Karabana ng mga Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Karabana ng mga Tanong

Roberto T. Añonuevo

Noong inagaw mo
ang aming gatas
at pulut
at kinulimbat
ang templo
at gunita,
makikisalo ka rin ba
kung maghapunan
kami ng sopas
na bato’t
ginataang
buhangin?
Noong inagaw mo
ang aming gubat
at tubigan,
magtataka ka ba
kung mangarap
kami ng lungsod
at ospital?
Kung marupok
ang aming
gobyerno’t
maikli ang pisi,
bakit hindi kami
sasandig
sa mga pangako
ng ayuda
o pautang mo?
Kung ikaw
ang bantayog
ng batas
at seguridad,
bakit kami
ibinubusa
sa digmaan
at kudeta?
Kung kami
ay mga tulak
at adik,
bakit ikaw
ang nakikinabang
sa merkado
ng opyo’t damo?
Kung kami
ay mga kriminal,
bakit mo kami
pinararami
sa matematika
ng lason
at pulbura?
Kung kami
ang libong libog
na lapastangan,
bakit binibiling
laruan
ang aming kabiyak
o kabataan?
Kung kami
ay walang kuwenta’t
batugan,
bakit kami
magpapaalila
sa iyong pabrika
o pasugalan
o kusina?
Kung ang aming
teritoryo’y
sinakop mo,
bakit matatakot
kung lumampas
kami sa bakod
ng Mexico?
Kung hindi man kami
Amerikano,
bakit pa kami tatawagin
bilang kapuwa tao?
Kung kami’y hampaslupa’t
mangmang,
bakit itatanong sa amin
ang demokrasya,
ang kasarinlan,
ang kung anong
katarungan?
Ano kung tumawid kami
ng bundok at ilog,
lumakad sa bubog o apoy,
matulog sa daan?
Ano kung kami’y
lagnatin,
at masawi
nang di nakikita
ang mga pader mo?
Kung kami
ang mga liping
isinumpa’t itinakwil,
kung kami
ang mga banyagang
isinuka
ng aming
mga bayan,
kung kami
ang mga bakwet
mula sa digma,
kalamidad,
at taggutom,
bakit ka matatakot
kung kami
ngayon
ay kumakatok
sa pinto
ng pag-asa?
Bakit ka
magtatanong
sa ugat
ng aming ilahás
na karabana,
sa aming
nagkakaisang
pakikibaka?
Bakit ka
masisindak
sa gramatika
ng libo-libong
kondenadong
kaluluwa?

water nature branch snow winter fence barbed wire black and white white photography vintage frost cable wire ice color weather monochrome season twig close up blank ants freezing macro photography monochrome photography outdoor structure wire fencing home fencing

Advertisements

Mga Tula ni Charles Simic

salin ng mga tula ni Charles Simic
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MELON

May sariwang melon sa hardin
Napakasariwa, at pumapalatak ang kutsilyo
Habang hinihiwa iyon sa anim na bahagi.
Magbabalik sa paaralan ang mga bata.
Hindi mabubuhay ang kanilang mga ina,
Na nagpapasa ng mga platong papel,
Upang makita ang nalalaglag na mga dahon.

Natatandaan ko ang putakti, na lumipad
Papasok sa bukás na bintana,
Haling sa pagtikim ng matamis na prutas
Habang umiilag kami at nagsisisigaw,
Tinatakpan ang aming mga ulo at mukha,
At hahagikgik na uupo kapag iyon ay naglaho.

TAPÍSERÍYA

Nakabitin iyon mulang langit hanggang lupa.
Doon ay may mga punongkahoy, lungsod, ilog,
biik at buwan. Sa isang sulok, umuulan
ng niyebe sa sumusugod na kabalyeriya,
at sa kabila’y nagtatanim ng palay ang mga dilag.

Matutunghayan mo rin:
ang manok na tinangay ng tumanggong,
ang lastag na magkabiyak sa gabi ng kasal,
ang hanay ng usok, ang nanlilisik na babaeng
dumudura sa isang timba ng gatas.

Ano ang nasa likod niyon?
—Puwang, malawak na hungkag na puwang.

At sino ang nagsasalita ngayon?
—Ang lalaking tulóg na takip ang sambalilo.

Ano ang magaganap kapag siya’y nagising?
—Magtutungo siya sa barberya.
Aahitin nila ang kaniyang balbas, ilong, tainga,
at buhok, upang siya’y maging kahawig nila.

NAGAPI ANG LUNGSOD

Nagapi ang lungsod. Sumilip kami sa bintana ng bahay na binuksan ng baliw. Tumanglaw ang papalubog na araw sa ilang abandonadong makina ng kabiguan. “Natatandaan ko,” ani kung sinong tao, “kung paanong noong sinaunang panahon ang lobo’y mapaghuhunos na tao, saka maituturo iyon sa ikagagaan ng loob.”

AKO ANG HULING SUNDALONG NAPOLEONIKO

Ako ang huling sundalong Napoleoniko. Halos dalawandaang taon ang nakalilipas at umuurong pa rin ako palayo sa Moscow. Hitik sa puting punong abedul ang daan, at umaabot hanggang tuhod ang putik. Ipinagbibili ng babaeng bulag ang isang mata ang kaniyang manok, at ni wala akong damit na suot.

Patungo sa ibang landas ang mga Aleman; at ako naman ay pasalungat. Ibang daan din ang tinatahak ng mga Ruso, at kumakaway para magpaalam. May sable akong panseremonya. Ginagamit ko iyon upang putulin ang buhok, na apat na talampakan ang haba.

Tanawin

Kuha ng US National Oceanic and Atmospheric Administration, mula sa artsibo ng gimp-savvy.com