BRIGADA PANIKI ang taguring pinauso sa radyo noon ng yumaong peryodistang si Louie Beltran, saka inilahok na pamagat sa isang tula ni Vim Nadera, at tumutukoy sa mga tao na malimit lumalabas ng bahay at tumatambay tuwing gabi, at pagsapit ng umaga’y matutulog hanggang hapon. Malikhain ang pagkakabuo ng termino, dahil hangga ngayon, nagbabalik ang Brigada Paniki nang higit na mabalasik kaysa sa dating pulutong ng mga tambay sa kanto. Ang Brigada Paniki ay nauso nang wala pang call center, at hindi iyon tumutukoy sa mga ahenteng mahilig manigarilyo sa labas ng kanilang opisina. Nakatuon ang termino sa mga tao na walang magawa sa buhay, bagaman pambihira ang hambingan dahil ang paniki ay higit na makabuluhan ang silbi na kumakain ng mga mapamuksang kulisap samantalang naglulustay ng oras naman ang tambay.
Mapapansin ang bagong henerasyon ng Brigada Paniki sa gaya ng Barangay Maybunga, Pasig, at nagsisimulang maghasik ng lagim sa mga tsuper at pasahero, at kung minsan, sa mga naglalakad na tao. Isang pulutong ng kabataan ang nagtitipon pagsapit ng alas-seis ng gabi, na tipong kapatiran ng mga lalaki’t babaeng kung hindi sabik sa alak at droga ay ginagawang malawak na palaruan o park ang kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue. Maaaring bugso ng kabataan ang pagtambay, at maibibilang sa pakikisama, ngunit habang lumalaon ay nagiging sakit ng ulo ang Brigada Paniki sa mga tsuper ng dyip o taksing hinihingan ng pera sa oras na mapadaan sa tambayan. Malimit ding sumabit sa dyip ang mga kakosa ng Brigada Paniki, at di-iilang beses ang may naganap na pananapak sa sinumang napagtripang pasaherong estudyante.
Naniniwala ako na hindi dapat hadlangan ang karapatang makapaglakwatsa ng mga kabataan saanman nila gusto, hangga’t wala silang nilalabag na karapatan ng ibang tao. Ngunit naiiba ang Brigada Paniki ng Maybunga. Nagsisimula na itong mamerhuwisyo, at ang pangingikil sa mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan ay nagiging malimit, at hindi dapat palagpasin. Banyagang salita para sa Brigada Paniki ang gaya ng “disiplina,” “paggalang,” “kalinisan,” at “kaayusan,” at waring angkin ng grupo ang daigdig. Nabalitaan ko rin na nagiging pugad ng prostitusyon ang tambayan ng Brigada, at kung may katotohanan man ito ay maaaring kumpirmahin ng dating barangay kapitan na ginagawang umpukan ang pader ng kaniyang bakuran.
Sintomas ang Brigada Paniki sa pagbabago ng panahon. Noon, kapag tinanong ka ng matatanda na nagsabing, “Nakikita mo pa ba ang iyong balahibo?” ay pahiwatig na iyon na kailangan ka nang lumigpit at umuwi ng bahay dahil takipsilim na. Pahiwatig din iyon na kailangang mahiya ka sa sarili, umuwi, at maglinis ng katawan. Hindi ka na kailangang sigawan noon, at nakukuha sa tingin, wika nga, ang sinumang kabataan. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malayo na sa hinagap ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, at marahil kaugnay ng lumalawak nilang pagkatiwalag sa diskurso ng nakaraan. Ngayon, habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang pulutong ng Brigada Paniki, at malalakas ang loob na ihayag ang kanilang magagaspang na pananalita, pagkilos, at pananaw laban sa iba. Ang Brigada Paniki ay hindi lamang matatagpuan sa Pasig at marahil nagsisimula na ring lumaganap sa iba pang lungsod ng Metro Manila, at nagbabantang humalili sa alaala ng mga maton at ex-con. Nakapanghihinayang na ang talino, lakas, at sigla ng mga kabataan ay nauuwi sa paglulustay ng oras at semilya, imbes na ilaan sa pag-aaral o sa mga makabuluhang proyekto, gaya ng paglilinis ng kalye, at siyang ipinanukala ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo nang minsang magtalumpati.
Kung hindi ako nagkakamali’y may ordinansa ang pamahalaang lokal hinggil sa paglalagay ng curfew sa mga kabataan. Kung kinakailangan ang curfew sa mga kabataan upang masugpo ang Brigada Paniki, bakit hindi isagawa? Kailangang makiisa rin ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, dahil responsabilidad din nila hindi lamang ang kinabukasan ng kanilang mga anak, kundi maging ang kinabukasan ng kanilang lipunan. Ang seguridad at kaayusan, kahit sa antas ng barangay, ay maselang gawain, kaya dapat paigtingin kahit ang pagroronda ng mga pulis patrol upang ibagansiya ang mga kabataang dapat turuan ng leksiyon.