Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Salin ng “Faire des Pieds et des Mains,” ni Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Matang nakatayo matang nakahiga matang nakaupo

Bakit maglalandas sa mga bakurang yari sa mga balustre
habang ang hagdan ay lumalambot
gaya ng mga bagong silang na sanggol
gaya ng mga zouave na nawalan ng bayan dahil sa sapatos
Bakit itataas ang kamay tungo sa langit
gayong ang langit ay nalunod nang mag-isa
nang walang dahilan
upang palampasin ang oras at pahabain ang balbas nito
Bakit umuupo ang mata ko bago matulog
dahil ang mga síya ay nagpapahirap sa mga buriko
at nababali ang mga lapis sa di-inaasahang paraan
sa buong panahon
maliban sa mga araw na maunos
kapag nabasag sila sa pagiging mga zigzag
at maniyebeng mga araw
kapag pinagpunit-punit nila ang kanilang mga suweter
Ngunit ang mga espektakulo ang mga kupasing espektakulo’y
umaawit ng mga awit habang nagdadamo para sa mga pusa
Sumusunod sa prusisyon ang mga pusa
dala-dala ang mga watawat
mga watawat at bandila
Tumatawid ang buntot ng isda sa tumitibok na puso
lumalaguklok ang lalamunang ginagaya ang taog ng dagat
at umiikot-ikot ang isda doon sa bentilador
Mayroon ding mga kamay
mahahaba puting kamay na may mga kuko ng sariwang taniman
at mga bukó ng hamog
sumasayaw na mga pilik na naghahanap ng mga paruparo
nalulungkot dahil ang araw ay nagkamali sa mga hagdan
Mayroon ding mga kasariang sariwa gaya ng umaagos na tubig
na lumulundag at bumabagsak sa lambak
dahil napukaw sila ng araw
Wala silang balbas ngunit taglay ang malilinaw na mata
at hinahabol nila ang mga tutubi
nang walang pakialam sa sasabihin ng mga tao

Alimbúkad: Pure poetry imagination for humanity. Photo Shannon Pitter @ unsplash.com

Babel, ni Roberto T. Añonuevo

Babel

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Naaakyat ko ang bundok sa mababangong magasin, ngunit hindi ako ni minsan nakarating sa gubat na ikinukuwento mo. Wala bang bagyo diyan, iho? Mahigit animnapung palapag ang taas na káya kong akyatin, at ehersisyo ang pagpindot sa buton sa nais abuting langit. Mamimilì ka sa silbi ng elebeytor at hagdan, at matutuklasan mo, gaya ko, kapag ika’y naparito, ang nakaiinip na siklo ng pagbibilang ng baitang. Ano ang ikinaiba ng gusali sa iyong bundok? Hindi ka ba nababato? Kung nakakikita ka araw-araw ng ulap, sinasalubong naman ng ilong ko ang malulungkot na usok ng lungsod.

Takot ako sa maiilap na hayop, hindi tulad mo, at huwag akong biruing ang higit na katatakutan ay ang kamandag sa dila ng mga tao na naririto para sa kanilang negosyo at plano sa mundo. Tatamaan ka ng lintik sa labis na pagkaabenturero, habang ako’y kukuya-kuyakoy sa upuan ng amo ko kung wala siya’t des-oras ng gabi. Magpalit tayo minsan ng tungkulin, at dito ka dumako sa matayog kong opisina! Ang andamyo sa labas ng bintana kung minsan ay para na ring upuang umuugoy sa hangin, at tiyak kong maiibigan mong maglinis ng libag ng kabihasnang hindi ko maunawaan.

Higit sa pitong bundok ang naabot mong tuktok, ‘ika mo? Ngunit nakakikita ka ba araw-araw ng mga bituing nasa lupa imbes nasa langit? Anak ng Huwé, sunduin mo ako, at ibig kong masilayan ang iniinstagram mong Paraiso. Masarap sigurong tumoma diyan sa gabing malamig pa sa yelo. Kahit sabihing ako ang may-ari ng dambuhalang estrukturang ito, at tumama sa lotto, ipapalit ko ito, kahit saglit, para samyuin ang simoy diyan, at damhin ang putik sa kinalalagyan mo. Natanggap mo ba ang tex ko? Sa isang linggo, magreretiro na ako. Sabik na akong mayakap si Nanay mo! At matagal na rin akong di nakikipagsabong sa tropa ni San Pedro!

Isang Awit, ni Sonia Sanchez

salin ng “A Song” ni Sonia Sanchez.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

AWIT

kunin mo ang aking pagkabirhen
at sa pagiging nanay ay isalin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

kunin ang katawan ko at iyong tatakan
tahiin ang aking mga suso sa Amang Bayan
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilugar ang pangarap ko sa anumang hagdan
ipihit para sa bangungot ang aking tanaw
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

hininga ko’y higupin hanggang ako’y mautal
makinig sa mga tunog na aking iuusal
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

sa umaga ng linggo’y anak ko’y tangayin
damitan siya nang magara para lurayin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilibing ako nang maaga’t puti ang igayak
humanap ka ng bagong tatak na kabiyak
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.
at masdan ang magagawa ko.