Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Hulát, ni Roberto T. Añonuevo

Hulát

(para kay IMA)

Roberto T. Añonuevo

Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.

Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.

Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.

Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.

Monumento, ni Roberto T. Añonuevo

Monumento

Robeto T. Añonuevo

Matatayog na basura, gunita kayo ng matatangkad
na bisyon, at ngayon ay ultimong bakas ng polusyon.
O yaon ay guniguni lamang ng bulag na si Borges?

Nabása marahil ito ng Komandante, at kung ang Cuba
ay Filipinas, ang rebolusyon ay pagtanggi sa parangal
na magpapasikip sa rotunda o plasa ng mga palaboy.

Sementeryo ang bantayog. Kung hindi kayo mga multo,
bakit iihian ng askal o dudungisan ng aktibista’t tambay?
Kulang para sa tindahan o terminal ng mga sasakyan,

memoryal kayo ng isla o kalabisan, ang palatandaan
kapag naliligaw, ang kabayanihan sa aming natatakot
humawak ng baril at laging tangan ang bagong selfon.

Ngunit babalâ kayo para sa inaasahang kapahamakan,
dulot man ng bagyo o sunog o digma, at tinatanggap
namin ang henyo ng eskultor o kontratista na kumikita

para iresiklo ang mga kamalayang lumulutang sa baha,
tinatabunan ng banlik at putik, at kung sakali’t magbalik
ay hindi mauunawaan ng mga batang naglalaro sa titik.

Pana-panahon kayong nililinis para ulanin ng bulaklak,
at kung minsan ng awit at tula at dula, sa selebrasyon
ng mga politikong artista o sotang bastos ng burukrata.

Sapagkat kayo’y mahal ngayon, at magmamahal lalo
kung artefakto ng kolektor: ang dambana ng papuri,
ang listahan ng pangalan at patina sa tansong tagumpay.

Kung ituring man kayong bilangguan ng dakila’t bathala
ay ano’t hindi namin ikinasisiya ang luwag at aliwalas?
Kahit ang gamot ay nagiging lason sa wika ng hinaharap.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Ang mga Tuta, ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Tuta

Roberto T. Añonuevo

Walong tuta ang nananaginip ng mga utong,
ito ang haka mo, at ang gatas ay napakalayong
pantalan na dapat tawirin — sa kisapmata.

Umihip ang simoy, at mula sa alimbukay
ng alikabok ay tumatakbong naghahanap
ang isang aso,
na sa iyong tanaw ay naging tao,
at ito ang paraiso sa mga supling ng lupa,
o kung hindi’y bunganga ng impiyerno.

Umiiyak ang mga tuta, at umiiyak
ang lupa na yumayanig wari dahil sa awa.
Mga bulag silang nilalang na gumagapang.

Tumalikod ka ngunit naririnig mo ang tahol
ng paghangos at pagkalinga.
Ang tahol ay paos, at tumatagos sa balát.
Maya-maya’y umalulong ang karo ng dyip.
Lumakad ang nagdadalamhating mga gulong,
at sa bodega ng iyong gastadong guniguni
ay pumaloob ang mga nagugutom na hayop.

Kinusot mo ang iyong paningin.
At nang buksan mo ang kalooban sa tagpo,
ang mga tuta’y iba-iba ang kulay sa malay.

Parang tao, wika mo, na alipin ng burukrata
o pangulo, at naghahanap ng pangako ng gatas
at pulut upang makaraos sa gutom at pangamba.
Ngunit ang gayong kuro-kuro ay kalabisan
sapagkat walang pakialam ang mga hayop
sa pagtitindig ng burukrasya at politika,
at hinding-hindi sasawsaw sa agawan ng poder.

Kinusot mo muli ang iyong paningin.
Gumapang ang walong tuta sa walong daan
tungo sa sariling kaligtasan, at higit kang nalito.

Ang walong tuta, sa pakiwari mo, ay kapatid
mong iniwan sa kangkungan isang gabi,
habang gutom na gutom ang kalan,
at kumikislap ang patalim sa paminggalan.
Nauulinig mo ang sumisiyap-siyap na motor.
Naghahalakhakan ang mga lasenggo,
at ang hapag ay nabuburyong sa liwanag
mula sa mga berso ng makatang San Miguel.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Lakad, ni Roberto T. Añonuevo

Lákad

Tula ni Roberto T. Añonuevo

Kapana-panabik ang paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . .kung hindi natin alam ang patutunguhan.
Hindi ba nakababató kung sakali’t nakahuhula tayo
sa resulta ng ating paghahanap?
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Parang nanood tayo nang paulit-ulit
sa pelikulang ibig nating iyakán o ibig nitong tayo’y pagtawanan.

Kaya sumáma ako sa iyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .At waring ikaw ay nabaliw.

Hindi ka natatakot maligaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .lalo’t nakasakay ka sa aking katawan.

Magsuot man ako ng maskara,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . nakikilala mo ako
sa salát. . . . . . . . . . . . . . .  at tunog . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at simoy.

Kaysarap maligaw, kung ikaw ang aking kapalaran.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng pakikipagsapalaran,
kahit nasa loob ng banyagang silid o napakalupit na bilibid.

Itatanggi mong isa kang makata,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ngunit hinahaplos mo ako sa hiwaga:
kung ako ang alak, tutunggain mo ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nang maglaho ang aking pagkaalak
at maging ako ikaw. At malalasing ka,
at lilipad, hanggang malimot mo ang sarili at maging espiritung
nakalalasing,
 . . . . . . . . . . . . . . . . na gaya ko.

Para kang paslit na walang pakialam
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . marumihan man ang damit,
makita lang ang langit.

Napápatáwa ka na lámang, kapag sumadsad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang ating barko sa kung saang baybay.

Bakit kokontrolin ang daigdig?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para sabihing nasa ating palad ang tadhana?

Isang butil tayo sa walang katiyakang kalawakan,
wika ng iyong larawan, at maaaring lumalampas sa hanggahan
ng tama at mali,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kulay at pananalig,
. . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa wika at saklaw.
O iyan ay guniguni lámang o kaya’y narinig o nabása
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .sa kung saang pantalan.

Sapagkat ako’y iyong iniibig
at iniibig ko’y ikaw—na totoong higit sa katwiran
kung bakit hangga ngayon
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay kapiling ka
sa paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . .na waring palaisipan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at nagkataong walang katapusan. . . .

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless.

“Gabi,” ni Agostinho Neto

Gabí

Salin ng “Noite,” ni Agostinho Neto ng Angola.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Namumuhay ako
sa madidilim na baryo ng mundo
nang walang liwanag at búhay.

Pakapâ-kapâ ako habang naglalakad
sa mga lansangan
sumasandig sa bulong ng pangarap
natatalisod sa kaalipnan
sa hangad na makamit ang pag-iral.

Mga baryo ng pang-aalipin
mga mundo ng pagdurusa
mga baryo ng karimlan.

Doon nalulusaw ang bait
at nalilito ang mga tao
sa kung ano-anong bagay.

Naglalakad ako
nang hindi nadarapa
sa mababatong lansangang
ni walang ilaw
ngunit may lihim na hiwaga
at lagim ng mga multo.

Malamlam ang magdamag.

Bantayan

Kung ito ang pook na laan sa mga destiyero, wiwikain marahil ni Fides, ang mamuhay nang bilanggo ay paraiso. Hindi tatanawing pader ng mga bilibid ang mga alon, bagaman nakayayanig sa unang pagkakataon sa panig ng mga binyagan ang katahimikan ng dayaray at harana ng mga kuliglig. Sa pagitan ng mga bituin at buhangin ay makapaglalandas ang guniguni tungo sa iyong kinaroroonan. Ngunit magbabalik ang aking ulirat kapag ako’y kinagat ng mga lamok at langgam. Makakaligtaan ko kahit panandali ang paganong buhay mula sa lungsod, ang masisikip na lansangan at masusukal na loob, at mabibigo akong mabigkas ni maisahinagap ang inimbentong pangalan para sa manipestong hinihingi ng pantalan ng Hagnaya. Sa kinatatayuan ko ay maiiwan ang lahat ng iyong alabok at agam-agam, makaraang humakbang nang banayad palapit sa baybay. Sumasapit sa diwa mo ang mga isda, at kung ikaw ang inaasam nilang Tagapagligtas, babantayan mo rin kahit sa pangarap ang kapuluan ng mga tangrib na sukatan ng pagkain ng daigdig. Lumuluha ng bulalakaw ang hatinggabi habang duguan ang buwan. Humahalakhak ang mga lasenggong dayuhan, at wika nga’y isang patak ng wiski ay makahahawi ng dagat.  Ikaw na nakatindig sa mga tinik ng kahapon ay tila paslit na nakahiga sa dalampasigan ngayong gabi—lastag ang anino na tumatakip sa hulagway ng gaya kong deboto sa mundo.

“Bantayan,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 10 Disyembre 2011.
Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Bantayan Island. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2011.

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili ni Sjón

Tulang tuluyan ni Sjón (Sigurjón Birgir Sigurdsson) mula sa Iceland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Bernard Scudder

ANG PAGSUSULAT AY PAKIKINIG SA IYONG SARILI

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Ang galít na lalaki’y nagsalita sa malakas na tinig at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. Anuman, winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa sarili mo.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na nagmula sa Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha mo, bumubuhos ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.

Anuman, nagsalita nang malakas ang masungit na lalaki at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na lasing siya o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at abot-tuhod ang buhok, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na numero dose o trese, mulang Breidholt patungong bayan, habang bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd (na dati’y latian).

Nahintakutan ang mga pasahero’t palihim na nagbulungan, ngunit nakita ng bawat isa ang pagsingaw ng hininga mula sa kanilang mga labi: “HIndi ba magwawakas ang umagang ito?”

Anuman, ang galít na lalaki’y suminghal nang malakas na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao na pinag-uusapan ang kanilang mga sarili.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang tao. Makapal ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa bus na mulang Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha ng lahat, bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito doon sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.

Anuman, ang mukhang demonyong lalaki’y pasinghal na nagsalita na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama lamang ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

“Narito sa bus ang isang kabataang lalaki, kung lalaki ang tumpak na salita yamang nakababata siya, at mayroon siyang mga aklat sa bag, ang mga aklat na ipinaloob niya sa bag. Para malaman mo, sinisikap niyang ipagbili ang naturang mga aklat, at dahil tayo’y inuulan ng yelo malapit sa ilaw-trapikong ito, sasabihin ko na lamang na nabasa ko na iyon . . . .

Siniko siya ng kasamang lalaki at dumura: “Tumahimik ka, iyan si Sjón. . . .”

Tore ng Babel

Tore ng Babel

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.

Ang mga Alon

Malawak na dagat ang guniguni, at ang mga alon ay tumatakbong metalikong kabayo na sinasakyan ng kaniyang katauhan. Kumikitid ang isip kapag dumadaong sa hanggahan ng tangway at tangrib, ngunit lumalawak muli tuwing binubuksan sa elektrisidad ng araw at elektridad ng hangin.

Nakatimo sa laot ang isang pulo, na maaaring nagkukubli ng pangalan ng imperyal na hukbo na nagpapahinga makaraan ang pakikipagsagupa sa dambuhalang molino. Lumalaki ang pulo sa oras na lapitan; gayunman, hindi yaon kumakain ng bangka na napapadpad sa buhanginan.

Kinakalinga ng pulo ang mangingisda, at kakalingain ng tubig ang mangingisda. Ito ang kaniyang paniniwala. Liliit nang liliit ang pulo hanggang maglaho sa pananaw ng mapagsaparalang nilalang. Iilap kahit ang dilis at butanding. Magdidilim ang paningin ng mga kanaway. Manlalamig ang kubol sa pag-iisa.

Tatalilis palayo ang mola sa kung saang bahagharing kumikinang; at sa likod nito’y nakaupo ang unggoy ng kagubatang isinisigaw ang lunggati ng kalayaan.

“Ang mga Alon,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Enero 2010.

Paggaod