Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Advertisements

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal

Salin ng tula ng anonimong makatang Berber ng Morocco,  batay sa bersiyong Ingles ni Willis Barnstone
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ibig kong makatipan sa hardin ang  minamahal

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal
sa palibot ng mga pabelyon na maririkit ang unan.
Nasa gitna nito ang mga puwente, at ang tubig
ay sumisirit na waring sariwang gatas.
Pinariringal ng ruwisenyor ang halamanan
at ang mga punong peras na pito ang kulay
sa anyo ng nakababalaning awit.

Isang binata ang labas-masok sa iba’t ibang silid
nang napakaelegante.

Napigtal ang mga sanga ng hasmin.

Katabi ang aking kaibigan habang nakaupo,
ako ay gagaling, at mapagagaling.

Larawan ng Kapanahong Tao, ni Jorge Carrera Andrade

salin ng tula ni Jorge Carrera Andrade ng Ecuador.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LARAWAN NG KAPANAHONG TAO

Natatakpan ng mga umaawit na duyan
sa magdamag ang daigdig.

Nagtitipon ng mga tipak na bato ang tao
para sa mga bahay ng isisilang sa hinaharap.

Iginupo ng mga klima,
tinahak ang mga tore, tsiminea at antena
manlalakbay bawat araw sa kaniyang lungsod,
nilulunod siya pagsapit ng alas-singko
sa hanay ng elektrikong halamanan ng anunsiyo.

Maestro ng mga makina,
naninirahan siya sa matatangkad na gusali.
Ikaw ay nasa Hilaga, Timog, Silangan at Kanluran:
puting tao, dilaw na tao, itim na tao.

Namumukadkad sa kaniyang palad
ang mga biyahe ng bangka at tren.
Pinalulusog ng mga pahayagan,
nalalagom ang mga umaga sa kaniyang paningin.

Sinusuyod ng mga riles ang lupain,
saka inaahit ang mga paisahe;
pinaaandar ng tao na perpekto ang kamay,
umaangat ang eroplano laban sa heograpiya.

Sumisigaw ang tao
sa Mehiko at Berlin, sa Moscow at Buenos Aires
habang tumatabon ang kaniyang mga telegrama
sa planeta.

Ito ang tanawin ng ating gabi:
iniikidan ng sinturon ng mga tren ang lungsod,
habang pinahahaba ng pananglaw ang antena
ng susô, at ang eroplano, na wasak na selestiyal,
ay pabulusok.

Bumabangon ang tao, na imbentor ng hinaharap,
sa palibot ng mga makina, ng mga poster ni Lenin,
ng mga plano ng mga lansangan sa New York,
at ng mga saligway ng daigdig.