon 6. Ngunit ang ikalawang talata, na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtataguyod sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hindi pa lubusang nakakamit sa panahong ito. Ito ay dahil mabagal ang kapuwa Senado at Kongreso sa pagpapasa ng panuhay na batas [enabling law] hinggil sa midyum ng pagtuturo. May panukalang batas si Rep. Magtanggol Gunigundo I ng Ikalawang Distrito ng Lungsod Valenzuela hinggil sa pagtatatag ng edukasyong multilingguwal at programang literasi, ngunit ang panukalang ito ay waring pailalim na pinahihina ang Filipino, pinalalakas ang Ingles bilang lingua franca sa buong Filipinas, habang kunwa’y isinusulong ang edukasyong multilingguwal sa mga lalawigan.

Malinaw ang Konstitusyon ng 1987 sa paggamit ng Filipino: “Filipino, at habang wala pang itinatadhana, Ingles, ang mga wikang opisyal ng Filipinas ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo.”[11] Idinagdag pa rito na ang “mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbing pantulong sa mga wikang panturo roon.”

Bakit kailangang sipiin at balikan ang Saligang Batas ng 1987? Sapagkat narito ang butil na kailangang ihasik at pasibulin para maabot ang pangarap na wikang Filipino. Kailangang balikan din ang Batas Republika 7104, dahil ito ang batas na nagtatatag sa KWF at naglalatag ng mga tungkulin nitong marapat gampanan upang maging matagumpay ang paggamit ng Filipino.

KWF at Kurikula sa Filipino

Nang imungkahi ni Pang. Quezon na itatag ang SWP, malinaw sa kaniya ang dalawang bagay: una, pag-aralan sa pangkalahatan ang mga wika sa Filipinas; at ikalawa, pagtibayin ang “pangkalahatang pambansang wika batay sa isa sa mga katutubong wika.”[12] Gaano man kaganda ang nasabing mithi, isinaalang-alang pa rin ni Pang. Quezon ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan sa buong kapuluan. Ang ganitong paraan ng pagtanaw ay waring urong-sulong na patakaran, at minamahalaga ang akomodasyon sa banyagang wika para pagbigyan ang hinihingi ng mananakop. Isang parikala na ang “pambansang wikang Filipino” [Filipino national language], ayon sa Batas Komonwelt Blg. 570, ay isinabatas noong 4 Hulyo 1946. “Filipino” ang tawag sa wika, ngunit gagamitin ang Tagalog para ikompara ang dalawang wika, at pahinain ang mithing Filipino para sa ikalalakas ng Ingles.[13]

Sa nasabing tindig ni Pang. Quezon, apektado kahit ang pagbubuo ng kurikulum sa elementarya at sekundaryang antas. Ang buong sistema ng edukasyon noon ay sumandig sa Ingles, habang isinasaalang-alang ang humihinang Espanyol bilang kurso. Iuutos ng pangulo sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 263, na sa simula ng 19 Hunyo 1940, “ituturo ang pambansang wika sa lahat ng publiko at pribadong paaralan sa bansa.”[14] Tutugon sa pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 1, s. 1940 ang Kalihim ng Publikong Pagtuturo Jorge Bocobo na “ituro ang Pambansang Wika simula ng 19 Hunyo 1940 sa ikaapat na taon ng lahat ng publiko at pribadong paaralan at pribadong pasanayang panggurong institusyon.”

Noong 3 Mayo 1940, nagpalabas ng Sirkular Blg. 26, s. 1940 si Celedonio Salvador ng Kawanihan ng Edukasyon na nag-aatas na ituro ang pambansang wika sa mga paaralang sekundaryo at normal. Ang introduksiyon sa “Pambansang Wikang Filipino” ay paghubog sa kasanayan ng mga guro, gaya ng pagpapalabas ng “mga unang leksiyon sa pambansang wika.”[15] Nakatuon ito sa mga gurong hindi bihasa sa Tagalog. Sesegundahan ito ng pagbubukod ng mga klase para sa maalam sa Tagalog at di-Tagalog.[16]

Ang Filipino ay hindi lamang ituturo bilang wika, at maihahalimbawa ang Babasahin ng Mamamayan (1950) na koleksiyon ng maiikling kuwento at nakatuon sa edukasyon ng mga tigulang [adult education]. Inendoso ito ni Benito Pangilinan, ang direktor ng mga publikong paaralan, dahil sa pagtataglay ng mga birtud ng pagsisikap, dangal sa paggawa, pag-unawa ng tao, pagkamakabayan, pananampalataya sa Diyos, pakikipagkapuwa, atbp. Higit pa rito’y iminungkahi niya na isalin sa iba pang wika ang mga kuwento upang maiangkop sa mga pangkat ng tigulang.[17] Sa ganitong pangyayari, ang pagpapalusog ng Filipino ay kaugnay ng pagpapalusog ng mga wikang panrehiyon.

Ang unang balangkas sa kursong Pambansang Wika 1 ng Normal na Kurikulum ay lumabas noong 1950.[18] Ang balangkas ay nakabatay sa Balarila ng Wikang Pambansa. Magbabago pa ito habang lumalaon, at maidaragdag ang mga kasabihan, idyoma, at panuntunan sa pagtuturo ng panitikan.[19] Noong 1956, binigyan ng awtoridad ang bawat superbisor ng dibisyon ng Wikang Filipino “na pangasiwaan ang pagtuturo ng [Filipino] sa mga pambansang paaralang pang-agrikultura at pangkabuhayan” na may sariling superintendente.[20] Inilahok din ang Filipino sa edukasyon at kultura noong 1956, ngunit kaugnay lamang sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Pinakamalawak ang naging saklaw ng SWP nang magsahimpapawid ito ng mga impormasyon  sa DZHF, tuwing Miyerkoles, alas 8:00 ng gabi.

Maselan ang pagpapalaganap ng Filipino, at kinakailangang magpalabas ng memorandum ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan noong 1957 para sa pagpapalaganap at popularisasyon ng wikang Filipino.[21] Kalakip nito ang ilang mungkahi sa nagagamit at interesanteng pagtuturo, ang pagpapalago ng bokabularyo sa pamamagitan ng panghihiram ng banyagang salita, ang pagkakaroon ng pitak sa Filipino sa mga pahayagang pampaaralan, at ang paghikayat sa mga opisyal at guro ng mga paaralan na gamitin ang mass media at ang pagpapahatid ng mga balita at patalastas sa pamamagitan nito hinggil sa mga proyekto at gawain ng mga paaralan.

Hindi makokontento ang Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at magsasagawa ito ng eksperimento sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang tulay ng pagtuturo sa mga Grado III, IV, at V noong 1956-1957 sa limang rehiyong di-Tagalog. Batay sa resulta ng eksperimento, ang Pilipino [Filipino] ay higit na epektibong midyum ng pagtuturo kaysa Ingles sa mga sabjek na pagbasa, wika, aritmetika, at araling panlipunan sa tatlong gradong nabanggit. Gayunman, mahahanggahan ang paggamit ng Filipino sa mga asignaturang gaya ng araling panlipunan, edukasyong pangkalusugan at pagpapalakas ng katawan, edukasyon sa wastong pag-uugali, at edukasyong panggawain.[22] Kung babalikan ang Resolusyon Bilang 73-7 ng National Board of Education noong 7 Agosto 1973, “ang Ingles at Pilipino ay magsisilbing tulay ng pagtuturo at ituturo bilang asignatura sa kurikulum mulang unang grado hangang antas unibersidad sa lahat ng paaralan, publiko man o pribado….” Nagkatotoo ang nasabing pahayag sa panig ng Ingles subalit nanatiling pangarap lamang magpahangga ngayon sa panig ng Filipino.

Sa mga probisyon ng Saligang Batas 1987, hindi limitado ang Filipino sa ilang sabjek, gaya ng HeKaSi (Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika) at Filipino, bagkus maaaring gamitin din sa agham at matematika. Ngunit iba ang interpretasyon ng DepEd, kaya marahil nananatiling Ingles ang midyum ng pagtuturo sa agham at matematika magpahangga ngayon.  Noon pa mang 1985, iminungkahi na ni Direktor Pineda na “pahintulutan ang paggamit ng Pilipino sa agham at matematika.”[23] Sa patakarang bilingguwal na nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing noong 1987, pananatilihin ang Ingles bilang internasyonal na wika para sa Filipinas at di-esklusibong wika ng agham at teknolohiya.[24] Bukod dito, layon din ng Patakarang Bilingguwal na Edukasyon ang pagpapalaganap ng Filipino bilang wika ng literasi. May puwang nang binubuksan si Kalihim Quisumbing. Patutunayan naman ng UP Sentro ng Wikang Filipino noong dekada 1990 na kaya nitong lumikha ng mga teksbuk sa agham at matematika sa abanseng antas, ngunit nang mapalitan ang pamunuan ng UP ay nagbago rin ang tangkilik na inilalaan sa pagbubuo ng mga teksbuk sa Filipino.

Sa gitna ng maiinit na debate hinggil sa bilingguwalismo, at ngayon ay multilingguwalismo at Filipinong kurikulum, sangkot palagi ang KWF dahil ito ang ahensiya ng pamahalaang direktang bumubuo ng mga patakarang pangwikang ipinapasa sa pangulo ng bansa upang pagtibayin, o kung hindi man ay nagmumungkahing isabatas ng mga mambabatas bago pagtibayin ng pangulo.

May karapatang makialam ang KWF sa mga patakaran ng DepEd sapagkat nakapahiyas sa titik e, Sek. 5 ng “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Bilang 7104” ang tungkulin ng KWF na:

ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga [sic] grant at award, ang pagsulat at pagpapalathala sa Filipino at sa iba pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at mga [sic] materyales na reperens[i]ya sa iba-ibang disiplina.[25]

Sineseryoso ng KWF ang pagrepaso noon ng mga teksbuk at iba pang babasahin para sa mga paaralan. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naglaho ang naturang gawain ng KWF, at marahil ay may kaugnayan dito ang pagbabago ng administrasyon, pagsasaayos ng estruktura ng tanggapan, at paghahanay ng priyoridad na mga programa o proyekto, bukod sa pagkaunti ng badyet na taunang inilalaan ng gobyerno. Kailangan pang pag-isipan ngayon sa KWF kung paano makagaganyak at makapagtataguyod ng pagsulat at pagpapalathala ng teksbuk kung ang estado ng nasabing mga gawain ay  kulang sa mga tauhang sapat ang karanasan o kaalaman sa isang tiyak na larang o disiplina, bukod sa nalagasan pa ng sangay na dapat sanang magpapalakas sa panitikan at iba pang wika ng bansa.

Pagsasaayos ng Estruktura

May maitutulong ang KWF sa pagpapanibago ng kurikulum ng DepEd, at kahit sa CHED. Ang KWF, kung gagabayan nang matalino at matuwid ng mga komisyoner na kumakatawan sa iba’t ibang wika at disiplina, ay makapag-aambag ng sariwang kaisipan hinggil sa Filipinong kurikulum, at marahil ay maisusulong ang adyenda ng edukasyon ng administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Hindi ko sinasabing magagawa ito nang kisapmata. Ngunit magagawa ito. Magagawa ito sa tulong din ng mga organisasyong pangwika (gaya ng Kasugufil) at indibidwal na kinakailangang makilahok sa mga programa at proyekto ng KWF. Ang aktibong pakikilahok ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pampaaralan, pambayan, at pangmanunulat ay nararapat lamang dahil ito ang manipestasyon ng “Lakas ng Bayan” [People Power] na ginugunita ngayong taon ang ika-25 taon ng anibersaryo. Nakapahiyas sa Saligang Batas ng 1987 ang pagkilala sa pagkikilahok ng taumbayan sa mga gawaing pampamahalaan.[26]

Hindi dapat maging bukod ang KWF sa madla. Sa halip, ang KWF ay dapat maging bukás sa mga mungkahi ng madla at eksperto, nang sa gayon ay makapagbuo ng mga hakbang para sa wika.

Noong mga unang taon ng administrasyon ni Direktor Pineda, kabilang sa priyoridad ang pagsasagawa ng mga sosyolingguwistikong pananaliksik. Aniya, “kailangan ang ganitong mga saliksik upang maging batayan ng mga patakarang pangwika.”[27] Kabilang sa mga sarbey na kaniyang isinagawa ang una, sarbey sa diyalekto ng Maynila; ikalawa, sarbey sa alpabeto; ikatlo, wika at sosyo-ekonomikong pag-unlad ng kanayunan; ikaapat, paggamit sa mga terminolohiya ng SWP; at higit sa lahat, sarbey sa kalagayan ng implementasyon ng edukasyong bilingguwal. May iba pang saliksik ang administrasyon ni Pineda, at ang ganitong programa ay maglalaho sa panahon ng administrasyon ni Punong Komisyoner Nita Buenaobra, aangat nang bahagya sa administrasyon ni Nolasco, at sinisikap na buhayin sa panahong ito.

Kung ipagpapatuloy ang mandato ng KWF, na isulong ang pananaliksik upang makabuo ng mga programa at proyektong makapagpapasigla sa paggamit ng wikang Filipino, ay tiyak na malayo ang mararating nito. Makapagrerekomenda ang KWF hinggil sa mga tumpak na hakbang, halimbawa sa multilingguwalismo na nagtataguyod ng pambansang wikang Filipino, o kaya’y makapaglalahok ng diwain hinggil sa pagbubuo ng mga sangguniang aklat na malusog ang panitikan, kasaysayan, at kultura, bukod sa bukás sa mga pagbabagong hatid ng impormasyon at teknolohiya.

Marahil ay hindi alam ng nakararami na ang dating pamunuan KWF ay listahan ng mga dakilang manunulat, kritiko, dalubwika, edukador, at makabayan. Jaime C. de Veyra. Lope K. Santos. Julian Cruz Balmaseda. Cirio H. Panganiban. Cecilio Lopez. Jose Villa Panganiban. Ponciano BP Pineda. Nakapag-ambag sila ng mahahalagang patakarang pangwika sa paglipas ng panahon, at ngayon ay kinakailangang iangat sa higit na abanse’t matalisik na pagkilos. Nawa’y madagdagan pa ang nasabing listahan ng iba pang dakilang tao, na handang magtaya nang malaki para sa wikang Filipino at mga wikang panrehiyon sa Filipinas. Hinihingi ng panahon ang sariwang pagbabago, at pagbabagong magpapatayog sa simulain at bisyon ng wikang Filipino.

At magagawa ang lahat ng ito sa tulong ninyo.

[*Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Ikalawang Pambansang Kongreso sa Wikang Filipino, na may temang “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya” na ginanap sa Teachers’ Camp, Lungsod Baguio noong 17 Abril 2011 at inorganisa ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino). Si Añonuevo ay matinik na makata, kritiko, editor, at tagasalin. Nakapagpalathala na siya ng tatlong aklat ng tula, at ang ikaapat na kalipunan ay ilalathala ngayong taon ng Ateneo de Manila University Press. Naging editor ng mahigit 30 aklat pampanitikan, nakapagsalin ng mga aklat sa kasaysayan, panitikan, pagbabagong-klima, agham pampolitika, kalusugan, at ng mga teksto sa pelikula at pahayagan mulang ibayong dagat. Isa siya sa mga pundador ng Oragon Poets Circle, ang samahan ng mga pili’t premyadong makata ng Filipinas, dating pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), naging pangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kasapi ng Filipinas Institute of Translation (FIT) at Wika ng Kultura at Agham Inc (WIKA Inc). Kabilang sa mga tinamo niyang parangal ang Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, SEAWrite Award sa Thailand, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Grand Prize Sawikaan, National Book Award mula sa Manila Critics Circle, at maraming iba pa. Si Añonuevo ang bagong talagang Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino sa administrasyon ng Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III.]

Dulong Tala


[1] “Message of His Excellency, Manuel L. Quezon, President of the Philippines to the First National Assembly on the Creation of an Institute of National Language,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 2.

[2] Ibid.

[3] Balikan ang “Mga Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Ang Wikang Filipino bilang Wikang Panlahat, ni Sheilee Boras-Vega. Komisyon sa Wikang Filipino: Maynila, mp. 66-67. May iba pang hindi nakalahok dito.

[4] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas ng [sic] Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino,” sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 73. Nakapagtataka na hindi ito nakalahok sa Philippine Gazette, at hindi rin makita ang mga pahayagang kinalathalaan nito. Isang obserbasyon ng Direktor Heneral na kailangang baguhin na ito upang umayon sa pagbabago ng panahon, ngunit wala pang aksiyon ang kasalukuyang Lupon ng mga Komisyoner.

[5] Malaking tanong ito sa KWF dahil ang Sangay ng Panitikan at Iba pang Wika sa Pilipinas ay nakapaloob sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.” Hindi maaaring baguhin ang naturang mga tuntunin at regulasyon hangga’t walang opisyal na pagsusog saka pagpapatibay na ginawa ang Lupon ng mga Komisyoner. Isang parikala rin na tinanggal ng administrasyong Nolasco ang sangay na sumusuporta sa mga panrehiyong wika, gayong isinusulong ng nasabing punong komisyoner ang multilingguwal na edukasyon.

[6] Basahin ang Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987), ni Aurora E. Batnag, at batay sa saliksik ni Candelaria Cui-Acas. Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 12.

[7] Basahin ang “Spelling of the Dipthongs IA, IE, IO and the non-dipthongs IA, IE, IO in the Filipino National Language,” Bulletin No. 8, s. 1946, Nobyembre 9, 1946 at nilagdaan ni Esteban R. Abada na direktor ng edukasyon.  Tumutukoy ito sa lingguwistikong tala na inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa. Maiuugnay din sa naturang ortograpiya ang “Scope and Uses of the Verbal Affixes UM- and Mag-” Bulletin No. 2, s. 1950, at “Correct Spelling of Proper Names in Writing in the National Language,” Memorandum No. 73, s. 1950, Disyembre 6, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan na Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[8] Basahin ang “The National Language in School Papers,” Bureau of Education, Bulletin No. 26, s. 1940, Nobyembre 15, 1940, at nilagdaan ni Celedonio Salvador, Direktor ng Edukasyon.

[9] Basahin ang “Separate National Language Classes for Tagalog and non-Tagalog” Memorandum No. 9, s. 1946,” na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Setyembre 20, 1946.

[10] “Seksiyon 6, Artikulo XIV ng Konstitusyon ng Republika ng Filipinas ng 1987,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 490.

[11] Tingnan ang Seksiyon 7, Artikulo XIV, Konstitusyong 1987.

[12] Quezon, ibid., p. 2.

[13] Nakasaad halimbawa sa artikulong nalathala sa Bagong Buhay, Abril 11, 1955, ang pamagat na “Gamitin ang Tagalog sa lahat ng pagkakataon—RM” ngunit ang talumpati ni Pang. Ramon Magsasaysay ay tumutukoy sa “Wikang Pilipino” [Filipino language] at “Wikang Pambansa.” Ang ganitong detalye, gaano man kaliit, ay nagpapantay sa “Tagalog” at “Pilipino” na isang malaking pagkakamali.

[14] Mula sa Executive Order No. 263 na pinamagatang “Authorizing the Printing of the Dictionary and Grammar of the National Language, and Fixing the Day from which said Language shall be Used and Taught in Public and Private Schools of the Philippines,” Komisyon sa Wikang Filipino, Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang Kaugnay na Batas (1935–2000), 2001, p. 11.

[15] Pinamagatang “First Lessons in the Filipino National Language,” Bulletin No. 9, s. 1946, Nobyembre 21, 1946, na nilagdaan ni Esteban R. Abada, Direktor ng Edukasyon at ipinadala sa mga superintendente ng dibisyon.

[16] Tinutukoy dito ang “Separate National Language Classes for Tagalog and Non-Tagalog,” Memorandum No. 9, s. 1946, Setyembre 20, 1946, at nilagdaan ni Esteban R. Abada na Direktor ng Edukasyon.

[17] Basahin ang “Citizens Reader for Adult Education Classes,” Bulletin No. 6, s. 1950, Abril 5, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.”

[18] Basahin ang “Outline of the Course in National Language I of the Normal Curriculum,” Memorandum No. 33, s. 1950, Hulyo 25, 1950, at nilagdaan ni Benito Pangilinan.

[19] Basahin ang “Distribution of Panuntunan sa Pagtuturo sa Wikang Pilipino para sa Mataas na Paaralan,” Memorandum No. 43, s. 1955, Abril 16, 1955, at nilagdaan ni Venancio Trinidad na nanunungkulang direktor ng Kawanihan ng Edukasyon.

[20] Basahin ang “Supervision of Filipino Language Classes in National Agricultural and Trade Schools,” Bulletin No. 81, s. 1956, Hulyo 27, 1956, at nilagdaan ni Venancio Trinidad, Direktor ng mga Publikong Paaralan.

[21] Basahin ang “Propagation and Popularization of Filipino Language,” Memorandum Bilang 56, s. 1957 ng Kagawaran ng Edukasyon, Kawanihan ng mga Publikong Paaralan, at nilagdaan ni Benigno Aldana.

[22] Basahin ang “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad ng Patakarang Edukasyong Bilingguwal,” Kautusang Pangkagawaran Bilang 25, s. 1974, Hunyo 19, 1974, at nilagdaan ni Kalihim Juan L. Manuel.

[23] Basahin ang “Edukasyong Bilinggwal sa Pilipinas: Nasasabi’y Di Rasal,” ni Ponciano BP Pineda. Panayam na binasa sa seminar ng KAPPIL (Kapisanan ng mga Propesor sa Pilipino), sa Pablo Nicolas Awditoryum, Pamantasang De La Salle, 17 Mayo 1985. Inilathala sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huli’t Kalahating Dekada (1970-1987), Lungsod Quezon: Surian ng Wikang Pambansa, walang petsa, p. 45.

[24] Basahin ang “The 1987 Policy on Bilingual Education,” DECS Order No. 52, s. 1987, Mayo 21, 1987, at nilagdaan ni Kalihim Lourdes R. Quisumbing.

[25] Basahin ang “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na Lumilikha ng Komisyon sa Wikang Filipino (Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7104 Creating the Commission on the Filipino Language),  na nalathala sa Journal ng KWF, Unang Labas, Oktubre-Disyembre 1996, p. 68.

[26] Basahin ang Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIII, Seksiyon 15-16 na pinamagatang “Ang Bahaging Ginagampanan at mga Karapatan ng mga Organisasyon ng Sambayanan.” Kailangan umanong igalang ng estado ang mga malayang organisasyon upang matamo at mapangalagaan ng mga tao. . . ang kanilang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng mapayapang paraan at alinsunod sa batas.  Ngunit higit pa rito, “hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng antas na pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.”

[27] Basahin ang “Huling Isa’t Kalahating Dekada ng SWP,” mp. 6-12, nakapaloob sa Limampung Taon ng Surian ng Wikang Pambansa: Huling Isa’t Kalahating Dekada (1970-1987).

Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga leksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Sawikaan: Pambansang Kumperensiya sa Wika ngayong 29-30 Hulyo 2010

Sawikaan 2010: Kumperensiya sa Salita ng Taon sa UP Diliman sa Hulyo 29-30, 2010

Itatanghal ng Filipinas Institute of Translation Inc.  (FIT) sa tulong ng Blas Ople Foundation, Anvil Publishing, Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Komisyon sa Wikang Filipino, U.P. Sentro ng Wikang Filipino, at ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura ang Sawikaan 2010: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon sa Hulyo 29-30, 8:00n.u. -5:00n.h. sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Diliman, Lungsod Quezon.

Noong 2007, “miskol” ang naideklarang salita ng taon dahil sa angkop na paglalarawan sa pag-angkin ng Filipino sa hiram na konsepto ng komunikasyon. Hindi lamang ito di-nasagot na tawag kundi isang paraan ng paramdam, pagyayabang, at iba pang ugaling Filipino.

Hindi isinagawa ang kumperensiya noong 2008 at 2009 dahil naniniwala ang Sawikaan na walang karapat-dapat na salitang lumaganap ng panahong ang maitatanghal na salita ng taon. Sa ngayon, nagkaroon na ng sapat na dami ng mga salita para mapagpilian at maipagpatuloy ang Sawikaan.

Tinanggap ng Sawikaan ang mga mungkahing salita na nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa larangan sosyokultura, politika, ekonomiya at iba pang aspekto ng buhay-Filipino sa nakaraang dalawang taon. Hiniram ito sa dayuhan o lokal na wika, o lumang salita na may bagong kahulugan. Mahalagang karagdagan sa diksiyonaryong Filipino ang salita ng taon.

Tulad sa nakaraang kumperensiya, nag-imbita ang Sawikaan ng mga eksperto sa wika para talakayin ang paraan ng pagpapaunlad sa wikang pambansa. Kabilang sa mga tagapagsalita sa mga sesyon ng Hulyo 29 sina Dr. Mario I. Miclat, dekano ng U.P. Asian Center;  Dr. Jaime Caro, siyentista sa agham-computer; at Dr. Jesus Federico Hernandez, Tagapangulo ng U.P. Departmento ng Lingguwistika; at higit sa lahat, Dekano Dr. Zeus Salazar na pangunahing teoriko at istoryador ng Filipinas. Pangunahing paksang tatalakayin ang neolohismo (pagbuo ng bagong salita), paghiram mula sa mga wikang di-Ingles, wika at kompiyuter, at kalikasan ng wika ng mga bakla.

Pagkaraan ng mga diskusyon, ilulunsad ang bagong edisyon UP Diksiyonaryong Filipino (Anvil Publishing) na pinamatnugutan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Si Dr. Isagani Cruz ang magbibigay ng kritika sa naturang diksiyonaryo para makatulong sa mga guro at estudyante sa pag-unawa sa naturang aklat.

Sa Hulyo 30, sampu hanggang labindalawang tagapagsalita ang magtatanghal ng kani-kanilang papel. Kabilang sa mga lahok para sa salita ng taon ang “jejemon, “unli,” “load,” “tarpo,” “spam,” “solb,” “emo,” “load,” “korkor,”  “namumutbol,” “Ondoy,” at “Ampatuan.” Hahatulan ang mga presentasyon sang-ayon sa mahusay na saliksik, husay ng ebidensiya at argumento, at ganda ng pagkakasulat. Igagawad ng Blas Ople Foundation ang premyong salapi sa una, pangalawa, at pangatlong gantimpala para sa salita ng taon. Ilalathalang libro ang lahat ng papel na binasa sa Sawikaan.

Sa katanungan at impormasyon, mag-email kay Bb. Eilene Narvaez sa filipinas.translation@gmail.com. O bumisita sa opisyal na website sawikaan.net.

Plahiyo at Mukha

May leksiyong mahuhugot sa nakaraang alingasngas na kinasangkutan ng bilyonaryong si Manuel V. Pangilinan, na may kaugnayan sa plahiyo. At ito ang pagiging matapat sa sinasabi, at ang pagsipi nang maayos sa diwain ng iba, at ang pagtataglay ng mukha na inihaharap sa madla. Ang kakatwa, may bahagi ng talumpati si MVP hinggil sa kaniyang karanasan sa pangongopya sa pagsusulit doon sa San Beda, na pinilit siya ng awtoridad na banggitin ang kaniyang mga kakutsaba ngunit tumanggi, at binawi sa kaniya ang karangalang dapat tamuhin ng estudyanteng masikap sa pag-aaral. Parang napanood ko na ito sa pelikula, bagaman naiba nang kaunti sa tunay na buhay.

Kahanga-hanga ang pagpapakumbaba ni MVP, na umako ng kasalanan at hindi na idinamay pa ang dalawang estudyanteng katuwang niya sa pagsulat ng talumpati. “Wala talaga akong ihaharap na mukha pagkatapos,” ang nawika niya sa sulat kay Fr. Bienvenido Nebres.

Mahalaga ang “mukha” para sa mga Filipino. Ang “mukha” ay kaugnay ng dangal, tiwala, at kalooban. May “mukha” na inihaharap sa matatalik na kaanak o kaibigan, at iba ang “mukha” na inihaharap sa publiko. Kapag ang mukha ay nadungisan, para nang winasak ang pagkatao at puri ng sinumang tao. Sa ibang pagkakataon, ang pagkawala ng mukha ay katumbas ng pagpapatiwakal; at sa iba, maihahalintulad sa habambuhay na batik na malilinis lamang sa paggawa ng pambihirang kabutihan sa bayan. Samantala, may ibang “makakapal” ang mukha, na ang ibig sabihin ay gagawin ang lahat makaungos lamang sa kapuwa.

Kung babalikan ang talumpati ni MVP, maiikling sipi lamang naman ang hinugot sa mga talumpati nina Barack Obama, Oprah Winfrey, Conan O’Brien, at J.K. Rowling. Maiikli ngunit sapat na ang mga ito para maibunyag ang pagmamalabis at katamaran, at pag-angkin ng mga diwain at salita ng iba. Kung napaghandaan ang talumpati, higit na makulay ang sariling karanasan ni MVP bilang negosyante at pilantropo na kinakailangan lamang lapatan ng katumbas na mga salitang kaugnay ng katapatan. De-kahon ang pag-uulit hinggil sa kabiguang pinaghunos na tagumpay; higit na magiging kapana-panabik, halimbawa, kung paano maaabot ang tagumpay sa pagtapak sa balikat ng iba o pagsuot sa shortcut para makaharurot nang mabilis.

Natural na malungkot si MVP dahil nagkataong binigyan siya ng doktorado ng Pamantasang Ateneo de Manila na maituturing na kagalang-galang na institusyon sa larangan ng edukasyon. At ang masaklap, ang dalawang estudyanteng naging katuwang niya ang pataksil na gumawa ng pangongopya para mapadali ang asignatura. Mapalulusot na bata pa sila; ngunit kung gayong kabata’y palulusutin na, ano pa ang magiging kinabukasan ng bansang pinababayaan ang katiwalian?

Sa aking palagay ay hindi madali ang paghahanap ng mga manunulat na bumubuo ng talumpati at nasa likod ng isang personalidad. Hindi lamang talino at kadalubhasaan ang kailangan, bagkus tiwala at malasakit para sa tao na kanilang pinagsisilbihan. Ang pangulo, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng anim o sampung manunulat, bukod sa mga mananaliksik, at ang mga sinulat nila ay masinop na paglalangkapin ng isa o dalawang editor. Mapapansin ito tuwing magtatalumpati ang pangulo sa pagbubukas ng batasan, at ang kaniyang wika ay nabubudburan ng elegante at balbal, ng Ingles at Filipino, at kung minsan ay mga siping sinadya para hingin ang palakpak ng taumbayan. Maiiba nang kaunti si Pang. Ferdinand Marcos, dahil kahit mahuhusay ang kaniyang lihim na manunulat ay iginigiit niya ang pananaw na parang isa ring propesyonal na manunulat.

Panahon ngayon ng mga makinang panghanap [seach engines], kaya napakabilis mapasakamay ang samot-saring impormasyon. Gayunman, kaugnay niyon ang pagmamadali, at maraming manunulat ang pinalalampas ang tumpak na pagsipi para makaraos agad sa dedlayn, at magmukhang kahanga-hanga sa madlang haharapin nila. Ang ginawang pagsipi ng mga manunulat ni MVP ay kalakaran ng maraming estudyante at di-iilang guro, at masakit mang sabihin ay umiiral magpahangga ngayon. Bumuklat ng teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, at mapapansin ang mga kinopyang bahagi ng akda.

Kung nais ni MVP na maibalik ang kaniyang mukha, maimumungkahi kong magbigay siya ng pondo na laan sa pagpapahusay sa pagsusulat, pananaliksik, panitikan, at paglinang ng mga wika. Hindi lamang pagkakamal ng salapi ang ikabubuhay ng tao, bagkus pagkakamal din ng karunungang may dangal at may kaugnayan sa pagsasatitik ng isip at kalooban. Kailangang maturuan muli ang mga kabataan ng tamang pagkatha, at paglikha ng mga orihinal na diwaing maipagmamalaki hindi lamang ng Ateneo bagkus ng lahat ng mamamayang Filipino.

Pambansang Adyenda sa Edukasyon ni Benigno “Noynoy” S. Aquino III

SAMPUNG BAGAY NA AKING AAYUSIN SA BATAYANG EDUKASYON NG FILIPINAS

ni Sen. BENIGNO “NOYNOY” S. AQUINO III

Benigno "Noynoy" S. Aquino III

Si Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III ay kandidato sa pagkapangulo ng bansa sa Halalan sa Mayo.

Nasa yugto ng krisis ang edukasyon at hindi na dapat ipaliwanag iyon. Alam ng lahat ang katotohanan. Mataas ang antas ng enrolment sa unang araw ng pasukan, ngunit hindi tayo kumakayod nang husto upang mapanatili ang mga bata sa paaralan hangga’t makapagtapos sila. Sa bawat 100 batang tumuntong sa Unang Grado, 86 lamang ang nakaaabot sa Ikalawang Grado; at pagsapit ng Ikaapat na Grado, halos sangkapat ng nasabing pangkat ay tumigil na sa pag-aaral (24 porsiyento ang umaalis; 76 porsiyento ang nananatili sa paaralan). At sa dulo ng Ikaanim na Grado, 70 porsiyento na lamang ang natitira para magmartsa at tanggapin ang kanilang diploma.

Sa mga nagtapos ng elementarya, tanging 90 porsiyento ang makapapasok sa mataas na paaralan, at wala pang kalahati ng orihinal na grupo na pumasok sa Unang Grado ang makapagtatapos sa Ikaapat na Taon ng hay-iskul (46 porsiyento).

Ang pangkat na iyan ang karapat-dapat o kalipikadong tumungo sa unibersidad. Gayunman, marami sa naturang pangkat ang hindi makapasa sa mga pagsusulit sa pagpasok sa unibersidad dahil sa kahinaan sa paggamit ng wika sa komunikasyon, mababa ang kakayahan sa matematika at agham, at napakahina ang kasanayan sa pagsusuri.  Nakapaloob sa lahat ng ito ang iba pang kritikal na katotohanang dapat tugunin.

Kailangan natin ang pangulo na mag-aalis sa atin sa ganitong gulo, at maglalatag ng adyenda sa edukasyong handang magpasiya nang lubos. Hayaan ninyo akong maghain ng sampung mahalagang bagay na pagtutuunan ko para malutas ang problema sa batayang edukasyon. Ito ang mga patakaran na kinakailangang maitakda sa susunod na anim na taon upang maisaayos ang sistema ng batayang edukasyon, kung nais nating baguhin ang edukasyon sa bansang ito.

1. Siklo ng 12-taóng Batayang Edukasyon

Kailangan nating magdagdag ng dalawang taon sa ating siklo ng batayang edukasyon upang makahabol sa iba pang bansa. Sa ating bansa, ang sinumang maykaya ay nagbabayad ng hanggang labing-apat na taon ng pag-aaral para sa kanilang mga anak bago sumapit sa unibersidad (kabilang na rito ang pre-school, prep, kindergarten, Mga Grado 1–7 at hay-iskul I-IV). Kaya nakapapasok ang kanilang mga anak sa pinakamahuhusay na unibersidad at pinakamahuhusay na trabaho kapag nagsipagtapos.

Hindi ganito ang kaso sa ating publikong paaralan at panlalawigang pribadong paaralan ng mga bata. Doon, may maiikli silang sampung taóng siklo (Mga Grado 1–6, HS I–IV) na makukuha. Kaya sa ating bansa, may dalawa tayong uri ng sistema ng batayang edukasyon, na ang mayayaman ay gumugugol nang malaki para sa maraming taon ng pag-aaral samantalang ang iba’y nakahinto sa sampung taong siklo ng batayang edukasyon.

Nais ko, hangga’t maaari, ang 12 taon para sa ating publikong paaralan upang mabigyan ng pagkakataong magtagumpay ang mga bata. Ang koponan ko sa edukasyon ay nagdisenyo ng paraan na lumihis mula sa kasalukuyang 10 taon (6 sa elementarya, 4 sa hay-iskul) tungo sa preschool hanggang Grado 12 na sistema (na tinatawag ding K hanggang 12 sa iba pang panig ng mundo) sa loob ng limang taon simula sa taunang pasok 2011–2012.

Palalawakin ko ang batayang edukasyon sa bansang ito mula sa 10 taóng siklo tungo sa maihahambing sa pandaigdigang kalakarang 12 taon bago ang wakas ng susunod na administrasyon (2016).

Magkano ang magagastos dito? Sa loob ng susunod na anim na taon (hanggang sa Taunang Badyet 2017), mangangailangan ito ng pamumuhunang aabot sa P100 bilyon o P20 bilyon kada taon sa limang taon upang makapagtayo ng karagdagang paaralan at silid-aralan, makaupa ng maraming guro, makabili ng maraming teksbuk, suplay, at kasangkapan, at makapaglaan ng gastusin sa pagpapanatili at operasyon para sa karagdagang dalawang taon.

2. Unibersal na pre-school para sa lahat

Sa buong mundo, dumadalo ang mga bata sa pre-school bilang unang taon ng kanilang pag-aaral, at nakabatay sa saliksik na ang mga batang nakapasok sa pre-school ay higit na magaling sa mahahalagang palatandaan ng edukasyon, kabilang na ang mababang antas ng paghinto sa pag-aaral, mataas na pagpapanatili at pagtatapos, at higit na mahusay na abilidad na matuto. Sa Filipinas, tanging 20 porsiyento ng lahat ng anim na taong gulang na pumapasok sa Unang Grado ang nakatitikim ng isang taon ng pre-school.

Nagpasiya ang Administrasyong Arroyo na padaliin ang lahat sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan ng mga arugaan (day-care center) bilang pre-school upang maitaas ang pigura (iniulat nila ang hanggang 80 porsiyento na may pre-school kung isasama ang mga arugaan bilang pre-school). Hindi natin malulutas ang nasabing kakulangan kung tatalikuran ang problema. Kailangan nating magtatag ng tumpak na sistema ng pre-school at ibukas ito sa lahat ng bata anuman ang antas ng kabuhayang pinagmulan nila.

Lahat ng bata sa publikong paaralan (at lahat ng publikong paaralan) ay magkakaroon ng ganap na taon ng pagpasok sa pre-school bilang panimula sa kanilang pormal na pag-aaral pagsapit ng 2016.

Magkano ang magagastos sa unibersal na sistema ng pre-school? Ang koponan ko ay sinuri ito at tinantiyang aabot sa P41.4 bilyon. Kung isasagawa nang paunti-unti sa loob ng apat na taon, makagagastos tayo mulang P9.6 bilyon hanggang P11.1 bilyon kada taon.

3. Edukasyong Madaris bilang sub-sistema sa loob ng sistema ng Edukasyon.

Ang mga kapatid nating Muslim ay humihiling ng sistema ng edukasyong gumagalang sa kanilang kultura samantalang naglalaan ng mahuhusay na kurikulum sa Ingles, Filipino, agham, at matematika. Ang antas ng pagpasok sa mga paaralan sa maraming Filipinong Muslim na komunidad, sa Metro Manila, Mindanao, o Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay mababa kompara sa ibang pook. May kahawig tayong dalawang uri ng sistema ng edukasyon, na ang ating mga kapatid na Filipinong Muslim ay naninirahan nang bukod sa iba pa nilang kababayan.

Solusyon sa problemang ito ang edukasyong Madaris na ang Wikang Arabe at Islamikong Halagahang Edukasyon ay inihahain bilang karagdagang aralin sa regular na kurikulum na inihahain ng ating mga publikong paaralan.

Hangad ko ang ganap na batayang edukasyon para sa Lahat ng Filipinong Muslim saanmang dako ng Filipinas sila naroroon.

4. Ibalik ang edukasyong teknikal bokasyonal sa mataas na paaralan.

Kalahati ng mga nagtapos ng hay-iskul ay ibig magtrabaho imbes na pumasok sa unibersidad. At sa nasabing bilang, ang malaking mayorya ay mga lalaki. Noong 1992, nang biyakin ang batayang edukasyon sa basiko, teknikal bokasyonal, at tersiyaryong edukasyon, inalis natin ang teknikal bokasyonal na edukasyon (na tinawag ding “tech-voc”) mula sa hay-iskul at nag-iwan ng kurikulum sa paghahanda tungo sa unibersidad.

Kailangan nating maglaan ng alternatibong edukasyong teknikal bokasyonal upang maihanda ang ating mga estudyante sa daigdig ng trabaho.

Ipakikilala kong muli ang edukasyong teknikal-bokasyonal sa ating matataas na paaralan upang maikawing ang pag-aaral sa mga pangangailangan at trabaho ng panloob na industriya.

5. “Bawat Bata, Mambabasa” sa Unang Grado

Nasa ubod ng mga problema sa pagkatuto ng mga bata ang kahinaan sa tumpak na pagbabasa. Ipinakikita ng mga saliksik na ang kahinaan sa mga pagsusulit ay hinggil sa kawalang kakayahan na magbasa at unawain ang mga pagsusulit.

Sa pagwawakas ng ikalawang administrasyon (SY 2015-16), bawat batang nakapasa sa pre-school ay dapat marunong bumasa pagsapit ng Unang Grado. Kailangan nating magtatag ng mga impraestruktura ng aklatan sa ating mga paaralan, bumili ng mga aklat mula sa industriya ng lathalaan ng Filipinas upang suportahan ang mga lokal na awtor, at sanayin ang ating mga guro kung paano ituro ang pagbabasa.

Sa pagwawakas ng ikalawang administrasyon, ang bawat bata’y dapat nakababasa pagsapit ng Unang Grado.

6. Kahusayan sa Agham at Matematika

Kailangan natin ang malakas na agham at matematikang kurikulum na magsisimula sa Unang Grado at taglay ang mga gamit sa pagtuturo at mga gurong hinubog nang tumpak. Upang makapagtayo ng kultura para sa agham at matematika sa ating mga paaralan, kailangan natin ang mga kapisanan ng mga agham/matematika, at pagtitipong pang-agham at pangmatematika sa matataas na paaralan.

Ititindig kong muli ang impraestruktura sa agham at matematika sa mga paaralan para makalikha tayo ng maraming siyentipiko, inhinyero, tekniko, teknologo, at guro sa ating mga unibersidad, nang sa gayon ang bansang ito ay higit na maging palaban sa pandaigdigang antas ng industriya at paggawa.

7. Tulong sa mga pribadong paaralan bilang katuwang sa batayang edukasyon

Dapat maging katuwang ang pribadong edukasyon sa paglikha ng de-kalidad na edukasyon sa bansa. Ang matatag na sistema ng pribadong edukasyon ay makapagpapalakas ng ating mga publikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternatibo sa mga magulang at nang mabawasan ang pagsisikip ng mga paaralang pinatatakbo ng pamahalaan.

Palalawakin ko ang Tulong ng Pamahalaan sa mga Estudyante at Guro sa Programang Pribadong Edukasyon (Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Program/GASTPE) nang umabot sa 1 milyong pribadong estudyante sa hay-iskul kada taon sa pamamagitan ng education service contracting (ESC/pagkontratang serbisyong edukasyon), habang isinasantabi ang magastos na education voucher system (EVS/sistemang botser edukasyon) ng administrasyong ito.

8. Makatwirang Midyum ng Pagtuturo

Pinatunayan ng UNESCO na matututo nang mahusay at mabilis ang mga bata kapag ginamit ang wikang kinamulatan nila bago dumako sa pag-aaral ng Ingles sa matataas na grado. Ito ang patakarang sinusunod ng DepEd nang maging kalihim ng DepEd si Brother Andrew Gonzalez.

Mulang pre-school hanggang Ikatlong Grado, gagamitin natin ang unang wika bilang midyum ng pagtuturo samantalang itinuturo ang Filipino at Ingles bilang mga aralin. Mulang Ikaapat hanggang Ikaanim na Grado, daragdagan ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo para sa agham at matematika, at ng Filipino sa Araling Panlipunan. Sa hay-iskul, ang Ingles ang magiging midyum ng pagtuturo sa agham, matematika, at Ingles; at ang Filipino para sa Araling Panlipunan, Filipino, at edukasyong teknikal-bokasyonal.

Lampas sa silid-aralan ang aking pananaw hinggil dito. Dapat tayong maging bihasa sa tatlong wika bilang bansa:

  • Matuto ng Ingles at umugnay sa Daigdig.
  • Matuto ng Filipino at umugnay sa ating bansa.
  • Panatilihin ang sariling wika at at umugnay sa pamana ng lahi.

9. De-kalidad na Batayang Aklat

Walang puwang sa ating mga paaralan ang mahihinang uri ng mga batayang aklat o teksbuk, ngunit sa nakalipas na tatlong taon, may mga ulat at pagbubunyag ng mahihina sa saliksik at bara-barang pagkakasulat ng mga batayang aklat.

Hindi ko palalampasin ang mahinang kalidad ng batayang aklat sa ating mga paaralan. Ang mga batayang aklat ay susuriin sa tatlong pamantayan: may kalidad, mahusay na kalidad, at sukdulang kalidad.

10. Kasunduan sa Pamahalaang Lokal na magtayo ng maraming paaralan

Pangwakas, matindi ang kakulangan natin sa mga silid-aralan, at hindi na natin kailangan ang siksikang paaralan. Kailangan natin ang maraming paaralan na may maliliit na populasyon upang ang mga guro, estudyante, at magulang ay makabubuo ng tunay na komunidad ng karunungan. Kung kinakailangan nating magtayo ng maraming silid-aralan, isaayos natin ito bilang bago at maluwag na paaralan.

Magtatayo ako ng higit na maraming paaralan sa mga pook na walang publiko o pribadong paaralan sa pakikipagkasundo sa mga pamahalaang lokal upang makamit natin ang tunay na edukasyon para sa lahat.

Ito ang posisyon ng Partido Liberal hinggil sa Batayang Edukasyon. Kapag naisaayos natin ang sampung bagay na ito, maisasaayos natin ang karamihan sa mga problema ng ating sistema ng edukasyon.

Kapag naisaayos natin ang batayang edukasyon, maisasaayos din natin ang pangmatagalang mga problema ng ating bansa.

At kapag naisaayos natin ang mga problema ng bansa, makapagtatatag tayo ng tunay na malakas na lipunang maipagmamalaki nating Filipinas.

Samahan ninyo ako na maganap ito.

[Si Senador Benigno “Noynoy” S. Aquino III ng Partido Liberal ay kandidato sa pagkapangulo ng bansa. Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo]

Pangkatang Gawain bilang Alternatibong Edukasyon

Sinasalubong ng tag-ulan ang pasukan ng mga estudyante tuwing Hunyo. At sa panahong ito, muling ililitanya ang mga problema sa pasilidad at paaralan, ang kakulungan sa bilang ng guro at kagamitan, ang mabagal na burukratikong palakad sa Kagawaran ng Edukasyon, ang mga pagbabago at kung minsan ay kamalian sa mga sangguniang aklat, ang pagsisikip ng mga lansangan, ang pangangailangan sa seguridad at kalinisan, at iba pa. Pinakamahirap tugunan ang kakulangan ng mga aklat at kagamitan, at ang guro ay napipilitang umisip sa malikhaing paraan kung paano matuturuan nang magaan, mabilis, at epektibo ang mga bata.

Mahirap ang pagtuturo ng guro ngayon dahil ang isang seksiyon ay binubuo ng halos 50 o higit pang estudyante sa elementarya at hay-iskul. Sa ganitong kalaking bilang, ang guro ay mababagahe sa dami ng mga batang susubaybayan, sa kapal ng papeles na papasadahan o gagraduhan, at sa paghahanda ng lingguhang aralin. Hirap din ang guro dahil sa kakulangan ng silid o pasilidad. Masuwerte na ang guro sa pribadong paaralan na may bilang ng estudyante na mulang 25–30 na nakapaloob sa maluwang at malamig na silid-aralan. Masuwerte rin ang mga estudyante dahil matututukan sila nang maigi ng kanilang guro. Ang tanong: may solusyon ba para maturuan nang mahusay ang isang seksiyong may malaking bilang ng estudyante?

Mayroon, sa aking palagay. Ang paraan ng pagtuturo sa mga estudyante ay maaaring hiramin sa padron ng microfinance na lumalaganap ngayon sa mga maralitang pamayanan. Ang mga bata ay maaaring pagpangkat-pangkatin sa tiglilima o tigpipitong katao. Ang bawat pangkat ay magiging responsable sa bawat kasapi, kaya kapag nagloko ang isang kasapi ay puwedeng managot ang buong pangkat. Ang pagtuturo ng guro ay maaaring iangkop sa bilis ng pagsagap ng kaalaman ng bawat pangkat, dahil maaasahan dito na may pangkat na mabilis matuto kompara sa ibang pangkat na sadyang mahina ang ulo. Hinihikayat din sa panukalang pagpapangkat ang sabayang pag-aaral, pagbabasa, konsultasyon, at pagrerepaso, bukod pa ang paghihiraman ng mga aklat.

Sasabihin ng iba na humihikayat ito ng katamaran. Na posibleng mangyari, dahil maaaring sa kagustuhan ng isang bata na makapasa ay gagawin ang lahat kahit ang pangkatang proyekto na iniatas ng guro. Ngunit hindi ito ang ídeal. Sa pagbubuo ng maliliit na grupo, tinatangka rito na palakasin ang konsepto ng bayanihan at kusang-palo [initiative] sa maliit na antas; at ang bawat kasapi ay inaasahang mag-aambag sa anumang malikhaing paraan para sa kapakanan ng kaniyang grupo at sa paglago niya bilang indibidwal. Ang pagsubaybay sa paglago, halimbawa sa pag-unawa sa mga aklat o aralin, ay hindi lamang responsabilidad ng guro kundi ng bawat pangkat na inaasahang magtuturo sa sinumang kasapi na mabagal sumagap o hindi makaintindi ng impormasyong ibinigay ng guro. Ang sinumang ayaw pumaloob sa grupo ay malayang humanap ng iba pang kasama, alinsunod sa pagtatalaga ng guro, ngunit ang gayong pagsama ay hindi lamang dahil sa pakikipagbarkada at pagpapalusot.

Ang pagbubuo ng maliliit na pangkat ay isang panukalang pagdulog sa pagtuturo ng mga bata. Mamamaos sa kasisigaw ang guro na may 50 o higit pang estudyante bawat seksiyon. Kailangan niya ng alternatibong paraan, bukod sa paghawak ng mikropono at pagkasangkapan sa mga ipinapaskil sa pisara. Kung walang makakatuwang ang guro sa kaniyang tungkulin, marahil ang isa niyang masasandigan ay ang maliliit na pangkat ng mga estudyante. Kailangang makumbinsi ng guro ang mga bata na mahalaga ang pangkat, at ang pangkat na ito ay hindi dapat tingnan sa negatibong paraan bagkus sa positibong paraan. Ang maliliit na pangkat, gaya sa microfinance ni Muhammad Yunus na nagpauso ng Grameen Bank sa Bangladesh, ay humihikayat ng pagtutulungan, pamumuno, at pagbabayanihang naghahasik ng diwain ng kolektibong kabutihan at paggawa para iangat ang bawat isa.

Maaaring pangarap lamang ito sa ngayon. Ngunit naniniwala ako na may bisa ang maliliit na pangkat. Ang pagsulong ng maliliit na pangkat, kapag pinagsama-sama, ay isa nang malaking organisasyon ng epektibong edukasyon.