Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Pulo ng mga Tainga, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Taingá

Roberto T. Añonuevo

Sa óras na sumakáy ka sa tunóg, asáhang makáraratíng ka sa Pulô ng mga Taingá. Kung ikáw ang tulâ, sasáilálim ka sa multíplikasyón, na ang kaluskós ay nagbábanyúhay na kalantóg na nagbábanyúhay lagabóg na nagbábanyúhay na dagudóg na paúlit-úlit na sumasábog sa loób ng útak at guníguní. Ang sitsít ay lálawiswís, sásagisít, hihíging, hahagunót, huhúgong na walâng pagkapágod ngúnit walâng pasúbalìng nághahanáp ng gatláng o tuldók. Ang bulóng ay lálaguklók, lálagunlóng, at gugúlong nang gugúlong na dumádagundóng hanggang magíng fluwídong tínig na warìng mulâ sa pistá o rámbol ng mga kalátong. Sa Pulô ng mga Taingá, ang alúnigníg ay máririníg ng mga paá at sasapól sa dibdíb; at anumáng pagyaníg ay masaságap tatlóng áraw bágo iyón maganáp káhit pa mílya-mílya mulâ sa iyó ang dístansíya. Kapág sumápit kang masamâng balità, ikálulugód iyán ng buông báyan sapagkát ináasáhan. Kapág sumápit kang mabúting balità, kákabahán ang buông báyan—sapagkat maáarìng magtagláy ka ng simetríya ng mga áyaw pakinggáng pahiwátig noóng úna pa man. Anó’t anumán, isasálin ka sa sarì-sarìng wikà, na maáarìng nása anyô ng oyáyi o dung-áw o pamatbát o tagumpáy, babalángkasín sa pámbihiràng gramatíka, pálalawígin sa mga pakáhulugán, at págtutuónan ng pansín na párang pagkalág sa paláisipán ng orakúlo at súbterráneong kodígo. Pag-íral mo’y isá nang katótohánan, sabíhin mang itó’y kabúlaánan. Pipikít ang mga táo ngúnit papások ka pa rin sa kaniláng pandiníg káhit sa óras ng panánagínip. Ipipínid ang mga labì, at isisilíd ka sa papél, at lalòng mabábagábag silá sa malamyós mong hímig. At sa bandáng hulí, kapág hindî na nilá káyang tiisíng mágtaingáng-kawalì sa iyóng áwit, kapág hindî na nilá káyang ipágpalíban pa ang tindíg mong bumábatingáw, kailángan niláng harapín ang iyóng pagdatíng. Pápaloób sa kaniláng kanáng taingá ang iyóng aníno at lalabás sa kaliwâng taingá ang iyóng hulagwáy—na isinísigáw nang buông lakás ang ngálan na iyóng hinahánap, pinánanábikán. Mábibingí sa katáhimíkan ang Pulô ng mga Taingá, at isúsukò nitó ang líhim sa ipinágkakaít na kalingà’t págmamahál.

Alimbúkad: Poetry Filipinas shattering global silence. Photo by Misha Voguel on Pexels.com

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Prowa at Kapanatagan, ni Tomas Tranströmer

Salin ng dalawang tula ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May Kapanatagan sa Prówang Pasuwag

(There Is Peace in the Surging Prow)

Mararamdaman sa umaga ng taglamig kung paano bumunsod ang mundo.
. . . . . . . . . . . . . .Sumasalpok sa dingding ang agos-hanging
lumalabas sa pinagtataguan.

Pinaliligiran ng paggalaw: ang tent ng kapanatagan.
At ang lihim na manibela sa migrasyon ng kung anong kawan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Kapritso

(Caprichos)

Dumidilim na sa Huelva: sumisipol ang maalikabok na palma at tren
sa nagkukumahog na paniking abuhing-puti.

Napuno sa mga tao ang mga kalye.
At ang babaeng nagmamadali sa lipon ng mga tao’y sinubok ang huling
. . . . . . . . . . . . . .  .liwanag sa timbangan ng mga mata niya.

Bukás ang mga bintana ng opisina: bughaw iyon. Maririnig ang yabag ng
. . . . . . . . . . . . . .  .kabayo sa loob.
Ang matandang kabayong may estampilyang mga paa.

Nahuhungkag ang mga kalye pagsapit ng hatinggabi.
Sa lahat ng opisina, madaranas sa wakas: bughaw yaon.
Doon sa itaas na espasyo:
Pakandi-kandirit nang tahimik, kumikislap at itim,
hindi nakikita at walang renda,
at itinilapon ang sarili nitong hinete:
Ang konstelasyon na tinagurian kong “Ang Kabayo.”

Alimbukad: World Poetry as hot as Philippine Coffee

 

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Gitara, ni Federico García Lorca

Salin ng “La guitarra,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Gitara

Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Nabasag ang mga kopa
ng madaling-araw.
Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Hindi ito mapatatahan.
Imposibleng
mapatahimik pa ito.
Monotomong iyak nito’y
gaya ng iyak ng tubig,
gaya ng iyak ng hangin
sa niyebeng pumapatak.
Humihikbi ito
sa malalayong bagay.
Nananambitan
sa mapuputing kamelya
ang mainit na timugang
buhanginan.
Humihikbi ito sa tudla
ng palaso sa kawalan,
sa gabing walang umaga,
at sa unang patay na ibon
sa sanga.
O gitara!
Pusong kay lalim tinusok
ng limang espada.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Ilahas na Lupain, ni T.S. Eliot

Salin ng The Burial of the Dead na unang bahagi ng “The Waste Land,” ni T.S. Eliot
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paglilibing ng Patay

. . . . . .Abril ang pinakamalupit na buwan, pinasusupling
Ang lila sa patay na lupain, pinaghahalo
Ang gunita at lunggati, pinupukaw
Sa ulan ng tagsibol ang marurupok na ugat.
Pinapag-alab tayo ng taglamig, tinatabunan
Ng ulyaning niyebe ang lupa, pinakakain
Ng mga tuyot na lamang-ugat ang búhay.
Ginulat tayo ng tag-araw, pagkagaling sa Starnbergersee,
Sa anyo ng tikatik ng ulan; huminto tayo sa balkonahe,
At naglandas sa sinag-araw, papaloob sa Hofgarten,
At uminom ng kape, at nag-usap nang isang oras.
Hindi ako Ruso, nagmula sa Litwanya, at tunay na Aleman.
Nang mga bata pa kami, habang naninirahan sa Artsiduke,
Sa aking pinsan, hinatak niya akong sumakay ng trineo,
At natakot ako. Aniya, Maria,
Maria, kumapit nang mahigpit! At dumausdos kami pababâ.
Sa mga bundok, doon mo madarama ang pagkamalayà.
Nagbasá ako, halos magdamag, at nagpatimog nang taglamig.

. . . . . .Anong ugat ang kumakapit, anong tangkay ang nupling
Mula sa walang silbing batuhang  ito? Anak ng tao,
Hindi mo masasabi ni mahuhulaan, dahil ang alam mo lámang
Ay talaksan ng baság na hulagway, na tinitibukan ng araw,
At ang tuod ay ni walang lilim, walang humpay ang kuliglig,
At ang tuyong bato ay walang himig ng tubig. Tanging naririto
Ang anino sa ilalim ng pulang bato,
(Halika sa lilim ng anino ng pulang bato),
At ipamamalas sa iyo ang kaibhan ng alinman
Sa iyong anino sa umaga na bumubuntot sa iyo
O ang anino mo sa gabi na bumabangon para salubungin ka;
Ipakikita ko sa iyo sa kuyom na alabok ang hilakbot.

…….. . . . . .Sariwa ang hihip
…….. . . . . .Ng simoy sa baláy,
…….. . . . . .Anak na Irlandes,
…….. . . . . .Saan mananahan?

‘Binigyan mo ako ng mga Tukál noong nakaraang taon;
‘Tinawag nila akong ang babaeng tukál.’
—Ngunit nang umuwi tayo, gabi na, mula sa harding tukál,
Kilik mo ang dalá, at basâ ang buhok, at nabigo akong
Umusal, at nanlabo ang aking paningin, hindi ako
Buháy o patáy, at wala akong alam,
Pagtitig tungo sa puso ng liwanag, ang katahimikan.
Tigang at hungkag ang dagat.

. . . . . .Si Ginang Sosostris, ang bantog na pithô,
Ay dinapuan ng matinding sipon, gayunman
Ay kilala na pinakamarunong na babae sa Ewropa,
Na hayop ang manghal ng baraha. Narito, aniya,
Ang baraha mo, ang nalunod na Fenisyong Marinero,
(Mga perlas ang kaniyang mga mata. Tingnan mo!)
Narito si Belladonna, ang Babae ng Batuhan,
Ang babae ng mga sitwasyon.
Heto ang táong may tungkong tungkod, heto ang Gulong,
At heto ang tinderong isa ang mata, at ang barahang ito,
Na blangko, ay ang bagay na kaniyang pinapasan,
Na ipinagbabawal sa aking masilayan. Hindi ko makita
Ang Binitay na Tao. Mangilag sa kamatayan sa tubig.
Nakikita ko ang lipon ng mga tao, naglalakad paikot.
Salamat sa iyo. Kapag nakita mo si Gng. Equitone,
Sabihin sa kaniyang dala-dala ko ang oroskopo:
Kailangang mag-ingat nang lubos sa panahong ito.

. . . . Guniguning Lungsod,
Sa lilim ng kalawanging ulop ng imbiyernong liwayway,
Umagos ang madla sa Tulay ng London, napakarami,
Hindi ko naisip na kinalag ng kamatayan ang napakarami.
Buntong-hiningang maiikli’t may patlang ang iniluwal,
At bawat tao’y ipinako ang mga mata sa mga paa niya.
Umapaw hanggang buról at pababa sa Kalye Haring William,
At doon si Santa Maria Woolnoth ay nakabantay sa oras
Na impit ang tunog pagsapit ng wakas na alas-nuwebe.
Nakita roon ang kilala ko, pinigil siya’t sumigaw: ‘Stetson!
‘Ikaw na kasama ko sa mga barko sa Mylae!
‘Ang bangkay bang itinanim mo noong nakaraang taon
Sa hardin mo’y sumibol na? Aalimbukad ba ngayong taon?
‘O ang biglaang pagyeyelo ang umistorbo sa kama nito?
‘Ilayo mo ang Aso, dahil kaibigan iyan ng mga tao,
‘O kakalaykayin muli ng mga kuko nito ang tábon!
‘Ikaw! Ipokritong propesor!—kasama ko,aking kapatid!’

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to Chinese occupation. No to Chinese aggression.

Ang Hatinggabi, ni Gabriela Mistral

Salin ng “La Medianoche,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hatinggabi

. . . . Banayad ang hatinggabi.
Naririnig ko ang mga buko ng rosal:
sumusulak ang dagta tungo sa ubod.

. . . . Naririnig ko
ang mga sunóg na guhit ng tigreng
maharlika: hindi nito pinahihimbing siya.

. . . . Naririnig ko
ang himig ng kung sinong nilalang
at lumalaganap ito sa magdamag
gaya ng bundok ng buhangin.

. . . . Naririnig ko
ang hilik at hinga ng ina kong natutulog.
(Kapiling ko siyang natutulog
sa loob ng limang taon.)

. . . . Naririnig ko ang Ródano,
na sakay ako padausdos gaya ng ama
na binulag ng mga bulâ.

. . . . Pagdaka’y wala akong maririnig
bagkus ako’y mahuhulog
pabulusok sa mga pader ng Arles
na sinisinagan ng araw. . . .

Mula kaliwa pakanan: Amansinaya Añonuevo, Joseph Ramos, Mikaela Vizcarra, Aaron Alvarez Biag, na pawang mga kasapi ng silangan guitar chamber orchestra.

Pagkaraan ni Balagtas, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ni Balagtas

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Gumuguho ang kastilyo nang dahil sa tula, ito ang palagay ng mga lamanlupa nang minsang bumigkas ng pangwakas na talinghaga ang kondenado sa harap ng bibitayan. Nagkakagulo sa buong bayan, lumalaganap na lason ang implasyon, napipitas na talulot ang mga sanggol sanhi ng salot, at naglalabo-labo ang mga palaboy sa natitirang pagkaing sinalakay ng madlang nanloob sa parian. Sa kabilang ibayo’y nakatanghod ang mga banyagang sasakyang pandagat, na ang pagkakahilera’y waring mga selulang lulan ang di-maipaliwanag na sakit. Ang tula ay nagkaroon ng bagwis, humuni ng nakatutulig na himig, pumaimbulog nang humahagunot, at sa kisapmata’y nayanig ang paligid nang paulit-ulit. Lumukob ang nakabubulag na alikabok, at walang ano-ano’y kumidlat at kumulog sa gitna ng tag-araw. Pagdaka’y naglaho ang tula sa loob ng ilang siglo, kasabay ng pagkamatay ng kondenado, at nang magbalik ito sa hinulaang sandali, ang tula ay nasa anyo ng rakistang bilugan ang tinig habang gumigitara nang kaytimyas sa sining, at ang alamis ay lungsod na lumulubog sa di-maireresiklong basurang diwain o kung hindi’y sangganong intelektuwal na hinahagad ng bala at batas ng awtoridad. Bawat tao na makaengkuwentro ang mga salita nito’y napahihiyaw at napasasayaw, waring nakatoma ng ayawaska, umiiyak-at-tumatawa na waring nalilibugan o nababaliw, at kung iyon ang itinuturing na kamalayan, ang kamalayan ay unibersong pumipintig sa loob ng isang paslit na katawan.

Yes to human rights. Yes to humanity.