Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Bahay

Roberto T. Añonuevo

Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan

ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat

ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin

nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.

Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.

Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.

Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.

Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang

nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?

Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.

Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.

Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.

Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason

sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.

Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo

para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.

“Kung batid natin itong punto,” ni Roberto Juarróz

Salin ng “Si conociéramos el punto,” ni Roberto Juarróz ng Argentina.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kung batid natin itong punto

Kung batid natin itong punto
na ang isang bagay ay mabibiyak,
na ang hibla ng mga halik ay malalagot,
na ang titig ay hindi makatatagpo ng ibang titig,
na ang puso ay lulundag sa ibang pook,
makalilikha tayo ng punto sa puntong iyan,
o kahit paano’y sumabay sa gayong pagkabiyak.

Kung batid natin itong punto
na matutunaw ang isang bagay para magbanyuhay,
na ang disyerto’y makasusumpong ng pag-ulan,
na ang yakap ay makapupukaw ng búhay,
na ang kamatayan ay sintalik ng kamatayan mo,
mailaladlad natin ang punto gaya ng serpentina,
o kahit paano’y maaawit yaon hanggang yumao.

Kung batid natin itong punto
na ang isang bagay ay malimit magiging iba,
na ang butó ay hindi malilimot ang lamán,
na ang puwente ay ina sa iba pang puwente,
na ang nakalipas ay hindi magiging nakalipas,
maiiwan ang puntong iyan at mabubura ang iba,
o kahit paano’y maitatagò iyon sa ligtas na lugar.

In extremis

Sumasapit tayo sa hanggahan, at ang ating mga paa ay nakausli sa tungki ng bangin. Sa ganitong sukdol, may puwang pa ba ang kaba at pagbabantulot sa lawak ng tangway at matarik na batuhang dalampasigan? Tinatanaw natin ang malayong daigdig, tulad ng pagsipat ng kongkistador kung hindi man palaboy, kahit ang kamatayan ay nasa ilalim ng talampakan. Sinasamyo natin ang dayaray, gayong ang mismong simoy ay inaasahang magtutulak sa atin sa kapahamakan. Nagbibilad tayo nang nakatingala sa init ng araw o dumidipa sa gitna ng ulan, kahit ang ating pandama ay hindi matandaan ang init o lamig ng pag-iral. Nasanay tayo sa di-maliparang uwak na espasyo, at sa sandaling ito, ang pagtindig nang walang tinag ay ehersisyong mabibigong ulitin ng tadhana. Isang hakbang pasulong at lalamunin tayo ng alimpuyo ng mga dahon. Isang hakbang paurong, at mananatili tayo sa katatagan ng mga tanong—na maaaring sagutin ng mahigpit na yakap habang humahagulgol ang mga alon.

“In extremis,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. © 19 Hulyo 2011.
Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.

Guhit ni Gustave Dore, batay sa Impiyerno, canto 11, taludtod 6-7, ni Dante Alighieri.