Nakita ko ang punongkahoy, ni Edith Södergran

Salin ng “Jag såg ett träd,” ni Edith Södergran ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang punongkahoy

Nakita ko ang pinakamalaking punongkahoy
na hitik sa mga bungang saleng na di-maabót;
nakita ko ang malaking simbahang nakabukás
ang bukanang pinto’t lahat ng naglalakad sa labás
ay maputla at malakas at handang mamatay;
nakita ko ang babaeng nakangiti at de-pulbo
na nakipagsugal upang subukin ang suwerte
at nasaksihang siya’y natalo rin sa bandang huli.

Isang bílog ang iginuhit paikot sa mga ito
at walang sinuman ang makahahakbang dito.

Paninirang-puri, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Клевета,” ni Anna Akhmatova ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paninirang-puri

Bumubuntot sa akin ang paninirang-puri.
Naririnig ko sa pagtulog ang mga hakbang niya
sa patay na lungsod na lilim ng bakal na langit
na pinagkukunan ko ng tinapay at sinisilungan.
Nagliliyab sa mga mata niya
ang pagtataksil at ang pagkasindak.
Bigo siyang takutin ako. Sinasalungat ko siya.
May mabigat akong sagot para sa kaniya.
Ngunit alam ko kung ano ang magaganap.
Isang umaga, ang mga hikbi ng mga kaibigan ko’y
babagabag sa pinakamasarap na paghimbing.
Ilalagay nila ang íkon sa malamig kong dibdib.
Pagdaka’y papasok siya at hindi nila makikilala.
Ihahalo niya ang tinig sa mga dasal para sa yumao.
Ang di-matighaw niyang bibig ay bibilangin
ang bawat patak ng aking dugo,
ang bawat ibinintang na krimen.
At bawat isa’y makikinig. Isusuka niya ang deliryo
at walang magkakalakas-loob na sumulyap sa katabi.
Mamamahinga ang lawas ko sa nanginginig na basyo.
Ang aking kaluluwa, na balabal ng sinag ng umaga,
ay magliliyab, sa pangwakas na pagkakataon,
nang may pinsala, nang may malupit na pagkaawa
para sa daigdig na itong ganap na namayapa.

1921

Elehiya sa aking kamatayan, ni José María Valverde

Salin ng “Elegía para mi muerte,” ni José María Valverde ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya sa aking kamatayan

Ikaw, Kamatayan, ay nasa aking katauhan.
Lamig mo ang naghahari sa aking puso
at ikaw ang hantungan ng mga hakbang.
Saan ako patutungo, kung ang lahat ng landas
ay magwawakas sa iyong panganorin?

Ngayon ko biglang naramdamang
ang ulo’y sapupo ng mesa.
Sariwang lupa ang pumasok sa nakabuka kong bibig.
Ang katawan ko’y hinihigop ng gutóm na sahig.
.  .  . Oo, mamamatay ako; marahan,
malayo mula sa ginagawa ng aking búhay ngayon,
at pinananatili, sa pakikipagtuos sa kamatayan,
ang tanging akin lamang.
At nararamdaman ko ang iyong batóng
pinagyeyelo nang dahan-dahan ang aking laman.
At nadarama ko ang kamay mong bumibigkis sa akin.
.  .  . At pagdaka, o kamatayan, ang kabilang panig!
Iiwan ko ang katawan gaya ng sugatang kabayo.
Oo, nahihindik akong iwan ito, makabalik man ako.
Natatakot ako sa pagwawakas ng mga bagay,
sa banging tinalikdan at kalulugmukan ng lahat.
Maraming hangin ang nanunuot sa bangkay,
at upang lusawin ito’y kailangan ang libong ulan!
Ang mga paa kong napakalayo ay wala nang bigkis
at magiging gaya ng dalawang bato
na ipinukol sa hungkag na hukay.
At lahat ng aking kasama’y titindig, gusgusin, maangas,
gaya ng mga tore ng simoy
na tumitistis sa loob nang walang sinusunod na batas
ng búhay,
at mag-uunahang tangayin ang lawas kong naaagnas.

II
Maraming pag-aari ko ang magtataka sa aking paglalaho.
Na magpapatuloy sa aking kalungkutang naglalakad
sa mga sulok ng anino.
Sa paborito kong silya at mesang nasa gilid ng bintana
ay magpapatuloy ang parehong mga okasyon,
At ang hardin ng naga, na lumago sa paningin ko,
ay mamamatáy at muling mabubuhay gaya noon.
Banayad uusal ang mga tula ko sa labis na panlulumo.
Unti-unting matutuyot ang mga aklat kong
may samyo wari ng huklubang prutas.
Mga munting relikya ng aking búhay
—bulaklak na nakasipit sa aklat, isang tula kung kanino—
ang susunod, gaya ng mga batong ipinukol,
at pawang sisinop ng aking lakas sa daigdig na ito
kapag ganap na naglaho na ako.
.  .  . At mananatili kayo, mga babae, ngunit isang araw
ay magsisialisan din ngunit sa dagat ng kamatayan
ay matatagpuan ang ating mga alon.
Maglalaho ang inyong mga labì, balát, at lamán.
Ngunit palaging mananatili kayo gaya noong dati.
Hindi ba sapat ang pag-iral sa isang pagkakataon lámang?
Mananatili ang inyong mga puwang sa haba ng espasyo,
samantalang tatangayin ng dayaray ang inyong halimuyak.
.  .  . Isang araw iyon na pipirmi ang inyong pag-iral.

III.
Ginoo, Ginoo, ang kamatayan!
Napapangiwi ako kapag binigkas ito,
kaypait ng aking dila, at kaydilim ng paningin. . .
Mabuti’t walang nakakikita sa kaniya nang harap-harapan
maliban kung hinahanap niya tayo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Katulad lamang ito ng panaginip.
Higit na makapangyarihan ang kamatayan sa ating hukbo.
Kung mahina ka lamang!
Kung hindi ka tumawid sa bangin ng iyong mga yakap.  .  . !

Ngunit walang silbi ang anuman; natatakot ako!
Aso akong bahag ang buntot sa tabi ng isang tao,
dahil hindi kailanman mauunawaan ang nais ng amo!
Tákot ito sa di-mababatid,
tákot sa bayang wala ni isang nakababalik.  .  .
Natatakot ako sa gayong hungkag na hukay,
sa walang hanggahang gabi, kahit nasa likod ang Diyos!
Taglay ang malakas, madilim na kutob
ng hayop, ng punongkahoy, ng bato,
natatakot akong mamatay.  .  .
O, Ginoo, pamanhirin ang aking kamatayan
gaya sa maraming pinaggagawa mo sa buhay.

Mga Plataporma de Gobyerno

Tumatanyag ang salitang “plataporma de gobyerno” tuwing sumasapit ang panahon ng halalan. Ngunit ang kakatwa, walang seryosong talakayan ang umuurirat hinggil dito, at ang halalan ay nauuwi sa pasiklabang personal ng mga kandidato. May panimulang forum ang inilunsad kamakailan na ang bawat kandidato sa pagkapangulo ay tinatanong ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan, at siyang tinugon ng bawat kandidato alinsunod sa kaniyang pananaw at paniniwala. Gayunman, kulang pa rin iyon upang mabatid ang tindig ng kandidato batay sa plataporma de gobyerno na isinusulong ng kaniyang partido.

Paano mababatid ang plataporma de gobyerno ng mga pangunahing partido? Isang paraan ay balikan ang opisyal na websayt ng bawat partido politikal at doon mababatid kahit paano ang tindig ng kandidato sa ilang pangunahing isyu.

Para sa Partido Liberal (LP), mahalaga ang pagbibigay ng kapangyarihan sa taumbayan [people empowerment], imbes na panatilihin ang kapangyarihan sa kamay ng ilang mayayaman. Pahayag pa nga ng LP:

We must change our political system to give the citizen more power and the government less; our economic system to confer power to every working person and to provide them with a share in the wealth they create; our social services to guarantee choice and dignity to each of us; and our educational system to equip us to better face the many challenges of the modern world.

Liberals recognize the importance of the things we own in private but we also know the value of what we hold in common. This is why we emphasize concern for the environment—the global common. We also believe that people are at their best as members of communities, to tackle crime and poverty, to build up the common wealth and improve the shared quality of life. We believe that all government, whether local or national, should be bound by the rights of the individual and should be fully accountable to the citizen. For the main purpose of government is to serve and protect the people.[1]

May binanggit ang LP hinggil sa pangangalaga ng kaligiran, pagtugon sa krimen at kahirapan, pagtataguyod ng yaman, at pagpapahusay sa buhay ng mga mamamayan. Idiniin din ng LP na may pananagutan ang pamahalaan sa mga mamamayang sakop nito, samantalang ang mga tao ay binibigkis ng angking mga karapatan.

Bagaman maganda sa unang malas ang plataporma ng LP, kulang na kulang pa rin sa buto’t laman ito upang maging malinaw na gabay ng bawat kandidato. Halimbawa, hindi nilinaw ng LP ang tindig nito hinggil sa malawakang pagmimina at panghihimasok ng mga dayuhang korporasyon sa mga pamayanan. Walang binanggit ang LP hinggil sa umiiral na bakbakan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at pambansang pamahalaan, at kung paano lulutasin ang problema hinggil sa separatistang tindig ng MILF na ibig biyakin ang Mindanao para makapagsarili ang tinatawag nitong Bangsa Moro. At lalong malabo kung paano magpupundar ng yaman ang pamahalaan, dahil nabigong ipahiwatig ng LP kung daraanin ba sa pagpapatupad ng bagong buwis, sa pangungutang sa mga dayuhang institusyong pananalapi, at sa pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan ang plano hinggil sa paglikom ng salapi at paglutas sa kakulangan ng pondo para sa pambansang badyet.

“Ang bayan, higit sa lahat!” ang sigaw ng Partido Nacionalista (NP) na mahigit isang siglo na ang tanda ng pagkakatatag. Makulay ang pakikibaka ng NP, mulang panahon ng pananakop ng Amerikano hanggang Ikalawang Digmaang Pandaigdig hanggang panahon ng Batas Militar at Aklasang Bayan sa EDSA. Ipinagmalaki ng NP ang ubod na halagahan nito:

From its inception, Independence has been a value held dear by the Nacionalistas. In fact, some of them paid for this value with their lives during the first half of the 20th century. The Nacionalistas achieved political independence from its colonial masters. Now, the focus is on achieving economic independence.[2]

Ang “kalayaan sa ekonomikong larang” ang target umano ng NP, yamang nakaigpaw na ang bansa sa pananakop ng dayuhan. Ngunit walang binanggit ang NP kung paano mangangalap ng sapat na pondo para tustusan ang mga programa at proyekto ng gobyerno. Ang kalayaan ba na tinutukoy ng NP ay hinggil sa paglutas sa lumolobong kakulangan sa badyet? Kaugnay ba iyon sa pagbabayad ng utang panlabas? Walang binanggit.

Sa kasalukuyan, walang makikitang malinaw na plataporma ang NP kung sasangguniin ang opisyal nitong websayt, na ang nilalaman ay pulos balita hinggil sa mga gawain ng mga prominenteng mambabatas, gaya nina Sen. Manny Villar, Sen. Alan Peter Cayetano, at Kin. Carlos Padilla. Mahihinuha rito na hindi seryoso ang NP hinggil sa plataporma de gobyerno nito, at kung sakali’t magwagi si Villar sa pagkapangulo ay maaasahan ang dating gawi dahil wala namang matibay na adyendang alternatibo ang NP kompara sa pinaiiral ng kasalukuyang administrasyon. Maimumungkahi kung gayon na linawin ni Villar ang tindig ng NP sa mahahalagang isyu, at ilahok ito sa plataporma de gobyerno ng NP upang maging gabay ng mga tao.

Malinaw ang tindig ng Lakas-Kampi Christian Muslim Democrats (Lakas-Kampi CMD) hinggil sa plataporma de gobyerno nito. Saad nga ng pangkalahatang layunin ng partido:

Section 1. The general objectives of the Party are:

1.1 To promulgate laws, formulate policies, and implement programs which shall safeguard and strengthen the nation’s integrity and sovereignty, promote national unity, foster a high sense of honor and pride among Filipinos, and secure for them genuine and lasting peace, sustained economic growth, prosperity, and political stability as hallmarks of a Strong Republic.

1.2. To develop a socially responsive democratic political structure and a revitalized streamlined graft-free government bureaucracy that will contribute to a stable and durable democracy and effective national governance.

1.3. To engage in the active and peaceful quest for political power as the most effective instrument for promoting Party ideals in the service of the common good and the nation;

1.4. To promote an efficient and globally competitive economic reform policy that will improve the living conditions of the Filipino people; and to pursue socially relevant and political ideals that truly represent the general interest of the people;

1.5. To conduct educational programs which shall stress the universal ideals of democracy and the historical contributions to our national identity of Christianity, Islam, and the country’s indigenous communities; and

1.6. To develop the spirit of entrepreneurship that rewards individual initiative but respects national cultural traditions and places spiritual and ethical goals above purely secular and material interests.[3]

Kahit ang mga layuning pampolitika ng partido ay maingat ang pagkakahanay:

Section 2. The specific political objectives of the Party are:

2.1. To decentralize political power through devolution, deconcentration, and improved local autonomy;

2.2. To empower every citizen politically by promoting social consciousness and active involvement in governance, especially in his community, and the formation of people’s organizations as partners for political articulation and developmental action in society;

2.3. To ensure that politics promotes the national interest, thus transforming the politics of patronage and personality into one of service and ideology; and

2.4. To help ensure a responsible, accountable, and transparent system of government.[4]

May magagandang punto ang mga layuning pangkabuhayan ng partido Lakas-Kampi CMD, at ito ay nakasaad sa Seksiyon 3 ng Konstitusyon nito. Kabilang dito ang pagtatatag ng kaayusang sosyo-ekonomikong batay sa makatarungang pamamahagi, at pantay-pantay na pagpapakalat ng ari-arian, oportunidad, at kontrol ng yaman ng bansa; ang pagsasakatuparan ng demokratiko at mapanlahok na pagdulog sa pagpaplanong pangkaunlaran; ang pagbubunsod ng kooperatibismo at solidaridad sa mahihirap na sektor at maliliit na negosyante; ang pagtitiyak ng epektibong pagsasakatuparan ng repormang agraryo; at pagbubuo ng mga programa at patakarang magtatampok ng seguridad sa pagkain at enerhiya para sa buong bansa.

Kahanga-hanga ang ganitong paglalatag ng mga layunin, ngunit makabubuting linawin ng partido kung ano-anong batas at patakaran ang dapat pang unahin, at kung paano ipatutupad ang gayong mga batas o patakaran. Halimbawa, magandang hakbang ang desentralisasyon, dekonsentrasyon, at lokal na awtonomiya subalit makabubuti kung ipaliliwanag ng partido ang saklaw nito batay sa umiiral na batas, pondo at likas-yaman, o kung may kinalaman ito sa nilulutong federalismo ng mga politikong ibig biyakin na tila pizza pie ang Filipinas. Isa pang halimbawa ang “pagbibigay kapangyarihan sa taumbayan” na maririnig din sa ibang partido. Ang kapangyarihang ito ay maaaring akalaing hanggang papel lamang, at kailangang lagyan ng matibay na pundasyon, sa larang man ng pagtataguyod ng mga samahang masa at pagsasakatuparan ng mga programang nilalahukan ng iba’t ibang sektor.

Sa panahon ngayon, ang hinihingi ng tao ay malilinaw na hakbang para mapabuti ang pagpapatakbo ng pamahalaan. Ang tindig ng Lakas-Kampi CMD ay nangangailangan ng ibayong paglalatag ng mga punto, lalo sa larang ng ekonomiya, agrikultura, politika, kaligiran, edukasyon, seguridad at kapayapaan, ugnayang panlabas, heograpiya, kultura at sining, at iba pa. Hinihingi sa partido ang plataporma de gobyerno dahil ito ang magiging adyenda nito sakali’t magwagi sa halalan ang kandidato sa pagkapangulo. Maliban na lamang kung ibinalangkas ang naturang plataporma para itanghal lamang ngunit hindi naman isasakatuparan.

Higit na detalyado ang plataporma de gobyerno ng Nationalist People’s Coalition (NPC) kung pagbabatayan ang websayt nito. Maihahalimbawa ang plano nito hinggil sa paglikom ng pondo ng pamahalaan sa pamamagitan ng buwis: una, ang gawing payak ang pagbuwis sa mga tao, at pagtatakda ng mga patakaran, hakbang, at pananagutan upang malutas ang kutsabahan, kalituhan, at korupsiyon. At ikalawa, ang pag-alam kung dapat lumipat sa pagbuwis batay sa kinokonsumo, imbes na batay sa kinikita. Binanggit ito ng NPC dahil kailangan umano ang katatagan sa pananalapi upang makalikha ng yaman. At makasisira sa negosyo ang matataas na pataw ng buwis, masasamang utang, at maling pamumuhunan.

Kung paniniwalaan ang NPC, hangad din umano nitong ibaba ang antas ng buwis, gaya sa buwis sa korporasyon at suweldo, at palawakin ang base ng pamumuwisan. Bukod dito, malaking palaisipan ang pagkalap ng sapat na pondo, na magiging balakid para punuan ang badyet. Heto ang plano ng NPC para lutasin iyon:

  • Promote a performance-based revenue collection scheme.
  • Harness technology and maximize its potential to boost revenues by improving transparency, predictability and accountability in the collection scheme.
  • Review the provision of fiscal incentives and subsidies to private firms and investors.[5]

Ang una at ikalawang hakbang ay mahihinuhang sa patakaran sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR). At ang ikatlong hakbang ay hindi lamang tungkulin ng BIR bagkus maaaring panghimasukan ng sangay na ehekutibo at lehislatibo—mulang pagpapatibay ng mga bagong batas at patakaran hanggang pagpapatupad at pagpapalaganap ng mga ito. Samantala, kung malinaw ang plano ng NPC hinggil sa pagkalap ng pondo, malabo ang tindig nito sa paglutas sa utang ng pamahalaan sa mga panloob at panlabas na institusyong pananalapi, na nangangailangan ng ibayong paliwanag ang pagbalanse sa paglalaan ng pondo para sa mga proyekto at programa, at sa pagbabayad ng mga obligasyon sa mga institusyong pananalapi.

Nakabubuwisit naman ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) na dating Partido ng Masang Pilipino. Walang laman ang websayt nito hinggil sa plataporma de gobyerno, bukod sa mali-mali pa ang Ingles sa mga lahok. Heto ang halimbawa:

Organization Purpose

The purpose of this organization is to increase the popularity of our common interests. We hope to add new members so we will be able to grow and expand. We also want to have fun while when we are together and working on projects. By developing relationships and friendships, the organization will become even stronger.

Our Mission

Our mission is to further promote the interests of our organization and our members to the community. We strive to make a difference by educating the public and expanding our reach.[6]

Ano ang interes na ibig isulong ng PMP, at karapat-dapat pa bang palaganapin iyon? At kung nais ng partido na magpakasaya habang isinasagawa ang mga proyekto ay maaaring ibang katuwaan iyon, na dapat linawin ng pamunuan. Ang inaasahan ko sa PMP ay masinop na paglalatag ng plataporma na nasa wikang Filipino, ngunit yamang Ingles ang websayt nito ay mahihinuhang hindi iyon para sa masa bagkus para sa mga maykayang nakauunawa sa banyagang wika. Nakipag-alyansa ang PMP sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ngunit magpahangga ngayon ay wala pa ring inihahayag ang PDP-Laban hinggil sa plataporma de gobyerno nito na maiuugnay sa PMP. Ang alyansa ng dalawang partido ay mahihinuhang hindi batay sa prinsipyo at plataporma de gobyerno, bagkus batay sa pondong mailalaan ng partido sa mga kandidato nito.

Pangwakas

Malapit na ang halalan ngunit salat na salat ang mga partido politikal sa pagbabalangkas ng seryosong plataporma de gobyerno. Kung ang ganitong kaliit na bagay ay hindi pinaglalaanan ng panahon, talino, at pondo ng mga partido, at ni hindi ipinaliliwanag nang maigi sa mga websayt, walang maaasahan sa buong panahon ng kampanya kundi ang pagtatampok ng mga personalidad. Ang kampanya ay mananatiling nasa antas ng pagpapamalas ng panrabaw na katangian ng mga kandidato at partido. At ang pagbabago ay mananatiling isang pangarap lamang, at napakailap para sa karaniwang mamamayang Filipino.

Mga Tala


[1] Mula sa “The New Agenda,” plataporma de gobyerno ng Partido Liberal na nalathala sa opisyal na websayt nito. Mababasa ang buong artikulo sa http://www.liberalparty.ph/platform/newagenda.htm/ na hinango noong 7 Nobyembre 2010.

[2] Mula sa “Nacionalista Party: Frequently Asked Questions” na nalathala sa opisyal na websayt nito. Mababasa ang buong artikulo sa http://www.nacionalistaparty.com/faq.html/ na hinango noong 7 Nobyembre 2007.

[3] Hango sa artikulo 3 ng Konstitusyon ng Lakas-Kampi Christian Muslim Democrats. Mababasa ang nasabing konstisyon ng partido sa http://www.lakaskampicmd.com/constitution/ na hinango noong 7 Nobyembre 2009.

[4] Ibid.

[5] Hango sa manipesto ng Nationalist People’s Coalition, sa ilalim ng “Fiscal Discipline” na mababasa ang buo sa http://npcparty.org/index.php?option=com_content&view=article&id=30&Itemid=3/ na hinango noong 7 Nobyembre 2009.

[6] Hango sa http://nelson5108.tripod.com/id1.html/ na hinango noong 7 Nobyembre 2009.