Panggulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pangguló

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Gumagapang sa disyerto ang anino, at ang anino ay nangangarap ng kabundukan ng yelo. Paikot-ikot sa himpapawid ang buwitre kung hindi man agila, at doon sa pusod ng kapatagan, nakanganga ang bulkan sa pusong mamon.

Humiyaw ang bagyo ng buhangin pagkaraan, ngunit sa loob ng utak ay humahalakhak ang bughaw na dagat habang nagpapaligsahan wari ang mga lumba-lumba’t isdanlawin. Sumasayaw sa lupain ang ulupong, at ang karabanang itinihaya ng pagod at pangamba ay nalusaw na halumigmig sa nakapapasong lawas na nilalagnat.

“Nasaan ka, aking Panginoon?” himutok niya. “Kailan mo ako ililigtas? Kailan.  .  .  .”

Maya-maya’y lumangitngit ang kalawanging seradura, o yaon ang guniguning tunog. At nang mabuksan ang pinto sa noo, tumambad sa balintataw ang huklubang payasong bahaghari ang kasuotan — na inaalalayan ng pitong musang lastag. Tumayo ang anino mula sa labis na inis at inip, at hinulaan niyang hindi, hindi kailanman magugunaw ang daigdig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Yes to humanity! Yes to poetry!

Salita ng Taon: War Docs

War Docs

Tumanyag ang salitang war docs hindi dahil may Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at kinasasangkutan ng China, US, at Filipinas, bagkus sa masigasig na pakikibaka ng presidente na linisin ang bansa mula sa pagkakalulong sa nakababaliw na droga. Tumutukoy ang “war docs” sa tinipil na “war documents” o “drug war documents” mula sa gobyerno na hiniling ng ilang batikang abogado ng FLAG (Free Legal Assistance Group) upang pag-aralan ang mga kasong isinampa sa mga akusadong mamamayang nasangkot sa direkta o di-direktang paraan ng kampanya ng gobyerno upang sugpuin ang paglaganap ng droga sa Filipinas.

Ang mga dokumento ay mga testamento ng karahasan, kung tatanawin sa pananaw ng ilang kritiko; samantalang patunay din ito sa tagumpay ng gobyerno laban sa pagsugpo sa mga sindikato, tulak, at adik na lumalaganap hanggang pinakamababang barangay sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maituturing ding artefakto ang mga dokumento, sapagkat bagaman ang karamihan dito ay inaagiw at natabunan ng alikabok ay karapat-dapat titigan muli sa ngalan ng pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng bawat Filipino.

Sa pagsusuri ng naturang mga dokumento ay maaaring mapansin ang tila pagkakahawig-hawig ng naratibo ng pagdakip o pagpatay sa mga hinihinalang tulak o adik, ani Chel Diokno, at ito ang dapat pagtuonan sa mga pagsusuri.

Kung palalawigin ang napansin ni Diokno, at ng mga kapanalig niya sa FLAG, ang salaysay ng mga pulis laban sa mga akusado ay maaaring sipating kaduda-duda, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng wari’y pro forma na taktika ng naratibo, bagkus wari’y bunga ng pagmamadali na makapagsampa ng reklamo sa hapag ng piskal, at kung may matatagpuang probable cause [posibleng sanhi ng kaso] ay maaaring sampahan ng kaso sa korte ang isang akusado. Ang ganitong obserbasyon ay mapatutunayan kung paghahambingin ang mga naratibo, halimbawa, sa buy-bust operation o sa pagsalakay sa mga tinaguriang drug den.

Ang pag-aaral sa tinutukoy na war docs ay maaaring sipatin kada distrito, halimbawa ay sa Metro Manila na may Eastern Police District at Western Police District. Sa dalawang distritong ito ay maaaring tukuyin ang pagkakahawig-hawig ng kaso, gayong iba’t iba ang mga sitwasyon, oras, pangyayari, at tauhan ang mga sangkot. Maaaring matuklasan, halimbawa, na sa bawat operasyon ng pulis, ay hindi kompleto ang mga dokumento bago isagawa ang pagsalakay at pagdakip laban sa mga akusado. Maaaring matunghayan na kulang-kulang ang mga report, gaya ng Spot Report, After-operation Report, at Follow-up Report, na dapat ginagawa ng imbestigador na isinusumite sa piskal. Maaaring matuklasan din ng mga sumusuyod sa dokumento na pare-pareho ang paraan at naratibo sa buy-bust, lalo sa mga akusadong nahulihan ng maliliit na gramo ng damo o shabu.

Ang problema ay kahit kulang-kulang ang mga report ay naitutuloy pa rin ang kaso sa tulong ng piskal, halimbawa sa mga kaso na warrantless arrest. Kung kulang-kulang ang report ng pulis, sapat na ba ang ganitong sitwasyon para pangatwiranan ang probable cause o ang posibleng sanhi kung bakit dinakip ang isang akusado? Ang totoo’y napakaluwag ng piskal sa panig ng mga pulis, at ito ang dapat lapatan ng batas ng kongreso. Halimbawa, ang surveillance o paniniktik ng pulis ay ipinapalagay agad na may regularidad, at natural lamang umano na paniwalaan ang panig ng pulis na humuli o pumatay sa akusado. Ngunit paano kung ang mismong dokumento ukol sa surveillance ay hindi naberipika nang maigi? Sa ganitong pangyayari, makikita kahit sa surveillance report ang butas at di-pagkakatugma, halimbawa ng mga alyas na ginagamit sa akusado, o ang tunay na pangalan ng akusado—na karaniwang nababatid lamang ng pulis matapos ang interogasyon. Posibleng matuklasan ng FLAG na may mga akusado na dinampot ngunit wala ang kanilang pangalan sa surveillance report.

Ang pagkakahawig-hawig sa mga kaso ay matutunghayan din sa presentasyon ng umano’y nakuhang ebidensiya sa isang akusado. Halimbawa, tatawagin ang isang kagawad ng barangay at ang isang kinatawan Prosecutor’s Office o kaya’y kinatawan ng media, na sabihin nang isang korespondente sa isang pahayagan. Maaaring matuklasan sa pag-iimbestiga na ang dalawa o tatlong ito ay hindi naman naroon sa oras ng operasyon; at ipinakita lamang sa kanila ng pulis ang mga sinasabing ebidensiya laban sa akusado, at pagkaraan ay magpapakuha ng retrato at lalagda na sila bilang mga saksi sa ulat ng imbestigador na siyang magsusumite ng ulat sa piskal. Ang nasabing dokumento ay paniniwalaan agad ng piskal at hukom, at ni hindi kinukuwestiyon kung batid nga ba ng mga saksing ito ang naganap na operasyon.

At ang masaklap, ang ilang reporter ay iba ang salaysay kahit interbiyuhin ang mga akusado. Ang nananaig ay ang naratibo ng pulis, at naisasantabi ang pagkuha ng katotohanan mula sa panig ng akusado. Ang ibang akusado ay sinisiraan agad sa media para hindi na makapiyok. Nakadepende rin ang naratibo ng reporter sa sasabihin ng pulis, at kung ang pulis imbestigador ay hindi pa tapos sa kaniyang ulat na isusumite sa piskal, magkakaroon ng di-pagkakatugma kahit sa naratibo ng mga reporter at sa naratibo ng pulis kung paghahabingin ang press release sa mga diyaryo at Internet, at ang legal na dokumentong nilagdaan ng mga pulis na isinumite sa piskal para sa inquest proceeding ng akusado.

Ang susi sa pagsusuri ng war docs ay maaaring matunghayan sa pagtutuon sa naratibo ng mga imbestigador, na kung minsan ay tinutulungan pa umano ng piskal. Dito maaaring makita ng FLAG ang ratio na pagkakakahawig-hawig ng mga kaso, halimbawa sa buy-bust operation o sa pot session o sa simpleng pagdadala ng mga kasangkapan sa pagdodroga. Ang pagkakahawig ay may kaugnayan sa manerismo o karaniwang gawi at estilo ng pagsulat ng imbestigador. Ang ibang ulat ay waring pinalitan lamang ng pangalan, oras, petsa, at lugar ng pangyayari, at tila de-kahon upang maging madali ang report ng imbestigador.  Kung minsan, ang imbestigador ay kasama umano sa operasyon (na bawal na bawal sa batas), at kahit nakita ito ng piskal o hukom ay isinasantabi. Ito ay dahil ay binibigyan lamang ng 24 oras ang pulis para madala sa piskal ang akusado at agad masampahan ng kaso. Posibleng mapansin pa sa maraming dokumento na ang ilang ulat ay hindi nalagdaan ng pulis bago isumite sa piskal, at ang nakapagtataka’y pinalulusot lamang ito ng piskal para sa kabutihan ng pulis.

Mapapansin din ng FLAG na ang pagdakip sa mga akusado ay karaniwang Biyernes ng hapon o gabi o kaya’y Sabado, at sa maraming pagkakataon ay hindi lahat ng korte ay bukás sa ganoong mga araw, o kaya’y walang pasok ang piskal, at natural na nabibigyan ng sapat na panahon ang pulis upang makagawa ng ulat at makapagsumite nito sa piskal. Ang operasyon ay nakapagtatakang halos magkakahawig, at hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang akusado na makahingi ng tulong kahit sa PAO (Public Attorney’s Office), dahil walang pasok ito sa naturang pagkakataon. Upang patunayan ang Biyernes o Sabado ang mga banal na oras ng operasyon, maaaring magtungo sa mga bilangguan sa mga lungsod at tingnan ang bilang na dumarating na akusado kada araw.

Kailangang mapag-aralan din sa war docs ang estado ng mga akusado. Marahil ay 90 porsiyento ng mga dinakip ay karaniwang mamamayang maituturing na nasa ilalim ng guhit ng kahirapan, at natural na ang mga akusadong ito ay umasa lamang sa maibibigay na tulong ng PAO. Ang iba’y napipilitan na lamang umamin sa mas mababang kasalanan (plea bargain), sapagkat wala silang sapat na kakayahang pinansiyal upang lumaban pa sa mga pulis at piskal. Kung ang siyam sa sampung akusado ay magkakapareho ang naratibo ng pagkakadakip kung hindi man pagkakapatay, hindi ba ito dapat pagdudahan ng mga hukom? Ngunit maaaring nangangamba rin ang hukom sa kaniyang posisyon o seguridad, kaya ang pinakamabilis na paraan ay paniwalaan niya ang naratibo ng pulis na isinumite ng piskal at hatulan ang mga akusado.

Hindi ko minemenos ang mga abogado ng PAO, sapagkat marami sa kanila ang matatalino, masisipag, at mapagmalasakit, ngunit sa dami ng kanilang hinahawakang kaso, na ang iba’y kailangang hawakan ang 30-40 kaso kada araw, paanong mapangangalagaan nang lubos ang kapakanan ng mga akusadong dukha? Ang kaso ng mga nasasangkot sa droga ay hindi totoong natatapos agad sa isang buwan; ang kaso ay maaaring tumagal nang ilang buwan, halimbawa, sa presentasyon pa lamang ng mga ebidensiya, bukod pa ang regular na pagpapaliban sa pagdinig, at bago matapos ang pagdinig ay napagsilbihan na ng akusado ang panahong dapat ilagi sa loob ng bilangguan.

Ang imbestigasyon sa war docs ay magbubunyag din sa estado ng prosekusyon at hukuman sa Filipinas. Kahit nakikita ng di-iilang hukom at piskal na magkakahawig ang naratibo ng pulis ay maaaring pumabor pa rin sila laban sa mga akusado sapagkat may pangambang masangkot sila sa narco-list, at ito ay may kaugnayan umano sa order sa nakatataas. Ito ang karaniwang napapansin ng mga akusado, at hindi ito maitatatwa magsagawa man ng malawakang sarbey sa mga bilangguan. Napapansin din ng ilang akusado na ang ilang piskal ay nagiging tagapagtanggol ng pulis, imbes na suriin nito nang mahusay kung karapat-dapat bang sampahan ng kaso ang isang akusado, batay sa naratibo ng pulis.

Ngunit sino ba naman ang mga akusadong adik at tulak para paniwalaan ng hukom? Kahit ang mga akusadong nagsampa ng Mosyon para makakuha ng ROR (Release on Recognizance) na nasa batas ay malimit hindi napagbibigyan ng hukom, at pilit silang pinatatapos ng counseling, kahit ang rekomendasyon ng CADAC ay out-patient counseling o community-based rehabilitation para sa akusado. Totoong prerogatibo ng hukom ang pagbibigay ng ROR, ngunit kung sisipatin sa ibang anggulo, ang pansamantalang pagpapalaya sa mga akusado ay makapagpapaluwag ng bilangguan at malaking katipiran sa panig ng gobyerno dahil mababawasan ang pakakainin nitong mga bilanggo.

Ang imbestigasyon ng war docs ay hindi nagtatapos dito. Sa sampung detenido at nasa ilalim ng BJMP, masuwerte na ang dalawa ay magkaroon ng dalaw, ayon sa ilang tagamasid. Ang walo na hindi sinuwerteng dalawin ng kamag-anak o kaibigan ay nabubulok sa bilangguan, maliban na lamang kung magkukusa ang abogado nila sa PAO na pabilisin ang kanilang paglilitis. Ang ibang akusadong nakalaya ay bumabalik sa bilangguan o binabalikan ng pulis, kaya napipilitan ang mga tao na ito na lumipat ng ibang lugar na matitirhan. Ipinapalagay dito na ang mga akusado ay talamak na adik o tulak, na may katotohanan sa ilang pagkakataon, ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi totoo sa mayorya ng mga detenido. Ang mga pulis, sa wika ng ilang kritiko, ay may quota na dapat matupad sa pagdakip sa mga adik at tulak; at kaya kahit matino ang isang pulis ay napipilitan siyang sumunod sa utos ng kaniyang opisyal.  Gayunman ay walang quota kung ilang drug lord ang dapat mahuli o kung ilang sindikato sa droga ang dapat mabuwag sa isang buwan. Kung may quota ang pulis, ayon sa ilang tagamasid, ang pinakamabilis na paraan ay likumin ang mga adik sa mga dukhang pamayanan, at ipaloob sila sa mga bilangguan.

May narco-list ang pangulo hinggil sa mga politiko, negosyante, pulis, at sundalong sangkot sa droga. Ilang beses pa niya itong binanggit sa kaniyang mga talumpati. Ngunit hangga ngayon ay walang quota kung ilan sa kanila ang dapat mabilanggo sa loob ng isang buwan; at kung ilang Tsino o Koreano o Hapones o Mehikanong sangkot sa sindikato ang dapat tumimbuwang kada linggo. Nang akusahan ng isang Bikoy ang anak ng pangulo na sangkot sa narkotrapikismo ay mabilis itong sinangga ng mga opisyal ng PNP at Malacañang, at nagsabing bunga lamang ito ng propaganda. Ni walang tangkang imbestigahan man lamang kung may bahid ng katotohanan ang akusasyon. Nang sabihin ng dating opisyal ng pulisya na ang mga Tsinong kasama ng pangulo ay sangkot sa droga ay mabilis din itong pinabulaanan ng Palasyo at ni walang imbestigasyon. Samantala, kumakapal araw-araw ang listahan ng mga bilanggong inakusahang adik at tulak, ngunit ang tunay na ugat na dapat bunutin sa digmaan laban sa droga ay hindi nalulutas.

Ang pagsusuri sa war docs ay hindi lamang tungkulin ng mga abogado ng FLAG. Tungkulin ito ng bawat Filipino, sa ngalan ng demokrasya, sapagkat ang pagtatanggol ng karapatang pantao ay pagtatanggol din sa kapakanan ng buong Filipinas.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw, ni Roberto T. Añonuevo

Pandaigdigang Panitikan at Filipino: Isang Pagtanaw

Roberto T. Añonuevo

Kapag tinanong tayo kung mayroon bang “pandaigdigang panitikan” [world literature] ay madali nating sagutin ito na “oo.” Ngunit ano ba ang pandaigdigang panitikan, at ang pandaigdigang panitikan sa konteksto ng Filipinas?

Ang talakay hinggil sa pandaigdigang panitikan ay maaaring simulan sa pag-urirat kung ano ang konsepto ng “daigdig” at “panitikan.” Ang paglalakbay ng mga dayong mangangalakal sa isang bayan, o ang paglabas ng isang “bayani” o “bagani” sa kaniyang pamayanan upang umuwi pagkaraan, ang magpapakilala sa kaniya ng malawak na “daigdig” na kakaiba ang kultura, kasaysayan, at kulay kompara sa kaniyang kinagisnan.

Ang konsepto ng “daigdig” ay nagsimula sa interaksiyon ng mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiya at pampolitikang ugnayan. Ang tinaguriang Silk Road[i], at daanan sa Indian Ocean at Mediterannean, ang maghahatid ng mga produkto, kasama na ang panitikan at relihiyon, mula sa iba’t ibang bansa. Ang susi sa mga lihim ng banyagang panitikan ay nasa pagsasalin at pag-aaral ng mga wika, kaya ang mga akdang nasusulat sa Chino at Arabe ay nagkaroon ng puwang na mabása sa Ewropa sa pamamagitan ng salin sa Frances, Aleman, Ingles, Portuges, atbp.

May dalawang konsiderasyon ang pagtuturing noon sa “pandaigdigang panitikan,” ani ilang kritiko, bagaman hindi pa lumilitaw ang ganitong termino hanggang imbentuhin ni Johann Wolfgang von Goethe. Una, ang lawak na masasaklaw nitong populasyon; at ikalawa, ang kalidad ng akda na umaabot wari sa pagiging klasiko at dakila. Ang mga imperyo, gaya sa China, India, at Gitnang Silangan, ay nakapagpapalaganap ng panitikan sa maliliit na bansa  sa pamamagitan ng kalakalan, at hindi kataka-taka na maraming kuwentong bayan ang nagkaroon ng lokal na kulay.

Nang lumaon, lumakas ang Ewropa dahil sa pag-angat ng ekonomiya nito at dahil na rin sa mga nasasakop nitong mga bansa.  Noong panahon ng kolonisasyon, ang Ewropa ay sinisipat ang panitikan alinsunod sa punto de bista nito, at ang panitikang nalilikha sa Ewropa ang tinitingnang nangunguna sa lahat. Ang usapin sa pagiging “superliteratura” [Spitzenliteratur] ay isa pang isinaalang-alang na pamantayan, upang masalà ang mga obra maestra mula sa mga karaniwang akda.

“Kung may lakas ng loob tayong ihayag ang Ewropeong panitikan,” ani Johann Wolfgang von Goethe[ii]  sa kaniyang disipulong si Johann Peter Eckerman, “o yaong unibersal na pandaigdigang panitikan, ay hindi pa natin ganap na nagagawa yaon maliban sa pagtukoy na ang iba’t ibang nasyon ay kinikilala ang bawat isa at ang kani-kaniyang mga likha, dahil sa ganitong diwain ay umiral ito nang napakatagal, at patuloy na nagtatagumpay.” [Wenn wir eine europäische, ja eine allgemeine Weltliteratur zu verkündigen gewagt haben, so heißt dieses nicht daß die verschiedenen Nationen von einander und ihren Erzeugnissen Kenntnis nehmen, denn in diesem Sinne existiert sie schon lange, setzt sich fort und erneuert sich mehr oder weniger].[iii]

Kayâ kahit binanggit ni Goethe na ang Ewropeong panitikan ay pandaigdigang panitikan, ang ganitong paniniwala ay sinisimulan na niyang baklasin, upang itanghal ang panitikang maaaring magmula sa mga bansang hindi Ewropeo. Naniniwala si Goethe na ang sining ay pag-aari ng buong mundo, at maipapalaganap lámang sa malaya at pangkalahatang interaksiyon ng mga kapanahon.[iv] Kung ang tula ay pag-aari ng buong mundo, aniya, hindi rin umano dapat ipagmayabang na ang isang makata ay nakalikha ng nakauungos na tula, sapagkat ang paglikha ng tula ay hindi pambihirang bagay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nawika ni Goethe na “Walang halaga sa kasalukuyan ang pambansang panitikan, sapagkat ngayon ang panahon ng pandaigdigang panitikan, at dapat magsikap ang lahat para pabilisin ang panahong ito.” [Nationalliteratur will jetzt nicht viel sagen, die Epoche der Weltliteratur ist an der Zeit, und jeder muß jetzt dazu wirken, diese Epoche zu beschleunigen.][v] Ang tinutukoy ni Goethe na pandaigdigang panitikan ay ang sumisilang na panitikan sa kaniyang panahon, at hindi noong nakalipas, at kung gayon ay dapat maging bukás ang paningin ng lahat hinggil dito. Hindi tinitingnan ni Goethe na may “superliteratura,” sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” ay paparating pa lamang, ngunit tumitingki wari sa globalisasyon. Ang kalakalan ay hindi na basta produkto o serbisyo lamang, bagkus kaugnay ng mga idea o kaisipan, at sa yugtong ito, ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig ay kinakailangang makilahok sa ganitong gawain.

Importansiya ng Pandaigdigang Panitikan

Mahalagang balikan ang konsepto ng pandaigdigang panitikan at mga wika, sapagkat sangkot tayo lahat dito, gaya ng winika ng manunulat at intelektuwal na si Tariq Ali[vi]. Hindi natin napapansin na ang pandaigdigang panitikan ay hinuhubog ang mga isipan at asal ng ating mga estudyante at guro, kahit sa panonood ng Koreanobela at Mexicanobela o ng mga pelikulang yari sa Hollywood at Bollywood. Tinatanggap natin nang hindi namamalayan ang bisa, kiling, at prehuwisyo kahit sa mga balita ng Fox News, ESPN, at CNN, at sa mga pagpapahalaga nito sa mga manunulat at artist.

Magaan nating tinatanggap ang manipis na talakay mula sa ating kurikulum pagsapit sa pandaigdigang panitikan. Halimbawa, hindi natin napapansin kapag tinalakay ang Florante at Laura (1838) ni Francisco Balagtas Baltazar na maraming alusyon ukol sa Imperyong Ottoman ang matatagpuan sa naturang tula at bahagi ng “ibang panitikan.” Hindi ito kataka-taka, sapagkat mulang siglo 14 hanggang siglo 20, ang Imperyong Ottoman, na kilala ngayon bilang Turkey, ay sumakop sa Timog-silangang Ewropa, Kanluraning Asya, at Hilagang Africa. Isang multi-lingguwal at multi-nasyonal na imperyo ang Turkey na malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng iba’t ibang panitikan noong kasibulan nito.

Kahit balikan natin ang mga mapa noong 1822 o1885, malawak ang imperyalistang pananakop ng Turkey, gaya sa Africa, Asia, Sudamerica, Greenland, Russia, Mongolia, China, hanggang Australia, at yaon ay nakahihigit sa mga sakop ng France, España, o US. Kahit ang Filipinas ay hindi nakaligtas sa impluwensiya ng gayong pananakop, at isang halimbawa ang koridong Ibong Adarna na sumagap ng maraming alusyon sa mga pook at mito mula sa Turkey.

Gayunman, kung ihahambing ang ibang panitikang nalathala noon sa Ewropa, ang panitikang pasulat sa Filipinas ay waring nakaiwanan ng panahon, sanhi na rin ng baluktot at paurong na pamamalakad ng España sa Filipinas. Hindi lalaganap nang lubos ang pasulat na panitikan sa Filipinas dahil sa censura ng Español, at sa pagdating pa lamang ng mga Amerikano at Hapones magkakaroon ng bagong sigla ang panitikang palimbag, at maipagpapasalamat ang pagdating ng mga imprenta, pagbubukas ng Suez Canal, at transportasyong panghihimpapawid.

Ang pandaigdigang panitikan at ang paglinang sa mga wika (kabilang na ang mga wika sa Filipinas) ay parang magkapatid na hindi mapaghihiwalay. Sa kabilang panig, kapag pinag-usapan ang pambansang panitikan ay hindi naiiwasang maiugnay ang isang pambansang wika, gaya sa Filipinas, at kung gayon ay maaaring mahanggahan ang mailalahok sa pambansang panitikan kung sadyang marupok ang pagpapahalaga sa salin at paglinang sa mga katutubong wika mula sa mga rehiyon. Kung hindi naman magkakapuwang sa merkado ang mga panitikang mula sa rehiyon ay mabilis ang magiging pagkalusaw nito sa hinaharap.

Isang realidad na ang isang panitikang sumilang mula sa isang liblib na lalawigan ay tumataas sa nibel ng pambansang antas dahil sa pagsasalin, halimbawa, sa Filipino, bukod sa lumalalim ang diskurso ukol sa nasabing akda. Sa kabilang dako, ang akdang Filipinong pampanitikan ay umaakyat sa nibel ng pandaigdigang panitikan sa oras na ito ay maisalin sa Ingles, Frances, Español, Mandarin, Arabe, at sa lahat ng pangunahing wika ng daigdig. Kayâ ang ating mga katutubong tanaga at dalít, kapag naisalin sa Ingles o iba pang pangunahing wika at nalathala sa US o France, ay hindi na lamang pag-aari ng Filipinas, bagkus ng lahat ng bansang nakauunawa sa nasabing mga pangunahing wika.

Gayunman, ikakatwiran ng iba na hindi kinakailangan ang salin para maging kanonigong “pambansa” o “pandaigdig.” May katotohanan ito, subalit kailangan nating tanggapin na para lumaganap ang isang panitikan, at makilala saka maangkin sa pambansa at pandaigdigang antas, ay dapat maunawaan sa wika ng nakararaming mamamayan. Nagkakaroon pa ng multiplikasyon ng lakas ang panitikan sanhi ng natatamong prestihiyo nito sa mga wikang pinagsasalinan. Kayâ kung hindi isasalin sa mga malaganap na wika ang mga akdang pampanitikang nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng Filipinas, mananatili sa limitadong baul ang gayong yaman at hindi mapakikinabangan ng iba pang populasyon.

Ang isa pang impluwensiya ng tinaguriang “pandaigdigang panitikan” ay sa pagpasok ng mga hulagway at alusyong banyaga sa mga lokal na panitikan, gaya sa ating mga dalít at tanaga hanggang awit at korido noong siglo 18, hanggang sa introduksiyon ng nobela at kuwento noong siglo 19-20. Sa ganitong pangyayari, ang pananaw sa daigdig, gaya ng mula sa Imperyong Ottoman at España, ay nagiging lente ng Filipinas na nagbubunga kahit sa pagkabansot ng pambansang panitikan. Maihahalimbawa ang koridong Ibong Adarna, na nagpasok ng mga konsepto ng hari at reyna, paghahanap ng lunas sa sakit, pag-aagawan ng poder, paglapastangan sa magulang o pagtatatwa sa kapatid, bukod sa bulok at rasistang pagtanaw sa ating mga katutubo. Kung ako ay isang kasapi ng liping sabihin nating Agta (na inuuyam din sa taguring “Negrito), marahil ay sinunog ko na ang Ibong Adarna dahil sa paglalarawan nito sa pangkat etnikong Negrito na ginagawang laruan ng hari. Kahit ang ganitong kaikling banggit sa ating mga kapatid na pangkat etniko ay dapat tinutuligsa, dahil sa imperyalistang pananaw, upang mapurga ang baryotikong listahan ng babasahin sa ating sistema ng edukasyon.

Proseso ng Pandaigdigang Panitikan

Problematiko kung gayon kapag tinalakay ang pandaigdigang panitikan, lalo’t tinanggal ang panitikan sa tersiyaryang antas at ibinuhos lahat sa sekundaryang antas—na magpapasakit sa ulo ng DepEd. Hindi natin mababatid ang buong saklaw ng pandaigdigang panitikan hangga’t limitado ang ating bansa sa wikang pinagsasalinan, lalo kung ang pinagsasalinang ito ay Filipino at mga katutubong wika. Wala nang iba pang magagawa kundi sumangguni sa mga tekstong Ingles, at ito ang maglalagay sa balag ng alanganin sa Filipino.

Ang salitang “pandaigdigan” ay patuloy na nagbabago ang pakahulugan, halimbawa sa punto de bista ng mayayaman at ng mahihirap na nasyon, o kaya’y sa mga nasyon na may iba’t iba ang kultura. Sa panig ng mayayaman, ang salin mulang maliit at mahirap na bansa ay maaaring tanawing magaspang, eksotiko, at kakatwa; samantala, ang salin ng tekstong mula sa mayamang bansa ay maaaring tanawing sopistikado, mapanupil, at de-kahon kung sisipatin sa paningin ng mahihirap na bansa. Ang paglulugar sa “pandaigdigang panitikan” ay maaaring nasa konteksto ng “pambansang panitikan” at “lokal na panitikan,” at dito matutuklasan ang iba’t ibang henyo ng kultura, na bagaman nabubukod sa lahat ay makapagluluwal ng unibersal na diwain.

Hangga ngayon, isang pangarap ang pagtuturo ng pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino sapagkat walang mayamang malig ng panitikang salin sa Filipino, at may kaugnayan dito ang patakaran at programa ng gobyerno.

Makadaragdag pa ang sagabal na kakaunti ang mga panitikang naisasalin tungo sa mga pangunahing wika ng daigdig—kung isasaalang-alang ang bilang ng mga bansang kasapi o hindi kasapi sa United Nations— at dahil sa pangyayaring ito ay hindi nababasbasáng kanonigo ang naturang mga akda. Isang konsiderasyon dito, pansin ni Tariq Ali, ay kung kikíta ba ang pabliser mula sa paglalathala ng salin, at kung magkano ang mapipiga nito sa bansang tatanggap ng salin. Apektado ang Filipinas sa pangyayaring ito, sapagkat labis tayong nakasalalay sa mga panitikang nasusulat sa Ingles, bukod sa mga duwag sumugal ang ating mga lokal na pabliser. Hindi dapat ipagtaka kung gayon kung limitado ang pumapasok na panitikan sa Filipinas sa pamamagitan ng edukasyon o salin.

Sa US, noong 2008–2017, may 4,592 titulo ng mga aklat na isinalin sa Ingles at nagmula sa ilang bansa, gaya ng China, España, Italy, Denmark, France, Iceland, Mexico, South Africa, Germany, Switzerland, Chile, Austria, Sweden, Serbia at Montenegro, Czech Republic, Romania, Netherlands, Israel, Palestine, Morocco, Brazil, Ukraine, Poland, Pakistan, Djibouti, atbp. Ang mga wikang pinagmulan ng salin tungo sa Ingles ay German, Icelandic, Norwegian, Español, Italian, Arabe, Danish, Greek, Portuges, Swedish, Czech, Russian, French, German, Chinese, Dutch, Bengali, Yiddish, Romanian, atbp.[vii] Sa ganitong pangyayari, makikita na agad ang limitasyon ng mga pagsasalin, at hindi pa napapasama rito ang Filipinas na ngayon ay may mahigit 100 milyon ang populasyon. Nakalulungkot din na kulang ang estadistika sa atin, halimbawa, kung ilan ang nalalathalang saling akda tungo sa Filipino kada taon, at ang ganitong kakulangan sa impormasyon ay dapat tugunin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), yamang ito ay ahensiyang ang tungkulin ay gumawa ng saliksik at bumuo ng patakarang pangwika na may kaugnayan sa panitikan.

Isinasalin naman sa wikang Arabe ang tinatayang 1,500-2,500 aklat kada taon, ayon sa tantiya ni Richard Jacquemond na isang tanyag na tagasalin[viii]. Higit na malaki ang bilang na ito kung ikokompara sa suma-total ng inilalathalang aklat sa Filipinas sa isang taon, na umaabot sa mahigit 1,500 titulo ng aklat kada taon, ayon sa UNESCO.

Realidad ng pagsasalin sa Filipinas

Mananatili tayong nakasandig sa puta-putaking salin mula sa KWF, na ang mga salin ay kakaunti kung ipagpapalagay na nakapaglalabas ito ng 10-14 titulo kada taon simula noong 2013.  Masakit mang tanggapin ngunit ito ang totoo, na ang mahuhusay na tagasalin ay mabibilang mo sa iyong mga daliri—kahit ang mga ito ay kinontrata pa sa kung saang unibersidad o institusyong malapit sa puso ng tagapagpasiya. Ang magandang balita, nagsisimula na ang KWF sa paglulunsad ng mga pagsasanay sa pagsasalin, at may kurso pa ito hinggil sa pagsasalin na maidurugtong sa propesyonalisasyon ng pagsasalin. May hakbang din na magtatag ng Kawanihan ng Pagsasalin, at kaugnay ito sa bisyong Kagawaran ng Kultura na binubuo ng mga burukrata ng gobyerno. Ang lahat ng ito ay mailalangkap sa pambansang adyenda sa pagsasalin, na magmumula sa KWF o sa Pambansang Lupon sa Wika at Pagsasalin (NCLT-NCCA).

Kung kakaunti ang salin ng mga banyagang aklat tungo sa Filipino, ano ang maaasahan ng ating mga estudyante kapag pinag-aralan ang pandaigdigang panitikan sa wikang Filipino? Wala. Natural na sumangguni ang mga estudyante sa mga akdang Ingles sapagkat doon makikita ang iba pang panitikang nagmula sa iba’t ibang wika ng daigdig. Sa ganitong pangyayari, ang ating pagtanaw sa pandaigdigang panitikan ay kumikitid—sapagkat ang “pandaigdigang panitikan” natin ay batay sa Ingles o salin sa Ingles— at kung ano ang pagtanaw ng mga bansang umiingles ay halos hindi nalalayo ang pagtanaw natin sa kanila. Masuwerte na tayo kung sa ilang pagkakataon, na may isa o dalawang akdang mula sa Español o Frances o Aleman o Mandarin ang sinuwerteng maisalin nang buo tungo sa Filipino nang walang interbensiyon ng Ingles. Mabuting halimbawa rito ang ginawa Joaquin Sy, na nagsalin ng mga kuwento ni Ba Jin (Ang Piping Balalaika at iba pang Kuwento, 2017).

Ang limitasyon ng ating bansa ay nasa pagbibigay priyoridad sa Ingles, at pagkaligta sa iba pang wika ng daigdig. Ngunit hindi ito kataka-taka, sapagkat ang Ingles ay wikang imperyal at makapangyarihan na káyang manakop ng mga bansa. Sa ganito ring pangyayari ay lalong nababansot ang Filipino. Kung hindi gagamitin nang puspusan sa pagsasalin ang Filipino, at hindi mailalathala sa palimbag o elektronikong paraan, hindi lalago ang korpus nito, bukod sa mababansot, gaya sa pagtanaw na bakya o baduy, kapag ginamit ang gramatika at sintaks sa gaya ng mga transaksiyon o komunikasyon.

Sa isang artikulong sinulat ni Kai Chan, at nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016, ang pagiging makapangyarihan ng isang wika ay maaaring sukatin sa limang aspekto: una, Heograpiya (kakayahang maglakbay); ikalawa, Ekonomiya (kakayahang makilahok sa ekonomiya); ikatlo, Komunikasyon (kakayahang makapagdiyalogo); ikaapat, Karunungan at Midya (kakayahang kumonsumo ng kaalaman at midya; at ikalima, Diplomasya (kakayahang makiharap sa mga ugnayang pandaigdig)[ix].  Kabilang sa 10 nangungunang bansa ang Ingles, Mandarin, Frances, Español, Arabe, Ruso, Aleman, Hapones, Portuges, at Híndi. Ang mga wikang ito ang pinagmumulan ng panitikang pandaigdig, at batay sa volyum ng mga panitikang mula sa iba’t ibang bansa ay nagagamit ang gayong mga wika bilang midyum ng pagsasalin.

Kung babalikan ang pag-aaral ng panitikang pandaigdig sa Filipinas ay mapapansing wala pa tayo sa kalingkingan kung ihahambing sa ibang bansa— kung ipagpapalagay na may 20 aklat ang naisasalin sa Filipino kada taon. Naipagkakait sa atin ang mga pambihirang panitikang nasususulat kahit sa 10 wikang binanggit kanina. Ngunit higit pa rito, maliit na bahagi ang ating nababatid sa panitikang pandaigdig dahil kulang na kulang ang mga salin ng mga panitikan tungo at palabas sa Filipino. Ano ang maaasahan natin sa ating mga pag-aaral? Kumikitid ang ating pagtanaw sa pag-aaral ng panitikang pandaigdig, dahil kulang ang materyales sa Filipino, at dapat tanggapin natin na tayo’y nagiging baryotiko habang tumatagal.

Ang tinaguriang globalisasyon ng panitikan, kung hihiramin ang dila ni Tariq Ali, ay nagreresulta para ang mga akda ay maging de-kahon o magkaroon ng kompartmentalisasyon sa bawat bansa, kaya higit nagiging baryotiko ang pagtanaw sa kultura.[x] Idaragdag ko rito na hindi lamang nagiging de-kahon, bagkus nasasalà nang husto at hindi nakatatagos ang mga akdang makayayanig sa status quo. Ayon sa International Monetary Fund (IMF), ang “globalisasyon” ay may kaugnayan sa kalakalan, pamumuhunan, migrasyon ng mga tao, at pagpapakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.[xi] Ang globalisasyon ng panitikan ay hindi masasabing patas—na may malayang palitan ng karunungan at impormasyon—bagkus pumapabor sa mayayamang bansa na ang wika ay ginagamit sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya ng kalakalan, edukasyon, impormasyong teknolohiya, at transportasyon, at may mga teknolohiyang umaagapay sa kanilang idea at akda. Sa Filipinas, makatutulong nang malaki sa bansa ang paggamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, at pangunahin na rito ang wika ng gobyerno, edukasyon, at kalakalan.

Hindi makaaasa kung gayon na mabása sa Ingles ang mga manunulat na intelektuwal halimbawa sa Iran o Egypt o Syria o Africa o Hilagang Korea o Russia, at higit na pipiliin ang mga awtor na makapagluluwal ng mga aklat na hindi malayo sa hinagap o makasasaling sa sensibilidad ng publikong mambabasa ng America at kapanalig nito. Ang resulta nito ay hindi natin nauunawaan nang malawak ang ibang kultura sa ibang bansa. Hindi sapat ang Internet para malunasan ang ating katangahan. Kinakailangan ang produksiyon ng higit na maraming libro, na higit sa interes ng DBM o o NBDB[xii] o lokal na pabliser o ng kung sinumang opisyal na gobyerno na may palimbagan at negosyo sa paglilibro.

Ang pangyayaring hindi natin nababása sa ating wika ang mga aklat na nasusulat sa iba’t ibang wika at mula sa iba’t ibang kultura ay malaking sagka sa ating pag-unlad. Nabibigong mahikayat ang mga kabataan nating mag-aral ng iba’t ibang wika sa iba’t ibang panig ng mundo dahil bakit mag-aaral kung salat naman sa libro? Nababansot tayo sapagkat hindi natin nababása ang mga intelektuwal na manunulat sa Ewropa, Asia, Africa, Hilaga at Timog America, Australia, at Antartica. At aminin natin na kakaunti ang ating nalalaman sa pandaigdigang panitikan sapagkat matamlay ang mga pagsasalin na ginagawa tungo sa Filipino at mga katutubong wika, o sabihin nang kahit sa Ingles. Kung kakaunti ang salin sa Filipino o kaya’y Ingles ng mga akdang nagmula sa iba’t ibang bansa, ang ating mga estudyante ay  parang isang pangkat ng bulag na sumasalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng elepante, kung hihiramin ang isang matandang kuwentong Budista, at depende sa masalat nila o maamoy ay ibabatay doon ang kani-kaniyang pagkilala hinggil sa elepante.

Ang pagsasalin bilang ambag sa pagbabago

Gayunman, may ilang pagtatangka na isalin sa Filipino ang mga internasyonal na manunulat, at ito ang matutunghayan sa salin ng mga tula ni Mao Zedong na pinamagatang KAMAO: Salin ng mga Tula ni Mao Zedong (Aklatang Bayan, 2012), at ng mga rebolusyonaryong Vietnamese na salin ni Mykel Andrada. Ang unang antolohiya ay salin ng mga aktibistang makata, samantalang ang kay Andrada ay salin dahil sa pangangailangan sa kaniyang kurso. Ang limitasyon ng ganitong koleksiyon ay nakapokus sa layuning pampolitika, at hindi naibibilang ang mga tula na waring lumilihis sa itinatadhana ng partido. Samantala, ang KWF ay naglabas din ng mga salin, gaya ng mga nobela, kuwento, at tula, na ang konsiderasyon ay maipakilala sa madla ang mga hiyas ng panitikang internasyonal. Halimbawa na rito ang Sa Prága: Mga Piling Tula ni Jaroslav Seifert, na bagaman dating kasapi ng Partido Komunista ay kamangha-manghang nakapagsulat din ng mga paksang matalik sa puso at guniguni ng kaniyang mga kababayan sa Czech Rapublic.

Kung babalikan ang kasaysayan ng Filipinas, ang mga lokal nating manunulat noong bungad ng siglo 20 ay nagsalin ng mga akdang pampanitikan sa Tagalog at iba pang wikang katutubo. Halimbawa, ang Divina Comedia ni Dante Alieghieri ay hinalaw ni Conrado S. Acuña; hinalaw ni Isaac Dizon (alyas Anak-Bayani) ang Decameron ni Boccacio; hinalaw ni Gerardo Chanco ang Las damas de las camelias ni Alejandro Dumas, at isinalin ng iba pang awtor ang mga kuwentong Frances, Aleman, Americano, Español, Arabe, atbp. Para kay Dionisio San Agustin, ang pangulo noon ng kapisanang Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[xiii] Ang winika ni San Agustin ay totoo pa rin magpahangga ngayon.

Magpapatuloy ang pagsasalin, at isa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) na maglulunsad ng programadong pagsasalin ng mga akdang pampanitikang kumikiling sa simulaing mapaghimasik noong dekada 1970-1980. Nais ng PAKSA, ayon kay Jose Ma. Sison, na lumikha ng mga huwarang akda, mula man ito sa salin, na pawang makapagmumulat sa masa.[xiv] Ngunit hindi ito magtatagal, dahil na rin sa internal na di-pagkakaunawaan ng mga magkakapartido.

Magpapatuloy ang proyektong pagsasalin sa panig ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas), na pangungunahan ni Virgilio S. Almario, at ilan ang mailalathalang antolohiya at aklat. Maisasalin sa Filipino ang mga akdang pampanitikang internasyonal, sa ayuda na rin ng gaya ng UNESCO, ASEAN, at iba pang ahensiya. Itatatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas) na pinamunuan noon ni Teo T. Antonio, at makahihikayat ng mga bagong tagasalin mulang akademya. Ang nakalulungkot ay magiging limitado ang pagpapalaganap ng mga sipi ng salin, at hindi naipalaganap nang lubos sa buong kapuluan ang mga aklat o babasahin.

May ibang ahensiya, gaya ng UP Sentro ng Wikang Filipino na noong 2000 ay naglunsad ng seryeng Aklat Bahandi na binubuo ng mga salin sa Filipino ng mga akdang internasyonal. Ang mga saling aklat na ito ang magagamit sana sa pagtuturo ng panitikan sa sekundarya at tersiyaryang antas. Masigla noong una ang produksiyon nito, sa pamumuno ni Dr. Mario I. Miclat, ngunit nang magpalit ng administrasyon at presidente ang UP, naglaho rin ang nasabing proyekto dahil sa matamlay na suportang pinansiyal ng nasabing unibersidad.

Kung iisipin natin, ang limitasyon ng ating pagtanaw sa panitikang pandaigdig ay nagbubunsod din para ang pagtuturo natin ng “panitikang pandaigdig” ay maging de-kahon habang tumatagal. Ang panitikang pandaigdig natin ay Americasentriko, at hindi Ewropeosentriko o Asiasentriko, dahil manipis ang ating pagkilala sa mga panitikang nasa Ewropa kung pagbabatayan ang kasalukuyang kurikulum sa hay-iskul o kolehiyo. Nagiging kasangkapan din ang salin sa mga layuning pampolitika, at ito marahil ay sanhi ng pakikibaka ng mga manunulat laban sa Batas Militar at buntot ng diktadura. Sa ilang pagkakataon, ginawang raket ang pagsasalin, kaya ang mga proyektong pagsasalin ay di-naiiwasang mapunta sa kamay ng ilang tagasalin lamang.

Negosyo ng mga Aklat

Ayon kay Tariq Ali, ang panitikang pandaigdig ay naididikta ng gaya ng New York Times Best Seller list, at ito ay may kaugnayan sa merkado. Halimbawa, ang bestseller na Go Set a Watchman ni Harper Lee ay nakapagbenta ng 1.6 milyong sipi noong 2014. Kung hindi kumikita ang isang aklat, makaaasa na hindi ito magkakapuwesto sa mga bukstor. Ang isang manuskrito ay kinakailangang ipagdasal na mapansin ng pabliser, at hindi kataka-taka na kahit ang mga awtor na Frances ay nagmamakaawa ngayong malathala sa US. Hindi ito katulad dati, na kung ibig mong manalo ng Nobel Prize in Literature, kinakailangan ka munang maisalin sa Frances, sapagkat ang Frances ang wika ng intelektuwal.

Ano ba ang nasa New York at bakit ito ang tinataguriang Mecca sa publikasyon ng mga panitikan? Matatagpuan sa New York ang 167 bigatin at independiyenteng pabliser ng mga aklat, at kabilang dito ang mga higanteng gaya ng Oxford University Press, Pantheon, Penguin Group, Picador, Random House, W. W. Norton & Company, Vintage/Anchor, Scholastic Coporation, atbp. Bilyon-bilyong dolyar ang kinikita ng industriya sa US, at noong 2014 ay kumita ito ng $27.99 bilyon.[xv] Ang isang aklat sa US sa nasabing taon ay may average na halagang $15.50 kada aklat (pulp fiction), o katumbas ng P 808.56 kada aklat; samantalang ang may matigas na pabalat (hard cover) ay $26.67 kada aklat, o katumbas ng P1,391.24 dito sa Filipinas.

Sa Filipinas, kinakailangan kang manalo sa gaya ng Palanca para mapansin ng pabliser, o kaya’y ng NBDB National Book Award upang ang iyong aklat ay magkaroon ng promosyon sa merkado, bukod sa maisasaalang-alang ng DepEd o CHED na magamit bilang sangguniang aklat, at bilhin pagkaraan ng mga aklatang akademiko sa buong bansa. Kailangan ka ring kumabit sa mga maykapangyarihan para malathala, at isang daan nito ay paglahok sa mga grupo ng mga manunulat o tagasalin. Ganito ang realidad sa Filipinas sapagkat negosyo rin ang pagsasalin.

Sa ating mga pangunahing bukstor, ang matutunghayan nating mga aklat na itinatanghal sa mga estante ay yaong na NYT Best Seller List din. Hindi susugal ang ating mga bukstor na bumili ng aklat na hindi napapansin ng New York Times, o kaya’y naisapelikula, gaya ng Lord of the Rings (1937–1949) ni J.R.R. Tolkien, at higit na papaboran ang gaya ng mga nobelang romanse kaysa antolohiya ng mga kuwento o dula, halimbawa ukol sa Lebanon. Gayunman, may ilang tindahan gaya ng Solidaridad, na maghahain ng ibang putaheng pampanitikan. Ang ibang tindahan ay nagbebenta ng mga segunda manong aklat na hinakot wari sa ukay-ukay o tambakan ng basura sa US. Kahit ang mga isinasaling aklat ng KWF ay makikita rin ang bersiyong Ingles sa gaya ng National Bookstore. Mahilig tayong manggaya, at kung minsan, hindi natin alam na inilalathala yaon nang hindi sinusuri nang maigi ng pabliser at pinagbabatayan lámang kung mabilis tumakbo ang aklat sa merkado.

Nakatatakot ang ganitong pangyayari. Halimbawa, kapag isinalin sa Filipino ang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee, masasagap ng mga Filipino kahit ang rasistang pagtanaw at ang pangingibabaw ng puti sa itim na lahi, at ang puti ay waring siyang laging tagapagligtas ng itim o Negro na umiiral lámang para magdulot ng kaliwanagan sa puti.[xvi] Estereotipo at walang latoy ang pagkakalarawan sa mga Negro sa nobelang ito, at waring umiiral para kaawaan ng puti, pansin ng sanaysayistang si Anjali Enjeti.

Usapin sa Karapatang-intelektuwal

Nagkakaroon pa ng suliranin kapag pinag-usapan ang mga intelektuwal na pag-aari sa mga akda, kayâ ang isang banyagang akda ay hindi agad makatagos sa ating wika dahil sa lintik na legalidad. Ang isang pabliser o tagasalin ay kinakailangang humingi ng permiso (at magbayad) sa mga kontemporaneong awtor o kaya’y pabliser o fundasyon nito para maisalin sa Filipino o katutubong wika ang kanilang akda. May kontrata sa pagsasalin at paglalathala, at ito ang pahirap sa panig ng mga lokal na pabliser. Wala sanang problema sa aspektong ito. Ngunit kung ang legalidad lagi ang pagbabatayan para tayo makapagsalin, maipagkakait sa atin ang mayamang malig ng daigdig. Sa aking palagay, ang pagsasalin ng mga kontemporaneong akda na mula sa maykayang bansa ay hindi dapat masagkaan ng usaping pinansiyal. Kinakailangang manghimasok kahit ang ating gobyerno—sa pamamagitan halimbawa ng KWF o NBDB o NCCA— para makapagsalin nang walang humpay ang mga Filipino.

Ang isa pang sagabal ay umaabot o lumalampas kung minsan ng isang buwan ang isang awtor o pabliser kung pahihintulutan nito ang pagsasalin ng kanilang akda. Kung ikaw ay matatakuting lokal na pabliser ay masisiraan ka ng loob sa labis na bagal ng pagsagot mula sa hinihingan ng permiso, bukod sa mahal ang bayad sa karapatan sa pagsasalin. Ang ginagawa ng ilang lokal na pabliser ay isaad na ang salin ay nakalaan para sa layuning pang-edukasyon lamang.

Kung babalikan ang kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas, walang ganitong problema noon. Halimbawa, noong bungad ng siglo 20 ay nailalathala sa mga pahina ng El Renacimiento at Muling Pagsilang ang mga tula ni Eugene Field at ni Emperor Mutsuhito nang walang hinihinging permiso mula sa mga orihinal na awtor. Editor at peryodista si Field, na mahilig sumulat ng tulang pambata, bukod sa ang ilang tula ay nilapatan ng musika o kaya’y ilustrasyon, at kabilang sa St. Louis Walk of Fame. Samantala, si Emperor Mutsuhito ang ika-122 emperador ng Japan, at sa kaniyang pamamahala ay napaghunos niya ang kaniyang bansa mula sa pagiging bukod tungo sa pagiging bukás at moderno.  Ang pagsasalin ng mga tula, kuwento, at dula ay sisigla bago at makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaidig, at magsasagawa pa ng mga patimpalak, gaya ng timpalak ng salin ng Don Quixote ni Miguel Cervantes. Magwawagi ang grupo nina Dionisio San Agustin, Cirio H. Panganiban, Teodoro E. Gener, at Buenaventura G. Medina dahil sa kanilang rendisyon ng  Ang Palaisip na maharlikang si Don Quijote de la Mancha (1940). Ang nakapagtataka’y hindi na nakapaglabas ng iba pang modernong salin ng Don Quixote na aangkop sa kasaluyang panahon.

Mahalaga ang Don Quixote sapagkat ito ang kauna-unahang modernong nobela na kinilala sa buong daigdig. Ang pinapangarap noong España ni Don Quixote ay may toleransiya, na ang mga kultura ng Kristiyano, Hudyo, at Muslim ay umiiral nang magkakatabi at payapa, imbes na magkakabukod, nagbabakbakan, at watak-watak. Mula sa pagsasanib ng mga kultura, ani Tariq Ali, ay sumilang ang kulturang Al Andalus (Muslim Spain o Muslim Iberia). Si Miguel de Cervantes, na nagkukuwento ng buhay ni Don Quixote, ay nagsaad na hindi sa kaniya nagmula sa kuwento bagkus sa isang Moro. Ang nobela kung gayon ay mahihinuhang hindi basta ukol sa pagiging kabalyero o matapat na Kristiyano (dahil nabaliw si Don Quixote sa kababasa ng mga basurang librong romanse na mahihinuhang doble-karang aklat relihiyoso), bagkus hinggil sa pagsasaharaya ng isang ideal na daigdig na higit sa maihahain ng isang pananalig o kultura.

Paglampas sa Legalidad

Ang kinakailangan ng ating bansa ay makalundag sa legalidad na may kaugnayan sa karapatang intelektuwal nang sa gayon ay makapagsalin nang malaya ang malaking populasyon ng mga Filipino. Sa panig ng KWF, imbes na magsalin ito ng sertipiko at ilang dokumento mula sa ibang ahensiya ng gobyerno, ito ay dapat gumagawa ng mga patakaran at patnubay na batay sa saliksik upang ang pagsasalin ay maging malaya at katanggap-tanggap sa mga unibersidad at kolehiyo, bukod sa mahimok ang mga pribadong indibidwal o korporasyon o kaya’y grupo ng mga pabliser na mag-ambag sa pagsasalin.

Ang programa sa pagsasalin ay maaaring isaalang-alang ang paglalathala ng 5,000 titulo o higit pang aklat sa loob ng tatlo o limang taon, sa tulong ng mga estadong unibersidad at kolehiyo, at may subsidyo mula sa gobyerno o pribadong sektor. Ang isa pang magagawa ay muling buhayin at gawing obligatoryo ang mga kurso sa pagsasalin, upang ang pagsasalin ay hindi lamang maging elective subject sa kolehiyo o senior high school bagkus isang nagsasariling larang.

Kung ang bawat Estadong Unibersidad at Kolehiyo ay makapaglalabas ng isa o dalawang salin ng mga akdang internasyonal kada taon, malulutas ang problema natin ukol sa panitikang pandaigdig sa loob ng limang taon.

Nakalulungkot na kung babalikan ang librong Apat na Siglo ng Pagsasalin, ang Bibliograpiya ng mga Pagsasalin sa Filipinas (1593-1998), ni Dr. Lilia F. Antonio, matutunghayan doon na may tinatayang 1,060 titulo ng mga akda ang naisalin sa Filipino. Sa loob ng apat na siglo, pansin nga ni Dr. Mario I. Miclat, halos dalawang aklat o titulo kada taon ang naisasalin sa loob ng 400 taon.[xvii] Higit na marami pa rito ang isinasaling aklat pampanitikan sa Ingles sa US sa loob ng limang taon (2008-2017), at walang sinabi sa mga salin sa wikang Arabe. Mahihinuha na sa estado ng pagsasalin sa Filipinas, ang pagiging makitid ng ating pagtanaw sa daigdig ay tumitingkad, at hindi maikukubli ang ating saliwang pagpapahalaga ukol sa panitikan at mga wika ng daigdig, o kaya’y sa edukasyon sa pangkalahatan.

Pagsasalin bilang Pangkatang Gawain

Kailangan nating tanggapin na ang pagsasalin o ang paghahasa sa mga tagasalin ay hindi lamang trabaho o tungkulin ng KWF. Hinihingi ng panahon na buksan natin ang ating loob at isip hinggil sa posibilidad ng malawakang pagsasalin, na pinopondohan nang malaki ng gobyerno at tinatangkilik ng pribadong sektor, para sa kapakanan ng ating mga estudyante at guro. Binuksan ko ang usaping ito sapagkat kung nais nating pasiglahin ang pagtangkilik sa mga banyagang panitikan, kinakailangan nito ang katumbas na pagsisikap ukol sa pagsasalin.

Sa mikrokosmong pagdulog, ang isang guro na makapagtuturo nang mahusay na pagsasalin, ay maaaring makahikayat sa buong klase niya na binubuo ng 50 kabataan na bumuo ng mga salin. Ang pagsasalin ay maaaring maging pangkatang gawain, at kung ang bawat pangkat ay may tiglilimang kasapi, makabubuo agad ng 10 akdang salin na maituturing na antolohiya at maaangking proyekto ng lahat. Ang proseso ng pagtuturo ay maaaring nasa anyo ng palihan [workshop], at hindi mahalaga ang pagtatamo ng mataas na grado bagkus ang pagkatuto sa esensiya ng pagsasalin. Bukod pa rito ay matuturuan ang mga estudyante kung paano tumanaw ang isang editor ng antolohiya, na hindi lamang maalam sa wika, bagkus sa konsistensi sa estilo, anyo, at gamit ng mga salita o jargon.

Ang modernong rebolusyon na may kaugnayan sa mass media at Internet ay nakapag-ambag nang malaki sa pagsasalin. Pinalitan ni Mark Zuckerberg si Johanne Gutenberg, at dinanas natin kahit ang masaklap na pangyayari ukol sa mga pekeng balita at akda. Ngunit higit pa rito, ang Internet ay nagpapadaloy ng malayang impormasyon, kaya ang isang akdang banyaga ay maaaring magkaroon ng katumbas sa Filipino sakali’t ito’y isalin at ilathala sa elektronikong paraan. Kung gagamitin sa positibong paraan ang Internet, ang mga salin sa Filipino ay maipalalaganap nang lubos hindi lamang sa Filipinas bagkus maging sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sa isang klase ng mga estudyante, ang Internet ay maaaring maging lunsaran ng isang kolektibong publikasyon at dito matitingnan ng guro ang progreso ng kaniyang mga estudyante. Ang paglalathala—sa ayaw man natin o gusto—ay hindi lámang matatagpuan sa palimbag sa papel na pamamaraan, bagkus sa elektronikong paraan. Mahalaga pa rin sa aking palagay ang mga imprenta, ngunit  hindi matatawaran ang impormasyong teknolohiya na higit na nagiging malaya ang pagtatamo ng akdang pampanitikan mula sa iba’t ibang bansa, at makapagpapadali sa gawain ng mga estudyante.

Sa mga paaralan na hindi pinapalad na maabot ng Internet, ang magagawa natin ay ang pagbabalik sa lumang paraan ng pag-aaral. Kabilang dito ang paglalaan ng oras sa pagbabasa ng mga aklat, ang pagpapalalim ng bokabularyo ng bawat kasapi, ang talakayan sa loob ng pangkat hinggil sa nilalaman o anyo ng akda, at ang pagsasaalang sa lente ng pagbasa, halimbawa kung ano ang nararapat na pagdulog o teorya na magagamit sa pagbasa. Matuturuan sa ganitong paraan ang mga estudyante nang walang pakialam sa mga grado o award, at ang higit na mahalaga ay naitatampok kung naunawaan nga ba talaga ng isang estudyante ang aklat na kaniyang binása.

Tungo sa Ibayong Pagsasalin

Ang isang university press sa Filipinas ay masuwerte nang makapaglimbag ng 2-3 na titulong salin sa isang taon. Kung ang nasabing palathalaan ay madaragdagan pa ang salin at maging 20 kada taon, mapupuwersa ito tungo sa malikhaing promosyon at distribusyon ng mga aklat. Ngunit hindi ito nagaganap. Hindi na sapat ngayon ang maglathala ng 500-1,000 sipi, bagkus panahon nang maglathala ng tig-25 libong sipi bawat titulo upang madaling maabot ang pangarap na 1 milyong aklat kada taon.

Kapag pinag-aralan na ang konsepto ng pandaigdigang panitikan pagsapit sa mga silid aralan ay nagkakaroon na ng problema kung iuugnay dito ang wika o mga wikang pinagmumulan ng nasabing larang. Ito ay sapagkat ang pandaigdigang panitikan ay nakasalalay sa wika ng pinagsasalinan, pansin ni Tariq Ali, at depende sa volyum ng salin ng mga akda ay mababatid natin kung ano ang nilalaman ng mga malikhaing akda sa iba’t ibang panig ng daigdig. Halimbawa, hindi kilala sa Filipinas si Adonis (Ali Ahmad Said Esber) na isang rebeldeng makata ng Syria, kahit ang taong ito ay tinitingalang pinakadakilang makata sa modernong panahon sa hanay ng mga bansang ginagamit ang wikang Arabe. Ang kakatwa’y ni hindi siya manalo ng Nobel Prize in Literature (at nauna pa si Bob Dylan), subalit hindi ako nagtataka dahil ang nasabing parangal ay mula sa umimbento ng dinamita na kung hindi lumipol ng mga tao kapag may digmaan ay ginagamit sa pangingisda ng mga tiwaling propitaryo.

Ang Filipino, at iba pang pangunahing katutubong wika sa Filipinas, ay dapat magkaroon ng programadong pagsasalin ukol sa panitikang pandaigdig, na ang network ay tumatagos hanggang pamayanan, upang maunawaan ang sari-saring kultura at kasaysayan ng bawat bansa o nasyon, at nang lumawak ang ating pagtanaw bilang mamamayang kabilang sa sandaigdigan at bilang isang Filipino.  Ang trabaho ng pagsasalin ay hindi nangangailangan ng titulong Masterado o Doktorado, bagkus ay patuluyang pagsasanay sa mga aktuwal na pagsasalin na mailalathala sa papel o sa elektronikong anyo. Ito ay upang salungatin ang namamayaning gahum ng globalisasyon na “walang pakialam” sa kultura, bagkus kumita.

Waring hindi nasusupil ang agos ng intoleransiya mula sa malalaking negosyo, at ang nakikita nating problema kahit sa diskurso ng “bagani” ay dahil sa ating baluktot na pagtanaw at mala-Hollywood na pagdulog sa ating mga aliwan, gaya ng telenobela, pelikula, at timpalak sa telebisyon. . . .

Ibig kong wakasan ang aking papel sa pagsasabing ang panitikan saanmang bansa ito nagmula ay nagiging pandaigdigan pagsapit sa Filipinas kapag ito ay naisalin sa Filipino o sa mga katutubong wika ng Filipinas. Sa pagsasalin, ang isang banyagang akda ay nagkakaroon ng lokal na testura at kulay, upang umangkop kahit paano sa konsepto na taglay ng wikang pinagsasalinan. Kung hindi ito magaganap, mananatiling nasa literal na pakahulugan ang salin, at lilitaw ang kahinaan ng isang akda kahit hindi karapat-dapat ang gayong pagtaya. Nakatutulong din ang pagsasalin para umunlad ang mga lokal na panitikan hinggil sa korpus ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig, at lumawak ang ating pagtanaw sa daigdig.

Sa ating panig, hinihintay tayo ng panahon na mag-ambag sa ating sari-sariling mga pamamaraan. Huwag na tayong umasa pa sa gobyernong bulok, o ipinapalagay ng ilang kritiko, na bulok.  Sapagkat sa bandang huli, ang importante ay may masimulan, anuman ang antas ng ating kaalaman at kasanayan ukol sa pagbabasa, pagsusuri, at pagsasalin ng mga akdang dayuhan. Ang pagsasaayos ng ating kurikulum ukol sa pandaigdigang panitikan ay tungkulin nating lahat, at kung gayon, natural na hinihingi ang inyong pakikiisa sa ganitong gawain.

Mga Talâ

[i] Silk Road—sinaunang ruta ng kalakalan, mulang China hanggang Turkey at Mediterannean. Ang ruta ay aabot Ewropa, Arabia, at Hilagang Africa.

[ii] Dakilang manunulat mulang Germany, isinilang noong noong 1749  at yumao noong 1832.

[iii] Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” page 2 of 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000), p. 2.

[iv] Ibid, p. 3.

[v] Eckermann, Johann Peter. Gespräche mit Goethe in den letzten Jahren seines Lebens. Ed. Regine Otto and Peter Wersig. Berlin: Aufbau, 1987, p. 198. Matatagpuan din sa Hendrik Birus, “The Goethean Concept of World Literature and Comparative Literature” p. 8 CLCWeb: Comparative Literature and Culture 2.4 (2000).

[vi] British-Pakistani na manunulat at intelektuwal, at kinikilalang kritiko at historiyador sa kasalukuyan.

[vii] Complete Database Translation, na may petsang 13 Agosto 2017, at nalathala sa Three Percent: A Resource for International Literature at the University of Rochester, hinango noong 30 Marso 2018, 10 am.

[viii] Basahin ang The Arabist, sa https://arabist.net/blog/2010/11/4/new-numbers-on-translations-into-arabic.html na hinango noong 13 Agosto 2017, 10 am.

[ix] Basahin ang “These are the most powerful languages in the world,” na nalathala sa World Economic Forum noong 2 Disyembre 2016. Tingnan ang https://www.weforum.org/agenda/2016/12/these-are-the-most-powerful-languages-in-the-world/ na hinango noong 26 Marso 2018, ganap na alas-onse ng gabi.

[x] Hango sa lektura ni Tariq Ali na pinamagatang “World Literature and World Languages,” sa University of London noong 2013. Mapapanood ito sa https://www.youtube.com/watch?v=NaP0KEwdGro.

[xi] Mula sa International Monetary Fund (IMF). Basahin ang  http://www.imf.org/external/np/exr/ib/ 2000/041200to.htm, na hinango noong 30 Marso 2018, 9:22 am.

[xii] NBDB, daglat ng National Book Development Board.

[xiii] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007. Ang Aklatang Bayan ay binubuo ng 42 manunulat na Tagalog, na ang karamihan ay marunong magsalin ng akdang nasusulat mulang Español, Ingles, Aleman, Frances, Hapones, atbp.

[xiv] Basahin ang “Mensahe sa PAKSA Hinggil sa mga Tungkulin ng mga Kadre sa Larangan ng Kultura,” ni Prof. Jose Maria Sison, at may petsang 20 Disyembre 1971. Muling nalathala sa Aklatang Tibak (https://aklatangtibak.files. wordpress.com/2017/05/mensahe-sa-paksa-hinggil-sa-mga-tungkulin-ng-mga-kadre-sa-larangan-ng-kultura.pdf) na hinango noong 29 Marso 2018, 7:27 pm.

[xv] Hango sa datos ng GBO New York, German Book Office. Matutunghayan sa https://buchmesse.de/images/fbm/dokumente-ua-pdfs/2016/book_market_us_jan_2016_56617.pdf na hinango noong 2 Abril 2018, 4 pm.

[xvi] Basahin ang maikling kritika ni Anjali Enjeti na pinamagatang “It’s time to diversify and decolonise our schools’ reading lists,” na nalathala sa Al Jazeera.com. Tingnan ang https://www.aljazeera.com/indepth/opinion/time-diversify-decolonise-schools-reading-lists-180318100326982.html na hinango noong 31 Marso 2018, 1:02 am.

[xvii] Basahin ang “In Focus: Translations into Filipino,” ni Mario I. Miclat, Ph.D., na nalathala sa websayt ng National Commission for Culture and the Arts noong 26 Pebrero 2015.  Matutunghayan sa http://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/in-focus/translations-into-filipino/ na hinango noong 30 Marso 2018, 4:48 pm.

Apokripa ng Ibong Adarna, ni Roberto T. Añonuevo

Apokripa ng Ibong Adarna

Roberto T. Añonuevo

Ang pagbihag ba sa Ibong Adarna ay “kawangki ng anumang dakilang saloobin sa pagsulat, lalo na yaong may layuning maging makabuluhan sa lipunan at panahon”? Oo ang sagot kung paniniwalaan ang Peregrinasyon at iba pang Tula (1970), o ang Balagtasismo vs. Modernismo (1984; 2016) ng butihing Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, at uuriin ang Ibong Adarna sa isang limitadong bahagi ng salaysay nito. Ngunit dapat ding itanong kung ang “pagbihag” ba ay kaugnay ng pagpapaamò, na sa kalauna’y magiging katumbas ng pagkakabilanggo ng ilahás na ibon para sa pansariling kapakinabangan ng manunulat na kailangang gamutin ang malubhang sakit ng pagkatigang ng imahinasyon. Makalipas mabihag ang ibon ay ano ang kasunod? Hindi ba magkakaroon ng suliranin o balakid kung ang Ibong Adarna ay sisipatin sa kabuoang katangian nito, at kakasangkapanin sa pagbubuo ng mito para sa mga Filipino, lalo sa mga makatang Filipino o manunulat?

Taglay ng Ibong Adarna ang mahiwagang gamot sa malulubhang sakit na dadapò sa tao, ayon sa alamat, maging siya man ay hari o pulubi.  At ang lunas na ito ay magmumula sa isang awit na makapagpapaginhawa sa katawan, kaisipan, at kamalayan ng tao. Ang awit ay masisipat na tumatawid sa dalawang dimensiyon: una, ang pisikal; at ikalawa, ang metapisikal. Mapahahalagahan ang nakagagaling na awit kung ito ay naririnig ng marami, imbes ng isa o dalawang tao lámang, at kung gayon ang pagpapagaling ng sakít ay masisipat na hindi lámang para sa isang maysakit, bagkus kahit sa lahat ng matatalik na tao na nakapaligid sa kaniya, kung tatanawin ang awit bilang sining. Ang awit ay hindi itinatago, bagkus itinatanghal, at sa Ibong Adarna, ang pag-awit ay pagsasadula ng kombinasyon ng búhay at kamatayan. Ang kaganapan ng Ibong Adarna ay nasa pag-awit na makapagpapagaling ng sakít; at sa oras na magawa ito ng ibong engkantada ay iipot ito’t unti-unting aantukin na maglalantad ng kaniyang likás na karupukan, at ng puwang para mabihag ng ginintuang sintas. Ang ipot ay maituturing na negatibong aspekto ng ibon dahil nakapagpapabato sa sinumang tao, na kabilang panig ng nakapagpapagaling dahil sa awit ng ibon. Ngunit sa isang banda, ang ipot ay maaaring tanawin na hindi sandata ng ibon, bagkus sadyang likas na proseso ng pagpupurga sa sarili at pagtatanggal ng lason na makamamatay sa nasabing ibon. Hindi sasadyain ng Ibong Adarna na gawing bato ang sinumang mapangahas na tao; magaganap lámang ang pagiging bato ng tao kung lulugar siya doon sa pinaghuhulugan ng ipot. Ang ipot ay katumbas ng pagkabato, o kamatayan sa punto de bista ng mga prinsipe, at malulunasan lámang kung makasasalok ng mahiwagang tubig sa bukál na malapit sa punongkahoy at ibubuhos sa tao-na-naging-bato. Ang matang-tubig ang resureksiyon ng mga sinampalad na gaya nina Don Pedro at Don Diego, at ang lihim na ito ay magmumula sa isang maalam na ermitanyo na may memorya hinggil sa engkantadang ibon.

Hindi wakas, kung gayon, ang pagiging bato matapos maiputan ng Ibong Adarna. Kailangan lámang tuklasin ang lunas na matatagpuan sa lihim na matang-tubig upang sumilang ang bagong kamalayan.

Suplada ang Ibong Adarna, at hindi basta mapaaawit, at may tumpak na ritwal ito bago umawit. Aawit ito pagkadapo sa isang paboritong sanga (na hindi maaaring dapuan ng ibang ibon) ng Piedras Platas, sa kailaliman ng gabi, at tahimik ang paligid. Maganda nga ito ngunit ilahás: may pitong kulay ang balahibo, gaya ng Harpactes ardens; at nakahuhuni ng maalamat na pitong awit na parang pitong tinig sa isang orkesta, at ang malupit, ito ang nakapagpapahimbing sa sinumang makaririnig. Sabihing hipnotiko ang tinig ng Adarna, at ang pagiging hipnotiko nito ang magpapabato sa sinumang magtangkang bumihag sa kaniya. Hindi lamang ito ang katangian ng Adarna. Marunong ang nasabing ibon kung paano magsalita gaya ng tao, at nagtataglay ng memorya sa lahat ng kaniyang masasasaksihan, gaya ng parang sirang plakang pagsasalaysay sa masaklap na sinapit ni Don Juan sa kamay ng kaniyang mga kapatid at magbubunyag ng katotohanang lingid sa kaalaman ng hari.

Kailangan ang paglalakbay sa Pitong Bundok, ang pagharap sa leproso o ermitanyo bilang bagong kamalayan, ang pagsapit sa Bundok Tabor, at ang paghahanap sa Piedras Platas, bago matagpuan ang nasabing ibon. May mga pagsubok na dapat harapin, at ang pagsubok na ito ay may kaugnayan sa pagkilala sa angking pagkatao, at hindi lamang nahahanggahan ng isip. Ang identidad ay sinusuhayan ng isip, at sa gaya ni Don Juan, siya ay hindi lámang isang prinsipe bagkus isang anak, kapatid, at tagapagligtas sa amang nararatay sa karamdaman at sa mga kapatid na naging bato matapos maiputan ng engkantadang ibon. Samantala, ang panig nina Don Pedro at Don Diego ay salungat sa identidad ni Don Juan, at ang identidad na ito ay may kaugnayan sa pag-angkin sa kahariang mamanahin mula sa kanilang ama. Dahil matibay ang paniniwala ng magkapatid sa kani-kaniyang suwail na identidad, pangangatawanan nila ang pagiging kontrabida para maghari sa Berbania. Ibig sabihin, ang identidad na nais ng magkapatid na Don Pedro at Don Diego ay kaugnay ng pampolitikang kapangyarihan, at gagawin nila ang lahat kahit ang katumbas ay pagtataksil, panlilinlang, at pagpatay sa kapatid—para sa mithing manaig.

Ang Ibong Adarna, kung gayon, ay masisipat na ultimong solusyon sa mga sakit na hindi káyang arukin ng isip at lumalampas sa lohika ng pisikal na pandama. Ang engkantadang ibon ay hindi simpleng maitutumbas sa gunita o isipan o kaakuhan, gaya sa isang makata o manunulat, bagkus sa kabuoan o sabihin nang kosmikong identidad at kamalayan ng engkantada bilang kapilas na búhay ng tao, na gaya ni Don Juan, na nagsisimulang tumuklas din ng sariling kamalayan bilang tao na kaugnay ng malawak na kaligiran. Ito ang dahilan kung bakit itataya ng magkakapatid na prinsipe ang búhay mabihag lámang ang engkantadang ibon, at dalhin sa harap ng amang hari nang masagip siya sa bingit ng kamatayan, at nang sumilay ang bagong kamalayan.

Sinematograpiko ang taktika ng paggamit sa pagbihag sa Ibong Adarna, gaya sa pelikula nina Dolphy at Lotis Key, kung iuugnay ito sa “dakilang saloobin sa pagsulat” at sa mithing maging relevant o “makabuluhan” sa kasalukuyan at lipunan. Ngunit ang pagbihag sa nasabing ibon ay isang aspekto lámang o munting butil sa mahabang proseso ng pagtatamo ng mithi ng manunulat, at magiging adelantado kung tatanawin o ikakabit pa ang naturang aksiyon sa pagnanais na maging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ng manunulat. Samantala, ang kaganapan ng manunulat ay nasa pagsusulat (at hindi sa pagkakabit ng etiketa), at upang masuhayan ang identidad na ito ay gagawa ng anumang paraan ang manunulat (gaya ng pagsasanla ng kaluluwa sa sinumang demonyo, kung hihiramin ang dila ni Johann Wolfgang von Goethe) upang patunayan ang kaniyang identidad na ibig ipamalas sa daigdig. Ang pagiging relevant o makabuluhan sa lipunan at panahong ginagalawan ay maaaring tanawin na resulta lámang ng pagtanggap ng nasabing lipunan matapos makaengkuwentro ang mga akdang nasulat ng naturang manunulat.

Sa oras na magampanan ng Ibong Adarna ang tungkulin nitong lunasan ang malubhang sakít ng isang hari (na tinatanaw na tagapagbigkis ng isang lipunan) ay ano ang kasunod? Wala. Ang engkantadang ibon bilang doktor o babaylan ay gumaganap sa papel ng higit sa itinadhana sa kaniya ng kalikasan; at kung may kamalayan ito ng gaya ng tao, ang posibilidad ng Adarna ay hindi dapat magwakas sa tadhana ng pagkakabihag sa mga kamay ng gaya ni Don Juan, o sa pagkakabilanggo sa kaharian ng Berbania, bagkus sa pagpapalaya rito mula sa anyo ng isang ibon para magampanan ang nasabing kakatwang tungkulin tungo sa kapakinabangan ng ibang tao na nangangailangan ng gayon ding uri ng paggamot. Ang pagbihag, at pagkakabilanggo, ng Ibong Adarna sa kahariang Berbania ay sakim, dominante, at makitid na pagtanaw sa estetikang silbi ng ibon—na ibig gawing alipin at imonopolyo ng piling maharlikang pamilya lámang.

Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay isang mito kung paano sasagkaan ang natural na proseso ng búhay ng tao.  Bakit pipigilin ang pagdupok ng katawan at ang napipintong kamatayan kung iyan ang likás na daloy para matamo ang kamalayan? Ang naturang aksiyon ay mula sa pananaw na ang tao ay lamán at buto lámang, at walang kamalayan. Ang kamalayan na tinutukoy dito ay hindi maitutumbas na kasalungat ng pagtulog o coma, na nakaaasiwa kung sisipatin bilang talinghaga sa panig ng isang manunulat o makata. Ang maituturing na paghahanap ng inmortalidad ay hangad ni Haring Fernando, na kakatawanin ng kaniyang tatlong anak. Ang matandang Haring Fernando ay haring masasabing hindi gumanap ng kaniyang tungkuling ipása sa susunod sa henerasyon ang tamang pamamalakad ng kaharian, at kung gayon ay ehemplo ng kawalang-kamalayan. Hindi niya kilala ang pinakaubod na katauhan ng kaniyang mga anak; at kinakailangan pang magkasakit siya, umupa ng eksperto para sanayin sa paggamit ng espada ang tatlong prinsipe, at ipadala sa Bundok Tabor, para lámang mailigtas siya sa malubhang karamdaman. Maipapalagay na takót mamatay si Haring Fernando, gaya ng takót siyang ihabilin sa kaniyang mga anak ang kaniyang kahariang ipinundar sa pamamagitan ng espada at pananakop.

Ang Ibong Adarna, gaano man kaganda o kailap, ay masisipat na hindi simpleng talinghaga na binibihag para lunasan ang malubhang sakít ng pagkatigang ng imahinasyon at kawalang-pakialam ng isang manunulat o makata sa lipunang Filipino. Iba ang daigdig ng Ibong Adarna at ang daigdig ng walang-hanggahang-posibilidad at imahinasyon ng manunulat. Ang manunulat o makata, na nagkataon mang “Filipino,” ay nahahanggahan ng kaniyang memorya, at ang memoryang ito ang nagtataguyod sa dunong o talino ng isang tao sa isang tiyak na panahon at espasyo, gaya noong pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas. Ngunit ang talino o dunong ay hindi ang sukdulan ng lahat, bagkus bahagi ng pagtatamo ng malalim na kamalayan-sa-sarili, lalo sa panig ng manunulat o makata. Lumalampas sa ideolohiya ang nasabing kamalayan, at hindi nangangailangan ng aprobasyon o palakpak ng kapisanan ng mga alagad o partidong pampolitika. Ang pagbihag sa Ibong Adarna ay hindi rin para sa kapakanan ng bumibihag sa kaniya, na gaya ni Don Juan, para lumawak ang angking kamalayan, bagkus para sagipin ang isang matandang maysakit na hari. Sa ganitong pangyayari, ang proseso ng pagbihag, gaano man kasalimuot gaya sa naturang korido, ay hindi para sa manunulat, bagkus waring laan sa isang tao na marunong gamitin ang hulagway ng engkantadang ibon para magtamo ng isang kaharian na mamanahin mula sa hari. Na malayang pagbulayan ng sinumang manunulat, o makata, lalo kung ibig niyang maghari sa poder at manatiling burukrata magpakailanman.

Malayang isipin o gamitin magpahangga ngayon ninuman “ang sakripisyo sa lilim ng Piedras Platas bilang talinghaga sa naging kasaysayan ng makatang Filipino sa loob ng ika-20 siglo.” Ngunit kahit ang ganitong pahayag ay dapat tinitimbang nang maigi, bago maging bato ang lahat.

landscape sea coast water horizon silhouette bird glowing cloud sky sun sunrise sunset morning dawn seagull dusk boot evening orange red romantic clouds denmark mood abendstimmung mirroring afterglow evening sky back light weather mood red sky at morning sinks laesoe vester havn

Ang “Filipino” sa Konstitusyong 1987 at ang kaso ng “Filipinas”

Hangad na sagutin ng panayam na ito ang legalidad ng paggamit ng salitang “Filipinas” sa mga akdang nasusulat sa Filipino, inilathala man ng publiko o pribadong ahensiya o institusyon. Inihayag noong isang taon nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit ng mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad [ng pamahalaan].”[i] Mahalagang talakayin ang tindig nina Torres-Yu atbp sapagkat ang anumang ipinromulgang konstitusyon noong 1987 ng pamahalaan, nasa Ingles man o Filipino, ay maaaring maging batayan ng paggamit ng Filipinas sa ngayon.

May nilalabag ba sa kasalukuyang konstitusyon o sa alinmang batas ng bansa, kung gagamitin ng pamahalaan sa partikular, at ng madla sa pangkalahatan, ang salitang “Filipinas” sa mga opisyal na komunikasyon? Bago ito sagutin ay marapat munang ilugar ang salitang “Filipino” at “Pilipino” sa konteksto ng Konstitusyong 1987. Kailangan ding linawin kung paano binuo ang Saligang Batas 1987, kung naipromulga ba ito sa kapuwa Ingles at Filipino, at kung natalakay nang husto ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal[ii].

Anyo ng Filipino
Sa rekord ng Komisyong Konstitusyonal[iii], kinilala ng Lupon sa Wika, ani Wilfrido V. Villacorta, ang sumusunod: una, may umiiral na lingguwa prangka na tinatawag na “Filipino” na ginagamit ng mga mamamayang may magkakaibang katutubong wika o diyalekto; at ikalawa, ang lingguwa prangkang ito ay “Filipino” at hindi “Pilipino” sapagkat hindi ito eksaktong Tagalog. Ipinaliwanag pa niyang ang Tagalog ay may purong anyo, samantalang ang Filipino ay mas puro pa ayon sa mga lingguwista dahil kinakailangan nitong umimbento ng salita kahit hindi pa ginagamit. Dumaan sa ebolusyon nang ilang siglo, sambit pa ni Villacorta, ang Filipino bilang lingguwa prangka sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang diyalekto na nauunawaan ng nakararaming tao. Ibinunyag pa niyang, ayon umano sa isang lingguwista,[iv] ang mga wika sa Filipinas ay may parehong ugat na salita, gramatika, at palaugnayan, kaya napakadaling mag-aral ng isang Filipino ng alinmang diyalekto sa Filipinas kompara sa mag-aral ng banyagang wika.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyon ng 1986.

Ang unang sesyon ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986. Larawan mula sa pamahalaan.

Mahalagang itampok dito ang kaibhan ng “Filipino” sa “Pilipino.” Sa tanong ni Jose C. Colayco hinggil sa kung ano ang kaibhan ng dalawang salita, tumugon si Villacorta na ang Filipino ay “pinalawak na Pilipino, at ito ang lingguwa prangka na likás na dumaan sa ebolusyon sa buong bansa, at ibinatay sa Tagalog at iba pang diyalekto [sic, wika] sa Filipinas at banyagang wika. Sumang-ayon din si Villacorta kay Colayco na higit na angkop ang Filipino na gamitin sa panukalang konstitusyon dahil kung ibabatay sa kasaysayan, ang Filipino ay nagmula sa “Filipinas” na nag-ugat naman sa “Felipe” [Haring Felipe II ng Espanya].[v] Ayon naman kay Francisco A. Rodrigo ang “Pilipino” ay tinanggal ang mga [hiram] na titik sa alpabeto na gaya ng \f\, \j\, \q\, \v\, at \z\ at pinalitan ng \k\ ang \c\ na lumitaw na katawa-tawa [kapag ginamit sa pasulat na paraan], at ang ganitong mga dahilan ang nagresulta para suportahan ang “Filipino” bilang wikang pambansa.[vi] Sa punto de bista ng Filipino ay tama si Rodrigo; ngunit sa punto ng Tagalog, ito ang pinakamadaling paraan ng adaptasyon, bagaman ang naturang gawi ay maaaring magsakripisyo ng orihinal na anyo ng salitang hiniram mula sa banyagang wika. Ilan sa maihahalimbawa na salitang Espanyol na may titik \c\ na naging \k\ o \s\ ang sumusunod: cabo (kabo), cacerola (kaserola), cadena  (kadena), cadete (kadete), camara (kamara), campana (kampana), at canal  (kanal).

Kung palalawigin pa ang obserbasyon ni Rodrigo, ang lahat ng salitang hiram sa Espanyol na may \f\ ay pinalitan lahat ng \p\, gaya ng café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola (parola), at Filipinas (Pilipinas). Ang \j\ ay tinumbasan ng \h\ sa Pilipino, gaya ng caja (kaha), cajero (kahero), jamón (hamon), Japonés (Hapones), jarana (harana), at justicia (hustisya). Ang \q\ ay hinalinhan ng \k\, gaya ng caqui (kaki), querida (kerida), quijones  (kihones),  quijote (kihote), quimiko (kimiko) quinta (kinta), at quizame  (kisame). Ang titik \v\ ay tinumbasan ng \b\, gaya ng  cavado (kabado), caviar (kabyar), levadura  (lebadura), civil (sibil), vaca (baka), uva  (ubas), favorito (paborito), avocado (abokado), at Eva (Eba). At ang titik \z\ ay pinalitan ng \s\, gaya ng carroza (karosa), brazo (braso), cabeza (kabesa), capataz (kapatas), cerveza (serbesa), eczema (eksema), at calzada (kalsada).

Sinabi naman ni Ponciano L. Bennagen na ang Lupon sa Wika ay pinili ang “Filipino” na may \f\ na gamitin sa panukalang Konstitusyong 1987 sapagkat ito ay opisyal na naghunos [evolved] sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng Tagalog na walang \f\, na “sumasalamin sa liberal na pagkilos tungo sa pagtanggap ng iba pang diyalekto sa lilitaw na lingguwa prangka.”[vii] Ang ganitong tindig ang siya ngayong ipinagpapatuloy ng KWF, pagkaraang lumitaw sa mga pambansang konsultasyon nito na may titik o tunog \f\ sa mga katutubong wika na dapat ipaloob sa Filipino.

Ang salitang “evolve,” gaya sa ebolusyon ng Filipino, ay isang puntong pinagtaluhan sa Komisyong Konstitusyonal. Kung ipagpapalagay na ang pagtanggap ng \f\  sa alpabetong Filipino ay napakahalagang aspekto ng ebolusyon upang makahiram ng mga salita sa panrehiyon o banyagang wika, ito ang dapat harapin sa ngayon. Mababalikan ang panukala ni Joaquin G. Bernas na enmiyendahan ang lahok na nabuo ng lupon hinggil sa wika.[viii] Tumutol si Villacorta dahil pinalalabnaw nito ang orihinal na panukalang napagkasunduan. Sumagot si Bernas na ang kaniyang panukala ay tinatanggal ang salitang “evolve” dahil hindi daw isinasabatas ang ebolusyon. Ngunit tumindig si Blas F. Ople, at ikinatwirang “ang salita ay kumikilala sa katotohanan na ang mga tao mismo ay may karapatang hubugin ang kanilang wika nang labas sa balangkas ng Konstitusyon o batas.” Idiniin ni Ople na ang tungkulin ng batas ay patuloy na paunlarin ang naturang mga wika[ix] (akin ang diin).

Salin at Promulgasyon
Ang panahon na ginagawa ang borador ng Konstitusyong 1987 ay yugto na nasa transisyon ang Institute of National Language (INL)/ Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na tatawaging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Noong 1986, nasa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno ang Filipinas, at ang SWP ay nasa alanganing posisyon bilang kawanihan. Gayunman, aktibong nagmungkahi ang SWP sa pangunguna ni Ponciano B.P. Pineda hinggil sa mga nararapat na probisyon ng panukalang konstitusyon 1987. Kabilang sa inilaban ng SWP ang sumusunod: una, gawing opisyal na wika ang Filipino; ikalawa, gawing wikang pambansa ang Filipino na ang pinakaubod ay “Pilipino.” Ang mungkahi ng SWP ay taliwas sa orihinal na panukala nina Ernesto Constantino, Consuelo J. Paz, Rosario Torres-Yu, at Jesus Fer. Ramos na ipromulga ang konstitusyon sa wikang Pilipinon sa paniniwalang ang “Filipino” ay dapat pang paunlarin, at ang tunog \f\ ay hindi mabigkas ng maraming Filipino. Ang pagdaragdag ng hulaping \-on\ , na gaya sa Hiligaynon, Surigaonon, Bikolnon, atbp ay katanggap-tanggap umano sa mga Bisaya at taga-Mindanaw.[x] Nabigong umusad ang Pilipinon dahil kailangan nitong magsimula sa zero, bagaman maganda ang idea na ang pambansang wika ay mabuo mula sa mga katangian ng sari-saring wika sa buong kapuluan.

Ang Filipino-na-ang-pinakaubod-ay-Pilipino ang magiging problematiko sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987. Habang binabalangkas pa lamang ang nasabing batas, ang lahat ng diksiyonaryo at tesawro sa buong kapuluan ay tinatanggap lamang ang Pilipino, gaya sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban; Pilipino Loan Words in English (1970) ni Fe Aldabe Yap; English-Tagalog Dictionary (1977) at Tagalog-English Dictionary (1986) ni Leo James English; English-Pilipino Dictionary (1995) nina Vito C. Santos at Luningning E. Santos; at Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP. Sa ganitong pagkakataon, bagaman tinatanggap sa hinagap ang mga hiram na titik, gaya ng \f\, \j\, \q\, at \v\, ang mga ito ay hindi pa nailalahok sa mga diksiyonaryo na magbibigay ng suliranin sa pagsasalin sa Filipino ng konstitusyon. Mapapansin kung gayon na ang Filipino sa yugtong ito ay marapat pang pinuhin ng mga lingguwista, editor, at manunulat.[xi]

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 8, ng Konstitusyong 1987, “This Constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish.”

Kung ang “Filipino” ay ipapalagay na kathang-legal [legal fiction] pa lamang, kung susundin ang pangangatwiran ni Bro. Andrew Gonzalez, ang paraan ng pagsasalin ng tekstong Ingles ng Konstitusyong 1987 tungo sa Filipino ay dapat handang tumanggap ng mga hiram na titik sa mga banyagang wika. At kung susundin ang lohika ni Pineda na ang ubod ng Filipino ay Pilipino, ang Filipino nito sa minimum na kahingian ay dapat sumunod sa panuntunan ng Pilipino at pagkaraan ay handang tumanggap ng pagbabago sa proseso ng ebolusyon ng Filipino, gaya ng titik \f\ na hindi lamang ginagamit sa Espanyol at Ingles, bagkus matutunghayan din sa mga katutubong wika sa hilaga at timog, partikular sa Kordilyera at Zamboanga Peninsula.

Pangunahing teksto at Salin
Isang malaking usapin sa mga pagdinig at pagtatalo ng Komisyong Konstitusyonal ay nang pagtibayin ang borador ng Konstitusyong 1987 sa wikang Ingles noong 13 Oktubre 1986, dalawang araw bago ang dedlayn ng Komisyon; sa kasamaang-palad ay hindi pa tapos ang bersiyong Filipino.  Nagtanong si Ponciano L. Bennagen kay Presiding Officer  Ricardo J. Romulo sa estado ng tekstong Filipino at kung anong paraan ito lalagdaan, yamang may pantay na importansiya ito sa tekstong Ingles.

Tinugon ni Jose F. S. Bengzon si Bennagen na kung sakali’t magkakaroon ng pagtutol sa salin sa Filipino na may kaugnayan sa paglabag sa mga konsepto ay mananaig ang tekstong Ingles. At ang mga pagtutol ay dapat maitala ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Christian S. Monsod na anumang tekstong Filipino na kanilang lagdaan ay ituring na borador lamang. Aniya:

I would like to suggest that any translations that are made, even if we sign them, be constituted as draft, because I do not think that we should sign any translation that we have not really studied ourselves. The only text that has been approved by this body is the English text. I do not think we can delegate to anybody the finalization of any other version that we ourselves have not gone through individually.[xii]

Ang pag-uusisa ni Bennagen kung ano ang magiging pangwakas na aksiyon upang maging opisyal na bersiyon ang tekstong Filipino ay makatwiran. Binanggit ni Bengzon na ang promulgasyon ng tekstong Filipino ay maaaring ganapin pagkaraan ng ratipikasyon, upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsasalin at marepaso iyon nang maigi ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Gayunman, may legal na balakid sa awtoridad ng Komisyong Konstitusyonal. Pagkaraan ng 15 Oktubre 1986 ay magiging functus officio—tapos na ang termino bukod sa nagwakas na ang gawain, at wala nang awtoridad pa na ipagpatuloy ang tungkulin— ng Komisyong Konstitusyonal.

Iminungkahi ni Ople na isaalang-alang ang referendum sa panig ng mga komisyoner kung sang-ayon ba sila sa magiging bersiyon ng tekstong Filipino. Binanggit ni Ople ang pangangailangang itatag ang isang ad-hoc komite na lilikom ng mga panukala upang pagsapit ng petsa na itatakda ng Pangulo makalipas ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987 ay maipopromulga na ang pangwakas na tekstong Filipino.[xiii]

Nilinaw ni Monsod, batay sa tanong ni Bennagen, na ang pangwakas na batas na may bisa [final operative act] ay nasa paglagda ng mga komisyoner. Iminungkahi niya na ituring na borador ang lalagdaan sa ika-15 ng Oktubre, at ang pinal na tekstong Filipino ay dapat personal na lagdaan ng mga komisyoner sa pamamagitan ng referendum bago magwakas ang kanilang termino.

Sumabat si Bengzon kung kailangan pa ang mga mungkahi sapagkat, aniya, dapat beripikahin ni Pangulong Corazon C. Aquino kung naging matapat ba ang tekstong Filipino sa tekstong Ingles bago ito ipromulga. Hindi na kailangan umanong magtipon muli ang mga komisyoner at suriin at tiyakin ang tekstong Filipino. Kung bibigyan naman ng sipi ang bawat komisyoner, kailangan pa rin nitong beripikahin ang salin. At magagawa lamang ito kung dudulog sa isang ahensiya ng gobyerno (na sa panahong iyon ay SWP). Sinabi pa niyang siguro naman ay titiyakin ng Tanggapan ng Pangulo ang pagiging matapat ng tekstong Filipino sa tekstong Ingles.

Lumitaw pagkaraan ang tanong kung aling teksto ang mananaig kapag nagkaroon ng pagtatalo sa nilalaman ng konstitusyon. Nilinaw ni Ople na ang mamamayaning teksto [controlling text] ay ang Ingles sapagkat iyon ang wika sa mga deliberasyon, at para sa layuning legal lamang. Narito ang paliwanag ni Ople bago pagkasunduan ang mamamayaning teksto sa konstitusyon[xiv]:

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Ricardo J. Romulo). Commissioner [Blas F.] Ople is recognized.

Mr. OPLE: If I may be allowed a recollection of the debates at that time, the Committee on Human Resources, headed by Commissioner Villacorta, did decide not to take a position on a controlling text. I think the presumption they adhered to was that the English and Filipino texts would be equal in rank for purposes of serving as official text of the promulgated Constitution. However, there is nothing to prevent this Commission from acknowledging the fact, as it has been acknowledged now, that the original draft was written in English and the deliberations mainly were conducted in English and that, therefore, for legal purposes, the English text could be considered controlling, for example, in courts of law, but only for purely legal purposes. We want to hold on, I am sure, to the symbolic equality of both texts.

MR. MONSOD: Mr. Presiding Officer.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). Commissioner [Christian S.] Monsod is recognized.

MR. MONSOD: I would like to formally move that the controlling text will be English, in case there is a conflict.

THE PRESIDING OFFICER (Mr. Romulo). For legal purposes.

MR. MONSOD: For legal purposes.

MR. [JOSE F. S.] BENGZON: I second the motion.

Ang pagturing sa Ingles bilang “namamayaning teksto,” ani Adolfo S. Azcuna, ay hindi dahil superyor ang Ingles sa Filipino, bagkus ito’y nagkataon lamang. Ginamit sa pangkabuuang deliberasyon ang Ingles at sumusunod lamang sila sa tuntuning travaux préparatoire.[xv] Sa ilang pagkakataon na ginamit nang bahagya ang Filipino sa mga sesyon ay mananatili pa ring namamayaning teksto ang Ingles, bagaman hindi sinasabi nang tahasan ang Ingles.[xvi] Pinagtibay pagkaraan ang isang resolusyon ng mga komisyoner na nagsasaad, “In case of conflict between the Filipino text and the English text, then the language predominantly used in our deliberations will prevail.”[xvii]

Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang kaso ng salitang “Pilipinas” bilang salitang panumbas sa “Philippines.” Kung ang namamayaning teksto ng Konstitusyong 1987 ang susundin, sa kasong may kaugnayan sa aspekto o layuning legal, ang dapat gamitin ay “Philippines” na hango sa Ingles, at ang wika at mamamayan ay dapat tawaging “Filipino” alinsunod sa anyo ng pagkakasulat sa Ingles. Mapupuwing na hindi konsistent sa ortograpiya, dahil kung “Philippines” ang bansa, ang mamamayan at konseptong kaugnay nito ay dapat tawaging “Philippinean.”

Gaya ng nabanggit ni Villacorta, ang paggamit ng “Filipino” ay konsistent sa orihinal na tawag sa bansa: Filipinas. Ngunit dahil sa hindi pa ganap na nalilinang ang modernong ortograpiya ng wikang Filipino nang isalin ang panukalang konstitusyon, nanaig sa salin ang terminong Pilipino na “Pilipinas.” Pinanaig din ang salitang “Pilipino” kapag tumutukoy sa pagkakamamamayan, at ito ay matutunghayan, halimbawa na sa “Preamble” na ang “Filipino people” ay tinumbasan ng “Sambayanang Pilipino” sa tekstong Filipino; o kaya’y sa Seksiyon 19, Artikulo II, na ang “Filipino” (mamamayan) ay tinumbasan ng “Pilipino.” Sa ganitong pangyayari, mahihinuha na ang pagkakasalin ng tekstong Ingles tungo sa Filipino ay nagmumula pa rin sa namamayani noong “Pilipino” ng SWP.[xviii] Para maging konsistent sa ortograpiya ay dapat tumukoy ang “Filipino” hindi lamang sa wika, bagkus sa pagkamamamayan at lahat ng konseptong may kaugnayan sa pagkabansa.

Ang usapin ng “Pilipinas” bilang salin ng “Philippines” ay matutunghayan din sa deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal. Nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap na katumbas lamang ito ng Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa pagsasalin ng Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino (na hindi pa tinatanggap ang mga hiram na titik na \c\, \f\,, \j\, \ñ\, \q\, \v\, \x\, at \z\ mula sa Espanyol at Ingles). Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.[xix]

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas (akin ang diin).” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa linya ng kautusan na “Pilipino” ang dapat itawag sa pambansang wika, batay sa pahayag ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959.[xx] Sinabi lamang ni Gascon na katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.[xxi]

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit ng Filipino bilang pang-uri ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa SWP. Higit pa rito’y mapapawalang-bisa ng Konstitusyong 1987 ang Konstitusyong 1973 sa oras na maratipikahan ng sambayanan.

Ang SWP noong 1959-1973 ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong 1991, bago pa ito maging KWF noong 1992, ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sa “wikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Nilagdaan ng mga komisyoner ang salin sa Filipino ng panukalang konstitusyon noong 15 Oktubre 1986, ngunit nabigo ang buong komisyon na repasuhin pa ang tekstong Filipino kompara sa ginawang pagrepaso sa tekstong Ingles.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas. Kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika sa pangkalahatang diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas na tahasang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pangyayari ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino pagsapit sa usaping legal.

Ang tanong: Mayroon bang pagtatalo [conflict] ng teksto sa Ingles at Filipino, kung pagbabatayan ang tekstong Filipino, hinggil sa paggamit ng “Pilipinas” o “Filipinas,” at siyang umaabot sa mga layuning legal? Ang tanong na ito, bagaman, karapat-dapat sagutin ng Korte Suprema, ay maaaring sagutin na “Oo.” Kapag ang isang kinatawan ng Kongreso ay nagbanta na sasampahan ng kaso ang KWF, o ang mga opisyal nitong nagsusulong ng “Filipinas,” ang tanong hinggil sa katumpakan ng salin sa Filipino ay dapat pinag-uusapan at nilulutas. Kapag ang Tanggapan ng Pangulo ay tinatanggap ang “Republic of the Philippines” at “Republika ng Pilipinas” ngunit tinatanggihan ang “Republika ng Filipinas” dahil sa usapin ng protokol, ang paggamit ng pangalan ng bansa ay umaabot sa layuning legal sapagkat ang dapat balikan ay ang konstitusyon.

Usapin ng salin sa Filipino
Ang tekstong Ingles ay inilimbag ng National Media Center, samantalang ang tekstong Filipino ay dinala sa pribadong limbagan.[xxii] Itinalaga sina Villacorta at Rustico F. de los Reyes, Jr na subaybayan ang paglilimbag sa Filipino, bukod sa sila rin ang may tungkuling tapusin ang pangwakas na borador ng tekstong Filipino.

Nanaig ang mungkahi ni Bengzon na lalagdaan ng mga komisyoner ang tekstong Filipino, na sasailalim sa pagtutuwid kung kinakailangan, sa petsang hindi lalampas sa ratipikasyon ng Konstitusyon, at isasakatuparan ng Tanggapan ng Pangulo ang pagsasalin. Inihayag ni Bengzon sa isang resolusyon na nagrerekomenda kay Pangulong Aquino na isagawa ang ratipikasyon pagsapit ng 23 Enero 1987, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 9 na nagtatadhana ng ratipikasyon o kaya’y pagtanggi sa bagong konstitusyon.

Nabuo at pinagtibay ang isang resolusyon na magkakaroon ng ad hoc komite pagkalipas ng 15 Oktubre 1986, at ang komiteng ito ay pamumunuan ni Tagapangulong Komisyoner Cecilia Muñoz-Palma upang tapusin nang ganap ang anumang nabinbing trabaho o likidasyon. Ang panukalang konstitusyon sa Ingles ay pinagtibay ng mga komisyoner noong 12 Oktubre 1986; at ang mga teksto sa kapuwa Ingles at Filipino ay nilagdaan ng mga komisyoner noong 15 Oktubre 1986. Nang ihayag ng Pangulong Aquino, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 58, ang opisyal na kambas ng boto at ratipikasyon ng Saligang Batas 1987 noong 11 Pebrero 1986, ang nasabing batas ay nagkabisa agad. Sa ganitong pangyayari, masasabing ang tekstong Filipino ay simbolikong pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal, nang may reserbasyon ang mga komisyoner sa katumpakan o kaangkupan ng salin, sa kabila ng paniniwalang ang mga lagda ng mga komisyoner ang magpapatibay sa bisa ng panukalang batas na nilikha nila.

Binanggit ang mga pangyayaring ito sapagkat napakahalaga ang promulgasyon ng panukalang Konstitusyong 1986, at ang ratipikasyon ng Konstitusyong 1987, sa wikang Filipino. Dapat ipromulga sa kapuwa Ingles at Filipino ang nasabing konstitusyon. Bagaman naganap ito, ang salin sa tekstong Filipino ay nabigong dumaan sa masinop na pagsusuri ng mga komisyoner (alinsunod sa mga payo ng mga batikang editor, manunulat, at lingguwista) na may tungkuling suyurin ang tekstong Filipino. Ipinaubaya na lamang ang pagsasalin sa isang ahensiya ng gobyerno, at ang ahensiyang ito, bagaman hindi binanggit sa mga pagdinig ng Komisyong Konstitusyonal, ay ang SWP na naging Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) pagkaraan. Ang tinutukoy ni Bennagen na mga iskolar at kasamahang nagsalin ng panukalang konstitusyon ay ang pangkat mula sa SWP, na pinamumunuan nina Pineda at Pablo Glorioso. (Ang LWP, na naging KWF pagkaraan, ay hindi na muling nagkaroon ng pagsusuri sa katumpakan ng salin alinsunod sa makabagong ortogpiya.) Ayon sa mga kawani ng SWP na nagsalin ng manuskrito ay baha-bahagi ang ginawa nilang pagsasalin; at lumalabis pa sila sa oras ng takdang trabaho upang masunod lamang ang dedlayn na itinakda bago lagdaan ito ng mga komisyoner. Noong 1991, apat na taon makaraang ratipikahan ang Konstitusyong 1987, ililimbag ng LWP ang nasabing konstitusyon, na sumusunod, ayon kay Pineda, sa “isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa.”[xxiii] Isang parikala ito, kung iisiping makiling sa Pilipino ang dating LWP, at wala ni isang lahok sa mga diksiyonaryo nito noong panahong iyon, ang mga lahok na salitang hiram sa banyagang wika na gumagamit ng \f\.

Kaso ng sagisag at eskudo de armas
Ginamit ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I ng Velenzuela, Bulakan, ang Batas Republika Blg. 8491 na pinamagatang “An  Act Prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-of-Arms, and Other Heraldic Items and Devices of the Philippines” upang paalalahanan ang KWF na mali ang isinusulong nitong panukala hinggil sa paggamit ng salitang “Filipinas.” Ito ay sa pangyayaring nakasaad sa Seksiyon 41, Kabanata IV, ng nasabing batas na dapat gamitin ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” sa pambansang eskudo de armas. Nakasaad din sa Seksiyon 42, Kabanata V, na dapat nakapaloob sa Great Seal [Dakilang Selyo] ang mga salitang “Republika ng Pilipinas” na magagamit lamang ng Pangulo.

Magkakaroon ng malaking usapin sa “Republika ng Pilipinas” na ginamit sa Batas Republika Blg. 8491 kung ang pinagbatayan nito ay ang Konstitusyong 1987, partikular ang tekstong Filipino na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal at nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1986. Ito ay sapagkat sumunod lamang ang naturang batas sa salin sa Filipino ng nasabing konstitusyon. Ngunit dahil mapag-aalinlanganan ang tekstong Filipino ng Konstitusyong 1987, na hindi pa noon nakaiigpaw sa parametro ng Pilipino, at sapagkat hindi napagdebatihan ng mga komisyoner nang masusi ang pangalan ng bansa, ang Philippines ang mananatiling iisa’t tanging pangalang opisyal hanggang ngayon sapagkat umaabot sa usaping legal ang paggamit ng “Philippines,” “Pilipinas,” at “Filipinas.”  Dapat ulitin ang napagkasunduan ng mga komisyoner noong 1986: Kung sakali’t may pagtatalo sa tekstong Ingles at Filipino, ang wikang ginamit nang malawakan sa mga diskusyon ng Komisyong Konstitusyonal ang dapat manaigsa layuning legal lamang. Sa kasong ito, ang tekstong Ingles na siyang ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang maipapalagay na dapat manaig na wika kung isasalang sa pagtatalong legal. Ibig sabihin, dapat ay Philippines ang opisyal na tawag sa bansa, ngunit kailangang isabatas muli ang paggamit ng Filipinas, alinsunod sa makabagong ortograpiyang sumusunod sa modernong panahon.

Ang paggamit ng Philippines ay tiyak na tatanggihan ng publiko kapag ang akda ay nasusulat sa Filipino o kaya’y sa wikang panrehiyon. Nakapaninibago sa paningin ng madla ang “Filipinas,” subalit konsistent sa modernong palatitikang sumusunod sa Filipino, kung ihahambing sa nakasanayang “Pilipinas.” Mananatili namang lumilihis sa makabagong ortograpiya ang “Pilipinas” na ang saligan ay “Pilipino” kung hindi man Tagalog.

Kung ipagpapalagay na panuhay na batas [enabling law] ang Batas Republika Blg. 8491 sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987, ang nasabing batas ay nangangailangan ng rebisyon sa hinaharap upang maituwid ang pangalan ng bansa, alinsunod sa wikang Filipino na may modernong ortograpiyang tumatanggap ng titik \f\. Hindi makatutulong kung magsasampa ng kaso si Rep. Gunigundo sa Korte Suprema, upang usigin lamang ang mga tao o institusyong gumagamit ng salitang “Filipinas.” Malayang gumamit ang sinumang Filipino ng “Filipinas” para sa ikalalago ng wika at alinsunod sa ebolusyon ng wika; ngunit tungkulin din ng gaya ng mambabatas na lumikha ng batas na higit na magpapalinaw o magpapayaman sa estado ng wika, halimbawa sa paggamit ng “Filipinas” o “Pilipinas” o “Philippines.”

Ang usapin ng Filipinas batay sa istoriko, hudisyal, at lingguwistikong pagdulog ang dapat harapin, hindi lamang ng mga mambabatas, bagkus ng taumbayan. Kung hihiramin ang winika ni Ople, ang taumbayan ay malaya at may karapatang paunlarin ang mga taglay nitong wika nang labas sa itinatadhana ng konstitusyon o alinmang batas; ngunit tungkulin ng batas na patuloy na paunlarin ang mga wika. Sa yugtong ito, magalang kong ipinapasa sa Kongreso ang pagpapatibay ng batas na lalagdaan ng Pangulo, hinggil sa tumpak at karapat-dapat na pangalan ng bansa.

[“Filipino” sa Konstitusyong 198 7 at ang Kaso ng “Filipinas” ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo. Panayam na binasa sa Pambansang Forum na ginanap sa gusali ng National Commission for Culture and the Arts noong 4 Pebrero 2014, at siyang itinaguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang panayam na ito ay pinaunlad na bersiyon ng mga naunang sanaysay ng awtor hinggil sa kaso ng “Filipinas” at “Filipino.”]

Mga Tala


[i] Basahin ang “Pahayag ng mga propesor at institusyon sa Unibersidad ng Pilipinas laban sa mungkahing palitan ng “Filipinas” ang Pilipinas bilang opisyal na pangalan ng bansa.” Walang tiyak na petsa, ngunit nailathala noong 15 Hulyo 2013 sa Angono Rizal News Online na pinamatnugutan ni Richard R. Gappi.

[ii] Kabilang sa bumubuo ng 48-kasaping Komisyong Konstitusyonal na nagpatibay ng Konstitusyong 1987 ang sumusunod: Cecilia Munoz Palma (President), Ambrosio B. Padilla (Vice-President), Napoleon G. Rama (Floor Leader), Ahmad Domocao Alonto (Assistant Floor Leader), Jose D. Calderon (Assistant Floor Leader), Flerida Ruth P. Romero (Secretary-General), Yusuf R. Abubakar, Felicitas S. Aquino, Adolfo S. Azcuna,Teodoro C. Bacani, Jose F. S. Bengzon, Jr., Ponciano L. Bennagen, Joaquin G. Bernas, Florangel Rosario  Braid, Crispino M. de Castro, Jose C. Colayco, Roberto R. Concepcion, Hilario G. Davide, Jr., Vicente B. Foz, Edmundo G. Garcia, Jose Luis Martin C. Gascon, Serafin V.C. Guingona, Alberto M. K. Jamir, Jose B. Laurel, Jr., Eulogio R. Lerum, Regalado E. Maambong, Christian S. Monsod, Teodulo C. Natividad, Ma. Teresa F. Nieva, Jose N. Nolledo, Blas F. Ople, Minda Luz M. Quesada, Florenz D. Regalado, Rustico F. de los Reyes, Jr., Cirilo A. Rigos, Francisco A. Rodrigo, Ricardo J. Romulo, Decoroso R. Rosales, Rene V. Sarmiento, Jose E. Suarez, Lorenzo M. Sumulong, Jaime S. L. Tadeo, Christine O. Tan, Gregorio J. Tingson, Efrain B. Trenas, Lugum L. Uka, Wilfrido V. Villacorta, at Bernardo M. Villegas.

[iii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, mp. 1188-1189, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[iv] Maaaring ang tinutukoy dito ni Wilfrido V. Villacorta ay si E. Arsenio Manuel o F. Landa Jocano na pawang may antropologong pag-aaral sa paglago ng  populasyon ng Filipinas, at konektado sa mga wika. Ngunit ang pinakamalapit na tao ay si Cecilio Lopez na dating direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP), at siyang sumulat ng “Origins of Philippine Languages.” Inugat ni Lopez ang pagkakahawig sa pagkakahawig sa ponolohiya ng 15 katutubong wika sa Filipinas. Ipinaliwanag din niyang ang mga wika sa Filipinas ang may pinakamasalimuot na morpolohiya sa Malayo-Polynesia. Magkakahawig din umano ang sintaktikang anyo ng mga wika sa Filipinas (halimbawa, simuno at panaguri, atribusyon, at ugnayan sa serye), bukod sa kalitatibong pagkakahawig ng mga ispeling, tunog, pahiwatig, at pakahulugan. Basahin ang Philippine Studies tomo 15, bilang 1 (1967): 130–166

at inilathala ng Ateneo de Manila University.

[v] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Tomo 2, p. 1190, na ang petsa ng deliberasyon ay 10 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[vi] Ibid., p. 1191.

[vii] Ibid., 1190.

[viii] Ang panukala ni Joaquin G. Bernas ay “The national language of the Philippines is Filipino. It shall be allowed to evolve and be further developed and enriched on the basis of the existing Philippine and other languages.” Ibid., p. 1191.

[ix] Ibid., 1191.

[x] Basahin ang “Proposals to the Con-Com: Provisions for the National Language” na sinulat nina Dr. Ernesto Constantino, Dr. Consuelo J. Paz, Prof. Rosario Torres-Yu, Prof. Jesus Fer. Ramos, at may petsang 11 Hunyo 1986. Inilathala sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2001, mp. 71-81.

[xi] Ang tanging maiibang diksiyonaryo ay ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001) na inedit ni Virgilio S. Almario atbp., sapagkat nailahok sa aklat na ito ang mga salitang may titik \c\, \f\, \j\, \q\, \v\, \x\, at \z\, bukod naglahok ng maraming katutubong salita mula sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan. Ginamit din sa naturang diksiyonaryo ang makabagong ortograpiya na binuo ng UP Sentro ng Wikang Filipino, sa pangunguna ni Dr. Galileo S. Zafra atbp.

[xii] Basahin ang Journal of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, Tomo 5, p. 971, na ang petsa ng deliberasyon ay 13 Setyembre 1986. Inihanda ng Journal Service na pinangangasiwaan ni Kalihim Heneral Flerida Ruth P. Romero.

[xiii] Ibid., p. 971.

[xiv] Ibid., p. 973.

[xv] Ang “travaux préparatoire,” ayon sa Lilian Goldman Law Library ng Yale University, ay opisyal na dokumentong nagtatala ng mga negosasyon, pagbuo ng borador, at talakayan habang nasa proseso ng paglikha ng tratado. Ang dokumentong ito ay maaaring sangguniin at isaalang-alang kapag ipinapakahulugan ang tratado. Tingnan ang http://library.law.yale.edu/collected-travaux-preparatoires na hinango noong 2 Pebrero 2014, alas 9:31 ng umaga sa Filipinas.

[xvi] Ibid., p. 974.

[xvii] Ibid., p. 974. Pinagtibay ang resolusyon sa botong 24 ang pabor, 2 ang salungat, at 3 ang hindi bumoto.

[xviii] Ang orihinal na tekstong Ingles sa Seksiyon 19, Artikulo II ay “The State shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos” na tinumbasan sa wikang Filipino na “Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino” (akin ang diin). Mapupuwing din ang salin sapagkat ang “bumuo” ay maaaring magpahiwatig na wala pang umiiral na pambansang ekonomiya, at siyang taliwas sa “develop” na maipapalagay na may umiiral nang pambansang ekonomiya ngunit kailangan na lamang pasiglahin o palawakin pa.

[xix] Ayon sa Seksiyon 3, Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, “Section 3. The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.” Dahil sa tadhanang ito, ang pangalan ng bansa simula noong 1935 ay “Philippines” at kung tutumbasan man ng salin sa Espanyol ay “Filipinas.”

[xx] Ayon sa kautusan ni Kalihim Jose E. Romero, “Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.” Pinamagatan itong “Using ‘Pilipino’ in Referring to the National Language,” Circular No. 19, s. 1959 na ipinalabas ng Department of Education, Bureau of Public Schools noong 30 Setyembre 1959. Matutunghayan din ito sa Dokumentasyon ng mga Batas Pangwika, Komisyon sa Wikang Filipino at Iba pang Kaugnay na Batas (1935-2000), na pinamatnugutan ni Nita P. Buenaobra. Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino, 2001, p. 95.

[xxi] Mula sa “Records of Plenary Sessions of the Constitutional Commission” noong 1 Setyembre 1986, na hango sa The Language Provision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines nina Andrew Gonzalez, FSC, at Wilfrido V. Villacorta. Manila: Linguistic Society of the Philippines, 2011, p. 182. Ang tekstong ito ay matutunghan din sa Record of the Constitutional Commission, Proceedings and Debates, tomo 5.

[xxii] Ibid., p. 971. Ayon ito kay Jose F. C. Bengzon, at kung babalikan ang limbag na Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1986) na pinagtibay ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 ay pinagtibay ang manuskrito sa National Government Center, Lungsod Quezon. Inilathala at ipinakalat ang nasabing babasahin ng Hear Enterprise na may adres na 27 Road 2, Project 6, Quezon City.

[xxiii] Basahin ang paunang salita ni Ponciano B.P. Pineda sa Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas (1991) na inilimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas, at may petsang 2 Pebrero 1991.

Ang Konstitusyong 1987 at ang kaso ng Filipinas

“This constitution shall be promulgated in Filipino and English and shall be translated into major regional languages, Arabic, and Spanish,” saad ng Artikulo XIV ng Konstitusyong 1987. Ngunit hindi ito nasunod nang mahigpit; at ang salin sa Filipino ay malalathala lamang noong 1991, limang taon pagkaraang balangkasin ng Komisyong Konstitusyonal ang panukalang konstitusyon noong 1986.

Dahil pangunahing instrumento ng batas ang Konstitusyon, ang bersiyong Filipino at Ingles ay ideal na iharap nang magkasabay sa plebisito upang kagyat na umiral (Artikulo XVIII, Seksiyon 27). Hindi dapat tumbasan ng “salin” sa Filipino ang konstitusyon; bagkus ito’y nararapat na maisulat muna sa Filipino saka isalin sa mga wikang panrehiyon, bukod sa Arabe at Espanyol. Dahil ang Konstitusyon ay isinulat sa Ingles, ang katumbas nito sa Filipino ay sumusunod lamang sa balangkas at anyo ng Ingles.

Ang bersiyong Filipino ay malalathala lamang sa elektronikong anyo noong 2012 sa Official Gazette na maituturing na isang anomalya. Ang ginamit sa bersiyon doon ay ang “salin” sa Filipino ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) na pinamumunuan noon ni Direktor Ponciano B.P. Pineda. Mapapansin sa introduksiyon ni Pineda na hindi dumaan sa plebisito ang bersiyong Filipino:

Ipinalimbag namin ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa layuning maitanghal sa bayan ang muhon ng paglilingkod sa paglikha ng isang dakilang kasulatan sa kasaysayan ng bansa.

Hindi layunin ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas na gampanan ang malawakang pamamahagi ng mga sipi ng Saligang-Batas sa masa ng sambayanan. Manapa’y upang makapaglabas lamang, sa limitadong edisyon, ng mapanghahahawakang teksto sa Wikang Filipino na maaaring maging sanggunian unang-una ng mga tanggapan, institusyon o ng mga interesadong indibidwal.

Ang Konstitusyong 1987 ay nananatiling nasa Ingles; at ang bersiyong Filipino nito, na dapat ay may sipi ang COMELEC (Commission on Elections), at siyang ginamit sa plebisito, ay hindi matagpuan.

Kaya walang makapagsasabing ang pangalan ng bansa natin ay “Republika ng Pilipinas.” Ang tumpak ay “Republic of the Philippines” dahil iyon lamang ang pinagtibay ng sambayanan.

Inihayag pa ni Pineda na sumunod sa makabagong ortograpiya ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987. Aniya,

Tinatawagan namin ng pansin ang mga gagamit, pati ang mga gumagamit na, ng tekstong Filipino ng Karta na sinunod sa ispeling ang bagong kalakarang kakambal ng isinamodernong palatitikan at palabaybayan ng wikang pambansa. Bukod dito’y mapapansin din ang liberalisado ngunit masinop na panghihiram at mabisang domestikasyon ng mga banyagang salita at parirala.

Dahil sa kakapusan sa pondo, hindi na namin inilakip dito ang tungkol sa mga distritong lehislatibo na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at sa Metropolitan Manila Area.

Ang tinutukoy na modernisadong ortograpiya ni Pineda ay malaki ang kiling sa nakamihasnang “Pilipino.” Mapapansin na kahit sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) ng LWP ay wala ni isang lahok na salitang nagsisimula sa titik /f/ o gumagamit ng /f/ mula man sa hiram sa Espanyol, Ingles, o kaya’y sa mga wikang panrehiyong gaya sa Cordillera o sa Zamboanga Peninsula. Ang “Pilipinas” at “Pilipino” (tao) na ginamit ng LWP noong panahong iyon, gaya ng nasasaad sa pangalan ng institusyon, ay nakabatay sa Tagalog, at siyang umiiral sa “Pilipino” na pinalaganap noong 1959 ni Kalihim Jose Romero ng Kagawaran ng Edukasyon.

Sumusunod ang bersiyong “Filipino” ng Konstitusyong 1987 sa bersiyong “Pilipino” na ginamit sa katumbas na salin ng Konstitusyong 1973. Ipinaliwanag ko na ito sa aking naunang artikulo.

Kung babalikan ang Official Gazette, lumitaw doon ang isang sertipikasyon, o “katunayan” hinggil umano sa “wastong salin sa Filipino ng Saligang Batas ng 1987 na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino at unang ipinalimbag ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas noong 1991.” Isinaad pa sa nasabing dokumento na “ipinalabas ang gayon sa ika-3 ng Agosto 2012 para sa anumang legal at opisyal na pangangailangan.”

May kasinungalingan ang ipinalabas ni Jose Laderas Santos na dating Tagapangulong Komisyoner ng KWF , at siyang lumagda sa nasabing dokumento. Una, walang pagpapatibay na ginawa ang KWF hinggil sa “salin” sa Filipino ng Konstitusyong 1987, bagkus personal na sertipikasyon lamang iyon ni Santos. Kahit halungkatin ang buong Yunit ng Kasulatan at aklatan ng KWF ay walang matatagpuan doon ni isang resolusyon na nagmula sa Kalupunan ng mga Komisyoner na ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987 ay pinagtibay at nilagdaan ng lahat ng komisyoner o kaya’y kinikilala nila iyon bilang “opisyal na salin” o “opisyal na bersiyong Filipino.” Ikalawa, ang bersiyong nalathala sa Official Gazette ay sa “limitadong edisyon” lamang, at kung gayon ay maipapalagay na hindi lumaganap sa buong kapuluan at nasuri ng sambayanan o ng mga komisyoner ng Kumbensiyong Konstitusyonal. Ikatlo, ang bersiyong Filipino ay hindi sumailalim sa plebisito, o kaya’y nasuri ng Komisyong Konstitusyonal, o pinagtibay ng Kongreso. At ikaapat, walang Kalupunan ng mga Direktor (Board of Directors) ang LWP na siyang magpapatibay ng resolusyon hinggil sa katumpakan ng bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.  Ang LWP noong panahong iyon ay kadikit na ahensiya ng Department of Education, Culture, and Sports (DECS). Kung gayon, masasabing walang opisyal na bersiyong Filipino ang Konstitusyong 1987.

Pansinin na ang isinumiteng bersiyon sa Filipino ni Santos, at siyang ipinalimbag ng LWP, ay nagbago ang sukat at anyo ng font pagsapit sa dulo ng teksto. Mahihinuha rito na isiningit lamang ang isang talata, bago inilista ang mga pangalan ng mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal.

Nang isailalim sa referendum ang Konstitusyong 1987, ang bersiyong Filipino at Ingles ang dapat magkasabay na iniharap sa sambayanan upang pagtibayin. Ngunit lumilitaw ngayon na Ingles lamang ang napagtibay, at hindi nakasunod ang bersiyong Filipino. Ang inilathala ng LWP na “salin” (o bersiyong Filipino) ng Konstitusyong 1987 ay isang anomalya, sapagkat tapos na noon ang plebisito at hindi na napagtibay pa ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal ang bersiyong Filipino ng Konstitusyong 1987.

Sa bisa ng ating Konstitusyong 1987, “Republic of the Philippines” ang iisa’t tanging opisyal na pangalan ng ating bansa. Ang “Republika ng Pilipinas” ay kathang legal na malaki ang posibilidad na mapalitan ng “Republika ng Filipinas” sapagkat walang opisyal na bersiyon sa Filipino na ginawa at pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF noon at magpahanggang ngayon. Malaki rin ang posibilidad na mapalitan ang Batas Republika Blg. 8491, na nagtatakda na gamitin ang “Republika ng Pilipinas” sa mga eskudo, logo, at sagisag ng bansa. Kung ang pinagbatayan ng naturang batas ay ang Konstitusyong 1987, isang malaking pagkakamali iyon sapagkat wala namang opisyal na bersiyon sa Filipino, o sabihin nang katumbas na “salin” sa Filipino, ang bersiyong Ingles ng Konstitusyong 1987.

Inaasahan kong maglalabas ng bagong salin ng Konstitusyong 1987 ang kasalukuyang administrasyon ng KWF , at siyang kolektibong pagtitibayin ng Kalupunan ng mga Komisyoner, nang may masinop na pagsasaalang-alang sa modernong ortograpiyang pambansa para sa bagong henerasyon ng mga Filipino.

Hinihintay ng sambayanan ang Filipinas para sa lahat ng Filipino.

Filipinas ng Makabagong Panahon

Mainit magpahanggang ngayon ang panukalang paggamit ng “Filipinas” bilang opisyal at pangkalahatang tawag sa bansa, at may panukalang patayin ang “Pilipinas” at “Philippines”. Maraming umiismid, kung hindi man umaangal, na higit umanong dapat pagkaabalahan ang iba pang problemang panlipunan, gaya ng pagtugon sa kahirapan at gutom. Isang katawa-tawa pa, sabi nila, na baguhin ang nakagisnan ng mga Filipino.

Ang pagpili ng pangalan ay sumasalamin sa pangkalahatang kamalayan ng mga mamamayan; at kahit sabihing simple ang pagpapalit ng titik \P\ tungong \F\ ay maaaring umabot iyon sa pagsasaharaya ng kabansaan ng makabagong panahon, gaya ng panukala ni Tagapangulong Komisyoner Virgilio S. Almario at ng mga kasama niyang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Isang rebeldeng panukala ang pagpapanumbalik sa Filipinas, at ang implikasyon nito ay higit na madarama ng mga kasalukuyang manunulat, editor, at kahit ng madlang mambabasa.

Inihayag kamakailan ng pitong propesor ng Unibersidad ng Pilipinas — na kinabibilangan nina Dr. Rosario Torres-Yu, Dr. Teresita G. Maceda, Dr. Maria Bernadette L. Abrera, Dr. Adrian P. Lee, Dr. Ramon G. Guillermo, Dr. Pamela C. Constantino, at Dr. Jovy M. Peregrino —  na “malinaw na paglabag sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas ang paggamit sa mungkahing ‘Filipinas’ kapag ito’y ipinatupad.” Idinagdag pa nila na “matagal nang kinikilalang Pilipinas ang opisyal na pangalan ng bansa,” at nasa legal na dokumento gaya ng pasaporte, selyo, at pera.

Hindi ito totoo; at walang paglabag sa kasalukuyang konstitusyon kung gamitin man ang Filipinas, gaya ng paggamit ng pangalang “Embajada de la Republica de Filipinas” sa Argentina, Chile, Espanya, Mexico, Olanda, Peru, at iba pa. Higit na naunang gamitin ang salitang “Filipinas” kaysa “Pilipinas,” at ang orihinal na paggamit dito’y mauugat pa sa Konstitusyong Malolos noong 1899. Saad nga sa Título XIV — De la Observancia y Juramento Constitucional y de los Idiomas, Artículo 93:

El empleo de las lenguas usadas en Filipinas es potestativo. No puede regularse sino por la ley y solamente para los actos de la autoridad pública y los asuntos judiciales. Para estos actos se usará por ahora la lengua castellana.

Ang paggamit umano ng mga wikang sinasalita ay hindi magiging sapilitan sa Filipinas. Hindi ito maisasabatas maliban sa bisa ng batas, at sa mga gawain ng publikong awtoridad at panghukuman. Sa gayong pagkakataon, ang wikang Espanyol ay pansamantalang gagamitin. Kaya paanong makapapasok ang Pilipinas sa dominyo ng kapangyarihan nang panahong iyon?

Kung babalikan ang higit na nauna ngunit probisyonal na Konstitusyong Biak na Bato ng 1897, malinaw na nakasaad sa Artikulo VIII, na “Ang Tagalog ang magiging opisyal na wika ng Republika” [El tagalog será la lengua oficial de la República]. Ngunit binanggit sa pamagat ng Konstitusyon ang Filipinas: Constitución Provisional de la Republica de Filipinas, at ginamit kahit sa salin sa Tagalog sa kauna-unahang pagkakataon ang Republika de Filipinas.

Ginamit ang salitang Filipinas mula sa tula ni Jose Palma, at siyang pinagbatayan ng pambansang awit, hanggang sa mga batas at regulasyon. Mula noon, ang Filipinas ay hindi na lamang isang pangalan bagkus tatak ng kalakal, pabrika, kapisanan, kasarian, kahusayan, kalayaan, at kabansaan. Sabihin mang ang Filipinas ang pangmaramihang anyo ng Filipina, alinsunod sa gramatika ng Espanyol, at ang Filipina ay naghunos na pang-uri ng republika, ang Filipinas ay walang pasubaling ang pangngalan at pangalan na ginamit, tinanggap, at pinalaganap makaraang magtagumpay ang himagsikan ng mga mamamayan laban sa Espanya. Tumanyag lamang ang Pilipinas makaraang isaad sa Artikulo IX, Seksiyon 2 ng Konstitusyong 1943 sa ilalim ni Pang. Jose P. Laurel ang sumusunod:

The government shall take steps toward the development and propagation of Tagalog as the national language.

Bagaman walang binanggit na opisyal na wika ang Konstitusyong 1943, ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Tagalog  bilang wikang pambansa ay kaugnay ng pagsikil sa hiram na titik \f\ ng Espanyol, at paghalili rito ng \p\, upang mapadali ang pagbigkas, pagsulat, at pag-angkin ng mga mamamayan.

Ang kauna-unahang selyo makaraang magwagi ang mga maghihimagsik ay tinawag na Correos Filipinas at may tatak pa ng Gobierno Revolucionario Filipinas noong 1899. Ang kauna-unahang pisong pilak na pinanday noong 1897 at ginamit sa buong kapuluan hanggang noong 1904, at may busto ni Alfonso XIII, ay may nakaukit na mga salitang Islas Filipinas. Ang pinakamatandang bangko sa bansa ay ang Banco de las Islas Filipinas na kilala ngayon bilang Bank of Philippine Islands (BPI). Ngunit ang kauna-unahang pasaporte sa ilalim ng Commonwealth of the Philippines ay nasa wikang Ingles, at nanaig mula noon ang taguring Philippines sanhi ng kampanya ng Estados Unidos bukod sa pagsunod sa Artikulo 1 ng Konstitusyong 1935.

Ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 3 ng Konstitusyong 1935,

The Congress shall take steps toward the development and adoption of a common national language based on one of the existing native languages. Until otherwise provided by law, English and Spanish shall continue as official languages.

Magiging makapangyarihan ang taguring Philippines sa tulong ng Estados Unidos, ngunit mananatili ang Filipinas bilang opisyal na katumbas sa Espanyol, kaya paanong susulpot ang Pilipinas kaagad-agad, gayong pagkaraan pa lamang ng 1940 maipalalaganap ang balarila at diksiyonaryo ng wikang pambansa? Mula sa pelikula ay isisilang ang La Mujer Filipina (1927) na itinaguyod ni Jose Nepumuceno. Pagsapit ng 1958 hanggang dekada 1960 ay mauuso ang mga pelikulang hibong Hollywood, ngunit sisilang din ang pangalan ng Pilipinas, alinsunod sa kautusan mula sa Kagawaran ng Edukasyon na gamitin ang “Pilipino” sa lahat ng paaralan. Ang nasabing kautusan, na nilagdaan ni Kalihim Jose E. Romero noong 1959, ang magtatakda ng taguri sa pambansang wika:

Pursuant to the objective that inspired the President’s proclamation, and in order to impress upon the National Language the indelible character of our nationhood, the term PILIPINO  shall henceforth be used in referring to that language.

Sa kautusan ni Kalihim Romero ay natural na sumunod ang Pilipinas sa Pilipino, alinsunod na rin sa naturang palabaybayan. Ang kautusan ni Kalihim Romero ang magiging batayan ng katumbas na salin sa sariling wika, ayon sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (1) ng Konstitusyong 1973, na nagsasaad:

This Constitution shall be officially promulgated in English and Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Ang Filipino sa bisa ng Konstitusyong 1973, ayon kay Andrew Gonzalez, ay maituturing na kathang-isip na batas [legal fiction] upang maging katanggap-tanggap sa iba’t ibang delegadong kabilang sa kumbensiyong konstitusyonal. Saad nga sa Artikulo XV, Seksiyon 3 (2) at (3) ng naturang konstitusyon:

(2) The Batasang Pambansa shall take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.

(3) Until otherwise provided by law, English and Pilipino shall be the official languages.

Hindi makatotohanan kung gayon ang pahayag ng mga butihing propesor ng UP na pawang sumasalungat sa paggamit ng “Filipinas,” at ang pananaw nila ay masasabing naroon pa rin sa yugto ng Pilipino. Ang Konstitusyong 1973 ay pinawalang bisa ng Konstitusyong 1987, Artikulo XIV, Seksiyon 6, na nagsasaad na,

The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.

Ang Filipino ng Konstitusyong 1987 ay lumampas na sa Pilipino ng Konstitusyong 1973, habang kumikilala sa pag-iral nitong Filipino bilang lingguwa prangka, at ang pagtatangkang lumikha ng makabagong ortograpiya ay masisilayan noong 1978 at 1985 sa pamamagitan ng mga konsultasyon at forum na ginawa ng LWP at pagkaraan ng KWF. Lumikha rin ng mga bukod na konsultasyon ang mga batikang manunulat, akademiko, editor, atbp na pawang pinamunuan ni Almario atbp upang mabuo ang higit na abanseng ortograpiya.

Ginagamit na ang Filipinas noon pa man, ngunit unti-unting mababago lamang ito dahil sa masugid na kampanya ng pagtataguyod ng ortograpiyang nakabase sa Tagalog, at yamang ang Tagalog ay tinumbasan ng \p\ ang lahat ng \f\ (bukod pa ang lahat ng \v\ na pinalitan ng \b\) na mula sa salitang Espanyol at siyang inangkin sa Tagalog at pagkaraan sa Pilipino, hindi kataka-takang mapasama sa kampanya ang Filipinas at Pilipinas.

Bilang halimbawa ang sumusunod: café (kape), certificado  (sertipikado), defecto (depekto), defensa (depensa), deficit (depisit), definición (depinisyon), definido (depinido), fabrica  (pabrika), falda (palda), falso (palso), fanatico   (panatiko), fantastico   (pantastiko), farol  (parol), farola  (parola), fatalidad  (patalidad), febrero (Pebrero), fecha (petsa) feria (perya), filosofia (pilosopiya), frances  (Pranses), fundar  (pundar),  grifo  (gripo), Filipinas  (Pilipinas). Kung susuyurin ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang Tagalog-English Dictionary ni Leo James English (1986), at Vicassan’s Pilipino-English Dictionary (1978) ni Vito C. Santos, ang lahat ng \f\ na mula sa mga salitang Espanyol na hiniram ay pinalitan ng \p\ pagsapit sa Pilipino. Ni walang lahok kahit isa sa titik \f\ sa naturang mga diksiyonaryo. Heto pa ang mabigat: Kung babalikan ang Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) na inilathala ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (LWP) ay walang lahok din ni isang salita sa titik \f\, sapagkat wala pa noong \f\ sa korpus ng Filipino. Sa ganitong pangyayari, paanong makapananaig ang Filipinas? Bakit kinakailangang isaad ang isang salita sa pamagat pa mismo ng diksiyonaryo, gayong ang naturang salita ay hindi naman matatagpuang lahok sa loob ng diksiyonaryo? Isang anomalya ito na marahil ay pinuna kahit ng yumaong Senador Blas F. Ople.

Pinatay ang Filipinas (at lalong walang Filipino) sa mga diksiyonaryo at tesawro noong panahon ng Pilipino, kahit pa noong isinasalin ng LWP ang Konstitusyong 1987. Ang Filipino ng LWP at ng unang yugto ng KWF ay ibinatay nang malaki sa ABAKADANG Tagalog, ngunit ganap na magbabago sa UP Diksiyonaryong Filipino (2010) ni Virgilio S. Almario atbp pagkaraang pandayin nang ilang ulit ang makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyong 1987.

Kaya kahit noong deliberasyon sa Komisyong Kontitusyonal noong 1986, nabanggit ni Gregorio Tingson na nagulat siya nang minsang magpadala ng liham sa kaniyang esposa mulang Larnaka, Cyprus tungong Philippines. Wala umanong Philippines, sabi ng post master ng Larnaka, at hindi nito naisahinagap ang Filipinas. Binanggit din ni Tingson na binabaybay na “Pilipinas” ang pangalan ng bansa, ngunit isinusulat minsan na “Filipinas” kaya marami umanong turista at bisita ang nalilito. Itinanong din niya sa kapulungan kung ang Bureau of Posts ay awtorisadong baguhin ang opisyal na pangalang Philippines tungong Pilipinas.

Sumagot si Wilfrido Villacorta na ang “Pilipinas” ay opisyal ding pangalan ng bansa. Ngunit hindi naisaalang-alang ni Villacorta ang istoriko at lingguwistikong pinagbatayan ng Pilipinas, at kung bakit hindi Filipinas. Ang wikang ginamit sa Konstitusyong 1973 ay Pilipino, na labis ang kiling sa Tagalog. Nang ipromulga ang Konstitusyong 1973, malinaw na ang taguring Pilipinas ay batay sa konserbatibong Pilipino. Kaya tumpak lamang na mabahala si Tingson nang wikain niyang “wala akong alam na opisyal na batas na pinagtibay ng Kongreso na opisyal na tawagin sa ibang pangalan ang bansa maliban sa Philippines.” Mapapansin kung gayon na lumilingon si Tingson sa Konstitusyong 1935, at hindi lamang sa Konstitusyong 1973.

Sumabat pagkaraan si Jose Luis Gascon at sinabing, “The Pilipino translation of Philippines is Pilipinas.” Walang paliwanag si Gascon sa kaniyang pahayag, at mahihinuhang sumusunod lamang siya sa pahayag na “Pilipino” ni Kalihim Romero noong 1959. Sinabi lamang niyang katumbas ng Philippines ang Pilipinas, subalit nabigong ipaunawa nang malalim at makatwiran kung bakit hindi dapat gamitin ang Filipinas. Hindi rin malay si Gascon sa dating ortograpiyang ibinatay sa Tagalog at pumatay sa titik \f\.  Hirit pa ni Gascon:

On the query of Commissioner Tingson whether there was any official act of changing the name Philippines to “Pilipinas” Commissioner (Adolfo S.) Azcuna told me that the 1973 Constitution had a Filipino translation of the Republic of the Philippines which was promulgated, and that is “Republika ng Pilipinas.” So it has been officially promulgated; therefore it does not need any congressional act.

Mapapansin sa siniping transkripsiyon na ang gamit ng “Pilipino” at “Filipino” bilang mga wika ay nagbago kahit sa mga bigkas ni Gascon. Ang unang gamit niya na Pilipino ay mahihinuhang mula sa lumang ortograpiyang Tagalog at namayaning Pilipino alinsunod sa kautusan ni Kalihim Romero noon at siyang sinundan ng Konstitusyong 1973; samantalang ang ikalawang gamit na Filipino ay para sa mithing abanseng wika ng bansa, at siyang iiral sa Konstitusyong 1987. Ang “Filipino translation” na winika ni Gascon at patungkol sa “Pilipinas” ay mapasusubalian kung gayon. Ang binanggit ni Gascon na salin ay Pilipino at hindi Filipino, bukod sa walang opisyal na imprimatur mula sa Surian ng Wikang Pambansa na naging LWP at ngayon ay tinatawag na Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang LWP noong panahong iyon ay nakakiling sa “Pilipino” samantalang pangarap pa lamang ang wikang “Filipino.” At kahit ang LWP noong panahong iyon ay walang opisyal na tindig hinggil sa Filipinas, Pilipinas, at Philippines, ngunit gumagamit ng “Pilipinas” alinsunod sa ABAKADANG Tagalog, bukod sa napakakonserbatibo kung hindi man atrasado ang diksiyonaryo nito sawikang Filipino.” At bagaman ipinromulga ang Konstitusyong 1973, ang promulgasyon ng salin ay batay sa Pilipino ni Kalihim Romero. Hindi kataka-taka kung gayon na ang salin sa “Filipino” ng Konstitusyong 1987 ay hindi Filipino sa pinakamataas nitong pamantayan, bagkus nanatiling Pilipino, lalo kung isasaalang-alang na malaki ang inilundag ng makabagong ortograpiyang Filipino, alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Kung ipinromulga man ang “Pilipinas” bilang katumbas ng “Philippines” sa Konstitusyong 1987, ang naturang salita ay hindi “Filipino” bagkus “Pilipino” na umiral noong Konstitusyong 1973, at siyang ikinalito ni Gascon na sumunod sa opinyon ni Azcuna. Lumabas lamang ang maipapalagay na salin na ipinalimbag ng LWP limang taon pagkaraang ihayag ang Konstitusyong 1987 na dapat sanang kasabay inihayag ng bersiyong Ingles sa naganap na plebisito; at kung ito man ang sinasabing “Filipino” ay hindi nasuri ng Kongreso noong 1991, o ni kaya’y ng Komisyong Konstitusyonal noong 1986.

Walang nagkakaisang tindig ang mga komisyoner ng Komisyong Konstitusyonal ng 1986 hinggil sa Philippines, Pilipinas, at Filipinas, at kung ipagpapalagay na nauna ang bersiyong Ingles, at Ingles ang wika ng diskusyon sa Komisyong Konstitusyonal, ang Philippines ang maituturing na tangi’t pangunahing opisyal na pangalan ng bansa at hindi Pilipinas. Kung gayon, ang mga mamamayan ay dapat tinatawag na Philippinean para maging konsistent sa ortograpiya, imbes na Filipino o Pilipino. Pinagtibay din dapat ng mga Komisyoner ng KWF noong 1992-1993 ang bersiyon sa “Filipino” na lumitaw noong 1991, ngunit walang naganap na gayon sapagkat nananatili pa rin ang naturang komisyon sa yugto ng nakaiwanan-sa-panahong Pilipino.

Ang taguring Pilipinas ay malaki ang pagkakataong maituwid tungo sa Filipinas, lalo kung iisiping wala namang batas ang nagsasabing isa lamang ang opisyal na pangalan ng bansa (na dating ginawa noong panahon ng Komonwelt). Namayani ang Philippines sapagkat ang mga batas at kautusang binalangkas ng Kongreso, bukod pa ang mga kapasiyahan ng Korte Suprema, na pawang umiiral sa buong kapuluan ay karaniwang nakasulat sa Ingles, at siyang nagbubukod sa pamahalaan sa dapat sanang pagsilbihan nitong pangkalahatang mamamayan. Nailulugar sa ganitong pagkakataon ang katumbas na salin sa Filipino sa mababang antas, at pinanaig na batayan ang tekstong Ingles. Kung ipagpapalagay na may dalawang opisyal na wika ang bansa, Filipino at Ingles, ang Konstitusyong 1987 ay dapat nasa parehong wika at ang pambansang wikang Filipino ang siyang dapat makapanaig imbes na bersiyong Ingles. Ngunit sa punto ng praktikalidad, ani Francisco Rodrigo, yamang ang mga talakayan ng komisyong konstitusyonal ng 1986 ay nasa Ingles, kung sakali’t may lumitaw na tanong sa hinaharap, ang mga interpretasyon batay sa Ingles ang higit na matimbang kompara sa tekstong nasa Filipino. Hmmm.

Pinag-uusapan din dapat ang tumpak na ispeling ng pangalan, upang maging konsistent ang tawag. Halimbawa, Filipino ang katumbas ng tao, wika, at konsepto, na ipapares sa Filipinas batay sa istoriko, hudisyal at lingguwistikong pagdulog. O maaari din itong maging Pilipino na itutumbas sa tao, wika, at konsepto, upang umangkop sa Pilipinas. Maitatanong din kung bakit hanggang ngayon ay pumapayag ang mga Filipino na magkaiba ang tawag sa bansa nila alinsunod sa paggamit ng dalawang opisyal na wika. Sa ganitong mungkahi, kinakailangang susugan ang Saligang Batas 1987.

Inihayag pa ng mga propesor ng UP na “walang legal na batayan at paglabag sa Konstitusyon ang palitan ang Pilipinas” at gawing Filipinas. Walang katotohanan ang gayong pahayag. Nakasaad sa Artikulo XVI, Seksiyon 2, ng Konstitusyong 1987 na,

The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.

Ang pangalang Philippines, gaya ng Filipinas, ay hitik sa mga pahiwatig ng kolonyalismo. Gayunman, ang Filipinas, gaya ng taguring Filipino, ay umigpaw na mula sa makitid na pagpapakahulugan ng mga Espanyol at lumawak upang kumatawan sa modernong konsepto at malayang bansa. Ang Filipino, na dating minimithing yumabong at linangin, ay sumapit na sa mataas at abanseng antas bilang mamamayan, wika, at konsepto, at hindi na maaaring maikulong pa sa limitadong Pilipinas.  Ang Filipinas ay hindi na lamang pelikula ni Joel Lamangan, o kaya’y patutsada sa mga babaeng nagbibili ng aliw.

Kaya hindi nakapagtataka kung lumitaw ang sumusunod: Filipinas Palm Oil Processing Incorporated; Filipinas Palm Oil; Bagellia Filipinas; Filipinas Alfa Company, Incorporated; Filipinas Synthetic Fiber Corporation; Filipinas Polypropelene Manufacturing Corporation; Compania de Filipinas; Digital Equipment Filipinas Incorporated; Funeraria Filipinas Incorporated; Filipinas Fair Trade Ventures; Compania General de Tabacos de Filipinas; Filipinas Aquaculture Corporation; Filipinas Agri-Planters Supply;  Filipinas Dravo Corporation; Avia Filipinas International Incorporated; Filipinas Orient Airways Incorporated; Corporacion de Padres Dominicos de Filipinas; Filipinas Heritage Library; Filipinas Thermo King Incorporated; Filipinas Consolidated Sales; Islas Filipinas Food Products, Incorporated; Freyssinet Filipinas; Filipinas Multi-Line Corporation; Filipinas Systems Incorporated; Filipinas Consultants and Management Corporation; Tri-S Filipinas Incorporated; Filipinas Global Multiservices; Filipinas Mills; Filipinas Soda, at marami pang iba.

Nagkamali ang mga propesor ng UP nang sabihin nilang walang lingguwistikong batayan ang pagbabago mulang Pilipinas tungong Filipinas. Kung walang lingguwistikong batayan ay bakit patuloy na sumisibol ang Filipinas sa larangang pandaigdig at elektroniko? Ang mismong ortograpiyang Filipino ang magiging pandayan upang mapalinaw kung ano ang itatawag sa ating bansa. Ang Filipinas ay hindi lamang isang idea; at hindi newtral na salita na binabago lamang ang isang titik alinsunod sa arbitraryong nais ng mga komisyoner. Ginagawa iyon upang patuloy na mahubog ang makabagong kamalayan, na ang iniisip ay siyang binibigkas, at ang binibigkas ay siyang isinasabuhay. Nagmumungkahi rin ang Filipinas na tawagin ang bansa sa isang pangalan lamang—imbes na tatlo—na siyang magbubunsod ng pagkakaisa ng mga Filipino anumang lipi, relihiyon, at kapisanan ang kanilang kinabibilangan.

Nakalulungkot na kahit ang banggit ng mga butihing propesor ng UP hinggil sa kasaysayan ay saliwa. Filipinas ang ginamit nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio, ngunit pagsapit kay Bonifacio ay higit niyang itatampok ang Katagalugan, ang Inang Bayan na sumasaklaw ang pakahulugan sa buong bansa, upang maitangi ang diskurso ng Tagalog laban sa mga Espanyol na inaalagaan ng Inang Kuhila at Inang Sukaban [Madre España]. Hindi rin inilugar si Jose Corazon de Jesus, nang gamitin niya bilang makata ang Pilipinas sa kaniyang mga tula. Ang lunduyan ni Batute, palayaw ni De Jesus, ay ang pangarap na maging Tagalog ang wikang pambansa; at papanaigin kahit ang paraan ng panghihiram at pag-angkin ng mga salitang banyaga na makapagpapalago sa Tagalog. Kaya hindi kataka-taka kung isulong man niya ang Pilipinas; at kung ginamit man niya ang Pilipinas ay dahil maalam din siya sa Espanyol.

Mababaw ang pahayag ng mga propesor ng UP na sumasalungat sa Filipinas. Inaasahan ko ang higit na masigasig at marubdob na pananaliksik upang ibuwal ang pagtataguyod ng Filipinas at panatilihin ang namamayaning Pilipinas at Philippines. Nakayayamot din ang mga interbiyu sa mga karaniwang mamamayan sa midya, sapagkat ang debate ay dapat nasa antas na intelektuwal at hindi basta pagpupukol lamang ng mga walang batayang kuro-kuro, komentaryo o putik. Panahon na upang buksan ang Filipinas. At inaasahan ko ito kahit sa munting talakayan sa hapag ng Pangulo ng Republika ng Filipinas.

(“Filipinas ng Makabagong Panahon,” ni Roberto T. Añonuevo, 18 Hulyo 2013.)

Halimbawa ng Talumpati

Magandang halimbawa ang pangwakas na State of the Nation Address (SONA) ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo kung paano sumulat ng masamang talumpati. Ang kaniyang talumpati ay gumamit ng mga pamamaraan para makaakit ng mga tagapakinig mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, na maaaring sagapin ang kaniyang pananalita bilang kahanga-hanga at pambihira sa isang panig, samantalang bahaw at alingawngaw lamang sa kabilang panig. Nilagom ng pangulo sa limang bahagi ang kaniyang talumpati. Una, matatag umano ang ekonomiya ng Filipinas na kayang harapin ang krisis pandaigdigan. Ikalawa, naitayo ang mga impraestruktura at ganap na natapos ang iba pa. Ikatlo, mas patas umano ang ekonomiya sa mahihirap kaysa noong dati. Ikaapat, naipundar umano ang matibay na base o salalayan para sa susunod na henerasyon. At ikalima, napansin umano ng mga internasyonal na awtoridad na mas ligtas ang mga Filipino mula sa pagkawasak ng kaligiran at sakunang likha ng tao.

Marupok ang pangangawitran ng pangulo hinggil sa pagiging matatag ng ekonomiya ng bansa. Inaakala niya na ang ating ekonomiya ay gaya ng sa Estados Unidos, na nabubuhay ang mga mamamayan sa pamamagitan ng utang, kung hindi man sa digmaan. Nasa yugto pa rin ang gaya ni Gng. Arroyo sa paghahambing ng ekonomiya ng Filipinas sa ekonomiya ng Amerika, o sa mayayamang bansa ng Ewropa. Hindi nasisipat ang ekonomiya ng Filipinas alinsunod sa dapat nitong paglago, pangangailangan, at pagtanaw, kaya ang anumang modernisasyon nito ay sumasabay lamang sa kumbensiyon ng mga dayuhan.

Nakaligtaang banggitin ng pangulo na kaya lumakas ang estado ng pananalapi ng pamahalaan ay dahil ibinenta nito ang mga dating ari-arian, korporasyon, at negosyong dating kontrolado ng pamahalaan, at ang kitang ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa. Naghasik din ng matataas na buwis ang pamahalaan, at ang buwis na ito ay higit na nagpahirap sa dati nang mahihirap imbes na kaltasan sa makatwirang paraan ang mga maykaya sa lipunan. Bagaman tumaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) o ang pondong inilalaan para sa mga pamahalaang lokal, hindi madama ng mga karaniwang mamamayan ang ganitong badyet na tutugon sa kanilang batayang pangangailangan. Sadyang kailangan ang IRA at hindi dapat itong ipagpasalamat sa pamahalaan, dahil tungkulin ng pambansang pamahalaan na tustusan ang mga programa o proyekto sa antas ng pamahalaang lokal dahil hindi kayang mag-isa ng pamahalaang lokal na gastusan ang pangangailangan nito, maliban sa ilang pagkakataong nakaririwasa ito, gaya ng mga lungsod ng Makati, Quezon, at Pasig.

Naisalba ng mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang padalang salapi, ang ekonomiya ng bansa. Maganda ito sa unang malas, ngunit kung wawariin nang maigi ay panandalian lamang, dahil ang suweldo ng naturang mga manggagawa ay sasalalay din sa pagdagsa ng iba pang propesyonal na mula sa iba’t ibang lahi na handang tumanggap ng mababang sahod na maglalagay sa alanganin sa mga manggagawang Filipino. Ang bansang umaasa sa lakas-paggawa ng mga mamamayan nitong ipinadadala sa ibayong-dagat ay lumilikha ng mga propesyon na umaayon sa pangangailangan at layaw ng pandaigdigang merkado imbes na tugunan ang panloob o pambansang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Imbes na humanap ng malikhaing paraan ang pamahalaan upang lumikha ng trabaho rito sa loob ng bansa na pakikinabangan ng laksa-laksang mamamayan ay laging nakatingin ito sa labas upang maipukol kung saan ang mga propesyonal na arkitekto, doktor, guro, inhinyero,marino, nars, at kahit ang mga bihasa nitong pintor, piyon, at tagapangalaga. Hindi rin binanggit ni Gng. Arroyo ang panlipunang dagok na dulot ng pangingibang-bayan: ang pagkatiwalag sa sarili, ang pagkawasak ng pamilya, ang pandarahas at pang-aaglahi sa mga migrante, at iba pa. Maaaring ang kolektibong epekto nito ay hindi nararanasan sa ngayon, ngunit maaaring mahinuha ang bagsik nito sa darating na panahon.

Gumulong din ang ekonomiya ng bansa dahil sa mga gastusin nito sa mga pagawaing-bayan at impraestruktura. Dahil nakaiwas na kapusin sa badyet ang pamahalaan sa tulong ng mga ibinentang ari-arian at negosyo, naiwasan nitong manghiram sa mga lokal na bangko at makipag-agawan sa publiko sa pangungutang. Sa ganitong paraan, nailalabas ang salapi mula sa kabang-yaman ng bansa, napaiikot ang salapi sa mga tao, at ang mga tao na ito na gumagastos ng salapi ang nagpapasigla ng negosyo. Maaaring tingnan din na ang pagsusulong ng mga pagawaing-bayan at impraestruktura ay nakatali sa usaping pampolitika, dahil ang mga mambabatas at opisyal na pamahalaang malapit kay Gng. Arroyo ang nakikinabang ng mga programa at proyekto sa pamamagitan ng mga malikhaing paraang tinatawag na “korupsiyon.” Wala nang bago rito.

Hindi binanggit ni Pang. Arroyo na ang plano sa mga pagawaing-bayan ay matagal na, marahil ay mauugat noon pa mang administrasyon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, at maaaring nagkataon lamang na sa panunungkulan ni Gng. Arroyo naisakatuparan ang gayong proyekto. Ang mga pagawaing-bayan at impraestrukturang ito ay nakasalalay sa pambansang badyet, na karaniwang awtomatiko kung hindi tuloy-tuloy ang paglalaan ng salapi alinsunod sa panukalang badyet na pagtitibayin ng magkasanib na lupon ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso bago lagdaan ng pangulo para maging ganap na batas. Ang kakatwa, may mga rehiyon lamang na pinaboran ang pambansang pamahalaan, ngunit nakaligtaan ang iba pa.

Mahirap maunawaan ang “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” na binanggit ni Gng. Arroyo. Halimbawa, totoong may mga patakaran ang pamahalaan hinggil sa pabahay para sa mga maralita. Ngunit mabagal ang pagsasakatuparan ng gayong mga patakaran. Kakaunti ang nakikinabang sa panlipunang pabahay ng pamahalaan, at kung pagbabatayan ang target sa pabahay ng pamahalaan alinsunod sa Medium Term Philippine Development Plan, ang kakulangan sa pabahay ay aabot sa halos 3.75 milyong yunit mulang 2005–2010, samantalang 1.2 milyong yunit lamang ang target ng pamahalaan alinsunod sa taunang paglalaan ng pambansang badyet. Malaking kalokohan ito sa panig ng pamahalaan, at aakalain ng iba na binobola ni Gng. Arroyo ang taumbayan hinggil sa mga “tagumpay” nitong natamo sa pagpapalaganap ng pabahay para sa maralita. Ang sinasabing “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” ay mahihinuhang hanggang pamumudmod lamang ng salapi o regalo, at gagamitin ang mga ahensiya ng pamahalaan upang mapatahimik ang mga tao at supilin sa banayad na pamamaraan ang paghihimagsik ng ilang sektor.

Marupok ang patakaran, programa, at pamamalakad kahit sa sektor ng pagsasaka. Nakaligtaang banggitin ni Gng. Arroyo na lumikha ng di-sinasadyang krisis sa suplay ng bigas ang pagsandig ng Filipinas sa mga suplayer ng bigas na mula sa gaya ng Thailand at Vietnam. Ang dapat inihahayag ng pangulo ay kung may kakayahan nang tumayo sa sariling paa ang Filipinas, at makalikha ito ng mga ani na hindi lamang tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino, bagkus makapagluluwas pa ito ng labis-labis na suplay doon sa ibayong dagat. Sa ganitong pagkakataon, bagsak ang grado ng pamahalaan. Wala pa ring malinaw na pambansang koordinasyon hinggil sa paghahatid ng mga ani mulang bukirin tungong pamilihan. Hindi kayang makipagtagisan ng mga magsasakang Filipino doon sa mga magsasaka sa ibayong dagat dahil kulang na kulang ang suportang pananalapi, serbisyo, at impraestrukturang dapat nagmumula sa pamahalaan.

Kung ipagpapalagay na ang edukasyon ang pinakasalalayan ng mga susunod na henerasyon, ang edukasyong ito ay naghahanap ng radikal na pagbabago. Ang edukasyon sa Filipinas ay dapat iniaayon sa pangangailangan ng mga Filipino, at kung paano magagamit ang kanilang talino, lakas, at sigasig upang mapaunlad ang bansang ito. Ayaw mang aminin ni Gng. Arroyo, ang bansang ito ay lumilikha ng edukasyon para suplayan ng mga tao ang pangangailangan ng mga dayong negosyo at interes, at hindi sa ikagagaling ng mga Filipino. Halimbawa, malaking negosyo ang pagmimina ng mga mineral sa bansa, ngunit kulang ang mga eksperto na magtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan laban sa anumang di-inaasahang sakuna o panganib. Ang pagmimina sa ating bansa ay nakatali sa pangangailangan ng gaya ng Tsina, South Korea, Japan, Estados Unidos, at iba pang bansa sa Ewropa, imbes na ginagamit sana ng Filipinas ang pagmimina na kaugnay ng industriyalisasyon. Ang pagmimina sa ating bansa ay nauuwi sa pagkatigang ng mga lupain, pagkatuyot ng mga tubigan, pagkasira ng mga kultura ng pamayanan, at pagkatiwalag sa sarili mismo ng mga manggagawa. Nagkaroon ng malulubhang sakuna sa mga minahan ngunit ni isang dayuhang opisyal ay walang binitay o naipakulong man lamang.

Ipinamumukha ni Gng. Arroyo sa kaniyang mga kababayan na ang tagumpay ng Filipinas ay alinsunod sa pagsang-ayon ng mga dayuhang awtoridad. Kahit pa sabihing ito ay may kaugnayan sa likas na kaligiran, negosyo, kalusugan, isports, edukasyon, at ugnayang panlabas, ang mga awtoridad na banyaga ang magtatakda ng tagumpay at pagsulong ng bansa. Isang kabulaanan ito na dapat nang iwaksi sa ating bokabularyo, at dapat ginagawa mismo ng ating pangulo. Ngunit pinapalakpakan ang ganito ng mga mambabatas na waring lasing sa kapangyarihan. Salamat na lamang kay Pang. Gloria Macapagal Arroyo at naipamukha sa taumbayan ang talumpating hitik sa guniguni, na magbibigay ng halimbawa at gabay sa mga estudyante kung paano sumulat at magpahayag na ikagigitla, kung hindi man isusumpa, ng mga nagpipigil na madla.

Kung ang wika ng pangulo ay nakaayon para sa buong bansa, ang wikang ito ay dapat nasa wika ng mga Filipino. Ang pag-iingles ng pangulo ay paraan ng komunikasyon sa mga kapuwa niya nakauunawa ng Ingles, gaya ng mga mambabatas na pulpol din umingles, at hindi para sa karaniwang mamamayang maaapektuhan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan. Maipapanukala ang pagbabago kahit sa wika ng pangulo, sa opisyal na komunikasyon gaya ng pag-uulat sa taumbayan. Ngunit kung gagawin ito ng pangulo, maaaring mabunyag ang kaniyang pagbilog sa ulo ng taumbayan—kung hindi man tandisang pagsisinungaling— at lalong maglalagay sa kaniya sa alanganin. Kaya hayaan natin siyang magsalita sa mabulaklak na salita, at nang di-maunawaan ang kaniyang inililihim sa paningin ng mga mamamayan.

Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Ang Kambal na Nobela ni Lazaro Francisco

Nakalulugod ang balitang itatanghal ngayong taon na Pambansang Alagad ng Sining si Lazaro Francisco (1898–1980), ang isa sa mga dakilang nobelistang Tagalog ng kaniyang panahon. Taliwas sa inaakala ng iba, ang mga nobela ni Francisco ay magagaan ang rendisyon, at káyang maunawaan ng mga estudyante sa hay-iskul o kolehiyo. Ginamit na behikulo ni Francisco ang mga magasing komersiyal, gaya ng Liwayway at Alitaptap, sa paghahatid ng mga napapanahong paksa na kung minsan ay yumayanig sa paniniwala ng madla. Ang kaniyang mga akda’y walang pangingimi kung tumalakay sa usapin ng pakikisamá at repormang agraryo, gaya ng Ama (1929); ng pagtatangi sa saliwang panunulisan at makabansang pakikidigma, gaya ng Maganda pa ang Daigdig (1955); ng pagliliwanag sa kapangyarihan ng negosyo at nagkakaisang lakas-paggawa, gaya ng Daluyong (1962); ng pananalig sa pag-ibig at pagtanggap ng malalagim na tadhana, gaya ng Sugat ng Alaala (1949) at iba pa.

MAGANDA PA ANG DAIGDIGMaaksiyon kumbaga sa pelikula ang mga nobela ni Francisco, ngunit nabubudburan yaon ng pag-iibigan, gaya ng dating gerilyang si Lino at gurong si Luring sa Maganda pa ang Daigdig (1955). Tungkol ang nobela sa paghahanap ng ama sa kaniyang nawalay na anak na si Ernesto, makaraang pumanaw ang esposang ginahasa ng mga sundalong Hapones. Nakilala ni Loreto (Luring) Sanchez si Lino nang ipagtanggol nito ang dalaga laban sa masasamang loob. Si Luring ang magpapatibok muli ng puso ni Lino, at siya ring mag-aalaga sa anak niyang si Ernesto. Makakaharap ni Lino si Kumander Hantik na hihikayatin siyang sumapi sa Huk (Hukbalahap) upang pabagsakin ang mga panginoong maylupang nagpapairal ng bulok na sistemang agraryo. Tumanggi si Lino, at maghahasik ng alternatibong pagbabago sa payo ni Pari Amando. Hindi magtatagal sa pag-iisa si Lino, dahil pagbibintangan siyang pumatay ng isang lalaki nang magtrabaho noon siya sa piyer. Mabibilanggo siya, subalit makatatakas kapiling ang ibang bilanggo, magtatayo ng sariling armadong pangkat, at magtatago sa lupaing sakop ni ni Don Tito na bantog na panginoong maylupa. Ipagtatanggol ng pangkat ni Lino ang mga inaping magsasaka, hanggang sumapit ang sandaling magbakbakan ang kaniyang pangkat at pangkat ni Kumander Hantik. Susuko sa awtoridad si Lino sa dulo ng nobela.

DaluyongAng naturang nobela’y dinugtungan ng Daluyong (1962), na sinimulan sa pagkakalaya ni Lino sa bilangguan makaraang mapawalang-sala ng hukuman, at mag-isang maglilinang ng bukid na ibinigay sa kaniya ni Pari Amando. Ngunit hindi magtatagal ang gayong masayang tagpo dahil mababatid ni Don Tito na ang patubig ay daraan sa lupain ni Lino at iyon ang makaaapekto nang malaki sa kaniyang mga bukirin. Hihimukin ni Don Tito na maging bakero si Lino at mangalaga sa mga lupain niya ngunit tatanggi si Lino. Ang anak ni Don Tito na si Benigno Sityar ang magtatangkang mamuno sa bayan ng mga magsasaka. Magkakasagupa ang mga armadong hukbo ni Benong at ni Lino, magwawagi ang pangkat ni Lino ngunit masasawi naman si Loreto Sanchez sa dulo ng nobela. Ang daluyong sa nobela ay ang mahihinuhang di-mapipigilang armadong pag-aaklas ng mga magsasaka laban sa mapanupil na sistemang agraryong pumapabor sa mga panginoong maylupa. Ang daluyong ay mahihitiwagan din na sanhi ng mga problemang panlipunang gaya ng prostitusyon, maruming pamumulitika, pang-aagaw ng lupain, panggagahasa at pagpatay, at di-makatarungang negosyo.

Mahihiwatigan ang transpormasyon ng pagkatao ni Lino sa dalawang nobela. Kung sa unang nobela’y napilitang pumanig si Lino at maging bakero ni Don Tito, sa ikalawang nobela’y iwawaksi niya nang ganap ang pakikipagkutsaba sa panginoong maylupa at magsisikap na makamit ang kalayaan sa mapanupil na sistemang agraryo. Ngunit hindi magagawa iyon nang mag-isa ni Lino. Hindi rin sapat ang tulong nina Pari Amando, Luring, at Koronel Roda. Kinakailangan ni Lino ang tulong ng iba pang magsasaka at malawak na lipunan upang mabago ang baluktot na sistemang agraryo.

Ang mga paksang tinalakay noon ni Francisco ay kakatwang nagbabalik ngayon sa ating piling. Pinaslang kamakailan ang isa sa mga pinuno ng mga magsasakang taga-Sumilao, Bukidnon at dating nagmartsa tungo sa Maynila, samantalang pinagtatalunan ang pagpapalawig sa batas hinggil sa repormang agraryo. Nagpapatunay lamang ito na hindi pa nagwawakas ang mga baluktot na patakarang sumasagka sa paglago ng mga magsasaka, at waring lalong umiilap ang paghahanap ng katarungan sa Filipinas. Makabubuti kung gayon na balikan ang mga nobela ni Lazaro Francisco, at alamin mula roon kung tumpak o hindi ang mga pagsusuri niya sa agos ng kasaysayan. Ipagugunita ng kaniyang mga nobela na ang paghahanap ng katarungan ng mga magsasaka ay hindi kathang-isip lamang, bagkus tunay at tumitibok—na marapat pakinggan ng mga awtoridad nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng mamamayan.