Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Sa Katamaran, ni Charles Simic

Sa Katamaran

Salin ng “To Laziness,” ni Charles Simic
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanging ikaw ang nakauunawa
Kung gaano kaliit ang oras na inilalaan,
Na walang lakas ako para tumulong.
Ang mga tinig sa ibabang hagdan,
Mga diwaing kaybilis kong abutin,
Ano ba ang halaga ng lahat ng ito?
Kapag nanawagan ang eternidad.

Nágsará ang mabibigat na kortina,
Hindi nabása ang mga pahayagan.
Nagkaalikabok na ang mga susi.
Lulugo-lugo o patay ang mga langaw.
Tila mabagal na bangka ang higaan,
Na ang matamlay nitong layag
Ay yari sa usok ng sigarilyo.

Nang kumaslag na ako sa wakas,
Nagsarado na ang mga tindahan.
Linggo na ba ngayon?
Tapos na ang kasal at ang paglilibing.
At ang naiwang isa o dalawang ulap
Sa ibabaw ng madilim na bubungan
Ay hindi malaman kung saan pupunta.

porsche lost places car black black and white motor vehicle monochrome photography automotive design photography vehicle monochrome darkness still life photography classic automotive lighting computer wallpaper vintage car headlamp sports car compact car

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.