Isa ako sa mga paslit noong dekada 70 na lumaki sa halina ng radyo. Hindi pa uso noon ang ipod, kompiyuter, selfon, at internet, dahil noong 1981 lamang ilulunsad ng IBM ang PC (Personal Computer) nito. Dekada 70 ang magluluwal ng mabibilis na pangyayari sa paglalakbay sa kalawakang pangungunahan ng Skylab; ang maghahatid ng pagkakatuklas sa subatomikong partikulo; ang magtatampok ng pagpapagalingan sa mga sasakyang panghihimpapawid; at ang magbubunsod ng iba pang pagsasanay gaya ng pagpapasabog ng bombang neutron at ganap na pagtukoy sa henetikong estruktura ng organismo.
Sa Filipinas, ang telebisyon noon ay hindi masasabing napakalakas ng saklaw, at iilan lamang ang estasyon sa pihitan. Mapagpipilian ang komiks, magasin, at pahayagan sa pagsagap ng kaalaman at impormasyon. Ngunit mananaig ang radyo sa lahat, dahil nasa radyo ang dinamikong dula, kuwento, balita, at tsismis na pawang aaliw at magtuturo sa mga tagapakinig. Tinig ng radyo ang papasok sa mga tahanan, at anumang alon nito ay magsasakay ng mga kagila-gilalas na pagsulong ng bagong sibilisasyon.
Isisilang ng dekada 70 ang makabagong pagdulog sa teatro, at ilan dito ang pagtatanghal ng gaya ng Mariang Makiling at Prinsesa Urduja na ang mga libreto’y isinulat ni Iñigo Ed. Regalado at nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura. Lilitaw din ang mga dula nina Rolando S. Tinio, Onofre Pagsanghan, at Bienvenido Lumbera habang mamumukod ang PETA (Philippine Educational Theater Association).
Ngunit panandalian ang gayong tagumpay. Igigiit ng radyo ang kapangyarihan nito at magiging mahigpit ang kompetisyon. At ang mga dating dulang ipinalalabas sa entablado ay naisalin sa radyo, gaya ng ipinamalas ng Broadcast Media Council. Ang BMC, na nilikha sa bisa ng Pampanguluhang Dekreto Blg. 576, ay nagtatanghal ng mga dulang panradyo. Ang nasabing mga dula’y hindi karaniwang soap opera na pulos iyakan o bakbakan, bagkus naglalahad ng mga epiko’t mitong gaya ng Hudhud, Indarapatra at Sulaiman, Biag ti Lam-ang, Humadapnon, at Ibalon.
Si Liwayway A. Arceo—na batikang mangangathang Tagalog at Filipino—ang sumulat ng naturang mga dula. Kalahating oras lamang ang laan sa pagtatanghal, kaya hinahati sa yugto-yugto ang kuwento. Piling-pili ang yugtong itatanghal, at may mga tagapagsalaysay na gaya ng mag-lolo ang sumusuhay sa kuwento upang maiugnay ang mga pangyayari sa kontemporaneong tagapakinig. Tinawag na “Kasaysayan ng Lahi” ang programa sa radyo, at isinahimpapawid sa DZBB-Channel 7. Mulang alas-seis ng gabi hanggang alas-diyes ng gabi, maririnig sa iba’t ibang oras sa sari-saring himpilan ng radyo sa buong kapuluan ang nasabing mga dula.
Si Lydia Collantes-Villegas, ang anak ng dakilang makatang si Florentino T. Collantes, ang naging tagapamagitan sa mga manunulat.
Nanghihinayang ako at wala na ang mga dulang panradyong naglalaan ng espasyo para sa ating mga epikong bayan. Inilapit ng gaya ni Arceo ang epiko sa karaniwang mamamayang salat sa oportunidad na makapagbasa ng aklat at makapasaliksik sa mga aklatan, at ang dating lalawaganing Hudhud o Darangen ay lumampas na sa hanggahang teritoryo nito at pumaloob sa pambansang antas. Naibalik din sa gunita ng taumbayan ang mga katutubong epiko kahit sa munting paraan.
Mapusyaw, wika nga, kung ikokompara ang Joaquin Bordado o Dyesebel o Kamandag o Lastikman sa mga pakikipagsapalaran nina Agyu, Aliguyon, Baltog, Lam-ang, at maraming iba pa. Ito ang nakakaligtaan ng mga manunulat sa telebisyon. Mayamang bukál ng kuwento ang mga epikong bayan at ang kinakailangan lamang ay balikan ang mga ito, titigang muli, isalaysay, at kung kinakailangan ay muling itanghal sa bagong anggulo, para sa kaluguran ng bagong manonood o tagapakinig.
Matatagpuan sa Ateneo de Manila University ang mga kuwento, tula, at epikong pabigkas, at kabilang dito ang Darangen, Hudhud, Ulaging, Ullalim, Hagawhaw, at Tultul. Sa aking palagay ay mabubulok lamang iyon sa imbakan ng Ateneo hangga’t walang tao na magsisikap na pag-aralan iyon. Makabubuti pang ipasok ang gayong datos sa isang malawakang websayt na Filipino nang madaling maabot ng karaniwang Filipino.
Hinuhulaan kong malapit nang mamatay ang radyo, at isa sa mga papatay dito ang cyberspace. Napakabilis ng pagbabago sa himpapawid, at kung mananatiling baryotiko ang pagdulog sa radyo, nakatakdang sapitin niyon ang masaklap na karanasang dinaanan ng pagsasara ng mga entablado sa iba’t ibang kapuluan. Haka-haka ko lamang ito, na maaari ninyong pabulaanan, susugan, o dagdagan para sa ikalilinaw ng taumbayan.