Sabihin nating. . . , ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Let Us Say. . .” ni Nikos Engonopoulos ng Greece

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sabihin nating. . .

Hinila ng mga mangingisda tungo sa dalampasigan ang malaking lamandagat. Nangisay-ngisay ito sa buhanginan, at ang mga puting mata sa tiyan nito’y tumitig sa araw. Umalingasaw ang hangin na wari’y burak, na nagpatindi sa desperadong sikad ng hayop na may malalapad, malalapot na paa. Nagkulumpon ang mga tao upang usisain ang nakaririmarim na mukha ng halimaw. Ginusto ko ring lumapit at magmasid, ngunit dahil siksikan ang mga tao’y nabigo akong makasilip. Isang babae na suot ang kaniyang tanging sombrero, na pinalamutian ng mga balahibo, ang bumulong nang banayad sa akin: “Bulag iyan.” Ay, bulag nga ang hayop. At kung bulag iyon, ano ang ibig sabihin ni Seurat nang wikain niya ang pulang awreola na pumapalibot sa lungtiang halamanan, sa mga maningning na abenida ng Paris? Ano nga ba ang tunog ng mga tinig ng mga bata na hinahadlangan ng trambiya upang hindi natin marinig nang malinaw? Ano ang mga tersiyopelong guwantes na suot ng iyong mga kamay? Huwag mong hubarin ang sapatos, mahal, hintayin mong sumapit ang gabi. At sumapit ang gabi. Nalimutan ang halimaw, nagsiuwi ang mga mangingisda, at nagsilisan ang mga miron. Namumuti ang buwan at inilipad ng bagting sa kalawakan. Marahang ibinaba ang tabing.

Alimbúkad: Empowering Filipino language through world-class translation. Photo by JESSICA TICOZZELLI on Pexels.com

Totoo, ni Roberto T. Añonuevo

Totoo

Roberto T. Añonuevo

Nananatili itong malamig
at depende sa iyong ibig
ay magiging plastik o banig.
Itinutulak ng bibig
at dibdib mo ang kinakabig,
nakapapasò rin kapag ligalig
ka, at ang loob ay umaapaw
o nagsasayelong sanaw.
Hipuin ito at mapupukaw.
Himasin ito at matutunaw
na parang halimaw,
habang ang iyong tanaw
ay naglalaro
mulang lalim hanggang rabáw
nang lampas sa init ng araw.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo courtesy of Birmingham Museums Trust, titled, “Changing the Letter,” 1908, by Joseph Edward Southall. The subject is taken from the poem ‘The Man Born to be King’ from William Morris’s ‘The Earthly Paradise’. The sealed letter is addressed ‘To The Governor’

Kautusan sa Paglilibing, ni Victor Segalen

Salin ng “Édit funéraire,” ni Victor Segalen ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kautusan sa Paglilibing

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  . Testamento ng pagdakila sa libingang imperyal

.  .  .  .  .  .Ako, ang Emperador, ay ililibing sa pook na aking lunggati: sa mapagkalingang bundok na ito, na pinagpala ang mga bukiring nakapalibot sa paanan. Dito, ang tubig sa mga ugat ng lupain at ang kapatagan ng simoy ay napakapalad. Akin lámang ang marikit na libingang ito.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *

.  .  .  .  .  .Ang limahang antas na arko ang magpipinid sa buong lambak: magiging maringal ang sinumang maglalandas sa nasabing pook.

.  .  .  .  .  .Patagalin pa ang mahabang seremonya ng pagluluksa: —ang prusisyon ng mga hayop, halimaw, tao.

.  .  .  .  .  .Ititindig ninyo roon ang matatangkad na moog pandigma. Butasin at hukayin nang napakalalim ang bituka ng bundok, nang walang panlulupaypay.

.  .  .  .  .  .Matatag ang kanlungan ko. Ako ang lalapit papasók sa libingan. Saksihan ako roon . At ipinid pagkaraan ang pinto, at lagyan ng pader ang puwang bago sumapit sa pintuan. Harangan ang daan sa lahat ng nabubuhay.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *
.  .  .  .  .  .Wala akong balak na magbalik pa, at hindi ako nagsisisi, ni walang pagbabantulot, na mawalan ng hininga. Hindi ako nasasakal. Hindi ako nagdadalamhati. Naghahari ako nang may kabutihan at ang aking madilim na palasyo ay kaakit-akit.

.  .  .  .  .  .Ang kamatayan ay katanggap-tanggap at maringal at matamis. Isang pook na maaaring maging tahanan ninuman. Mananahan ako sa kamatayan at maligaya ako rito.

.  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  ..  .  .  .  .  .*  *  *
.  .  .  .  .  .Ngunit hayaang makaligtas ang munting nayon ng mga magsasaka sa gawing iyon. Ibig kong samyuin ang usok mula sa kanilang panggabing sigâ.

.  .  .  .  .  .At makikinig ako sa mga salita.

Alimbukad: Wikang Filipino sa Panitikang Pandaigdig

 

Bakas ng Takas, ni Roberto T. Añonuevo

Bakás ng Tákas

Roberto T. Añonuevo

Dumarating na bagong bagyó ang Kuríta
at magpapantay sa daluyong ang mga bundok.

Napanaginip marahil iyon ni Indarapatra,
at isinakay ng simoy na hatid ang galura.

Sino kayang pinuno ang hindi mababahalà
kapag yumayanig ang ibayo palapit sa iyo?

Marahil, narinig niya ang mga tumatákas
na lipì, ang naghihingalong iligan sa gutom,

at ang bantâ ng lason mula sa tuka ng Páha.
(May ugong ng paglusob ang mga Tarabusaw.)

At kung ikaw si Sulayman, magwiwika muli
ang kampilan upang tigpasin ang galamáy

ng tákaw na umuubos sa sasá’t lamandagat,
putulin ang mga paa ng dambulang kaaway,

o kaya’y itiklop ang mga pakpak ng lagim.
Ngunit yayao ka rin tulad ng ibang bagani,

at kailangan ang tubig ng bukál nang mabuhay
muli, magsuot ng singsing, humawak ng bárong,

sakâ abangán ang kinasisindakang kaaway—
na may pitong ulo’t anyo ngunit walang tatak

ang kabangisan, at isang nagbabantâ sa supling
ng punòng naghihintay sa aming durungawan.

Lilipad sa ulap ang kumikinang na kulintang,
habang nakatitig si Indirapatra doon sa laot:

“Lumundag nang buong tatag, o ito’y pangarap!”

Lamanlupa, ni Roberto T. Añonuevo

Lamanlupa

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Sa daigdig ng Tralala, ang mga pangalan ay hindi mahalaga. Makapapasok ka rito basta sungayan ang loob kahit marupok ang tuhod (nagmula man sa mababang punsô o malagong punò), at marunong sumunod sa wika ng Panginoon. Malaya kang umimbento ng palayaw at apelyido, at ang taguri ay mahihiram mula sa mataas o mababang uri, o sa alinmang kulay o lahi, na ang wika ay kaiinggitan sapagkat umaahon sa pusali. Kung mahalaga sa iyo ang taglay na mukha, pahihintulutan kang makapagsuot ng libong maskara, na makatutulay sa sapot ng mga landas, makasisitsit at makapanghihimasok sa himpapawid, habang may utak ang mga daliri na makasasakay sa elektromagnetikong alon at ingay.

Ipagpalagay na ang lahat ng balatkayo ay balát ng realidad. Halimbawa, kapag lumahok sa diskurso ng politiko o aktibista o artista, walang importansiya ang pakikinig. Ang tinig mo ang mahalaga, ang tinig na mataas o maangas, ang tinig na mapanlibak o mapang-asar, ang linyadong tinig ng matalino na nagkukunwang siraulo, na kidlat kung tumugon ngunit makitid ang bisyon gaya ng nirendahang kapre. (Marahil iyan ang makapagpapatawa na makahahatak ng milyong kapanalig.) Iwaksi sa isip ang komunikasyon. Ikaw ang komunikasyon. Maikukubli mo ang katauhan sa isang pitik, at dahil kabilang ka sa hukbo ng mga bayarang talibang alaskador, natural ang oportunidad na kumita, habang pinupukol mo ng mga putikang titik ang mga kalabang lintik, o kaya’y hinihintay silang mahulog sa bitag ng mga tinik.

Hindi uso rito ang etika, sapagkat iyan ang doktrina ng Panginoon, at walang dapat ipagtika. Habang dumarami ang iyong kasalanan ay lalong mabuti, sapagkat bakit ka pa paiiralin kung susunod lamang sa batas at patakaran ng ibang planeta? Iwaksi sa isip ang mga katagang tulad ng “awa” o “kawawa,” sapagkat hindi ka naririto para ipamalas ang birtud at bait. Ang mahalaga’y ang tatamuhing tagumpay ng hukbo-hukbong impakto na halimaw sa teknolohiya at kagila-gilalas ang teknika sa panlilinlang o pananakot, kung hindi man pambibiso. Walang imposible sa espasyo at panahong pinasok mo, at ang eternidad ay hindi matitimbang sa bisa ng moralidad. Iisa ang kulay ng lahat, at ang kulay na ito ay hindi dilaw bagkus berde, berdeng-berde, gaya ng pag-iisip ng iyong Panginoon.

Mahalaga kung gayon dito sa Tralala ang numero. Ang hininga mo ay may numero, gaya ng hakbang at indak, at may katumbas na sahod o regalo. May numero para ka sumubaybay, o subaybayan, mulang malimit dalawing pook hanggang nililisang aliwang paraiso. Para kang tupa sa piling ng daan-daang tupa na ang pastol ay sumusunod din sa Panginoon. Ngunit dahil matalino ka, ang bakás ng iyong mga paa ay mabubura, gaya ng pagbura sa tsok sa pisara, sa tulong ng eksperto na gigíl sa paggúgol ng mga salita ng Panginoon. Yamang may maiiwan kang pulbos o gabok, matatagpuan ka pa rin kung iibigin ng mga awtoridad. At dahil seguridad mo ang nakataya, makasisingil ka nang malaki  sa iyong serbisyo, gaya ng burukrata na dating puta o putang naging abogado, tawagin man itong sariling sikap o serbisyo publiko, para sa iyong patron at merkado.

Ang gahum mo ay magmumula sa iyong hukbong kinaaaniban, at marami sa mga kawal nito ay pusakal na magnanakaw ng ibang kalabang katauhan. Masisindak mo, sa tulong ng iba pang nilalang na kawangis mo, ang kalaban sa pamamagitan ng salita, sapagkat ang Salita ang simula at wakas. Anumang wikain mo ay puwedeng maging katumbas ng pagdukot, pagbugbog, paggahasa, at pagbilog sa identidad ng kalaban. Kapag hindi naniwala sa iyo ang pinatutungkulan, asahan mong magpapadala ng mga tiktik ang Panginoon, upang tuparin ang tadhana ng bilibid kung hindi man nitsong malamig. Marami kang personalidad ngunit hindi mo pag-aari ang sarili. Ito ang katotohanang hindi maiiwasan, at sa oras na lumihis ka ng landas ay matutulad ka sa ibang bangkay na babangon at maglalakad ngunit mananatiling bangkay magpakailanman.

Bago pumasok sa daigdig ng Tralala, humandang limutin ang sarili, tawagin ka mang Pag-asa.

Videopoema ni Roberto T. Añonuevo, batay sa kaniyang tulang tuluyang pinamagatang “Lamanlupa.”

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Halaw at salin ng “The Goblin of Adachigahara” mula sa Japanese Fairy Tales (1908) na tinipon ni Yei Theodora Ozaki ng Japan.
Halaw at salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Tiyanak ng Adachigahara

Malawak na kapatagan ang Adachigahara noong unang panahon, doon sa lalawigan ng Mutsu ng Japan. Nililigalig ang nasabing pook ng tiyanak na naghuhunos na huklubang babae. Maraming manlalakbay ang nangaglaho nang pana-panahon, at hindi na muling nabalitaan, at ang matatandang babaeng nasa dapugan kapag gabi, o ang mga dalagitang naghuhugas ng bigas sa bukál tuwing umaga, ay nagbubulungan ukol sa mga kuwento kung paano nahatak ang mga manlalakbay tungo sa baláy ng tiyanak at nilapà, dahil ang tiyanak ay lamán ng tao lámang ang kinakain. Walang sinumang tao ang lumalapit sa engkantadong pook pagsapit ng takipsilim, at ang sinumang dapat dumaan doon ay iniiwasan yaon sa buong maghapon, at binabalaan ang mga manlalakbay hinggil sa nakahihindik na pook.

Isang araw, habang papalubog ang araw, dumating sa kapatagan ang pari. Huli siyang manlalakbay, at ang kaniyang roba ay nagpapahiwatig na isa siyang peregrinong Budistang naglalakad mulang isang santuwaryo tungong ibang santuwaryo upang manalangin at makatanggap ng pagpapalà o humiling na patawarin ang mga kasalanan. Naligaw siya sa daan, at dahil gabi na ay walang nakapagturo sa kaniya hinggil sa dapat patunguhan, o nakapagbabalâ hinggil sa engkatadong pook.

Naglakad siya nang buong araw, at pagod na pagod bukod sa gutóm, at malamig ang gabi, dahil papatapos na ang taglagas, at nabagabag siya kung saang bahay hihimpil at makapagpalipas ng magdamag. Natagpuan niya ang sarili sa gitna ng malawak na kapatagan, at nabigo siyang makatagpo ng anumang labî na tirahan ng mga tao.

Makalipas ang siyam na oras na paglalakbay ay natagpuan rin niya sa wakas ang kulumpon ng mga punongkahoy sa malayo, at sa pagitan ng mga ito’y sumilay ang isang sinag. Napasigaw siya sa galak.

“Tiyak na isang bahay iyon na mapagpapahingahan ko sa magdamag!”

Ipinakò niya ang paningin sa liwanag, at pinilit na humakbang nang mabilis kahit kumikirot ang mga paa, at di-naglaon ay sumapit siya sa munting kuból. Habang papalapit siya’y nakita niya ang gigiray-giray na bahay, ang wasak na kawayang bakod, at ang mga damong gumapang at tumubò sa pagitan ng mga buhô. Ang mga kortinang papel at papel na pinto’y tadtad ng butas, at ang mga haligi ng bahay ay bumalikô sa labis na lumà, at halos hindi na masuhayan ang bubong na kugon. Bukás ang kubol, at sa tanglaw ng lumang tinghoy ay lumitaw ang huklubang babae na humahabi ng tela.

Sumigaw ang peregrino sa labas ng bakod, at nagwika:

“Magandang gabi po, impo! Manlalakbay ako! Naligaw ako, at hindi ko alam ang gagawin, at wala po akong mapagpahingahan. Maawa na po kayo, at payagan akong makapagpalipas ng gabi sa inyong kubol!”

Nang marinig ng matandang babae ang panawagan ay huminto siyang humabi, at tumindig, sakâ nilapitan ang estranghero.

“Kaawa-awang ginoo! Naligaw ka’t inabot ng gabi sa daan. Ngunit wala akong maihahanda sa iyo, dahil wala akong kama, ni maihahain para sa sinumang bisita sa munting kubol na ito!”

“Hindi po mahalaga iyon,” ani pari. “Nais ko lámang sumilong para palipasin ang magdamag, at kahit sa sahig ng kusina ay sapat na para maging tulugan ko. Pagod na pagod na ako sa kalalakad ngayong gabi, at huwag na po akong tanggihan, kung hindi’y matutulog ako sa malamig na lupa!” At sa ganitong paraan siya nagmakaawa sa matanda.

Nagbantulot ang matanda, sakâ nagwika:

“Papayagan kitang matulog dito ngayong gabi. Magtiis sa payak kong bahay; tumuloy ka, at magpaparikit ako ng gatong dahil malamig ang gabi!”

Tuwang-tuwa ang peregrino sa narinig. Tinanggal niya ang sandalyas at pumasok sa kubol. Inilabas ng matanda ang ilang kahoy na panggatong at nagsindi ng apoy, at sinabihan ang panauhin na lumapit at magpainit.

“Gutom ka na marahil dahil sa mahabang paglalakbay,” sabi ng matanda. “Magluluto ako ng hapunan para sa iyo.” Nagtungo siya sa kusina upang magsaing.

Matapos maghapunan ang pari ay umupo ang matandang babae sa dapugan, at naghuntahan sila nang matagal. Naisip ng peregrino na labis siyang mapalad na makilala ang mabait at mapagbigay na matanda. Nang malapit nang maabo ang huling gatong ay muling nanginig sa ginaw ang lalaki, gaya nang siya’y dumating sa kubol.

“Giniginaw ka,” wika ng matanda. “Lalabas muna ako, at maghahanap ng panggatong dahil ubos na ang aking mga kahoy. Dito ka muna, at magbantay ng bahay habang wala ako.”

“Hindi, hindi po!” wika ng peregrino. “Ako na lámang ang maghahanap ng panggatong, dahil matanda na kayo. At di ko lubos maisip na lalabas pa kayo para maghanap ng panggatong para sa akin!”

Umiling ang matanda, sakâ nagwika:

“Manatili ka rito dahil panauhin kita.” Iniwan ng matanda ang peregrino at lumabas ng bahay.

Ilang saglit pa’y nagbalik ang matanda, at winika:

“Huwag kang umalis sa kinauupuan mo, at anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid. Tandaan mo ang aking sinabi!”

“Kung sinabi ninyong huwag akong lumapit sa likurang silid ay makaaasa kayong hindi ko gagawin,” sabi ng pari, na waring natigatig.

Muling lumabas ng bahay ang matanda, at naiwang mag-isa ang pari. Namatay na ang apoy, at ang tanging ilaw ng kubol ay mula sa malamlam na tinghoy. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niyang naroon siya sa kakatwang pook, at ang utos ng matanda, na “Anuman ang mangyari’y huwag lumapit o sumilip sa likod na silid!” ay pumukaw sa kaniyang tákot at pagkamausisa.

Ano ba ang naroon sa silid na hindi ibig ipakita sa kaniya ng matanda? Nanatili siya sa kaniyang kinalalagyan dahil ayaw suwayin ang utos ng matanda, ngunit hindi siya nakatiis at hindi napigil ang sariling sumilip sa ipinagbabawal na silid.

Tumindig siya at marahang tinungo ang likod na silid. Ngunit ang gunitang magagalit ang matanda kapag sinuway ito ay nagpabalik sa peregrino sa tabi ng dapugan.

Lumipas ang ilang minuto ngunit hindi pa rin nagbabalik ang matanda, at habang tumatagal ay unti-unti siyang kinikilabutan, at kinutuban siya sa nakahihindik na lihim ng silid sa likuran niya. Kailangan niyang matuklasan ang lihim.

“Hindi niya mababatid na sumilip ako, maliban kung sasabihin ko. Sisilip ako bago siya makabalik,” bulong ng lalaki sa kaniyang sarili.

Tumindig siya dahil matagal ang kaniyang pagkakaupo, at palihim na tinungo ang ipinagbabawal na pook. Nangangatal ang mga kamay niyang tumulak sa pinto, at dumungaw siya nang marahan. Nagulantang siya sa nakita. Ang silid ay hitik sa mga kalansay, at ang dingding at sahig ay tigmak sa dugo ng tao. Sa isang sulok ay may talaksan ng mga bungo ng tao, at sa kabilang sulok ay butuhang bisig, at sa isa pang sulok ay naroon ang tumpok ng mga buto ng binti na nangagkalat sa sahig. Nanginig siya’t nangatal ang pangá, at halos hindi siya makagapang palayo sa lagim na nasaksihan.

“Karima-rimarim!” sigaw niya. “Anong kasuklam-suklam na pook ang narating ko sa aking mga paglalakbay? Tulungan nawa ako ng Buda, o ako’y masasawî. Maaari kayang ang matandang babae ang lamanlupang kumakain ng tao? Kapag nagbalik siya’y ipakikita niya ang tunay na katauhan, at kakainin ako nang buo!”

Pagkawika nito’y nagbalik ang kaniyang lakas, at mabilis niyang kinuha ang salakot at tungkod, at kumaripas ng takbo palabas ng bahay hangga’t káya ng mga paa. Tumakbo siya kahit hatinggabi, at pinilit lumayo sa bahay ng lamanlupa. Hindi pa siya gaanong nakalalayo’y naulinig niya ang tinig na sumisigaw: “Tigil! Tigil!”

Ipinagpatuloy niyang tumakbo nang mabilis, at nagkunwang hindi naririnig ang huklubang babae. Habang tumatakbo siya’y naririnig niya ang mga yabag sa likuran niya na palapit nang palapit, at sa bandang huli’y nasagap niya ang tinig na palakas nang palakas mula sa huklubang babaeng papalapit.

“Huminto ka, masamang lalaki! Bakit ka sumilip sa bawal na silid?”

Di-alintana ng pari ang kaniyang págod at halos lumipad ang kaniyang mga paa sa pagkaripas. Nagpalakas sa kaniya ang kaniyang takot, dahil alam niyang kapag inabutan siya ng tiyanak ay magiging biktima siya nito. Buong lakas ng loob niyang inulit-ulit ang dasal kay Buda:

“Namu Amida Butsu, Namu Amida Butsu!

Humabol sa kaniya ang nakahihindik na huklubang halimaw, na lumilipad ang mga buhok sa pagtakbo, at ang mukha nito’y naghunos na napopoot na demonyo. Tangan niya ang duguang patalim, at sumigaw nang paulit-ulit na “Tumigil ka!”

At nang hindi na makatakbo ang pari ay biglang sumilay ang bukang-liwayway, at walang ano-ano’y naglahong bigla ang lamanlupa. Nabatid ng pari na ang nakatagpo niya’y ang Tiyanak ng Adachigahara, na isang kuwentong malimit niyang marinig ngunit hindi pinaniwalaan. Nadama niyang nakaligtas siya dahil sa tulong ni Buda, na kaniyang pinagdasalan nang taos, at inilabas niya ang kaniyang mālā (o rosaryo), at tumungó habang papasikat ang araw, at taimtim na nagpasalamat. Pagdaka’y ipinagpatuloy niya ang paglalakbay tungo sa ibang nayon, at galak na iniwan ang mahiwagang pook.

Ang Batas, ni Hissa Hilal

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Tatlong tula ni Fazil Husnu Daglarca

salin ng tatlong tula ng Turkong makata na si Fazil Husnu Daglarca.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Higit na matalino sa atin ang tubig

Higit na matalino sa atin ang tubig; maaga nitong natatanaw ang gabi.
Mula sa langit tungo sa dilim ito’y nagbabalik
At kisapmatang naglalaho gaya ng dambuhalang isda
Habang yumayanig ang mga dalisdis sa ilahas nitong ragasa.

Higit na matalino sa atin ang tubig; natutuklas nito ang tuwa
Kahit sa mga punongkahoy,
At hindi sa mga estranghero
Na pinipilit tayong mamuhay nang mapanglaw.

Higit na matalino sa atin ang tubig; hindi ito natutulog,
Bagkus palaging bukás ang paningin sa malaganap na bughaw,
At nakakubli sa lihim ng kamatayan, nag-aabang
Ng pook para sa sariling pag-iral ng buhay.

[“Sular Bizden Akillidir,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Ang Pinatay nating Halimaw

Taglay nito ang mga matang kumikislap sa gabi
At ang pambihira’t labis na tapang.
Ngunit nabibighani tayo nito
Sapagkat nakalalamang ang ating kalagayan.

Huminto tayo sa bunganga ng madilim na yungib
At iniwan ang bato sa paglalakbay.
Matalik sa mga lihim ng mga gabi at gubat,
Pinunit ng anyo at atungal nito ang katahimikan.

Hindi na natin kahawig ang halimaw,
Hindi umiinom ng tubig, ni hindi natitinag,
Hindi ito laging alerto,
At bahagya lamang kung umidlip.

Sadyang kakatwa bagaman labis na karaniwan—
Mula sa mga palamuti nito’y lilikha tayo ng atin
Na singkintab ng malalambot nitong balahibo,
Samantalang sinlamig ng bato ang ating pandama.

Handang harapin nito ang bangis ng pagkubkob,
Na magiging di-mauubos na karne ng tagumpay;
At siya namang sabay-sabay lalamunin
Ng ating mga isip, hilakbot, at kamay.

[ “Öldürdügümüz,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Pagtanaw

Para sa akin, ang bundok
Ay namimighati.
Balisa lamang ako
Ayon naman sa bundok.

Sa tingin
ng bundok,
Ako’y
Nababaliw.

Para sa akin,
Ang bundok
Ay nagugutom.

Ayon sa bundok,
Hindi ako makalapit doon.
Ngunit para sa akin,
Mabibigong makasapit dito
Ang bundok.

[“Göre,” ni FAZIL HÜSNÜ DAGLARCA.]

Bawat angking Kimera, ni Charles Baudelaire

salin ng “Chacun sa chimère” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BAWAT ANGKING KIMERA

Sa ilalim ng malawak, abuhing langit, sa maalikabok, di-maliparang uwak na kapatagang walang bagnos, walang damo, walang baging ni palumpong, nasalubong ko ang ilang tao na hukót kung maglakad.

Bawat isa sa kanila’y pasan ang malaking Kimera, na simbigat ng sako ng arina o gatong, o katumbas ng kasuotan ng kawal na Romano.

Ngunit ang nakahihindik na halimaw ay hindi basta walang saysay na pabigat; bagkus, sinasaklaw nito’t inaalipin ang tao sa pamamagitan ng malalakas, nababanat na kalamnan; kinukuyom ng malalaking kuko ang dibdib ng sinasakyan nito; at ang pambihirang ulo nito’y tumatakip sa kilay ng tao, gaya ng mga nakasisindak na helmet na ginagamit ng mga sinaunang mandirigma upang mapatindi ang hilakbot ng kanilang kaaway.

Tinanong ko ang isa sa mga lalaki, at inusisa kung saan sila patungo sa gayong anyo. Sumagot siyang wala siyang kamalay-malay sa anumang nagaganap—siya man o ang iba pang kasama; ngunit halata silang patungo kung saan, dahil hinihimok sila ng di-nakikitang pangangailangang maglakad.

May kakatwang dapat pansinin: wala ni isa sa mga manlalakbay ang nayayamot sa mabangis na halimaw na lumalaylay sa kaniyang leeg at nakadikit sa kaniyang likod; at maihahakang bahagi na iyon ng kaniyang katauhan. Lahat ng pagál at seryosong mukha ay hindi nagpapamalas ng kawalang-pag-asa. Sa lilim ng nakaririnding kisame ng kalangitan, tinahak ng kanilang mga paa ang alikabok ng lupaing tigang gaya ng kaitaasan, at tumugpa sa landas nang may anyo ng mga taong mapagtiis na isinumpang umasa nang paulit-ulit.

At lumampas sa aking tabi ang tanikala ng mga lalaki at naglaho sa ulop ng panginorin, sa pook na ang pabilog na rabaw ng planeta ay ikinukubli ang sarili mula sa mapanuring tanaw ng tao.

At sa ilang sandali pa’y ipinagpatuloy ko ang mithing unawain ang misteryong ito; ngunit namayani sa aking loob ang di-maiiwasang kawalang-pakialam, at higit akong naguluhan kaysa silang pasan-pasan ang mga nakasusubasob na Kimera.

Ang Pantera ni Rainer Maria Rilke

salin ng “Der Panther” ni Rainer Maria Rilke
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG PANTERA

Sa Hardin ng mga Halaman, Paris

Napagod ang kanyang paningin sa bakod na rehas,
At wala na iyong makita sa buong paligid.
Nabatid na niyang wala nang iba pang may rehas,
Sa likod ng laksang bilibid ay walang daigdig.

Ang tatag at liksi ng kanyang paghakbang paikot
Sa ubod ng liit na bilog ay tulad ng sayaw
Ng ganap na lakas sa gitna; at doon, hilahod
At manhid ang bait na ibig humalang sa malay.

Kung minsan, tataas nang saglit ang tabing ng mata,
Tahimik papasok sa may balintataw ang anyo
Paloob sa siksik, namitig na lawas at paa,
Upang pagkaraan, maglaho nang lubos sa puso.

Tigre

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, at hango sa artsibo ng gimp savvy.com