Ang Diwa, bilang Ikatatlumpu’t tatlong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Diwà, bílang Ikátatlúmpû’t tatlóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang éngkuwéntro sa pag-íral ay nagsísimulâ sa loób, kung hindî man kamalayán, at itó ay malayà mong íugnáy sa “damdámin,” “kaisipán,” at “panimdím,” gáya sa winikà ni Iñigo Ed. Regalado, ngúnit sa pagkakátaóng itó ay makápagsísimulâ sa “bálak” na mapapáilálim sa dalúmat ng “diwà.” Ang diwà úpang magíng diwà ay nagsisíkap na magíng tiyák at materyál, samantálang napápanatíli nitó ang puwésto sa isípan at antás na eksístensiyál. Madalî itóng makíta sa pintúra o árkitektúra o pelikúla; ngúnit pagsápit sa músiká at tulâ, ang diwà ay hiníhingîng sumakáy sa gáya ng indáyog, untól, pagtítipíl, kóntrapúnto, hímig, tínis, at ibá pang pamámaraáng matútunghayán lámang sa mga notasyón o prósodyang maáarók ng pandiníg. Tingnán, halimbawà, ang tagâ-sa-panahóng magasinô, na ang kahangà-hangàng halimúyak at yamungmóng ay hindî akalàing dumaán sa pinakámalupít na panahón. Ang punòngkáhoy sa dalisdís, anó’t kay ínam hulíhin ang hulagwáy na nakápahilís kapág takípsílim! Párang hinahábol ang natítiráng liwánag at bumíbigát ang mga dáhon sa malamíg na símoy! Kailángang mágwakás ang ganitóng anyô kapág nakásawâan ng madlâ, kayâ pinabúbuwál ang punôngkáhoy kapalít ng ibá pang punòngkáhoy o éstruktúra bágo ilípat sa ibáng poók. Ang magasinô, kapág tinumbasán ng huklúbang kalantás, ay nagíging balangáy sa guníguní at balangáy sa materyál na mundó, at ang ganitóng pagtátagpô sa diwà ay warìng hinirám mulâ sa isáng Manóbo. Ang ákto at próseso ng tránspormasyón ang mísmong sasakyán mo paláot, at magháhatíd sa iyó sa ibáng lupálop at dimensiyón. Máhalagá kung gayón na bátid ang urì ng punòngkáhoy, na makatátagál sa tubigán, álat, tamílok, ánay, at taliptíp ngúnit hindî ríto nagwáwakás kayâ dápat isaálang-álang kung anó ang íbig mong gawín sa bágay na itó. Pagkaraán, ang punòngkáhoy ay mapípilítang íwan ang pagíging punòngkáhoy—lílimútin ang saríli—úpang gampanán ang ibáng papél o mithî o hunâhunâ, halimbawà, bílang halígi ng báhay o leég ng gitára, ngúnit alinmán ang pilìin ay makáaásang makátútugón nang higít sa dápat asáhan. Hindî mo káyang yapusín nang mag-isá dáhil sa limitasyóng pisikál ang bungéd ng punòngkáhoy na magíging sasakyán mo. Gayunmán, káyang-káya ng diwà mo na ídisényo ang katawán ng káhoy pára sa bágong pakikipágsapalarán. Kapág pinabuwál ang magasinô sa dalisdís, magpápalít itó ng silbí at pangálan, sa áyaw mo’t sa gustó. Ang posíbilidád ng káhoy ay masusúbok sa tistísan at masusúbok sa kamáy ng artesáno. Hindî pa man itó nagbábanyúhay na muwébles ay nagíng muwébles na itó doón sa diwà, káhit ibá pa ang nagsákatupáran túngo sa kaganápan ng kamalayán. Ang kakatwâ ay tátanggihán kung mínsan káhit ang tagurîng muwébles nang máigiít ang kataúhan ng pagíging síning ng éskultúra o karpinteríya. Kung ipagpápalagáy na may katangìang líkidó ang diwà, na máipapáloób sa ibá’t ibáng húgis ng sisidlán, manánatíli ang pagkádiwà nitó alínsúnod sa panlabás na anyô na maáarìng makapágbigáy ng ibá-ibáng pagságap at pagtanáw. Walâng hanggá ang maáabót kung mágsayélo itó o mágsahángin. “Tiningalâ ko ang máyang/ naglálandás sa himpapawíd;/ mulâ noón, pumandáy na akó/ ng metálikóng pakpák/ na káyang humawì ng úlap.”// Ang diwà ay diwà; nagkakátaló lámang kung alíng ésklusíbong damít ang ipasúsuót díto. Sa ganitóng pangyayári, ang nagsúsuót ng damít—na may kapangyaríhang magpátaw at maggiít ng panlása, pamantáyan, at kung anó ang katanggáp-tanggáp—ang nagtátangkâng pangíbabáwan ang diwà. Maáarìng mágtagumpáy ang ganitóng pakanâ sa isáng poók at panahón, ngúnit sasápit at sasápit ang sandalî na magbábalík ang lahát sa pagíging payák—walâng tugmâ at súkat ngúnit may rítmo, dulás, lálim, láwak na pagkilála sa hiwagà ng Salitâ.

Alimbúkad: Epic poetry ideas rocking the world. Photo by The Lazy Artist Gallery on Pexels.com

Ang Pagkagunaw, bilang Ikatatlumpu’t dalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagkagúnaw, bílang Ikátatlúmpû’t dalawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Maáarìng naísalaysáy na itó ni Solon noóng malasíng siyá sa píling ng kaniyáng músa—makalípas makapáglakbáy sa malalayòng kípot o lupálop; at naisálin sa kaniyáng matálik na kaibígang Dropides, na magsasálin din sa mga anák nitó hanggáng matatapát na kaának, ngúnit pagsápit sa pinakámakulít na kaapú-apúhang si Critias ay durugtungán ang kuwénto hinggíl sa máalamát na poók na ngayón ay inílilíhim na lámang ng mga tangríb, lúmot, taliptíp, at álon. “Maráming kapáhamakán,” wíwikâin ni Critias kay Socrates, “ngúnit pinakámalubhâ ang hatíd ng apóy at túbig!” Dugûán at lupaypáy ang mga salitâ nang pumások sa pándiníg ni Socrates na nag-iíngat noón ng mga gantíng-tanóng nang matiyák ang katotohánan sa Atlántis; at kung hindî man náilahók ni Timaeus sa kaniyáng talâán ang láwak ng salantâ, bukód pa ang mga paglúpig na sinundán ng pagbíhag sa mga káwal úpang gawíng alípin sa pagtátayô ng díke at moóg ay maráhil dáhil na rin sa líhim na kíling ni Platon sa pinápanígang dáloy at diín ng pagkathâ. Ngúnit hindî itó kámukhâ kung anumán ang nakikíta sa Ehipto, áyon pa kay Solon, at hindî pag-áaksayahán ng panahón ng mga kopyadór nina Homer at Hesiod sakalì’t nagtúturò sa mga paslit doón sa Gibraltar. Nagkusà nang lumísan at lumípat sa ibáng pulô ang mga táo; at ang ibáng tumanggíng umalís ay tinanggáp ang kapaláran na magsísimulâ sa lábis na pagkaúhaw gayóng lubóg sa bahâ ang mga kálye sa kabilâ ng mahabàng tág-aráw, hanggáng sa pag-áalagà ng sínat, buláte, at galís na warìng nakakásanáyan ng patpáting katawán. Nagsawà sa matúbig na tanáwin ang mga táo na tíla ba walâ nang pakíalám kung hindî man maligò o magsepílyo. Habàng lumaláon, ang pagkáti ng túbig ay nagíging katumbás ng pribílehiyó at suwérte; ang mga áraw ay dumadáko sa pagsasánay sa pagpapátubò ng hásang at kaliskís. Ang kinálakihán mong pulô ay untî-untîng nalulúnod na hindî máitátatwâ ng métro; sísingháp-singháp ang nakátayákad na aklátan na warìng hindî maáabót ng áhas o ánay; at ang mérkado ng mga pródukto at pananálig ay náidídiktá ng mga salbabída’t bangkâ. Isáng súperbagyó ay sapát na úpang pawìin sa mápa ang mga baláy at bukirín. Mahál mo ang lupàíng iyón, ngunit ang lupàín mo’y tinakpán ng mga dalúyong. Walâ kang báon o muntîng balútan paglíkas; tangìng madádalá mo’y gunità na kung mápadáko man sa Mariláw ay itútulâ ng kahímig ng brúskong tínig ng Pearl Jam. “Sa lupàín ng mga harì,” ibúbulóng sa iyó ng isáng tokáyo ni Critias, “ang pag-áaklás ng mga obréro at anákpáwis ay túngo sa pagpápandáy ng bágong kaayusán at kamalayán!” Madáragdagán pa ang salaysáy na párang pag-uúlit ng kuwénto ni Solon kay Dropides, na tinútuligsâ ang sálinlahì ng mga harì na walâng ginawâ úpang lutasín ang sistémikóng pagbahâ at mga digmâng walâng kapára. Ngúnit bágo pa makapágkuwénto si Dropides sa kaniyáng anák ay púputúlan ng dilà at mga kamáy—alínsúnod sa útos ng kataás-taásan—úpang tuldukán ang alamát ng pagkagúnaw.

Alimbúkad: Epic poetry upheaval across the world. Photo by hitesh choudhary on Pexels.com

Magrepaso ay hindi biro, ni Roberto T. Añonuevo

Magrepaso ay hindi biro

Roberto T. Añonuevo

Nakatutuwa na binalikan ng isang nagngangalang Steno Padilla [Stephen Norries A. Padilla] ang aking aklat na Paghipo sa Matang-Tubig (1993), at waring nakatagpo ako sa wakas ng isang wagas na kritiko. “Matatalas ang imahen sa mga tula ni Roberto Añonuevo sa librong ito,” aniya. “Kitang-kita mo sa isip yung [sic] mga tagpo na nilalatag [sic] niya sa kanyang mga saknong. Malawak din ang kanyang talasalitaan.” Ngunit nagmamadali sa mapanlagom na paraan ang pahayag ni Padilla, at ni walang siniping halimbawa. Pagkaraan, ipapasok niya ang kaniyang pagtanaw na bumabanat: “Iyon nga lang, may mga tula siyang gaya-gaya. Kung mahilig kang magbasa ng tula ng mga Pinoy, mapapansin mo na yung [sic] ibang tula ni Añonuevo e [sic] mimicry lang ng mga tula nina Virgilio Almario, Huseng Batute at Jose Garcia Villa.”

Dito dapat linawin ang konsepto ng panggagaya na ginagawa umano ng isang makata sa mga tula ng ibang makata. Sa panggagaya, ang padrong tula ay maipapalagay na nakaaangat, at ang “gumagaya” ay maipapalagay na nasa mababang antas, na waring dinadakila ang sinusundang padron. Sa ganitong pangyayari, hindi makatatákas ang ipinapalagay na “gumagaya” sa kaniyang “ginagaya.” Ngunit sa isang banda, ang panggagaya ay maaaring sipating isang pakana, na tumatawid sa panghuhuwad sa pabalintunang paraan, at kung gayon ay hindi sapat ang nasabing taguri upang lagumin ang mapangahas na talinghaga—na masisipat na hindi basta pagsunod sa isang “padrong” tula. Kung binasa nang maigi ni Padilla ang aking mga tula, at inihambing sa mga tula ng gaya nina Rio Alma, Jose Corazon de Jesus [Huseng Batute], at Jose Garcia Villa ay mapapansin niya ang himig na mapang-uyam o mapambuska sa panig ng personang nabuo sa loob ng mga tula, ang diyalektikong ugnayan ng mga dalumat, at kung nagkahawig man sa taktika at prosodya ay sinadya iyon upang baligtarin sa mapagpatawa o nakatutuwang paraan ang pagtanaw sa daigdig. Pinagmukhang seryoso ang mga pananaludtod, ngunit ang totoo’y ginagago lamang ang mga bugok o hambog.

Nagmamadali si Padilla, at idaragdag pa: “Hindi naman maiiwasan ang panggagaya lalo pa kung pare-pareho kayo ng mentor. Nagkakamukha na kayo minsan ng estilo at tunog sa pagtula.” Maaaring may bahid ng katotohanan ang winika ni Padilla. Ang ganitong opinyon ay higit na magkakabuto’t lamán kung sisipatin na ang mga bagitong manunulat ay tila may artipisyal na karunungan at hindi kumakawala sa parametro’t paradigma ng kanilang mentor. Kung sisipatin sa ibang anggulo, ang isang mentor ng tula ay nagsisilbing patnubay lamang, halimbawa, kung paano sumulat at bumalangkas ng mga piyesang may tugma’t sukat, ngunit sa bandang huli ay diskarte na ng isang mag-aaral ng tula kung paano niya isasalin sa papel sa malikhaing paraan ang guniguning daigdig na sumilang sa kaniyang utak. Ang mentor ay dapat magtaglay ng pinakamabagsik na puna pagsapit sa palihan, upang matauhan ang isang bagitong manunulat. Si Virgilio S. Almario bilang kritiko at guro ay sadyang napakahusay na dapat kilalanin. Ngunit hindi lahat ng kaniyang mga tinuruan ay naging dakila; ang iba’y nagkusang mapariwara. Ang nagiging dakila lamang na makata ay ang may lakas ng loob na lumihis at lumampas sa itinuturo ng kaniyang guro. Sa ganitong pangyayari, ang ibang mga mag-aaral ng tula na salát sa imahinasyon at talino ay nakatakdang magpailalim lámang sa kani-kanilang guro habang hirap na hirap tumuklas ng sariling tinig bilang pagsunod sa pamantayan. Kung babalikan ang aking aklat, ang titis ng pagsalungat ay mababanaagan doon sa payak na paraan; at ang konstelasyon nito ay higit na mauunawaan kapag sinangguni ang mga sumunod kong aklat ng tula.

“Pero understandable naman sa case ni Añonuevo dahil feeling ko, nagsisimula pa lang s’ya [sic] sa aklat na ito,” wika pa sa pabaklang himig ni Padilla. “Halata naman e. Labo-labo kasi ang tema. Walang isang pinapaksa ang mga tula. Parang potpourri. Pero mahuhusay.” Marahas at mapanlagom ang ganitong puna (na hindi dapat ulitin o tularan ng iba pang nagrerepaso ng aklat), sapagkat hindi isinaalang-alang ni Padilla ang kabuoang balangkas ng aklat. Ang tunay na kritiko ay hindi magsasabing “feeling ko. . .” dahil utak dapat ang pinagagana sa pagsusuri. Kahit bata pa noon ang awtor ng Paghipo sa Matang-Tubig ay may kakaiba na sa testura ng kaniyang pananalinghaga (na maituturing na mapangahas) na hindi matatagpuan sa mga makatang nauna sa kaniya. Mukhang labo-labo lang ang mga tula dahil ang pagkakalatag ng mga tula ay tinipid, at totoong tinipid ang mga pahina at papel. Sa kabila nito, masasalat sa mga tula ang pagtatangkang maglaro sa mga tinig, ang mga tinig na nagsasagutan kung hindi man nagsasalimbayan, na ipinaloob sa mga guniguning tauhan. Isang kaululan kung ituring na ang nasabing mga persona ay siya ring makata na nagsasalita.

Ang mainiping pagbasa ni Padilla ay mapapansin sa sumusunod: “Ang di ko nagustuhan sa aklat na ito ay yung [sic] karumihan n’ya [sic]. Ang dami kasing typo error na mukhang grammatical error na. Nakakasagabal sa pagbabasa at sa pagnamnam ng mensahe ng tula.” Ano uli? Ang daming tipograpikong mali na mukhang sablay sa gramatika? Kung may nasingit man na tipograpikong mali ay hindi totoong napakarami niyon na sapat para makasagabal sa pagnamnam ng “mensahe ng tula.” Ang tula ay hindi basta paghahatid ng mensahe, gaya ng maling akala ni Padilla. Ang tula ay nakasandig sa mga pahiwatig, na ang Punto A ay hindi basta pagdako sa Punto B, sapagkat maaaring lumiko muna sa X,Y,Z bago makarating sa C, kaya ang Punto B ay hindi ang inaakalang mensahe, at ang Punto A ay hindi na magiging Punto A pagsapit sa dulo ng tula. Sa pagitan ng mga punto ay naglalaro ang mga pananaw, pananalig, at pagdama, bukod pa ang kapangyarihan at espasyong-panahon, na hindi kagyat na mahuhuli sa isang iglap lalo kung isasaalang-alang ang kultura, gaya ng nakapanindig-balahibong “Isang takipsilim sa Sagada”:

                    Lukob ng ulap
         Ang bundok; sobrang lamig.
                    Loob ng yungib
         Ay niyanig ng pasyok.
                    Wala nang ibon.

Hindi sa pagbubuhat ng bangkô, ngunit hindi ganito tumula ang mga Balagtasista kung hihiramin ang termino ni Almario. Sa unang malas ay waring naglalarawan lamang ng tagpo ang persona. Kapag ipinasok ang punto de bista sa isang matalas na persona, ang lunan ay nagiging kahindik-hindik, kung isasaalang-alang ang isang sagradong yungib sa Sagada, ang yungib na tila kumakain sa natitirang katinuan ng personang nagpapahiwatig ng pagbangon ng mga kaluluwa na pawang pinukaw ng pasyok at ng nangangatal na dayo kung hindi man panauhin. Ang kakatwa ay ikinubli ang naturang hindik sa panloob na tugmaan, sa hugis ng tula, at sa gansal na sukat ng mga taludtod. Nang dumalo ako sa palihan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), wala akong nakitang nauna sa akin o kapanabayan ko na ganito kung manalinghaga.

Kahanga-hangang bumasa ng tula itong si Padilla. Pansin nga niya, “Hindi ko rin nagustuhan yung [sic] mga tulang may pagka-homophobic tulad ng ‘Diona kay Diana’ at ‘Limot na gaybar.’” Paanong naging homophobic ang ganitong mga tula? Kapag inilarawan ba ang isang gaybar ay homophobic na ang tula? Kapag inilarawan ba ang isang tauhan ay masasabing homophobic na ang tula? Labis ba ang kargada at kiling ng salitang “bakla” kaya iniwas-iwasang gamitin sa tula? Marahil kailangan nang magpalit ng lente itong si Padilla. Hindi mauunawaan ng gaya ni Padilla ang tinutukoy kong gaybar kung hindi siya nakapaglibot sa buong Maynila noong mga dekada 1980-1990. Ang nasabing gaybar na isang isinaharayang lunan, bagaman may pagkakahawig sa mga ikonikong gaybar ng Maynila noong hindi pa naglilinis ng bakuran si Alfredo Lim, ay hindi ordinaryong pook (na wari’y metaberso sa ngayon) na ituring mang aliwan ay nagmimistulang impiyerno sa paningin ng personang nagsasalaysay:

Limot na gaybar

Gabi. Nagbabato ng usok
ang sigarilyo sa malalanding
ilaw-dagitab ng kuwarto.
Tila nakapakong bisagra
ang isang baklang naghihintay
sa tabi ng malagkit, maitim na hagdan.
Nangangamoy ang sahig ng bulwagan
sa serbesa, tamod, dura, suka.
Sa salamin ng kisame, 
maaaninag ang dalawang katawan
na nagpipingkian sa karimlan,
at ang dalawang ulong bumabasag
sa mga halakhak at tsismisan.
Kinikiliti ng mahahaba’t hubad
na hita ang libog, lungkot, kaba, poot.
Kumakain ng mga salapi’t papuri
ang indayog, ungol, ngiti’t kisapmata.
Tila mga nagliliyab na hiyas
ang iba’t ibang hugis ng matang
nagkukubli sa karimlan: walang imik.
Nagngangalit sa pag-awit ang estereo
nang lumapag sa umuugang mesa
ang dalawang supot ng droga.
Nag-usap ang mga daliri. At lumabas
sa bulsa ang mga ubeng salapi.
Matapos ang inuman at kuwentuhan,
lumisang may sugat sa puwit, dibdib
ang isang makisig na binatilyong
walang pangalan, walang tirahan. 

Ganito ba sumulat ang mga tanyag na baklang makata sa Filipinas noon? Walang naglalakas-loob noon na isiwalat ang ganitong tagpo, sa paraang banayad, payak, at napakalamig ng loob, at hindi mapanuos o linyadong bading gaya sa “Maselang bagay ang sumuso ng burat” ni Nicholas Pichay. Paanong naging homophobic ang ganitong uri ng pananalinghaga? Kahit ang mga kasama ko sa LIRA, at isama na ang mga macho ng GAT (Galian sa Arte at Tula) noon ay hindi ganito tumula. Kung babalikan ang pagdulog ni Padilla, ang tula ay hindi masasabing basta “pagpapahatid ng mensahe” sapagkat ang alamis sa pagitan ng mga salita ay kumakalag sa katinuan ng persona, na hindi maipapalagay na nagsasabi ng kung ano ang tama o mali [o kaya’y kung katanggap-tanggap o hindi] bagkus iniiwan sa mambabasa ang nakaririmarim na tagpong ang kakatwa’y itinuturing na aliwan ng mga bakla at matronang masalapi. Ngunit higit pa rito, mapanlansi at nagkukubli ng bitag ang paglalarawan ng pagmumukha at pagpapamukha ng isang anyo ng aliwan, na ang sex ay hindi basta sex, bagkus waring nasa karnabal na kaugnay ng bulok na sistema ng lipunan, na ang mga mamamayan ay nalulustay, napapabayaan, at nahuhubog sa aparato ng pagdurusta at karukhaan ng mga kalooban, samantalang ang nagmamasid ay unti-unting nababato at nagiging bato ang katauhan sa paglipas ng mga araw.

Isang liksiyon ang ginawang pamumuna ni Padilla sa aking tulang “Pagkilala.” Pinuna niyang, “Niromanticize pa ni Añonuevo ang suicide, at ang graphic ng paglalarawan niya. Nakakaloka.” Wala sa lugar ang kaniyang pagsipi, at hindi nabigyan ng kahit munting pagsipat ang pahiwatig ng personang nagsasalita sa tula. Heto ang buong tula, na hindi ipinakita ni Padilla:

Pagkilala

Noong nagbigti ang aking kaibigan,
Gumuhit sa silid ko ang katahimikan.
At walang mga magulang ni kaanak
Na lumuha sa ritwal ng pagpanaw.
Nakabibingi ang ugong ng halakhak
Ng mga sugarol sa gabi ng lamayan.
At naalaala ko ang mga sandaling
Nagpilit siyang sumulat ng mga tula.
Hindi siya sumikat na manunulat
Ni pinalad na magwagi sa timpalak.
Ngunit tiningala’t iginalang ko siya
Hanggang sa pagpili ng kamatayan:
Gumiwang-giwang siyang medalyon
Na nakasabit sa kisame, nakadila,
Habang nagpupugay ang maiingay
na bangaw.

Paano ni-romanticize ng makata ang pagpapatiwakal [suicide], gaya ng haka ni Padilla? Uulitin ko, ang persona sa tula ay hindi ang makata. Ang persona na nilikha ng makata ay may sariling daigdig, at kung paano tinatanaw ng naturang persona ang daigdig ang magbibigay ng puwang para sa sangkaterbang pahiwatig. Maaaring ang persona ay higit na nakakikilala sa kaniyang kaibigan, at taliwas sa asal ng kaniyang mga magulang at kaanak. Hindi nakita ng naturang mga tao ang itinatagong “galíng” ng nagpatiwakal, at marahil, ibang-iba ang kanilang pananaw sa pananaw ng pumanaw. Ang tahimik na paglalarawan sa nakabigti ay nakayayanig, sapagkat ang nakaririmarim na tagpo ay waring sumisigaw ng “Pakyu! Pakyu, pipol!” Kung sisipatin sa tradisyonal at moralistang pagtanaw, ang pagpapatiwakal ay karapat-dapat tumbasan ng paghamak at apoy ng impiyerno. Kung sisipatin naman sa ibang anggulo, gaya sa mga pananaludtod ni Antonin Artaud, ang pagpapatiwakal ang paraan ng pagbawi ng dangal at kapangyarihang makapagpasiya sa loob ng sarili, ang paglihis sa itinatadhana ng de-kahon at materyalistikong lipunan, ang pagdududa sa mga diyos, at ang mga bangaw na tumatakip sa bangkay ang isang anyo ng damit ng kalupitan, na umuuyam kahit sa mga pinakamalapit na kadugo. Kakatwang mapapansin ni Padilla na hindi nasa malaking titik ang /n/ sa “na” ng huling taludtod. Sinadya ito upang ituring na ang huling taludtod ay kaugnay ng penultimang taludtod.

Totoong bata pa ako nang sinulat ko ang Paghipo sa Matang-Tubig. Ngunit ang kagaspangan (kung kagaspangan mang matatawag) nito ang nagpapaningning sa pananalinghaga, at may pagtatangka nang sumuway sa mga naunang paraan ng pagtula. Hindi rin dapat ikahiya ang ganitong paraan ng pagtula, dahil kahit nagsisimula pa lamang ako noon ay ibang-iba na ang tabas ng aking dila na tinumbasan ng suwail na guniguni kung ihahambing sa aking mga kapanahon. Maipapalagay na isang ehersisyo itong aklat, suntok-sa-hangin at suntok-sa-buwan, na pagkaraan ay napakasinop na itutuwid sa mga aklat kong Pagsiping sa Lupain (2000), Liyab sa Alaala (2004), at Alimpuyo sa Takipsilim (2012).

Ang totoo’y lampas na ako sa mga palihan, at hindi gaya ng ibang iyakin at halos magpásagasà sa tren kapag pinuna nang todo ang mga obra. Hindi na ako natatakot pa sa anumang banat sa aking mga tula. Hindi ako ang mga sinulat kong tula. Hindi personal at mapagkumpisal ang aking mga tula, sapagkat sa oras na lumikha ng persona ang isang makata sa loob ng kaniyang tula, ang personang ito ay walang pakialam kung anuman ang estado ng makata at iyon dapat ang manaig. Nagkakaroon ng sariling búhay (at identidad) ang persona at nagkakaroon ng sariling daigdig, at kung sakali’t mabigo ang isang makata sa kaniyang pagsasaharaya, maaaring kulang ang kaniyang mga “teknikong kahandaan” sa pagtula kung hihiramin ang dila ni Cirilo F. Bautista. Gayunman, ibang usapan na ito, na dapat matutuhan ng isang babakla-baklang kritikastro na gaya at kauri ni Steno Padilla.

Alimbúkad: Epic poetry rant against mediocrity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Ang Dulang, bilang Ikatatlumpung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Dúlang, bílang Ikátatlúmpûng Aralín

Roberto T. Añonuevo

“Nagmúmulâ at nagwáwakas ang lahát,” wíwikàin sa iyó ng matandâng mágdaragát na kung tawágin ay Ishmael, “sa haráp ng dúlang.” Ang mga salitâng itó, na náriníg mo rin sa Ingkóng mo ang maráhil ay hindî sinásadyâng natangáy noón ng benáwa o balangáy, at págkaraán ng iláng buwán sa láot at pagdaóng sa malálansá, maaálat na pantalán ay pagbúbuláyan ng pinakámalakíng korporasyón ng butandíng na úuyám sa mga yáte at súbmaríno.  Ang hapág na itó ang maglálapít sa ísip túngo sa sahíg, ang magtátakdâ ng mga panúto sa pagtanggáp, pagkilála, paggálang; at ang paraán ng pag-upô sa tabí nitó’y magbúbunyág sa kataúhan mo’t kaharáp. Kumakáin ka nang warìng naríriníg ng dibdíb kung anó ang páhiwátig ng tagâ-sa-panahóng yakál kung may panaúhin; at lumalagók ng álak o túbig habàng ang bigát kapál salát na mabíbigông itatwâ ng rabáw ang magsásalaysáy ng ugát ng ugnáyan ng mag-ának o magpápaliwánag ng tatág sa kinatawán ng kapisánan ng mangíngisdâ, na sa sandalîng itó ay mag-úusisà sa iyó. Hindî ba sa dúlang nagáganáp ang kasundûan sa kápuwâ dugô at dinugûán, at doón nilálagdâán ang kapasiyahán at ang mápa sa pamalakáya? Ang dúlang ay hindî símpleng tumbásan ng diwàin at bágay, gáya ng nása ísip ni Ahab, na ang nakikíta sa materyál na daigdíg ay ang nakikíta rin sa guníguní. Nabúbuô ang dúlang mulâ sa pinábuwál na punòngkáhoy na sumaksí sa dalawándaáng taóng tag-aráw, at kung gayón, mahíhinuhàng tagláy ang sustánsiyá at épikó ng sinaúnang gúbat na ngayón ay isá na lámang lumaláwak-gumagápang na dúnas sa alaála. Ang dísenyo nitó, bagamán payák at inukítan ng patalím, ay sinadyâ úpang págkasiyahín sa maliít na baláy, makiníg sa mga míto at balità, damhín ang pinagsásalúhang pangárap at sáloobín, at isádulâ ang walâng kamatáyang hapúnan káhit sa yugtô ng pagtátaksíl. Ang dúlang sa labás ng ísip at malayò sa orihinál na silbí nitó ay maáarìng magkároón ng ibá pang katwíran pagganáp sa bukód at líhim na layúnin: mágpasúlak ng pagnanasàng dúlot ng pag-íbig, na maúuwî sa espásyo ng pagtatálik, pangahás at walâng pakíalám  sa moralidád, na kaíinggitán káhit ng pinakámagárbong pigíng. Pagkáraán, matátaúhan ka na ang dúlang na itó ay may kapangyaríhan, higít sa anumáng kalibúgang máitátanghál at máipapátaw ng mga awtoridád, at hindî bastá répresentasyón o simulasyón ng gahúm ng mayháwak sa pamámaraán ng produksiyón, sápagkát itó ay isáng paníniwalà at pinaníniwalàan at pumípintíg. Nása háspe ng káhoy ang mga panahón—ang paglagô at pagtáyog hanggáng pagkapútol o pagkábuwál sanhî man ng palakól o buhawì o ng rítmikóng tukâ ng mga taál na anluwáge.  Si Ishmael na nakilála mo ang Ishmael ng kolektíbong karagatán, nagháhanáp ng líbong abentúra at tandáyag, ngúnit walâng matátagpûáng íisáng sagót sa mga salaysáy, bagkús yutàng gusót káhit pa likúmin ang lahát ng pákahulugán ng dambuhalàng sinisíkap lagúmin sa isáng dibúho o pangungúsap. Sa haráp ng dúlang, ang wakás ay simulâ rin ng panibágong paglálayág.

Alimbúkad: Epic transformative poetry across the world. Photo by cottonbro on Pexels.com

Imbalidong Memorandum, ni Roberto T. Añonuevo

Imbalidong Memorandum

Roberto T. Añonuevo

Hindi ko masisisi si Karmina Constantino nang maibulalas niyang “I’m sorry Commissioner, you’re not making sense!” nang interbiyuhin si Kom. Benjamin Mendillo ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Agosto 2022. Malabo—sa paraang maligoy na ang ubod ay hungkag— ang sinasabi ni Mendillo nang ipagtanggol nito ang paglalabas ng KWF Memorandum No. 2022-0663 na may petsang 9 Agosto 2022, na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng mga aklat at iba pang manuskritong ipinapalagay nitong subersibo na maaaring maglagay sa panganib sa gobyerno.

Hindi kinakailangan si Atty. Camille Vasquez para mapiga ang katotohanan (at maibunyag ang kabulaanan) sa paraan ng mga pagtatanong sa nag-aakusa; sapat na ang gaya ni Constantino upang mabatid kung makatwiran ba o may nilalaman ang winiwika ni Mendillo hinggil sa pagbabawal ng paglalathala ng mga aklat na umano’y “subersibo.” Hindi masagot nang malinaw at tahas ni Mendillo  ang pangwakas na tanong na wala sa tungkulin [o hindi na saklaw] ng KWF na patunayan kung subersibo ba hindi ang mga sinulat ni Reuel Molina Aguila na isa sa mga awtor na pinararatangan. Walang nailabas na patnubay, kautusan, o ibang panuntunan ang KWF mula pa noong itatag ito hangga ngayon na tumutukoy kung subersibo ba o hindi ang isang aklat o babasahin. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga nagwaging tula sa Talaang Ginto: Makata ng Taon ay malimit kritikal ang tindig sa gobyerno, at maihahalimbawa ang ikonikong tulang “Mga Duguang Plakard” (1970) ng yumaong makatang Rogelio G. Mangahas.

Balikan ang Republic Act No. 7104 at ang “Binagong mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino” na nalathala sa Official Gazette noong 20 Pebrero 2017 at makikita roon na wala sa anumang bahagi nito na saklaw ng KWF ang pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat anuman ang kiling nitong ideolohiya, at ang pagtatatak kung ang mga ito ay subersibo, sapagkat ang pagtitiyak kung subersibo o hindi ang isang bagay ay hindi na nito saklaw. Bukod pa rito, walang isinagawang publikong konsultasyon ang KWF hinggil sa mga aklat o manuskrito nitong tumatawid sa mga ideolohikong usapin, at ang kaugnayan nito sa kasiningan sa pagsusulat.

Ang tanong na dapat bang ipawalang-saysay o ipawalang-bisa ng KWF ang kautusan nito hinggil sa pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat at pagpapalaganap nito sa kapuluan ay hindi na kailangan pang itanong, sapagkat dapat magkusa na ang Kalupunan. Sa mula’t mula pa’y lumilihis na ang KWF memorandum at ang kaugnay nitong resolusyon ng Kalupunan [Board of Commissioners] sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104 at sa Binagong Tuntunin nito. Ayon sa Seksiyon 21. Sugnay na Nagpapawalang-Saysay ng Binagong Tuntunin ng Batas Republika Blg. 7104,

“Ang lahat ng mga sirkular, memorandum sirkular, order, at iba pang mga atas administratibo o mga bahagi niyon na sumasalungat sa Batas [Republika] Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino o sa Binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito ay pinawawalang-saysay, sinususugan, o minomodipika gaya ng nararapat. Pinawawalang-saysay din o sinususugan ang mga kapasiyahan ng nakaraang mga Kalupunan o may bahaging sumasalungat sa binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito.”

Official Gazette of the Republic of the Philippines, Vol. 113, February 20, 2017, No. 8

Sa aking palagay, hindi nagbabasa ang mga komisyoner ng batas at ng mga tuntunin nito [Implementing Rules and Regulations]. Hindi dapat matakot ang mga awtor na pinaratangang subersibo ang kani-kaniyang akda sapagkat sa simula’t simula pa’y naliligaw ang gaya ni Kom. Mendillo, sampu ng mga kasapakat niyang komisyoner, sa ginawa nitong pagbabawal sa publikasyon ng ilang aklat na subersibo umano at paglalagay sa panganib sa buhay at pamilya ng mga awtor. Ang totoo, puwedeng magsampa pa ng kaso ang mga akusadong awtor at papanagutin sa batas ang mga butihing komisyoner.

Sumunod man sa proseso o hindi ang paglalathala ng mga aklat ay hindi maibubunton lahat sa Tagapangulo. Ito ay sapagkat ang OIC Direktor Heneral, na nagkataong si Mendillo noong panahong iyon, ay may tungkuling subaybayan at tingnan din ang publikasyon. Imposibleng hindi dumaan sa kaniya ang mga pangunang pagsusuri sa mga manuskrito mula sa Komite ng Publikasyon, o kahit ang listahan ng mga manuskritong isasaaklat, sapagkat hindi tatakbo ang papeles at hindi pipirmahan ng akawntant o Puno ng Pananalapi kung ni walang pirma o inisyal man lang ni Mendillo. Kung unilateral ang paglalathala ng nasabing mga aklat, gaya ng paratang ni Mendillo, may kapabayaan din siya sapagkat dapat tumayo siyang panimbang sa mga ginagawa ng puno ng ahensiya, at hindi bilang tagapuna lamang tuwing may pulong ang Kalupunan.

Labag sa Saligang Batas 1987 ang KWF Memorandum No. 2022-0663, ayon sa pinakabagong resolusyon ni Rep. Edcel Lagman.

Hindi kung gayon isang pagmamalabis, manapa’y isang kaluwagan pa, kung magbitiw man sa tungkulin ang mga pumirmang komisyoner sa memorandum at resolusyong lihis na lihis sa batas na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Alimbúkad: Epic raging poetry against incompetence and mediocrity. Photo by Alexis Ricardo Alaurin on Pexels.com

Ang Katitikan, ni Roberto T. Añonuevo

ANG KATITIKAN

Roberto T. Añonuevo

May tungkulin ang bawat mamamayang Filipino na pangalagaan, paunlarin, at palaganapin ang wikang Filipino at iba pang wika sa Filipinas, at ito ay pinaaalingawngaw ng Saligang Batas 1987, Artikulo XIII, Mga Seksiyon 15-16. Sa ganitong anggulo dapat sipatin ang Freedom of Information (FOI) sa bisa ng Executive Order No. 02, at puwede itong testingin upang malinawan ang taumbayan sa namamayaning sigalot sa loob ng Komisyon sa Wikang Filipino at siyang may kaugnayan sa seguridad ng mga manunulat na ibinibilang na subersibo ang mga akda, ayon sa pananaw ng ilang sektor.

Nang ilabas sa pahayagan ang KWF Memorandum No. 2022-0663 na nilagdaan nina Komisyoner Benjamin Mendillo at Komisyoner Carmelita Abdurahman na nagbabawal sa paglalathala at pagpapalaganap ng mga aklat na umano’y “subersibo” at kung gayon ay may implikasyon sa seguridad at katatagan ng gobyerno, ito ay hindi simpleng usapin at marapat lamang na pagbuhusan ng pansin. (Ang masangkot sa terorismo ay hindi biro, sapagkat maaaring damputin at ikulong ang sinumang kabilang sa pakanang ito.) Kahit bali-baligtarin ang Republic Act No. 7104 na siyang lumilikha sa KWF ay wala ritong nakasaad na saklaw ng mandato nito ang pagbabawal at pagpapahinto ng publikasyon ng mga aklat at iba pang babasahin, lalo ang pagtatatak doon na iyon ay lumalabag sa batas hinggil sa terorismo. Hindi kataka-taka na mapansin ang ganitong linsad na pananaw sa panig ni Rep. Edcel Lagman at ng CHR Direktor Jaqueline de Guia at nalathala sa pahayagang Inquirer.

Ang KWF Memorandum nina Kom. Mendillo at Kom. Abdurahman ay mauugat sa diumano’y Resolution No. 17-8 ng Kalupunan [Board of Commissioners] na nilagdaan ng iba pang komisyoner na kinabibilangan nina Hope Sabanpan-Yu, Alain Russ Dimzon, at Angela Lorenzana, bukod kina Mendillo at Abdurahman. Upang matiyak ang diskursong lumitaw sa deliberasyon ng limang komisyoner, makabubuti kung babalikan ang katitikan ng pulong [minutes of the meeting] sapagkat doon mababatid kung ano-ano ang tunay na tindig ng bawat komisyoner. Makabubuting hingin din ang iba pang saloobin ng gaya nina Komisyoner Jimmy Fong at Tagapangulong Casanova na walang mga lagda sa nasabing resolusyon.

Sa dinami-dami ng opinyon, wala akong narinig na humingi ng katitikan upang mabatid nang lubos ang katotohanan sa likod ng Memorandum nina Mendillo at Abdurahman. Ang nasabing katitikan ang nawawalang kawing [missing link], at ang hinihingi noon pa ni Tagapangulong Komisyoner Arthur Casanova kina Mendillo at Abdurahman ngunit ang dalawang ito ay nabigong makapagpakita ng buong transkripsiyon ng deliberasyon, mula sa rekorded na talakayan. Kailangang mabasa ng taumbayan ang nasabing transkripsiyon ng deliberasyon hinggil sa pagiging subersibo hindi lamang ng limang aklat bagkus ng iba pang aklat o manuskrito na nasa listahan ng publikasyon ng kasalukuyang administrasyon.

May pananagutan si Mendillo hinggil dito sapagkat bukod sa pagiging Komisyoner na kumakatawan sa wikang Ilokano ay siya rin ang gumaganap na OIC Direktor Heneral noong panahong lagdaan ang memorandum at resolusyon. Ang lahat ng awtor ng KWF na apektado ay may karapatan na mabatid ang deliberasyon na nakasaad sa katitikan sapagkat iyon ang magliligtas sa kanila laban sa mabibigat na paratang na ipinupukol sa kanila at magagamit para sagutin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Karapatan ng taumbayan na mabatid ang nilalaman ng nasabing katitikan na diumano’y ipinagkakait nina Mendillo at Abdurahman sapagkat ang usapin ay tumatagos din sa kanilang seguridad bilang mamamayan.

Ang nasabing katitikan ng KWF ay isang publikong dokumento, at kung gayon ay saklaw ng FOI. Kung patuloy na ipagkakait, sa anumang dahilan, nina Mendillo at Abdurahman ang nasabing dokumento na kailangan para sa kabatiran ng madla ay isang mabigat na kasalanan na maaaring tumbasan ng mabigat na parusa sapagkat inilalagay nila ang mga akusadong awtor sa bingit ng panganib at kapahamakan.

Nakapagtataka na kahit ang iba pang kawani ng KWF ay nananahimik hinggil sa usaping ito. Nananahimik sila na wari bang hinahayaan lamang nilang maglabo-labo ang magkabilang paksiyon, at pagkaraan ng ubusan ng lahi, ay saka sila papasok matapos mahawi ang ulap na wari bang sila ang nagwagi. Hindi dapat ganito ang maganap. Kung may karapatan ang ordinaryong mamamayan na linangin, palaganapin, at pangalagaan ang wikang Filipino at iba pang wika ng Filipinas, lalong dapat gawin ito ng bawat kawani ng KWF sapagkat pinasasahod sila ng gobyerno mula sa buwis ng taumbayan. Ang nakaririnding pagiging “newtral” ay hindi isang palusot para iligtas lamang ang sarili. Ang pagmamalasakit at pagmamahal sa wika ay hindi lamang binibigkas bagkus isinasagawa, at sa pagkakataong ito, makatutulong kung magsasalita ang mga kawani na naging saksi sa eskandalong pangwika na may pandaigdigang implikasyon.

Opinyon ko lamang ito bilang karaniwang mamamayan (at hindi bilang dáting KWF Direktor Heneral) na hindi masikmura ang pagguhô ng isang institusyong napakahalaga sa pagpapalakas ng estado ng Filipinas.

Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by Krisia on Pexels.com

Pakay, ni Roberto T. Añonuevo

Pákay

Roberto T. Añonuevo

Ikáw na lakás at taás sa pagítan ng hínlalakí
at hínlalatò, anó’t párang dominádo ang mápa
at mga bituín? Sumusúlat ka sa buhángin
at sumusúlat sa túbig o hángin—nákaligtâáng
pangakò ngúnit pílit pa ring sumúsumpíng.

Hínlalatò at hínlalakí sa pagítan ng lakás
at taás ang tadhanàng umiípit sa iyó
pára sa kisápmatáng paglíligtás ng mundó.
Malímit kang mápang-ákit na hudyát at kalabít
sa gatílyo o gitárang magsísindí ng guló.

Itúturò mo ang landás na mabíbigóng abutín
ng paningín, ngúnit dî magbábantulót surútin
ang lángit bagamán kabádong malapnós 
paglápit na paglápit ng dumídilàng apóy.
Magpápasiyá ang hínlalakí at ang hínlalatò’y 

manghíhiyâ, ngúnit ikáw ang paborítong túkod 
na tíla magpápaandár sa kumukúnat na ísip.
Totoó, tumítiklóp ka rin at kumíkirót—
warì bang natutúlog na dragón. Híntuturò,
ikáw ang lakás at taás na pípilìing putúlin

nang makíta ang dangkál ng mga pagtátaksíl.
Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by MART PRODUCTION on Pexels.com

Ang Probinsiyano, bilang Ikadalawampu’t walong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Probínsiyáno, bílang Ikádalawámpû’t walóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kung máisasálin sa mga líham ang daigdíg, anó ang itsúra ng iyóng pag-íbig? Itó ang itátanóng sa iyó ni Tékla, na nakápag-ípon ng mga súlat mulâ sa sumísintá sa kaniyá. Ang líham, personál man o opisyál, ay magbúbunyág ng kaaláman, maráhil sa iyó at sa sumúlat sa iyó. Sa pánig ni Tékla, ang máalamát na músa na nílikhâ ni Julian Cruz Balmaseda bílang panapát kay Celia ni Balagtás, ang mga líham mulâ sa kaniyáng kasintáhang si Huwán M. Búhay ay hindî karaníwan—sápagkát itó ay isá nang téstaménto ng pag-íbig at artefákto sa nakalípas na panahón kung ípagpápalagáy na ang mga pangyayáring binanggít sa salaysáy ay naganáp noóng hindî pa úso ang súlatrónikó, téxting, at videokól—at pagsasádulâ ng kapaná-panabík na talâmbúhay sa hímig ng pakikípagsápalarán sa banyagàng poók at walâng katupárang hináharáp. Ang koleksiyón ng mga líham ni Huwán kay Tékla ay isá nang kríptográpikóng épikó kung tútuusín, na lumálampás sa sakláw ng áwit ni Balagtás bukód sa nagpapákilála sa paradígma ng satírikóng pagtulâ ni Balmaseda.

Sabíhin nang kathâng-ísip ang mga líham, at sa gayón, hindî máibibílang sa kanónigóng kasaysáyan ang mga salaysáy. Ang ganitóng pag-ámin ay may katotohánan, ngúnit sa óras na máilimbág ang mga líham, at máibunyág ang mga pámbihiràng detálye ng mga pangyayáring mahírap ulítin sa sérye ng pagsísinungalíng dáhil sa kahangà-hangàng wikà at pagpápahiwátig na lumitáw sa isáng tiyák na panahón, ang mga líham na itó ay nagíging ínterkonektádo sa isá’t isá, nagpapáalingawngáw ng pagtanáw, nagpapámukhâ ng realidád mulâ sa mababàng sektór ng lipúnan, at lumílikhâ ng kasaysáyan sa saríli káhit pa uyamíng kabulàánan. Si Tékla, na sinúsulátan linggó-linggó ni Huwán sa anyông pátulâ, ay magbábasá ng mga líham mulâ Maynilà ngúnit hindî tútugón ni mínsan. Pára siyáng kartéro na nalúnod sa bundók ng mga líham, kung iháhakàng tíla walâ siyáng pagpapáhalagá sa karanasáng ibinábahagì sa kaniyá ni Huwán. Sa kabilâ nitó’y ipagpápatúloy ni Huwán bílang bagamundóng éksploradór at mapágpatawáng anotadór ang pagbuô ng kaniyáng realidád, at itó ang mahalagá.

Si Huwán, nang íwan ang kaniyáng náyon, ay hindî isáng bayáni na mag-úuwî ng trópeo pagbalík sa lupàng sinilángan gáya ng dápat asáhan.

Si Huwán ang kábaligtarán ng gáya niná Aligúyon, Bantúgan, Labáw Donggón, Lumalindáw, Tuwâang—itó ang iháhayág ng mga matá ni Tékla, bukód sa súsusúgan ng masusìng pag-úurì ng gáya niná E. Arsenio Manuel at Damiana L. Eugenio. Ngúnit ang kaniyáng pag-íral ay tíla paglálarô sa nakágawîáng pagtanáw sa épikóng bayáni, sápagkát naturál na naturál kung sipátin niyá ang mundó na lagìng mapágbirô káhit pa malímit masakláp ang birò, at kung gayón, ay mahírap ípaliwánag at sakyán sa panahón ng kolónisasyón. Ang espásyo ng tunggalîán ay lungsód; at si Huwán bílang probínsiyáno ay iíwan ang kaniyáng kinagisnán, makikípagsápalarán sa banyagàng teritóryo, at húhubarín ang kinámulátang kataúhan úpang hanápin at harapín ang tadhanà kapalít ng pagtupád sa pangakò sa músang minámahál. Dádalhín ni Huwán ang probínsiyánong kataúhan, at pagsápit sa Maynilà ay mabábatíd na ang mga halagaháng tagláy niyá ay kailángang idaráng sa mga pagsúbok bágo siyá mágtagumpáy. Ang pagkakáunawà ni Huwán sa daigdíg (mulâ sa púnto de bísta ng lálawígan) ay taliwás sa poók na kaniyáng pínuntahán, at  magkakároón ng biglâáng tránspormasyón ang kaniyáng kamalayán pagsápit sa kákatwâng poók na may napakaráming táo at nagsisipágkumahóg—at sa ganitóng pangyayári’y húhubúgin siyá ng palígid alinsúnod sa kagyát na pangángailángan at hiníhingî ng pagkakátaón.

Maningníng ngúnit mápangánib ang lungsód. Makíkilála ni Huwán ang saríli kapág nakáhalubílo na niyá ang sarì-sarìng táo: kutséro, batàng tagálakô ng diyáryo, peryánte, peryodísta, pulís, hukóm, púta, teleponísta, artísta, kandidáta sa pistá, polítikó, sékreta, manlolóko, makatà, atbp. Ang mga táo na itó ang magpapákilála sa Maynilà; at lahát ng puntahán ni Huwán ay poók na magbúbunyág sa pílas ng lungsód at karagdágang karanasán, at kung may tinatáwag na kabaguhán, itó ay malímit panlabás lámang at mápanlinláng. Isásalaysáy lahát itó ni Huwán kay Tékla, at si Tékla ay magíging matá ng madlâ na sumúsubaybáy sa pakikípagsápalarán ni Huwán tuwíng lálabás ang pítak na “Nakú, ang Maynilà!” Si Huwán ang salamín ng públikó, na magháhanáp ng alíw at magbíbiláng ng póste nang magkároón ng permanénteng trabáho; ang makátutuklás na ang kahirápan ay nakarírimárim na puwérsang nagtutúlak sa prostitusyón at ang kabulukán sa sistéma ng pamámahalà sa gobyérno ay hindî ordináryo bagkús modérnisádo; ang magsisíkap na mag-áral ng mga wikà, mapápabílang sa kapisánan ng mga makatà, at gágamítin ang útak úpang makálusót sa mga gusót, atbp.  Sa dákong hulí, tátangkâín ni Huwán na máibalík sa kataúhan ang pagtanáw na bayáni sa sandalîng magnílay siyá’t mágpasiyáng tumúngo sa ibáng lálawígan, na hindî pa rin ganáp na pagbábalík (at pag-uwî) sa píling ng kasintáhan. Umaása pa rin si Huwán na makákapíling habàng-búhay si Tékla, ngúnit kung magkátotoó man itó ay maráhil magáganáp na lámang sa guníguní ng yutà-yutàng mámbabása na hindî mo kilalá.

Alimbúkad: Epic poetry subversion beyond Filipinas. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Ang Resureksiyon, bilang Ikadalawampu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Resureksiyón, bílang Ikádalawámpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Kapág nagsawà ka na sa sapád at makínis, kapág nagsawà sa tuwíd at malínis dáhil nakabábató yaón o nakaáantók, magháhanáp ka ng bundók na áakyatín, o buról na lúlundagín. Hindî ka mabíbigô. Iíwan mo ang iyóng motorsíklo o helikópter ngúnit mangangárap bílang pinágtambál na shérpa at paragláyder, pílit áabutín ang úlap sa anyô ng pagtítindíg ng guniguníng zíggurát sakâ magpapásampál sa hánging makapílas-balát kundî man mangungúsap bílang kulóg nang halinhán itó, magpapákalúnod sa abót-tanáw na pawàng muntî o mga diyamánteng kumíkináng, lílimútin káhit pánandalî ang saríli sa lábis na galák, at ihíhiyáw, O, Diyós ko! sa umaápaw na damdáming higít sa máidudúlot ng Bóhun Úpas. Ang patáy ay nabubúhay sa isáng kindát; ang kidlát ay dumádapò sa kílay; ang kúlay ay gumugúlong na dalúyong, at kung hindî pa itó sapát, magwáwakás ang lahát na kasímpayák ng pagkabásag ng pinggán o pagkapúnit ng kartón.  K’ara K’ara. Olusosun. Payátas. Walâng katapusán ang katumbás ng Sagarmatha, at sa noó ng káitaásan, ay magágawâ mong pababâín mulâ sa paraíso si Dante na sabóg na sabóg sa kaluwalhatìan, at utúsan itóng pagniláyan ang umáanták na súgat ng modernidád. Ngúnit matagál nang iníwan siyá ng patnúbay na makatàng nagbalík sa impiyérno úpang gampanán ang ibáng tungkúlin, at hindî na sumáma pa ang patnúbay na músa na nagpaíwan sa paraíso úpang pumapél na soloísta sa kóro ng mga anghél. Si Dante, pagsápit sa máalamát na Smokey Mountain, ay sásalubúngin ng alingásaw na yumáyapós at tumátagós hanggang lamánloób, at mabábatíd mo itó sa tínig ng patnúbay na kung hindî si Balagtás ay isáng matapát na alagád na Méta-Balagtasín.

Ngúnit kung ikáw si Dánte, anó ang dápat ikagitlâ sa bágong planéta ng abentúra kung namatáy ka na’t nakáratíng sa pinakámalálim at pinakámataás hanggáng makakíta ng liwánag? “Ang bágong impiyérno ay walâ sa kríptográpikóng Gimokúdan bagkús nása pagháhanáp ng sariwàng naratíbo ng kaligtásan,” isusúlat mo; at sa iyóng mga talâ mulâ sa kuwadérno ng talinghagà, ang lóhiká ng ikásiyám na kamatáyan kung itátambís sa ídeolohíya ay mawawalán ng saysáy. Sa resureksiyón ng makatà, ang Firenze ay metonímya ng bundók ng basúra [sa kabilâ ng kabihasnán], at gáya sa tulâ ni Rio Alma ay isáng libíngan. Ngúnit ang libíngang itó ay hindî karaníwang libíngan bagkús kabilâng-dúlo ng modérnidád, ang látak at katás ng pagmámalabís, kasakimán, at láyaw, na pawàng magbubúnga ng pagkátiwalág kung hindí man paglabò ng idéntidád. Maáarìng itó ang “Tanghalì sa Smokey Mountain,” na isáng ehersísyo ng pagpápaápaw sa rimárim, poót, at sindák, at ang ilóng ang magtúturò sa wakás ng materyálidád at sa wakás ng kasaysáyan ng arì-arìan at bágay. Subálit ang ilóng ay sinungáling, at ang bibíg ang magalíng.

Kailángang sundán ang tínig, na magsasábing ang espásyo ng kabulukán ay isáng anyô ng bángko o kayâ’y laboratóryo na pinagtútubùan at hindî bastá imbákan ng mikróbyo at bangkáy; at kung ang ganitóng kápangahasán ay sanhî ng orihinál o sinadyâng kasalánan ay kasalánang hindî umanó dápat salangín. At bákit hindî? Maáarìng itó ang talinghagà ng pagpapátumpík-tumpík sa óras na sumunód sa burukrásya ng kalinísan nang may disimuládong pagsang-áyon sa medyókridád at kapabayâán. Ngúnit itó rin ang pasiyá na pagníniláyan, at si Dante ay hindî na kailángan pang “maligò sa liwánag ng alingásaw” sapagkát noón pa man ay niyákap na siyá ng bantót pagsápit na pagsápit sa pórtal ng kabulukán. Totoó, waláng karatúlang nakásaád na Lasciate ogne speranza, voi ch’intrate pagsápit sa paanán ng Bundók ng Basúra. Hindî tinútubós ni Krísto ang saríli noóng nakábayúbay sa krus; at kakatwâ kapág tinubós ng mga debóto ang kaniláng diyós sa pamámagítan ng malawakáng paglípol bílang gantí tuwíng nilálapastángan ang kaniláng sagrádong pananálig. “Ang pagkilála sa likás na síklo ng kamalayán,” isusúlat mo pa sa talâbabâ, “ay nagáganap hindî sa isáng igláp,” at kung síno man ang patnúbay na tínig ni Dante sa bágong impiyérno ay “kailángang íugnáy ang saríli káhit sa mikróbyo at basúra ng ísip” sapagkát walâ sa dogmátikóng patnúbay, at walâ sa íisáng tínig na makapangyarihan, ang páhiwátig ng kolektíbong kaligtásan.

“Kailán dápat másindák o márimárim si Dante?” itó maráhil ang pangángahás na puwédeng sagutín—ngúnit lampás na itó sa hanggáhan ng pagsasánay sa ilusyón at alusyón na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic fluid poetry ideas overflowing. Photo by Mauro Contaldi on Pexels.com

Ang Sugarol, bilang Ikadalawampu’t anim na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sugaról, bilang Ikádalawámpû’t ánim na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Malíligáw ka sa pasugálan sa áraw na ísumpâ na ang tadhanà mo’y nása diskárte ng mga kamáy. Ang pasugálan—na naúulápan ng sigarílyo ngúnit walâng gabí bagkús kasíngliwánag ng walâng katapusáng umága—ang maglilíhim ng mga táo na baság ang mukhâ na kapuwâ may salapî at kápangahasán, at ang tangìng pagkakákilanlán ay pagkádalubhasà kung hindî man pagkásugapà sa baráha at pitsâ. Nakabábalíw ang palígid na napalílibútan ng salamín, na magdárayà, at kapág nágsimulâng tumítig sa isáng pánig, ang búbulagâ’y guníguníng idéntidád, at hindî ka na ang táo na nágmulâ sa labás. Maíibá ang iyóng págkatáo sa isáng igláp. Máipápakò ka sa kuwádro gáya ng pangginggéra, sapagkát iyón ang hiníhingî ng sandalî, na warì bang hinirám ni Jacques Lacan sa paradígma ni Lope K. Santos. “Ang sinísikíl sa kaloóban ay hindî ibinábaón sa límot, tinátakpán ng kosmétikó, o tinátabúnan ng mga bató,” wíwikàin ng kulasisì ni Lacan, “bagkús dinídiskaríl sakâ ináagáwan ng puwésto.”  Ang pangginggéra ay umaáhon sa kamalayán sapagkát kailángang sikilín ang imahén ng babáe; at magágawâ itó hindî sa pagburá ng nasábing idéntidád bagkús sa pagpápaáhon ng imahén ng sugaról na iháhalíli sa babáeng ang pagnánasà ay mabíbigông mápunûán ang basyóng kaloóban. Sa simbólikóng antás, ang pangginggéra ay banyagàng wikà na maúunawàan sa isáng bukód na mundó. At dáhil itó ay wikà, ang pangginggéra ay mapípilítang umimbénto ng saríling gramátiká at síntaks pára baligtarín ang ídeál na babáe at pagdáka’y magsúsog ng subersiyón káhit sa tradisyonál na alíwan ng mga laláki. Ang pagnánasà—na maáarìng nása kamalayán at kublíng-kamalayán ng babáe—ang magkákahúgis sa épikó ni L.K. Santos. Bíbiyakín ng pagnánasà ang pagtanáw ng babáe sa mundó sa sandalîng magsuót siyá ng máskará ng sugaról. Búburahín ng pagnánasà ang hanggáhan ng katinûán, sa láyong matamó ang ganáp na kalugúran ng págkatáo. Ngúnit dáhil nagsísimulâ sa baluktót at balighô ang angkíng pagnánasà, ang babáeng itó ay mabíbiyák pa sa ibá’t ibáng paraán, sa literál at matalinghagàng paraán, mulâng panlúlumò dáhil sa pagkámatáy ng pangánay  at pagkahímok sa udyók ng hípag na sumúbok sa patayâ-tayâ pára aliwín ang saríli hanggáng pagkagúmon sa rípa, póso-póso, panggíngge, at mónte. Habàng lumaláon, bábagúhin ng sugál ang pagkatáo ng pangginggéra; at ang idéntidád na itó na nagíging túnay káhit pa kathâng-ísip ay dádalhín ng pangunáhing taúhan hanggáng sa loób ng kaniyáng tahánan, na makaáapékto sa ugnáyan niyá sa asáwa’t mga anák. Kung ang sugál ay nakáaágaw ng pansín úpang matamó ang pánsamantaláng kasiyáhan, ang kasiyáhang itó ay higít na magpápabukál ng karagdágang pagnánasà, na ang manipéstasyón ay kawalán ng hiyâ at pagkápariwarà, súkat na ang pagkásugapà ay mauwî sa panlílinláng at pag-abúso ng alagád ng batás at pagtátaksíl sa bána, at ang repetisyón ng gayóng hulagwáy ay nása anyô ng próstitusyón at kapabayâán sa katawán, ang kapabayâán na áabót sa mga anák na ang sukdúlan ay pagtátakwíl ng biyenán at hípag nang masawî ang isáng anák sa áksidénte at mápabayâán nang lubós ang mga anák na nagkásakít. Madalîng hanápan ng katwíran ang pangginggéra sa kataúhan nitóng kabaligtarán ng ídeál, mahinhín, marikít, malambíng, kapúri-púri, at mapágkalíngang kabiyák at iná. Kunsintidór ang kaniyáng bána, na gumón din sa sábong at pambábabáe. Bulók ang pulís na kabít niyá, at bulók ang sistéma ng ináasáhang seguridád at kaligtásan. Walâng trabáho ang isá pang laláking nagíng kalagúyo. Higít sa lahát, ang sugál ay nagíng isáng paraán ng pamumúhay—sa basbás ng lipúnan at tiwalîng pamunùán—at hinahánap ng katawán pagkagísing at magíng sa panagimpán. Ang pangginggéra ay hindî nag-íisá; at ang mga kasáma niyáng sugaról at kasapákat na sindikáto ang magpápaláwak ng matalinghagà o túnay na espásyo ng pagkagúnaw ng lipúnan. Ang babáeng humaráp sa salamín—ang babáeng tumángis sa pagpánaw ng anák, ang babáeng iníwan ng kaníyang bána, biyenán, at hípag, ang babáeng nilukúban ng dalamhatì at pagsukò—ang babáeng sumikíl sa kaloóbang may kung anóng pumípiglás na halímaw. Maáarìng isá ka rin sa mga halímaw, na nagnánasà hindî lámang sa kaniyáng katawán bagkús patí sa espásyo nitó at kaluluwá. Namnamín ang báwat sandalî sa pasugálan: hindî úso ríto ang tinatáwag mong pátas at kasarìán.

Alimbúkad: Epic poetry breaking barriers worldwide. Photo by Alina Vilchenko on Pexels.com