Isang Tagpo sa Tayuman, ni Roberto T. Añonuevo

Isáng Tagpô sa Tayúman

Roberto T. Añonuevo

Nakaáwang na bintanà ang anghél; ang hángin ay kasínglamíg ng mga pilósopóng humahámak sa láson. Dumadálaw ang pangitàín ng karunúngang itím sa maligamgám na tsaáng naghíhintáy sa kung sínong nauúhaw, nabíbingí. Nakábuyangyáng sa sahíg ang mga esotérikóng papéles na nginángatâ ng bubuwít at ípis. Tinakpán ng ípuípo ng mga gamúgamó ang bombílya doón sa lumálayláy na kísamé. May kumákaluskós sa iyóng guníguní. Nang lumingón ka, mag-ináng magkayákap nang walâng imík ang umampiyás sa silíd.

10 Enero 2023

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry in search of humanity. Photo by Nicolas Postiglioni on Pexels.com

Wally’s Blues, ni Roberto T. Añonuevo

 Wally’s Blues
 (Paumanhin kay WG)
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
 ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
 binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
 at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
 Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
 at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
 Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
 tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
 at ako na hinahanap mo
 ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
 sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
 kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
 sa pusod ng tag-araw,
 sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
 ang pang-unawa.
  
 Wala akong alam na politika, walang alam 
 ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
 at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
 ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
 may silbi ang umaasang imburnal at pusali
 samantalang hinihintay ang tag-ulan,
 may kahulugan ang mga gusali, 
 na dati’y siksik, liglig, umaapaw 
 ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
 Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
 at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
 tuliro, lutáng, nakanganga——
 na waring kakainin ka para sabihing, 
 “Halika, nagugutom ako!”
 Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
 o narito ako at walang-wala ang mundo.
  
 Nagugutom kahit ang bangketa
 sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
 sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
 sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
 sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
 Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
 habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
 ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
 nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
 upang pagsapit ng hatinggabi
 ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
 at puta ang sementadong kalye, 
 magpapaubaya sa mga bagitong marinong 
 sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
 habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
 ang namumuwalang mga trak ng basura.
  
 Kung ito ang unibersidad, 
 ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
 na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
 ng mga baligtad na pangarap, 
 ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
 para sa bayan
 para sa hangal
 na gaya kong
 umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
 at guniguni, 
 nang matagpuan ang kamalayan
 nang higit sa paggising at paghinga,
 nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
 Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
 ang kalooban, sino ako 
 para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
 Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
 sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
 at poste ng ilaw,
 uusisain kung iyon ba ang katumbas 
 ng politiko na simple kung mangulimbat
 na parang nagparetrato nang nakahubad,
 sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
 ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
 na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
 at nagbubunyag ng pagkatiwalag
 sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
 gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com

Zurita, ni Raúl Zurita

Salin ng “Zurita,” ni Raúl Zurita ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Zurita
  
 Gaya sa panaginip, nang maglaho na ang lahat,
 winika ni Zurita na aaliwalas din ang paligid
 sapagkat sa kailaliman ng gabi’y
 nakakita siya ng isang bituin. Pagdaka,
 habang nakahalukipkip ako sa tabi ng mga tabla
 ng kubyerta ng barko, tila pagniningasin muli
 ng liwanag ang aking matatamlay na mata.
 Sapat na iyon. Lumambong sa akin ang himbing. 
Alimbúkad: Raging beauty, raging poetry. Photo by Nuno Obey on Pexels.com

Paghahatinggabi, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Midnight Turning Point,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Paghahatinggabi
  
 Matamang nagmamasid ang hantik, at tumitig
 sa kawalan. Ni walang maririnig kundi mga patak
            mula sa kulimlim ng mga dahon 
               at malalalim na hilik ng gabi
        sa lambak ng tag-araw.
  
 Nakatindig ang abeto gaya ng kamay ng orasan,
 matinik. Kumikislap ang langgam sa anino ng buról.
 Humuni ang ibon! Sa wakas, marahang gumulong
        ang kulumpon ng ulap.
Alimbúkad: World poetry ecstasy money can’t buy. Photo by Rudolf Kirchner on Pexels.com

Baybay Dover, ni Matthew Arnold

 Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Baybay Dover
  
 Panatag ang dagat ngayong gabi.
 Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
 Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
 Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
 Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
 Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
 Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
 Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
 Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
 Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
 Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
 Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
 Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
 Ng eternal na nota ng kalungkutan.
  
 Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
 Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
 Ang labusaw ng táog at káti
 Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin 
 Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
 At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
  
 Ang Dagat ng Pananampalataya’y
 Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
 Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
 Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
 Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
 Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
 Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
 At lastag na bulutong ng daigdig.
  
 Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
 Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
 Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
 Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
 Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
 Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
 At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
 Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
 Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi. 
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com

Magsinungaling ka, ni Ann Kithaka

Salin ng “Tell me a lie,” ni Ann Kithaka ng Kenya
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Magsinungaling ka
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pagkapulá
 Ng labi kong naging kulay paminta
 Ay bunga ng labis na pagpapahid
 Ng nakalalapnos na kimika mula sa lipistik
 At hindi pangunang paglitaw
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pangangati
 Na patuloy na sumasakop sa aking balát
 Ay bunga ng isang alerdyi
 Na pinasulak ng sama-samang paglamon
 At hindi pagsisimula
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na ang pamamawis sa gabi
 Na tumitigmak sa aking damit at binti
 At lumalagot sa pagtulog at pananaginip
 Ay senyales ng maagang menopos
 At hindi pamumukadkad
 Ng kinahihindikang AIDS vayrus.
  
 Magsinungaling ka.
 Sabihin sa akin na kapag ako’y
 Nakaratay sa kama at mapanglaw,
 Itatatwa ko, habang nakatitig sa langit,
 Na hindi magiging bangungot sa akin
 Ang nakaraan at kasalukuyang pag-ibig,
 At mamadaliin ang pagod na kaluluwa
 Sa kisapmata at nakahihiyang wakas.
  
 Oo, magsinungaling sa akin, at ihanda ako
 Para sa pagyao.  
Alimbúkad: Unrelenting poetry for humanity. Photo by cottonbro on Pexels.com

Pag-ibig at Habilin, ni Saigyō

Salin ng dalawang tula mula sa Shinkokinshū ni Saigyō [Saigyō Hōshi] ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Noong nananahan ako sa malayong pook, ipinadala ko sa isang tao 
doon sa kabisera ang mga tulang ito noong kabilugan ng buwan.
  
 Pag-ibig [Blg. 1267]
  
 Tanging ang buwan
 Doon sa kalawakan
 Ang alaala:
 Gunitain mo ako’t
 Puso ko’y nasa iyo.
  
 Habilin [Blg. 1535]
  
 Kung iwan man ang mundo
 Na hitik sa pighati’y
 Dapat batid ang sanhi—
 Ibalabal, o buwan,
 Sa akin ang taglagas.  
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Tunog ng Ulan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Tunog ng Ulan
  
 Umuulan.
 Marahang ibinuka ng gabi ang mga pakpak nito,
 at bumubulong sa bakuran ang ulan
 gaya ng mga sisiw na palihim na sumisiyap.
  
 Patunáw ang buwan na singnipis ng hibla,
 at bumubuga ang maligamgam na simoy
 na tila aapaw mula sa mga bituin ang bukál.
 Ngunit ngayon ay umuulan sa gabing pusikit.
  
 Umuulan.
 Gaya ng mabuting panauhin, umuulan.
 Binuksan ko ang bintana upang batiin siya,
 ngunit nakatago sa bulóng ang patak ng ulan.
  
 Umuulan
 sa bakuran, sa labas ng bintana, sa bubong.
 Nakatanim sa aking puso
 ang masayang balitang lingid sa iba: umuulan. 
Alimbúkad: Reconstructing ideas through translation. Photo by Ashutosh Sonwani on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Tanawin sa Gabi, ni Paul Verlaine

Salin ng “Effet de nuit,” ni Paul Verlaine ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawin sa Gabi

Gabi. Ulan. Binubutas ng palaso at toreng hungkag
Ang malinaw na anino ng nilalagnat na ulap
Sa malayo, doon sa patay na gotikong kalungsuran.
Kapatagan. Naaagnas na mga bangkay ang bitayan,
inuugoy, binubutas ng mga tuka ng mga uwak,
Patayon-tayon sa himig ng gabi habang nginangasab
ng mga lobo ang mga paang nakabitin sa hangin.
Sa likuran, nakabalangkas ngunit hindi pa aakalain—
Nagsalabid ang mga balag sa putikan—yumayabong
Ang lagim sa kaliwa; sa kanan, ang multong palumpong.
Doon, naglalakad ang tatlong bilanggo—pawisan,
Marungis, nayakapak—habang ang pulutong ng kawal
Na papalapit at sintigas ng maso ay kumikislap
ang tangang palakol, na waring ulan ng mga sibat.

Alimbúkad: Poetry vision, poetry imagination. Photo by Noemí García Reimunde @ unsplash.com