Kundiman Libing, ni W.H. Auden

Salin ng “Funeral Blues,” ni W.H. Auden ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Kundiman Libing
 
Itigil ang orasan, putlin ang telepono
Sawayin mo ang aso at alukin ng buto;
Busalan ang piyano at sa sikil na tambol,
Nagluluksa’y tawagin — ilabas ang ataul.
 
Eroplano’y hayaang lumipad, umatungal
At isulat sa langit na Siya ay Namatay,
Kalapati’y damitan ng láso na makutim
Ipasuot sa pulis ang guwantes na itim.
 
Siya ang aking timog, at silangan, hilaga,
At kanluran, trabaho, at araw sa paggala,
Ang hápon, hatinggabi, huntahan ko at awit;
Mali ang akala ko: Walang wakas umibig.
 
Mga tala’y patayin at di na kailangan;
Isilid pa ang buwan at baklasin ang araw;
Ibuhos yaong dagat at hiklatin ang gubat;
Wala na ngayong bagay ang hihigit, sasapat.
Alimbúkad: Empowering Filipino language through translation. Photo by Rene Asmussen on Pexels.com

Tagsibol ng Mapuputik na Daan, ni Joseph Brodsky

Salin ng tula ni Joseph Brodsky ng Russia at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tagsibol ng Mapuputik na Daan

Pinagbanyuhay ng ulan ang mga daan
na maging ilog.
Ikinarga ko ang sagwan
sa bagon.
Nilangisan ko ang kolyar ng kabayo,
ang suot-pangkaligtasan.
Para sa biglaang pangangailangan.
Maingat lang ako.

Kasingsutil ng landas
ang ilog.
Parang lambat-pangisda
ang anino ng itangan.
Ayaw tikman ng aking kabayo
ang sisidlan ng putikang sopas.
Tinanggihan iyon nang ganap
ng mga humahalakhak na gulong.

Hindi pa tagsibol, ngunit tila gayon
ang pakiramdam.
Kalat-kalat ang daigdig ngayon,
at balu-baluktot.
Ang mga gusgusing nayon
ay iika-ika.
Ang tanging tuwid lamang
ay ang nababatong mga sulyap.

Kumaskas sa bagon
ang mga sanga ng kalumpang.

Dumampi ang nguso ng kabayo ko
sa kaniyang suot-pangkaligtasan.
Sa itaas ng tigmak na batok ng aking
kabayo’y walong higanteng típol
ang lumilipad pa-hilaga.

Tumingin sa akin, o kaibigan,
o hinaharap:
Armado ng mga de-taling tadyang
at ng mga bakás,
nasa kalagitaan ng daan
tungo sa kalikasan—
sa edad kong dalawampu’t lima—
ako’y pakanta-kanta pa.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Himig ng Ulap, ni Shah Abdul Latif Bhittai

Salin ng bahagi ng klasikong tula ni Shah Abdul Latif Bhittai ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Himig ng Ulap

1
“Maulap ang langit!” ang sigaw ni Latif.
“Malakas ang ulan, pawalan sa párang
Ang kawan ng báka at dalhin ang gamit!
Mayroong pag-asa sa ating Maykapal!”

2
Hatid ng Maykapal ang ulap at ulan
Nang lupa’y madilig at ang mga damo’y
Sumupling sa lupa. Pagód na ang bayang
Lagalag! Ang ulan ang mithing saklolo.

3
Di sapat ang ulan, ang wika ni Sayyad,
Kung wala sa tabi ang tibok ng dibdib;
Mapusyaw ang mundo at sigla ay salát
Sa libong tag-ulan kung walang pag-ibig.

4
Mahal ko’y dumating at itong puso ko
Ay biglang gumaling; ang lahat ng aking
Dusa’t pagsasakit ay biglang yumao
Nang lumantad siyang marikit ang tingin.

5
Ang dasal ni Latif: Ulap sa hilaga’y
Wakasan ang hirap ng kaniyang bayan;
Tighawin ang uhaw ng dukha at lupa—
Tubig na sagana’y dumaloy na bukál.

6
Hilaga’y may dagim; ang ulán at unos
Ay magpapabaha sa landas ng nayon.
Hindi nawa ako iwang nagmumukmok
Ng sinisinta ko sa kung anong rasón.

7
Hilaga patungo ang huning tariktik,
Mga magsasaka’y dala yaong suyod;
Nagdiriwang silang pastol na makisig
Dahil kaibigan ang ulang bubuhos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Apoy at Ibong Pinalayas, ni Mazisi Kunene

Salin ng “Izinkondlo Zemililo” [Mga Tulang Sinilaban] at “Imbono Yasekudingisweni” [Pagbabalik ng Ibong Pinalayas] ni Mazisi Kunene, batay sa bersiyong Ingles ni Vusi Mchunu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA TULANG SINILABAN

Susundan kita nang hindi mo nakikita papaloob
Sa mga sagradong malig pababa sa bituka
Ng lupang naglilihim ng lumiliyab mong mga tula
Tatanawin ko sa malayo ang mga salitang tumatanglaw
Na parang bulalakaw sa kailaliman ng mga takipsilim

PAGBABALIK NG IBONG PINALAYAS

Napalungayngay ang ating sampanaw sa buhanginan ng dagat
Tahimik na tinanaw ang hampas at ampiyas ng alon sa baybay
Walang tinag na parang mga albatros na nagtinikling sa bahura
Nagkakaisa ang diwa, at balisang sumugod para sa kalayaan
Tiniktikan ng ating paninging dapithapon ang higanteng pipit
Na bumabalangkas ng landas na pasikot-sikot
Sa pinilakang linya ng mga nagbababalâng ulap
Isang malinaw na hudyat na ituloy ang panggabing martsa
Bawat tao’y umaasam ng mainit na dapugan sa loob ng bahay
Ang anino ng ibon ng kalayaan ay hinahatak tayo pa-Hilaga