Magsasalita ako hinggil sa pag-asa, ni César Vallejo

Magsasalita ako hinggil sa pag-asa

Salin ng “Voy a hablar de la esperanza,” ni César Vallejo
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

. . . . . . . . . .Hindi ako nagdurusa sa hapding ito bilang César Vallejo. Hindi ako nasasaktan bilang artista, bilang tao, o bilang karaniwang nilalang. Hindi ako nagdurusa sa kirot na ito bilang Katoliko o Muslim o ateista. Sadyang may hapdi sa akin ngayon. Kahit hindi ako si César Vallejo, pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako artista’y pagdurusuhan ko pa rin ito. Hindi man ako tao o nilalang ay pagdurusahan ko pa rin ito. Hindi man ako Katoliko o Muslim o ateista, pagdurusuhan ko pa rin ito. Nararanasan ko ngayon ang sakít mula sa kailaliman. Ngayon ay sadyang tumatagos sa akin ang hapdi.

. . . . . . . . . .Nasasaktan ako ngayon nang walang paliwanag. Napakalalim ng aking sakít, na wala itong sanhi o hindi nawawalan ng sanhi sa sandaling ito. Ano ang ugat nito? Nasaan ang bagay na napakahalaga, na maaaring magwakas ang sanhi nito? Ang sanhi nito ay wala; at walang makapipigil sa magiging sanhi nito. Dahil bakit lumitaw ang hapding ito, nang dahil sa sarili? Ang hapdi ko’y nagmumula sa habagat, o amihan, gaya ng mga bugok na itlog na iniluluwal sa simoy ng ilang kakatwang ibon. Kung patay ang aking mapapangasawa, ang hapdi ay katumbas niyon. Kung laslasin nila ang aking leeg, ang kirot ay pareho lámang. Kung ang búhay, samakatwid, ay naiiba, ang sakít ay sadyang magkapareho. Ngayon ay nagdurusa ako nang higit na mataas. Ngayon ay sadyang nadarama ko ang sakít.

. . . . . . . . . .Sinisipat ko ang hapdi ng nagugutom na tao, at nabatid ko na ang kaniyang gutom ay higit sa aking pagdurusa, na kung ako’y mag-aayuno hanggang mamatay, kahit paano’y may susupling na dahon ng damo mula sa aking libingan. Katulad din sa gaya ng mangingibig! Nakabubúhay ang kaniyang dugo, na taliwas sa aking walang ugat at walang silbi!

. . . . . . . . . .Naniniwala ako na magpahangga ngayon, ang lahat ng bagay sa uniberso ay hindi makaiiwas na maging mga magulang o anak. Ngunit masdan ang aking hapdi ngayon na hindi magulang o anak. Wala itong likod upang kumulimlim, o wala itong sapat na dibdib para lumiwayway, at kung ilalagak sa madilim na silid, hindi ito makapagbibigay ng liwanag, at kung ilalagay naman sa maliwanag na silid, ni hindi ito makapagbibigay ng anino. Ngayon ay nagdurusa ako anuman ang mangyari. Sadyang tagos ngayon sa aking loob ang sakít.

Stop illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping.

Advertisements

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Salute to the Madrid Barricades” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ng Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid

Nababalot ng apog sa kaniyang lupang tinubuan,
si García Lorca, na mandirigma at makata,
ay nakahalukipkip sa hukay ng kaniyang libingan,
walang riple, lira, o bala.
Ang alpombra ng mga araw na inindakan ng mga Moro
ay hinabi ngayon sa sanaw ng mga luha at dugo,
at sa mga glasyar ng Alpino, sa tuktok ng mga Pirineo,
mula sa sinaunang hagdan tungo sa kastilyo,
ang makata ay nakikipag-usap sa kaniya,
nabubuhay pa ang makata
na ang kaniyang kuyom na kamao ay nagpapahatid
ng halik sa malayong libingan,
ang uri na inilalaan ng mga makata sa kapuwa makata.
Hindi para sa pagpaslang
bagkus para sa mga araw ng kapayapaan;
sumasahimpapawid ang matatamis na awit,
at ang banayad na awit, ang laro ng mga salita at ritmo
na ating minithi
sa lilim ng mga puso ng mangingibig at sa lilim
ng mga punong namumukadkad, upang hubugin ang berso
na kasingtaginting at kasingningning ng kalembang
ng mga kampana at pananalita ng mga karaniwang tao.

Ngunit nang maging riple ang panulat,
bakit hindi siya tumakas?

Ang bayoneta ay nakaguguhit din sa balát ng tao,
ang mga liham nito’y naglalagablab na dahong
karmesí na aking binababaran sa mga gipit na oras.

Ngunit isa lamang ang batid ko, mahal na kaibigan:
Sa kahabaan ng lansangan sa Madrid
ay magmamartsa muli ang mga manggagawa
at sila’y aawit ng iyong mga awit, o mahal na makata;
Na kapag isinabit na nila ang mga ripleng sinandigan,
kapag isinalong na nila ang sariling mga sandata
nang may pagtanaw ng malalim na utang na loob,
gaya ng mga pilay sa Lourdes ay hindi
na muli nilang kakailanganin pa ang sariling mga saklay.

 

Tatlong Tula ni Jaroslav Seifert

salin ng tatlong tula ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Awit sa mga Dalaginding
A song about girls

Palagós sa lungsod ang dakilang ilog,
at taglay ang pitong tulay;
libong dalaginding ang bakás sa baybay
at iba-iba ang hubog.

Maalab ang palad ng dibdib sa dibdib
sa pag-ibig na may apoy;
libong dalaginding ang muling lumusong,
hawig lahat kung tumitig.

Pilosopiya
Philosophy

Tandaan ang winika ng mga pilosopo:
Ang búhay ay kay-bilis lumipas.
Tuwing hinihintay natin ang mga kasintahan
ang kisapmata’y walang hanggan.

Nobyembre 1918
November 1918

                                   Sa alaala ni Guillaume Apollinaire

Taglagas noon. Sinakop ng banyagang hukbo
ang mga dalisdis ng ubasan, ipinuwesto
ang mga riple sa mga baging na tila pugad,
at iniumang sa mga suso ni Giaconda.

Nakita namin ang naghihikahos na lupain,
mga kawal na walang binti o kamay
ngunit hindi nagmamaliw ang pag-asa,
ang pintuan ng moog ay bumubukas-bukas.

Simoy-pabango ang otonyong langit: sa ibaba
ang lungsod na kimkim ang sakiting makata,
ang bintana sa isang panggabing araw.
Heto ang helmet, ang espada, at ang baril.

Totoong sa lungsod na ito ako isinilang,
ang mga ilog nito’y umaagos nang pasuray-suray;
ngunit minsan, sa ilalim ng tulay ako’y napaluha:
ang pipa, panulat, at singsing ang kipkip ko.

Ang mga impakto sa bubungan ng katedral
ay isinusuka ang basura pababa sa mga alulod,
nakatungo sila pausli sa tuktok ng kornisa’t
pinabaho at dinungisan ng dumi ng kalapati.

Tumunog ang kampana, nahulog ang mga notang
bronse, ngunit sa sandaling ito na walang pag-asa
ay dapat tumawid ang korteho ng punerarya
doon sa mga lansangan ng Montparnasse.

Nagwika ang mga kilapsaw ng ilog sa mga ibon,
at ang mga ibon ay lumipad para sabihin sa ulap
at hinimig ang balita tungo sa kaitaasan:
hindi nagpakita ang mga bituin nang gabing iyon.

At ang Paris, na tumindig, ang Lungsod ng Liwanag,
ay nagtalukbong sa kay-lalim, kay-itim na magdamag.