Ang Hinagpis ng Hukluban, ni Charles Baudelaire

Salin ng “Le Désespoir de la vieille,” ni Charles Baudelaire
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hinagpis ng Hukluban

Natuwa ang maliit na huklubang babae nang makita ang magandang batang kinagigiliwan ng lahat at sinisikap amuin—ang kaakit-akit na nilalang na sinrupok ng maliit na matandang babae, na bungal at kalbo. At lumapit siya sa bata, upang masilayan ng bata ang tuwa sa kaniyang mukha, at makisaya sa piling nito. Ngunit ang nahintakutang paslit ay pumiglas palayo sa mga haplos ng maliit na huklubang babae, at nagngangawa na lumukob sa bahay. Pagdaka’y napaurong ang matandang babae at nagpasiyang mag-isa, at napagibik sa sulok, saka winika: “Ay, lumipas na ang panahon, para sa aming matatanda, na mapaligaya kahit ang isang musmos; at ngayon, sinisindak namin ang mga paslit na batang ibig naming mahalin.”

No to military junta. No to coup d’état. No to dictatorship. Yes to humanity. Yes to poetry!

Papawiring Salakay, ni Chinua Achebe

Salin ng “Air Raid,” ni Chinua Achebe ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Papawiring Salakay

Kisapmatang dumating
ang ibon ng kamatayan
mula saítang gubat ng teknolohiyang Sobyet.

Isang tao na tumatawid sa kalye
upang batiin ang kaniyang kaibigan
ay ano’t napakakupad.

Ang kaniyang kaibigang nahati sa dalawa
ay may iba na ngayong alalahanin—
sa halip na magiliw na pakikipagkamay
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . isang tanghaling-tapat.

No to coup d’état. Yes to humanity. Yes to poetry.

Paninirang-puri, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Клевета,” ni Anna Akhmatova ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paninirang-puri

Bumubuntot sa akin ang paninirang-puri.
Naririnig ko sa pagtulog ang mga hakbang niya
sa patay na lungsod na lilim ng bakal na langit
na pinagkukunan ko ng tinapay at sinisilungan.
Nagliliyab sa mga mata niya
ang pagtataksil at ang pagkasindak.
Bigo siyang takutin ako. Sinasalungat ko siya.
May mabigat akong sagot para sa kaniya.
Ngunit alam ko kung ano ang magaganap.
Isang umaga, ang mga hikbi ng mga kaibigan ko’y
babagabag sa pinakamasarap na paghimbing.
Ilalagay nila ang íkon sa malamig kong dibdib.
Pagdaka’y papasok siya at hindi nila makikilala.
Ihahalo niya ang tinig sa mga dasal para sa yumao.
Ang di-matighaw niyang bibig ay bibilangin
ang bawat patak ng aking dugo,
ang bawat ibinintang na krimen.
At bawat isa’y makikinig. Isusuka niya ang deliryo
at walang magkakalakas-loob na sumulyap sa katabi.
Mamamahinga ang lawas ko sa nanginginig na basyo.
Ang aking kaluluwa, na balabal ng sinag ng umaga,
ay magliliyab, sa pangwakas na pagkakataon,
nang may pinsala, nang may malupit na pagkaawa
para sa daigdig na itong ganap na namayapa.

1921

Lungsod, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Ville,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lungsod

Pansamantala ako, at hindi gaanong malungkot tulad ng mamamayan ng metropolis na itinuturing na moderno, dahil lahat ng kilalang panlasa ay iniwasang mabakás sa mga muwebles at eksteryor ng mga bahay, gayundin sa pagkakadisenyo ng lungsod. Wala ritong matatagpuang anumang monumento ng pamahiin. Pinapuról sa mga payak na pananalita ang moralidad at wika, sa wakas! Ang milyon-milyong tao na ito, na ni hindi magkakakilala, ay nagsasabúhay ng edukasyon, kalakalan, at pagtanda nang magkakahawig, na ang landas ng kanilang búhay ay ilang beses na maikli ang haba kung ihahambing sa isinisiwalat ng mga gagong estadistika na laán sa mga tao ng kontinente. Samantala’y tanaw ko mula sa bintana ang mga bagong multong tumatawid sa makapal at eternal na usok-karbon ng lungsod—ang lilim ng ating kahuyan, ang gabi ng tag-araw!—ang bagong Erinyes sa harap ng aking tirahan na bayan ko at lubos na itinatangi ng loob yamang kahawig nito ang lahat!—ang kamatayang hindi natumbasan ng luha, ang masisigasig nating anak at alila, ang desperadong Pag-ibig, at ang nakabibighaning Krimen na sumusungaw sa maputik na kalye.

Kabaliwan, ni Ada Negri

Salin ng “La Follìa,” ni Ada Negri ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kabaliwan

Napigtal sa sikomoro ang dahon, niyanig ng lawiswis ang puso
. . . . . . . . . . ng sipres,
at ikaw ang tumawag sa akin.

Mga matang tagabulag ang bumutas sa dilim, nagpakò sa akin
. . . . . . . . . . gaya ng pakò sa dingding,
at ikaw ang tumitig sa akin.

Humipo sa akin ang mga kamay na tagabulag, tungo sa himbing
. . . . . . . . . . na bukál ay sinalok nito ako,
at ikaw ang may gusto sa akin.

Pasukdól sa malamig na gulugod na kumakatal nang tahimik,
. . . . . . . . . . ang kabaliwan ay umahon sa aking utak,
at ikaw ang pumasok sa akin.

Hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa ko, magaan ang láwas
. . . . . . . . . . na lutáng, tangay ng nakahihilong dilim,
at ikaw ang nagpabagsak sa akin, ikaw.

Awit ng Bihag na Uwak, ni Georg Trakl

Salin ng “Gesang einer gefangenen Amsel,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Bíhag na Uwak

Para kay Ludwig von Ficker

May hiningang itim sa mga lungting sanga.
Binálot ng munting bughaw na bulaklak
Ang mukha ng nag-iisang tao, at naupos
Ang gintong hakbang sa lilim ng punong olibo.
Pumapagaspas ang gabi sa lasing na pakpak.
Marahang dumugo ang pagpapakumbaba,
At tumulò ang hamog sa sumupling na tinik.
Ang malasakit ng nangagniningning na bisig
Ay yumayapos doon sa nabibiyak na puso.

Venus Transiens, ni Amy Lowell

Salin ng “Venus Transiens,” ni Amy Lowell ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Venus Transiens

Sabihin sa akin,
Si Venus ba’y higit na maganda
Kaysa sa iyo,
Nang pumaibabaw siya
Sa saluysoy ng mga alon,
At ipinadpad padalampasigan
Nang suot ang tirintas ng takupis?
Ang bisyon ba ni Botticelli
Ay marikit kaysa sa taglay ko;
At ang mga pintadong rosal
Na inihagis sa kaniyang binibini,
Ay higit na mahalaga
Kaysa mga salitang hinipan ko ukol sa iyo
Para ibalabal sa kay dakila mong ganda,
Gaya ng gasa
Ng mahalumigmig na pilak?

Para sa akin,
Nakatindig kang kagalang-galang
Sa bughaw at lumulutang na hangin,
Nakabigkis sa matingkad na amihan,
Naglalakad sa liwanag ng araw.
At ang mga alon na nauna sa iyo
Ay kumikilapsaw at pinupukaw
Ang buhangin sa aking talampakan.

Nobyembre, ni Giovanni Pascoli

Salin ng “Novembre,” ni Giovanni Pascoli ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nobyembre

Ga-hiyas ang hangin, napakaliwanag ng araw
at naghahanap ka ng mga punong khubani
na namumulaklak, at bigla mong naramdaman
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang pait ng tusok ng espino. . .

Ngunit tuyot ang tinik, at ang dawag sa tabi’y
itim na lambong ang iminarka sa mga ulap;
hungkag wari ang langit, at ang lupa’y mabini
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa yabag na umaalingawngaw.

Tahimik ang paligid: ang hanging humahampas
ay dinig sa malayo, doon sa mga hardin at werta’y
pigtal na dahon ang tumakip. Tag-araw na ganap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .na malamig na sikat ng yumao.

Sining at Konsepto, ni Roque Dalton

Salin ng “Arte póetica 1974” at “Maneras de morir” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sining ng Pagtula 1974

Panulaan
ipagpaumanhin kung tinulungan kitang maunawaan
na hindi ka lámang binubuo ng pulos mga salita.

Mga Paraan ng Kamatayan

Si Komandante Ernesto Ché Guevarra,
na tinawag na “dakilang abenturero ng armadong pakikibaka”
ng mga pasipista’y
humayo at inilapat ang kaniyang rebolusyonaryong konsepto
sa Bolivia.
Sa gayon ay nakitil ang búhay niya at ang iilan pang bayani.

Ang mga dakilang pasipista ng matuwid na daan
ay sinubok ang kanilang mga konsepto sa Chile:
Ang mga namatay ngayon ay lampas sa tatlumpung libo.

Mantakin mo, mambabasa, kung ano ang sasabihin sa atin
kung mailalahad nila ang kani-kanilang karanasan—
silang nangamatay sa ngalan ng bawat konsepto.

Pag-ibig at Pakikibaka, ni Roque Dalton

Salin ng “Poeticus Eficacciae” at “Tercer Poema de Amor,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Poeticus Eficacciae

Mahuhusgahan mo
ang subók na baít ng politikong rehimen,
ng politikong institusyon,
ng politikong tao,
sa antas ng panganib na pumapayag yaong
sipatin nang maigi sa anggulo ng pagtanaw
na nagmumula sa satirikong makata.

Pangatlong Tula ng Pag-ibig

Sinuman ang nagwika sa iyong hindi pangkaraniwan
ang pag-ibig natin dahil bunga ng hindi pangkaraniwang
pangyayari,
sabihin sa kaniyang nakikibaka tayo upang ang pag-ibig
gaya ng sa atin
(ang pag-ibig sa piling ng mga kasáma sa pakikidigma)
ay maging pinakakaraniwan at karaniwan,
na halos ang tanging pag-ibig sa El Salvador.