Wika ng Bantay-Gubat sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Bantáy-Gúbat sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Magsásawà ka sa mahabàng páliwánag isáng áraw, panínindigán ang semántika ng punòngbáyan, at ang mga katótohánan ng bundók, gáya ng topógrapíya at paraán ng pagbagtas nito, ay isasálin mo sa wikà at dískurso ng nunò sa punsó. Séryoso ka man o nagbíbirô, kung gaáno katatás ang wikà (at kung gaáno kabúlas ang dískurso) sa pagítan ng mga tagaytáy at lambák na pinagdúrugtóng ng sopístikádong taytáy o túnel ay káyang punggukín ng pagkálagót ng pásensíya at pagmámadalî. Ang punsó ang úbod ng páliwánag sa mabúbuông túmbasang alamát at aghám mulâ sa dambúhalàng hulagwáy ng gúbat, na ang kalíwanágan at ang pagkáhinóg ay sukát na sukát. Maráhil nakíta mo rin na ang pananáw pápasók at pálabás sa bundók—mulâng itaás hanggang ibabâ, o kayâ’y páikót sa ápat na pánig nitó—ay hinangò kung hindî man hinálaw lámang sa isáng umbók ng lúad na ang nilálamán ay malíliksíng ánay at hantík. Lahát ng tinátanáw mo’t sinúsubáybayán hinggíl sa bundók ay inákalà mong kasímpayák kung paáno búbungkalín o pápatágin ang punsó, kung ipagpápalagáy na walâ nang hiníhingîng páliwánag pa sa húsay ng minímalístang pagdulóg. Mag-íimbénto ka ng mga tagurî, halímbawà, “plántita de cásino,” o kaya’y “heodésikong intérbensiyón,” pára higít na magíng kapaní-paníwalà ang lénte ng pangángapâ.  Maráhil, ang túlin ng paglágom ay likás sa iyó nang maílahók ang lahát sa réseta o téksbuk ng pagsákop. Hiníhingî ng daigdíg mo ang madalî at payák; at dáhil sawâng-sawâ ka na sa kílométrikong talákay, o sa mahabâng pórmula sa matématíka at ebólusyón, ng iyóng mga tagapáyo ay nanaísin mong manahímik sa hindík at mágtiwalà ang públiko sa iyó,  kapág may kung sínong dinádampót, binúbugbóg, tinótokháng sa ngálan ng séguridád at kapáyapàán—walâ man siyáng kamuwáng-muwáng sa iyó.

Alimbúkad: Epic subterranean poetry beyond borders. Photo by Ian Beckley on Pexels.com

Mula sa Kaitaasan, ni Roberto T. Añonuevo

Mulâ sa Kaítaásan

Roberto T. Añonuevo

Gumúlong ang dalawámpûng líbong ángud 
pababâ sa lungsód, báwat isá’y may salaysáy
ng bagwís at ulán, walâng número at edád,
nagninílay maráhil sa kutób na tadhanà 
ng pábrika ng mga úling, bangkô, o sangkálan. 
Párang híram sa síning instalasyón ni Junyee—
mga butás na káhoy na inukà warì ng tamílok
o úwang, at may teléponíkong ménsahe 
pára sa mga nawáwalâng tróso o kalabáw,
o pára sa mga adélantádong sálot at bagyó.
Anúng kababálaghán mulâ sa patáy na síglo!
Pagdaán ng helikópter mo, sisímoy ang hardín 
na isáng libíngan o libángan ng kung sínong 
bantulót pumások sa múseo o tanghálan.
Mag-uúsap sa líhim na wikà ang mga ángud.
Ngúnit higít na ínteresádo ka sa níkel at gintô.
At hindî mo maúnawàan ngayón kung bákit, 
mínsan pa, bumúbuntót sa sinásakyán mo
ang mga ugát ng pagtútol, hinagpís, at poót.
Alimbúkad: Epic pink poetry vote for humanity. Photo by Lucas Pezeta on Pexels.com

Kuwentong Buday-buday, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwentong Buday-buday
ni Roberto T. Añonuevo
  
 Nakaputong sa kaniya ang ginintuang
 kaharian,
 ngunit panatag siyang nakapikit,
 waring lumulutang sa langit,
 at natigatig ako nang siya’y matagpuan.
  
 “Ikaw ba ang anak ng emperador?”
 at kinusot ko ang aking paningin.
  
 Sa isip ko’y nagtatambol ang talón 
 sa di-kalayuan. Sumisipol ang amihan, 
 at nagsimulang umambon 
 ng mga dahon.
 Nagpapahinga ang kalabaw sa sanaw.
  
 Dumilat siya; at nang tumitig siya 
 sa akin ay tila nadama ko ang bigat 
 ng ginintuang putong, 
 at ang mga gusaling aking tiningala
 ay ano’t naging kalansay 
 ng dambuhalang palasyo sa gubat.
  
 Walang ano-ano’y hinubad niya 
 ang korona.
 At ngumiti 
 ang matabang singkit na kalbo
 na ngayon ay mundong nasa kamay ko:
  
 ang alkansiyang kumakalansing sa barya. 
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Sapinit sa Gubat, ni Ch’oe Song-yu

Salin ng tula ni Ch’oe Song-yu ng Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,  batay sa bersiyong Ingles ni Graeme Wilson

Sapínit sa Gubat

Gumulapa ako sa aking kinatatayuan
Makalipas ang mahaba’t nakapapagal
Na martsa kagabi,
Nang walang ano-ano’y gulatin ako
Na nasa tabi ko lámang palá
Ang kulumpon ng sapínit na nag-aalab
sa pagkahinog sa gilid ng isang tuod.

Ay, lintik na digma! Dinaluhong ko
Ang mga bunga na parang ako’y bata.

Stop weaponizing the law. Resist Chinese occupation of the West Philippine Sea! No to foreign aggression!

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Salin ng “Tardiyyah” ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Nalunod sa ulop ang kunehong takot na takot.
Nilapa ito ng mga aso at winarat ang mga buto.
Mangangaso, magkano mo ba ipinagbibili
ang isang katibayan ng pagsilang?
Si Katerina, na bagong panganak pa lamang,
ay yumao, at ang sindak na kuneho’ y naghinaw
sa dugo mula sa mga kalmot ng aso’t talahib.
Ang huklubang lalaking bulag ng al-Ma’arrah
ay tumingala’t binuksan sa tiim na titig ang langit
nang hitik sa pang-uuyam.
Lumipas ang tag-araw, at sa pagsapit ng taglagas
ay nagkumot ng mga tuyong dahon ang gubat.
Ganito ba humahagulgol ang magkasintahan,
ganito ba malunod sa malawak na lawa ang araw
at lumipad papalayo ang mga ibon,
at mamatay ang isang nangangatal na kunehong
niyayapakan ng mangangasong tigmak sa dugo
ang mga paa ng kaniyang magilas na kabayo?
Hinila ba nang patayo si Lorca noong isilang siya?
Kumaripas ng takbo ang mga aso, at nagsisitahol
sa harap ng among berdugo.
Ito ba ang hapdi ng pagdurusa?
“At itong mga bilangguan at tanikala, o Khayyām,
ay katibayan ba ng pagsilang ng aming mga araw?”
Naduwag ako’t umisip ng palusot, at nakita ko
sa espehismo ang mukha ng kamatayan.
Kawawa naman itong palaboy na pitho!
Natutulog siya sa mga tabi ng tarangkahan,
at mula sa dilim ay iniabot niya ang mga kamay
sa akin, at binasa nang pabaligtad ang almanake
sa pabulong, mahinang paraan:
“Ginoo, ipinahiwatig ng mga bituin sa akin,
na mag-ingat, mag-ingat kayo sa paghagibis!
Nasa harapan ninyo ang dagat, at nasa likuran
ang mga kaaway na handang manambang,
at kahit saan ay kubkob kayo ng kamatayan.”
Ngunit ngayong gabi, lumaklak tayo ng alak
hanggang ang may-ari ng taberna ay madupilas
at mahulog sa malamig na sanaw ng panahon.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to foreign invasion. Yes to human rights. Yes to humanity.

Basyo, ni Roberto T. Añonuevo

Basyo

Roberto T. Añonuevo

Umiinom sila ng kaliwanagan sa tumpak na gabi, at ang kanilang tinutungga’y maaaring itinimpla sa mga ilahas na pulút o kabute o talampunay, ngunit tanggaping simpait  ng apdo ang pagtatagpo, gaya ng mithing ayawaska. “Pumanatag,” ani matanda sa kaniyang panauhin, “at sa pagsasalubong ng ating mga titig, bawat kataga ay pananalig sa banal na layon at paglaya.”

Kung bakit hindi nagkataon ang sandaling ito ay hindi agad mauunawaan ninuman. Maraming imumuwestra ang banyaga, na maaaring palaisipan o kaya’y paglalaro ng ahedres sa gilid ng bangin. Maaaring isinakay siya ng eroplano at pagkaraan ay isinakay ng alon at kabayo, pagdaka’y maglalakad nang ilang kilomentro upang dito itanghal ang kamalayan: dalawang aninong nag-uusap sa isang hapag. Kung ano ang pagkakaiba nila ay ang pagkakahawig din nila: kulay at wika, damit at gamot, lugod at lungkot.

Apat na libong halaman at punongkahoy, at ang itinuturing na maestro ng lahat ang magtuturo sa kanila ng daan, ang landas tungo sa nakaaakit na karimlan. Ipagpalagay itong botika o kusina o piging, at pipiliin nila kung ano ang idadampi, sisinghutin, at iinumin na pawang ituturo sa kanila ng mga kaluluwa ng kagubatan. Hindi ba ito ang halaman ng pagbabanyuhay, Gilgamesh?

Huni, sitsit, aklaha, alunignig, tilaok, kokak, at ngayon ang sipol ng hangin sa ritmo ng kalatong sa kanilang pandinig. Ang kurandero ay babaylan o maaram, at kung siya man ay galing sa Peru o Brazil, ay naririto ang espiritu sa Bukidnon. “Hayaan ang paligid, at paligiran ang sarili,” ani Kurandero, “ng lubos na pagtitiwala sa wala.” Wala o nawawala. Ang kahungkagan bilang karunungan, o kung hindi’y kapuwa sila nagkakamali.

Sapagkat nangangarap sila ng gamot para sa depresyon o altapresyon, sakit sa puso o sakit sa puson, at lisanin itong dalamhati. O yaon ang hinihiling sa kanila ng mga maysakit. Binubuksan nila ang tapón sa botelya ng mga impakto, at bumabaligtad ang sikmura dahil sa itinatwang katotohanan. “Maaaring nagkakamali ka, Ginoo. Mapaghihilom mo ang sarili, kung iibigin.” Subalit uukilkil muli sa kanilang kamalayan ang mga hindi nila inaasahan.  .  .  .

Ang katotohanan ay binatilyong dinampot at binaril ng pulis, dahil sa suspetsang adik o tulak; ang katotohanan ay mga timba na nakapila sa sinisinok na gripo; ang katotohanan ay pamayanang binobomba ng eroplano at binobomba ng bumbero; ang katotohanan ay putok at sitsarong agahan o hapunan; ang katotohanan ay mga bahay na nagliliyab para maging casino at supermarket. At ang katotohanan, na taas-baba ang temperatura, ay krudong nagbabago ang presyo kada linggo.

“Sapagkat ang realidad ay nasa ating limang pandama,” ani Kurandero, “at kung hindi natin maarok ang realidad na nakaikot sa atin, ito ang kabaliwan.” O ito ang sinasabi ng anunsiyante at publisista, at kung minsan ay ginagawang biro ng pangulo. Umuulan ng sibuyas at kamatis ngunit ang mga magsasaka’y nagkakamot ng ulo dahil sa utang. Ipinupuslit ang mga bigas para maging bagong batas, at ipinupuslit ang bato’t buhangin para maging banyagang dalampasigan. Lumalaki ang pamilihan, humahaba ang mga tulay, tumatayog ang mga gusali, at lalong nagugutom sa harap ng kompiyuter o selfon ang publiko.

“Lumalawak ang migrasyon, at lumalakas ang pera-padala,” sabi ng panauhin, “at tanggaping umuunti ang balikbayan gaya sa Ilocandia at ang pinalad na nakauuwi ay nakaposas o kaya’y nasiraan ng bait at sinira ang dangal, kung hindi man nasa metalikong kabaong.” Masuwerte na kung ang nagbabalik ay may medalya at pasalubong na tsokolate, alak, at damit, dagdag niya, habang kipkip ang sanlaksang dunong, pilat, at karanasan mula sa iba’t ibang lansangan. At itatanong ng sumalubong, “Bakit ka naririto?”

Sa hanggahang walang tama o mali, ang pag-iimbot sa pera o asawa ng iba ay bagong pitas na tsiko. Ang paggilit sa leeg ng manok ay resureksiyon ng kirot sa kalooban. Kung ang rikit ng pagkawasak ay nagagawang payak, ang basagan ng mukha ay katumbas ng ulan ng papuri’t salapi; ang pagtoma nang timba-timba ay piging sa pamamaalam; ang pagratrat ng armalayt sa paaralan at simbahan ay papalakpakan sa ngalan ng pananalig o katangahan; at ang paggahasa sa mga bata ay katwiran ng kasarian at hormone na rumaragasa.

¡Qué sombra oscura!

Naggugubat sila upang makainom ng mahiwagang likido. Bubuksan nila ang dimensiyon sa likod ng noo, at ang kanilang ritwal ay tandang na pumupupog, o ulupong na dumidila, o ilog na humahalakhak sa mga hubad na dalagang naliligo. Ang mga anito ba’y pumipitlag na enerhiya at nagbabalik sa kanila bilang alupihang-dagat o paruparo? Naririto ba ang diwata sa elektrisidad ng simoy at mga ugat? Marami pa silang tanong, at ang paghahanap ng tugon ay saray-saray na sinestisya ng panaginip at taimtim na pakikinig sa awit ng Ikaro. Maya-maya’y bigla silang natahimik.

Naririnig nila sa kanilang guniguni ang pagsapit ng Pangulo—na galit na galit— habang kuyom-kuyom ang sangkurot na damo.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights!

“Isang Amerikanong Dalangin,” ni Jim Morrison

Salin ng “American Prayer” ni Jim Morrison ng The Doors.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Isang Amerikanong Dalangin

Jim Morrison

Alam mo ba ang mainit na progreso sa lilim ng mga bituin?
Alam mo bang umiiral tayo?
Nalimot mo ba ang mga susi sa kaharian?
Isinilang ka na ba, at ikaw ba’y buháy?

Muli nating likhain ang diyoses, lahat ng mito ng panahon
Ipagdiwang ang mga simbolo mula sa pusod ng huklubang gubat
Nalimot mo na ba ang mga aral ng sinaunang digmaan?

Kailangan natin ang dakilang bulawang pagtatalik

Naghihiyawan ang mga ama sa mga punongkahoy ng gubat
Ang ating ina ay namatay sa laot

Alam mo bang ibinulid tayo para katayin ng mga payapang admiral
At ang matataba, mababagal na heneral ay nagnanása sa kabataan?

Alam mo bang pinaghaharian tayo ng T.V.?

Ang buwan ay tuyot na dugong halimaw
Ang mga pangkat ng gerilya ay nagsasalsal
Sa katabing panig ng mga lungtiang palumpong
Nagtitipon para sa digmaan ukol sa naghihingalong pastol

O, dakilang Maykapal, bigyan kami ng isang oras para gumanap
Ng sining at gawing ganap ang mga búhay

Ang mga gamugamo at ateista’y kapuwa dibino at yumayao

Nabubúhay tayo’t papanaw, at hindi yaon mawakasan ng kamatayan

Naglalakbay tungo sa higit na Bangungot
At hindi maiwan ang marubdob na bulaklak
At hindi maiwan ang mga puke at burat ng kawalang-pag-asa

Nakita natin ang pangwakas na bisyon sa tulò
Ang bayag ni Columbus ay hitik sa berdeng kamatayan
Hinipò ko ang hita ng dilag, at ngumiti si Kamatayan

Nangagtipon tayo sa loob ng baliw at sinaunang teatro
Para palaganapin ang pagnanasa sa búhay at takasan ang naglisaw
Na karunungan ng mga lansangan
Sinasalakay ang mga kamalig
Ipinipinid ang mga bintana
At tanging isa mula sa hanay ng lahat ang sasayaw at sasagip sa atin
Mula sa dibinong panlilibak ng mga salita

Pinasisiklab ng musika ang temperamento

Nang hayaang palayain ang mga tunay na pumatay sa hari,
Sanlibong salamangkero ang isinilang sa lupain

Nasaan ang mga pistang ipinangako sa atin?
Nasaan ang alak, ang Bagong Alak, na nagwakas sa baging?

Dugo sa Lawa Pinamaloy

Dugo sa Lawa Pinamaloy
(Hango at halaw mula sa isang alamat ng Manobo)
ni Roberto T. Añonuevo

Pinakamahusay na mangangaso ang aking panginoon. Nakita ko kung paano siya magsanay hinggil sa tumpak na pagpukol ng sibát, o sumapól nang tama sa pamamagitan ng palasong pinawalan mula sa búsog. Humahagibis siya kung tumakbo, paahón man o palusóng ng bundok. Wari ko’y bulawang luya ang kaniyang mga talampakan kapag lumalapat sa bato o lupa, at batid ang mga landas na ligtas yapakan. Matalas ang kaniyang pandinig at paningin, at sa gaya kong áso, kahanga-hanga kung paano niya natutuklasan ang mga bakás ng usa o baboy-damo, ang lungga ng bayawak o usa, ang pugad ng banug[i] o maya.

Napatatahol na lámang ako sa labis na galák.

Sa buong lawak ng Aruman, ang aking panginoon ang tinitingala ng lahat. Nagugulat ang sinumang tao na makasalubong niya kapag nalamang nakapanghuli na naman ng mailap na hayop ang aking panginoon. Kung hirap na hirap ang ibang mangangaso na makapanghuli ng maiilap na baboy, ang panginoon ko ay tila pinagpala ni Kërënën[ii] sa kaniyang mga paglalakbay. Batid ng aking panginoon ang dumarating na panganib kapag humuni ang ilahás na limukon,[iii] at siya’y kisapmatang nakalilihis ng daan. Kapag siya’y nasukol ng anumang kapahamakan, ano’t nakatatakas siya nang wala man lamang galos. Dahil doon ay nilalapitan siya ng iba pang kabataang mangangaso.

Hindi ipinagkait ng aking panginoon sa sinumang Arumanën ang biyayang kaniyang tinatanggap. Ang lungayngay na katawan ng usa o kambing, halimbawa, ay magbabadya ng masaganang hapunan ng mag-anak at iba pang tao na dumaranas ng gutom sa ili. Ibinabahagi rin niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga napitas na bungang-kahoy o nahukay na halamang-ugat mula sa kung saang bakílid.[iv] At kapag dumarating ang bagyo’y nagkukusa siyang ilikas ang mga tao sa tulong ng iba pang lalaki sa ilihan. Hindi kataka-takang kalugdan siya ng mga tao sa angking kabutihan.

Ako ang kasa-kasama ng aking panginoon saanman siya pumaroon. Tinuruan niya ako kung paano mangusap gaya ng tao, at sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at huni ay nakapagpapahatid ng utos na agad kong tutuparin. Sabay kaming naliligo sa ilog, at kinakaskas niya ng gugo na pinatakan ng dayap ang aking balahibo. Ang kaniyang pagkain ay pagkaing natitikman ko rin. Titighawin niya ang uhaw sa tubig o sabaw ng niyog, ngunit hindi kailanman siya nakalimot na ako’y painumin para mapawi ang uhaw o pagod. Binabantayan ko siya sa mga sandaling kailangan niyang magpahinga; at nagiging gabay niya upang hindi siya maligaw sa masusukal na kahuyan. Sa kabila ng lahat, hindi ipinaalam ng aking panginoon sa lahat ang aking katangian. (Maliban sa kaniyang mga magulang.) Ibig niyang isaloob ko ang pagpapakumbaba, na gaya ng kaniyang ginagawa.

Sumapit ang isang makulimlim na araw at naisipan ng aking panginoon na mangaso nang mag-isa sa gubat. Abala noon ang ibang mangangaso sa kanilang gawain sa kani-kanilang bahay, at walang nakapansin sa kaniyang balak. Pumaswit siya’t tinawag ako. Mabilis naman akong tumugon ng kahol at bumuntot sa kaniyang likuran. Malayo ang aming tinahak: mapuputik na daan tungong masukal na gubat. Sumapit ang tanghaling-tapat ay wala pa kaming makitang hayop na maaaring bihagin. Naglakad nang naglakad kami, hanggang masilayan ng aking panginoon ang mataba’t itim na baboy-damong umiinom sa gilid ng ilog.

Iniumang ng aking panginoon ang kaniyang sibat, at tinudla ang baboy. Sa kisapmata’y nahagip ang hayop sa tagiliran at napaungol. Bagaman sugatan ay nakuha pa rin ng baboy na makatakbo palayo. Kapuwa namin tinugis ang hayop. Mabilis na dinamba ng aking amo ang baboy at nakipagbuno nang lakas sa lakas. Ngunit madulas ang putikang baboy, at bago ko ito nasakmal sa leeg ay kinagat nito nang ubos-lakas sa hita ang aking amo. Wakwak ang laman ng hita, ang panginoon ko’y inubos ang natitirang lakas upang igupo ang hayop. Napasigaw ang aking panginoon; subalit ipinagkait ng sandaling yaon ang pagbubunyi dahil tumulo sa lupa ang masaganang dugo.

“Puti,” tawag niya sa akin, “maaaring maubusan ako ng dugo kung maglalakad ako pauwi. Bumalik ka sa ating ili at tawagin mo si Ama na manggagamot. Magmadali. . . ! Ngunit bago ako umalis ay tinagpas niya ang magkabilang tainga ng baboy at hinubad ang kaniyang makukulay na tikos[v] na nakaikid sa binti. Gumawa siya ng kuwintas, at isinuot niya sa aking leeg.  “Sandali!” paalala niya sa akin. “Dumaan ka muna sa bahay ng aking kasintahan bago pumaroon sa ating bahay. Tiyak na mahihiwatigan niyang may masamang nangyari sa akin.”

Tumimo sa aking noo ang lahat ng paalala ng panginoon ko. Na tumuloy muna sa bahay ng babaeng pinakamamahal niya. Na mabilis sunduin ang amang manggagamot. Na huwag akong magsasalita gaya ng tao dahil may sakunang magaganap sa buong paligid. Tumakbo ako nang tumakbo nang naluluha; ginamit ang ilong upang magbalik sa ilihan; at hindi inalintana ang matatalas na bato o makamandag na tinig na nayayapakan. Kahit humihingal ako’t laylay ang dila sa pagod ay tinangka ko pa ring makarating sa babaeng mahal ng aking panginoon.

Malapit nang lumatag ang takipsilim nang marating ko ang bahay ng kasintahan ng aking amo. Napansin agad niya na ako’y nag-iisa, at nakakuwintas ng tainga ng baboy na tinuhog ng mga tikos. Natandaan ng dalaga ang mga tikos na iyon, sapagkat siya lamang ang makahahabi ng gayong kulay para sa pambihirang mangangaso ng kanilang ilihan. Kinutuban ang babae.

“Saan ka galing, Puti?” usisa niya sa akin. “Bakit tigmak sa putik ang iyong katawan? Ano’t may nakakuwintas sa iyong tainga ng baboy?” Hindi ako makatugon. Tumahol na lamang ako kahit batid kong magsalita ng wikang Manobo, gaya ng ibang tao. Baka kung magsalita akong gaya ng tao ay makaranas ng di-inaasahang sakuna ang paligid.

Nagtanong muli ang babae. “Bakit hindi mo kapiling ang iyong panginoon? Napahamak ba siya? Tumahol na lamang ako. “Magsalita ka! Nahan ang iyong tagapag-alaga?” Bumalikwas ako. Kailangan ko pang sunduin si Amang manggagamot. Kailangan kong makaalis. Ngunit nasunggaban ng babae ang leeg ko. “Kung hindi mo sasabihin at ituturo sa akin kung nahan ang iyong panginoon ay ikukulong kita rito!” pautos na winika ng babae. “Hindi ka makaaalis dito!”

Kailangan ko nang umalis ngunit mahigpit ang pagpigil sa akin ng babae. Mauubusan ng dugo ang aking panginoon, naisip ko. Mamamatay siya sa ilang kung hindi ako makatatawag agad ng saklolo. Baka siya’y lapain ng halimaw at hindi na datnan pang buháy. Napaluha ako. Mausisa ang babae, at wala akong nagawa kundi tugunin siya sa wikang nauunawaan niya.

“Nasugatan ang aking panginoon,” ani ko. “Naroon siya sa pusod ng kagubatan, malapit sa gilid ng ilog na nasa pagitan ng dalawang bundok na karaniwang tinatanglawan ng kabugwason.[vi] Nasugatan siya sa hita nang kagatin ng malaking baboy-damo. Kailangan niya ng tulong. . . .” Natulala at biglang napaluha ang babae.

Nakahulagpos ako sa pagkakapit ng babae. Tumakbo ako palabas ng kaniyang bahay. At habang tinatahak ko ang daan tungo sa bahay ng aking panginoon, dumagundong ang malalakas na kulog at nagsalimbayan ang matatalas na kidlat sa kalawakan. Lumabas wari sa kalangitan si Tuhawa, ang Diwata ng Kamatayan, upang sunduin ang aking panginoon. Maya-maya’y nakaramdam ako ng pagyanig ng lupain. Mabilis akong tumakbo sa mataas na pook. Paglingon ko, nakita ko na lamang na biglang lumubog sa nagpupuyos na baha ang buong kabahayan. Napaluha ako. Iyon ang katuparan ng sumpa nang magsalita ako sa wikang alam ng mga tao. Ang pook na lumubog sa tubig ay bantog ngayon bilang Ranaw Pinamaloy.

Naramdaman kong wala nang panahon kung magbabalik pa ako sa pamayanan ng aking panginoon. Kaya minabuti kong magbalik sa aking pinanggalingan. Bumubuhos noon ang ulan, at nananagâ ang kidlat sa himpapawid. Nang marating ko ang pook na kinahihimlayan ng aking panginoon ay  nagitla ako. Agaw-buhay siya nang sandaling iyon. Umaagos ang dugo sa kaniyang hita, at sumanib sa agos ng ilog. Hinimod ko ang kaniyang sugat sa pag-aakalang maililigtas siya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na ako inusisa ng aking panginoon. Nahiwatigan niya ang paglindol, ang pagkulog, ang pagkidlat, at marahil, ang pag-apaw ng tubig na nagpalubog ng ili. Niyakap niya ako; at ang mga puti kong balahibo’y nabahiran ng dugo. Tila akong mabubuwang subalit nanatili ako sa kaniyang tabi. Umasa akong siya’y maliligtas, at nanalig sa mga anito’t diwata.

Maya-maya’y naramdaman kong naghuhunos ang aming mga anyo. Naghilom bigla ang sugat ng aking panginoon sa kaniyang hita; samantalang natanggal ang putik at dugo na nakakapit sa aking mga balahibo. Narinig naming ang tinig ni Yayawag, ang diwata ng kapalaran, at pinagpala niya kaming maging mga kaluluwa na magiging taliba ng gubat na malapit sa Ranaw Pinamaloy. Naghanap nang naghanap ang mga Arumanën, at ang kanilang natagpuan ay hugis kudyaping lawa na ang halumigmig ay nagpapakurot ng puso.

Huwag magtaka kung makarinig magpahanggang ngayon ng mga tahol ng aso sa kawalan, o ng sigaw ng aking panginoon, o ng palahaw ng kaniyang kasintahan. Narito kami sa gubat at pinangangalagaan ang Ranaw Pinamaloy. Naririto kami tuwing kabilugan ng buwan, muling isinasadula ang mga pangyayari, at paulit-ulit nakikipagsapalaran, kahit ituring na kathang-isip lamang ang lahat, gaya ng salaysay na ito.

Talasalitaan

[i] Banúg—malaking ibon na kauri ng agila.

[ii] Kërënën, Kerenen—pinakamakapangyarihang diwata, at kaantas ng bathala.

[iii] Limukon—uri ng kalapati na ang huni ay pinaniniwalaang nakapagbibigay babala sa manlalakbay upang iwasan ang sasapit na panganib o kapahamakan. Tinatawag din sa Ingles na turtledove.

[iv] Bakílid—pahilis na gilid ng bangin; dalisdis.

[v] Tíkos, tíkes—uri ng palamuting hibla o tali na inilalagay sa ibabang tuhod o alak-alakan, at karaniwang  ginagamit ng mga binata.

[vi] Kabugwason—pang-umagang bituin; katumbas ng planetang Venus na masisilayan sa silangan tuwing medaling-araw o bago magbukang-liwayway.

Sa tahimik na gubat, ni Max Jacob

salin ng mga tulang tuluyan ni Max Jacob mula sa koleksiyong Le cornet à dés (1917).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1889-1916

Noong 1889, maihuhubog sa salamin at allid ang mga trinsera. Dalawang libong metro paibaba, dalawang libong Polish na nakakadena ang hindi nakababatid kung ano ang ginagawa nila roon. Sa kanugnog na pook ay natuklasan ng mga Pranses ang kalasag na Ehipsiyo. Ipinakita nila ito sa pinakamahusay na doktor ng daigdig, siya na nakaimbento ng obaryotonomiya. Ang pinakamagaling na tenor ng daigdig ay umawit ng dalawang libong nota sa teatro na dalawang libong metro ang sukat paikot. Natamo niya ang dalawang libong dolyar at ibinigay sa Kawaniwahan ng Pasteur. Nasa loob ng salamin ang mga Pranses.

Sa Tahimik na Gubat

Sa tahimik na gubat, hindi lumalatag ang takipsilim at ang bagyo ng kalungkutan ay hindi pa sinasalanta ang mga dahon. Sa tahimik na gubat na tinahak ng mga Diwata, ang mga Diwata ay hindi na magbabalik.

Sa tahimik na gubat, napawi ang saluysoy ng mga batis, dahil ang agos ay halos walang tubig at lumilihis. Sa tahimik na gubat, may punongkahoy na kasingtingkad ng itim, at sa likod ng punongkahoy ay may palumpong na hugis-ulo at nagliliyab, at naglalagablab sa ningas ng dugo at ginto.

Sa tahimik na gubat na hindi na muling babalikan ng mga Diwata, may tatlong itim na kabayo, ang tatlong itim na kabayo ng mga Mago, at ang mga Mago ay hindi na nakasakay sa mga kabayo o nananahan kung saan at ang mga kabayo’y nagwiwika gaya ng mga tao.

Libak at iba pa

Tumungo sa pantalan ng ilog ang gansang mula sa alamat ni Andersen. Ang ating limahan ay ganap ang nobilidad, at sa lilim ng malagong bundok ang mga manggagawa’y nananahan sa kanilang lumang bahayan. Ang aking kaibigang Romantiko at ako, na nasa baybay kapiling ang mga babaeng naglalaba, ay naghahagis ng tinapay sa gansang mula sa alamat ni Andersen. Hindi napansin ng mapanlibak na gansa ang tinapay, ngunit hindi rin iyon binawi ng ingay ng mga pumapalo sa labada; ay, mga labandera, o malalayong ingay ng inyong pag-aaway, kayong mga manggagawa sa trangkahan makalipas ang hapunan.

Buhay ko

Nasa silid ang lungsod. Ang pandarambong ng kaaway ay hindi malubha at ang kaaway ay hindi tatangayin ang lahat dahil hindi niya kailangan ang salapi yamang ito’y kuwento at kuwento lamang. Ang lungsod ay may tanggulang yari sa pintadong mga kahoy: bibiyakin natin iyon upang maidikit sa ating mga aklat. May dalawang kabanata o bahagi. Narito ang pulang hari na may ginintuang korona na nakasakay sa lagari: iyan ang ikalawang kabanata. Hindi ko na matandaan pa ang unang kabanata.