Ikawalong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikáwalóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang ínog mo, ang ínog ng tulâ, ay ínog din ba ng kásaysáyan mulâ sa paningín ng sumúlat sa iyó at umápaw hanggáng sa wikà ng mga taúhan mo? Sapagkát ikáw ang tulâ, ikáw samákatwíd ay umiíral. Itátakdâ ng panahón ang mga hanggáhan mo, at itátakdâ ang mga pósibílidád mo—sukátin man ay kúlang ang timbángan o médida—úpang pagkáraán, magíng maláy na maláy ka sa pagkátulâ, walâng pásubalì at malínaw sa saríli túngo sa kabatíran ng wagás na pag-íral. Lílinlangín ni Balagtas ang paningín ng madlâ pagtítig nitó sa kúwadro istóriko ng sinaúnang ímperyo ng Gresya, ngúnit bábanggitín din ang gáya ng Albania, Etolia, at Persia samantálang ináanínaw ang kasaysáyang tíla naganáp sa totoóng búhay. Kakatwâng kasaysáyan, na hindî namán talagá púrong Gréko-Rómano kung mag-isíp ang mga taúhan bagkús Tagálog na Tagálog, nággigiít ng pósible at aktuwál na mundó, na kung nabása ni Umberto Eco ay magsasábing, “Brávo! Brávo!” Nása ísip ba ni Balagtas si Thucidides nang binuô ang tínig ni Florante na warìng hinúgot mulâ sa tínig na naghíhinagpís sa loób at labás ng báyang sawî? Bákit ang edád ni Florante’y warìng káedád ng Tagálog na binúbugbóg o gínagáróte sa bilíbid? Anó’t háhangàan ang gérerong Móro? Kung ganitó, ipágpalagáy na, ang mga tanóng na naglarô sa ísip ni L.K. Santos nang sulátin ang krítika sa natúrang áwit, ang retórikong ugnáyan ng kasaysáyan at ng tulâ ay nása masínop na balangkás at masíning na salaysáy ng akdâ. Ngúnit hindî itó madalîng mahagíp, at káy-iláp makíta, dáhil káhit anóng gawín ay mahírap ihánay, ihambíng, o itambís ang éstruktúra at náratíbo ng isáng kasaysáyan, sa isáng pánig, at ang éstruktúra at náratíbo ng tulâ, sa kabilâng pánig—yámang guníguní lámang ang sinasábing kasaysáyang Gréko-Rómano. Ang daigdíg ng tulâ, nang sumánib o dumampî sa daigdíg ng kasaysáyan, ay pumáilálim ang mga taúhan ng túnay na kasaysáyan doón sa kasaysáyang itinátampók ng kathâng-ísip. Kinákailángan ni Balagtas na lumundág sa mátalinghagàng paraán, sa paraáng ékstra-istóriko na ang répresentasyón ng lipúnan mulâ sa isáng pintúra ay maílilípat sa masíning at íntersemyótikong anyô, sabíhin mang namímighatî nanlulumò naghíhimagsík ang pangunáhing taúhan nang maíbulálas sa paraáng pátagulayláy ang samâ ng loób lában sa kaniyáng masakláp na kapaláran. Sinungáling si Balagtas, bukód sa ádelantádo at taksíl sa sékwensiyá ng kasaysáyan; subálit kung magsábi man siyá ng anumáng kábalintunàán ay may may báhid pa rin ng kátotohánan, sapagkát ang kaniyáng áwit ay kúsang lumikhâ ng saríling kasaysáyan sa pamámagítan ng wikà at dískursong Tagálog. Hangò umanó sa sinaúnang Gresya ang Florante at Laura, at pagsápit sa Filipinas ay hindî lámang magigíng páimbabáw ang anumáng téstura ng pagká-Gresya (káhit pa may talâbabâ na hindî ginawâ ng kaniyáng kápanahón), bagkús manánaíg ang tunóg at páhiwátig ng Kátagalúgan na banyagà sa hinágap ng sensúra ng góbyernong kolonyál. Ang kátotohánan na dumaán mulâ sa mga matá ng makatà ay hindî wíwikàin ng makatà, bagkús magdáraán pa sa paningín ng gáya ng mga dugông bugháw, na noóng nakalípas na panahón ay nag-áagawán ng podér o nag-úubusán ng lahì sa ngálan ng pananálig. Maáarìng náhulàan ni Balagtas, na hábang lúmaláon, ang pangahás na wikà ng kaniyáng áwit ang manánaíg sa sasápit na isináharáyang bansà na nagkátaóng sumálok at patúloy na sumasálok sa málig ng Tagálog. Ngúnit hindî itó máhalagá. Ang sékwensiyá ng mga pángyayári sa áwit ay pósibleng hindî naganáp sa materyál na kasaysáyan; gayunmán, kung paáno itó itátampók sa áwit bílang matulàing kasaysáyan ay ibá nang usápan. Ang nakíta ni Balagtas sa kúwadro istóriko ay kathâng-ísip na hindî nakápirmí bagkús máhimalâng tumítibók, kumíkislót, humáhagunót. Ínteresádo ang kasaysáyan sa ágos ng mga pangyayári sa mga káharìán; ínteresádo namán ang tulâ sa mga hindî binanggít ngúnit maáarìng kabílang sa ágos ng naganáp sa isáng takdâng panahón ng mga káharìán. Naikákahón ang kasaysáyan sa mga káhingîán ng kátotohánan; napalálayà namán ang tulâ sa mga pósibilidád ng kátotohánan. Anó’t anumán, nagsisíkap ang dalawá túngo sa isáng direksiyón bagamán hindî masasábing páreho ang kaniláng pagdulóg nang makamít ang mithî. Ang ínog mo, ang ínog ng tulâ, ay isá nang kasaysáyan. Mulîng titígan ang pintúrang nakíta ni Balagtas, at kung ipágkanuló ka man ng iyóng paningín, ang pusò’y magwíwikà ng isáng kátotohánan káhit pa ilagdâ iyón sa mga títik ng tunggalîán.

Alimbúkad: Epic raging poetry solidarity in search of humanity. No to Wars. No to Genocide. Yes to Freedom! Photo by u2605ud835udc12ud835udc00ud835udc0cud835udc04ud835udc04ud835udc07u2605 on Pexels.com

Ikalawang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikálawáng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang pagpások sa gúbat ay pag-ágaw ng kapángyaríhan. Ngúnit ang kapángyaríhan ay matátamó lámang sa pamámagítan ng taínga imbés na kamáy o bibíg o sandáta, at itó ang dápat mong tuklasín. Ang taínga ang makápag-úurì ng tínig, halímbawà, sa mónofoníya ng nanunúgis na ríple, o kayâ’y pólifoníya ng mga ilahás na sitsít at sigáw na nagpúpulásan hábang naghíhingaló ang tinudlâng usá. Nakápagsásalitâ ng líbong wikà ang kiyáw sapagkát marúnong makiníg sa palígid at mabilís makátandâ ng katagâ. Nakáaáwit ng oyayì ang gádangkál na kulasisì sapagkát nakatútunóg kung bákit hindî makábuntís ang harì. “Ang hángi’y tumitilîng pápalayô./ Ang sangáng nalagása’y warìng dî na nakáyukô.” Pámbihiràng buntót ng Únang Sigwá, ngúnit hindî áangkinín ni Rogelio G. Mangahas bagkús iháhandóg sa mga démostradór na nangahás lában sa díktadúra at tiwalîng sístema. Sa túlong ng taínga, naibábalangkás ang pólifoníkong téstura ng mga tínig mulâ man sa diyaléktikong hímig ng lungsód at náyon, o kayâ’y sa salpúkan ng mga páhiwátig búhat sa mga épiko at nóbela, na tumátagós mulâng materyál hanggáng éspiritwál na antás. Ibinúbunyág ng taínga kung paáno napag-úugnáy ang taúhan at ang tínig at ang hímig; kung hanggáng saán ang répreséntasyón ng mga bágay o kailán angkóp ang rítmikong repetisyón ng pag-íral; at kung paánong nagíng mátagumpáy ang malikhâing pagsísinúngalíng o bentrílokwóng paghúhuwád na kapaní-paniwalà o makátotohánan, gayóng kagilá-gilalás, sa loób ng guníguníng daigdíg. Makapánggagáya ng mga tunóg ang isáng uwák, ngúnit mabúbunyág ang panghúhuwád nitó dáhil “May pakpák ang balità, may taínga ang lupà.” Sapagkát ang túnay na nakíkiníg ay bukás ang pusò at bukás ang ísip, hindî lámang áktibong tagaságap bagkús maliksíng tagápukól, gáya sa mga tínig ng “Mga Duguang Plakard,” at kung gayón, nagíging matalísik ang kamalayán at malálim ang pagninílay sa anumáng agawán ng kapángyaríhan pagsápit sa mga salitâ, ibulálas man itó ng prínsipeng mukhâng gáling sa Ímperyong Ottoman ngúnit hindî maikákailâ na lakí sa Katagalúgan.

Alimbúkad: Epic rage poetry storming the gates of dictatorship and betrayal. Photo by Lan Yao on Pexels.com

Kudeta ni Balagtas

Napagdiskitahan kong titigan muli ang Pinagdaanang Buhay ni Florante at ni Laura sa Cahariang Albania (1861) ni Francisco (Balagtas) Baltazar noong nakaraang linggo. Kung pagtitiwalaan ang sinabi ni Hermenegildo Cruz, ang nasabing awit ay unang inilimbag noong 1838 ngunit sa kasamaang palad ay hindi na matagpuan ang nasabing edisyon. Ipinagdiriwang ngayong taon ang masasabing ika-170 taon ng pagkakalimbag ng Florante at Laura. Sa lahat ng akdang nalathala sa Filipinas, ang naturang awit ni Balagtas ang dumanas ng mahaba at masusing paglilitis ng mga kritiko at iskolar, at nilapatan ng kung ano-anong lente ng pagbasa kaya ang orihinal na pakahulugan at paghihiwatigang isinaad ng awit ay lumampas sa sarili nito upang angkinin ng buong sambayanan.

Hindi ko na uulitin pa ang sinabi ng mga kritiko, gaya nina Virgilio S. Almario, Eduardo Calasanz, Isagani R. Cruz, Silvino V. Epistola, Jose Mario Francisco, Lucila Hosillos, Bienvenido Lumbera, Ruth S. Mabanglo, Vivencio Jose, B.S. Medina, Epifanio San Juan, Lope K. Santos, Soledad S. Reyes, at Benilda S. Santos. Hindi sa kanila nagwawakas ang pagbasa kay Balagtas, at pinakamakapal ang aklat ni Fred Sevilla, na inilugar ang akda at ang awtor sa panahon, pangyayari, at iba pang bagay na maaaring may kaugnayan sa pagkakabuo ng nasabing awit.

Binilang ko kung ilang salitang banyaga ang pumasok sa naturang Tagalog na awit at nagulat ako na .015–.02 porsiyento lamang na salita ang may bahid ng Espanyol. Umaabot sa kabuuang 136 salitang Espanyol ang nakapasok sa Tagalog, at pawang pangngalan iyon na maaaring tumutukoy sa tao, lugar, o bagay. Ano ang ibig sabihin nito? Mapili si Balagtas sa pagtanggap ng salitang mula sa ibayong dagat. Hindi lahat ng salita ay ipipilit niyang ipasok sa Tagalog upang maging kosmopolitano ang testura ng kaniyang akda.

Kabilang sa mga salitang banyagang ginamit ni Balagtas sa kaniyang tula ang sumusunod: adarga; adios; Adolfo; Adonis; Aladin; Albania; altar; Antenor; atropos; Arco; astrologia; Atenas; Aurora; Averno; Bandila (bandera); Baselisco; batalia; Beata; Briseo; buitre; cabayo (cabaio; caballo); caliz; campo; carcel; catuno (tono); Celia; cetro; cipres; ciudad; Cocito; coleto; conde; consejo; corales; corona; cristal; Crotona; cuadro historico; Cupido; diamante; dicho; Dios; ducado; duque; Edipo; ejercito; Embahador; Emir; Epiro; escuela; Estanque; Eteocles; Etolia; fama; Febo; filosofia; Flerida; Florante; Floresca; General Osmalic; Grecia; guerra; guerrero; Hiena; higuera; Houris; imperio; incienso; Laura; leguas; leon; letra; libo; Linceo; lira; lobo; maestro; maquina; Marte; matematica; Medialuna; Menalipo; Minandro; Miramolin; Monarca; moro; mundo; musa; musica; Narciso; Nayadas; ninfa; oras (hora); orden; Oreada; original; Palacio Real; paraiso; Parcas; Percia (Persia); perlas; Persiano; pica; pincel; Pitaco; plumage; Pluto; Polinice; Princesa; Profeta; Quinta; Reina; Reino; rubé; salas; sello; sierpe; Sigesmundo; sirenas; soldado; Sultan Ali-Adab; topasio; tragedia; trigo; trono; turbante; turco; Turquia; vasallo; Venus; verdugo; verso; victoria; viva; voses; Yocasta (Reina Yocasta).

Pansinin na walang banggit hinggil sa diyos o santo ng mga Kristiyano. Ang “dios” na binanggit sa talaan ay tumutukoy kay Cupido imbes na kay Hesukristo. Kahit ang salitang “Cristiano” (Kristiyano) ay iniwasan, at mahihiwatigan lamang ito nang banggitin ang “Moro” na mula sa Persia na kabukod ng mga Kristiyano mula sa Albania. Masinop din ang pili sa mga salitang may kaugnayan sa pamunuan, gaya ng Conde, ducado, duque, emir, ejercito, general, reina, reino, prinsesa, profeta, soldado, vasallo, Venus, at verdugo. Ang “reino” ay ginamit na panumbas sa “kaharian”, at pinananatili ang gamit ng “hari” para sa “king.” Pinakamababang banggit ang “vasallo” at “soldado” ngunit kung ano ang tiyak na larawan nila ay kailangan pang hulaan ang anyo. Ang awit, kung gayon, ay mahihinuhang nakatuon sa maharlika at kauri nito, at hindi sa mga tao na nakapailalim sa kanila.

Ang ibang salitang may alusyon sa mitolohiyang Griyego, Romano, at Arabe ay Adolfo, Adonis, Aladin, Ali-Adab, Antenor, Briseo, Celia, fama, febo, Florante, Floresca, Linceo, Menalipo, Minandro, Osmalic, Pluto, Polinice, Segismundo, Sirenas, Venus, at Yocasta. Gayunman, walang tuwirang tumbasang alusyon sa mga salita mula sa pinag-ugatan nitong kasaysayan tungo sa bagong sagisag sa awit ni Balagtas. Halimbawa, ang Osmalic ay maaaring hango sa ngalan ni Osman I, na noong 1288 ay naging tagapagtatag ng Imperyong Ottoman. Si Adolfo ay maaaring ginagad kay Adolf, ang Konde ng Nassau at inihalal na maging haring Aleman noong 1292. Hindi magtatagal ang pamumuno ni Adolf at patatalsikin siya ng mga elektor saka mapapatay sa Bakbakan sa Gölheim noong 1298. Si Aladin ay maaaring hango sa ngalan ni Alauddin Khilji na noong 1296 ay pumalit sa napatay na si Jalaluddin ng Delhi. Si Ali-Adab ay maaaring hango sa ngalan ni Ali Bey, ang pinuno ng Memelukes, at naging Sultan ng Ehipto. Ang Florante o Floresca ay maaaring hango sa ngalan ng Florence, ang pangunahing Europeong lungsod sa larangan ng kalakalan at pananalapi noong 1282. At si Minandro ay maaaring hango sa ngalan ni Minander na isang manunulat ng komedyang Griyego.

Maiuugnay sa itaas ang mga pook na binanggit, gaya ng Albania, Atenas, Averno, campo, ciudad, Estanque, Etolia, Imperio, Grecia, Palacio Real, Persia, reino, at paraiso. Limitado ang mga pook na binanggit sa awit ni Balagtas, at ang iba rito’y binanggit lamang nang walang mahabang paglalarawan, gaya ng Etolia, Grecia, at Persia. Ang Etolia ay maaaring ang Anatolia, na noong 1515 ay sinakop ni Selim I, ang Sultan ng Turkey; o kung hindi’y ang Ethiopia, na noong 1500-1001 BK ay naging independiyenteng gahum. Hindi naman malinaw ang “estanque” (sanaw o tubigan) na binanggit, at mahihinuha lamang na disyerto ang paligid ng kaharian. Hindi naman ako naniniwalang ginagad sa Inferno ni Dante Alighieri ang kagubatang kinalalagakan ni Florante, bagaman malayang isipin ang gayon, dahil ang averno ng kagubatan ay hindi lamang hitik sa mga ilahas na hayop bagkus pintuan din ng impiyerno sa sinumang namumuhay sa siyudad o kaharian. Kung babalikan ang pamagat ng awit ni Balagtas, nakasaad doon na ang awit ay kinuha umano sa “cuadro historico” o pinturang nagsasabi ng mga pangyayari sa imperyo ng Gresya noong unang panahon. Anuman ang ibig sabihin ni Balagtas, mahihinuhang lumilikha na siya ng anomalya dahil ang kaniyang akda ay walang tuwirang alusyon sa makasaysayang Gresya at hindi maikakahon lamang sa lunan ng Gresya. Ginamit lamang niya ang Gresya, Albania, Persia, at Etolia sa pangalan lamang ngunit ang pinakapuso ng akda ay mahihinuhang hinugot sa kalooban ng Katagalugan.

Kaya ang Florante at Laura ay maiisip na pinagsalikop na kasaysayan at kathang-isip o mito na ang bunga ay kagila-gilalas na malikhaing guniguning pampanitikan. Maláy si Balagtas sa mitolohiya, kasaysayan, politika, tula, dula, wika, at pakahulugan na pawang bumubuo sa isang di-karaniwang diskurso para sa karaniwang Tagalog dahil hindi naman lahat ng Tagalog noon ay may oportunidad na makapag-aral o makapagbasa ng panitikang Tagalog. Maaaring sinulat ni Balagtas ang kaniyang awit hindi para sa kaniyang henerasyon, bagkus para sa darating na henerasyong handang umunawa sa lalim at lawak ng kaniyang pagkagagap sa panulaang Tagalog. Maaari ding ang Florante at Laura ay hindi lamang idinisenyo upang basahin kundi pakinggan at itanghal din para sa kaluguran ng madla. Sa gayong pangyayari, hinahatak ng makata ang Katagalugan sa modernong diskursong lalampas sa itinatakda ng relihiyon o politika o kultura; at ang nasabing Katagalugan ay nagsisilbing kritiko o konsumidor ng tula ng makata. Tumataas samakatwid ang kamalayan ng madla, at ang madla naman ay nagpapatalas din sa makata upang lumikha ito ng higit na kapaki-pakinabang na tula para sa sambayanan.

Ang pinakamagagandang saknong sa Florante at Laura ay yaong hindi nababahiran ng anumang salitang mula sa Espanyol, at kung nabahiran man ay mahahalatang matagal nang tinanggap iyon sa wikang Tagalog. Ang mga tauhan ay nag-uusap, at ang nasabing pag-uusap ay pabalik-balik sa bawat tauhan upang mapiga ang inaasam na katotohanan. Halimbawa, may diskurso sina Florante at Aladin, at ang usapan ay maaaring hindi tuwid bagkus nagmumula sa isip o damdamin. Lalawak pa iyon kung isasaalang na may kani-kaniyang usapin sina Florante at Aladin, mulang ugnayan sa kani-kaniyang sinisinta hanggang sa sistema ng pamilya tungong malawak na kaharian o bayan. Ipakikilala rin ang iba pang tauhan sa awit upang luminang sa kanilang katauhan, at lapatan ng angkop ng resolusyon ang gusot sa pagsasalaysay.

Kudeta ang ubod na mahuhugot sa awit ni Balagtas. At ang kudetang ito ay hindi lamang mula sa Albania o Persia, kundi sa kalooban ng Tagalog na nakapailalim sa prehuwisyo at panggigipit ng mananakop na Espanya. Maaaring walang kalayaan noon si Balagtas na ibulalas ang lahat ng kabaguhan na ibig niyang ipasok sa panitikang Tagalog. Masikip man ang padron ng awit, de-kahon man ang mga naunang awit ng pakikipagsapalaran at pag-ibig, nakalikha pa rin si Balagtas ng masasabing subersibong diwain at ang diwaing iyon ay hindi niya ipinaloob sa wika at diskursong Espanyol bagkus sa wika at diskursong Tagalog. Nagtagumpay na ang kudeta ni Balagtas. At hindi na ito dapat tawagin pang kudeta bagkus himagsikang Tagalog, at himagsikang pampanitikang ikararangal ng buong Katagalugan—alinsunod sa konsepto ng Katipunan.