Ang Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Kapag sineryoso ang tula at ginawang bokasyon ang pagkadakila, ang lahat ay kahon, at sa loob nito ay aspile, hamburger, kondom, wiski, bag, kuwaderno, sertipiko, bungo, at kulimbat ng mga digmaan. Ang salabat ay parang naglalasang sapot at agiw, at naiiwan sa lalamunan ang gaya ng langaw, eroplano, asido, peninsula, at tipaklong. Seryosohin pa ang bawat taludtod, at uusok ang kusina sa sikmura dahil tumitihaya ang kotse at tangke, tumitilapon ang mga mata at bayag, sumisirit ang ihi at misil, habang tinitira ng mga batang hamog ang pangulong pusakalye, ibinibitin sa eyre o nilulublob sa imburnal, pinaiindak sa tiktok, at duguang tumatawa ang makinilya na tinitipa ng eskisofrenikong baboy. Anak ng puta, ang langit ay pisara na ang nakasulat ay listahan ng mga niligpit na papeles at brodkaster. Anak ng tupa, ang impiyerno ay kebab ngunit ang masugid na alagad ay sabik sa pamatay-gutom at sukang Paombong. Walang lalim, ngunit nakapailalim sa bantas, at ididikta ng basketbol, tokhang, at heometriya ang dapat na kahulugan, halimbawa, kung paano lumiko nang bigla, lumundag sa mga bitag, kusang magpatihulog ngunit tumataas, sumasalpok ang kahihiyan ng mga paa, gusali at barko, iisipin ang lamán, ang lohika ng kababalaghan, tsubibo kumbaga sa bangketa, tinatahak ang kabilang-buhay at kanto ng lagim, at nangangarap ng pinagtambal na megalungsod at isla de pataranta. Ang totoo’y hindi tumátamâ, at sa kabila ng taimtim na tarpolin sa plasa, nasasaad: Magbago! Mag-isip nang tuwid at tumpak! Umangkla sa publiko! Habang lumalaon, mauupos sa pandinig ang mga inaakalang palakpak at kung marinig man ang pakakak ay sapagkat naghahapunan ang mga negosyante at heneral. Seryosohin muli ang tula, at ang mga saknong ay sukdol ng kilometrahe, nangangarap ng kapangyarihan gayong baog ang tuktok at bulok ang tuhod, o ito ang tadhana ng pikadilyo, radilyo, pasilyo. Marami kang kaululan at para magkasaysay ay magpipilit magpakabait na parang nagkukumpisal sa palihan, pinong-pino gayong berde ang kaluluwa, magsusuot ng Barong Tagalog, iteterno sa Converse, iisipin ang bersikulo tres, doble diyes, itatalpak sa E-sabong, o kung hindi’y ipagpapalit ang kaluluwa sa kriptopiso sa loob at labas ng metaberso ng mga materyal at narciso ng narkotiko. Kapag sineryoso ang tula, habang tomotoma, ang Khaos ay kalyos, kalyo na tinapyas, maginhawa o ito ang nakahahawa, subalit magpapatuloy ka, tumutugma na parang kalahok sa batelrap, kumakaway na pare at epal, umiirap ngunit nakangisi, at maririnig mo ang mga subterraneang batis na itinatago ng sahig, kumokonekta sa adobeng pader, umuugang mga bahay, at kumakaripas na bubuwit sa basurahan. Magsasalubong ang iyong kilay, at masasalubong ang pilosopong kumakausap sa hangin, at sasabihin sa iyo: Ang tula ay diksiyonaryo ng lamlam, landi, ligalig, lason. Magtatanong ka pa sana, ngunit iniwan ka sa pansitan, saka mo tatanggapin na hindi ka talaga makata at lalong hindi isang tula, gaya nito, na karapat-dapat yakapin, hagkan, pagpugayan sa Republika ng Ewan.

Alimbúkad: Epic poetry rant in search of meaning. Photo by Pixabay on Pexels.com

Aghamistika, bilang Ikadalawampu’t siyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín 

Roberto T. Añonuevo

Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo


[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.

Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Bitukang Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Bitúkang Pulô

Roberto T. Añonuevo

Mákikilála mo si Eduardo, ang amá ng pamilyáng tumanggáp sa iyó, at hábang tumatágay kayó ng sariwàng tubâ ay ituturò niyá na ang hinahánap mo ay walâ sa Pulô ng Atáy, bagkús sa karugtóng nitó, ang Bitúkang Pulô. Mulâ sa Pulô ng Atáy ay makásasakáy ka ng lundáy na yarì sa mga tingtíng. Tibáyan mo ang loób. Kapág nagsimulâng mágbantulót ka’y lulubóg ang lundáy mo at kakaínin ka ng mga álon, at iyán ang sinápit na kapaláran ng mga nangánauná sa iyo. Úpang makaíwas sa anumáng pangánib, ituón mo ang paningín sa diréksiyón na íbig maratíng at huwág kang lumingón ni lumingá-lingá hábang naglálayág. Kapág lumagós ka sa úlop ay makikíta mo ang Bitúkang Pulô. Ang Bitúkang Pulô ay sérye ng mga pulô at batuhan na kung hindî paikíd ay paikót, at doón mo matútuklásan na ang mga bágay ay nása yugtô ng patúloy na pagbabágo. Halímbawà, ang pumások na kanáway sa únang antás ng Bitúkang Pulô ay magigíng malmág, na kapág lumípat sa ikalawáng antás ay magigíng anuwáng, na kapág lumípat sa ikatlóng antás ay magíging nilaláng na may katawán ng táo ngúnit may mukhâ ng pawíkan, na patúloy ang pagbabágo hanggáng ang sukdúlang anyô ay umabót sa perpéktong walâ ngúnit naroón at umiíral. Kayâ kapág kinaúsap mo ang kanáway ay mauúnawàan mo lámang siyá sa wikà ng malmág. Kausápin mo ang malmág at magwíwikà siyá sa talínghagà ng anuwáng. At kapág kinaúsap mo ang táo na may mukhâ ng pawíkan ay kailángang maúnawàan mo na ang mga pahiwátig niyá ay karágatán na kuyóm ang táo o táo na kuyóm ang karágatán. Hindî siyá nagmulâ sa lahìng siréna o siyókoy. Ang táo na nása yugtô ng pagbabágo ay mauúnawàan mo lámang kung anó siyá sa anyông panlabás, at mulâ roón, kailángang sisírin mo ang kaniyáng kaloóban úpang maúnawàan ang líkaw-líkaw na pakikípagsápalarán, ang pakikípagsápalarán na maglulúwal ng barumbárong o kastílyo, na magsisílang ng iba pang mithî, gáya ng gamót, damít, sandáta, pabangó, eropláno, palayán, gusalì, at sangkatérbang hulagwáy na káyang isaísip. Sa Bitúkang Pulô, humandâ kang mamatáy. Humandâ kang mamatáy nang paúlit-úlit. Sa gayóng paraán, matutúto ka kung paáno umangkóp sa kaligíran, at mabábatíd na hindî ikáw ang séntro ng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry metamorphosis making waves. Photo by Mohammad Jumaa on Pexels.com

Kuwentong Buday-buday, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwentong Buday-buday
ni Roberto T. Añonuevo
  
 Nakaputong sa kaniya ang ginintuang
 kaharian,
 ngunit panatag siyang nakapikit,
 waring lumulutang sa langit,
 at natigatig ako nang siya’y matagpuan.
  
 “Ikaw ba ang anak ng emperador?”
 at kinusot ko ang aking paningin.
  
 Sa isip ko’y nagtatambol ang talón 
 sa di-kalayuan. Sumisipol ang amihan, 
 at nagsimulang umambon 
 ng mga dahon.
 Nagpapahinga ang kalabaw sa sanaw.
  
 Dumilat siya; at nang tumitig siya 
 sa akin ay tila nadama ko ang bigat 
 ng ginintuang putong, 
 at ang mga gusaling aking tiningala
 ay ano’t naging kalansay 
 ng dambuhalang palasyo sa gubat.
  
 Walang ano-ano’y hinubad niya 
 ang korona.
 At ngumiti 
 ang matabang singkit na kalbo
 na ngayon ay mundong nasa kamay ko:
  
 ang alkansiyang kumakalansing sa barya. 
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com

Dióna, ni Uten Mahamid

Salin ng “กลอนสามบรรทัด,” ni Uten Mahamid ng Thailand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dióna

Sa isang pook na liblib,
ang pagpaslang sa pusa mo’y
guniguning abot-langit.

Alimbúkad: Poetry imagination beyond borders. Photo by Zane Lee @ unsplash.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Pinggan at Kulisap, ni Frances Brent

Salin ng “Plate and Insect,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinggan at Kulisap

Usok mula sa sinaing ng kawalan
na pumapalibot sa hungkag na pinggan ang gutom,
at ang kulisap ay hugis butong pakwan,

pagdaka’y pawang magiging singaw.

Ang kapanatagan ko’y
nakasalalay sa di-nakikitang panimbang, malayang
lumilipat sa gitna ng inmakuladang platong paikot

at bumabalik sa maliit, itim na mantsang batik-batik
para sa mga binti, sa pagitan ng habilog
na iginuhit sa papel at ng makutim na sanaw

ng munting Buddha na tiwarik ang anyong
isang ipis, at sa porselana nitong pugad
ay naroon ang tumpok ng sinuklay na buhok,

at ang isinaharayang bigat ng balighong mangkok
ng Tsino ay ang bibig ng Diyos
at alimuom sa bundat na tiyan.

Nabubuhay ako sa dalawang bagay,
ang pagkabato ng bukás at ang isa pa’y
siksik sa ginto,

ang kaganapan
at ang batong-ilog.
Nalusaw ako sa ulap ng hiláw na gatas.

Pagkaraan sa tahanan ng Baba Yaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ang taytay na nag-uugnay sa bundok
at kastilyo
. . . . . . . . . ang tinatahak ng guniguni mo
na lumilingon para sa hinaharap,
at humaharap para muling sumulyap
sa anino at relo.

Wala ito sa aklat; nakatatak itong pilat.

Hindi nag-aaral ang simoy kung saan
iikot upang mag-iwan ng mga alabok.
Parang sirang plaka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lipad ng mga ibon.

Nagtatanong ba ang hangin sa ugat?
na retorika ng palusot sa palaisipan.

Samantala, nauubos ang kilay ng unggoy
upang maging hari
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . at upang maisuot
ang kamalayan ng imperyo,
. . . . . . . . . . . .o nang makahiga sa mga hiyas
kapiling ang tropeo ng mga kabalyero.

Ang taytay, gaano man kahaba, ay ulap
na iyong niyayapakan.
. . . . . . . . . .  .Maglalakad kang may bagwis
ang ulirat,
. . . . . . . . . . .  .at matatagpuan sa mga palad
ang mapa ng mga balak at tadhana,
gaya ng halimaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa kristal na tasa
o lason mula sa pinilakang tenedor.

Kung ang sibilisasyon ay naipupundar
sa mga salita,
ang mga salita mo’y kalansay at dugo,
na kusang nagtatatwa at nagtataksil
sa sarili,
lumilikha ng arkitektura ng mga elipsis,
at nasa diksiyonaryo ng mga tahimik.

Isang hakbang pa, at bubulaga sa iyo
ang walang pangalang pangarap,
ang walang pangalang kumukurap—
. . . . . . . . . . .tawagin man itong katubusan
ng payasong umiiyak.

Malalagot na ang mga lubid ng taytay.

Ngunit hindi ka lilingon, bagkus lalakad
nang lalakad,
lumulutang—wala ni kimera sa batok,
walang kausap na Baudelaire o Borges
ngunit tahimik at buo
ang loob, gaya ng simoy na sumasalpok
sa moog na bumabakod sa kalawakan:

isang librong nagwiwiski sa Bagong Taon.

Cheese Mess, ni Roberto T. Añonuevo

Cheese Mess

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naisisilid ang vayrus sa mga titik ayon sa diksiyonaryo ng kesong puti at retorika ng keso de bola; at kung ikaw ang haring kusinero ng kaisipan, ang pagbigkas ng salita ay makasasakit at makapagbibigay ng sakít sa hindi mo kauri, bukod sa sadyang peligroso sa hangal sakali’t sumubok itong magsulat. Ikaw, sampu ng iyong kaututang-dila, ang tanging makapag-aari ng mahihiwagang salita. Sandangkal na tinapay ang tama at mali na nagdaraan sa dila at ngalangala, naisip mo, at itutulak ng barakong kape sa ngalan ng paninimbang para tunawin sa bituka ng pananalig.

Ang seguridad ng republika ang mahalaga, isasahinagap mo, at waring pinaalunignig ang talinghaga ni Platon na sinurot ang kakayahan ng mga makatang nagsasabing batid nila ang tibok ng lipunan (na patutunayan ng kanilang malalanding berso), ngunit hindi naman marunong magtornilyo sa pilipisang ang memorya kung hindi man guniguni’y limitado sa paggagad sa mundo. “Bakit maniniwala sa sabi-sabi,” naglaro sa utak mong hiram wari kay Socrates, “kung ang sukdulang katotohanan ay matatagpuan sa dakilang artipisyong magmumula lámang sa Maykapal?”

Batid mong ang kontaminadong titik, kapag inihalo sa iba pang titik na sabihin nang muslak o antigo o bagong luto, ay maaaring magluwal ng salitang asintomatiko, na pagkaraan ng ilang araw ng pagkahinog ng inililihim, ay mauuwi sa salot na katumbas ng hanging sinisinghot. Sa oras na pumutok gaya ng bulkan ang mga parirala ng pagdududa, na nagiging mabalasik na tanong, ay lalantad ka sa telebisyon upang pahupain ang pangamba ng taumbayang nakalimot yatang bumulong o sumigaw alinsunod sa tulak ng pusòng de-piston.

Sa laboratoryo ng mga dalubwika, mapanganib ang maruruming salita. Ang mga salita, kapag nagtipon-tipon sa mahika ng kung sinong ulol na tagasulsol, at naging pangungusap at ang gayong pangungusap ay nanganak ng iba pang pangungusap at nagbanyuhay na talata na may angking realidad—ay ano’t nakapagdudulot ng di-mawaring dalamhati o kamatayan sa gumagamit nito. Payak ang payo sa iyo ng mga eksperto: Ipagbawal gamitin ng mga mamamayan ang kontaminadong salita, sapagkat katumbas nito ang pandaigdigang sakuna.

Na siya mong ipinatupad.

Hindi naman nagkamali ang iyong mga tagapayo. Ngunit may ilang matitigas ang ulo. Halimbawa, ang salitang kontaminado at ginamit ng kung sinong mensahero o senador ay kisapmatang yumao. Pagkaraan nito’y sunod-sunod ang mga nabubuwal sa kalye, at sumikip ang mga ospital sa mga maysakit, at walang nagawa ang maraming bansa kundi isakatuparan ang mabilisang kumbersiyon ng mga bukid para maging sementeryo. At ang pakpak ng balita sa gayong pangyayari, sa anyo man ng aklat o elektronikong pabatid, ay naghasik ng kapahamakan sa pitong kontinenteng ang lupain ay hitik sa taingang namumukadkad sa lupain.

Hawak mo ngayon ang kutsilyo at sa labis na inis ay hindi alam kung itutusok ba sa kesong puti o keso de bola. Kumakalam ang iyong sikmura, ngunit wala kang ganang kumain ng mga balita. Dudungaw ka sa iyong bintana, at makikita sa paanan ng iyong palasyo ang kumakapal na madlang hindi makapagsalita ngunit tangan ang makukulay na plakard na kung hindi nagsasayaw gaya ng payaso’y nagtatanghal ng komedyang naghahatid sa mga nasasakupan mong tumawa nang tumawa, na kasinglutong at kasinghaba ng maibibigay ni Bert Tawa. Ilang sandali pa, mayayanig ang kinatatayuan mo, at mahihilo ka na waring may tama, at iduduwal ang mga kontaminadong salita—na ipinagtataka mo kung bakit unti-unting kinakain ang iyong anino.

Alimbukad: Poetry unstoppable

Ang Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panauhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Namamalirong ang tulay sa mga sasakyan; at ang bus na sinasakyan mo patungo sa aking guniguni ay nagkukubli ng mga pakò tinik niknik. Magtitinikling ang iyong tinig palabas, ala-Amy Winehouse, at ang ilaw ng paningin mo’y nakaligta ng pasintabi kung magsiyasat sa dalom ng mga budhi. Kanan, wala. Gitna, wala. Kaliwa, wala. Wala o Itim. Pakiramdam mo’y may talulot ng yelo ang pagkainip, at simbigat ng adwana ang maletang hila-hila. Bakit ibig mong marating ang karimlan, gayong makaiindak o makalalakad sa liwanag? Hindi lahat ay makapapasok dito, lalo kung ang haraya mo’y hindi kayang tumbasan ang kombinasyon ng mga titik sa makinilya. Nangangarap ka ng kakatwang abentura, subalit mahuhubad mo ba ang anino sa hulagway upang humarap sa akin nang buong tapang kahit nangangatal sa lamig? Kumain, sumiping, humimbing sapagkat búkas ay laós na ang palaisipan!  Wala ritong purgatoryo para sa mga kaluluwang ligaw: mga kulang-palad na naghihintay ng regalong putomaya at salubong ng bandang kawayan. Ang mga linnawa sa lansangan ang lumilikha ng kani-kanilang sariling kadungayan. At ang kadungayan ay laberinto na ang bawat síko ay may sanlibong halimaw, at ang tatluhang sihà ng pagbagtas ay mapa tungo sa pulút o kalansay. Tandaan mo iyan, bago ka pumasok sa akin. Kung isa ka sa mga paslit na ang estetikong panlasa ay búl-ul na tumagay ng tapëy at pumulá ang labì sa sintetikong ngangà, hindi ka para sa akin. Humayo ka, at walang trubador na maghahatid sa iyo tungong Paraiso! Gayunman ay papalarin kang sambahin nang paiwaráng ng mga banyaga—na ang turing sa daigdig ay eksotiko peligroso sentimental—sakali’t makumbinsi mo sila na palakpakan ang mga salita.