Pī Juàn
Roberto T. Añonuevo
Nagising ka isang araw, at ang presintong ito ay naging ospital. Nagagamot nito ang kanser ng lipunan, at may bakuna sa mga salot ng lansangan. Halimbawa, ang magnanakaw na pumasok dito ay lumalabas na nagtitikang pastor. Ang tigasing lumpen ay natitiklop na papel o gagambang bumibitin. Ang manyak ay nakakapon sa ehersisyo ng boksing o taekwondo. At ang tulak ay napaaawit habang nakaluhod at pinapupula ang talampakan. Paano silang lalaya kung abogado’y ampaw? Kailangang umamin agad sila sa krimen, o magagalit ang prosekyutor o hukom. Anumang pakiusap ng politiko ay matuwid, at sino kaming alat para sumuway o tumuwad? Lahat ng ibilibid dito ay makasalanan, hindi man litisin, at kung gayon, ay dapat iligtas para sa katarungan, kaligtasan, at kapayapaan. Mali ba ako, Mayór? Sumagot ka! Kailangan mo ng klirans? Bakit ka bumubulong ng areglo? Mababait kami rito! Magtanong ka sa aming mga reporter! Marami ka pang maririnig, at kung may kaso ka, sumunod ka lamang at madodoktor ang mga salita. Nadodoktor dito kahit ang mga papel na basang-basâ. Maraming doktor dito gayong walang titulo, at kung isa kang nars, makabubuti kung nasa tabi ng hepe ko.