Basyo, ni Roberto T. Añonuevo

Basyo

Roberto T. Añonuevo

Umiinom sila ng kaliwanagan sa tumpak na gabi, at ang kanilang tinutungga’y maaaring itinimpla sa mga ilahas na pulút o kabute o talampunay, ngunit tanggaping simpait  ng apdo ang pagtatagpo, gaya ng mithing ayawaska. “Pumanatag,” ani matanda sa kaniyang panauhin, “at sa pagsasalubong ng ating mga titig, bawat kataga ay pananalig sa banal na layon at paglaya.”

Kung bakit hindi nagkataon ang sandaling ito ay hindi agad mauunawaan ninuman. Maraming imumuwestra ang banyaga, na maaaring palaisipan o kaya’y paglalaro ng ahedres sa gilid ng bangin. Maaaring isinakay siya ng eroplano at pagkaraan ay isinakay ng alon at kabayo, pagdaka’y maglalakad nang ilang kilomentro upang dito itanghal ang kamalayan: dalawang aninong nag-uusap sa isang hapag. Kung ano ang pagkakaiba nila ay ang pagkakahawig din nila: kulay at wika, damit at gamot, lugod at lungkot.

Apat na libong halaman at punongkahoy, at ang itinuturing na maestro ng lahat ang magtuturo sa kanila ng daan, ang landas tungo sa nakaaakit na karimlan. Ipagpalagay itong botika o kusina o piging, at pipiliin nila kung ano ang idadampi, sisinghutin, at iinumin na pawang ituturo sa kanila ng mga kaluluwa ng kagubatan. Hindi ba ito ang halaman ng pagbabanyuhay, Gilgamesh?

Huni, sitsit, aklaha, alunignig, tilaok, kokak, at ngayon ang sipol ng hangin sa ritmo ng kalatong sa kanilang pandinig. Ang kurandero ay babaylan o maaram, at kung siya man ay galing sa Peru o Brazil, ay naririto ang espiritu sa Bukidnon. “Hayaan ang paligid, at paligiran ang sarili,” ani Kurandero, “ng lubos na pagtitiwala sa wala.” Wala o nawawala. Ang kahungkagan bilang karunungan, o kung hindi’y kapuwa sila nagkakamali.

Sapagkat nangangarap sila ng gamot para sa depresyon o altapresyon, sakit sa puso o sakit sa puson, at lisanin itong dalamhati. O yaon ang hinihiling sa kanila ng mga maysakit. Binubuksan nila ang tapón sa botelya ng mga impakto, at bumabaligtad ang sikmura dahil sa itinatwang katotohanan. “Maaaring nagkakamali ka, Ginoo. Mapaghihilom mo ang sarili, kung iibigin.” Subalit uukilkil muli sa kanilang kamalayan ang mga hindi nila inaasahan.  .  .  .

Ang katotohanan ay binatilyong dinampot at binaril ng pulis, dahil sa suspetsang adik o tulak; ang katotohanan ay mga timba na nakapila sa sinisinok na gripo; ang katotohanan ay pamayanang binobomba ng eroplano at binobomba ng bumbero; ang katotohanan ay putok at sitsarong agahan o hapunan; ang katotohanan ay mga bahay na nagliliyab para maging casino at supermarket. At ang katotohanan, na taas-baba ang temperatura, ay krudong nagbabago ang presyo kada linggo.

“Sapagkat ang realidad ay nasa ating limang pandama,” ani Kurandero, “at kung hindi natin maarok ang realidad na nakaikot sa atin, ito ang kabaliwan.” O ito ang sinasabi ng anunsiyante at publisista, at kung minsan ay ginagawang biro ng pangulo. Umuulan ng sibuyas at kamatis ngunit ang mga magsasaka’y nagkakamot ng ulo dahil sa utang. Ipinupuslit ang mga bigas para maging bagong batas, at ipinupuslit ang bato’t buhangin para maging banyagang dalampasigan. Lumalaki ang pamilihan, humahaba ang mga tulay, tumatayog ang mga gusali, at lalong nagugutom sa harap ng kompiyuter o selfon ang publiko.

“Lumalawak ang migrasyon, at lumalakas ang pera-padala,” sabi ng panauhin, “at tanggaping umuunti ang balikbayan gaya sa Ilocandia at ang pinalad na nakauuwi ay nakaposas o kaya’y nasiraan ng bait at sinira ang dangal, kung hindi man nasa metalikong kabaong.” Masuwerte na kung ang nagbabalik ay may medalya at pasalubong na tsokolate, alak, at damit, dagdag niya, habang kipkip ang sanlaksang dunong, pilat, at karanasan mula sa iba’t ibang lansangan. At itatanong ng sumalubong, “Bakit ka naririto?”

Sa hanggahang walang tama o mali, ang pag-iimbot sa pera o asawa ng iba ay bagong pitas na tsiko. Ang paggilit sa leeg ng manok ay resureksiyon ng kirot sa kalooban. Kung ang rikit ng pagkawasak ay nagagawang payak, ang basagan ng mukha ay katumbas ng ulan ng papuri’t salapi; ang pagtoma nang timba-timba ay piging sa pamamaalam; ang pagratrat ng armalayt sa paaralan at simbahan ay papalakpakan sa ngalan ng pananalig o katangahan; at ang paggahasa sa mga bata ay katwiran ng kasarian at hormone na rumaragasa.

¡Qué sombra oscura!

Naggugubat sila upang makainom ng mahiwagang likido. Bubuksan nila ang dimensiyon sa likod ng noo, at ang kanilang ritwal ay tandang na pumupupog, o ulupong na dumidila, o ilog na humahalakhak sa mga hubad na dalagang naliligo. Ang mga anito ba’y pumipitlag na enerhiya at nagbabalik sa kanila bilang alupihang-dagat o paruparo? Naririto ba ang diwata sa elektrisidad ng simoy at mga ugat? Marami pa silang tanong, at ang paghahanap ng tugon ay saray-saray na sinestisya ng panaginip at taimtim na pakikinig sa awit ng Ikaro. Maya-maya’y bigla silang natahimik.

Naririnig nila sa kanilang guniguni ang pagsapit ng Pangulo—na galit na galit— habang kuyom-kuyom ang sangkurot na damo.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights!

Advertisements

Mahiwagang gamot sa “Pusong May Sugat”

Lapnos na mukha, durog na kalooban, at magkatunggaling angkan ang pinaghihilom ng bagong tuklas sa medisinang nakasaad sa nobelang Pusong May Sugat (1949) ni Iñigo Ed. Regalado. Maibibilang ang nobela sa mga kathang-agham (science fiction), ngunit ang pinakapuso ay paglilitis sa pagmamahalan ng magkasintahang pinaghiwalay ng kani-kaniyang propesyon at tadhana.

Pamumukadkad ng pagmamahal

Pamumukadkad ng pagmamahal

Umiinog ang istorya kina Bienvenida Medrano at Tirso San Luis na pawang nagbuhat sa mayayamang angkang may malalawak na lupain sa bayan ng Pinaghiluman. Bago pa man nagkakilala ang dalawa’y namuo na ang poot sa hanay ng kani-kaniyang mga magulang. Napatay  si Kabisang Gustin na pinagmulan ng mga Medrano, at ang nakapatay ay si Kapitang Ramon na siyang namang nuno ng mga San Luis. Hanggahan ng lupain ang pinagtalunan ng dalawang angkan, at ang gayong pagtatalo ay mauuwi sa poot na abot-langit.

Nagkakilala sina Nida (palayaw ni Bienvenida) at Tirso nang kapuwa sila mag-aral sa isang esklusibong paaralan sa Maynila. Nahulog ang loob nila sa bawat isa, ngunit hindi magtatagal ay paglalayuin sila ng tadhana. Ipadadala si Tirso sa Amerika upang doon mag-aral at pagkaraan ay magpakadalubhasa sa medisina sa Alemanya at maglilibot sa Europa. Samantala’y ipinagpatuloy naman ni Nida ang kurso hinggil sa kimika. Isang araw, maaaksidente si Nida habang gumagawa ng eksperimento sa laboratoryo. Sumabog ang kimika sa di-inaasahang pagkakataon, namatay ang dalawa niyang kasama, at nalapnos ang kaniyang mukha at katawan. Makaliligtas si Nida, ngunit mag-iiwan ng masagwang pilat sa kaniyang katauhan ang karanasan

Bagaman binigyan ng maluluhong pista at aliwan si Nida ng kaniyang mga magulang, lalo lamang nanlumo ang dalaga. Pumangit ang kaniyang pananaw at kalooban, at isang iniisip niya ang mga pintas ng kaniyang mga kakilala at kaibigan. Namuo sa puso ni Nida na hindi na siya karapat-dapat kay Tirso. Samantala, si Tirso ay naging bihasang mediko, at umimbento ng gamot mula sa katas ng katutubong halamang makapagpapahilom kahit sa malalalim na pilat sa balát. Naputol ang ugnayan ng dalawa, dahil ayaw nang ipabatid ni Nida kay Tirso ang nangyaring sakuna. Inakala naman ng lalaking pinagtaksilan siya ng dalaga, at gaya sa telenobela’y mamumuo ang pananaghili ng bawat isa.

Magbabalik sa Filipinas si Tirso, at mababalitaan ni Nida. Magkukunwa si Nida na maralita, magtutungo sa klinika at pilit magpapagamot kay Tirso, upang subukin ang bagong imbentong pormula ng doktor. Binago ni Nida ang pangalan at nagkunwang si Ana Beltran. Magpapaalila si Ana kay Tirso magamot lamang ang kaniyang sakit—na naging palaisipan sa doktor. May sandaling ibig nang patayin ni Nida si Tirso dahil sa paninibugho, ngunit napigil niya ang sarili. Hanggang sumapit ang sandaling gagamutin ni Tirso ang dalaga, at ipaiinom dito ang bagong pormulang gamot. Gagaling si Nida at lalayo sa tahanan ni Tirso. Sa bandang huli’y matutuklasan ni Tirso na si Ana ay ang nagbabalatkayong si Nida. Gagawa ng paraan si Tirso na mapalapit sa dalaga, at magkukunwang naaksidente habang kasapakat si Salud na matalik na kaibigan ni Nida. Mabubunyag sa wakas na walang pagtataksil na naganap sa magkasintahan. Magkakabati ang kanilang mga magulang, at ipipinid ang nobela sa pagpapakasal ng dalawa.

Ang pagtingki sa usapin ng siyensiya sa nobelang Tagalog ay lalaganap pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maraming sugat ang digmaan, at lumingon noon ang mga manunulat sa talinghaga ng “gamot” “sugat,” “paghihilom,” at “paggaling” na pawang mauugat sa mga epikong bayan. Sa nobela ni Regalado, ang bagong tuklas sa medisina ay hindi lamang napaghilom ang pisikal na sakit ng dalaga. Napaghilom din ang sugat ng panibugho sa magkasintahan. At napaglaho ang dating malalim na sugat ng dalawang angkang nag-away hinggil sa saklaw nilang mga lupain.

Hindi seryosong nobela ang Pusong May Sugat. Ipinasok ni Regalado rito ang katatawanan, ang mga tagpong kapana-panabik, ang paglalaro sa romanse, at kinasangkapan ang mga elemento ng komunikasyon ng mga Filipino. May pihit ng mga tagpo ang di-inaasahan, at ito ang hahatak sa mambabasa upang ipagpatuloy ang pagbabasa.

Bagaman sa unang malas ay mahina ang paglalarawan kay Nida, ang Nida na nagbalatkayong si Ana ay maghuhunos sa pagiging mapagsapalaran, at itataya ang buhay upang makamit ang pagbabago sa sarili at kalooban. Samantala, si Tirso na sa unang malas ay matatag, ay masusugatan din at hahabulin ang kaniyang minamahal na kasintahan. Animo’y istorya ito mula sa Hudhud ng mga Ifugaw o sa Romeo and Juliet ni William Shakespeare, at ang paghihiwalay at muling pagbabalikan ng magkasintahan ay hindi na iaatas sa kapalaran bagkus sa pagsisikap na malutas ang sigalot sa kakatwang paraan. Ang pagkakatuklas na hindi “nagtaksil” sa isa’t isa ang isinusulong ng nobela, at mauugat ang ganitong konsepto na kaugnay sa “puri” at “dalisay na pagmamahal.”

Nakapagtatakang hangga ngayon ay ginagaya ang ganitong pormula ng kuwentong pinauso ni Regalado kahit sa mga telenobela, at walang kasalanan dito si Regalado bagkus ang mga iskriprayter na nagkakasiya na lamang sa mga banghay na inaakala nilang papatok sa mga manonood. Nang sulatin ni Regalado ang Pusong May Sugat ay iba ang kondisyon sa Filipinas, ang bansang naghahanap noon ng lunas sa samot-saring sakit na dulot ng digmaan, tagsalat, at kahirapan. Naiiba ang kay Regalado dahil ipinapasok nito ang usapin sa agham, kahit pa taguriang “aghamistika” iyon, na pinaghahalo ang “agham” at ang “mistika” sa malikhaing paraan. Ang dekada nang ilathala ang nasabing nobela’y hitik din sa sari-saring imbensiyon, gaya ng antibiyotiko, nuklear pisika, kompiyuter, misil, at transistor. Ang ganitong mga pagbabago ang maaaring nasagap ni Regalado, at nakaimpluwensiya sa pagsulat niya ng nobela.

Payak ang nais ipaabot ni Regalado. Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang makikita sa pisikal na antas, bagkus umaabot hanggang espiritwal na antas. At may magagawa ang tao upang gamutin nang ganap ang sugat sa pusong naghihintay.