Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal

Salin ng tula ng anonimong makatang Berber ng Morocco,  batay sa bersiyong Ingles ni Willis Barnstone
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ibig kong makatipan sa hardin ang  minamahal

Ibig kong makatipan sa hardin ang minamahal
sa palibot ng mga pabelyon na maririkit ang unan.
Nasa gitna nito ang mga puwente, at ang tubig
ay sumisirit na waring sariwang gatas.
Pinariringal ng ruwisenyor ang halamanan
at ang mga punong peras na pito ang kulay
sa anyo ng nakababalaning awit.

Isang binata ang labas-masok sa iba’t ibang silid
nang napakaelegante.

Napigtal ang mga sanga ng hasmin.

Katabi ang aking kaibigan habang nakaupo,
ako ay gagaling, at mapagagaling.

Advertisements

Mga Talinghaga ni Abu al-Ala al-Maarri

Salin ng tula ni Abu al-Ala al-Maarri ng Syria, at hango sa bersiyong Ingles na The Diwan of Abu’l-Ala by Abu al-Ala al-Maarri  (1909) ni Henry Baerlein.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Talinghaga ni Abu al-Ala al-Maarri

I.
Talikdan ang pagsamba sa masjid at tumalikod
sa walang saysay na dasal, mula sa paghahandog
Ng tupa, dahil ang tadhana’y mangkok ng pagtulog
O mangkok ng pagdurusa—na dapat mong malagok.

II.
Ang mga matang eskarlata ng umaga’y habol
Ng gabi’t umuungol sa makitid na kalyehon;
Ngunit sa pagsalpok sa ating mundo’y nilalamon
Tayo ng dalawa’t lumakas sa hidwang naroon.

III.
Walang saysay ang mangarap ng malaking kalakal,
Walang saysay maglayag sa hindi pa nalalakbay,
Walang saysay maghanap ng pantalan ng hulagway
Kung ang lahat ay nakatakda noong una pa man.

IV.
Masdan, mga katoto, ang nakalaan sa akin
Ang dingal ng pagtingala ta sa himpapawirin:
Nagparangal kayo kay Saturno, habang ako’y pilîng
Pinapaslang Niya na higit ang gahum at ningning.

V.
Kailangang maglakbay nang pasan ang dala-dala
Sa madilim, pasikot-sikot na landas tuwina;
Magsama ng mga táong tanglaw sa ulo’t paa
Kung ibig makalagos sa panganib ng kalsada.

VI.
Mababatid mong lahat ng baluti’y hindi sapat—
Malalantad ka sa hagupit ng guhit ng palad;
Na susukulin ka’t bibigtihin ng libong málas
Hanggang ikaw ay maibalot sa mortahang ganap.

VII.
Makipag-usap sa simoy na hatid ang sang-ikid
Na kariktan at sákit anuman ang iyong panig:
Ang ginintuang tagumpay ng gabutil na mais
At ang sagradong bulóng ng rosas na matitinik.

VIII.
Kung sakali’t sa mahiwagang hardin ay sumilay
Ang mabunying rosas na walang kupas kailanman
Dapat bang kumuha ng mapanyurak na panghukay
At lumikha ng libingan sa ilalim ng ringal?

IX.
Ako bang alabok lámang sa parang na malawak
Ay mag-iisip lumaban sa buhawing malakas?
O ako na nilaspatangan sa buong magdamag
Ay sa kandungan ng buong gabi muling lalapag?

Ang Politika ng Kariktan

Tulang tuluyan ni Doreen Stock
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG POLITIKA NG KARIKTAN

Tumayo ang paboreal sa hardin at ibinukad ang kaniyang pag-ibig sa mga pamaypay ng liwanag. Sinundan ng mga balahibo nito ang landas ng nasabing pag-ibig sa pabi-pabilog na nakagugulat na ningning na taliwas sa kulay ng apoy.

Sumagi sa kaniya, habang nakatindig sa ilalim ng bukang-liwayway, na waring may kung anong nagdurusa sa kaniyang sakop. Nabatid niya ito sa alimbukay ng mga alikabok doon sa kinatatayuan niya.

Isang lalaki ang ibinilanggo sa kubo ng puting sinag.

Maraming kamay ang nakahawak sa kaniya. Ang ilan ay mula sa kaniyang mga kaibigan. At ang ilan ay mahaba, malamig, di-pantao, at abstrakto.

Nagtagumpay sila.

Nagawa ng mga kamay na hilahin siya mula sa selda at pawalan nang hubad, kayumanggi, at nagsusumamo sa paanan ng Madonna.

Nagkulay alabok ang mukha ng babae at siya’y napaiyak.

Ang kaniyang kinayas na mga galang-galang at kamay, at mga daliring nakaunat na tila pandama sa simoy, ay nangalaglag. Napahiga ang lalaki sa lupa sa gitna ng mga basag na handog. Lumuha siya. Napoot. Lubos na nanahimik ang kaniyang kaluluwa sa anyo ng mga bagabag na awit.

Tatawagin natin ang tunog na ito na mga luha, silakbo, at awitan.

Tinawag niya iyong mga panalangin.

Hinuli nila ang paboreal habang ito’y nakatayo, at tahimik, sa hardin. Alam nito ang dapat gawin, at sa walang hanggang lambot at kirot na dumaloy sa kaniyang katawan sa anyo ng apoy, hinayaan niya ang bawat maningning na balahibo na malaglag sa alabok.

Dahil hindi niya nadanas ito noon, nagulat siya kung gaano katagal iyon.

At sa wakas, naging lastag ang kaniyang buntot.

Nadama niya ang pagkapahiya.

Wala nang magagawa pa kundi pumihit sa kanan ng landas ng hardin at lumungayngay hanggang ang kaniyang mga koronang balahibo ay magkulay alabok din. At wala nang magagawa kundi matutong lumakad at mabuhay sa ganitong bagong kalagayan.

“Ay, maaari bang malaman,” sambit niya, “kung ano ang aking nabili.”

Umalimpuyo ang hangin sa ilalim ng handog at tinangay ito. Habang nakikipaghabulan ang mga balahibo sa tadhana nito, dalawa sa mga kaibigan ng lalaki ay lumapit sa kinahihimlayan niya sa pagitan ng mga biyak na kamay ng madonna.

Tinitigan nila ang mukha ng dilag.

Itinayo nila siya sa lupa, at gaya ng mga binatang nasa baybay-dagat ng kasiyahan na amoy-uling at dagat ang mukha ay idinuyan nila siya nang isa, dalawa, tatlong ulit sa hangin, at ibinagsak sa alabok na kinahihimlayan ng kanilang kaibigan.

Nabasag ang madonna at humiwa sa laman ng lalaki ang mga basag na piraso.

Kinuha niya sa ganitong paraan ang babae, mula sa alabok, at ang katawan nitong durog at basag ay pumaloob sa kaniyang dumurugong laman.

Gumulong sila pababa sa libis tungo sa malambot na prado ng bagong sibol na damuhan.

At nang biyayaan ng paningin ang paboreal, nakita nito ang lalaki at babae na nagtatalik sa lawas ng talahibang lumalawiswis sa ibabaw nila na may bughaw at lungti, lila at itim, at kumikislap sa sinag ang paningin.

At malugod itong lumakad sa hardin. At nagsimulang tumuka sa lupa. At kumain.

"Ang Paboreal at ang mga Kalapati sa Hardin"

"Ang Paboreal at ang mga Kalapati sa Hardin" (1888) pintura ni Eugene Bidau.

Kalayaang Huminga ni Aleksandr Solzhenitsyn

salin ng tulang tuluyan ni Aleksandr Solzhenitsyn batay sa saling Ingles ni Michael Glenny
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KALAYAANG HUMINGA

Umulan noong gabi at tumakip ang maiitim na ulap sa himpapawid, at pagbugso-bugsong umambon nang malamig.

Nakatayo ako sa lilim ng punong mansanas na namumukadkad, at huminga. Bukod sa punong mansanas,  ang mga damo’y kumikislap sa hamog; hindi mailalarawan ang mabangong halimuyak na taglay ng simoy. Huminga ako nang malalim hangga’t makakaya, at pumaloob sa katauhan ko ang bango; huminga ako nang nakadilat, at huminga nang nakapikit—hindi ko mabatid kung alin sa dalawa ang nakapagbibigay sa akin ng higit na kaluguran.

Ito, sa paniniwala ko, ang tanging pinakamahalagang kalayaan na hindi mababawi sa atin ng bilangguan: ang kalayaang huminga nang maluwag, gaya ng ginagawa ko ngayon. Walang pagkain sa lupain, ni alak, ni halik ng babae ang higit na matamis para sa akin kaysa simoy na ito na sakay ang halimuyak ng mga bulaklak, ng hamog, ng kasariwaan.

Hindi mahalaga kung ito’y munting hardin lamang, na nababakuran ng tiglilimang palapag na gusaling parang kulungan ng mga hayop. Huminto na akong pakinggan ang putok ng tambutso ng motorsiklo, ang garalgal na tinig ng radyo, ang alingawngaw ng maiingay na ispiker. Hangga’t may sariwang hangin na masasamyo sa lilim ng punong mansanas makaraang umambon, makararaos tayo kahit kaunti.

Bahaghari

Bahaghari, larawan mula sa artsibo ng http://www.photos8.com

Mga Tula ni Charles Simic

salin ng mga tula ni Charles Simic
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MELON

May sariwang melon sa hardin
Napakasariwa, at pumapalatak ang kutsilyo
Habang hinihiwa iyon sa anim na bahagi.
Magbabalik sa paaralan ang mga bata.
Hindi mabubuhay ang kanilang mga ina,
Na nagpapasa ng mga platong papel,
Upang makita ang nalalaglag na mga dahon.

Natatandaan ko ang putakti, na lumipad
Papasok sa bukás na bintana,
Haling sa pagtikim ng matamis na prutas
Habang umiilag kami at nagsisisigaw,
Tinatakpan ang aming mga ulo at mukha,
At hahagikgik na uupo kapag iyon ay naglaho.

TAPÍSERÍYA

Nakabitin iyon mulang langit hanggang lupa.
Doon ay may mga punongkahoy, lungsod, ilog,
biik at buwan. Sa isang sulok, umuulan
ng niyebe sa sumusugod na kabalyeriya,
at sa kabila’y nagtatanim ng palay ang mga dilag.

Matutunghayan mo rin:
ang manok na tinangay ng tumanggong,
ang lastag na magkabiyak sa gabi ng kasal,
ang hanay ng usok, ang nanlilisik na babaeng
dumudura sa isang timba ng gatas.

Ano ang nasa likod niyon?
—Puwang, malawak na hungkag na puwang.

At sino ang nagsasalita ngayon?
—Ang lalaking tulóg na takip ang sambalilo.

Ano ang magaganap kapag siya’y nagising?
—Magtutungo siya sa barberya.
Aahitin nila ang kaniyang balbas, ilong, tainga,
at buhok, upang siya’y maging kahawig nila.

NAGAPI ANG LUNGSOD

Nagapi ang lungsod. Sumilip kami sa bintana ng bahay na binuksan ng baliw. Tumanglaw ang papalubog na araw sa ilang abandonadong makina ng kabiguan. “Natatandaan ko,” ani kung sinong tao, “kung paanong noong sinaunang panahon ang lobo’y mapaghuhunos na tao, saka maituturo iyon sa ikagagaan ng loob.”

AKO ANG HULING SUNDALONG NAPOLEONIKO

Ako ang huling sundalong Napoleoniko. Halos dalawandaang taon ang nakalilipas at umuurong pa rin ako palayo sa Moscow. Hitik sa puting punong abedul ang daan, at umaabot hanggang tuhod ang putik. Ipinagbibili ng babaeng bulag ang isang mata ang kaniyang manok, at ni wala akong damit na suot.

Patungo sa ibang landas ang mga Aleman; at ako naman ay pasalungat. Ibang daan din ang tinatahak ng mga Ruso, at kumakaway para magpaalam. May sable akong panseremonya. Ginagamit ko iyon upang putulin ang buhok, na apat na talampakan ang haba.

Tanawin

Kuha ng US National Oceanic and Atmospheric Administration, mula sa artsibo ng gimp-savvy.com

Hidden Garden sa Vigan

Nagbalik kami sa Vigan noong nakaraang linggo, at nanlumo ako sa nasaksihan. Ang Vigan na natatandaan ko may 15-18 taon na ang nakalilipas ay hindi na ang Vigan ngayon, bagkus tila pira-pirasong hulagway, na malayong-malayo sa napakarikit na Vigan Album (2002) ni Esperanza B. Gatbonton at iba pang aklat pangkasaysayan ukol sa naturang lugar. Maalinsangan ang simoy Vigan; nakapapaso sa tanghali ang sinag ng araw;  at napakabilis mag-amoy sukang Iluko kapag pinawisan.

Sangkaterba ang traysikel sa Vigan, at kapag nagkasabay-sabay ang mga dambuhalang bus na panturista, bukod pa ang sari-saring magagarang sasakyan, nanaisin mo na lamang magmukmok sa Plaza Real at doon masdan ang patsada ng katedral ng San Pablo. Higit na iibigin ko ang mga karetela imbes na traysikel o motorsiklo na nakagugulat kung magpahagibis sa lansangan na parang sila lamang ang may karapatang gumamit ng daan. Samantala’y magagalang ang mga tigulang na kutsero, at batid ang kasaysayan ng kanilang lugar, at hindi ka magbabantulot na magbigay ng tip sa kanilang serbisyo.

Isa pang ikinabubuwisit ko sa Vigan ay labis na itong komersiyal, lalo sa loob ng plasa. May Jollibee, McDonald’s, Max’s Restaurant, Chowking, at kung ano-ano pang kainang hindi ko alam kung ano ang kaugnayan sa kasaysayan. Hindi ako eksperto sa preserbasyon ng mga makasaysayang pook; subalit nang makita ko ang iba’t ibang establisimyento sa plasa ng Vigan ay kumutob sa loob ko na waring binabastos ang Vigan para kumita nang malaki ang sinumang negosyanteng nasa likod niyon. Wala nang ikinaiba ang Vigan sa Santa Cruz, Maynila; at ilang taon pa’y sasapitin din ng Vigan ang kabulukan ng kamaynilaan.

Bilang protesta sa naturang mga establisimyento, naghanap kami ng ibang klaseng makakainan, at bibihira mo lamang makita. Hanggang makarating kami sa Hidden Garden sa Barangay Bulala Sentro, Lungsod Vigan.

Ang Hidden Garden ay orihinal na idinisenyo ni Francis A. Flores na isang malawak na hardin na hitik sa mga katutubong halamang ornamental, palumpong, at bonsai. May nakalaan ding kulungan para sa mga ilahás na ibon, isda, tuko o bayawak. Napakalinis ng hardin, mabango ang simoy, at maaliwalas sa paningin. May mga itinitindang kakanin, espesyal na ensaymada, latik, banga, paso, eskultura, at kung ano-ano pang abubot kaya hindi mapakali ang misis ko kung kakain ba siya o mamimili na lamang ng pasalubong.

Hindi naman kami nabigo dahil masasarap ang pagkain sa Hidden Garden. Sinigang man o sinanlaw, pinakbet o bagnet, inihaw na isda o barbekyu ay wala kang masasabi. Sa labis na kabusugan ko ay tila aabot sa lalamunan ang aking kinain, kaya umordor pa ako ng kapeng barako at nagkamot ng tiyan.

Mula sa matitigas na kahoy ang mala-dulang na hapag-kainan, na binagayan ng bangkong ipinasadya para sa mga bisita. May mga kandila sa mesa, at parang kumakain ka sa gitna ng kagubatan at sinisilbihan gaya ng mga maharlika.

Natuwa rin kami at naroon nang gabing iyon si Francis at magiliw niyang ikinuwento ang mga pangyayari sa likod ng Hidden Garden. Bukod sa pagiging negosyante nitong si Francis ay isa rin siyang landscape artist na kahanga-hanga ang pangangalaga sa kaligiran at ang kaniyang laboratoryo ay ang mismong Hidden Garden. Iniligtas ng Hidden Garden ang aming pagkadismaya sa plasa ng Vigan. At kung magbabalik man kami sa Vigan, hindi kami sa plasa kakain, bagkus sa kubling hardin ng Barangay Bulala.