Salin ng “Crepuscule,” ni Jules Laforgue ng Uruguay/France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Takipsilim
Takipsilim. . . Mula sa mga bahay na dinaraanan ay nalalanghap ko ang inilulutong pagkain at nauulinig ang kalantog ng mga pinggan. Naghahanda ang mga tao na maghapunan at pagdaka’y matulog o tumungo sa teatro. . . Ay, matagal ko nang ginawang bato ang búhay laban sa mga luha; káya kong maging kapuri-puring duwag ngayon sa harap ng mga bituin!
At lahat ng ito’y walang katapusan, walang wakas.
Ang mga pagál na kabayo’y hinihila ang mabibigat na kariton sa kahabaan ng mga kalye—gumagala ang mga babae—binabati ng ngiti ng mga lalaki ang isa’t isa. . . at umiinog ang mundo.
Hápon.
Kalahati ng mundo’y sinisinagan ng araw, at ang kalahati’y maitim at may batik ng apoy, gas, resina, o alab ng kandila. . . Sa isang pook, nagbabakbakan ang mga tao, at may mga masaker; sa kabilang panig, may pagbitay, at sa isa pa, nakawán. . . Sa ibaba, natutulog ang mga tao, namamatáy. . . ang mga itim na láso ng paghahatid sa paglilibing ay nagwawakas sa mga punong teho. . . walang hanggan. At sa lahat ng itong pasan-pasan, paanong nakaiinog pa na simbilis ng lintik ang dambuhalang mundo sa eternal na espasyo?